Isang Inihulang Dambuhala—Ano ang Kahulugan ng Pagbagsak Nito?
ANO ba ang nakita ni Nabukodonosor, ang makapangyarihang hari ng Babilonya, sa kaniyang pagtulog mahigit nang 2,500 taon na ngayon? Kung kaniyang natatandaan pagkatapos na magising, malalaman kaya niya na sa isang imahen o larawan ay nakakita siya ng isang sumaryo ng kinabukasan ng daigdig?
Nang siya’y gumising, si Haring Nabukodonosor ng Imperyo ng Babilonya ay tumawag ng kaniyang mga astrologo at mga lalaking pantas. Ibig niyang kanilang ipaalaala sa kaniya ang kaniyang panaginip at ipaliwanag iyon.
Subalit sino ba ang makapagpapaliwanag ng isang bagay na hindi niya alam? Ang mga lalaking pantas ay nagulumihanan. Gayunman, pinapangyari ni Jehova na ang panaginip ay maipaliwanag nang Judiong bihag na si Daniel at sabihin sa hari kung ano ang mangyayari sa hinaharap. Sundan natin ang paliwanag ni Daniel ng panaginip na ito, yamang apektado nito ang ating sariling kapanahunan.
Isang Mahiwagang Larawan
Sinimulan ni Daniel ang paglalarawan sa isang malaking imahen na may ulong ginto, dibdib at mga bisig na pilak, tiyan at mga hita na tanso, mga binti na bakal, at mga paa na pinaghalong bakal at putik na luto. Isang bato ang tumama sa mga paa ng larawan at pagkatapos ay lubusang winasak iyon. Pagkatapos, ang bato ay naging isang malaking bundok at pinuno ang buong lupa. (Daniel 2:31-35) Ito ang nakalimutang panaginip ng hari! Ano ba ang ibig sabihin nito?
Sinabi ni Daniel sa hari na ang mga bahagi ng larawan ay kumakatawan sa mga kapangyarihang pandaigdig na magkakasunud-sunod. Maraming mga iskolar na relihiyoso ang sang-ayon sa puntong nasa isang encyclopedia ng Bibliya na nagsasabi: “Ang pinakamahalagang katotohanan ng (Daniel kabanata 2) ay na balang araw ang kaharian ng Diyos ang hahalili sa lahat ng mga imperyo ng tao.” Kailan darating ang araw na iyan? Ang hula ni Daniel ay nagbibigay ng mahalagang impormasyon na may kaugnayan sa tanong na iyan.
Ang Ulo at ang Katawan
“Ikaw, Oh hari, na hari ng mga hari, ikaw ang binigyan ng Diyos ng langit ng kaharian, ng kapangyarihan, at ng kalakasan at ng kaluwalhatian, . . . ikaw ang ulong ginto.” Kung gayon, ang ulo ay kumakatawan kay Haring Nabukodonosor at sa dinastiya ng mga hari na nagsimula sa kaniya.—Daniel 2:37, 38.
“Pagkatapos mo ay babangon ang ibang kaharian na mababa sa iyo; at ang isang ikatlong kaharian na tanso, na magpupuno sa buong lupa.” (Daniel 2:39) Pagkatapos ng Babilonya, ang Imperyong Medo-Persia ang humalili bilang dominanteng kapangyarihan sa daigdig ayon sa ulat ng Bibliya. Ito ay sinundan ng Imperyo ng Gresya, na, sa ilalim ni Alejandrong Dakila, nagpalawak ng kaniyang kapangyarihan sa isang teritoryo na higit na malawak kaysa naging teritoryo ng alinmang naunang imperyong pandaigdig.
“Ang Ikaapat na Kaharian”—Susi sa Hiwaga
Ang unang tatlong kaharian ay lumitaw at pagkatapos ay nawala sa tanawin bilang dakilang mga bansa ng daigdig gaya ng inihula ni Daniel na kinasihan na manghula. Subalit para sa atin ay lalong mahalaga na makilala “ang ikaapat na kaharian.” Bakit? Sapagkat sa panahon ng kahariang ito kailangang bumagsak ang napanaginip na larawan, at kailangang malaman natin kung ano ang kasangkot sa pagbagsak nito. Makinig kayo samantalang nagbibigay si Daniel ng higit pang impormasyon.
