Desididong Mamuhay Ayon sa Pamantayang-Asal ni Jehova
NILILIWANAG ng Bibliya na kung ang isang lalaki at isang babae ay magsasama nang hindi kasal, sila’y nagkakasala ng pakikiapid at, kung gayon, sila’y hindi magmamana ng Kaharian ng Diyos. (1 Corinto 6:9, 10) Isang karanasan buhat sa British West Indies ang tungkol sa isang kabataang babae na nakaalam ng katotohanang ito.
Sa Sta. Lucia, dalawang Saksi ni Jehova ang nakatagpo ng isang kabataang babae, at ito’y nagpakita ng interes sa Bibliya. Kaya naman sinimulan na siya’y aralan ng Bibliya. Sa kaniyang pag-unlad sa kaunawaan, nakita na kailangang gumawa siya ng mga pagbabago sa kaniyang buhay. Bagaman siya’y may apat na anak, siya’y hindi kasal kundi kinakasama lamang ng isang lalaki. Silang dalawa ay nagpagal nang husto upang magtayo ng isang munting bahay na tirahan nilang anim katao.
Nang makita niyang siya’y namumuhay nang lihis sa matuwid na mga pamantayan ng Diyos, naging disidido ang babaing ito na magbago. Kailangang pakasalan niya ang lalaking kinakasama niya o dili kaya’y humiwalay siya rito. Kanilang pinag-usapan ito, ngunit ang lalaki’y walang hangaring pakasal. Kontento na siya sa ganoong pagsasama. Ano kaya ang magagawa sa kaniya ng kaniyang pananampalataya? Kailangang magpasiya siya kung ibig niyang makalugod kay Jehova, at pagkatapos na manalangin at pag-isipan ang bagay na iyon, kaniyang ipinasiya na humiwalay sa lalaki. Ngunit saan siya titira pati kaniyang apat na anak?
Pagkatapos na ipakipag-usap iyon sa lalaki, sila’y nagkasundo—paghahatian nila ang bahay! Sa maibiging pagtulong ng mga kapatid, pati na ng lalaking kaniyang hihiwalayan, ang bahay ay nahati, kalahati para sa kaniya at yaong kalahati ay para sa lalaki. Ang kalahating para sa kaniya ay, nang araw ding iyon, inilipat sa ibang lugar mga limang milya (8 km) ang layo. Sa loob ng isang linggo, muling naitayo iyon at ngayon ay isa nang tahanan na may dalawang silid-tulugan.
Ngayong nagawa na niya ang mga hakbang upang maiayon ang kaniyang buhay sa mga pamantayan ni Jehova, siya’y agad lumabas at naglingkod sa larangan, kasama ang kaniyang apat na anak. Kaniyang inialay ang kaniyang buhay kay Jehova at nabautismuhan. Upang ipagdiwang ang okasyong iyon, siya’y nag-auxiliary payunir. Siya ngayon ay higit pang pinagpala sapagkat sa kaniyang tahanan ginaganap ang isang Pag-aaral ng Aklat sa Kongregasyon, at ang katamtamang dumadalo roon ay 17. Oo, pinagpala ni Jehova ang kaniyang matibay na pasiyang maging isang malinis na mananamba sa kaniya.