Magpakalinis sa Isip at sa Katawan
“Ang inyong mga katawan ay ihandog ninyo na isang haing buháy, banal, kalugud-lugod sa Diyos.”—ROMA 12:1.
1. Sang-ayon kay apostol Pablo, bakit ang kalinisan sa isip at katawan ay kinakailangan?
ANG isang taong naghahangad na maglingkod sa banal na Diyos na si Jehova ay kailangang maging malinis sa espirituwal at sa moral. Makatuwiran, ito’y nagpapahiwatig din ng pagiging malinis sa isip at katawan. Ang kasalukuyang sistema ng mga bagay palibhasa’y gayon nga, ang mga taong lumalabas dito upang maglingkod kay Jehova ay kinakailangang gumawa ng pagbabago hindi lamang sa kanilang kinaugaliang pag-iisip kundi kadalasan sa kanilang personal na mga kaugalian din naman. Si apostol Pablo ay sumulat sa mga Kristiyano sa Roma: “Kaya nga, mga kapatid ipinamamanhik ko sa inyo, alang-alang sa mga kahabagan ng Diyos, na ang inyong mga katawan ay ihandog ninyo na isang haing buhay, banal, kalugud-lugod sa Diyos, isang may kabanalang paglilingkod lakip ang inyong kakayahang mangatuwiran. At huwag na kayong lumakad na kaayon ng sistemang ito ng mga bagay, kundi mag-iba kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong isip, upang mapatunayan ninyo sa inyong sarili ang mabuti at ang kalugud-lugod at sakdal na kalooban ng Diyos.” (Roma 12:1, 2) Ano ba ang kasangkot sa kalinisan ng isip at katawan?
Pangkaisipang Kalinisan
2. Papaanong ang ating mga mata at puso ay makaaakay sa atin na magkasala ng kahalayan, at ano ang kailangan upang maiwasan ito?
2 Kahit na bago ibinigay ang Kautusan, ipinakita ng tapat na si Job na ang ating mga mata at puso ay makaaakay sa atin na magkasala ng kahalayan kung hindi natin susupilin. Kaniyang sinabi: “Ako’y gumawa ng pakikipagtipan sa aking mga mata. Kaya papaano ako makapag-uukol pa ng pansin sa isang dalaga? Kung ang aking puso ay narahuyo ng isang babae, . . . iyan ay kahalayan, at iyan ay isang kasalanan na parurusahan ng mga hukom.” (Job 31:1, 9-11) Kung tayo’y may pagala-galang mga mata at isang pusong salawahan, kailangang disiplinahin natin ang ating kaisipan, “ang disiplinang nagbibigay ng matalinong unawa.”—Kawikaan 1:3.
3, 4. (a) Ano ang ipinakikita ng halimbawa ni David at ni Bathsheba, at ano ang kailangan upang baguhin ang kinaugaliang masasamang pag-iisip? (b) Bakit ang hinirang na matatanda sa kongregasyong Kristiyano ang lalung-lalo nang dapat magpakaingat?
3 Ang mga mata ni Haring David ang umakay sa kaniya upang magkasala ng pangangalunya kay Bathsheba. (2 Samuel 11:2, 4) Ang halimbawang ito’y nagpapakita na kahit na ang mga lalaking ginagamit sa prominenteng paraan ni Jehova ay maaaring mahulog sa pagkakasala kung hindi nila didisiplinahin ang kanilang mga isip. Marahil ay kailangan ang matinding pagsisikap upang baguhin ang ating mga kinaugaliang pag-iisip. Ang gayong pagsisikap ay kailangang may kasamang taimtim na panalangin ng paghingi ng tulong kay Jehova. Pagkatapos na pagsisihan ang kaniyang kasalanan may kinalaman kay Bathsheba, si David ay nanalangin: “Likhaan mo ako ng isang malinis na puso, Oh Diyos, at ilagay mo sa loob ko ang isang bagong espiritu, na may katatagan.”—Awit 51:10.
