Pagkasumpong ng Kagalakan sa Kaloob na Pag-aasawa
“Ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao.”—MATEO 19:6.
1 Anong popular na mga salita ni Jesus ang kilalang-kilala sa Sangkakristiyanuhan, subalit anong mga tanong ang bumabangon may kaugnayan dito?
KILALA ba ninyo ang mga salitang iyan? Tiyak na kilala iyan ng angaw-angaw na mga tao sa Sangkakristiyanuhan, na bumubuo ng malaking bahagi ng populasyon ng daigdig, sapagkat iyan ang mga salita ng Panginoong Jesus nang siya’y nagsasalita sa relihiyosong mga Fariseo noong kaniyang kaarawan. Bagama’t ang mga pananalita ay maaaring kilala na ng marami, kumusta naman ang kahulugan ng pangungusap ni Jesus? Ang kahulugan ba ng ganiyang payo ay sinusunod ng karamihan ng tao? Tingnan natin.
2-4. (a) Ano ang kalagayan ngayon sa maraming bansa kung tungkol sa pagsunod sa payo ni Jesus sa Mateo 19:6? (b) Anong saloobin ang nahahayag buhat sa mga hindi sumusunod sa payo ng Bibliya tungkol sa pagiging permanente ng pag-aasawa?
2 Sa maraming bansa ngayon, hindi gaanong pinahahalagahan ng mga tao ang kaayusan ng pag-aasawa at ang pagpapatuloy niyaong mga pinagsama ng Diyos. Ang diborsiyo ay umabot na sa masasabing isang salot dahil sa karamihan sa bansa at bansa. Sa mga lupain na kung saan ang diborsiyo ay hindi legal na pinapayagan ng gobyerno, ang larawan ay pangit din, sapagkat sa gayong mga bansa malimit na naghihiwalay ang mag-asawa at nakikisama sa iba. Kaya’t ang magaling na payo ni Jesus sa Mateo 19:6 ay hindi sinusunod ng angaw-angaw na mga tao sa Sangkakristiyanuhan at saanman. Ito ba’y dahilan sa ang payo ni Jesus na ibinigay ay masama, o iyon ba’y dahil sa ang mga tao’y hindi nakikinig kay Jesus pagka siya’y nagsasalita, at hindi nila gaanong iniintindi ang payo ni Jesus sa bagay na ito?
3 Ang ebidensiya ay na ang isang malaking persentahe ng mga tao ay hindi naniniwala na ang pag-aasawa ay isang panghabang-buhay na kasunduan kung iyon ay nakahahadlang sa kanilang sariling istilo ng pamumuhay at mga hangarin. Sa gayong mga tao, ang pag-aasawa ay isa lamang pansamantalang kaayusan kung iyon ay nakahahadlang sa mga tunguhin, mga kagustuhan, o di mga kagustuhan ng isang tao. Kaya wari ngang kung paanong sindali na hubarin ang isang kasuotan o isang sombrero, ganoon din kadali hinihiwalayan ng iba ang kanilang asa-asawa, na hindi man lang iniisip saglit man ang payo na ibinigay ni Jesus sa mga pumapasok sa ugnayang mag-asawa.
4 Ngayong palasak ang saloobin na ginagawa-naman-iyon-ng-lahat, yaong mga nagnanais na sumunod sa mainam na payo ng Bibliya ay maaaring mahikayat na humiwalay sa mabuting turo ng Salita ng Diyos. Ang mainam na payo ay ibinibigay ng nakalimbag na pahina at nang bibigan, ngunit ang hindi pagsunod sa payo ng Bibliya ay maaaring humantong sa mga suliranin sa pag-aasawa. (Ihambing ang Awit 19:7-11.) Kung susundin natin ang saloobin na anumang bagay sa pag-aasawa na nakasasagabal sa ating istilo ng pamumuhay, sa ating mga kaluguran, sa ating mga hangarin, ay maaaring baguhin sa pamamagitan ng hindi natin pagsunod sa mga tagubilin ng Diyos tungkol sa pag-aasawa, kung gayon ay nanganganib tayo. Ang pagkakaroon ng ganiyang saloobin ay nagdadala sa atin nang harapan sa isa sa pinakamalaking suliranin ng sangkatauhan, yaong kaimbutan. Sapagkat sa karamihan ay ang kaimbutan ang pinaka-ugat ng mga suliranin sa pag-aasawa. Bakit natin masasabi iyan?
