Ano ba ang Kabuluhan sa Iyo ng Kamatayan ni Jesus?
“LAHAT ng mga hukbo na nagmartsa, lahat ng mga hukbong-dagat na naitayo, lahat ng mga parliamento na umiral, at lahat ng mga hari na naghari, pagsama-samahin man, ay hindi nakaapekto nang buong tindi sa buhay ng tao sa lupang ito di-gaya ng kaisa-isang personalidad na ito.” Ganiyan ang isinulat ng autor na si James A. Francis tungkol kay Jesu-Kristo.
Iba’t ibang paraan ang pagkakilala ng mga tao kay Jesus, ngunit ang Bibliya’y nagpapakilala sa kaniya bilang Anak ng Diyos at isang taong may mapagsakripisyong pag-ibig. Binanggit ni Jesus ang isang pangunahing paraan na sa pamamagitan nito’y ipinakita niya ang pag-ibig na iyan nang kaniyang sabihin tungkol sa kaniyang sarili: “Ang Anak ng tao ay naparito, hindi upang paglingkuran, kundi upang maglingkod at ibigay ang kaniyang kaluluwa bilang isang pantubos na kapalit ng marami.”—Mateo 20:28.
Ano ba ang kahulugan ng pantubos na ito? Bakit ito kailangan? Sino ang tinutubos? Oo, ano ba ang kabuluhan sa iyo ng kamatayan ni Jesus?
Ano Ito?
Ang isang pantubos ay isang bagay na nagpapalaya. Ang pagtubos sa kaninuman ay nangangahulugan ng pagpapalaya sa kaniya buhat sa pagkabihag o parusa sa pamamagitan ng pagbabayad ng isang halaga. Sa diwang espirituwal, ang ibig sabihin ng “tubusin” ay pangyarihin ang paglaya buhat sa kasalanan at parusang dulot nito. Iyan ang dahilan kung bakit namatay si Jesus. Gaya ng isinulat ng Kristiyanong apostol na si Pablo: “Ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan, ngunit ang kaloob na ibinibigay ng Diyos ay buhay na walang-hanggan sa pamamagitan ni Kristo Jesus na Panginoon natin.”—Roma 6:23.
Ang isang halagang itinutubos ay iniuugnay ng Kasulatan sa pagbabayad ng isang pantubos. Sa Awit 49:6-9 ay sinasabi: “Silang nagsisitiwala sa kanilang kabuhayan, at naghahambog sa karamihan ng kanilang kayamanan, walang isa man sa kanila na makatutubos sa ano pa mang paraan kahit sa isang kapatid, ni makapagbibigay man sa Diyos ng pantubos para sa kaniya; (at ang halagang itinutubos sa kanilang kaluluwa ay pagkamahal-mahal kung kaya’t naglilikat magpakailanman) upang siya’y mabuhay nang walang-hanggan at huwag makakita ng kamatayan.” Ang pagtubos ay isang pagpapalaya na ang Diyos ang nakagagawa, hindi ang sinumang di-sakdal na mga tao.
Bakit Kinakailangan?
Ang pantubos ay kailangan dahil sa ang ating unang magulang, si Adan, ay nagkasala. Kaniyang naiwala sa ganoon ang walang-hanggang sakdal na buhay, makatuwirang hinatulan ng kamatayan, at sa wakas ay namatay. (Genesis 2:15-17; 3:1-7, 17-19; 5:5) Bilang kaniyang mga inapo, tayo’y nagmana ng kasalanan at kamatayan. “Sa pamamagitan ng isang tao ang kasalanan ay pumasok sa sanlibutan at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan,” ang isinulat ni Pablo, “at sa gayo’y lumaganap ang kamatayan sa lahat ng tao sapagkat silang lahat ay nagkasala.” (Roma 5:12) Oo, “kay Adan lahat ay nangamamatay.” (1 Corinto 15:22) Kaya naman tama ang sabi ng salmistang si David: “Ako’y inanyuan sa kasamaan, at sa kasalanan ay ipinaglihi ako ng aking ina.”—Awit 51:5.
