Patuloy na Lumakad Ayon sa Liwanag ng Diyos
Sa pag-aaral ng kongregasyon ng artikulong ito at sa dalawang kasunod, ipababasa ng konduktor ang binanggit na mga bahagi ng Unang Juan ayon sa ipinahihintulot ng panahon
“Ang Diyos ay liwanag.”—1 JUAN 1:5.
1, 2. Kailan at saan isinulat ang Unang Juan, at kanino ito kumakapit?
ANG mga Saksi ni Jehova ay nagpapasalamat dahil sa liwanag na nanggagaling sa Diyos at layunin nila na patuloy na lumakad ayon dito. Subalit, ang gayon ay hindi madali sapagkat kahit ang mga sinaunang alagad ni Jesu-Kristo ay napaharap sa apostasya. Ngunit ang tapat na mga apostol ni Jesus ang pumigil sa paglaganap ng apostasya, at ang isa na ‘nagsilbing isang pumipigil’ ay si apostol Juan. (2 Tesalonica 2:1-12) Bilang isang taong totoong matanda na at naninirahan sa Efeso o sa malapit dito noong mga bandang 98 C.E., siya’y sumulat ng kaniyang unang liham na kinasihan ng Diyos. Ang payo nito ay tumulong sa mga Kristiyano noong unang siglo upang patuloy na lumakad ayon sa liwanag ng Diyos. Ngunit kumusta naman tayo?
2 Ang mga salita ni Juan ay makatutulong din sa mga Kristiyano sa ika-20 siglo. Kaya sa sarilinang pag-aaral ng artikulong ito at sa dalawa pa na kasunod, basahin ang lahat ng binanggit na mga bahagi ng kaniyang unang kinasihang liham samantalang tinatalakay ang mga ito. Sa liham ng apostol at sa aming komento tungkol doon, ang mga panghalip na gaya ng “kami” at “tayo” ay tumutukoy lalung-lalo na sa pinahirang mga tagasunod ni Jesus. Subalit ang saligang mga simulain tungkol sa katuwiran, pag-ibig, pananampalataya, at iba pa, ay kumakapit din sa mga Kristiyanong may makalupang pag-asa.
Ang Pakikiisa na Nagdadala ng Kagalakan
3. Ano ang nagpapatotoo na ang Anak ng Diyos ay namuhay, nagdusa, at namatay bilang isang tao, at bakit siya tinatawag na “ang salita ng buhay”?
3 Unang tinutukoy ni Juan ang tungkol sa isang may kagalakang “pakikiisa.” (Basahin ang 1 Juan 1:1-4.) Si Jesus, “ang salita ng buhay,” ay kasama na ni Jehova “buhat sa pasimula” bilang unang paglalang ng Diyos, na sa pamamagitan niya “lahat ng iba pang mga bagay ay nangalalang.” (Colosas 1:15, 16) May mga apostata noong unang siglo na nag-aangkin na sila’y walang kasalanan at tumanggi sa matuwid na dako ni Kristo sa kaayusan ng Diyos. Subalit ang mga apostol ni Jesus ang nakarinig sa kaniya nang nagsasalita, nakinig sa kaniya nang puspusan, at humipo sa kaniya. Kanilang nabatid na ang kapangyarihan ng Diyos ay kumilos sa pamamagitan niya. Kaya’t mayroong mga saksing nagpapatotoo na siya ay Anak ng Diyos na namuhay, nagdusa, at namatay bilang isang tao. Siya “ang salita ng buhay” sapagkat “ang buhay [na walang hanggan] ay nahayag” sa pamamagitan ni Jesus, at sa pamamagitan niya ay inilaan ng Diyos ang pantubos.—Roma 6:23; 2 Timoteo 1:9, 10.
4. Ano ang kahulugan ng “pakikiisa” na taglay ng mga pinahiran?
4 Sa pamamagitan ng sinabi at isinulat ng mga apostol, sila’y ‘nagpatotoo’ tungkol sa walang kasalanang tao na si Jesu-Kristo. ‘Isinulat’ ni Juan ang gayong mga bagay upang ang mga pinahiran ay magkaroon ng “pakikiisa,” o pakikisama, sa mga ibang tagapagmana ng Kaharian, sa Ama, at sa Kaniyang Anak. Ang “pakikiisa” na ito ay nangangahulugan ng pagkakaisa at nagdudulot ng malaking kagalakan. (Awit 133:1-3; Juan 17:20, 21) Ang mga apostata na napopoot sa mga dating kasamahan sa paglilingkod kay Jehova ay wala na ng gayong pakikisama sa Diyos at kay Kristo.
