“Kay Jehova ang Pakikipagbaka”
“Ako’y naparirito sa iyo sa pangalan ni Jehova ng mga hukbo, ang Diyos ng mga kawal ng Israel, na iyong dinusta.”—1 SAMUEL 17:45.
1, 2. (a) Anong hamon ang napaharap sa hukbo ng Israel sa ilalim ng pangunguna ni Haring Saul? (b) Ano ang ikinilos ng mga lalaki ng hukbo ng Israel nang mapaharap sa hamon ni Goliat, at sino ngayon ang lumilitaw sa tanawin?
DALAWANG malalakas na hukbo ang nakaharap sa isa’t isa sa magkabilang panig ng libis ng Elah, sa timog-kanluran ng Jerusalem. Nasa isang panig ang hukbo ng Israel, na pinangungunahan ng natatakot na si Haring Saul. Nasa kabilang panig naman ang hukbong Filisteo at ang higanting kampeon niyaon, si Goliat. Marahil, ang ibig sabihin ng pangalang Goliat ay “Kapansin-pansin.” Siya’y mga 2.7 metro ang tangkad at armado nang husto. Si Goliat ay sumisigaw ng pamumusong na hamon sa Israel.—1 Samuel 17:1-11.
2 Sino ang tutugon sa hamon ni Goliat? “At lahat ng lalaki sa Israel, pagkakita nila sa lalaking iyon, naku, sila’y tumakas mula sa kaniyang harapan at takut na takot sila.” Subalit masdan—isang hamak na binatilyo ang lumilitaw sa tanawin! Ang kaniyang pangalan ay David na nangangahulugang “Minamahal.” Pinatunayan niyang siya’y “minamahal” din ni Jehova dahilan sa kaniyang may tibay-loob na debosyon sa katuwiran. Noon ay pinahiran na ni Samuel si David upang maging hari ng Israel sa hinaharap, at ang espiritu ni Jehova ay lubusang sumasa-kaniya.—1 Samuel 16:12, 13, 18-21; 17:24; Awit 11:7; 108:6.
3. Ano ang dala ni David sa pakikipaglaban, ngunit ano naman ang dala ni Goliat?
3 Nang mabalitaan na ‘dinudusta [ni Goliat] ang mga kawal ng Diyos na buháy,’ si David ay naghandog ng kaniyang sarili upang makipagbaka sa higante. Nang pumayag si Saul, humayo si David ngunit hindi siya nabibihisan ng kagamitang kalasag at mga armas na inialok noon ni Saul. Ang dala niya ay isa lamang tungkod, panghilagpos, at limang makikinis na bato—kabaligtaran naman ni Goliat, na may dalang sibat na may talim sa dulo na may bigat na 7 kilo at may suot na baluting tanso na 57 kilo ang bigat! Habang ang malakas na si Goliat at ang kaniyang tagapagdala ng kalasag ay umaabante, ‘nilait ng Filisteo si David sa pamamagitan ng kaniyang mga diyos.’—1 Samuel 17:12-44.
4. Paano tumutugon si David sa hamon ng higante?
4 Paano tumutugon si David? Kaniyang ibinalik sa higante ang hamon nito, at ang sigaw niya: “Ikaw ay naparirito sa akin na may tabak at may sibat at may javelin, ngunit ako’y naparirito sa iyo sa pangalan ni Jehova ng mga hukbo, ang Diyos ng mga kawal ng Israel, na iyong dinusta. Sa araw na ito ay ibibigay ka ni Jehova sa aking kamay, at sasaktan kita at pupugutin ko ang iyong ulo; at ang mga bangkay sa hukbo ng mga Filisteo ay tunay na ibibigay ko sa mga ibon sa himpapawid sa araw na ito at sa mababangis na hayop sa gubat; at malalaman ng mga tao sa buong lupa na may Diyos ang Israel. At malalaman ng buong kongregasyong ito na hindi nagliligtas si Jehova sa pamamagitan ng tabak o ng sibat man, sapagkat KAY JEHOVA ANG PAKIKIPAGBAKA, at kayong mga tao’y ibibigay niya sa aming kamay.”—1 Samuel 17:45-47.