4 Ang hinirang na matatanda sa kongregasyong Kristiyano ang dapat lalung-lalo nang magpakaingat na huwag magkimkim ng mga maling pita na aakay sa kanila sa malubhang pagkakasala. (Santiago 1:14, 15) Sa Kristiyanong si Timoteo na isang matanda, si Pablo ay sumulat: “Ang tunguhin ng utos na ito ay ang pag-ibig na nagbubuhat sa malinis na puso at sa mabuting budhi at sa pananampalataya na walang paimbabaw.” (1 Timoteo 1:5) Tunay na magiging isang pagpapaimbabaw kung gaganapin ng isang matanda ang kaniyang espirituwal na mga tungkulin habang pinapayagan niyang ang isang matang pagala-gala ay pumukaw sa kaniyang puso upang makaisip ng paggawa ng kahalayan.
5. Ano ang dapat iwasan upang mapanatiling malinis ang isip?
5 Lahat tayo bilang mga Kristiyano ay dapat na gawin ang ating buong makakaya upang mapanatiling malinis ang isip. Ito’y nangangahulugan ng pag-iwas sa mga panoorin sa sine, sa TV, o sa pagbabasa ng mga babasahing makaiimpluwensiya sa ating kaisipan sa kahalayan. Nasasangkot sa kalinisan sa kaisipan ang puspusang pagsisikap na pag-isipan ang mga bagay na “totoo, . . . matuwid, . . . malinis.” Isinusog pa ni apostol Pablo: “Kung may anumang kagalingan at kung may anumang kapurihan, patuloy na pag-isipan ninyo ang mga bagay na ito.”—Filipos 4:8.
Personal na Kalinisan
6. (a) Magbigay ng mga halimbawa buhat sa aklat ng Levitico na nagpapakitang ang personal at gayundin ang panlahatang kalinisan ay kahilingan sa Israel. (b) Ano ba ang layunin ng gayong mga kautusan?
6 Naging kasabihan nang “ang kalinisan ay sumusunod sa kabanalan.” Totoo naman, ang isang taong malinis sa moral at sa pisikal o sa katawan ay baka hindi maka-Diyos. Subalit ang isang taong maka-Diyos, sa karaniwan na, ay dapat malinis sa moral at sa katawan. Ang Kautusang Mosaiko ay nagbigay ng tiyakang mga utos tungkol sa paglilinis sa mga bahay na nahawahan ng sakit at sa personal na paliligo sa sarisaring kaso ng karumihan. (Tingnan ang Levitico, kabanata 14 at 15.) Lahat ng mga Israelita ay kinakailangang magpatunay na sila’y banal. (Levitico 19:2) Ang aklat na Insight on the Scriptures ay nagsasabi: “Ang mga kautusan tungkol sa pagkain, sa kalinisan, at sa moral na ibinigay ng Diyos [sa mga Israelita] ay palaging nagpapaalaala sa kanila ng kanilang pagiging nakabukod at ng kanilang kabanalan sa Diyos.”—Tomo 1, pahina 1128.
7. Ano ang totoo tungkol sa mga Saksi ni Jehova bilang isang bayan, subalit ano ba ang iniulat ng mga ilang naglalakbay na tagapangasiwa?
7 Bagaman ang mga Saksi ni Jehova bilang isang bayan ay malilinis buhat sa anumang bahid ng maka-Babilonyang huwad na relihiyon at hindi nila pinalalampas sa gitna nila ang imoralidad, ipinakikita ng mga ulat buhat sa naglalakbay na mga tagapangasiwa na may mga taong pabaya sa personal na kalinisan at kaayusan. Papaano natin matitiyak na tayo ay malinis tungkol din naman dito? Ang isang mabuting modelo para sa lahat ng mga tahanang Kristiyano ay ang Bethel, isang pangalang nangangahulugang “Bahay ng Diyos.”
8, 9. (a) Anong payo ang ibinibigay sa lahat ng bagong miyembro ng pamilyang Bethel? (b) Anong mga simulain na sinusunod sa mga Tahanang Bethel ang dapat sundin ng bawat sambahayang Kristiyano?
