Lagi Bang Nasasakyan Mo ang Kahulugan?
ANG nakatatandang kapatid ay galit na galit. Ang kinagagalitan niya ay ang kaniyang nakababatang kapatid. At bakit? Ang kaniyang kapatid ay tinanggap samantalang siya ay hindi. Samantalang nag-aapoy ang kaniyang galit, isang matalinong kakilala ang nagpayo sa kaniya na supilin niya ang kaniyang nasaktang damdamin. Sapagkat kung hindi ay mayroong masamang mangyayari. Subalit hindi pinansin ng lalaking iyon ang mabuting payo. Sa halip, ang masaklap na ibinunga, kaniyang napatay ang kaniyang bunsong kapatid.
Ang lalaking iyon ay si Cain, panganay na anak ng ating mga unang magulang, si Adan at si Eva. Pinatay ni Cain ang kaniyang bunsong kapatid na si Abel nang tanggapin ni Jehova ang hain na inihandog ni Abel at tinanggihan ang kay Cain. Ang matalinong kakilala ay walang iba kundi si Jehovang Diyos, na nagbigay ng maibiging payo na tinanggihan ni Cain. Kaya naman, ang kasalanang pamamaslang ay pumasok sa bagu-bago lamang pamilya ng tao, at si Cain ay sinentensiyahan na ang natitirang bahagi ng kaniyang mahabang buhay ay gugulin bilang isang itinakwil na palaboy. Anong lungkot na resulta pagka hindi nasakyan ng isa ang kahulugan ng ipinapayo!—Genesis 4:3-16.
Marami nang siglo pagkatapos kay Cain, si Haring David sa Israel ay nagkasala ng pangangalunya kay Bath-sheba, ang asawa ni Uria na Hetheo, at ang babaing iyan ay nagdalang-tao. Sinubok ni David na harapin ang problema sa pamamagitan ng paghimok kay Uria na sipingan ang kaniyang asawa. Nang si Uria’y tumanggi, isinaayos ni David ang mga bagay-bagay upang si Uria ay mamatay sa larangan ng digmaan at pagkatapos ay pinakasalan niya si Bath-sheba upang maiwasan ni Bath-sheba na siya’y mamatay na gaya ng isang mangangalunya. Isang propeta ng Diyos ang lumapit kay David at itinawag-pansin sa kaniya ang kaselangan ng kaniyang ginawa. Agad namang nasakyan ni David ang kahulugan ng sinasabi sa kaniya. Kaya naman, bagama’t sa nalalabing bahagi ng kaniyang buhay ay dinanas niya ang bunga ng gayong krimen, tinanggap ni Jehova ang kaniyang taus-pusong pagsisisi.—2 Samuel 11:1–12:14.
Ang dalawang halimbawang ito sa kasaysayan ay nagpapakita ng kahalagahan ng pakikinig sa payo. Makikita rito ang pagkakaiba ng tagumpay at pagkabigo, ng kaligayahan at kalungkutan, maging ng buhay at kamatayan. Hindi kataka-takang sabihin ng Bibliya: “Ang lakad ng mangmang ay matuwid sa kaniyang sariling mga mata, ngunit siyang pantas ay nakikinig sa payo.” (Kawikaan 12:15) Gayunman ay hindi madali na makinig sa payo. Bakit nga? Paano natin mapauunlad ang mabuting saloobin ni Haring David sa bagay na ito at maiwasan ang masamang halimbawa ni Cain?