5. Ano ang kinalabasan ng labanan, at sino ang nagtamo ng kapurihan?
5 Buong tapang na umabante si David para sa pakikipaglaban. Inaryahan ang bato ng kaniyang panghilagpos upang tamaan ang inaasinta, at si Goliat ay nabuwal nang pasubsob sa lupa. Oo, ginanti ni Jehova ang pananampalataya at tibay ng loob ni David sa pamamagitan ng walang pagkabisalang pagpapatama ng munting balang iyon sa noo ng higante! Si David ay tumakbo sa harap, binunot sa kaluban ang tabak ni Goliat at pinugot ang ulo ng mapang-aping iyon. Ang mga Filisteo ay nagsitakas na litung-lito. Tunay nga, masasabing: “KAY JEHOVA ANG PAKIKIPAGBAKA”!—1 Samuel 17:47-51.
6. (a) Bakit nga iningatan ni Jehova ang detalye ng sinaunang labanang ito? (b) Anong katiyakan ang kailangan ng mga lingkod ng Diyos kung sila’y nagtitiis ng pag-uusig buhat sa mga kaaway na maaaring ihalintulad kay Goliat?
6 Bakit nga iningatan ni Jehova ang detalyadong ulat ng labanang ito sa kaniyang Salita, bagaman ang labanan ay naganap mga 3,000 taon na ngayon ang lumipas? Sinasabi sa atin ni apostol Pablo ang ganito: “Lahat ng bagay na isinulat noong una’y nasulat upang magturo sa atin, na sa pamamagitan ng pagtitiis at kaaliwan buhat sa Kasulatan ay magkaroon tayo ng pag-asa.” (Roma 15:4) Sa ngayon, maraming tapat na mga lingkod ng Diyos ang nagtitiis ng pag-upasala at tahasang pag-uusig buhat sa mga kaaway na maaaring maihalintulad kay Goliat. Habang tumitindi ang mga panggigipit na ginagawa ng kaaway, lahat tayo ay nangangailangan ng pang-aliw na katiyakang “KAY JEHOVA ANG PAKIKIPAGBAKA.”
Ang Isyu ng Pagkasoberano
7. Anong isyu ang nakababahala sa lahat ng lingkod ng Diyos sa lahat ng bansa, at bakit?
7 Si Goliat ay nangalandakan ng paghamon sa Diyos ng Israel. Sa katulad na paraan, sa ika-20 siglong ito ang totalitaryong makapulitikang sistema ng pamamahala ang bumangon, na humahamon sa pagkasoberano ni Jehova at kanilang tinatakot ang mga lingkod niya upang magpailalim sa Estado na parang ito ang sinasamba. Ang isyung ito ay nakababahala sa mga lingkod ng Diyos sa lahat ng bansa. Bakit nga? Sapagkat ang inihulang mga Panahong Gentil, o “itinakdang mga panahon sa mga bansa,” ay nagwakas noong 1914, at nagsimula ang kasalukuyang panahon ng “paghihirap ng mga bansa, na nagugulumihanan.” (Lucas 21:24-26; NW, King James Version) Ang mga Panahong Gentil ay nagsimula nang yurakan ng mga bansa ang makalupang Jerusalem noong 607 B.C.E. at sumaklaw sa susunod na 2,520 taon magpahanggang noong 1914, nang iluklok ni Jehova si Jesus bilang kaniyang Mesyanikong Hari sa makalangit na Jerusalem.—Hebreo 12:22, 28; Apocalipsis 11:15, 17.a
8. (a) Paano tumugon ang mga hari sa lupa sa makahulang utos na “maglingkod kay Jehova nang may takot”? (b) Anong makasanlibutang mga kampeon sa ngayon ang tumutuya kay Jehova at tumatakot sa kaniyang mga saksi?