Ang Papel na Ginagampanan ng Kasalanan
5. Papaano sa Roma 7:15-20 nililiwanag ni Pablo ang problema na taglay natin dahilan sa tayo’y ipinanganak sa kasalanan?
5 Ang mga lalaki at mga babae, mga supling ni Adan at ni Eva, ay inianak sa kasalanan at di-kasakdalan. Ito’y nangangahulugan na dahilan sa pagmamana ng kasalanan, ang tao ay sumasala sa pamantayang marka at lumalabag sa kautusan ayon sa iba’t ibang antas. (1 Juan 3:4) Binanggit ni apostol Pablo ang mabigat na pasanin na iniaatang ng kasalanan sa sangkatauhan, sapagkat naranasan niya na gawin ang di niya ibig gawin at hindi naman niya ginagawa ang kailangang gawin. (Roma 7:15-20) Sinuman na kusang lumalabag sa kautusan ng Diyos ay mapag-imbot. Kung para sa mga ibang tao baka iyon ay kaimbutan sa bahagyang paraan lamang, subalit kung para sa iba baka iyon ay siyang istilo ng kanilang pamumuhay, at ang kanilang kaimbutan ay nagiging grabe.
6, 7. Ano ang dalawang problema sa pag-aasawa na ang dahilan ay kaimbutan, at umaakay sa atin sa anong makatuwirang tanong?
6 Sa kaayusan ng pag-aasawa na itinatag ng Diyos, kalimitan na’y ang kaimbutan ang pinaka-ugat ng suliranin sa pagitan ng dalawang nagsasamang mag-asawa. Ang babae na ibig na siya’y paglingkuran sa lahat ng sandali, gaya ng kasabihan, dahil sa baka siya naging gayon likha na rin ng pagpapalayaw sa kaniya ng kaniyang ina o ama, ay sa pasimula pa lamang mapag-imbot na. Ang lalaki naman na ibig magpatuloy sa buhay-binata, yaong palaging kasama ng “mga barkada” niya kahit may-asawa na, ay sa pasimula pa lamang mapag-imbot na. Pag-isipan ang lahat ng paraan na doo’y may mga di-pagkakasuwato ang mag-asawa at makikita mo na ang kaimbutan ang pinaka-ugat ng napakaraming mga suliranin.
7 Sa pagsisikap na harapin ang mga problema na napapaharap pagkatapos na mag-asawa ang isa, papaano niya pinagtatagumpayan ang likas na hilig na ito sa kaimbutan? Mayroong mga ilang bagay na maaaring gawin at, kung ikakapit, maaaring makatulong sa isang pagsasamahang mag-asawa na mabuway. Subalit ang bawat isa sa mag-asawa ay dapat na handang gawin ang kani-kaniyang bahagi. Kailangang magtulungan silang dalawa. Suriin natin ang ilan sa mga salik na kasangkot.
Kawalang-imbot sa Pag-aasawa
8. Paanong ang pag-aasawa ay pagbibigayan?
8 Ang pag-aasawa ay pagbibigayan, ibig sabihin alinman sa dalawang mag-asawa ay hindi maaaring magwalang-bahala sa isa’t isa at sabihin na habang isa sa kanila’y nagbibigay at yaon namang isa’y tumatanggap lahat ay lalabas na nasa ayos. Iyan ay hindi magbubunga ng ikapagpapala ng sinuman sa kanila. Halimbawa, ang mga kamag-anak ng kapuwa mag-asawa ay kailangan ding isaalang-alang. Ito’y hindi dapat na maging isang hadlang sa pagsasamahan ng mag-asawa, na anupa’t ang sariling mga magulang o iba pang mga kamag-anak ng isa sa mag-asawa ay isinasaalang-alang ngunit yaon naman sa isa ay hindi isinasaalang-alang. Tungkol sa kung saan magbabakasyon o maglilibang ang isang pamilya, iyan ay hindi dapat isa lang ang magpasiya. Ang maibiging pagpapakundangan sa iba sa ganiyang mga bagay ay tutulong na maging matagumpay ang pag-aasawa. Kailanman ay huwag mong ipagwawalang-bahala ang isa’t isa kundi magpakita ng kawalang-imbot.—Filipos 2:4.
