Sambahin ang Maylikha, Hindi ang Nilikha
“Si Jehova na iyong Diyos ang siya mong sasambahin, at siya lamang ang pag-uukulan mo ng banal na paglilingkod.”—LUCAS 4:8.
1. Ano ang kahulugan ng pananalitang “sambahin,” at paano dapat isagawa ang pagsambang iyan?
ANG pananalitang “sambahin” ay may ganitong kahulugan ayon sa diksiyunaryo: “Pag-ukulan nang malaki, samakatuwid nga labis-labis na paggalang, karangalan, o debosyon.”a Sino ang dapat pag-ukulan ng gayong pagsamba? Sinabi ni Jesu-Kristo: “Iibigin mo si Jehova mong Diyos nang iyong buong puso at nang iyong buong kaluluwa at nang iyong buong pag-iisip.” (Mateo 22:37) Gayundin, nang ialok ang lahat ng kaharian ng sanlibutan kung siya’y magsasagawa ng kahit na lamang isang “gawang pagsamba” kay Satanas, si Jesus ay tumanggi, at ang sabi: “Si Jehova na iyong Diyos ang siya mong sasambahin, at siya lamang ang pag-uukulan mo ng banal na paglilingkod.” (Lucas 4:7, 8) Sa mga salitang ito at pagkilos ni Jesus, malinaw na si Jehovang Diyos lamang ang dapat sambahin. Kasali sa pagsambang ito ang “banal na paglilingkod,” sapagkat “ang pananampalatayang walang gawa ay patay.”—Santiago 2:26.
2. Bakit nararapat na ang sambahin ay ang Maylikha lamang?
2 Ang gayong pagsamba kay Jehova ay nararapat sapagkat siya ang Kataas-taasang Soberano ng buong sansinukob, ang Maylikha ng kagila-gilalas na kalangitan at ng lupa kasama na ang lahat ng uri ng buhay na naririto. Sa ganiyang kalagayan, siya lamang ang dapat ituring na karapatdapat sa “malaki, samakatuwid nga labis-labis na paggalang, karangalan, o debosyon” ng mga tao. Ang Bibliya ay nagsasabi: “Karapatdapat ka, Jehova, na aming Diyos, na tumanggap ng kaluwalhatian at ng karangalan at ng kapangyarihan, sapagkat nilalang mo ang lahat ng bagay, at dahil sa iyong kalooban kung kaya’t sila’y umiral at nangalalang.” (Apocalipsis 4:11) Tunay, walang hamak na tao, walang bagay na may buhay o walang buhay, ang karapatdapat sa gayong “paggalang, karangalan, o debosyon.” Si Jehova lamang ang karapatdapat sa “bukod-tanging debosyon.”—Exodo 20:3-6.
Lalong Kailangan ang Apurahang Pagkilos
3. Bakit lalong kailangan natin ngayon ang apurahang pagkilos ng wastong pagsamba sa Diyos?
3 Dahil sa tayo’y nabubuhay sa isang panahon ng paghuhukom, lalong kailangan ngayon ang apurahang pagkilos ng wastong pagsamba sa Diyos. Nakataya ang walang hanggang kahihinatnan. Sinasabi sa atin ng makahulang Salita ng Diyos na sa “mga huling araw” na ito ng kasalukuyang sistema ng mga bagay, si Kristo Jesus ay dumating na taglay ang makalangit na kaluwalhatian at “kasama niya ang lahat ng anghel.” Para sa anong layunin? Si Jesus mismo ang humula tungkol sa layuning iyan, na nagsasabi: “Titipunin sa harap niya ang lahat ng bansa, at ang mga tao ay pagbubukdin-bukdin niya gaya ng pagbubukud-bukod ng pastol sa mga tupa at mga kambing.” Ang mga tupa ay tutungo “sa walang-hanggang buhay.” Ang mga kambing ay tutungo “sa walang-hanggang kamatayan.”—2 Timoteo 3:1-5; Mateo 25:31, 32, 46.
4. (a) Papaano ipinakikilala ni Pablo yaong pupuksain magpakailanman sa katapusan ng sanlibutang ito? (b) Ano ang ipinakikitang saloobin niyaong mga magtatamo ng walang-hanggang buhay?
