Ang Salita ng Diyos ay Katotohanan
“Pakabanalin mo sila sa pamamagitan ng katotohanan; ang salita mo ay katotohanan.”—JUAN 17:17.
1. Papaano minalas ng salmistang Hebreo ang Bibliya, ngunit ano ang pangmalas dito ng marami sa ngayon?
“ANG iyong salita ay ilawan sa aking paa, at tanglaw sa aking daan.” (Awit 119:105) Ganiyan ang sabi ng salmistang Hebreo. Isa lamang munting bilang sa ngayon ang may paggalang na kagaya niyan sa Salita ng Diyos. Sa ika-20 siglong ito, ang Salita ng Diyos ay umiiral sa anyong nasusulat bilang ang Banal na Bibliya. Ito’y naisalin na sa higit pang mga wika at naipamahagi nang lalong malawakan kaysa anumang ibang aklat sa kasaysayan. Gayunman, karamihan ay tumatangging tanggapin ito bilang isang ilawan sa kanilang mga paa. Maging ang mga nag-aangkin mang mga Kristiyano ay mas gusto pa, sa kalakhang bahagi, na sumunod sa kanilang sariling mga ideya imbis na hayaang ang Bibliya ang maging tanglaw sa kanilang daan.—2 Timoteo 3:5.
2, 3. Ano naman ang pangmalas ng mga Saksi ni Jehova sa Bibliya, at anong pakinabang ang idinulot nito sa kanila?
2 Sa tuwirang kabaligtaran, tayo na mga Saksi ni Jehova ay sumasang-ayon sa salmista. Para sa atin, ang Bibliya ay isang bigay-Diyos na patnubay. Batid natin na “lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at mapapakinabangan sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid ng mga bagay, sa pagdisiplina ayon sa katuwiran.” (2 Timoteo 3:16) Di-gaya ng marami sa ngayon, hindi natin gustong sumubok lamang kung tungkol sa mga bagay ng moralidad at asal. Batid natin kung ano ang tama sapagkat sinasabi sa atin ng Bibliya.
3 Ito’y nagdulot sa atin ng malaking pakinabang. Ating nakilala si Jehova, at natutuhan natin ang kaniyang kahanga-hangang mga layunin para sa lupa at sa sangkatauhan, kaya’t tayo’y nagtitiwala na isang magandang kinabukasan ang maaari nating kamtin at ng ating mga pamilya. Tayo’y sumasang-ayon nang buong puso sa salmista na nagsabi: “Anong laki ng pag-ibig ko sa iyong kautusan! Siya kong pinagkakaabalahan buong araw. Pinarunong ako kaysa aking mga kaaway ng iyong utos, sapagkat laging sumasa-akin magpakailanman.”—Awit 119:97, 98.
Pagpapatotoo sa Pamamagitan ng Asal
4. Sa pagkilala sa Bibliya bilang Salita ng Diyos, anong obligasyon ang sumasa-atin?
4 Kung gayon, tayo’y may lahat ng dahilan na sumang-ayon sa mga salita ni Jesus na ukol sa kaniyang Ama: “Ang salita mo ay katotohanan.” (Juan 17:17) Subalit ang pagkilala sa bagay na ito ay naglalagay sa atin ng isang obligasyon. Kailangang tulungan natin ang iba na makilalang ang Salita ng Diyos ay katotohanan. Sa ganitong paraan sila man ay makapagtatamasa rin ng mga pagpapalang ating tinatamasa. Papaano natin sila matutulungan sa ganiyang paraan? Unang-una, kailangang gumawa tayo ng pagsisikap na maikapit ang mga simulain ng Bibliya sa ating araw-araw na pamumuhay. Sa ganiyang paraan, makikita ng mga taong tapat-puso na ang paraan ng Bibliya ang talagang pinakamagaling.
5. Anong payo ang ibinigay ni Pedro tungkol sa pagpapatotoo sa pamamagitan ng ating asal o paggawi?
5 Ito ang pinakadiwa ng payo ni apostol Pedro sa mga babaing Kristiyano na ang mga asawa’y di-sumasampalataya. Kaniyang sinabi sa kanila: “Kayong mga babae, pasakop kayo sa inyu-inyong asawa, upang, kung ang sinuman ay hindi tumatalima sa salita, sila’y mahikayat nang walang salita sa pamamagitan ng ugali ng kani-kanilang asawang babae.” (1 Pedro 3:1) Ito rin ang simulaing nasa likod ng kaniyang payo sa lahat ng Kristiyano—mga lalaki, babae, at mga bata— nang kaniyang sabihin: “Ingatan ninyong mainam ang inyong paggawi sa gitna ng mga bansa, upang, sa bagay na kanilang ipinaninira sa inyo na parang kayo’y mga manggagawa ng masama, dahilan sa inyong mabubuting gawa na kanilang nakikita ay luwalhatiin nila ang Diyos sa araw ng kaniyang pagsisiyasat.”—1 Pedro 2:12; 3:16.