Ang Edad Bilang Isang Salik
9. Anong nakalulungkot na mga resulta ang bunga ng isang di-gaanong pagpapahalaga sa pag-aasawa?
9 Dahilan sa umiiral na pangmalas ng marami na kabilang sa salinlahing ito na kung ang pag-aasawa’y hindi matagumpay ay maaaring tapusin ito sa diborsiyo o paghihiwalay, maraming mga kabataan ang nagsisimula na may ganiyang di-gaanong pagpapahalaga sa pag-aasawa. Ang paghihiwalay ng maraming mga nag-aasawang tin-edyer ang maaaring maging resulta at resulta nga nito. Isa pa ring resulta’y ang pagsisilang ng maraming mga anak sa labas sa daigdig na ito. Ang mga batang ito ay kalimitang lumalaki ng hindi man lamang nakakaranas na magkaroon ng isang ina at isang ama na matimyas na nagmamahalan at nangangalaga sa kanila.
10. Paanong ang Galacia 5:22, 23 ay makatutulong sa mga nag-iisip mag-asawa?
10 Ano ang dapat na edad ng isang tao bago niya pag-isipan ang pag-aasawa? Hindi isang katalinuhan ang gumawa ng mga alituntunin tungkol sa bagay na ito. Gayunman ang Kasulatan ay nagbibigay ng mabuting payo tungkol sa kung ano ang mental (o pang-isip) at espirituwal na pagkamaygulang—ang pagkamaygulang na kailangan sa mga mag-aasawa. Pakisuyong basahin ang Galacia 5:22, 23, na doo’y makikita mo na iniisa-isa ang mga bunga ng espiritu. Maingat na suriin ang bawat isa sa mga bungang iyan na binanggit doon. Iyan ang mga katangian na kailangang pagyamanin ng isang tao sa kaniyang buhay. Hindi pagkatapos mag-asawa dapat magsimula ang isang tao ng pagpapakita ng ganiyang mga katangian kundi maluwat pa bago nito sa kaniyang pang-araw-araw na pamumuhay bilang isang Kristiyano.
11. Anong pagsusuri sa sarili ang maaaring gawin ng mga nagbabalak mag-asawa?
11 Halimbawa, ikaw ba ay isang tao na masayahin sa buhay, naliligayahan na maging buháy, naglilingkod sa mga kapakanan ng Kaharian ni Kristo? Ikaw ba ay may mapayapang kaugnayan sa mga iba, nagsisikap na mapairal ang mapayapang relasyon sa kanila? O ikaw ba ay palaaway, may ugaling magsiklab ng galit at magsalita ng masama? Ikaw ba ay matiisin, na nagpapasensiya sa mga kahinaan ng iyong kapatid, ina o ama? O ikaw ba ay mapusok at madaling magalit kung ang iba’y hindi agad-agad tumutugon sa ibig mo? Ikaw ba’y nagpapakita ng kabaitan sa iba sa iyong pakikitungo sa kanila, mahinahon at gumagawa ng mabuti sa kanila? O ikaw ba’y mapag-imbot, laging nakapako ang isip sa sarili, walang pagtitimpi, agad-agad gaganti sa iba sa bahagyang di-pagkakaintindihan? Ikaw ba ay may tunay na pag-ibig sa iba, nagnanais na tulungan sila, nagpaparaya, isinasakripisyo ang iyong sarili at pati iyong mga ari-arian upang magdulot ng kaligayahan sa iba? O ibig mo bang ang iba’y magpakita sa iyo ng pag-ibig, na sila ang laging nagbibigay sa iyo buhat sa kanilang mga ari-arian?