4 Si apostol Pablo ay sumulat tungkol sa “pagkahayag ng Panginoong Jesus mula sa langit na kasama ang kaniyang makapangyarihang mga anghel sa nagliliyab na apoy, samantalang pinasasapit niya ang paghihiganti sa mga hindi kumikilala sa Diyos at sa mga ayaw sumunod sa mabuting balita hinggil sa ating Panginoong si Jesus. Ang mga ito nga ang magdaranas ng hatol na parusa ng walang-hanggang pagkapuksa.” (2 Tesalonica 1:7-9) Samakatuwid, ang walang-hanggang pagkapuksa ang kahihinatnan ng matitigas-ulong, tulad-kambing na mga tao na tumatanggi sa kaalaman tungkol sa mga layunin ng Diyos o ayaw kumilos kung sila’y may pagkakataon. Subalit “walang-hanggang buhay” naman ang kahihinatnan ng mapagpakumbabang, tulad-tupang mga tao na naghahangad na magkaroon ng kaalaman tungkol kay Jehova, nakikinig sa kaniyang mga turo, at pagkatapos ay napaiilalim sa kaniyang kalooban. Ang Bibliya ay nagsasabi: “Ang sanlibutan ay lumilipas at ang pita niyaon, datapuwat ang gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman.”—1 Juan 2:17; tingnan din ang 2 Pedro 2:12.
5, 6. (a) Ano ang kailangang gawin ng isang tao upang masumpungan ang katotohanan tungkol kay Jehova at sa kaniyang mga layunin? (b) Bakit tayo makapagtitiwala na ang mga humahanap ng katotohanan ay makasusumpong ng katotohanan anuman ang kanilang kalagayan sa buhay?
5 Ang tulad-tupang mga tao ay handang magsakripisyo ng panahon, lakas, at materyal na ari-arian upang magsaliksik ng katotohanan. Ginagawa nila ang sinasabi ng Kawikaan 2:1-5: “Anak ko, kung iyong tatanggapin ang aking mga salita at pakaiingatan mo ang aking mga utos, upang iyong ikiling sa karunungan ang iyong pakinig, na ang iyong puso ay maihilig mo sa pag-unawa; oo, kung hihingi ka ng unawa at itataas mo ang iyong tinig sa paghingi ng kaunawaan, kung patuloy na hahanapin mo ito na parang pilak at patuloy na sasaliksikin mo ang paghanap dito na parang kayamanang natatago, kung magkagayo’y mauunawaan mo ang pagkatakot kay Jehova, at masusumpungan mo ang mismong kaalaman sa Diyos.”
6 Ang kalugurang hanapin si Jehova ang siyang nagbubukod sa tulad-tupang mga tao buhat sa mga tulad-kambing. “Kung hahanapin mo siya, kaniyang hahayaang masumpungan mo siya; ngunit kung iiwanan mo siya, kaniyang itatakwil ka magpakailanman.” (1 Cronica 28:9) Samakatuwid, anuman ang lahi o bansa ng isang tao, anuman ang kaniyang pinag-aralan, siya man ay mayaman o mahirap, kung siya’y taimtim na magsasaliksik para makamit ang katotohanan tungkol sa Diyos, kaniyang masusumpungan iyon. Buhat sa kanilang mainam na dakong pinagtatanawan buhat sa langit, pangyayarihin ni Kristo at ng kaniyang mga anghel na ang katotohanan ay matagpuan ng taong naghahanap, saanman naninirahan ang taong iyon. Ano ba ang kagantihan na idudulot ng paghahanap na iyon? Sinabi ni Jesus: “Ito’y nangangahulugan ng buhay na walang-hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos, at sa isa na iyong sinugo, si Jesu-Kristo.”—Juan 17:3; tingnan din ang Ezekiel 9:4.
Pag-iwas sa Pagsamba sa Nilalang
7, 8. (a) Ano ang panganib sa pagsamba sa mga tao? (b) Ilarawan ang “labis-labis na paggalang, karangalan, o debosyon” na iniuukol kay Maria?