Ang Nakahihigit na Karunungan ng Bibliya
6. Papaano tayo tinutulungan ni Pedro upang makita na tayo’y dapat tumulong sa iba upang makaunawa ng Bibliya?
6 Isa pa, matutulungan ng mga Kristiyano ang iba pa na makaunawa ng Bibliya kung kanilang gagawin ang ipinapayo rin ni Pedro: “Pakabanalin ninyo ang Kristo na Panginoon sa inyong puso, na laging handang magtanggol sa harap ng sinuman na humihingi sa inyo ng katuwiran tungkol sa pag-asang nasa inyo, ngunit ginagawa iyon nang may kahinahunan at taimtim na paggalang.” (1 Pedro 3:15) Ang mga ministrong Kristiyano ay dapat na nakapagtatanggol sa Bibliya at naipaliliwanag nila sa iba na ito ay Salita ng Diyos. Papaano nila magagawa iyan?
7. Anong katotohanan tungkol sa Bibliya ang nagpapakita na ito’y tiyak nga na Salita ng Diyos?
7 Ang isang nakahihikayat na paraan ng pangangatuwiran ay masusumpungan sa aklat ng Mga Kawikaan. Doon ay mababasa natin: “Anak ko, kung iyong tatanggapin ang aking mga salita at pakaiingatan mo ang aking mga utos, upang iyong ikiling sa karunungan ang iyong pakinig . . . , masusumpungan mo ang mismong kaalaman ng Diyos. Sapagkat si Jehova ang nagbibigay ng karunungan; sa kaniyang bibig nanggagaling ang kaalaman at kaunawaan.” (Kawikaan 2:1-6) Ang mismong karunungan ng Diyos ay masusumpungan sa mga pahina ng Bibliya. Pagka nakita ng isang taimtim na tao ang malawak na karunungang iyan, walang pagsalang matatalos niya na ang Bibliya’y higit pa kaysa salita lamang ng tao.
8, 9. Papaanong ang payo ng Bibliya tungkol sa pananatiling may timbang na pangmalas sa pagtitipon ng kayamanan ay ipinakitang tama?
8 Isaalang-alang ang ilang mga halimbawa. Sa ngayon, ang tagumpay sa buhay ay karaniwang sinusukat ayon sa kinikitang salapi. Mientras malaki ang kinikita ng isang tao, inaakalang siya’y lalong matagumpay. Subalit, ang Bibliya’y nagbababala laban sa labis na pagpapahalaga sa materyal na mga bagay. Si Apostol Pablo ay sumulat: “Silang mga desididong yumaman ay nahuhulog sa tukso at sa silo at sa maraming mga pitang walang kabuluhan at nakasasama, na nagbubulusok sa mga tao sa kapahamakan at pagkapariwara. Sapagkat ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat ng uring kasamaan, at sa pagsusumakit sa pag-ibig na ito ang iba ay naihiwalay sa pananampalataya at tinuhog ang kanilang sarili ng maraming pasakit.”—1 Timoteo 6:9, 10; ihambing ang Mateo 6:24.
9 Ang karanasan ay nagpakita kung gaanong kaangkop ang babalang ito. Isang sikologong klinikal ang maysabi: “Ang pagiging No. 1 at mayaman ay hindi nakapagpapadama sa iyo na natupad na ang iyong mithiin, nasisiyahan, talagang iginagalang o minamahal.” Oo, yaong mga taong lahat ng kanilang lakas ay ginugugol sa pagtatamo ng kayamanan ay kadalasan humahantong lamang sa masaklap at bigong pamumuhay. Ang Kasulatan, bagaman kinikilala ang kahalagahan ng salapi, ay nakaturo sa isang bagay na lalong higit na mahalaga: “Ang karunungan ay pananggalang na gaya ng salapi na pananggalang; ngunit ang kahigitan ng kaalaman ay na iniingatan ng karunungan ang buhay ng mga nagtataglay niyaon.”—Eclesiastes 7:12.