Ang pagkapalaya buhat sa hatol na kasalanan at kamatayan ay kailangan kung ang sinumang makasalanang inapo ni Adan ay tatanggap ng buhay na walang-hanggan. Bagaman ang di-sakdal na mga tao ay hindi makapagbibigay ng pantubos na ito, may pag-ibig na ginawa ang gayon ni Jehova sa pamamagitan ni Kristo. Subalit ano ba ang binibili ng pantubos? Bueno, nang si Adan ay magkasala, kaniyang naiwala ang walang-hanggang sakdal na buhay ng tao, taglay ang lahat ng mga karapatan at mga pag-asang kakabit nito. Sa gayon, ang ganoon ding bagay ang tumubos sa pamamagitan ng haing pantubos na inihandog ni Jesus.
Ano’t Ito ay Posible
Natugunan ang katarungan sa pagdaranas ng tao ng kamatayan, ang kabayaran ng kasalanan. Samakatuwid ang pantubos ay isang gawang kaawaan at kagandahang-loob ng Diyos. Ang sakdal na buhay-tao ni Jesus, taglay ang lahat ng karapatan at mga pag-asa niyaon, ay inihandog sa kamatayan at hindi kailanman binawi, sapagkat siya’y hindi binuhay-muli bilang isang taong may laman at dugo kundi isang walang-kamatayang espiritung nilikha. (1 Corinto 15:50; 1 Pedro 3:18) Ang inihain na buhay ni Jesu-Kristo bilang tao samakatuwid ang patuloy na nagkaroon ng bisa na makatubos, o pantubos.
Bilang isang taong walang kasalanan, si Jesus ay nasa katayuang nahahawig sa orihinal na katayuan ng sakdal na si Adan. Dahil sa pagkamasunurin ni Jesus sa Diyos hanggang sa kamatayan, siya’y ginawang dakilang Mataas na Saserdote, at ang halaga ng kaniyang sakdal na hain bilang tao ay kaniyang inihandog sa langit. (Hebreo 9:24-26) Dahil sa tinanggap ng Diyos ang halagang pantubos na ito, matutubos ni Jesus ang sumasampalatayang mga inapo ni Adan buhat sa kasalanan at kamatayan sa pamamagitan ng pagkakapit sa bisa ng kaniyang hain alang-alang sa kanila. (1 Corinto 6:20; 7:23; 1 Juan 2:1, 2) Samakatuwid si Jesus ang “naging dahilan ng walang-hanggang kaligtasan ng lahat ng tumatalima sa kaniya.” (Hebreo 5:8, 9) Kaya naman posible na para sa kanila na magtamo ng isang matuwid na katayuan sa harap ng Diyos sa pamamagitan ng kaniyang Anak.
Sino ang Tinutubos?
Kung gayon, sino ang nakikinabang sa pantubos? Mga taong sumasampalataya sa paglalaang ito at sa gayo’y nakakasundo ng Diyos. Sa pamamagitan ng paglilingkod sa kaniya nang may katapatan, sila’y maaaring makalaya sa kasalanan at sa parusang dulot nito na kamatayan at tumanggap ng walang-hanggang buhay.—Juan 17:3.
Ang unang tao ay maaari noon na nakapagpasiya sana kung siya’y tatalima o hindi sa Diyos. Ang pinili niya’y pagsuway. “Si Adan ay hindi nadaya,” kundi siya’y namatay na isang nagkusang magkasala. (1 Timoteo 2:14) Ngunit, kumusta ang mga inapo ni Adan? Sila’y makapipili kung maglilingkod baga sila sa Diyos sa kanilang di-sakdal na katayuan o susuway sa kanilang Maylikha.—Josue 24:15.
Nangyaring “ibinigay [ni Jesus] ang kaniyang kaluluwa bilang pantubos na kapalit ng marami.” (Marcos 10:45) Sino baga ang “marami”? Maliwanag na si Adan ay hindi kasali sapagkat siya’y isang sakdal na taong ang pinili’y ang kusang pagsuway sa Diyos at namatay na isang di-nagsisisi, na kusang nagkasala. Subalit kumusta naman ang kaniyang malaking pamilya, na may bilang na libu-libong milyon? Sa pamamagitan ng isang katumbas na halaga, tinatakpan ni Jesu-Kristo ang minanang sumpa na ipinataw sa pamilya ni Adan. (Ihambing ang 1 Timoteo 2:5, 6.) Alang-alang sa “maraming” mananampalataya, ikinakapit ni Jesus ang bisa ng kaniyang halagang pantubos.