“At ang ikaapat na kaharian ay magiging matibay na parang bakal. Palibhasa ang bakal ay nakadudurog at nakapagpapasuko ng lahat ng bagay; at kung paanong dinidikdik ng bakal ang lahat ng ito, sila’y magkakaputul-putol at madidikdik.” (Daniel 2:40) Ang ikaapat na kaharian bang ito ay kumakatawan lamang sa Imperyong Romano, na kasunod ng Gresya bilang dominanteng kapangyarihan sa daigdig? Hindi, at ito’y may sari-saring dahilan.
Ang aklat ng Daniel mismo ang nagbibigay sa atin ng panahon na pagkakakilanlan sa imaheng ito, sapagkat sinabi: “Ipinaalam [ng Diyos] kay Haring Nabukodonosor kung ano ang magaganap sa huling bahagi ng mga araw.” (Daniel 2:28) Ang mga salitang ito ay nagpapakita na ang panghuling katuparan ng pangitain ay sa malayo pang hinaharap, pagkatapos ng panahon ng pag-iral ng mga imperyo ng Gresya at ng Roma.
Si apostol Juan, isa pang manunulat ng Bibliya, ay bumanggit din ng “mga hari,” o mga kapangyarihang pandaigdig. Tungkol sa kanila ay sumulat siya: “Mayroong pitong hari: lima ang bumagsak na, ang isa ay naghahari, ang isa pa ay hindi pa dumarating.” Bago makialam ang Kaharian ng Diyos, isa pang kapangyarihang pandaigdig ang nakatakdang dumating (kasunod ng Imperyong Romano, na ‘naganap’ noong kaarawan ni Juan). Ang kapangyarihang pandaigdig na iyan ay makakasali rin sa “ikaapat na kaharian” ayon sa hula ni Daniel. (Apocalipsis 17:10-14; Daniel 2:40) Sa kasaysayan, ano ba ang matututuhan natin tungkol dito?
Palibhasa’y napatatag sa pamamagitan ng mga pananakop ng hukbo, ang Pandaigdig na Kapangyarihang Romano ay hindi nagwakas nang alisin ang huling imperador sa Roma ng Alemang lider na si Odoacer, noong 476 C.E. Sa loob ng maraming siglo, ang Roma ay nagpatuloy na maghawak ng pulitikal, at lalo na ng relihiyoso, na kapangyarihan sa Europa dahilan sa feudal system na nagpapangyari na bawa’t sakop ay magpasakop muna sa kaniyang panginoon, pagkatapos ay sa hari, at sa katapus-tapusan ay sa papa. Sa aktuwal, ang papa ay humahatol sa mahalagang mga bagay bilang hukuman na huling mapagbabalingan at maaaring puwersahin ang mga hari na sumunod sa kaniyang kalooban sa pamamagitan ng ekskomunikasyon at ng interdict.a Gaya ng sabi ng The Columbia History of the World: “Ang simbahan ang pinakamalaking gobyerno ng Europa.”
Noong 1534 si Haring Henry VIII ng Inglatera ay nag-atas sa kaniyang sarili na maging ulo ng Iglesiya ng Inglatera, hiwalay sa Roma. Sa gayo’y sinira niya ang kapangyarihang iyon. Subalit sinimulan din niya na pandayin ang pangunahing kasangkapang militar ng kapangyarihang Britaniko, gaya ng sabi ni Eric Delderfield sa kaniyang aklat na Kings and Queens of England: “Ipinagpatuloy ni Henry ang trabaho ng kaniyang ama na paglikha ng isang malakas na Hukbong-Dagat. . . . Sa kaniyang pagkamatay, may naidagdag si Henry na mga walumpung barko sa Hukbong-Dagat at sa gayo’y nagsimula na hinamon ang Espanya bilang supremo sa karagatan.”
