Mga Kabataan na Nagpapagalak sa Puso ni Jehova
“Pasayahin mo ang aking puso, upang masagot ko siya na tumutuya sa akin.”—KAWIKAAN 27:11.
1. Paanong ang ating mga magulang at ang ating Maylikha ay apektado ng paraan ng ating pamumuhay?
SA NALALAMAN mo man o hindi, ang paraan ng iyong pamumuhay ay may epekto sa iba. Halimbawa, may epekto ito sa iyong mga magulang. “Ang pantas na anak ay nagpapasaya sa ama,” ang sabi ng Bibliya, “ngunit ang mangmang na anak ay kadalamhatian ng kaniyang ina.” (Kawikaan 10:1; 23:24, 25) Subalit lalong mahalaga, dahil sa paraan ng iyong pamumuhay ay maaaring magalak o malungkot ang ating Maylikha, na si Jehovang Diyos. “Magpakadunong ka, anak ko,” ang payo ni Jehova, “at pasayahin mo ang aking puso, upang masagot ko siya na tumutuya sa akin.”—Kawikaan 27:11.
2. Anong mahalagang usapin ang ibinangon ni Satanas, at paano tayo napasangkot?
2 Mangyari pa, ang isang tumutuya kay Jehova ay si Satanas na Diyablo. Sa halamanan ng Eden, si Satanas ay nagbangon ng isang mahalagang usapin na humihingi ng isang sagot sa Diyos. Nang magawa ng Diyablo, nang waring may kadalian, na hikayatin si Eva, at pagkatapos si Adan, na labagin ang kautusan ng Diyos, may ebidensiya na kaniyang hinamon si Jehova. Sa pinakadiwa, sinabi ni Satanas: ‘Bigyan mo lamang ako ng pagkakataon at maitatalikod ko ang sinuman sa paglilingkod sa iyo.’ (Job 1:6-12) Kaya naman, ginawa ni Jehova ang nakagagalak na panawagang nakasulat sa itaas, na bigyan Siya ng ‘sagot’ ng kaniyang anak upang Kaniyang masagot ang hamon ni Satanas.
3. Bakit ang panawagan ni Jehova ay kumakapit lalo na kay Jesus, at sino pa ang magpapagalak din sa puso ng Diyos?
3 Datapuwat kanino, lalo na, idinirekta ni Jehova ang kaniyang panawagan, at sino ang tinutukoy niya na “anak ko”? Si Jesu-Kristo sa isang pambihirang paraan ang anak ng Diyos, yamang siya ang kaniyang bugtong na Anak. (Juan 1:14) Isa pa, maliban kay Adan, na hindi nagtapat sa kaniyang Maylikha, si Jesus ang tanging sakdal na tao na lumakad dito sa lupa, samakatuwid ang tanging tao na lubusang makapagpapatunay na ang isa’y makapananatiling tapat sa Diyos. (1 Corinto 15:45) Samakatuwid ang panawagan ni Jehova ay kumakapit lalo na kay Jesus. At hindi binigo ni Jesus ang kaniyang Ama. Sa pamamagitan ng kaniyang katapatan, si Jesus ay nagbigay sa Diyos ng isang sagot sa may pangangalandakang hamon ni Satanas na ang mga tao ay hindi makapaglilingkod sa Kaniya nang may katapatan sa ilalim ng pagsubok. (Hebreo 2:14; 12:2) Bukod dito, lahat ng mga maghaharing kasama ni Kristo sa langit ay magpapagalak din sa puso ni Jehova dahil sa kanilang katapatan sa Diyos kahit na hanggang sa kamatayan.—Apocalipsis 2:10.
