Buhay at Ministeryo ni Jesus
Ang Habag sa Isang Ketongin
HABANG si Jesus at ang kaniyang apat na alagad ay dumadalaw sa mga bayan ng Galilea, ang balita naman tungkol sa mga ginagawa niyang kababalaghan ay kumakalat sa buong lugar na iyon. Ang kaniyang mga ginawa ay napabalita sa isang bayan na kung saan mayroong isang lalaking may ketong. Ayon sa paglalahad ng manggagamot na si Lucas ito ay isang taong “lipos ng ketong.” Kung malala na ang kakila-kilabot na sakit na ito, unti-unting naaagnas ang iba’t-ibang parte ng katawan. Kaya ang ketonging ito ay nasa kalagayang kaawa-awa.
Nang si Jesus ay dumating sa bayang iyon, siya’y nilapitan ng ketongin. Sang-ayon sa kautusan ng Diyos, ang isang ketongin ay dapat magbabala at humiyaw, “Karumaldumal, karumaldumal!” upang ang iba’y huwag totoong magpakalapít sa kaniya at mahawa. Ang ketongin ay nagpatirapa at nagmakaawa kay Jesus: “Panginoon, kung ibig mo, maaari mo akong mapagaling.”
Anong laki ng pananampalataya ng taong iyon kay Jesus! Subalit, totoong kaawa-awa ang kaniyang hitsura dahilan sa kaniyang sakit! Ano kaya ang gagawin ni Jesus? Ano ang gagawin mo? Dahil sa habag, iniunat ni Jesus ang kaniyang kamay at hinipo ang taong iyon, na ang sabi: “Ibig ko. Luminis ka.” At karaka-raka ang ketong ay nawala sa kaniya.
Ibig mo bang maging iyong hari ang isa na ganiyang mahabagin? Ang ginawang trato ni Jesus sa ketonging ito ay nagbibigay ng kasiguruhan na sa panahon ng pamamahala ng kaniyang Kaharian matutupad ang hula sa Bibliya: “Siya’y maaawa sa dukha at sa maralita.” Oo, kung magkagayon ay tutuparin ni Jesus ang ibig ng kaniyang puso na tulungan ang lahat ng nasa pangangailangan.
Kahit bago pa niya ginamot ang ketongin, ang ministeryo ni Jesus ay balitang-balita na sa gitna ng mga tao. Bilang katuparan ng hula ni Isaias, iniutos ngayon ni Jesus sa gumaling na taong iyon: “Ingatan mo na huwag mong sasabihin ito sa kaninoman.” Pagkatapos ay kaniyang iniutos: “Humayo ka, pakita ka sa saserdote at ihandog mo ang alay na ipinag-uutos ni Moises, bilang patotoo sa kanila.”
Ngunit ang taong iyon ay masayang-masaya na anupat hindi niya maingatang lihim ang himalang iyon. Siya’y humayo at ikinalat sa lahat ng dako ang balitang iyon, at marahil ay totoong maraming mga tao ang naging interesado at sabik na maalaman iyon kung kaya hindi hayagang makapasok si Jesus sa isang bayan. Kaya si Jesus ay doon lumagi sa mga liblib na lugar na walang naninirahan, at ang mga tao na galing kung saan-saan ay naparoon doon upang makinig sa kaniya at mapagaling sa kanilang mga sakit. Lucas 5:12-16; Marcos 1:40-45; Mateo 8:2-4; Levitico 13:45; 14:10-13; Awit 72:13; Isaias 42:1, 2.
◆ Anong pinsala ang nagagawa ng ketong, at anong babala ang dapat ibigay ng isang ketongin?
◆ Paanong ang isang ketongin ay nagmakaawa kay Jesus, at ano ang matututuhan natin buhat sa sagot ni Jesus?
◆ Paanong ang taong napagaling ay hindi nakinig sa sinabi ni Jesus, at ano ang ibinunga?