“Ang Diyos ay Liwanag”
5. Anong “pasabi” ang tinanggap ng mga apostol buhat kay Jesus, at paano naaapektuhan nito ang iginagawi ng mga Saksi ni Jehova?
5 Ang susunod na sinabi ay isang “pasabi” na tinanggap ng mga apostol buhat kay Jesus. (Basahin ang 1 Juan 1:5-7.) Ito: “Ang Diyos ay liwanag at sa kaniya’y walang anomang kadiliman [walang kalikuan, imoralidad, kasinungalingan, o kasamaan].” Kaya naman iniiwasan ng mga Saksi ni Jehova ang lahat ng pagkakasalang may kinalaman sa kadiliman. (Job 24:14-16; Juan 3:19-21; Roma 13:11-14; 2 Corinto 6:14; 1 Tesalonica 5:6-9) Palibhasa’y may mga apostatang hindi naniniwala na mayroong mga gawang kasalanan, sila’y nasa espirituwal na kadiliman. Kanilang inaangkin na sila’y may lihim na kaalaman, ngunit ang Diyos ay liwanag, hindi lihim na kadiliman. Tanging ang kaniyang tapat na mga Saksi lamang ang binibigyan niya ng espirituwal na liwanag.—Mateo 5:14-16; 1 Pedro 2:9.
6. Kung tayo ay “nagsasagawa ng katotohanan,” anong pagpapala ang sumasa-atin?
6 Kung ating sinasabing tayo’y may “pakikiisa” sa Diyos ngunit “patuloy na lumalakad sa kadiliman,” at mayroong makasalanang pamumuhay, tayo ay “nagsisinungaling at hindi nagsasagawa ng katotohanan,” o namumuhay ayon doon. Subalit kung tayo ay lumalakad nang naaayon sa katotohanan, tayo ay nasa liwanag, gaya ng Diyos. Tayo ay may “pakikiisa” sa mga kapuwa Kristiyano, na pawang nagkakaisa sa doktrina, espirituwal na pangmalas, paggawa ng mga alagad, at iba pang mga pitak ng dalisay na pagsamba.
7. Bakit ang dugo ni Jesus ay ‘makalilinis sa atin sa lahat ng kasalanan’?
7 Di tulad ng ibang mga sinaunang apostata, tayo na ‘lumalakad ayon sa liwanag’ ay kumikilala na ang kasalanan ay karumaldumal. Ang dugo ni Jesus ang “lumilinis sa atin buhat sa lahat ng kasalanan” dahil sa tayo’y hindi naman pusakal na mga makasalanan. (Mateo 12:31, 32) Oo, tayo’y nagpapasalamat na ang Diyos ay nagpapakita ng awa kahit na sa nagkakasala ngunit nagsisising mga Kristiyano.—Awit 103:8-14; Mikas 7:18, 19.
Saligan ng Pagpapatawad
8, 9. (a) Ano ang saligan ng pagpapatawad sa atin ni Jehova? (b) Tungkol sa kasalanan, ano ang sinasabi ng mga ibang apostata, at bakit sila mali?
8 Susunod na binanggit ni Juan ang saligan ng paglilinis buhat sa kasalanan. (Basahin ang 1 Juan 1:8–2:2.) Kung ating sinasabing “Tayo’y walang kasalanan,” tinatanggihan natin ang katotohanan na lahat ng di-sakdal na mga tao ay makasalanan, at “ang katotohanan ay wala sa atin.” (Roma 5:12) Subalit ang Diyos ay “tapat” at pinatatawad tayo “kung ipagtatapat natin ang ating mga kasalanan” sa kaniya at magsisisi upang tayo’y huwag nang gumawa uli ng pagkakamali. (Kawikaan 28:13) Sinabi ng Diyos sa mga nasa bagong tipan: “Ang kanilang kasalanan ay hindi ko na aalalahanin.” (Jeremias 31:31-34; Hebreo 8:7-12) Sa pagpapatawad sa kanila, siya’y tapat sa pangakong iyan.