12. Ang lalaki o ang babae na ang buhay ay hinubog bago mag-asawa ay may anong bentaha?
12 Tamang sabihin na walang isa man sa atin ang mayroon ng mga katangiang ito sa sakdal na paraan. Gayunman, ang lalaki o ang babae na sa mga ilang taon ng buhay ay nahubog ang pamumuhay, at nagkaroon ng pagkakataon na pagyamanin ang ganiyang espirituwal na mga katangian, ay nasa mainam na katayuan na magtagumpay sa pag-aasawa—isang lalong mainam na katayuan kaysa taglay ng taong hindi nagsimulang nagsikap na paunlarin ang mga bungang ito ng espiritu kundi pagkatapos lamang na mag-asawa.—Ihambing ang 2 Pedro 1:5-8.
13, 14. (a) Anong pagkakataon ang dulot ng paglipas ng panahon kung tungkol sa pagpapaunlad ng espirituwalidad? (b) Ano ang maaaring gawin ng mga magulang upang tulungan ang kanilang mga anak?
13 Bakit hindi taimtim na suriin ang inyong sarili, ang inyong mga kagustuhan at mga di-kagustuhan? Hindi mo ba nakikita na ang iyong pagpapahalaga sa buhay ay lalong pinagyaman ng paglipas ng panahon? Taglay mo ba ang ganoon ding pagpapahalaga nang ikaw ay edad 13 kaysa noong ikaw ay edad 5, o ang ganoon ding pagpapahalaga sa edad 20 kaysa noong ikaw ay edad 13? Ang iyo bang pagkaunawa at pagpapahalaga sa buhay ay lumawak o umurong pa pagkatapos na magtamo ka ng lalong higit na mga karanasan noong lumipas na mga taon? Ikaw ba ngayon, bilang isang taong maygulang na, ay humahanap ng ganoon ding mga katangian sa mga tao kaysa noong ikaw ay isang bata? Hindi baga kadalasa’y totoo na ang “tanging” lalaki sa buhay ng isang babae kung siya’y 16 o 17 anyos ay malaon nang nakakalimutan pagkatapos na siya’y lumaki hanggang sa maging ganap na babae at higit na magpahalaga sa isang lalaki na may maka-Diyos na mga ugali at personalidad? Ang kaniyang pangmalas sa edad na 22 o 23 anyos ay malamang na nakapako nang higit sa espirituwal, mental, at emosyonal na mga katangian ng isang lalaki kaysa pisikal na kagandahan. Ganiyan din ang masasabi kung para sa isang binatilyo na lumalaki tungo sa ganap na pagkalalaki. Ang kaniyang mga pag-asa at mga naisin tungkol sa magiging asawa ay nahuhusto habang siya’y gumugulang. Sa pagkakaedad niya, samantalang nagbabago ang mga bagay na minamahalaga, ang kaniyang hahanapin na magiging asawa ay isang tao na maunawain at mabait, na may kakayahan na maging isang tagapag-asikaso ng tahanan at isang ina, at sa kaniyang puso ay mayroong taimtim na hangarin na palugdan unang-una ang kaniyang Maylikha, si Jehova, at gawin ang kaniyang kalooban.—Kawikaan 31:10, 26, 27.
14 Ang punto rito ay na dahil sa panahon ay nababago ang pangmalas ng isang tao sa mga bagay na mahalaga. Kung gayon, ang pag-aapura ng pag-aasawa sa kabataang edad ay maraming panganib. Baka hindi posible na himukin ang dalawang kabataan na maghintay ng ilang panahon bago pumasok sa pag-aasawa. Subalit ang mga magulang, lalo na sa mga taon na nasa kabataan ang kanilang mga anak, ay maaaring humimok sa kanila na dibdibang pag-isipan ang tungkol sa buhay, ang tungkol sa paghahanda sa pag-aasawa sa paraang espirituwal, emosyonal, at mental bago pag-isipan ang pumasok sa panghabang-buhay na pakikipagkasundong pakasal sa isang indibiduwal sa hirap o sa ginhawa.
15. Yamang ang pag-aasawa pagka ang isa’y may-edad na ay hindi siyang laging kasagutan sa lahat ng problema, anong payo ang ibinibigay tungkol sa pananatiling may tamang pangmalas?