4. Sa pagpapasiya sa kung ano ang gagawin mo sa iyong buhay, anong mahalagang bagay ang dapat mong pag-isipan?
4 Subalit kumusta naman tayo sa ngayon, kasali na kayong mga kabataan? Kayo ba ay kasangkot sa usaping ito na kung ang mga tao baga ay magiging tapat sa Diyos o hindi? Tunay na kayo’y kasangkot din! (Awit 147:11; 148:12, 13) Baka hindi mo natatalos ito, ngunit ang iyong ginagawa sa iyong buhay ay sumusuporta sa panig ng Diyos ng usapin o dili kaya’y sa panig ni Satanas. Alin sa pinagagalak nito si Jehova o si Satanas ang pinagagalak. Oo, ang paanyaya o panawagan ni Jehova ay maaaring ituring na isang personal na paanyaya sa iyo: “Magpakadunong ka, anak ko, at pasayahin mo ang aking puso, upang masagot ko siya na tumutuya sa akin.” (Kawikaan 27:11) Hindi ba ang pagpapagalak sa puso ng iyong Maylikha ay isang kasiya-siyang tunguhin para sa iyo?
Kung Bakit Ito Isang Karunungan
5. Bakit isang karunungan na pagalakin ang puso ni Jehova?
5 Pansinin na nanghihimok si Jehova na, “Magpakadunong ka.” Bakit tayo marunong kung pagagalakin natin ang puso ni Jehova? Ang dahilan ay sapagkat si Jehova’y isang maibiging Ama na walang hinahangad kundi ang pinakamagaling para sa atin, at ang anumang hinihiling niyang gawin natin ay para rin sa ating kabutihan. Gaya ng sinasabi ng Isaias 48:17, 18: “Ako, si Jehova, ang iyong Diyos, na Siyang nagtuturo sa iyo ng mapapakinabangan, na Siyang pumapatnubay sa iyo sa daan na iyong dapat lakaran. Oh kung sana’y makikinig ka lamang sa aking mga utos! Kung magkagayo’y magiging gaya ng isang ilog ang iyong kapayapaan, at ang iyong katuwiran ay gaya ng mga alon ng dagat.”
6. (a) Ano ang nagpapakita na ibig ni Jehova na tamasahin mo ang ligaya ng buhay? (b) Anong kahihinatnan ang hindi mo maiiwasan
6 Bilang isang maibiging magulang, ibig ni Jehova na lubusang tamasahin mo ang ligaya ng kaniyang mahalagang regalong buhay. Kaya naman kaniyang sinasabi: “Ikaw ay magalak, binata, sa iyong kabataan, at pasayahin ka ng iyong puso sa mga kaarawan ng iyong kabataan, at lumakad ng mga lakad ng iyong puso, at sa paningin ng iyong mga mata.” Mangyari pa, ito’y hindi isang paanyaya na gawin ang anumang nakalulugod sa iyo. Ito’y ipinakikita ng sumusunod na paalaala: “Ngunit talastasin mo na dahil sa lahat ng ito ay dadalhin ka ng tunay na Diyos sa kahatulan.” (Eclesiastes 11:9) Oo, hindi mo maiiwasan ang mga kahihinatnan ng iyong mga kilos; pananagutin ka ng Diyos sa ginagawa mo. Ang alituntunin ay tiyak: “Anuman ang inihahasik ng isang tao, ito rin ang kaniyang aanihin.”—Galacia 6:7.
7, 8. (a) Paano mo maaalis ang alalahanin at maiilagan ang kasakunaan? (b) Kailan walang kabuluhan ang kabataan at ang kasariwaan ng buhay?
7 Kaya naman, isinususog pa ni Jehova: “Kaya ilayo mo ang alalahanin sa iyong puso, at ilagan mo ang kasakunaan sa iyong katawan; sapagkat ang kabataan at ang kasariwaan ng buhay ay walang kabuluhan.” (Eclesiastes 11:10) Tiyak na isang karunungan ang iwasan ang mga gawain na magdadala sa iyo ng mga alalahanin sa bandang huli. Oh, mayroong mga nagsasabi na sinasayang mo ang buhay mo—na hindi ‘talagang buhay’ ang tinatamasa mo maliban sa ikaw ay maglasing, makiapid, o gumawa ng iba pang katulad na mga bagay na “kapangahasan.” Ngunit sila’y mga mangmang! “Talaga palang hindi sulit iyon,” ang lumuluhang hinanakit ng isang kabataang mag-aaral pagkatapos na magkasala ng pakikiapid. “Mula na noon ay naliligalig ako.”