9 Isa pa, ang Diyos ay “matuwid,” at ang laging sinusunod ay ang kaniyang mga pamantayan ng katuwiran. Kaniyang tinupad ang katarungan sa pamamagitan ng pantubos at maaari niyang ‘patawarin ang ating mga kasalanan at linisin tayo sa lahat ng kalikuan’ kung ipagtatapat natin ang ating pagkamakasalanan at sasampalataya sa inihandog na hain ni Jesus. (Hebreo 9:11-15) Sa pamamagitan ng kaniyang kamatayan ang mga kasalanan ay dinala ng Mesias upang maalis na, gaya ng kung paanong ang kambing na may dala ng kasalanan ay pinaalis upang magtungo sa ilang noong Araw ng Katubusan. (Levitico 16:20-22; Isaias 53:5, 8, 11, 12; 1 Pedro 2:24) May mga apostata na nagsabi: “Tayo’y hindi nagkasala,” sa gayo’y ‘ginagawang sinungaling si Jehova.’ Ngunit “ang Diyos . . . ay hindi maaaring magsinungaling,” at ipinakikita ng kaniyang Salita na lahat ng di-sakdal na mga tao ay makasalanan. (Tito 1:2; Eclesiastes 7:20; Roma 3:23) Ang pagsasabing “tayo’y hindi nagkasala” ay mangangahulugan na ang Salita ng Diyos ay “wala sa atin,” wala sa ating mga puso!—Ihambing ang Hebreo 8:10.
10. Paanong si Jesus ay “isang pampalubag-loob na hain?
10 Isinulat ni Juan ang “mga bagay na ito” tungkol sa kasalanan, pagpapatawad, at paglilinis upang tayo’y huwag mamihasa sa pagkakasala. Ang kaniyang mga Salita ay dapat mag-udyok sa atin na puspusang magsikap na huwag magkasala. (1 Corinto 15:34) Ngunit kung sakaling “magkasala” tayo at magsisi, tayo’y may “isang katulong sa Ama”—“si Jesu-Kristo, isang matuwid,” na namamagitan sa atin sa Diyos. (Hebreo 7:26; ihambing ang Juan 17:9, 15, 20.) Si Jesus ay “isang pampalubag-loob na hain.” Ang kaniyang kamatayan ang tumupad ng katarungan at pinapangyari na maawa ang Diyos at maalis ang paratang na pagkakasala ng espirituwal na mga Israelita at ng ‘buong sanlibutan,’ kasali na ang “lubhang karamihan.” (Roma 6:23; Galacia 6:16; Apocalipsis 7:4-14) Anong laki ng ating pagpapahalaga sa inihandog ng haing iyan!
Sumunod sa Diyos at Magpakita ng Pag-ibig
11. Dahil sa anong katibayan nalalaman natin na tayo’y “kaisa ng” Diyos?
11 Upang patuloy na lumakad ayon sa liwanag ng Diyos, kailangang sumunod tayo kay Jehova. (Basahin ang 1 Juan 2:3-6.) Batid natin na ating “nakikilala” ang Diyos, nauunawaan siya at ang kaniyang mga katangian, kung “patuloy na tinutupad natin nag kaniyang mga utos.” Sino mang nag-aangking nakakakilala kay Jehova ngunit hindi naman sumusunod sa kaniya ay “sinungaling.” Sa kabaligtaran, “naging sakdal [o kompleto] ang pag-ibig ng Diyos, kung ating tinutupad ang kaniyang Salita. “Dahil dito” sa katibayan ng pagsunod at pag-ibig sa Diyos, batid natin na tayo’y “kaisa niya.” At tayo’y obligado na lumakad na gaya ng kaniyang Anak, sa paggawa ng mga alagad, sa ating relasyon sa iba, at iba pa.