7 Maraming tao sa buong lupa ang nag-uukol sa mga tao rin—buháy man o patay—ng “labis-labis na paggalang, karangalan, o debosyon.” Bagaman marahil inaakala nila na ito’y bahagi ng kanilang pagsamba sa Diyos, ang totoo’y inililihis sila nito sa tunay na pagsamba. Ito’y nagbubukas ng daan upang sila’y maniwala sa mga doktrina at mahulog sa mga gawain na labag sa kalooban ng Diyos. Ang isang kilalang halimbawa ay ang paraan ng pakikitungo kay Maria, na ina ni Jesus, ng angaw-angaw na mga tao sa kapuwa mga bansang Romano Katoliko at Silangang Ortodox na Katoliko.
8 Ang mga imahen at larawan ni Maria ay niyuyukuran taglay ang saloobin ng pagsamba, at sa opisyal na doktrina ng simbahan, siya’y tinutukoy na “ang Birheng Mariang Teotokos.” Ang salitang the·o·toʹkos ay nangangahulugang “tagapagdala-sa-Diyos” o “ina ng Diyos.” Ang New Catholic Encyclopedia ay nagsasabi: “Si Maria ay ina ng Diyos. . . . Kung si Maria’y hindi talagang ina ng Diyos, kung gayo’y si Kristo ay hindi tunay na Diyos at hindi tunay na tao.” Samakatuwid, bilang bahagi ng kanilang doktrina ng Trinidad, ang mga relihiyon ay nagtuturong si Jesus ay Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat na nasa anyong tao, at ginagawang si Maria ang “ina ng Diyos.” Ang ganiyan ding ensayklopedia ay nagsasabi pa na kasali sa debosyon kay Maria ang: “(1) pagsamba, o ang mapitagang pagkilala sa kadakilaan ng banal na Birheng Ina ng Diyos; (2) pananalangin, o ang pananawagan sa mahal na Birhen para sa kaniyang makaina at malareynang pamamagitan; . . . at sarilinang pananalangin [kay Maria].”
9. Itinuturo ba ng Bibliya na si Maria ay “ina ng Diyos”?
9 Gayunman, ang salitang the·o·toʹkos ay hindi makikita sa kinasihang Kasulatan. At saanman sa Bibliya ay walang sinasabi na si Maria ay “ina ng Diyos.” Iyan ay hindi itinuro ni Jesus, ni ng mga Kristiyano man noong unang siglo. Isa pa, malinaw na ipinakikita ng Bibliya na si Jesus ay hindi ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat na nasa anyong tao kundi siya ang Anak ng Diyos.b Tunay nga, nang ipatalastas kay Maria ng isang anghel na siya’y magdadalantao, siya’y sinabihan: “Bababa sa iyo ang banal na espiritu, at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasan. Kaya naman ang ipanganganak ay tatawaging banal, ang Anak ng Diyos.” (Lucas 1:35) Samakatuwid si Jesus ang Anak ng Diyos, hindi ang Diyos mismo na nasa anyong tao. Sa gayon, si Maria ay ina ng anak ng Diyos na si Jesus, hindi ang ina ng Diyos na nasa anyong tao. Kaya naman si Maria ay hindi tinawag ni Jesus ni ng kaniyang mga alagad man na “ina ng Diyos.”
10, 11. (a) Anong mga halimbawa ang nagpapakita kung ano ang pagkakilala ni Jesus sa kaniyang ina? (b) Ano ang pagkakilala ng mga apostol at mga alagad ni Jesus sa kaniyang ina?
10 Ang pagkakilala ni Jesus sa kaniyang ina ang nagpapakita ng kaniyang kaukulang posisyon. Sa isang kasalan sa Cana, ganito ang sinasabi ng Bibliya: “Nang magkulang ng alak ang ina ni Jesus ay nagsabi sa kaniya: ‘Wala silang alak.’ Subalit sinabi sa kaniya ni Jesus. ‘Ano ang pakialam ko sa iyo, babae?’” Ganito naman ang mababasa sa Romano Katolikong Douay Version ng Bibliya: “Babae, ano’t pinangungunahan mo ako?” (Juan 2:3, 4) Sa isang pagkakataon, may nagsabi sa kaniya: “Maligaya ang tiyan na sa iyo’y nagdala at ang mga dibdib na iyong sinusuhan!” Iyon ay magandang pagkakataon para bigyan ni Jesus ng pantanging kapurihan ang kaniyang ina at ipakita na ganoon din ang dapat gawin ng iba. Sa halip, sinabi ni Jesus: “Hindi, bagkus, maligaya yaong nakikinig ng salita ng Diyos at gumaganap niyaon!”—Lucas 11:27, 28.