8 Isang malaking pagbabago ang naganap noong 1914. Ang mga bansang Gentil ay hindi na makapamamahala nang hindi pinakikialaman ng Diyos. Subalit “ang mga hari” bang namamahala noon ay sumunod sa makahulang utos na “maglingkod kay Jehova nang may takot,” at kinilala ang kaniyang bagong kaluluklok na Hari? Hindi! Sa halip sila’y “nagsasanggunian laban kay Jehova at laban sa isang kaniyang pinahiran,” si Jesus. Sa pagtataguyod sa kanilang sariling lunggatiin, sila’y “nagkagulo” sa Dakilang Digmaan noong 1914-18. (Awit 2:1-6, 10-12) Magpahanggang sa araw na ito, ang pandaigdig na pamamahala ay isang mahigpit na isyu sa harap ng sangkatauhan. Ang daigdig ni Satanas ay nagpapatuloy na sinisibulan ng makapulitikang mga kampeon, kahalintulad ng mga kamag-anakan ni Goliat, ang mga Refaim. Ang makadiktador na mga pamamahalang ito ay tumutuya kay Jehova at tinatakot ang kaniyang mga saksi upang pasakop, subalit sa tuwina, si Jehova ang nakikipaglaban at nagtatagumpay.—2 Samuel 21:15-22.
Isang Modernong-Panahong “Saul”
9. Sino sa ngayon ang kumikilos nang gaya ni Haring Saul, at sa paano?
9 Saan dito pumapasok sa larawan si Haring Saul? Una pa rito, dahilan sa kaniyang paghihimagsik, ‘ang kaharian ng Israel ay hinapak sa kaniya ni Jehova.’ (1 Samuel 15:22, 28) Ngayon, hindi itinaguyod ni Saul ang pagkasoberano ni Jehova sa harap ng hamon ni Goliat. Gayundin, ang sumunod na ginawa niya’y ang pag-usigin si David, na dumaig kay Goliat at siyang pinahiran ni Jehova upang humalili kay Saul. Angkop na angkop ang pagkabagay ng klero ng Sangkakristiyanuhan sa larawang ito! Sila’y naghimagsik laban sa katotohanan ng Bibliya, palibhasa’y bahagi sila ng malaganap na apostasya na ‘hindi tumatalima sa mabuting balita’ tungkol sa ating Panginoong Jesus at sa kaniyang napipintong Kaharian. Sila’y lubusang umurong sa pagtataguyod sa pansansinukob na soberanya ni Jehova at kanilang puspusang pinag-usig ang pinahirang mga Saksi ni Jehova at ang kanilang mga kasamahan, ang malaking pulutong. Ang mga apostatang iyon ay aalisin ni Jehova ‘sa kaniyang poot.’—2 Tesalonica 1:6-9; 2:3; Oseas 13:11.
10. (a) Noong 1918, anong manipesto ang inilathala sa London ng isang grupo ng prominenteng mga klerigo? (b) Sa halip na pasundan ng gawa ang 1918 manipesto, anong hakbang ang sinunod ng klero?
10 Noong unang digmaang pandaigdig, ang pakikipagkompromiso ng klero ng Sangkakristiyanuhan ay malinaw na nahayag. Maliwanag dito, ang hula ni Jesus sa Mateo kabanata 24 at 25, at Lucas kabanata 21 ay natutupad noon. Sa katunayan, noong 1918 isang grupo ng prominenteng mga klerigo sa London, Inglatera, na kumakatawan sa mga iglesyang Baptist, Kongregasyonal, Presbiteryano, Episkopal, at Metodista, ang naglathala ng isang manipesto. Ito’y nagsabi: “Ang kasalukuyang krisis ay nakatutok sa pagtatapos ng mga panahon ng mga Gentil.” Subalit hindi nila pinasundan ng gawa ang deklarasyong iyan. Nangyari nga, ang klero ng Sangkakristiyanuhan ay lubhang napasangkot sa pagtataguyod sa magkapuwa panig ng unang digmaang pandaigdig. Sa halip na kilanlin ang presensiya o pagkanaririto ni Jesus sa kapangyarihan sa Kaharian, sila’y napadala sa kaisipan ng makasanlibutang mga bansa—na ang mga tao ay dapat patuloy na isailalim ng dominasyon ng baha-bahaging makapulitikang mga maykapangyarihan, samakatuwid nga’y ng mga maniniil na katulad ni Goliat, imbis na magkaisa sa ilalim ng Kaharian ng Diyos.—Mateo 25:31-33.