12. Anong “dating utos” ang taglay ng mga Kristiyano, at paanong ito ay ‘bago’ rin?
12 Ang pag-ibig pangmagkakapatid ay mahalaga rin. (Basahin ang 1 Juan 2:7, 8.) Si Juan ay sumulat ng isang “dating utos” na taglay na ng mga tapat “buhat pa noong pasimula” ng kanilang buhay bilang mga Kristiyano. Ito ay ‘dati’ na sapagkat ibinigay ito ni Jesus mga ilang taon pa bago niya sinabi sa kaniyang mga tagasunod na ‘mag-ibigan sa isa’t-isa gaya ng kung paano inibig niya sila.’ (Juan 13:34) Gayunman ay ‘bago’ pa rin ito sapagkat hinihigitan pa nito ang pag-ibig sa kapuwa na iniutos ng Kautusan at humihiling na ibigay ng isa ang kaniyang buhay alang-alang sa kaniyang mga kapananampalataya. (Levitico 19:18; Juan 15:12, 13) Yamang ang ating mapagsakripisyong pag-ibig ay nagpapatunay na ang pagsunod sa “bagong utos” na ito ay ‘ginampanan ni Kristo at natin, ang kadiliman ay lumilipas at ang tunay na liwanag ay sumisikat na’ sa gitna natin.
13. Sang-ayon sa 1 Juan 2:9-11, sino ang “nasa liwanag” at sino ang wala rito?
13 Gayunman, sino bang talaga ang “nasa liwanag”? (Basahin ang 1 Juan 2:9-11.) Bueno, “ang nagsasabing siya’y nasa liwanag ngunit napopoot sa kaniyang kapatid” ay nasa espirituwal na kadiliman “hanggang ngayon.” Ngunit “ang umiibig sa kaniyang kapatid ay nananahan sa liwanag,” at sa kaniya ay walang “anomang kadahilanang ikatitisod.” Dito ang salitang Griego ay nagpapahiwatig ng isang may pain na patibong sa hayop at tumutukoy sa isang bagay na maaaring humila tungo sa pagkahulog sa kasalanan. Ang totoo, ang isang namamaraling Kristiyano na napopoot sa kaniyang kapatid ay “hindi nakakaalam kung saan siya patungo, sapagkat ang kadiliman ang bumulag sa kaniyang mga mata.” (Mateo 13:13-15) Ang babala bang ito ay mag-uudyok sa iyo na iwasan ang espirituwal na kadiliman sa pamamagitan ng pagtangging bigyan-daan ang personal na di-pagkakaunawaan, ang mga kasinungalingan ng mga apostata, o ano pa man upang sirain ang iyong pag-ibig sa kapatid?
Saligan ng Pagtitiwala
14. Sino ang “mumunting mga anak” at ang “mga ama” na tinutukoy ni Juan?
14 Susunod ay ipinahahayag ni Juan ang pagtitiwala sa “mumunting [kabataang] mga anak ko,” at maliwanag na ang tinutukoy ay ang buong kongregasyon. (Basahin ang 1 Juan 2:12-14.) Ang ating mga kasalanan ay pinatawad ‘alang-alang sa pangalan ni Kristo,’ sapagkat sa pamamagitan lamang niya kaya ang kaligtasan ay pinaging posible ng Diyos. (Gawa 4:12) Ang mga pinahiran, ay ‘nakakakilala sa Ama’ sapagkat kaniyang naging anak sila sa pamamagitan ng kaniyang espiritu. Ang iba ay “mga ama”—marahil sila’y mas nakatatanda, may higit na karanasan, at mga mananampalatayang mas maygulang sa espirituwal. Kilala nila si Jesus, na umiral na “buhat pa noong pasimula” sapagkat nilalang siya ng Diyos bago ang lahat ng iba pang mga bagay.
15. (a) Sino ang “mga kabataang lalaki” na sinulatan ni Juan, at papaano nila “dinaig ang balakyot”? (b) Magbigay ng halimbawa ng kung paano natin ‘madadaig’ si Satanas ngayon.