8 Pagka ang isang tao’y naging isang miyembro ng isang pamilyang Bethel sa punong-tanggapan ng Watch Tower Society o sa alinmang sangay nito sa buong daigdig, siya’y binibigyan ng isang brosyur na inihanda ng Lupong Tagapamahala. Ang publikasyong ito ay nagpapaliwanag kung ano ang inaasahan sa kaniya kung tungkol sa pagtatrabaho at personal na mga kaugalian. Sa ilalim ng paulong “Room Care and Cleanliness,” ganito ang sinasabi: “Ang buhay sa Bethel ay humihiling na manatili sa matataas na mga pamantayang pisikal, moral at espirituwal. Dapat ikabahala ng bawat isa rito sa Bethel ang pananatili niyang malinis at pati kaniyang kuwarto. Ito’y may bahagi sa mabuting kalusugan. Walang dahilan na ang sinuman ay maging marumi. Isang mabuting kaugalian ang maligo sa araw-araw. . . . Ang paghuhugas bago kumain ay mahalaga at inaasahan na gagawin ng lahat. Sa pagpapakita ng konsiderasyon sa iyong kakuwarto at sa inyong tagapangalaga ng tahanan, ang lababo o paliguan ay dapat banlawan pagkatapos ng bawat paggamit niyaon.”
9 Sa mga Tahanang Bethel, ang mga kasilyas ay iniingatang lubhang malilinis, at may paglalaan upang ang mga gumagamit nito ay maghugas agad-agad ng kanilang kamay. Ang mga miyembro ng pamilya ay inaasahang makipagtulungan upang iwanang malinis ang kasilyas pagkatapos gamitin, na nangangahulugang hindi kaliligtaang di-i-flush nang husto ang kasilyas. Ito’y pagpapakundangan sa susunod na gagamit ng kasilyas o sa tagapangalaga ng tahanan. Hindi baga ang gayong mainam, maibigin na mga simulain ang dapat sundin ng bawat sambahayang Kristiyano?
10. (a) Bakit ang isang magarang banyo ay hindi naman kailangan upang ang isa at pati ang kaniyang mga anak ay makapanatiling malinis? (b) Anong mga kautusan sa Israel ang tumutulong sa pagkakaroon ng mabuting kalusugan, at anong aral ang matututuhan buhat dito ng bayan ni Jehova sa ngayon?
10 Natural, ang mga kalagayan ay nagkakaiba-iba sa bansa at bansa. Sa mga ilang lugar, ang mga tahanan ay walang paliguan o kahit na isang dutsa. Datapuwat, sa pangkalahatan, ang mga lalaki at mga babaing Kristiyano ay maaaring makasumpong ng sapat na sabon at tubig upang linisin ang kanilang sariling katawan at linisin din ang katawan ng kanilang mga anak.a Maraming tahanan sa buong daigdig ang hindi konektado sa isang imburnal. Subalit ang dumi ay maaaring ibaon para mapaligpit, gaya ng kahilingan sa mga Israelita maging sa mga kampamentong militar man. (Deuteronomio 23:12, 13) Bukod dito, ang mga kautusan ni Jehova tungkol sa buhay sa kampamento ay nag-uutos ng malimit na paglalaba ng damit at paliligo, ng mabilis na pagrerekonise at paggamot sa mga sakit, ng wastong pag-aasikaso sa mga bangkay, at ng pagpapanatiling malinis ang tubig at ang mga kinakain. Lahat ng mga kautusang ito ay may bahagi sa ikalulusog ng bansa. Hindi baga dapat ding maging ganiyan tungkol sa kalinisan sa kanilang personal na mga kaugalian ang bayan ni Jehova sa ngayon?—Roma 15:4.
Malilinis na Tahanan at Malilinis na Kotse
11. (a) Ano ang dapat na maging totoo tungkol sa kahit na pinakaabang tahanang Kristiyano? (b) Anong pagtutulungan ang kailangang gawin ng lahat ng miyembro ng pamilyang Bethel?
11 Ang ating mga tahanan, maging iyon man ay napakaaba, ay maaaring maging maayos at malinis, subalit ito’y nangangailangan ng mabuting organisasyon na dapat gampanan ng pamilya. Ang isang inang Kristiyano ay magnanais na gugulin ang pinakamalaking panahon hangga’t maaari sa espirituwal na mga bagay, kasali na ang gawaing pangangaral, upang siya’y hindi kailangang gumugol ng panahon araw-araw sa pag-aayos pagkatapos na iwan ng mga miyembro ng pamilya ang nakakalat na mga damit, aklat, papel, magasin, at iba pa. Sa Bethel, bagaman mayroong mga tagapangalaga ng tahanan na gumagawa ng paglilinis, bawat miyembro ng pamilya ay inaasahang siyang mag-aayos ng kaniyang higaan at iiwanan niyang maayos bawat umaga ang kaniyang kuwarto. Lahat tayo ay nagpapahalaga sa ating masisinop at malilinis na mga Kingdom Hall at mga Assembly Hall. Harinawang ang ating mga tahanan ay magpatotoo rin na tayo’y bahagi ng malinis at banal na bayan ni Jehova!