Walang Pakikipagkompromiso!
11. Sino ang hindi nakipagkompromiso tungkol sa isyu ng soberanya, at kaninong halimbawa ang sinusunod nila?
11 Ang tapat na mga lingkod ba ng Diyos ay nakikipagkompromiso tungkol sa isyung ito ng soberanya? Malayo, gaya ng malinaw na ipinakikita ng ulat ng Bibliya! (Daniel 3:28; 6:25-27; Hebreo 11:32-38; Apocalipsis 2:2, 3, 13, 19) Ang tapat na mga Kristiyano sa ngayon ay nagtataguyod ng pagkasoberano ni Jehova at ng Kaharian niya sa kabila ng lahat ng malulupit na upasala at pag-uusig na ginagawa sa kanila ng nananakot na modernong-panahong Goliat. Sa gayon, sila’y sumusunod sa mga yapak ni Jesus, “ang anak ni David,” na buong tapang na nagsagawa ng espirituwal na pakikipagbaka alang-alang sa pagkasoberano ni Jehova, at kasabay niyaon ay nanatili siyang neutral sa mga alitan at pulitika ng sanlibutan. Sa pananalangin sa kaniyang Ama, sinabi ni Jesus na ang kaniyang mga tagasunod, na mga tunay na Kristiyano, ay “hindi bahagi ng sanlibutan” na katulad din niya.—Mateo 4:8-10, 17; 21:9; Juan 6:15; 17:14, 16; 18:36, 37; 1 Pedro 2:21.
12. (a) Sino ang nagtagumpay laban sa modernong-panahong Goliat, at paano nga? (b) Ang kanilang pagkakitang patay na si “Goliat” ay nagkaroon ng anong epekto sa bayan ni Jehova?
12 Ang tulad-David na nalabi ng pinahirang mga Kristiyano sa ngayon ay nagtagumpay sa modernong-panahong Goliat. Sa paano nga? Sa bagay na kanilang ipinahayag na sila’y walang pasubaling nasa panig ni Jehova sa isyu tungkol sa pamamahala sa daigdig. Isang “RESOLUSYON (Pinagtibay ng International Bible Students Association sa Kombensiyon sa Cedar Point, Ohio, Linggo, Setyembre 10, 1922)” ang nagsilbing parisan. Kasali roon ang sumusunod:
“10. Kami’y naninindigan pa rin at nagpapatotoo na ito ang araw ng paghihiganti ng Diyos laban sa nakikita at di-nakikitang imperyo ni Satanas;
“11. Na ang muling pagtatayo sa matandang sanlibutan o kaayusan ay isang bagay na di-mangyayari; na narito na ang panahon para sa pagtatatag ng kaharian ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo Jesus; at na lahat ng kapangyarihan at organisasyon na hindi kusang nagpapasakop sa matuwid na paghahari ng Panginoon ay pupuksain.”
