Inaring Matuwid “Ukol sa Buhay”
“Sa pamamagitan ng isang gawa ng katuwiran . . . sila ay inaaring matuwid ukol sa buhay.”—ROMA 5:18.
1. Sino ang nagugutom at nauuhaw sa katuwiran, at paano sasapatan ang kanilang hangarin?
“MALIGAYA ang mga nagugutom at nauuhaw sa katuwiran, sapagkat sila’y bubusugin.” (Mateo 5:6) Ang ganiyang pagkauhaw sa katuwiran ay lubusang sasapatan hindi lamang para sa mga nauukol sa “kaharian ng langit” kundi pati sa mga “magmamana ng lupa.” (Mateo 5:10; Awit 37:29) Ang dalawang uring iyan ay may bahagi sa pag-asang binanggit ni apostol Pedro nang siya’y sumulat: “Mga bagong langit at isang bagong lupa ang hinihintay natin ayon sa pangako [ng Diyos], at sa mga ito’y tatahan ang katuwiran.” (2 Pedro 3:13) Oo, ang Diyos na Jehova ay nangako ng isang matuwid na bagong makalangit na pamahalaan, “ang kaharian ng mga langit,” at isang matuwid na “bagong lupa,” o lipunan ng mga tao sa isang lupang paraiso.
2. Anong ugnayan mayroon sa pagitan ni Jehova, ng katuwiran, at ng ating pag-asa na mabuhay sa isang mapayapang Bagong Kaayusan?
2 Ano nga bang talaga ang matuwid na mga bagong langit at isang matuwid na bagong lupa? Ito’y nangangahulugan na kapuwa ang bagong makalangit na pamahalaan at ang sangkatauhan na nasa lupa at pinamamahalaan nito ay kailangang kumilala sa pamantayan ng Diyos ng matuwid at masama. Nasa kay Jehova “ang tahanang dako ng katuwiran.” (Jeremias 50:7) Ang katuwiran ang mismong pundasyon ng kaniyang soberanya, o kinaroroonan ng kaniyang trono sa sansinukob. (Job 37:23, 24; Awit 89:14) Upang magkaroon ng kapayapaan sa sansinukob, kailangang kilalanin ng mga nilalang ni Jehova ang kaniyang karapatan na magtatag ng mga pamantayan ng kung ano ang matuwid at kung ano ang masama. Sa kabaligtaran, ang ating pag-asa na mabuhay sa isang matuwid na Bagong Kaayusan ay depende sa pagsunod ni Jehova sa kaniyang mga pamantayan.—Awit 145:17.
3. Dahilan sa lubusang pagkamatuwid ni Jehova, anong tanong ang sumasa-isip?
3 Kaya bumabangon ang tanong na kung paano ang banal at matuwid na Diyos na si Jehova ay nakikitungo sa di-matuwid na mga makasalanan. (Ihambing ang Isaias 59:2; Habacuc 1:13.) Paanong siya, samantalang sumusunod sa kaniyang matataas na pamantayan ng katuwiran, ay pumipili buhat sa mga makasalanan ng mga may bahagi sa matuwid na pamahalaan ng “mga bagong langit” at kaniyang tinatanggap bilang kaniyang mga kaibigan yaong magiging bahagi ng matuwid na “bagong lupa”? Upang masagot ito, kailangang maunawaan natin ang doktrina ng Bibliya na pag-aaring ganap, o pag-aaring matuwid.
Isang Maawaing Kaayusan ng Pagbabayad-Utang
4. Bakit ang nagkasalang sangkatauhan ay may malaking pagkakautang sa Diyos, at bakit hindi tayo makabayad sa pagkakautang na ito?
4 Sa Kasulatan, ang mga kasalanan ay inihahalintulad sa mga pagkakautang. (Tingnan ang Mateo 6:12, 14; 18:21-35; Lucas 11:4.) Lahat ng tao ay mga makasalanan at, kung gayon, may malaking pagkakautang sa harap ng Diyos. “Ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan.” (Roma 6:23) Yamang sila’y “naipagbili sa kasalanan” ng kanilang ninunong si Adan, ang kaniyang mga inapo ay walang magagawa upang mabayaran ang napakabigat na utang na ito. (Roma 7:14) Tanging ang kamatayan ng may-utang ang makapagtatakip nito, “sapagkat ang sinumang namatay na ay pinawalang-sala na sa kaniyang kasalanan.” (Roma 6:7) Kahit na anong mabubuting gawa ng isang makasalanan sa panahong ikinabubuhay niya ay hindi makapagbabalik-muli ng naiwala ni Adan, ni makapagbibigay sa kaniya ng isang matuwid na katayuan sa harap ng Diyos.—Awit 49:7, 9; Roma 3:20.