Sa lumipas na mga siglo, ang kapangyarihang Britaniko ay napalawak hanggang sa maging isang malawak na imperyo na ayon kay Daniel Webster, isang tanyag na pulitikong Amerikano noong ika-19 na siglo, ay “isang kapangyarihan na, sa mga layuning makapanakop at masupil ang mga ibang bansa, ay hindi maihahalintulad sa Roma sa tugatog ng kaniyang kaluwalhatian,—na sa buong globo ay may nakapangalat na mga pag-aari at puwestong militar.” Hindi nagtagal at ang Imperyo ng Britanya ay napaugnay nang husto sa pamamalakad pulitikal at militar ng kaniyang dating mga kolonya ng Norte Amerika. Sa gayo’y lumitaw ang ikapitong hari na tinutukoy sa Apocalipsis 17:10, ang Anglo-Amerikanong Magkasanib na Kapangyarihang Pandaigdig.
Sang-ayon sa sinabi tungkol sa napanaginip na larawan, “ang supling ng sangkatauhan,” o ang karaniwang mga tao, ay magkakaroon ng lalong malaking bahagi sa pamahalaan sa panahon nitong huling “hari.” (Daniel 2:42, 43) Sang-ayon sa modernong kasaysayan ito nga ang nangyari, at mga demokrasya o ‘mga pamahalaan ng mga mamamayan’ ang humalili sa maraming hari, reyna, o iba pang mga kapangyarihang autokratiko. Kabilang sa mga gobyerno sa ngayon, na kinakatawan ng sampung daliri sa paa ng imahen, ang iba ay tulad-bakal, samakatuwid baga, autoritaryano o mapanlupig. Subalit ang mga iba, palibhasa’y sosyalistiko o demokratikong mga pamamahala, ay mas malambot na gaya ng putik na luto.
Ang Pagbagsak
Sang-ayon sa hula ni Daniel, pagka ang mga pamahalaang kinakatawan ng mga paa ay nasa kapangyarihan—at tumutukoy iyan sa panahon natin—malapit nang wakasan ang malaking larawan. Ito’y babagsak, hindi dahil sa kahinaan ng mga paa na bakal na hinaluan ng putik na luto, kundi dahilan sa ito’y tinamaan at dinurog ng isang simbolikong bato. Ano ba ang kinakatawan ng gayong “bato”? Ang Mesiyanikong Kaharian na “dudurog at magwawakas sa lahat ng kahariang ito” at magiging ‘isang malaking bundok na pupuno sa buong lupa.’—Daniel 2:34, 35, 44.b
“Ang panaginip ay tunay, at ang interpretasyon nito ay kapani-paniwala,” ang sabi ni Daniel. (Daniel 2:45) Ang naunang mga katuparan ng dalawang hulang ito—ang isa tungkol sa pagkapuksa ng Babilonya at ang isa pa’y tungkol sa hali-haliling mga kapangyarihan ng daigdig—ay nagbibigay katiyakan sa atin na ang natitira pang matutupad ay mangyayari sa takdang panahon. Kasali na rito ang pagkapuksa ng makahulang napanaginip na imahen sa pamamagitan ng pakikialam dito ng Kaharian ng Diyos.
Ang iba pang mga aklat ng Bibliya ay mayroong mahalagang mga hula tungkol sa mga layunin ng Diyos. Ang Bantayan, sa mga labas nito, ay tumatalakay sa marami sa mga ito at ipinaliliwanag ang kahulugan nito para sa panahon natin. Kaya kung hindi ka pa isang regular na mambabasa ng magasing ito, bakit hindi ka maging isa? Sa gayo’y higit pa ang matututuhan mo tungkol sa Diyos na Jehova, ang “Tagapagsiwalat ng mga lihim,” at sa saganang mga pagpapala na malapit nang paulanin sa lupang ito ng kaniyang Kaharian.—Daniel 2:28.
[Mga talababa]
a Pagka ang isang interdict ay sapilitang ipinatupad, hindi magkakaroon ng mga Misa, mga pagkakasal, at maging ng relihiyosong paglilibing sa teritoryong apektado.
b Ang tatlong naunang labas ng Ang Bantayan ay sumuri sa mga iba pang patotoo na tayo ay nabubuhay sa “huling bahagi ng mga araw” sa panahon na ang napanaginip na larawan ay pupuksain.