11 Ang ganiyang mga reperensiya ay nagpapakita na nagpakaingat si Jesus na huwag pag-ukulan ng debosyon o di-nararapat na kapurihan si Maria o tawagin siya sa anumang natatanging titulo. Hindi niya tinulutang ang kanilang relasyon ay makaimpluwensiya sa kaniya. At ang mga apostol at mga alagad ay sumunod sa kaniyang halimbawa, sapagkat saanman sa kanilang kinasihang mga kasulatan ay hindi pinag-uukulan si Maria ng anumang di-nararapat na papuri, titulo, o impluwensiya. Bagaman kanilang iginagalang siya bilang ina ni Jesus, sila’y hindi na lumampas pa riyan. Tunay na hindi nila tinawag siya na “ina ng Diyos.” Batid nila na si Jesus ay hindi siyang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat na anyong tao at, sa gayon, si Maria ay hindi maaaring siyang ina ng Diyos, isang posisyon na lubhang nakahihigit sa ipinahihintulot ng Salita ng Diyos na taglayin ni Maria.
Ang Kulto ng Inang-Diyosa
12. Saan at kailan bumangon ang ideya na si Maria ay “ina ng Diyos”?
12 Kung gayon, saan nanggaling ang ideyang ito? Ito’y unti-unting gumapang upang pumasok sa apostatang Sangkakristiyanuhan noong ikatlo at ikaapat na mga siglo ng ating Karaniwang Panahon. Gayon nga ang nangyari lalo na pagkatapos noong taóng 325 C.E. nang tanggapin ng Konsilyo ng Nicaea ang labag-kasulatang doktrina na si Kristo’y Diyos. Minsang tinanggap ang maling ideyang iyon, lalong naging madali na iturong si Maria ang “ina ng Diyos.” Tungkol dito, ang The New Encyclopædia Britannica ay nagsasabi: “Ang titulo [‘ina ng Diyos’] ay waring bumangon sa gitna ng mga nagpapanata, marahil sa Alexandria, noong ika-3 o dili kaya’y ika-4 na siglo . . . Nang magtatapos ang ika-4 na siglo, nagtagumpay na ang Teotokos nang pagtatatag ng kaniyang sarili sa iba’t ibang bahagi ng simbahan.” Binabanggit ng New Catholic Encyclopedia na ang doktrina ay opisyal na tinatanggap “sapol noong Konsilyo ng Efeso noong 431.”
13. Malamang na ano ang nakaimpluwensiya sa Konsilyo ng Efeso noong 431 C.E. upang magpalabas ng anong opisyal na pahayag na si Maria ang “ina ng Diyos”?
13 Kapana-panabik malaman kung saan nagpulong ang konsilyong iyan at kung bakit. Ang aklat na The Cult of the Mother-Goddess, ni E. O. James, ay nagsasabi: “Ang Konsilyo ng Efeso ay nagpulong sa basilica ng Teotokos noong 431. Doon, kahit saan, sa siyudad na bantog na bantog sa debosyon kay Artemis, o Diana ayon sa tawag sa kaniya ng mga Romano, na kung saan ang kaniyang imahen ay nahulog buhat sa langit, sa ilalim ng anino ng dakilang templo na inialay sa Magna Mater [Dakilang Ina] sapol noong 330 B.C. at mayroon, sang-ayon sa tradisyon, na isang pansamantalang tirahang-dako si Maria, ang titulong ‘tagapagdala sa Diyos’ ay hindi na maaaring di-tangkilikin.”