15 Ang “mga kabataang lalaki” na sinulatan ni Juan ay maaari na yaong mga Kristiyano na mas nakababata, di gaanong may karanasan. Kanilang “dinaig ang balakyot,” si Satanas, sa pamamagitan ng hindi pagpapadala sa kaniyang “mga hangarin.” (2 Corinto 2:11) Halimbawa, sa ngayon kasali rito ang pag-iwas sa mahahalay na libangan, masagwang musika, at pornograpya, na maaaring makaagnas sa mga simulaing Kristiyano at ang maging resulta’y pagkahulog sa seksuwal na imoralidad. Ang “mga kabataang lalaki” ay nagtatagumpay kay Satanas sapagkat sila ay “malalakas” sa espirituwal at “ang salita ng Diyos” ay nananahan sa kanila. Sana nga ay matulad tayo sa kanila sa pagtanggap ng espirituwal na mga paglalaan ng Diyos, na tumatanggi sa apostasya, at nagpapatuloy ng paglakad sa liwanag ng Diyos.
Ang Pag-ibig na Di-dapat Nating Taglayin
16. Anong pag-ibig ang di-dapat nating taglayin, subalit ano ang matutupad sa atin kung tayo’y may makasanlibutang mga kuru-kuro at mithiin?
16 Nakababata man tayo o nakatatandang mga Kristiyano, may pag-ibig na di-dapat nating taglayin. (Basahin ang 1 Juan 2:15-17.) Hindi natin ‘dapat ibigin ang sanlibutan ni ang mga bagay na nasa sanlibutan.’ Bagkus pa nga, tayo’y kailangang lumayo upang huwag mahawa sa kabulukan ng likong lipunan ng mga tao at huwag tayong makalanghap ng “espiritu” nito, o maganyak ng makasalanang hilig nito. (Efeso 2:1, 2; Santiago 1:27) Kung tayo’y magkakaroon ng makasanlibutang pangmalas at mga mithiin, “ang pag-ibig ng Ama” ay hindi sasa-atin. (Santiago 4:4) Iyan ay talagang dapat pag-isipan, di ba?
17. Di dapat bigyang-kasiyahan ng mga Kristiyano ang anong makasanlibutang mga pita?
17 “Lahat ng nasa sanlibutan” ay hindi sa Diyos nagmula. Kasali na rito “ang pita ng laman,” na pagka sinunod mo ay sumusunod ka sa makasalanang mga hilig gaya baga ng mga pita sa seksuwal na imoralidad. (1 Corinto 6:15-20; Galacia 5:19-21) Dapat ding iwasan ang pagpapadala sa “pita ng mga mata.” Ang nakikitang kaakit-akit na bawal na bungang-kahoy ang nakaakit kay Eva, at ang panonood ni David kay Bath-sheba nang ito’y naliligo ang umakay tungo sa malaking pagkakasala. (Genesis 3:6; 2 Samuel 11:2-17) Kung gayon, upang patuloy na makalakad ayon sa liwanag ng Diyos, kailangang iwasan natin ang mabababang-uring libangan at iba pang mga bagay na pumupukaw ng makasalanang mga pita at nagpapasamâ sa puso.—Kawikaan 2:10-22; 4:20-27.
18. Bakit “ang mapasikat na pagpaparangalan ng kabuhayan” ay walang kabuluhan, at ano ang hindi naidudulot nito?
18 Nanggagaling din sa sanlibutan “ang mapasikat na pagpaparangalan ng kabuhayan.” Ang taong hambog ay nangangalandakan ng kaniyang kayamanan, ng kaniyang mga kasuotan, at ng mga iba pa, na pawang maaaring mawala. Dahil sa kaniyang “mapasikat na pagpaparangalan” ay baka hangaan siya ng mga ibang tao at dulutan siya nito ng dagling pumapanaw na kapurihan ngunit hindi niya nakakamit ang pagpapala na mula sa Diyos.—Mateo 6:2, 5, 16, 19-21; Santiago 4:16.
19. Ano ang mangyayari sa sanlibutang ito, at paano dapat tayong maapektuhan ng bagay na ito?
19 Alalahanin na “ang sanlibutan ay lumilipas” at pupuksain. (2 Pedro 3:6) Ang mga pita at mga pag-asa nito ay kasama nitong papanaw, pati na rin ang mga taong umiibig dito. “Datapuwat,” ang sabi ni Juan, “ang gumagawa ng kalooban ng Diyos ay mananatili magpakailanman.” Kaya’t lagi nating asam-asamin ang buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng ‘pagtanggi sa makasanlibutang mga pita’ at patuloy na paglakad sa liwanag ng Diyos.—Tito 2:11-14.
