Ang Hula ni Daniel—Mga Panaginip na may Epekto sa Iyo
“Alam ninyo, ako’y bumaling sa inyong sinaunang mga propeta sa Matandang Tipan at sa mga tanda tungkol sa Armagedon, at iniisip ko kung—tayo nga ang lahi na makakakita ng mga bagay na iyan. Ewan ko kung napansin ninyo ang alinman sa mga hulang ito kamakailan, subalit maniwala kayo, ang mga ito ang tunay na naglalarawan sa panahon natin.”—Pangulo ng E.U. Ronald Reagan.
HINDI lamang si Pangulong Reagan ang nag-iisip kung ang panahon na kinabubuhayan natin ang siyang inihula ng Bibliya. Angaw-angaw na mga iba pa ang takang-taka sa kung paanong ang kasalukuyang mga kalagayan sa daigdig ay katugon ng mga hula sa Kasulatan. Ang mga hulang ito ay hindi lamang tungkol sa isang walang katulad na panahon ng kabagabagan kundi nagbabalita rin naman ng isang matuwid na bagong sistema ng mga bagay na kasunod.
Ang artikulong ito ang pasimula ng isang serye, na bubuo ng apat na sunud-sunod na labas ng Ang Bantayan, na nilayong ipakilala sa iyo ang isa sa gayong sinaunang propeta, na nagngangalang Daniel. Baka may alam ka tungkol sa kaniya. Siya ay isang Judio na galing sa maharlikang angkan. Nang siya’y isang kabataan, si Daniel ay dinala sa Babilonya, at doo’y tinuruan siya sa palasyo ni Nabukodonosor, ang pangalawang hari ng Imperyong Neo-Babiloniko. Ito’y noong dulo ng ikapitong siglo B.C.E., bago nawasak ang Jerusalem. Si Daniel ay nanatiling bihag hanggang sa bumagsak ang Babilonya noong 539 B.C.E., at pagkatapos ay nagsilbi siya sa palasyo ng sinaunang mga haring Medo-Persiano. Nang siya’y bihag siya ay naging intrepite ng mga panaginip at nagkaroon ng kinasihang mga pangitain na may epekto sa ating kaarawan. Oo, ikaw at ang iyong pamilya ay kasangkot sa inihula ni Daniel.
Makahulang mga Panaginip at mga Pangitain
Ang mga panaginip at pangitain ng aklat ng Daniel ay mga hula na pangmadalian at pangmatagalan. Ito’y mga kasaysayan ng daigdig na isinulat nang patiuna. Ito’y mga pangitain ng pagpapaligsahan sa kapangyarihan ng mga tao, mga dinastiya, at pulitikal na mga imperyo buhat noong panahon ni Daniel hanggang sa “panahon ng kawakasan” sa kasaysayan.—Daniel 8:17, 19.
Ang katuparan ng mga hula na pangmadalian ay dapat gumising ng ating pagtitiwala sa pangmatagalang mga hula na umaabot hanggang sa ating panahon. Ano ang ilan sa mga pangmadaliang mga hulang ito?
Isa na ay ang panaginip tungkol sa isang malaking punungkahoy na pinutol at ang tuod ay tinalian ng “pitong panahon,” o mga taon, bago pinasibol uli. (Daniel 4:10-17) Sa pangmadaliang katuparan ang hulang ito ay kumapit kay Haring Nabukodonosor, na siyang nanaginip. Isang taon lamang ang nakaraan, ang haring ito ay “pinutol,” ng pagkabaliw. Pitong taon na siya’y naging gaya ng isang hayop sa parang. At, “sa katapusan ng mga araw” na inihula, napasauli kay Nabukodonosor ang kaniyang katinuan at ang kaniyang trono. (Daniel 4:28-37) Ayon sa The International Standard Bible Encyclopedia, ang sinaunang mga awtoridad ay nagpapatunay na nagkasakit si Nabukodonosor nang magtatapos na ang kaniyang paghahari. Subalit ang panaginip na ito ay mayroon ding pangmatagalang katuparan, gaya ng ipakikita ng isang artikulo sa bandang huli ng seryeng ito.
Ang isa pang pangmadaliang hula sa aklat ng Daniel ay makikita sa kahima-himalang sulat-kamay sa pader ng bulwagan na pinagdausan ng piging ng apo ni Nabukodonosor na si Belsasar at ng kaniyang mga prinsipe. (Daniel, kabanata 5) Kanilang nilalapastangan ang banal na mga sisidlan na kinuha sa templo ni Jehova sa Jerusalem. Kinasihan si Daniel na ipaliwanag ang mensaheng iyon ng kahatulan ng Diyos. At sa katuparan, “nang mismong gabing iyon” ang Babilonya ay bumagsak at “si Belsasar na haring Caldeo ay pinatay,” at ito’y kumpirmado ng historiyador na Judiong si Xenophon. (Daniel 5:30) Subalit ngayon ay may sulat-kamay sa pader para sa kasalukuyang balakyot na sistema ng mga bagay. Ito man ay ipaliliwanag sa isang artikulo sa seryeng ito.
Inalis ang Pagkatatak sa “Panahon ng Kawakasan”
Sa may dulo ng kaniyang makahulang aklat, isinulat ni Daniel ang mensaheng ito na tinanggap niya sa isang anghel: “Ngunit ikaw, Oh Daniel, sarhan mo ang mga salita at tatakan mo ang aklat, hanggang sa panahon ng kawakasan. Marami ang tatakbo ng paroo’t-parito, at ang tunay na kaalaman ay lalago.”—Daniel 12:4.
Sa ngayon “ang tunay na kaalaman” ng katuparan ng hula sa Bibliya ay tunay na lumago. Ang lumagong kaunawaang ito ay kumumbinse sa angaw-angaw na seryosong mga estudyante ng Bibliya na tayo’y talagang nabubuhay sa “panahon ng kawakasan” at na ang Kaharian ng Diyos ng katuwiran ay malapit na. (Daniel 2:44) Upang ipakita ang pagiging totoo ng aklat ni Daniel sa bagay na ito, ang Soncino Books of the Bible ay nagsasabi: “Ang pagtatagumpay ng katuwiran, at ang resulta nito na pagtatatag sa Kaharian ng Diyos, ay mahalagang bahagi ng Daniel.”
Ikaw ba’y umaasa sa “tagumpay ng katuwiran”? Kung gayon, ang makahulang mga panaginip at pangitain ni Daniel ay dapat mong pag-ukulan na pansin. Ang sumusunod na artikulo ay magbibigay-alam sa iyo tungkol sa ilan sa mga ito at maghaharap ng ebidensiya na ang Daniel ay isang mapaniniwalaang aklat ng hula.