5. Paano naglaan si Jehova ng pambayad para sa nagkasalang sangkatauhan bagaman iginagalang pa rin ang kaniyang sakdal na katarungan?
5 Paano nga makapaglalaan si Jehova ng pambayad para sa nagkasalang sangkatauhan nang hindi ikinukumpromiso ang kaniyang mga pamantayan ng katuwiran? Ang sagot ay nagtatampok sa karunungan at di-sana-nararapat na awa ni Jehova. Maganda ang pagkapaliwanag nito ni apostol Pablo sa kaniyang sulat sa mga taga-Roma. Sinabi niya: “Isang kaloob na walang bayad ang pag-aaring matuwid sa kanila [na mga makasalanan] sa pamamagitan ng di-sana-nararapat na awa na dumating dahil sa katubusan na binayaran ng pantubos ni Kristo Jesus. Inilagay siya ng Diyos na maging handog na pantakip-kasalanan sa pamamagitan ng pananampalataya sa kaniyang dugo. Ito’y upang maipakilala ang kaniyang sariling katuwiran, dahil sa pagpapatawad niya sa mga kasalanang nagawa noong nakalipas habang nagiging matiisin ang Diyos; upang maipakilala ang kaniyang katuwiran sa kasalukuyan, upang siya’y maging matuwid gaya ng pag-aaring matuwid niya sa taong may pananampalataya kay Jesus.”—Roma 3:24-26.
6. (a) Paanong ang mga pamantayan ni Jehova ng katarungan ay natumbasan ng hain na inihandog ni Kristo, at sa ganoo’y ano ang handa si Jehova na gawin? (b) Paano maibibilang ng Diyos na matuwid ang taong may pananampalataya?
6 Dahilan sa kaniyang di-sana-nararapat na awa, tinanggap ni Jehova ang hain ni Jesus alang-alang sa mga inapo ni Adan. (1 Pedro 2:24) Ito’y isang katumbas, o kabagay, na hain upang, bilang isang sakdal na tao, maibalik ni Jesus ang iniwala ng sakdal na taong si Adan. (Tingnan ang Exodo 21:23; 1 Timoteo 2:6.) Ngayong natumbasan na ang katarungan, ang maibiging si Jehova ay handa nang “pawiin,” o ‘burahin,’ ang mga kasalanang ibinibilang sa “taong may pananampalataya kay Jesus.” (Isaias 44:22; Gawa 3:19) Kung ang gayong tao ay mananatili sa pananampalataya, siya’y hindi na ‘ibinibilang na makasalanan’ ni Jehova kundi Kaniyang aktuwal na ibinibilang na matuwid. (2 Corinto 5:19) Sa pamamagitan ng maawaing kaayusang ito ng pagbabayad-utang, ‘marami ang naibilang na matuwid.’ (Roma 5:19) Ito ang isang bahagi ng pag-aaring ganap, ang gawa ng Diyos na sa pamamagitan niyaon ang isang tao ay ibinibilang na di-makasalanan. (Gawa 13:38, 39) Sino ba yaong mga inaaring ganap, o inaaring matuwid, sa panahon ng sistemang ito ng mga bagay?
144,000 “Mga Banal”
7. Sa paano inaring matuwid si Kristo, at ano samakatuwid ang naging posible?
7 Natural, si Jesus ay hindi na kailangang ibilang na matuwid, yamang siya’y talagang matuwid. (1 Pedro 3:18) Pagkatapos na magpatunay na tapat hanggang kamatayan bilang isang sakdal na tao (“ang huling Adan”) at isakripisyo ang kaniyang karapatan sa buhay sa lupa, si Jesus ay binuhay ng kaniyang Ama, si Jehova. Si Jesus ay “inaring-matuwid sa espiritu,” samakatuwid nga, ipinahayag na talagang matuwid sa ganang sarili niya at binuhay bilang “isang nagbibigay-buhay na espiritu.” (1 Corinto 15:45; 1 Timoteo 3:16) Sa pamamagitan ng kaniyang sakripisyong kamatayan, inilaan niya ang saligan upang maibilang ni Jehova na matuwid ang mga taong may pananampalataya.—Roma 10:4.