“Ang Anak ni David,” bilang Ulo ng kongregasyong Kristiyano, ang walang alinlangang siyang namahala sa paghahagis ng “bato” ng katotohanan ng Kahariang iyon. (Mateo 12:23; Juan 16:33; Colosas 1:18) Ang mga resolusyon na pinagtibay sa taon ng mga kombensiyon mula noong 1922 hanggang 1928 ay nagdiin sa ganitong paninindigan. Buhat sa punto-de-vista ng bayan ni Jehova, si “Goliat” ay nakahandusay na patay, pinugutan ng ulo. Ang makadiktador na mga pamamahalang-tao ay walang lakas na pilitin ang malalakas-loob na mga tagapagtaguyod ng pagkasoberano ni Jehova upang kumompromiso.—Ihambing ang Apocalipsis 20:4.
13. (a) Paano nakipagkompromiso ang klero ng Sangkakristiyanuhan noong panahon ng paniniil na naganap sa Alemanya ni Hitler? (b) Ano ang iniulat ng aklat na Mothers in the Fatherland tungkol sa di-kumokompromisong Saksi?
13 Ang isang litaw na halimbawa sa modernong panahon ng pananakot ng tulad-Goliat na mga makapulitikang pamamahala ay naganap sa Alemanya ni Hitler. Ang mga pangunahing relihiyon, kapuwa Katoliko at Protestante, ay lubhang kumompromiso sa pagpaparangal sa Nazismo, anupa’t ginawang idolo ang führer, sumasaludo sa kaniyang banderang swastika, at binabasbasan ang kaniyang mga tropa ng sundalo sa kanilang pagsalakay upang pumatay ng kanilang mga kapananampalataya sa karatig na mga bansa. Ang umano’y mga Kristiyano ng lahat ng relihiyon—ngunit hindi ang mga Saksi ni Jehova—ay natangay ng silakbo ng pagkamakabayan. Ang aklat na Mothers in the Fatherland ay nag-ulat: “[Ang mga Saksi ni Jehova] ay ikinulong sa mga kampong kulungan, isang libo sa kanila ang pinatay, at isa pang libo ang nangamatay sa pagitan ng 1933 at 1945. . . . Napakinggan ng mga Katoliko at mga Protestante ang panghihimok sa kanila ng kanilang klero na makipagtulungan kay Hitler. Kung sila’y tatanggi, iyon ay laban sa mga utos ng kapuwa simbahan at estado.” Anong laking pagkakasala kapuwa ng Simbahan at Estado sa pagbububo ng dugo!—Jeremias 2:34.b
14. Bakit kadalasa’y pinag-uusig ang mga Saksi ni Jehova?
14 Magpahanggang sa araw na ito ang malupit na paniniil sa mga Saksi ni Jehova ay nagpapatuloy sa maraming bansa, gaya ng inihula ni Jesus. Subalit sa ilalim ng lahat ng kalagayan, ang mga Kristiyanong ito ay masugid sa patuloy na pangangaral ng “mabuting balitang ito ng kaharian.” (Mateo 24:9, 13, 14) Ito’y balintuna dahilan sa ang mga Saksi ay kinikilala sa karamihan ng bansa bilang tapat, malilinis ang pamumuhay na mga mamamayan, uliran sa pagsunod sa batas at kaayusan. (Roma 13:1-7) Gayunman sila ay kadalasan pinag-uusig. Bakit? Yamang si Jehova lamang ang bukud-tanging dapat sambahin, sila’y tumatanggi ng pagyukod sa mga imahen ng Estado. (Deuteronomio 4:23, 24; 5:8-10; 6:13-15) Sila’y hindi nakikipagkompromiso ng pagsamba kay Jehova, “siya lamang,” anupa’t si Jehova ang ginagawa nilang Soberanong Panginoon ng kanilang buhay. (Mateo 4:8-10; Awit 71:5; 73:28) Palibhasa sila’y “hindi bahagi ng sanlibutan,” sila ay nananatili sa kanilang pagkaneutral bilang Kristiyano kung tungkol sa pulitika at mga digmaan ng sanlibutan.—Juan 15:18-21; 16:33.