Sa tinubos na mananampalataya ay kasali kapuwa ang mga Judio at mga Gentil, o mga tao ng mga bansa. Ang sabi ni Pablo: “Kung papaanong sa pamamagitan ng isang pagsuway ay dumating ang hatol sa lahat ng uring mga tao, gayon din naman na sa pamamagitan ng isang gawa ng katuwiran ay dumarating sa lahat ng uri ng mga tao ang pag-aaring matuwid sa kanila sa buhay.” (Roma 5:18) Sa pamamagitan ng kamatayan sa isang tulos, “sa sumpa ng Kautusan ay tinubos ni Kristo [ang mga Judio] nang siya’y naging isang sumpa sa halip na [sila] ang maging gayon, sapagkat nasusulat: ‘Isinusumpa ang lahat ng taong ibinabayubay sa tulos.’ ” (Galacia 3:13; Deuteronomio 21:23) Ang mga Gentil ang malinaw na tinutukoy sa Roma 4:11 nang sabihin na samantalang si Abraham, na ninuno ng mga Judio, ay hindi pa natutuli, siya’y naging “ang ama ng lahat ng may pananampalataya na di pa natutuli.” Samakatuwid, ang haing pantubos na inihandog ni Jesus ay pinakikinabangan ng sumasampalatayang mga Judio at mga Gentil.
Ang pamumuhay ng bawat indibiduwal ang batayan kung baga siya’y makikinabang sa hain ni Jesus. Tulad ni Adan ang pusakal na balakyot ay hindi makikinabang sa pantubos at hindi ipipilit sa kanila ang buhay na walang hanggan. Gaya ng sinabi ni Kristo: “Ang sumasampalataya sa Anak ay may buhay na walang-hanggan; ngunit ang hindi tumatalima sa Anak ay hindi makakakita ng buhay, kundi ang poot ng Diyos ay sumasakaniya.” (Juan 3:36) Dahil sa pantubos ay posible rin ang pagkabuhay-muli ng mga patay na nasa alaala ng Diyos. (Juan 5:28, 29) Kung sila’y magpapatunay na masunurin at mapagpahalaga, ang pagkakapit sa kanila ng mga kapakinabangang dulot ng pantubos ay nangangahulugan na sila ay mabubuhay magpakailanman. Subalit para sa nabubuhay sa “mga huling araw” na ito, nariyan ang posibilidad na sila’y magtamo ng buhay na walang-hanggan na hindi na nangangailangang mamatay pa sa anumang paraan.—2 Timoteo 3:1-5; Mateo 24:3-14, 21, 34; Juan 11:25, 26.
Mga Dahilan Para Kumilala ng Utang na Loob
Sinumang naghahangad na makinabang sa pantubos ay kailangang magkaroon ng matinding pagpapahalaga rito. At anong pagkaangkop-angkop nga ang gayong pagkilala ng utang na loob! Sabihin pa saganang pag-ibig ang kinailangan upang maisaayos ang pantubos na isinagawa ng Diyos at ni Kristo.
Ang Diyos na Jehova ay nagpakita ng napakalaking pag-ibig sa paglalaan ng pantubos sa pamamagitan ng kamatayan ng kaniyang Anak. Sinabi ni Jesus: “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan [ng sangkatauhan] anupa’t ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat nagsasagawa ng pananampalataya sa kaniya ay huwag mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang-hanggan. Sapagkat hindi sinugo ng Diyos ang kaniyang Anak sa sanlibutan upang hatulan ang sanlibutan, kundi ang sanlibutan ay maligtas sa pamamagitan niya.” (Juan 3:16, 17) Hindi baga dapat mong pahalagahan ang pagpapakitang ito ng pag-ibig ng Diyos?
Pag-isipan pa ang tungkol sa lawak ng pag-ibig ni Jehova sa paglalaan ng pantubos. Bago sinugo dito sa lupa ang Anak ng Diyos upang mamuhay at mamatay bilang isang sakdal na tao, siya ay nabubuhay na bago maging tao. Siya “ang panganay ng lahat ng nilalang,” at sa pamamagitan niya “lahat ng iba pang mga bagay ay nilikha sa langit at sa ibabaw ng lupa, ang mga bagay na nakikita at ang mga bagay na di-nakikita.” (Colosas 1:13-16) Anong laki ng pag-ibig ni Jehova sa kaniyang Anak! Gayunman, hindi ang kahit na sino sa angaw-angaw na matuwid na mga anghel ang sinugo ng Diyos sa lupa. Ganiyan na lamang ang pag-ibig niya sa tao kung kaya’t ang kaniyang sinugo’y ang panganay na Anak niya.