14. Papaano pinatutunayan ng kasaysayan na ang doktrinang ito ay nagmula sa pagano?
14 Kaya katulad din ng Trinidad, ang doktrina ng “ina ng Diyos” ay isang turong pagano na nagbabalatkayong isang paniwalang Kristiyano. Ito’y prominente sa mga relihiyong pagano daan-daang taon na bago kay Kristo. Ang The New Encyclopædia Britannica ay nagsasabi sa ilalim ng paulong “inang diyosa”: “Alinman sa sarisaring mga Diyos at mga inang simbolo ng pagkalalang, kapanganakan, pag-aanak, seksuwal na pagtatalik, pag-aalaga, at siklo ng paglaki. Ang termino ay ikinapit din sa mga pigura na iba-iba gaya ng tinatawag na Mga Venus ng Kapanahunang Bato at ng Birheng Maria. . . . Walang kultura na hindi gumamit ng kahit na anong simbolismo ng pagkaina sa paglalarawan sa mga diyus-diyusan niyaon. . . . Siya ang protektor at tagapagpalaki ng isang dibinong anak at, sa pagkakapit ng lalong malawakan, ng lahat ng tao.” Kaya naman, ang paring Katoliko na si Andrew Greely ay nagsasabi sa kaniyang aklat na The Making of the Popes 1978: “Ang simbolo ni Maria ay tuwirang nag-uugnay sa Kristiyanismo sa sinaunang [paganong] mga relihiyon ng mga diyosang ina.”
Di-wastong Pagsamba
15. (a) Ano ang umunlad sa Sangkakristiyanuhan tungkol kay Maria? (b) Sang-ayon sa Bibliya, sino lamang ang makapamamagitan sa Diyos para sa atin?
15 Ang pag-aangkin na si Maria’y “ina ng Diyos” ay nagtataas sa kaniya sa isang puwesto na kung saan siya ay sasambahin ng mga tao, at ganiyan nga ang nangyari sa loob ng lumipas na daan-daang taon. Daan-daang milyong mga tao sa maraming bansa ang nanalangin sa kaniya o sa pamamagitan niya at nag-ukol ng mistulang pagsambang debosyon sa mga imahen at mga larawan niya. Samantalang baka ipangatuwiran ito ng mga teologo sa pagsasabing ang ganiyang pagpipitagan kay Maria ay isa lamang di-tuwirang pagsamba sa Diyos, hindi ganiyan ang tingin diyan ng Diyos. “May iisang Diyos, at iisang tagapamagitan sa Diyos at sa mga tao, isang tao, si Kristo Jesus.” (1 Timoteo 2:5; 1 Juan 2:1, 2) Si Jesus mismo ay nagsabi: “Ako ang daan at ang katotohanan at ang buhay. Walang sinuman ang makalalapit sa Ama kundi sa pamamagitan ko.”—Juan 14:6.
16. Papaano niliwanag ni Pedro at ni Juan na si Jehova lamang ang dapat sambahin?
16 Ang pagbibigay kay Maria ng debosyon tuwiran man o di-tuwiran, ang pananalangin sa kaniya, pagyuko sa mga imahen at mga larawan niya, ay pagsamba sa nilikha imbis na sa Maylikha. Ito ay idolatriya, at ang mga Kristiyano ay pinagsasabihan na “tumakas buhat sa idolatriya.” (1 Corinto 10:14) Nang ang Gentil na si Cornelio ay yumukod ng pagbibigay-galang sa apostol na si Pedro, pansinin ang nangyari: “Pagpasok ni Pedro, siya’y sinalubong ni Cornelio, ito’y nagpatirapa sa kaniyang paanan at siya’y sinamba. Datapuwat itinindig siya ni Pedro, na nagsasabi: ‘Magtindig ka, ako man ay tao rin.’” (Gawa 10:25, 26) Ang pagpapatirapa na parang sumasamba ka sa isang tao ay di-nararapat, at tinanggihan iyon ni Pedro. Gayundin, pagkatapos na tumanggap ng isang pangitain sa isang anghel, si apostol Juan ay nag-ulat: “Ako’y nagpatirapa upang sumamba sa harap ng mga paa ng anghel na nagpakita sa akin ng mga bagay na ito. Ngunit sinabi niya sa akin: ‘Mag-ingat ka! Huwag mong gawin iyan! Ako’y isa lamang kapuwa mo alipin at ng iyong mga kapatid na propeta at ng mga nagsisitupad ng mga salita nitong balumbon ng aklat na ito. Ang Diyos ang sambahin mo.’” (Apocalipsis 22:8, 9) Kung kahit na ang isang anghel ng Diyos ay hindi dapat sambahin, gaano pa kaya ang mga tao o ang mga larawan nila.