12, 13. (a) Anong payo ang ibinibigay tungkol sa mga kotseng ginagamit sa paglilingkod kay Jehova, at bakit ito’y hindi naman kailangang pampaubos-panahon? (b) Ano ang espirituwal na dahilan para manatili sa pisikal na kalinisan at para sa pagkakaroon ng masisinop na mga tahanan at mga kotse?
12 Marami sa mga lingkod ni Jehova sa ngayon ang gumagamit ng mga kotse para sa pagpunta sa mga pulong at sa paglilingkod sa larangan. Sa mga ilang bansa ang isang kotse ay halos isang kagamitan na kailangan sa paglilingkod kay Jehova. Kaya naman, ito’y dapat na ingatang masinop at malinis, gaya rin ng ating tahanan. Talaga naman, ang mga Kristiyano ay hindi maaaring gumugol ng labis-labis na panahon sa pag-aasikaso sa kanilang mga kotse gaya ng ginagawa ng mga ibang taong makasanlibutan. Subalit bagaman hindi humahantong sa ganoong kalabisan, ang mga lingkod ni Jehova ay dapat magsikap na ang kanilang mga kotse ay ingatang may makatuwirang kalinisan at nasa mabuting ayos. Sa mga ibang bansa ang pagpapahugas sa kotse sa isang istasyon ng gasolina ay hindi naman magastos ni pampaubos-panahon man. Tungkol sa loob ng isang kotse, sampung minuto ng paglilinis at pagsisinop niyaon ay kamangha-mangha ang magagawa. Ang matatanda at ministeryal na mga lingkod, lalo na, ang dapat magsikap na maging halimbawa sa bagay na ito, yamang kadalasa’y ginagamit nila ang kanilang kotse upang maghatid ng grupu-grupong mamamahayag sa paglilingkod sa larangan. Pagka isinakay ng isang mamamahayag ang isang taong interesado upang dalhin siya sa pulong, tunay na hindi isang mabuting patotoo kung ang kotse ay marumi at di-masinop.
13 Samakatuwid, sa pamamagitan ng ating mga pagsisikap na maging malinis sa pisikal at magkaroon ng malilinis at masisinop na mga tahanan at mga kotse, ating pinararangalan si Jehova bilang mga miyembro ng kaniyang malinis na organisasyon.
Kalinisan Kapag Naghahandog ng Espirituwal na mga Hain
14. Anong mga kautusan ang sinusunod sa seremonyal na kalinisan sa Israel, at ano ang ipinakikita ng mga kautusang ito?
14 Ang seremonyal na kalinisan may kinalaman sa pagsamba ay kahilingan sa Israel, na ang parusa ay kamatayan pagka nilabag. Sinabi ni Jehova kina Moises at Aaron: “Ang mga anak ni Israel ay ihihiwalay ninyo sa kanilang karumihan, upang sila’y huwag mangamatay sa kanilang karumihan dahil sa pagpaparumi nila sa aking tabernakulo na nasa gitna nila.” (Levitico 15:31) Sa Araw ng Pagtubos, ang mataas na saserdote ay makalawang nagpapaligo sa tubig sa kaniyang katawan. (Levitico 16:4, 23, 24) Ang hugasang tanso sa tabernakulo, at nang bandang huli ang malaking dagat-dagatang tanso sa templo, ay nagsilbing sisidlan ng tubig upang doon maghugas ang saserdote bago maghandog ng mga hain kay Jehova. (Exodo 30:17-21; 2 Cronica 4:6) Kumusta naman ang mga Israelita sa pangkalahatan? Kung sakaling sa anumang dahilan ay nadungisan ang kanilang seremonyal na kalinisan, sila’y hindi pinapayagang makibahagi sa pagsamba hanggang sa hindi nila natutupad ang mga kahilingan para sa paglilinis. (Bilang 19:11-22) Lahat na ito ay nagdiriin sa bagay na ang pisikal na kalinisan ay hinihiling sa lahat ng mga sumasamba sa banal na Diyos na si Jehova.