15 Hindi ibig sabihin na ang pag-aasawa pagka ang isa ay may-edad-edad na ang siyang ganap na kasagutan. Maaaring magkaroon din ng mga problema kahit sa panahong iyon, lalo na kung ang saloobin ng kaimbutan ay papayagan na magkaugat at paghiwalayin ang damdamin ng dalawang mag-asawa. Ang mental, emosyonal, at espirituwal na pangangailangan ng bawat isa sa mag-asawa ay kailangang isaalang-alang. May mga Kristiyano na lubusang napadala sa kanilang hanapbuhay, at nakalimutan na ang gawain sa kongregasyon, kasali na ang pagdalo sa mga pulong at pakikibahagi sa gawaing pangangaral at paggawa ng alagad. Pagkatapos ay sinisikap nilang masapatan ang inaakala nilang kakulangan sa kanilang buhay sa pamamagitan ng labis na pagkahilig sa paglilibang. Waring inaakala nila na habang sila’y okupado sa nasabing mga bagay, medyo malulutas ang kanilang mga problema para sa ngayon, at pagkatapos sa Bagong Kaayusan ng mga bagay saka nila sisikaping masapatan ang pangangailangang emosyonal, mental, at espirituwal ng bawat isa. Subalit hindi ganiyan gumagana ang buhay. Ipinayo ni Pablo na ang isang lalaki ay dapat mag-asikaso sa kaniyang asawa gaya ng pag-aasikaso niya sa kaniyang sariling katawan. (Efeso 5:28) Iyan ay nangangahulugan ng pagbibigay-pansin ngayon sa mga pangangailangan ng kaniyang asawa, gaya ng kung papaanong sa araw-araw ay nagbibigay-pansin siya sa kaniyang sariling mga pangangailangan. Ganiyan din ang dapat gawin ng babae.
Isang Timbang na Pangmalas sa Buhay May-asawa
16-18. (a) Bakit ang timbang na pangmalas sa buhay at sa pag-aasawa ay kinakailangan, at ano ang ipinapayo sa atin kung tungkol sa ating mga kagustuhan at iba pang mga pangangailangan? (b) Bakit mabuti na pag-isipan ang ganiyang mga bagay bago ka mag-asawa?
16 Ang isang timbang na pangmalas sa buhay ay tutulong sa isang timbang na pangmalas sa pag-aasawa. Nababatid ng taong may timbang na pangmalas na dahilan sa minanang mga hilig sa kaimbutan siya sa lahat ng panahon ay kailangang magsumikap na mapagtagumpayan ang gayong mga kahinaan. Napakadali na iwaglit sa isip ang pangangailangan ng iba at unahin ang personal na mga kagustuhan ng isang tao. Nais ng isang munting bata na mapasa-kaniya ang lahat ng laruan at karaniwan na, kung hindi wastong nasanay ng mga magulang, kaniyang ipagkakait ito sa iba. Pagka siya’y nagkaedad na, ang kaniyang kaimbutan ay makikita sa mga iba pang larangan. Kaya naman malimit na makikita natin na ang mga tin-edyer at mga taong nasa kabataan pa ay naghahangad na gawin ang mga bagay-bagay ng ayon lamang sa kanilang sariling mga paraan, at sa kanilang pagsisikap na masapatan ang kanilang mga kagustuhan, hindi nila iniintindi kung ang mga iba ay masaktan o mahirapan. Sa kalaunan pagsapit sa mga taon ng pagkamaygulang, ang gayong mga tao ay laging naghahangad ng kanilang gusto, at hindi na nila iniintindi bahagya man ang pangangailangan ng iba.
17 Ang taong timbang ay hindi naman lubusang magkakait sa sarili niya, kundi kaniyang aaregluhin ang kaniyang sariling pamumuhay upang maisaalang-alang din naman ang mga iba. Kaniyang itatanong kung ano ang maaari niyang gawin upang matulungan ang iba, upang maihandog niya ang kaniyang sarili at ang anumang mayroon siya upang pakinabangan ng iba. Hindi niya ipipilit na ang kaniyang paraan ang sunding una, huli, at sa tuwina. Ang aklat ng Kawikaan ay nagsasabi: “Ang kaluluwang mapagbigay ay tataba, at siyang nagdidilig nang sagana ay didiligin din nang sagana.”—Kawikaan 11:25.