8 Kaya kayong mga kabataan, may karunungan na sundin ang payo ng Diyos na alisin sa inyong puso ang anumang sanhi na ikababalisa o pagsisisihan, tulad niyaong nararansan ng mga kabataan na namumuhay nang walang patumangga at mapag-imbot. Isang manunulat noong ika-17 siglo ang nagsabi: “Ang pinakamalaking bahagi ng sangkatauhan ay nagpapasasa sa kanilang mga unang taon upang gawing miserable ang kanilang mga huling taon.” Totoo, ngunit anong pagkalungkut-lungkot! Pagka ipinariwara ng isang kabataan ang kaniyang lakas at mga abilidad na anupa’t nagiging lalong mahirap ang mga taon pagkatapos na siya’y sumapit na sa pagkamaygulang, ang kaniyang kabataan at kasariwaan ng buhay ay tunay ngang walang kabuluhan! (Kawikaan 22:3) Kaya’t magpakadunong! Sundin ang payo pa rin na: “Alalahanin mo, ngayon, ang iyong Dakilang Manlilikha sa mga araw ng iyong kabataan.”—Eclesiastes 12:1.
9. Ano ang mapapakinabang mo kung aalalahanin mo si Jehova sa iyong kabataan?
9 Kung aalalahanin mo si Jehova sa iyong kabataan, tunay na makikinabang ka. Hindi lamang maiiwasan mo ang nagpapahamak na mga alalahanin at suliranin kundi tatamasahin mo rin kahit na ngayon pa ang isang maligaya, kasiya-siyang buhay sa paglilingkod sa iyong Dakilang Manlilikha. Bukod dito, ikaw ay matalinong makapag-iimbak ng mga kayamanan sa langit na mapapakinabangan mo nang walang hanggan. (Mateo 6:19-21) Kung aalalahanin mo si Jehova ngayon sa pamamagitan ng paggawa ng kaniyang kalooban, kaniyang aalalahanin ka at gagantimpalaan ka ng “mga kahilingan ng iyong puso,” oo, ng isang maligaya, may kaganapang buhay sa Paraiso magpakailanman!—Awit 37:4; 133:3; Lucas 23:43; Apocalipsis 21:3, 4.
Ano ba ang Nadarama Mo Tungkol kay Jehova?
10. (a) Bakit ang iyong disisyon na maglingkod sa Diyos ay hindi isa lamang malamig na kalkulasyon ng kung ano ang matalinong gawin? (b) Ano pa ang ipinananawagan ni Jehova?
10 Gayunman ang iyong disisyon na maglingkod kay Jehova ay hindi maaaring isa lamang malamig na kalkulasyon ng kung ano ang matalinong gawin. Si Satanas ay isang tusong kaaway na kung ang iyong personal na pakinabang lamang ang iniisip mo, kaniyang sa wakas sasamantalahin ang anumang mapag-imbot na hilig upang ikaw ay mailayo sa paglilingkod kay Jehova. Kaya naman hindi lamang inaanyayahan ka ni Jehova na magpakadunong. Hindi, kundi kaniya ring tinatawagan ka para gumawa ng personal na pag-aalay sa kaniya. Sinabi ni Jesus: “Iibigin mo si Jehovang iyong Diyos nang buong puso mo.” (Mateo 22:37) Alam mo ba kung ano ang ibig sabihin ng pag-ibig kay Jehova nang buong puso?