8, 9. (a) Sino ang mga unang nakikinabang bilang mga inaring matuwid, at bakit? (b) Sino ang bumubuo ng “mga bagong langit,” at sa ano sila maghahari?
8 Makatuwiran, yaong mga pinipili ni Jehova na maging bahagi ng matuwid na “mga bagong langit,” o pamahalaan ng Kaharian sa ilalim ng Haring Jesu-Kristo, ang unang lubusang makikinabang sa maawaing kaayusang ito sa sistemang ito ng mga bagay. Sa aklat ng Daniel ay inilalarawan ang seremonya sa langit na sa pamamagitan niyaon si Kristo, ang Anak ng tao, ay tumatanggap ng “kapangyarihang magpuno at ng kaluwalhatian at ng kaharian,” upang “ang mga bayan, mga grupo ng mga bansa at mga wika [sa lupa] ay maglingkod na lahat sa kaniya.” At ipinakikita ni Daniel na “ang kaharian at ang pagpupuno” ay ibinibigay rin sa “mga banal ng Kataas-taasan,” si Jehova.—Daniel 7:13, 14, 18, 27; ihambing ang Apocalipsis 5:8-10.
9 Ang bilang ng “mga banal” na magpupunong kasama ng Korderong si Jesu-Kristo sa makalangit na Bundok Sion ay 144,000, “na binili sa sangkatauhan.” (Apocalipsis 14:1-5) Ang mga ito, kasama ni Kristo, ang bumubuo ng matuwid na “mga bagong langit” sa bagong sistema ng mga bagay ni Jehova.
Ibinibilang na Matuwid—Paano at Bakit?
10. (a) Aling aklat ng Bibliya ang pinakamaliwanag tungkol sa pag-aaring ganap, at kanino ito isinulat? (b) Sino ang mga pangunahing kasangkot sa doktrina ng Bibliya ng pag-aaring ganap?
10 Ang aklat ng Bibliya na pinakamaliwanag marahil tungkol sa pag-aaring matuwid ng Diyos sa mga tao ay ang liham ni Pablo sa mga taga-Roma. Kapuna-puna, ang liham na ito ay para sa mga “tinawag na maging banal.” (Roma 1:1, 7) Ito ang nagpapaliwanag kung bakit ang doktrina ng “pag-aaring ganap,” o pag-aaring matuwid, na ipinaliwanag ni Pablo, ay ginagamit may kaugnayan sa 144,000 “mga banal.”
11. Anong kaugnayan mayroon ang pananampalataya, mga gawa, at pag-aaring ganap?
11 Ang idiniriin ng pangangatuwiran ni Pablo sa Roma ay na maging Judio man o Gentil ay hindi maaaring magkaroon ng isang matuwid na katayuan sa harap ng Diyos sa pamamagitan ng mga gawa, gawin man ito na kaayon ng Kautusang Mosaiko o dahil sa paggalang sa likas na batas sa moral. (Roma 2:14, 15; 3:9, 10, 19, 20) Ang Judio at Gentil ay maaari lamang ariing matuwid salig sa pananampalataya sa haing pantubos ni Kristo. (Roma 3:22-24, 29, 30) Gayunman, ang payo sa mga huling kabanata ng Roma (12-15) ay nagpapakita na ang gayong pananampalataya ay kailangang may kasamang mga gawang maka-Diyos, gaya ng ipinaliliwanag din ni Santiago. (Santiago 2:14-17) Ang gayong mga gawa ay nagpapatunay na ang inaring-ganap na Kristiyano ay may pananampalataya na isang patiunang kahilingan para siya’y ariing ganap ng Diyos.
12, 13. (a) Bakit ang 144,000 “mga banal” ay kailangang ariing matuwid? (b) Ano ang kanilang ginagawa sa mga karapatan sa buhay na kanilang tinatanggap?