18 Ang pagsunod sa ganiyang landasin kung ang isang tao ay wala pang asawa ay magiging lubhang kapaki-pakinabang pagtatagal pagka siya ay nag-asawa na. Ang kaniyang asawa ay lagi niyang isasaalang-alang sa anumang mga disisyon na ginagawa. Imbis na isiping ang pag-aasawa ay isa lamang pagsubok o isang pansamantalang kaayusan, ang pag-aasawa ay mamalasin ng gayong tao bilang isang permanenteng kaayusan na sumaisip ng Diyos na Jehova nang kaniyang pag-isahin ang unang mag-asawa sa Eden. (Genesis 2:22-24) Sa bawat pagkakataon, sisikapin nilang mapanatili ang pagsasama nilang mag-asawa, magtutulungan sa isa’t isa, habang silang dalawa’y gumugulang sa pagpapahalaga sa Diyos at sa isa’t isa.
Bilang Buod
19-21. (a) Paano natin masisiguro na ating mamalasin ang pag-aasawa hindi lamang bilang isang pagsubok? (b) Ano ang dapat isaisip ng lahat ng tao, bata man o matanda, na naghahangad ng tunay na kaligayahan sa pag-aasawa?
19 “Ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao.” Oo, ang mga salitang payo ni Jesus na iyan ay punô ng kahulugan para sa tunay na Kristiyano. Ang pag-aasawa ay hindi isang pagsubok na maaaring iwaksi kung masumpungan ng isa na ito’y mahirap. Sa tuwina’y kailangang daigin natin ang di-sakdal na laman upang masupil ang hilig sa kaimbutan at sa gayo’y kamtin ang pagsang-ayon ng Diyos. (Ihambing ang Roma 7:21-25.) Upang maging tagumpay ang kasunduan sa pag-aasawa, ang kapuwa mag-asawa ay kailangang matutong magbigayan, maglaan at paglaanan, at huwag ipagwalang-bahala ang isa’t isa.—Efeso 5:21-23, 28, 33.
20 At bagaman hindi maaaring igiit ang anumang takdang edad bilang isang batas para sa isang taong ibig mag-asawa, maliban sa itinakda ng gobyerno bilang legal na edad, bawat isa ay tunay na magsasaisip ng pangangailangan na sumulong sa espirituwal kasuwato ng sinasabi ng Galacia 5:22, 23, upang maging isang kuwalipikadong asawa. Tunay na binabago ng panahon ang pangmalas ng isang tao. Kung gayon, walang sinuman na dapat magpadalus-dalos sa pag-aasawa. Una, hayaang pagyamanin ng isang tao ang personalidad na Kristiyano upang mapahanda siya nang husto sa pag-aasawa. At huwag kailanman kalilimutan na hindi dapat paghiwalayin ng sinuman ang mga pinagsama ng Diyos.—Mateo 19:4-6.
21 Sa pamamagitan ng timbang na pangmalas sa buhay at pagkatapos ay sa pag-aasawa, ang isang tao ay makakasumpong ng tunay na kagalakan at kaligayahan sa kaayusan na ang Diyos na Jehova mismo ang nagtalaga para sa lalaki at babae, gaya ng ipinakikita ng unang pag-aasawa sa Eden. (Kawikaan 5:18) Subalit ano ang maaaring higit na gawin pa ng isa sa kaniyang buhay upang patunayan na siya ay handa na gampanan ang papel ng isang asawa? Pakisuyong basahin ang kasunod na artikulo may kinalaman sa personalidad ng mga lalaki at mga babaing Kristiyano.
Bilang repaso, paano mo sasagutin ang sumusunod?
◻ Anong mga saloobin tungkol sa pag-aasawa ang dapat na iwasan?
◻ Paano maaaring daigin ng mga mag-asawa ang likas na hilig sa pagkakasala?
◻ Bakit ang mga kabataang Kristiyano ay hindi dapat magpadalus-dalos sa pag-aasawa?
◻ Anong timbang na pangmalas sa buhay may-asawa ang ipinapayo?