17. Ano ang inaamin ng isang ensayklopediang Katoliko na posibleng naging bunga ng debosyon kay Maria?
17 Ang ganiyang debosyon kay Maria ay posibleng nagbunga ng di-nararapat na pagsamba at iyan ay inaamin ng The Catholic Encyclopedia. Isang maagang edisyon ng ensayklopediang ito ang nagsasabing: “Ang popular na debosyon sa Mahal na Birhen ay malimit na may kasamang pagmamalabis at mga pag-aabuso, at iyan ay hindi maikakaila.”
18. Saan manggagaling ang gayong doktrina na labag sa turo ng Kasulatan?
18 Saan manggagaling ang gayong doktrina na labag sa turo ng Kasulatan? Ang panggagalingan ay ang Kaaway ng Diyos, si Satanas na Diyablo. (Juan 8:44) Bakit siya magbabangon ng gayong turo? Upang hamakin at pasamain ang Soberanong Panginoong Jehova, upang dakilain ang mga tao, at lumikha ng kaguluhan. Inililihis nito ang mga tao sa tunay na pagsamba at pinapangyayaring sila’y tumingin sa mga nilikha para sa pagtatamo nila ng kaligtasan. Sa loob ng daan-daang taon ay pinabilis din nito ang pangangamkam ng klero ng kapangyarihan sa karaniwang mamamayan, na tinuruang sila’y lubusang pasakop sa kanilang mga pinunong relihiyoso sapagkat ang klero lamang ang may kaalaman sa gayong masalimuot na teolohiya.
19, 20. (a) Bakit natin matitiyak na bago isagawa ang mga iginawad ng Diyos na kahatulan, ang katotohanan ay masusumpungan ng tulad-tupang mga tao? (b) Anong mga tanong ang tatalakayin sa susunod na artikulo?
19 Gayunman, inihula ni Jesus: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.” (Mateo 24:14) At ipinangangako ni Jehova na sa pamamagitan ng pangangaral ng Kaharian, kaniyang titipunin ang lahat ng tulad-tupang mga tao upang ‘turuan sila tungkol sa kaniyang mga daan upang sila’y makalakad sa kaniyang mga landas.’ (Isaias 2:2-4) Dahil sa sila’y tinitipon sa dalisay na pagsamba kay Jehova, sinabi ni Jesus tungkol sa kanila: “Inyong makikilala ang katotohanan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo.” (Juan 8:32) Kaya yaong mga humahanap ng katotohanan ay makasusumpong niyaon at palalayain buhat sa mga turo ng huwad na relihiyon na humahadlang sa mga tao sa paggawa ng kalooban ng Maylikha.
20 Mayroong iba pang karaniwan nang tinatanggap na mga turo at gawain ng relihiyon na naglilihis sa mga tao buhat sa tunay na pagsamba sa Maylikha, at nagbibigay ng debosyon sa nilalang. Ano ba ang ilan sa mga ito, at ano ang ibinunga ng mga ito? Ano ang kasangkot sa tunay na pagsamba? Ang susunod na artikulo ang susuri sa mga tanong na ito.
[Mga talababa]
a Webster’s Ninth New Collegiate Dictionary, 1986.
Papaano Mo Sasagutin?
◻ Papaano malinaw na ipinakita ni Jesus na si Jehova lamang ang dapat sambahin?
◻ Bakit lalong kailangan ngayon ang apurahang pagkilos ng wastong pagsamba kay Jehova?
◻ Bakit di-dapat bigyan si Maria ng di-nararapat na papuri?
◻ Saan bumangon ang ideya na si Maria ang “ina ng Diyos”?
◻ Papaano idiniin ng mga apostol na sina Pedro at Juan na si Jehova lamang ang dapat sambahin?