Mag-ingat Laban sa Apostasya
20. Ano ang itinawag sa mga ‘laban kay Kristo,’ at ang kanilang paglitaw ay patotoo na ano ang dumating na?
20 Ngayon ay nagbababala si Juan laban sa mga antikristo. (Basahin ang 1 Juan 2:18, 19.) Kaniyang ipinaaalaala sa mga kapananampalataya na buhat sa mga apostol ay kanilang “narinig na darating ang antikristo.” Ang paglitaw ng “maraming antikristo” ay patotoo na iyon ang “huling oras,” ang katapusang bahagi ng panahong apostoliko. Bagamat yaong ‘mga laban kay Kristo’ ay sama-samang bahagi ng isang “antikristo,” maraming isa-isang mga antikristo ang nagkukunwaring sumasamba sa Diyos ngunit sila’y “hindi natin kauri” at kanilang iniwan ang tunay na pagka-Kristiyano. Ating ikinatutuwa na dahil sa pag-alis o pagkatiwalag ng gayong mga tao ngayon ay nahadlangan ang pagkahulog ng kongregasyon sa katiwalian.
21. Bakit ang inianak-sa-espiritung mga Kristiyano ay “may kaalaman,” at anong “katotohanan” ang alam nila?
21 Ang mga kuru-kuro ng apostata ay tinatanggihan ng tapat na pinahirang mga Kristiyano. Dahil sa ang “pagkapahid buhat sa isang banal,” si Jehova, ay tumutulong sa kanila na maunawaan ang kaniyang Salita, ‘lahat sila ay may kaalaman.’ (Basahin ang 1 Juan 2:20, 21.) Tiyak na alam nila ang “katotohanan” tungkol kay Jesu-Kristo, samantalang ang mga apostata ay may maling mga kuru-kuro tungkol sa kaniya. Yamang ‘hindi sa katotohanan nanggagaling ang kasinungalingan,’ lahat na umiibig kay Jehova ay tumatanggi sa gayong mga kabulaanan at sa mga nagtataguyod ng mga iyon.
22. Ano ang ginawa ni C. T. Russell nang isa sa kaniyang mga unang kasama ay tumanggi sa pantubos?
22 Oo nga pala, “sino ang sinungaling kundi ang tumatanggi na si Jesus ay siyang Kristo,” ang Pinahiran ng Diyos? (Basahin ang 1 Juan 2:22-25.) Aba, ‘ang tumatanggi sa Ama at sa Anak ang siyang antikristo’! Kaya naman, nang isa sa mga unang kasama ng estudyante ng Bibliya na si Charles T. Russell ay tumanggi sa pantubos, si Russell ay huminto ng pakikisama sa kaniya at nagsimula siya na ilathala ang magasing ito, na sa tuwina’y naghahayag ng katotohanan tungkol sa pinagmulan ni Kristo, sa papel na ginagampanan ng Mesias, at sa kaniyang mapagmahal na paglilingkod bilang ang “pampalubag-loob na hain.”
23. Papaanong ang ‘pagpapahayag sa Anak’ ay may epekto sa ating relasyon sa Diyos, at sa ating mga pag-asa?
23 Ang mga apostata na tumatanggi kay Kristo ay tumatanggi sa pakikipagkaibigan kay Jehova. (Juan 5:23) Ngunit tayo na madlaang ‘nagpapahayag sa Anak ay sumasa-atin ang Ama,’ yamang tayo’y may sinang-ayunang kaugnayan sa Diyos. (Mateo 10:32, 33) Ang tapat na mga unang tagasunod ni Jesus ay kumapit nang mahigpit sa kanilang napakinggan tungkol sa Anak ng Diyos “buhat sa pasimula” ng kanilang buhay bilang mga Kristiyano. At kung ang ganoon ding katotohanan ay nasa ating mga puso, tayo’y “mananahang kaisa” ng Diyos at ni Kristo at ating tatanggapin “ang ipinangako” niya, ang buhay na walang hanggan.—Juan 17:3.