12 Gayunman, sa anong dahilan ang mga Kristiyano “tinatawag na maging mga banal” ay kailangang ariing matuwid? Dito pumapasok ang ikalawang pitak ng pag-aaring ganap, ang pagpapahayag ng Diyos na ang isang tao’y karapat-dapat sa buhay bilang Kaniyang sakdal na anak na tao. Dahilan sa bahaging ginagampanan nila sa matuwid na “mga bagong langit,” ang 144,000 ay kailangang magtakwil at magsakripisyo magpakailanman ng anumang pag-asa sa buhay na walang hanggan sa lupa. (Awit 37:29; 115:16) Sa diwang ito sila ay namamatay ng isang sakripisyong kamatayan. Kanilang ‘ipinasasakop ang kanilang sarili sa kamatayan na gaya ng kay Kristo.’—Filipos 3:8-11.
13 Ngayon, kaayon ng simulain na nasa Kautusang Mosaiko, anumang sakripisyo na inihahain kay Jehova ay kailangang walang depekto. (Levitico 22:21; Deuteronomio 15:21) Ang 144,000 “mga banal” ay tinutukoy na “ang mga matuwid na pinasakdal.”—Hebreo 12:23.
Inaampon Bilang Espirituwal na mga Anak
14, 15. (a) Anong pagbabago may kaugnayan sa kasalanan ang dinaranas ng 144,000? (b) Sa paano sila binubuhay tungo sa “panibagong buhay”?
14 Samantalang sila’y nabubuhay pa sa laman, ang “mga matuwid” na ito ay dumaranas ng isang makasagisag na kamatayan. Ganito ang paliwanag ni apostol Pablo: “Tayong mga patay na sa pagkakasala, paano nga tayo mamumuhay pa riyan? O hindi baga ninyo nalalaman na tayong lahat na nabautismuhan kay Kristo Jesus ay nabautismuhan sa kaniyang kamatayan? Kaya’t tayo’y nalibing na kalakip niya sa pamamagitan ng ating pagkabautismo sa kaniyang kamatayan, upang, kung paanong si Kristo ay binuhay sa mga patay sa pamamagitan ng kaluwalhatian ng Ama, tayo man naman ay makalakad sa panibagong buhay . . . sapagkat nalalaman natin na ang ating datihang pagkatao ay napabayubay na kasama niya, upang ang ating makasalang katawan ay huwag nang makapanaig pa, at nang tayo’y huwag nang magpatuloy na mga alipin ng kasalanan. Sapagkat ang namatay ay pinawalang-sala na sa kasalanan niya.”—Roma 6:2-7.
15 Sa panahon na sila’y nabubuhay bilang mga tao, ang 144,000 “mga banal,” na isang munting nalabi lamang ang narito pa sa lupa sa panahong ito ng kawakasan, ay ‘patay na sa pagkakasala.’ Pagkatapos ng kanilang makasagisag na pagkamatay, yaong mga “tinawag na maging mga banal” ay binubuhay sa “panibagong buhay.” Pagkatapos na sila’y ariing matuwid, si Jehova ay nasa katayuan na ianak sila sa pamamagitan ng kaniyang espiritu upang maging kaniyang espirituwal na “mga anak.” Sila’y “ipinanganganak muli” at inaampon bilang “mga anak ng Diyos.” (Juan 3:3; Roma 8:9-16)a Sila’y nagiging espirituwal na mga Israelita at inilalakip sa bagong tipan.—Jeremias 31:31-34; Lucas 22:20; Roma 9:6.
Mga Tagapagmana ng Pagkasaserdote at Pagkahari
16. Sa ano nagiging mga tagapagmana ang 144,000 “mga banal”?
16 Bilang inampon na espirituwal na “mga anak” ng Diyos, ang 144,000 “mga banal” ay nagiging ‘mga tagapagmana’ rin. (Galacia 4:5-7) Sumulat si Pablo sa kaniyang kapuwa Kristiyanong mga inianak sa espiritu: “At kung mga anak, samakatuwid, mga tagapagmana rin tayo: mga tagapagmana nga ng Diyos, ngunit mga kasamang tagapagmana ni Kristo, kung magtitiis tayo nang sama-sama upang luwalhatiin din tayo nang sama-sama.” (Roma 8:17) Ano ang mana ni Kristo? Siya’y ginawa ni Jehova na isang Haring-Saserdote “ayon sa pagkasaserdote ni Melquisedec magpakailanman.” (Hebreo 6:19, 20; 7:1) Bilang “mga kasamang tagapagmana” ni Kristo, ang inianak sa espiritung mga Kristiyano ay pinahiran din naman ni Jehova bilang espirituwal na mga saserdote. (2 Corinto 1:21; 1 Pedro 2:9) Gayundin, isa sa pinakamahalagang layunin kung bakit sila inaaring matuwid ni Jehova ay upang pagkatapos sila’y “maghari sa buhay sa pamamagitan ng tanging isa, si Jesu-Kristo.”—Roma 5:17.