Tumutulong ang Pagpapakumbaba
Kadalasan nahihirapan ang mga tao na makinig sa payo dahilan sa hindi nila matanggap ang bagay na sila’y nangangailangan ng tulong. O kung sakaling tatanggap sila, hindi nila matanggap ang katotohanan na dapat silang tumanggap ng payo buhat sa taong ito. Ang totoo, ito ay pagmamataas, at ang bahagyang pangangatuwiran ay tutulong sa atin na madaig ito. Halimbawa, sinabi ni Pablo: “Lahat ay nagkasala at hindi nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos.” (Roma 3:23) Iyan ay nagsasabi sa atin na bawat isa ay nangangailangan ng payo paminsan-minsan. Sinasabi rin nito sa atin na maging iyong mga nagpapayo sa atin ay may mga kahinaan. Walang sinuman na napupuwera rito. Kaya’t huwag hayaang ang napaghahalatang mga kahinaan ng isang tao ay humadlang sa iyo sa pagtanggap ng anumang tulong na marahil ay nasa kalagayan siyang ibigay sa iyo.
Idiniin ni Jesus ang pangangailagan na sugpuin ang pagmamataas nang kaniyang sabihin sa kaniyang mga tagasunod: “Maliban sa kayo’y magbalik-loob at maging tulad sa maliliit na bata, sa anumang paraan ay hindi kayo magsisipasok sa kaharian ng langit.” (Mateo 18:3) Ang mga maliliit na bata ay nakadarama ng katiwasayan pagka sila’y pinayuhan at inakay ng kanilang mga magulang. Ganoon ba rin ang nadarama mo pagka mayroong nagpayo sa iyo at natatalos mo na ang gayong payo ay nagpapatunay na iniibig ka at ipinagmamalasakit ka ng isang iyon? (Hebreo 12:6) Si Haring David, na ang mapagpakumbabang pagtanggap ng payo ang nagbukas ng daan upang tanggapin ni Jehova ang kaniyang pagsisisi ay naudyukan na sumulat: “Kung sugatan man ako ng matuwid, iyon ay magiging kagandahang-loob pa nga; at kung sawayin niya ako, iyon ay magiging parang langis sa ulo.”—Awit 141:5.
Ang ganiyang maamong saloobin ay makatutulong sa atin pagka ang payong tinatanggap natin ay sumasaklaw sa mga pitak na kung saan walang takdang mga alituntunin. Halimbawa, kung sakaling tayo’y pinayuhan na ang ating pag-aayos ng katawan o ayos ng pananamit ay nakakatisod sa mga iba sa kongregasyon, marahil ay kailangan ng tunay na kapakumbabaan para masakyan ang punto. Gayunman, ang paggawa ng gayon ay pagsunod sa payo ni apostol Pablo: “Patuloy na hanapin ng bawat isa, hindi ang kaniyang sariling kapakinabangan, kundi yaong sa kaniyang kapuwa.”—1 Corinto 10:24.
Nakatutuwa naman, sapagkat inilaan ni Jehova ang Bibliya, na may saganang maiinam na payo. Sa katunayan, ang salitang “payo” na may sarisaring anyo ay matatagpuan dito ng mahigit 170 beses. Gayundin, siya’y naglaan ng mapagmahal na mga pastol upang tumulong sa atin sa pagkakapit ng payong ito. Ang kaayusang pampamilya ay isa pang paglalaan ni Jehova bilang maibiging tulong sa pamamagitan ng payo buhat sa mga magulang na may kabatiran sa kanilang mga pananagutan. Sa tuwina’y mapakumbabang dinggin natin ang gayong payo.
“Maging Mabilis Tungkol sa Pakikinig”
Ang Santiago 1:19 ay nagpapayo: “Bawat tao ay kailangang maging mabilis tungkol sa pakikinig, mabagal tungkol sa pagsasalita, mabagal tungkol sa pagkagalit.” Ito’y lalung-lalo nang totoo pagka tayo’y tumatanggap ng payo. Bakit? Unang-una, hindi baga totoo na tayo’y malimit nakadarama ng ating sariling mga kahinaan, at hindi naman totoong kataka-taka pagka isang nagmamalasakit na kaibigan ang nagtawag-pansin sa atin ng mga kahinaang ito at siya’y nagbigay ng payo? Tiyak na magiging madali para sa lahat ng kinauukulan kung dagling masasakyan natin ang kaniyang ibig na sabihin at mapakumbabang tatanggapin natin ang mapagmahal na tulong.
