Apocalipsis—Ano ba Iyon?
“ANG Apocalipsis!” Ano ba ang sumasaisip mo pagka narinig mo ang pananalitang iyan? Iyon ba ay doomsday o araw ng paghuhukom? Holocaust? Digmaang Pandaigdig III? Ang katapusan ng sanlibutan? Kung ganito ang iyong naiisip, hindi ka nag-iisa. Ang siyensiya at mga pahayagan ay naglalarawan ng malungkot na kinabukasan ng tao. Kaya kataka-taka ba naman kung marami ang nag-iisip na ang apocalipsis ay may kinalaman sa pagkalipol ng sangkatauhan sa pamamagitan ng isang kapahamakan?
“Ang Apocalipsis sa ngayon ay hindi lamang isang paglalarawan sa Bibliya kundi ito ay naging isang tunay na tunay na posibilidad,” ang babala ng UN Secretary General Javier Pérez de Cuéllar sa kaniyang talumpati sa inagurasyon. “Kailanman sa karanasan ng tao ay ngayon lamang tayo napalagay sa bingit na bingit ng kapamahakan at kaligtasan.” Ano ba ang kaniyang tinutukoy? Iyon ay ang nuklear konprontasyon na bunga ng lalong matinding pagpapaligsahan sa kasalukuyang arms race o paligsahan sa pagpapasulong ng mga armas. Bilang pagpapatibay sa kaniyang babala sa United Nations, kaniyang sinabi na “humigit-kumulang 500,000 mga siyentipiko sa buong daigdig ang nagtalaga ng kanilang kaalaman sa pagsasaliksik para matuklasan ang mga armas na walang makakaparis at lalong kakila-kilabot.”
Ang mga iba rin naman, ay nakadarama ng kalagayan sa ngayon. Si Hans Jonas, emeritus propesor ng pilosopya sa New School for Social Research ay nagsabi na ang kaniyang pangunahing kinatatakutan ay isang “apocalipsis na nagbabanta buhat sa kalikasan ng di-sinasadyang dynamics ng teknikal na sibilisasyon.” Ang apocalipsis ay kaniyang iniuugnay sa ‘pagkaubos, polusyon, pagkawasak ng planeta, at gayundin sa banta ng biglaang pagkapuksa sa pamamagitan ng bomba atomika.’
Gayundin, sinabi ng historyador na si Golo Mann: “Hindi tayo maaaring magkaroon ng isa pang digmaang pandaigdig. Ang digmaan ay maling salita. Dapat nating ipagbawal ang terminong ‘Digmaang Pandaigdig III’ at halinhan ng apocalipsis o holocaust.”—Die Zeit ng Hamburg, Agosto 30, 1985.
Oo, nakikilala ng tao na siya ay nasa bingit na ng pagpuksa sa sarili. Subalit siya kaya ang magpapasiklab ng apocalipsis? Hindi kung ayon sa Bibliya, na nagsasabi na “si Jehovang Diyos, ang Makapangyarihan sa lahat”—hindi tao—ang “magpapahamak sa mga nagpapahamak sa lupa.” (Apocalipsis 11:17, 18) Kung gayon, ang pagkaunawa kung ano ang apocalipsis ayon sa ipinakikita ng Bibliya ay maaaring magbigay sa iyo ng isang naiibang pangmalas, na ibang-iba at nagbibigay ng pag-asa.
Kung Anong Talaga Ito
Ang apocalipsis ay binabanggit sa isang liham sa mga taga-Tesalonica. Doon ay sinasabi ni apostol Pablo: “Matuwid ang Diyos na bayaran ng kapighatian yaong mga lumilikha ng kapighatian . . . , ngunit, para sa inyo na mga nagtitiis ng kapighatian, ay ginhawa na kasama namin sa pagkahayag [o, apocalipsis] ng Panginoong Jesus mula sa langit na kasama ang kaniyang makapangyarihang mga anghel sa nagliliyab na apoy, samantalang pinasasapit niya ang paghihiganti sa mga hindi kumikilala sa Diyos at sa mga ayaw sumunod sa mabuting balita hinggil sa ating Panginoong Jesus. Ang mga ito nga ang magdaranas ng hatol na parusa ng walang hanggang pagkapuksa.”—2 Tesalonica 1:6-10.
Samakatuwid, ang apocalipsis ang pagkahayag ni Jesus sa panahon ng “malaking kapighatian.” (Mateo 24:21) Ayon sa An Expository Dictionary of New Testament Words ni W. E. Vine, ang salitang Griego na a·po·kaʹly·psis ay tumutukoy sa “Panginoong Jesu-Kristo pagka Siya’y pumarito upang isagawa ang mga kahatulan ng Diyos.” Sa mga ibang lugar sa Bibliya, ang pagkahayag, o apocalipsis na ito, ay tinutukoy na “ang digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat” sa Armagedon.—Apocalipsis 16:14, 16; 19:11-21.a
Totoo, tungkol sa apocalipsis, nakita natin na tumutukoy ang Bibliya ng “kapighatian,” ”paghihiganti,” at “parusa.” Gayunman, ito’y tumutukoy din ng “ginhawa” para sa mga walang sala na dumanas ng kapighatian. Ang Salita ng Diyos ay nangangako sa atin na “sandali na lamang, at ang balakyot ay mawawala na.” (Awit 37:10) Samakatuwid sa pamamagitan ng apocalipsis ay makalalaya ang tao buhat sa lahat ng impluwensiya ng balakyot. Ito’y magiging isang napakalaking pagbabago tungo sa lalong maiinam na kalagayan para sa mga taong tapat-puso—hindi ito isang pangyayari na dapat nilang katakutan.
Sa gayon, imbes na lubus-lubusang pagkalipol ng lahat, o pagkaparam, ang apocalipsis ang magiging matuwid na kalutasan ng mga problema ng sangkatauhan. Hindi baga ang ideya ng pamumuhay sa isang bago nang yugto ng panahon—ang panahon ng katuwiran, kapayapaan, at kaaliwan—ay kaakit-akit sa iyo at sa iyong pamilya?
Subalit tayo ba ay nasa bingit na ng apocalipsis na tinutukoy ng Bibliya? Kung gayon, mayroon ba tayong paraan ng pagkaalam ng eksaktong panahon nito?
[Talababa]
a Tingnan din ang artikulo tungkol sa Megiddo, sa mga pahina 21-4 ng magasing ito.