15, 16. (a) Kaninong halimbawa ang matutularan ng mga Saksi, bata at matanda, pagka sila’y pinagbantaan ng modernong-panahong Goliat, at paano ito nakita sa ginawa ng isang seis-anõs na batang babaing Kristiyano? (b) Nais ng mga magulang na Kristiyano na sanayin ang kanilang maliliit na anak upang maging katulad nino?
15 Ang modernong-panahong Goliat ay malimit na nagbabanta sa mga tagapag-ingat na ito ng katapatan, na ang pagsamba kay Jehova ay inuuna sa mga gawaing may kaugnayan sa pagsamba sa mga idolo. (Ihambing ang Apocalipsis 13:16, 17.) Subalit ang mga Saksi, bata at matanda, ay makatutulad sa halimbawa ni David sa pamamagitan ng walang-takot na pagtugon sa hamon. Sa isang bansang Latin-Amerikano, isang seis-años na batang babaing Kristiyano ang tumanggap ng mainam na pagkasanay sa tahanan mula sa pagkasanggol. (Ihambing ang Efeso 6:4; 2 Timoteo 3:14, 15.) Ito’y nakatulong upang siya ang maging pinakamatalinong estudyante sa kaniyang klase sa paaralan. Subalit ang kaniyang sinanay-sa-Bibliyang budhi ang nag-udyok sa kaniya na huwag sumali sa idolatrosong mga seremonya sa klase. Nang kaniyang ipaliwanag ang kaniyang paninindigan, ang guro ay bumulalas na nagsabing ang isang batang kasing-edad niya ay napakamusmos daw upang magkaroon ng budhi! Pinatunayan ng seis-años na bata na mali ang guro sa pamamagitan ng pagbibigay ng isang kahanga-hangang patotoo.
16 Inaasahan na lahat ng mga magulang na Kristiyano ay magsasanay sa kanilang maliliit na anak upang ang mga ito’y makatulad sa halimbawa ng batang si David sa pamamagitan ng kanilang paninindigan pagka pinagbantaan sila ng tulad-Goliat na pandaigdig na maykapangyarihan. Sana’y maging katulad sila ng tatlong tapat na mga batang Hebreo, gaya ni Daniel at ng marami pang iba sa Bibliya sa may tibay-loob na ‘pagsunod sa isang mabuting budhi’ kasuwato ng mga simulain sa Bibliya.—1 Pedro 2:19; 3:16; Daniel 3:16-18.
Ayon sa Pagkakita ng mga Historyador
17. (a) Ang historyador-Ingles na si Toynbee ay nagbabala tungkol sa pag-unlad ng ano? (b) Paano sinusubok ng uring modernong-panahong Goliat ang katapatan ng mga lingkod ng Diyos?
17 Ang kilalang historyador-Ingles na si Arnold Toynbee ay nagbabala tungkol sa pag-unlad sa panahon natin ng “kalagim-lagim na anyo ng isang paganong pagsamba sa soberanong pambansang mga estado,” anupa’t tinukoy din ito na “pag-asim ng bagong alak ng demokrasya sa mga lumang bote ng mga tribu-tribo.” Yaong mga nagsasabing ang kanilang sariling bansa ay nakahihigit kaysa lahat ng mga iba pa, hanggang sa punto na sambahin ang Estado, ay pinaandar ng mga pinuno at sinupil upang ipatupad ang kanilang mga patakaran, mabuti man o masama. Kaya naman, bumangon ang uring Goliat upang subukin ang katapatan ng bayan ng Diyos, na umiibig sa lupain na kanilang sinilangan ngunit tumatangging sumamba sa Estado at sa mga simbolo nito.