Pagka isang kaibigan ang lumapit sa atin upang magpayo, tandaan natin na baka siya ay totoong nininerbiyos. Hindi madali ang magbigay ng payo. Marahil ang taong ibig magpayo ay gumugol ng malaking panahon upang pag-isipan ang mga salita o paraan ng paglapit na gagamitin niya. Baka ang usapan ay pasimulan ng isang elder sa pamamagitan ng pagbibigay sa atin ng komendasyon sa mga ilang pitak ng paglilingkurang Kristiyano na kung saan mahusay tayo. Subalit iyan ay hindi dapat mag-udyok sa atin na mag-alinlangan sa kaniyang mga motibo pagka tayo’y pinayuhan na niya. Sa primero ang nagpapayo ay baka magsalita sa isang paraang di-tuwiran, na sinisikap na siya’y maging mataktika o huwag magsalita nang matalim. Ang ating madaling pagkaintindi sa ibig ipaunawa ay tutulong sa tagapayo sa kaniyang pagpapayo at marahil ay maiiwasan natin ang nasaktang mga damdamin.
Kung minsan baka ang gamitin ng tagapayo ay isang paghahalimbawa o isang ilustrasyon upang tulungan tayo na masakyan ang kahulugan. Isang binata ang noo’y hindi pa naman nagkakasala nang malubha, subalit patungo na nga siya roon. Sa pakikipagkatuwiranan sa kaniya isang nakatatandang lalaking Kristiyano ang kumuha ng isang ruler na naroon sa ibabaw ng mesa. Binaluktot niya ang hawak niyang ruler, pagkatapos ay nagtanong: “Kung babaluktutin ko na gaya nito ang ruler, puwede pa bang ipansukat ko ito ng isang tuwid na guhit?” Nasakyan ng binata ang ibig sabihin. Sinusubok pala niya na ibaluktot ang mga alituntunin upang maibagay sa kaniyang sariling mga naisin. Ang ilustrasyon ay tumulong sa kaniya na sundin ang pantas na payo ng Kawikaan 19:20: “Makinig ka sa payo at tanggapin mo ang disiplina.”
Kilalanin ang Di-tuwiran na Payo
Ang ganiyang pagkaunawa ay maaaring tumulong sa atin na makinabang sa di-tuwirang payo kahit na hindi sa pamamagitan ng sinupaman. Ito ay nangyari sa kaso ng isang binata sa Portugal. Siya ay nag-aaral noon ng Bibliya at kumuha siya ng isang kopya ng aklat na Ang Iyong Kabataan—Pagkakamit ng Pinakamainam Dito. Mga ilang araw lamang ang nakaraan, kaniyang ipinagtapat na nabasa na niya ang aklat ng tatlong beses at natulungan siya nito. Sa papaano? Ganito ang sabi ng binata:
“Wala akong tunay na pag-asa sa kinabukasan, ngunit ang kabanata 2 [“Kung Bakit Ka Makatitingin sa Hinaharap nang may Pagtitiwala”] ang nagbigay sa buhay ko ng kabuluhan. Gayundin, kung mga ilang taon na ngayon na ako’y nagsasagawa ng masturbesyon; walang sinuman na nagsasabi sa akin na ito’y hindi nakalulugod sa Diyos at nakapipinsala rin sa aking sarili. Pagkatapos na mabasa ko ang kabanata 5 [“Ang Masturbesyon at ang Homoseksuwalidad”], nagpasiya ako na huminto na sa ganitong kinaugalian. Ang kabanata 7 [“Ang Iyong Damit at Hitsura ay Nangungusap—Tungkol sa Iyo”] ang tumulong sa akin na pag-ukulan ng pansin ang aking sariling hitsura, at gaya ng nakikita ninyo, ako ay nagpagupit na.”