17. (a) Bagaman inaaring matuwid, ano ang kailangang gawin sa araw-araw ng pinahirang mga Kristiyano? (b) Paano nila tinatanggap ang kanilang gantimpala?
17 Bagama’t narito pa sa lupa, ang mga pinahirang Kristiyanong ito, bagaman inaring matuwid, ay kailangan pa ring manaig sa kanilang makasalanang mga hilig. (Roma 7:15-20) Kailangan nila ang dugo ni Kristo upang luminis sa kanila sa kanilang araw-araw na mga kasalanan dahil sa di-kasakdalan. (1 Juan 1:7; 2:1, 2) Pagka sila’y nanatiling tapat hanggang sa katapusan ng kanilang makalupang buhay, sila’y literal na namamatay at binubuhay-muli “sa isang manang di nasisira at walang dungis at walang kupas” bilang bahagi ng matuwid na “mga bagong langit.”—1 Pedro 1:3, 4; 2 Pedro 3:13.
“Hinihintay na Paghahayag sa mga Anak ng Diyos”
18, 19. (a) Ano ang hinihintay ng “sangnilalang” na mga tao? (b) Paano ‘nahahayag’ ang “mga anak ng Diyos,” at bakit ang “sangnilalang” ay namumuhay nang may pananabik dito?
18 Paanong lahat na ito ay may epekto sa kanila—na lalong marami kaysa 144,000 espirituwal na “mga anak ng Diyos”—na nagugutom at nauuhaw sa katuwiran ngunit ang pag-asa ay manahin ang lupa? Si apostol Pablo ay sumulat tungkol sa mga ito: “Sapagkat ang pinananabikang inaasahan ng sangnilalang ay ang hinihintay na paghahayag sa mga anak ng Diyos. Sapagkat ang sangnilalang ay ipinasakop sa kabiguan . . . batay sa pag-asa na balang araw palalayain din ang sangnilalang mula sa pagkaalipin sa kabulukan at magtatamo ng maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos.”—Roma 8:19-21.
19 Ang gayong “sangnilalang” na mga taong ang pag-asa’y mabuhay magpakailanman sa isang lupang paraiso ay nabubuhay na taglay ang “pinananabikang inaasahan” na panahon—ngayo’y malapit na—na ang Haring Jesu-Kristo at ang binuhay na “mga anak ng Diyos” ay ‘mahahayag’ pagka winasak na ang kasalukuyang balakyot na sistema ng mga bagay at pagkatapos ay magpuno sila bilang mga hari at saserdote “ng sanlibong taon.” (Apocalipsis 20:4, 6) Sa panahon ng Milenyong Paghahari ni Kristo, ang ‘sangnilalang ay palalayain din mula sa pagkaalipin sa kabulukan.’
20. Ano ang tatalakayin sa sumusunod na artikulo?
20 Kung paanong ang mga taong nabubuhay sa matuwid na “bagong lupa” ay magtatamo ng “maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos,” at kung paano apektado sila kahit ngayon ng doktrina ng Bibliya na pag-aaring ganap, iyan ang tatalakayin sa susunod na artikulo.
[Talababa]
a Para sa malawakang pagtalakay tungkol sa pagiging “inianak na muli,” pakisuyong tingnan ang The Watchtower na may petsang Pebrero 1, 1982, pahina 18-29.
Tungkol sa pag-aaring matuwid ng Diyos sa mga tao—
◻ Ano ang ibig sabihin ng Bibliya sa pananalitang matuwid na mga bagong langit at isang matuwid na bagong lupa?
◻ Bakit ang sangkatauhan ay kailangang maging matuwid kay Jehova?
◻ Paano natumbasan ang mga pamantayan ni Jehova ng katuwiran?
◻ Bakipt ang 144,000 ang mga unang inaring matuwid, at ano ang kanilang ginagawa sa mga karapatan sa buhay na tinanggap nila?
◻ Sa ano nagiging mga tagapagmanang kasama ni Kristo ang 144,000?