Sino ang mga Tunay na Ebanghelisador?
SAAN ka man naninirahan, sa anumang paraan ang kilusang ebanghelistiko na pinasimulan ni Jesu-Kristo ay nakaapekto sa iyong buhay. Subalit hindi bawat isa na nag-aangking kumakatawan kay Kristo ay nakapagpalaganap ng tunay na mensahe ng Salita ng Diyos. Hindi lahat ng mga ebanghelisador—sa kasalukuyan o sa nakaraan—ay pinag-aalab ng ganoon ding sigasig misyonero na taglay ng mga alagad ni Kristo noong unang siglo.
Totoo, ang mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan ay may tinataya na 220,000 mga misyonero na gumagawa sa daigdig sa ngayon, subalit ang mga misyonero bang iyon ay pasado sa pagsubok na pinagdaraanan ng mga tunay na ebanghelisador? Ang Kristiyanong ebanghelismo ay hindi inilaan na maging isang anyo ng espirituwal na imperyalismo, na kung saan ang mga mangangaral ay gagawa bilang mga ahente ng makapangyarihang mga bansa sa daigdig na nagtatayo ng mga kolonya. (Ihambing ang Santiago 4:4.) Isa pa, ang tunay na ebanghelismong Kristiyano ay hindi rin naman magtataguyod ng umano’y teolohiya sa pagpapalaya at ang tatangkilikin nila’y ang radikal na mga pagbabago sa mga sistemang pampulitika at panlipunan; hindi rin naman maisip ni Jesus ang mga elektronikong predikador na sumusuntok pa hawak ang Bibliya at nagtatatalak ng tungkol sa kanilang bersiyon ng “prosperity theology” sa TV at sa radyo. (Juan 17:16; Mateo 6:24) Kung gayon, ano nga ba ang isang ebanghelisador?
Ano ba ang Tunay na Ebanghelismo?
Sa orihinal na mga wika ng Bibliya, ang Hebreo at Griego, ang isang ebanghelisador ay isang tagapaghayag ng masasayang balita, o mabuting balita.a Mabuting balita ng ano? Ng kaligtasan, ng matuwid na pamamahala, at ng kapayapaan. Halimbawa, sinasabi ng Isaias 52:7: “Anong pagkaganda-ganda sa mga bundok ang mga paa niyaong nagdadala ng mabuting balita, na naghahayag ng kapayapaan, na nagdadala ng mabuting balita ng lalong mabuting bagay, na naghahayag ng kaligtasan, na nagsasabi sa Sion: ‘Ang iyong Diyos ay naging hari!’”
Gayundin, sa kapanganakan ng Anak ng Diyos, ibinalita ng anghel sa mga pastol: “Huwag kayong mangatakot, sapagkat, narito! dinadalhan ko kayo ng mabuting balita ng malaking kagalakan na sasa-buong bayan, sapagkat ipinanganak sa inyo ngayon sa lunsod ni David ang isang Tagapagligtas, na siyang Kristo na Panginoon.” (Lucas 2:10, 11) Samakatuwid, ang mabuting balita ay nakasentro kay Jesu-Kristo.
Makalipas ang mga 30 taon, si Jesus ay pumasok sa sinagoga sa lunsod ng Nazaret noong araw ng Sabbath at tumayo upang bumasa. “Ibinigay sa kaniya ang balumbon ng propeta Isaias, at kaniyang binuksan ang balumbon at nasumpungan niya ang dako kung saan nasusulat: ‘Ang espiritu ni Jehova ay sumasa-akin, sapagkat kaniyang pinahiran ako upang ipangaral ang mabuting balita.’” Pagkatapos niya ng pagbabasa, “binalumbon niya ang aklat, at isinauli sa naglilingkod at naupo; at ang mga mata ng lahat ng nasa sinagoga ay nakatitig sa kaniya. Pagkatapos ay sinabi niya sa kanila: ‘Sa araw na ito ay natupad ang kasulatang ito na karirinig-rinig lamang ninyo.’” Tunay na si Jesus ay isang mangangaral ng mabuting balita, at ang mabuting balita na kaniyang ipinangaral ay nakasentro sa “kaharian ng Diyos.”—Lucas 4:17-21; 8:1.
Ang kaniyang pag-eebanghelyo ay inihambing ni Jesus sa pag-aani at sinabi niya na “ang aanihin ay marami, datapuwat kakaunti ang manggagawa.” (Mateo 9:36-38) Sa gayo’y sinanay at sinugo niya ang kaniyang mga tagasunod upang maging mga ebanghelisador din naman. (Mateo, kabanata 10; Lucas, kabanata 10) Tulad din ng kanilang Guro, ang pinaka-buod ng kanilang pangangaral ay “ang kaharian ng langit.” (Mateo 10:7) Subalit, ang pangangaral ng Kaharian ay hindi para lamang sa mga apostol ni Jesus.