15. Bakit ang mga haing hayop ay hindi na kinakailangan ngayon, subalit anong mga tanong ang bumabangon?
15 Totoo, ang bayan ni Jehova sa ngayon ay hindi na hinihilingan na maghandog ng mga haing hayop sa isang makalupang templo. Ang mga hain sa ilalim ng Kautusan ay hinalinhan ng “paghahandog ng katawan ni Jesu-Kristo nang minsanan at magpakailanman.” (Hebreo 10:8-10) Ating “sinasamba ang Ama sa espiritu at sa katotohanan.” (Juan 4:23, 24) Subalit ibig bang sabihin nito na tayo’y walang haing ihahandog sa ating banal na Diyos na si Jehova? At ang kalinisan ba ay di-gaanong hinihiling sa atin di-gaya sa mga Israelita?
16. Papaanong ang hula ng Malakias 3:3, 4 ay natutupad sa pinahirang mga Kristiyano sapol noong 1918, at anong kalugud-lugod na mga hain ang maihahandog nila kay Jehova?
16 Ipinakikita ng hula ng Malakias na ang pinahirang mga Kristiyano sa lupa sa panahon ng kawakasan ay dadalisayin o lilinisin, para sa paglilingkod sa templo. Ipinakikita ng kasaysayan na ang pagdalisay na ito ay nagsimula noong 1918. Sapol noong 1919 ang pinahirang nalabi ay “tunay na naging bayan kay Jehova na naghahandog ng handog sa katuwiran,” at ang kanilang kaloob na handog ay “kalugud-lugod kay Jehova.” (Malakias 3:3, 4) Sa gayon, sila’y “nakapaghandog ng espirituwal na mga haing nakalulugod sa Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Kristo.” (1 Pedro 2:5) Si apostol Pablo ay sumulat: “Sa pamamagitan niya tayo’y palaging maghandog sa Diyos ng hain ng papuri, samakatuwid nga, ang bunga ng mga labi na nagpapahayag sa madla ng kaniyang pangalan.”—Hebreo 13:15.
17. Bagaman ang “malaking pulutong” ay hindi bahagi ng makaharing pagkasaserdote, bakit sila kailangang maging malinis sa pisikal, mental, moral, at espirituwal na paraan?
17 Bagaman ang “malaking pulutong” ay hindi tinatawag upang gampanan ang mga gawain ng saserdote sa templo tulad ng pinahirang nalabi, sila’y “naghahandog [kay Jehova] ng banal na paglilingkod araw at gabi” sa makalupang looban ng kaniyang espirituwal na templo. (Apocalipsis 7:9, 10, 15) Maaalaala na ang mga Israelitang hindi bahagi ng pagkasaserdote ay kailangang magtaglay ng seremonyal na kalinisan upang makabahagi sa pagsamba sa tabernakulo o, nang bandang huli, sa templo. Sa katulad na paraan, ang malaking pulutong ng mga ibang tupa ay kailangang maging malinis sa pisikal, mental, moral, at espirituwal kung ibig nilang maglingkod sa templo at makibahaging kasama ng nalabi sa ‘paghahandog sa Diyos ng isang hain ng papuri’ sa pamamagitan ng “pagpapahayag sa madla sa kaniyang pangalan.”
Malinis at Maayos Para sa Paglilingkod sa Larangan at mga Pulong
18. Samantalang nagsasagawa ng pagpapatotoo sa madla at dumadalo sa mga pulong, ano ang dapat nating pag-isipan tungkol sa personal na kalinisan sa pananamit at sapatos?
18 Ano ba ang kahulugan nito sa praktikal na paraan? Ito’y nangangahulugan na maling-mali at pagkawalang-galang kay Jehova na maging kinatawan niya sa ministeryo sa bahay-bahay, sa mga lansangan, o sa tahanan ng sinuman kung tayo ay nanlilimahid at di-wasto ang pananamit. Kung gayon, hindi natin dapat ipagwalang-bahala ang ganiyang mga bagay. Kailangang bigyan natin ng maingat na pansin, na anupa’t tayo’y kumikilos sa paraan na nababagay sa mga ministrong may taglay ng pangalan ni Jehova. Ang ating pananamit ay hindi naman kailangang maging mamahalin, subalit ito’y dapat na malinis, nasa ayos, at may kahinhinan. Ang ating sapatos ay dapat ding nasa mabuting ayos at kaaya-ayang pagmasdan. Gayundin, sa lahat ng pulong, kasali na ang Pag-aaral sa Aklat sa Kongregasyon, ang ating katawan ay dapat na malinis, at tayo’y dapat nakadamit nang maayos at angkop.