Nagpatuloy pa rin siya: “Matagal nang ako’y naninigarilyo. Ang kabanata 15 [“Mga Droga—Lihim ng Tunay na Pamumuhay?”] ang nagtuwid sa akin sa bagay na iyan. Ako’y nanalangin kay Jehova, at buhat noong Linggo ako ay hindi pa humihitit ng isang sigarilyo. Alam mo, dati’y nakikipagtalik ako sa aking nobya, subalit ang kabanata 18 [“May Kabuluhan ba ang Kalinisang-Asal sa Sekso?”] ang nagtawag-pansin sa akin sa pangmalas ng Diyos sa paksang ito. Kinausap ko na ang aking nobya tungkol dito, at minabuti niya na tapusin na ang aming relasyon.”
Anong laking kagalakan na makita ang gayong mga pagbabago sa napakaikling panahon sa buhay ng isang kabataan! Ano’t ito’y nagawa? Dahil sa kaniyang nakilala na ang kaniyang binabasa ay payo na kumakapit mismo sa kaniya.
Ang Pakikinig sa Payo ay Pinakikinabangan
Ang payo—dumarating man ito sa atin nang di-tuwiran sa pamamagitan ng Bibliya o ng mga babasahin sa Bibliya, o tuwiran na galing sa isang kaibigan—ay mapapakinabangan. Ito ay makikita sa karanasan ng isang ama na humingi ng tulong sa nakatatandang mga lalaki sa espirituwal sa kaniyang kongregasyon dahil sa ang kaniyang 18-anyos na anak na lalaki ay hindi tumutugon sa kaniyang pagsisikap na madisiplina ito. Ang mga elder na Kristiyano ay mapagmahal na nakipagkatuwiranan sa ama, na masigasig sa paglilingkod sa Diyos ngunit sa malas ay nangangailangan na maging lalong timbang sa pakikitungo sa kaniyang pamilya.
Ang mga salita ni Pablo ay binasa sa kaniya: “At kayong mga ama, huwag ninyong ipamungkahi sa galit ang inyong mga anak, kundi patuloy na palakihin sila sa disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova.” (Efeso 6:4) Ang ama ay hinimok na pag-isipan ito: Ang paraan ba ng paghimok niya sa kaniyang anak, bagaman may mabuting hangarin, ay nakagagalit sa bata? Sinisikap kaya na hilahin ang anak na maging kasinsigasig ng kaniyang ama sa pagdalo sa mga pulong Kristiyano at sa paglilingkod nang hindi nagsisikap na maghasik sa kaniyang puso ng pag-ibig sa gayong mga bagay? Natulungan ba ng ama ang kaniyang anak na ‘matutong matakot kay Jehova na kaniyang Diyos’?—Deuteronomio 31:12, 13.
Ang ama ay nakinig sa payo at ikinapit iyon. Ang resulta? Ang kaniyang 18-anyos na anak ay dumadalo na ngayon sa mga pulong Kristiyano, at ang ama ay nagdaraos ng isang lingguhang pag-aaral sa Bibliya sa binatang ito. At gaya ng sinabi ng ama, “Kaming mag-ama ay mayroon ngayong isang lalong humusay na relasyon.” Oo, nasakyan ng mag-ama ang payo.
Tiyak na tayong lahat ay nagkakamali at nangangailangan ng payo paminsan-minsan. (Kawikaan 24:6) Kung ating nasakyan ang payo at pakinggan ang matalinong payong iyon, tayo’y magtatamasa ng maraming mga pagpapala. Isa na roon ang pinakamahalagang pagpapala sa lahat: pagpapaunlad at pagpapanatili ng isang makabuluhan, personal na relasyon sa ating mapagmahal na Ama sa langit, si Jehova. Kaya naman, ating mauulit ang mga salita ni Haring David: “Pupurihin ko si Jehova, na nagbigay sa akin ng payo.”—Awit 16:7.