Ang Buhay at Ministeryo ni Jesus
Ang Mapagmataas at ang Mapagpakumbaba
PAGKATAPOS banggitin ang mga mabubuting ugali ni Juan Bautista, ibinaling ni Jesus ang kaniyang pansin sa mapagmataas, at salawahang mga tao sa palibot niya. “Ang lahing ito,” ang sabi niya, “ay katulad ng mga bata na nangakaupo sa pamilihan at sumisigaw sa kanilang mga kalaro, na nagsasabi, ‘Kayo’y tinugtugan namin ng plauta, ngunit hindi kayo nagsayaw; kami’y nanambitan, ngunit kayo’y hindi naghinagpis.’”
Ano ba ang ibig sabihin ni Jesus? Ganito ang kaniyang paliwanag: “Naparito si Juan na hindi kumakain ni umiinom, ngunit sinasabi ng mga tao, ‘siya’y may demonyo’; naparito ang Anak ng tao na kumakain at umiinom, gayunpama’y sinasabi ng mga tao, ‘Narito! Isang taong matakaw at manginginom ng alak, isang kaibigan ng maniningil ng buwis at ng mga makasalanan.’”
Imposible na bigyang kasiyahan ang mga tao. Walang anumang makalulugod sa kanila. Si Juan ay namuhay ng isang matipid na buhay ng pagkakait-sa-sarili bilang isang Nazareo, bilang pagsunod sa inihayag ng anghel na “siya’y huwag iinom ng alak at ng anumang matapang na inumin.” Gayunman ay sinasabi ng mga tao na siya’y may demonyo. Sa kabilang dako, si Jesus ay namuhay na gaya ng mga ibang tao, hindi nagkait ng anuman sa sarili, gayunma’y binibintangan siya ng pagmamalabis.
Ang hirap palugdan ang mga tao! Sila’y tulad ng mga ibang kalaro, na ayaw tumugon sa pamamagitan ng pagsasayaw gayong ang mga ibang bata ay tumutugtog ng plauta o ayaw na maghinagpis gayong ang kanilang mga kapuwa bata ay nananambitan. Subalit, sinabi ni Jesus: “Ang karunungan ay pinatutunayang matuwid sa pamamagitan ng kaniyang mga gawa.” Oo, ang ebidensiya—ang mga gawa—ang nagpapatunay na ang mga pagpaparatang laban kay Juan at kay Jesus ay walang katotohanan.
Si Jesus ay nagpatuloy ng pagsasalita laban sa mga lunsod ng Chorazin, Bethsaida, at Capernaum, na kung saan ginawa niya ang karamihan ng kaniyang mga himala. Kung ang mga ito’y ginawa niya sa Phoenicia sa mga lunsod ng Tiro at Sidon, sabi ni Jesus, ang mga lunsod na ito ay tiyak na nagsisi na sa kasuotang magaspang at sa abo. Hinahatulan ang Capernaum, na maliwanag na ginawa niyang kaniyang tirahan sa panahon ng kaniyang ministeryo, si Jesus ay nagsabi: “Higit na mapagbibigyan pa ang lupain ng Sodoma sa Araw ng Paghuhukom kaysa sa inyo.”
Ano ba ang ibig sabihin ni Jesus? Maliwanag na ipinakikita niya na, sa panahon nang Araw ng Paghuhukom pagka ang mga mapagmataas sa Capernaum ay binuhay-muli, magiging lalong mahirap para sa kanila na aminin ang kanilang mga pagkakamali at tanggapin si Kristo kaysa sa binuhay-muling sinaunang mga taga-Sodoma na magsisi nang may pagpapakumbaba at matuto ng katuwiran.
Pagkatapos ay hayagang pinupuri ni Jesus ang kaniyang Ama sa langit. Siya’y naudyukan na gawin iyon sapagkat ang mahalagang espirituwal na mga katotohanan ay ikinukubli ni Jesus sa mga marurunong at matatalino ngunit isinisiwalat ang kamangha-manghang mga bagay na ito sa mga mapagpakumbaba, sa mga sanggol, wika nga.
Sa wakas, si Jesus ay nagbibigay ng kaakit-akit na paanyaya: “Pumarito kayo sa akin, lahat kayong nagpapagal at nabibigatang lubha, at kayo’y pagpapahingahin ko. Pasanin ninyo ang aking pamatok at kayo’y maging mga alagad ko, sapagkat ako’y maamo at mapagpakumbabang puso, at masusumpungan ninyo ang kapahingahan ng inyong mga kaluluwa. Sapagkat malambot ang aking pamatok at magaan ang aking pasan.”
Paano nagbibigay si Jesus ng kapahingahan? Ginagawa niya ito sa pamamagitan ng pagpapalaya buhat sa umaaliping mga tradisyon na iniaatang ng mga pinunong relihiyoso sa mga tao, kasali na, halimbawa, ang mahigpit na mga utos tungkol sa pangingilin ng Sabbath. At, ipinakikita niya ang daan ng kaginhawahan sa mga taong nabibigatan sa mga pahirap na iniaatang ng dominanteng mga namiminunong mga maykapangyarihan at sa mga pumapasan ng bigat ng kanilang mga pagkakasala dahil sa isang nababagabag na budhi. Kaniyang isinisiwalat sa mga taong binabagabag na ito kung paano patatawarin ang kanilang mga kasalanan at kung paano tatamasahin nila ang isang mahalagang pakikipag-ugnayan sa Diyos.
Ang malambot na pamatok na iniaalok ni Jesus ay isang lubos na pag-aalay ng sarili sa Diyos, ang paglilingkod sa ating maawain at mahabaging Ama sa langit. At ang magaan na pasan na iniaalok ni Jesus sa mga lumalapit sa kaniya ay yaong pagsunod sa mga kahilingan ng Diyos ukol sa buhay, ang Kaniyang mga utos, na hindi naman mabibigat. Mateo 11:16-30; Lucas 1:15; 7:31-35; 1 Juan 5:3.
◆ Paano ang salinlahi noong panahon ni Jesus ay tulad ng mga bata?
◆ Paanong higit na mapagbibigyan pa ang Sodoma kaysa Capernaum?
◆ Sa anong mga paraan nabibigatang lubha ang mga tao, at anong kaginhawahan ang iniaalok ni Jesus?