11. (a) Ano ang kahulugan ng pagbibigay ng iyong puso kay Jehova? (b) Paanong ang karanasan ni Jose ay nagpapakita kung paanong ang wastong motibo ng puso ay mag-uudyok sa atin na gawin ang kalooban ng Diyos?
11 Ang iyong puso ay tumutukoy sa iyong kaloob-loobang sarili, ang iyong mga motibo, ang iyong mga saloobin, at ang iyong matitinding damdamin, lakip ang pakultad ng iyong pag-iisip. Kaya upang maibig si Jehova nang iyong buong puso nangangahulugan iyan na iniibig mo siya nang buong pagmamahal at higit sa anupaman sa iyong buhay ay minamahalaga mo ang pagalakin ang kaniyang puso sa pamamagitan ng pagbibigay sa kaniya ng sagot sa pagtuya ni Satanas. Ang gayong panloob na pagkakilala at matinding pag-ibig at pagmamalasakit sa Diyos ang magiging iyong pinakamatibay na motibong mag-uudyok sa iyo na gawin ang kaniyang kalooban, kahit na kung waring totoong kaakit-akit na gawin ang naiiba rito. Gayon ang pag-ibig kay Jehova ng binatang si Jose, kaya nang anyayahan siya ng isang tanyag na babae na: “Sipingan mo ako,” si Jose ay tumugon: “Paano ko nga magagawa ang malaking kasamaang ito at aktuwal na magkasala laban sa Diyos?”—Genesis 39:7-9.
12. (a) Paano mo ipinakikita na ang iyong puso ay ibinigay mo kay Jehova? (b) Kung hindi mo pa ibinibigay kay Jehova ang iyong puso, anong mga tanong ang dapat mong pag-isipan?
12 Ipinakikita mo na iniibig mo si Jehova nang iyong buong puso pagka lumapit ka sa kaniya sa panalangin at sabihin mo sa kaniya na ibig mong siya ang magmay-ari sa iyo, na ibig mong maglingkod sa kaniya magpakailanman. Sa ganitong paraan iyong iniaalay kay Jehova ang iyong sarili. Nagawa mo na ba ito? Kung hindi pa, bakit hindi pa? Ano ba ang pumipigil sa iyo? Ikaw ba ay may sapat na gulang na upang makaunawa at pahalagahan ang dakilang usapin na namamagitan kay Jehova at kay Satanas? At ibig mo bang pagalakin ang puso ni Jehova? Tunay na hindi gusto ni Satanas na ikaw ay umibig kay Jehova nang iyong buong puso. Ang ibig niya’y mapag-imbot na “gawin mo ang bawat magustuhan mo,” upang palugdan ang iyong sarili. Sino ba ang pagagalakin mo, si Jehova o si Satanas? Pakaisipin mo ang bagay na ito.
13. Kung ikaw ay nag-alay na at bautismado, anong mga tanong ang dapat mong itanong sa iyong sarili?
13 Kung inialay mo na ang iyong sarili sa Diyos at sinagisagan iyon ng bautismo sa tubig, ang iyo bang pamumuhay ay nagpapakita na talagang ang Diyos ang may-ari sa iyo? Saan nakasentro ang iyong mga interes, ang iyong pagmamahal? Ang pagkakaroon ba ng isang bagong kotse, o pagkita ng salapi upang makabili ng mga damit o iba pang personal na mga bagay? Kanino bang mga kapakanan ang kailangang unahin—ang iyong sarili o ang kay Jehova? Ikaw ba ay talagang tumugon sa panawagan ni Jehova na ibigay mo sa kaniya ang iyong puso?
14. (a) Anong mahalagang katangian ang taglay ng mga kabataan? (b) Bakit nga malungkot pagka ang isang kabataan ay hindi nag-aalaala sa kaniyang Manlilikha?