Isaalang-alang din ang matinding pag-ibig na ipinakita ni Jesus may kaugnayan sa pantubos. Bilang espiritung nilalang sa langit, siya ang “dalubhasang manggagawa” ng Diyos. Totoo naman, “ang mga bagay na kinawiwilihan ng [Anak ng Diyos] ay naroroon sa mga anak ng mga tao.” (Kawikaan 8:22-31) Gayunman, hindi madali para sa kaniya na lisanin ang langit, na kung saan lubhang kaiga-igaya ang mga kalagayan kapiling ng kaniyang Ama at ng laksa-laksang matuwid na mga anghel. Buhat sa kaniyang mainam na pagkapuwesto sa langit, naaaring makita ng Anak ng Diyos ang masasamang kalagayan sa lupa at ang pinsalang nagawa ng kasalanan at kamatayan sa sangkatauhan. Batid din niya na upang makapagbigay siya ng pantubos ay kailangan na siya’y mamatay. Gayunman, siya ay “nag-anyong alipin at naparito na kawangis ng mga tao. Higit diyan, . . . siya ay nagpakababa at naging masunurin hanggang kamatayan.” Dahil sa ganiyang katapatan, si Jesus ay binuhay sa maluwalhating makalangit na buhay. (Filipos 2:5-11) Anong laki ng kaniyang ipinamalas na pag-ibig may kaugnayan sa pantubos! Pinahahalagahan mo ba ang ginawa ni Jesus?
Ano ang Iyong Gagawin?
Noong minsan, ang klerigong Ingles na si Richard ng Chichester (c. 1198-1253) ay nanalangin na sana’y magawa ng mga lalaki at mga babae na “makilala si Jesu-Kristo nang lalong malinaw, ibigin siya nang lalong higit, at sundin siya nang lalong higit.” Tunay na ang haing pantubos na inihandog ni Jesus ay nagbibigay ng matibay na dahilan upang magawang siya’y makilala, ibigin, at sundin.
Kung hindi dahil sa pantubos, bilang mga makasalanan ay mamamatay tayo nang walang pag-asa, sapagkat “ang hibo na nagdadala ng kamatayan ay kasalanan.” (1 Corinto 15:56) Kaya, upang mailigtas sa kamatayan na bunga ng pagkatibo sa atin ng kasalanan, ano ang kailangang gawin mo? Kailangang matutuhan mo kung ano ang paglalaan ng Diyos ukol sa kaligtasan sa pamamagitan ni Jesu-Kristo. Pagkatapos ay kailangang ipakita mo na ikaw ay nagsasagawa ng pananampalataya sa pantubos. Sa papaano? Sa pamamagitan ng pagpapakita ng taus-pusong pagpapahalaga rito na itinatalaga ang iyong sarili sa Diyos at ibinabalita sa iba ang tungkol sa kahanga-hangang paglalaang ito ng kaligtasan.
Ang pagsunod sa ganitong landasin ay maglalagay sa iyo upang mapabilang sa “malaking pulutong” na “lumalabas sa malaking kapighatian at . . . naglaba ng kanilang mga kasuotan at pinaputi iyon sa dugo ng Kordero,” si Jesu-Kristo. (Apocalipsis 7:9, 14) Sila’y may pag-asang magtamo ng buhay na walang-hanggan sa isang makalupang paraiso. (Lucas 23:43) Oo, maaari kang maging bahagi ng maligayang pulutong na iyan kung ang kamatayan ni Jesus ay tunay ngang mahalaga sa iyo.
[Larawan sa pahina 4]
Ang sakdal na si Jesus ay nasa isang kalagayang katulad ng unang-unang taglay ng sakdal na si Adan
[Larawan sa pahina 6]
Pinahahalagahan mo ba ang talagang kahulugan ng kamatayan ni Jesus?