18. Anong sumasaliksik na mga tanong ang kailangang sagutin ng Kristiyanong sumusunod sa kaniyang budhi?
18 Tulad ng kaso sa Nazing Alemanya, sa ngayon ay mayroong sumasaliksik na mga tanong na kailangang sagutin ng Kristiyanong sumusunod sa kaniyang budhi: Dapat ba akong maniwala na ang bansang kinatitirhan ko ay sinasang-ayunan ng Diyos higit kaysa anupamang iba? Lalo na ngayon, sa pinakamapanganib na yugtong ito ng kasaysayan ng sangkatauhan, makatuwiran ba at matalino na ang isang munting bahagi ng lupa ay malasin na nakahihigit sa lahat ng mga iba pang bahagi? O malasin ang isang bahagi ng sangkatauhan bilang nakahihigit kaysa lahat ng iba pang mga bahagi?
19. Ano ang sinasabi sa atin ng pinakadakilang Historyador sa lahat, si Jehova, tungkol sa pag-iisip at pagkilos na para bang ang isang bansa ng mga tao ay nakahihigit sa alinmang ibang bansa?
19 Ating isaalang-alang ang punto-de-vista ng pinakadakilang Historyador sa lahat—ang Diyos na Jehova, Autor ng Bibliya. Sinasabi sa atin ni apostol Pedro: “Tunay ngang talastas ko na ang Diyos ay hindi nagtatangi, kundi sa bawat bansa ang taong may takot sa kaniya at gumagawa ng matuwid ay kalugud-lugod sa kaniya.” At hindi baga tayo dapat na laging kumilos na kasuwato ng kinasihang pangungusap ni apostol Pablo na “ginawa [ng Diyos] buhat sa isang tao ang bawat bansa ng mga tao, upang tumahan sa balat ng buong lupa”? Bakit nga ba ang isang bansa ng mga tao ay mag-iisip at kikilos na para bang ito’y nakahihigit sa alinmang ibang bansa? Tungkol sa lahat ng tao, sinabi ni Pablo: “Tayo’y lahi ng Diyos.”—Gawa 10:34, 35; 17:26, 29.
20. Ano ang hindi na magsisilbing hamon sa bayan ng Diyos sa bagong sanlibutan ni Jehova, at ano ang tatalakayin sa ating susunod na pag-aaral?
20 Sa bagong sistema ni Jehova, sa mga umiibig sa katuwiran ay hindi na magsisilbing hamon ang tulad-Goliat na mga totalitaryong pamamalakad pulitikal, sapagkat ang parti-partidong pagmamataas at pagkakapootan ay magiging mga bagay ng nakaraan. (Awit 11:5-7) Saanman sila naninirahan sa lupa, ang bayan ng Diyos ay nagwaksi ng gayong walang-kabuluhang mga bagay, sa pagsunod sa utos ni Jesus na ‘mag-ibigan na gaya ng kaniyang pag-ibig sa kanila.’ (Juan 13:34, 35; Isaias 2:4) Ang ating susunod na pag-aaral ang magpapakita kung anong uri iyon ng pag-ibig!
[Mga talababa]
a Para sa isang detalyadong pagtalakay para sa kronolohiyang ito ng Bibliya, tingnan ang mga pahina 129-39 ng aklat na “Let Your Kingdom Come,” lathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
b Ukol sa nakapupukaw na mga halimbawa ng katapatan ng mga Saksi ni Jehova, bata at matanda, sa pagtugon sa hamon ng Nazi “Goliat,” tunghayan ang 1974 Yearbook of Jehovah’s Witnesses, pahina 117-21, 164-9.
Mga Tanong sa Repaso
◻ Ano ba ang inilalarawan ng higanteng manunupil na si Goliat?
◻ Sa anu-anong paraan ipinakikita ng mga lingkod ng Diyos na sila’y hindi kumokompromiso tungkol sa isyu ng pagkasoberano?
◻ Bakit masasabi ng bayan ng Diyos na ang modernong-panahong Goliat ay napagtagumpayan na?
◻ Sino ang inilalarawan ni Haring Saul, at paano sila kumikilos na tulad niya?
◻ Paanong ang bayan ni Jehova ay kumilos na tulad ni David sa harap ng mga maniniil na tulad-Goliat?