14 Bagaman ang matatandang tao ay may higit na karanasan at karaniwan nang sila’y lalong marurunong, ang mga kabataan ay mayroon ding mahalagang katangian na magagamit nila upang palugdan ang Diyos. “Ang kagandahan ng mga kabataang lalaki ay nasa kanilang lakas,” ang sabi ng Bibliya. (Kawikaan 20:29) Kaya gamitin ang lakas na iyan ngayon. Alalahanin ang iyong Manlilikha “bago ang masasamang araw” ng katandaan “ay dumating,” pagka ang katawan ay nanghina at ang mga sangkap nito ay humina na at hindi na gumana nang husto. Anong lungkot nga para sa isang tao na hindi nag-alaala sa kaniyang Manlilikha sa araw ng kaniyang kabataan kaya’t sa panahon ng katandaan ay walang maipagmamapuri sa Diyos! Ito ang “walang kabuluhan ng mga walang kabuluhan!” (Eclesiastes 12:1-8) Kung gayon, may kapantasan na alalahanin ang inyong Manlilikha samantalang kayo’y may lakas at sigla. Magtayo kayo ng isang rekord ng tapat na paglilingkod sa Diyos, na siyang mag-aalaala sa inyo at hahatulan kayo nang pabor sa inyo, oo, ririgaluhan kayo ng buhay na walang hanggan.—Hebreo 6:10-12; Eclesiastes 12:13, 14.
Kanilang Pinagalak ang Puso ng Diyos
15. Ano ang mga halimbawa sa Bibliya ng mga kabataan na gumamit ng kanilang lakas sa paglilingkod sa Diyos?
15 Ang Bibliya ay punô ng mga halimbawa ng kabataan na gumamit ng kanilang “kagandahan”—ng kanilang lakas—sa paglilingkod sa Diyos. Mga “kabataang lalaki” na maliliksi at masisigla ang nagsilbing mga espiya o tiktik sa Lupang Pangako. (Josue 6:22, 23; 2:15, 16, 23) Si David, nang mahigit lamang na 20 taon, ay nagsugo ng “sampung kabataang lalaki” upang humingi ng pabor kay Nabal. (1 Samuel 25:4, 5) Nang itinatayong muli ng mga Judio sa ilalim ni gobernador Nehemias ang mga pader ng Jerusalem samantalang sila’y pinagbabantaang sasalakayin, sino ang gumawa ng mapanganib at mahirap na trabaho? “Kalahati ng aking mga kabataang lalaki,” ang sabi ni Nehemias, “ay nagsisigawa ng gawain at kalahati sa kanila ang may hawak na mga sibat, mga kalasag at mga busog at mga baluti.” (Nehemias 4:16) At nang si Ananias at ang kaniyang asawang si Safira ay paslangin ng Diyos dahil sa sila’y nagsinungaling, “mga kabataang lalaki” ang bumuhat sa kanila at sila’y inilibing.—Gawa 5:5, 6, 10.
16. Sa anong espirituwal na gawain nakibahagi noong nakaraan ang mga kabataan?
16 Tiyak na nagpapagalak sa puso ni Jehova pagka ang mga kabataan ay naghandog ng kanilang sarili para sa anumang paglilingkod na kailangan sa anumang panahon. Subalit may mga kabataan na nakibahagi sa espirituwal na gawain na higit pa ang kailangan kaysa pisikal na lakas lamang at kasiglahan. “Ako’y bata,” inamin ni Elihu. Gayunman, ginamit siya ni Jehova upang ituwid si Job. (Job 32:4-6) Si Samuel noon ay “isang bata” nang siya’y magsimulang maglingkod sa tabernakulo ni Jehova sa Shiloh. (1 Samuel 2:18) Isang “dalagita,” bagaman isang alipin sa sambahayan ni Naaman, ay walang takot na nagpahayag tungkol sa nagagawa ng propeta ni Jehova. (2 Hari 5:2-4) Nang atasan ni Jehova si Jeremias bilang isang propeta, si Jeremias ay nagsabi: “Ako’y isang bata lamang.” (Jeremias 1:5, 6) “At kung tungkol sa mga batang ito, silang apat”—si Daniel at ang kaniyang tatlong mga kasamang Hebreo—ay totoong pambihirang mga lingkod ni Jehova nang bihag sila sa Babilonya! (Daniel, mga kabanatang 1 at 3) Ang pamangkin ni Pablo, isang “kabataang lalaki,” ay lakas-loob na kumilos sa kapakanan ng kaniyang tiyuhin. (Gawa 23:16-22) At nariyan din ang kabataang si Timoteo, na mula sa pagkasanggol ay may kaalaman na sa banal na kasulatan at ginamit ang kaniyang kabataan sa paglilingkod kay Jehova.—2 Timoteo 3:15; Filipos 2:19-23; 1 Corinto 4:17.