Nang sumiklab ang pag-uusig laban sa batang-batang kongregasyong Kristiyano sa lunsod ng Jerusalem, ang ulat sa Gawa 8:1 ay nagsasabi na “lahat maliban sa mga apostol ay nagsipangalat sa buong rehiyon ng Judea at Samaria.” Ang nagsipangalat na mga alagad bang iyon ay nagsipagtago at namaluktot sa takot? Hindi, sapagkat ang Gawa 8 talatang 4 ay patuloy na nagsasabi: “Gayunman, yaong mga nagsipangalat ay nagsipaglakbay sa lupain at nangaral ng mabuting balita ng salita.” Sa ganito’y umani nang marami ang unang-siglong mga ebanghelisador.
Kapuna-puna, ang aklat na A Theological Word Book of the Bible ay nagsasabi: “Sa BT [Bagong Tipan] ang pangangaral ay walang kinalaman sa pagsisermon sa mga nakumberte na, na kadalasa’y ganiyan ang kahulugan sa ngayon, kundi laging may kinalaman ito sa paghahayag ng ‘mabuting balita ng Diyos’ sa daigdig ng mga di-Kristiyano.” Samakatuwid, lahat ng Kristiyano ay mga ebanghelisador, at ang kanilang pag-eebanghelyo ay di-limitado sa pagsasalita sa mga kapananampalataya.
Subalit ano ba ang tema ng modernong-panahong ebanghelismo? Inihula ni Jesus para sa ating kaarawan na “ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.” (Mateo 24:14) At iniutos ni Jesus sa mga taong nakakita ng kaniyang pag-akyat at pati rin sa kaniyang magiging mga tagasunod sa hinaharap na sila’y maging “mga saksi [niya] kapuwa sa Jerusalem at sa buong Judea at Samaria at hanggang sa kadulu-duluhang bahagi ng lupa.”—Gawa 1:8; tingnan din ang Mateo 28:19, 20.
Samakatuwid, ang pinaka-buod na mensahe ng ebanghelisador ay ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos na Jehova sa kamay ng kaniyang hinirang na Hari, si Jesu-Kristo, ang Prinsipe ng Kapayapaan. (Isaias 9:6) At kasali na rito ang lahat ng katotohanan na sinalita ni Jesus at isinulat ng kaniyang mga alagad. Ang mga tunay na ebanghelisador sa ngayon ay hindi lumilihis sa kaisa-isang temang ito.
Sino ang Tagapagtaguyod ng Tunay na Ebanghelismo?
Ang tunay na mga ebanghelisador ay sumasamba kay Jehova bilang kanilang Diyos. Siya ang Dakilang Ebanghelisador; siya ang Tagapagtaguyod ng pangangaral ng mabuting balita. (Galacia 3:8; Apocalipsis 10:7) At nais niya na lahat ng mga tao sa lahat ng dako ay makarinig at tumalima sa kaniyang mensahe. “Tunay ngang talastas ko na hindi nagtatangi ang Diyos ng mga tao,” ang pahayag ni apostol Pedro sa isang munting pulutong ng mga tao sa puerto ng Cesarea sa Mediteraneo. “Kundi sa bawat bansa ang taong may takot sa kaniya at gumagawa ng matuwid ay kalugud-lugod sa kaniya. Kaniyang ipinadala ang salita sa mga anak ng Israel upang ipangaral sa kanila ang mabuting balita ng kapayapaan sa pamamagitan ni Jesu-Kristo: ang Isang ito ay Panginoon ng lahat.”—Gawa 10:34-36.
Inihula ng Bibliya na ngayon ay minsan pang mag-aani nang marami ang mga ebanghelisador. (Apocalipsis 14:15, 16) Basahin sa sumusunod na artikulo ang ilan sa mga karanasan ng mga Saksi ni Jehova sa kanilang pakikibahagi sa pag-aaning ito. Suriin ang kanilang iniulat na pangangaral sa pahina 12 hanggang 15 ng magasing ito. Pagkatapos ay makipag-usap kayo sa mga Saksi ni Jehova pagka sila’y dumalaw sa inyong tahanan at tingnan ninyo kung hindi kayo sasang-ayon na sila ang mga tunay na ebanghelisador sa ngayon.
[Talababa]
a Ang pandiwa sa Griego para sa “magdala ng mabuting balita,” o “mag-ebanghelyo,” (eu·ag·ge·liʹzo·mai) ay nangyaring kumatawan sa salitang Hebreo na isinaling ‘magdala ng mabuting balita’ (bis·sarʹ) sa Isaias 52:7. Ang ibig sabihin dito ng pandiwa na bis·sarʹ ay “ipamalita ang pansansinukob na tagumpay ni Yahweh sa buong daigdig at ang kaniyang maharlikang pamamahala” at ang bukang-liwayway ng isang bagong kapanahunan, ang sabi ng The New International Dictionary of New Testament Theology.—Ihambing ang Nahum 1:15, New World Translation of the Holy Scriptures—With References, talababa.