19. Anong espirituwal na mga pakinabang ang resulta ng ating malinis at masinop na ayos bilang mga ministrong Kristiyano?
19 Ang ating malinis at masinop na ayos samantalang nagsasagawa ng pagpapatotoo at dumadalo sa ating mga pulong ay isang paraan upang “pagandahin sa lahat ng bagay ang aral ng ating Tagapagligtas, ang Diyos.” (Tito 2:10) Ito ay isang pagpapatotoo mismo. Maraming mga tao ang nagkaroon ng mabuting impresyon sa atin dahilan sa ating kalinisan at pagkamasinop, at ito ang nag-udyok sa kanila upang makinig sa ating pabalita tungkol sa kahanga-hangang mga layunin ni Jehova ukol sa matuwid na mga bagong langit at isang nilinis na bagong lupa.—2 Pedro 3:13.
20. Ano pang mabuting bunga ang idinudulot ng ating pagiging malinis sa isip at sa katawan?
20 Samantalang papalapit ang malinis na bagong sistema ni Jehova, lahat tayo ay kailangang magsuri ng ating sarili upang alamin kung tayo’y kailangang gumawa ng mga ilang pagbabago sa ating kaisipan o sa ating personal na mga kinaugalian. Si Pablo ay sumulat: “Nagsasalita ako ayon sa kaugalian ng mga tao dahilan sa kahinaan ng inyong laman: sapagkat kung papaanong inyong inihandog ang inyong mga sangkap ng katawan na pinaka-alipin ng karumihan at ng kalikuan na kalikuan ang tunguhin, ngayon naman ay ihandog ninyo ang inyong mga sangkap na pinaka-alipin ng katuwiran na ang tunguhin ay kabanalan.” (Roma 6:19) Ang espirituwal na kalinisan at pisikal na kalinisan ay nagdudulot ng mabuting bunga kahit na ngayon, “bunga sa ikababanal, at ang wakas ay [magiging] buhay na walang hanggan.” (Roma 6:22) Kung gayon, tayo’y magpakalinis sa isip at sa katawan samantalang ating ‘inihahandog ang ating katawan na isang haing buháy, banal, kalugud-lugod sa Diyos.’—Roma 12:1.
[Talababa]
a Para sa praktikal na mga mungkahi tungkol sa kalinisan sa ilalim ng mahihirap na kalagayan, tingnan ang artikulong “Pagharap sa Hamon ng Kalinisan,” inilathala sa Gumising! ng Setyembre 22, 1988, pahina 8-11.
Mga Puntong Aalalahanin
◻ Papaanong ang ating mga mata at puso ay makahihila sa atin na gumawa ng kahalayan?
◻ Anong mga pakinabang ang tinanggap ng mga Israelita nang sila’y sumunod sa mga kautusan ni Jehova tungkol sa pangkalahatan at pang-isahang kalinisan?
◻ Anong mga simulain na sinusunod sa mga Tahanang Bethel ang dapat sundin sa bawat sambahayang Kristiyano?
◻ Kailan, lalo na, dapat tayong magpakaingat tungkol sa ating ayos?
◻ Anong espirituwal na mga dahilan mayroon ang mga lingkod ni Jehova sa pag-iingat na malinis at masinop ng kanilang mga tahanan at mga kotse?
[Larawan sa pahina 17]
“Ang buhay sa Bethel ay humihiling na manatili sa matataas na mga pamantayang pisikal, moral at espirituwal”
[Larawan sa pahina 18]
Ang isang ina ba ay kailangang gumugol ng karagdagang panahon araw-araw sa paglilinis pagkaalis ng walang konsiderasyong mga miyembro ng pamilya?
[Larawan sa pahina 19]
Sa sampung minuto, makagagawa ng mga kababalaghan sa paglilinis ng loob ng isang kotse