Ang Pagpapagalak sa Puso ng Diyos Ngayon
17. Bakit natin maaasahan na mayroong mga kabataan sa ngayon na nakalulugod kay Jehova, at mayroon nga ba?
17 Subalit hindi lamang ang mga kabataan noong nakaraan ang nagpagalak sa puso ng Diyos sa pamamagitan ng kanilang tapat na paglilingkod. “‘Sa mga huling araw,’ sabi ng Diyos, ‘ibubuhos ko ang aking espiritu sa bawat uri ng laman, at ang inyong mga anak na lalaki at ang inyong mga anak na babae ay manghuhula at ang inyong mga kabataang lalaki ay makakakita ng mga pangitain.’” (Gawa 2:17; Joel 2:28) Kaya’t tayo’y may katuwiran na makakita sa mga huling araw na ito ng maraming mga kabataang Kristiyano na nakalulugod kay Jehova. At gayon nga! Bagama’t ang mga kabataang Saksi ay hindi sakdal, at wala naman sa atin na sakdal, marami ang gumagawa ng mabuti bilang mga Kristiyano. Sila’y palaisip sa pagpapagalak sa puso ni Jehova.—Kawikaan 27:11; 3:1, 2.
18, 19. Anong gawain ang kailangang gawin ngayon, at bakit ang mga kabataan ay bagay na bagay para dito?
18 Sa mga huling araw na ito, ang kalooban ni Jehova ay makapagbigay ng isang pambuong globong pagpapatotoo tungkol sa kaniyang Kaharian, na nangangailangan ng malaking pagsisikap. (Mateo 24:14) Kailangang magtayo ng mga Kingdom Hall para sa pagsamba, at ng malalaking mga gusali para sa mga asambleang pansirkito. Sa maraming mga bansa ay kailangan ang higit pang pagpapalawak ng mga pabrika para sa paglalathala ng mga literatura sa Bibliya, kaya kailangan din ang karagdagan pang mga tirahan sa mga tahanang Bethel. Upang maitayo ang mga bagong pasilidad na ito kailangan ang puspusang pagtatrabaho sa pagtatayo, at tulad ng pagtatayo ng pader noong kaarawan ni Nehemias, ang mga kabataan na may lakas at sigla ang gumagawa ng malaking bahagi ng gawain.
19 Ang gayong mga kabataan ang gumagawa rin ng kalakhang bahagi ng mabibigat na trabahong kailangan upang makalimbag, makabuo ng mga aklat, at makapagkarga ng libu-libong tonelada ng mga literatura sa Bibliya taun-taon. Sa katunayan, sa punong tanggapan sa New York ng mga Saksi ni Jehova, pati sa Watchtower Farms, mayroong mahigit na 1,400 kabataan na edad 25 anyos at mayroon din doon na mga mas bata pa. At ang kanilang paglilingkod ay hindi lamang yaong mga trabaho na nangangailangan ng pisikal na lakas sa loob ng sanlinggo; kung mga dulo ng sanlinggo sila ay nakikibahagi sa pangangaral sa bahay-bahay at sa mga pulong Kristiyano sa lokal na mga kongregasyon. Anong laking kagalakan ang idinudulot nila sa puso ni Jehova!