Tinuruan ng Diyos na Jehova
24. Sino ang may “pagkapahid” ng banal na espiritu, at bakit “hindi na kailangang turuan pa [sila] ninoman”?
24 Upang makalakad ayon sa liwanag ng Diyos at tayo’y hindi mailigaw ng mga apostata, kailangan natin ang wastong espirituwal na turo. (Basahin ang 1 Juan 2:26-29.) Ang mga inianak-sa-espiritu ay may “pagkapahid” ng banal na espiritu, kanilang nakikilala ang Diyos at ang Anak, at “hindi na kailangang turuan pa [ng isang apostata].” Sa pamamagitan ng kaniyang ipinapahid na espiritu, ang Diyos ay “nagtuturo” sa espirituwal na mga Israelita “tungkol sa lahat ng bagay” na kailangan upang makasamba sa kaniya sa kalugud-lugod na paraan. (Juan 4:23, 24; 6:45) Tayo’y nalulugod sapagkat bilang mga Saksi ni Jehova ay tumatanggap tayo ng gayong espirituwal na pagtuturo buhat sa Diyos sa pamamagitan ng “tapat at maingat na alipin.”—Mateo 24:45-47.
25, 26. (a) Bakit ang mga pinahiran ay maaaring magkaroon ng ‘kalayaan ng pagsasalita’? (b) Ano ang ibig sabihin ng ‘pagsasagawa ng matuwid’?
25 Ipinapayo ni Juan sa naturuang mainam na mga pinahiran na “manatili kayong kaisa” ng Diyos. Yaong “kaisa” ni Jehova ay kaisa rin ng kaniyang Anak. (Juan 14:19-21) Ang gayong pagkakaisa ay ipinapayo upang “kung siya [si Kristo] ay mahayag tayo’y malayang makapagsasalita at hindi tayo mapapahiya sa harapan niya,” samakatuwid nga, sa panahon ng kaniyang Parousia.
26 Yamang tayo ngayon ay nabubuhay sa panahon ng “pagkanaririto” ni Jesus, paano natin matitiyak na tayo’y walang anomang ikahihiya at talagang lumalakad tayo ayon sa liwanag ng Diyos? Sa pamamagitan ng ‘paggawa ng matuwid.’ ‘Kung ating nalalaman na ang Diyos ay matuwid,’ ang pangangatuwiran pa ni Juan, ‘ating napag-aalaman na bawat gumagawa ng matuwid ay anak niya.’ ‘Ang paggawa ng matuwid’ ay nangangahulugan ng pagsunod sa mga utos ng Diyos, pag-iwas sa kalikuan, at pakikibahagi sa mabubuting gawa na gaya ng paggawa ng mga alagad at pagtulong sa mga kapananampalataya. (Marcos 13:10; Filipos 4:14-19; 1 Timoteo 6:17, 18) Ang pagiging “anak” ng Diyos ay nangangahulugan ng pagiging “inianak muli” bilang kaniyang espirituwal na mga anak.—Juan 3:3-8.
27. Ano ang susunod na ipakikita sa atin ni apostol Juan?
27 Kaya ipinakita ni Juan kung paano patuloy na lalakad ayon sa liwanag ng Diyos. Sa susunod ay kaniyang ipakikita kung paanong mamumuhay bilang mga anak ng Diyos. Ano ang kailangan dito?
Ano ang mga Sagot Mo?
◻ Anong patotoo ang ibinibigay ni Juan na ang Anak ng Diyos ay namuhay, nagdusa, at namatay bilang isang tao?
◻ Paanong si Jesu-Kristo ay “isang pampalubag-loob na hain”?
◻ Anong utos ang taglay ng mga Kristiyano na ‘dati’ na ngunit “bago”?
◻ Ano ang mangyayari sa sanlibutang ito, at paano tayo dapat maapektuhan ng bagay na ito bilang mga Kristiyano?
◻ Paano matitiyak ng mga pinahiran na sila ay lumalakad ayon sa liwanag ng Diyos?
[Blurb sa pahina 12]
Ikaw ba ay nagpapakita ng pagpapahalaga sa inihandog na hain ni Jesus?