20. (a) Ano ang bahagi ng mga kabataan sa pagpapayunir? (b) Anong mga tanong ang dapat itanong sa kanilang sarili ng mga kabataan na wala pa sa buong-panahong ministeryo?
20 Sa Estados Unidos, kabalikat na gumagawa ng mga kabataang ito ang mahigit na 12,700 mga iba pa na nasa grupo ng magkakasing-edad at naglilingkod bilang mga ministrong regular payunir. Sa mga ibang panig ng daigdig, mayroon pa ring libu-libong mga kabataan na nagpapayunir. Kung isa kang kabataan na wala pa sa buong-panahong ministeryo, ikaw ba ay makapagtatakda ng mga tunguhin para sa iyong sarili at uunahin mo sa iyong buhay si Jehova, imbis na maghangad lamang na maghanapbuhay upang kumita nang malaki, pagkatapos ay mag-asawa at magkapamilya? Naintindihan mo ba ang dakilang suliranin o isyu sa sansinukob? Talaga bang hinahangad mo na makitang ang pangalan ng ating Dakilang Manlalalang ay naalisan na ng lahat ng upasala? Kung gayon, hindi baga tumpak naman na gawin mo ang lahat ng iyong magagawa sa paglilingkod kay Jehova? At hindi baga kasali riyan, para sa marami pa sa inyo, ang pagbuboluntaryong maglingkod sa mga tahanang Bethel o makibahagi sa pagpapayunir?
21. (a) Sa anong paanyaya buhat kay Jehova dapat kang tumugon, at sa paano? (b) Bakit tayo makapagtitiwala na marami pang mga kabataan ang tutugon sa paanyaya ni Jehova gaya ng pagtugon ni Isaias?
21 Makinig ka! Si Jehova ay nag-aanyaya sa iyo, oo, nananawagan nga sa iyo, na bigyan mo siya ng kasagutan sa balakyot na si Satanas sa kaniyang panunuya. Ikaw ba, gaya ni Isaias ay nakakarinig kay Jehova na nagtatanong: “Sino ang susuguin ko, at sino ang yayaon para sa amin?” Bakit hindi ka magpakadunong at tumugon ka na gaya ng pagtugon ni Isaias: “Narito ako! Suguin mo ako.” (Isaias 6:8) Tayo’y nagtitiwala na marami pa sa inyo na mga kabataan ang tutugon sapagkat ang pangako ng Salita ng Diyos ay: “Ang bayan mo ay kusang maghahandog ng kanilang sarili sa araw ng iyong hukbong panlaban. . . . Nasa iyo ang iyong hukbo ng mga kabataang lalaki [at mga babae] na sadyang kagaya ng mga patak ng hamog.” (Awit 110:3; 148:12, 13) At pagka ikaw nga ay tumugon, magkakaroon ka ng kagalakan ng pagkaalam na si Jehova ay nagmamasid at sumasang-ayon—na pinagagalak mo ang kaniyang puso!
KAHON NG REPASO
◻ Bakit ang paraan ng pamumuhay natin ay mahalaga kay Jehova?
◻ Bakit isang karunungan ang pagalakin ang puso ni Jehova?
◻ Paano natin maipakikita na ating ibinigay na kay Jehova ang ating puso?
◻ Sino noong nakalipas ang nagpagalak sa puso ni Jehova, at paano?
◻ Sino ang nagpapagalak sa puso ni Jehova ngayon, at paano?
[Blurb sa pahina 17]
Pagka nilabag ng mga kabataan ang kautusan ng Diyos, sila’y umaani ng masaklap sa bandang huli
[Larawan sa pahina 18]
Pinagalak ng mga kabataan ang puso ng Diyos nang sila’y tumulong sa muling pagtatayo ng pader ng Jerusalem