10. Bakit tayo dapat makinig sa payo ng Bibliya na mag-ingat sa ating mga kasa-kasama?
10 Ang Bibliya ay may maraming gayong mga alituntunin. Ang isa pa ay: “Siyang lumalakad na kasama ng mga taong pantas ay magiging pantas, ngunit siyang nakikisama sa mga mangmang ay mapapariwara.” (Kawikaan 13:20) Ito’y napatunayan din sa karanasan. Ang panggigipit ng kanilang mga kasama ay umakay sa mga kabataan upang malulong sa paglalasing, pag-aabuso sa droga, at imoralidad. Sinuman na nakikihalubilo sa mga taong gumagamit ng mahahalay na salita ay sa wakas gumagamit din ng gayong nakasusuklam na pananalita. Marami ang nagnanakaw sa kanilang mga pinagtatrabahuhang amo sapagkat ‘lahat naman ay gumagawa niyaon.’ Totoong-totoo, gaya ng sinasabi rin ng Bibliya: “Ang masasamang kasama ay sumisira ng kapaki-pakinabang na mga ugali.”—1 Corinto 15:33.
11. Papaanong ang isang pag-aaral sa sikolohiya ay nagpakita ng karunungan ng pagsunod sa Gintong Alituntunin?
11 Isa sa pinakatanyag na payo sa Bibliya ay ang tinatawag na Gintong Alituntunin: “Lahat ng bagay, kung gayon, na ibig ninyong gawin sa inyo ng mga tao, gayundin ang gawin ninyo sa kanila.” (Mateo 7:12) Kung sinunod lamang ng sangkatauhan ang alituntuning ito, malinaw na magiging isang lalong mainam na lugar ang daigdig. Subalit kahit na kung karamihan ng mga tao’y hindi sumusunod sa alituntuning iyan, mas mabuti para sa iyo bilang indibiduwal na gawin ang gayon. Bakit? Sapagkat tayo ay ginawa na may katangian na mag-asikaso sa iba at mabahala tungkol sa kanila. (Gawa 20:35) Isang pag-aaral sa sikolohiya na isinagawa sa Estados Unidos upang alamin kung papaano naapektuhan ang mga tao pagka kanilang tinulungan ang iba ang sumapit sa ganitong konklusyon: “Lumilitaw, kung gayon, na ang pag-aasikaso sa iba ay isang bahagi ng kalikasan ng tao na gaya ng pag-aasikaso natin sa ating sarili.”—Mateo 22:39.
Ang Payo ng Bibliya—May Pambihirang Karunungan
12. Sa anong isang bagay pambihira ang Bibliya?
12 Mangyari pa, sa ngayon ay maraming pinagkukunan ng payo sa labas ng Bibliya. Ang mga pahayagan ay may mga tudling sa pagpapayo, at ang mga tindahan ng aklat ay punung-puno ng mga aklat na nagbibigay ng pansariling-tulong. Karagdagan pa, may mga sikologo, propesyonal na mga tagapayo, at mga iba pa na nag-aalok ng payo sa iba’t ibang larangan. Subalit ang Bibliya ay pambihira sa humigit-kumulang tatlong punto. Una, ang payo nito ay laging nakabubuti. Ito’y hindi teorya lamang, at ito’y hindi nakapipinsala kailanman sa atin. Sinuman na sumusunod sa payo ng Bibliya ay sasang-ayon na gaya ng salmista nang kaniyang sabihin sa Diyos sa panalangin: “Ang iyong sariling mga paalaala ay napatunayang lubhang mapagkakatiwalaan.”—Awit 93:5.
13. Ano ang nagpapakita na ang Bibliya ay totoong nakahihigit sa karunungan ng tao?
13 Ikalawa, ang Bibliya ay napatunayang walang pagbabago magpakailanman. (1 Pedro 1:25; Isaias 40:8) Ang payo buhat sa mga tao ay tanyag sa pagiging pabagu-bago, at ang uso sa isang taon ay kalimitang pinipintasan sa kasunod na taon. Subalit, bagaman ang Bibliya ay natapos halos 2,000 taon na ang lumipas, taglay pa rin nito ang pinakamatalinong payo na maaaring makamtan, at ang mga salita nito ay kapit sa lahat. Ang mga ito’y kapit na may katulad na epekto tayo man ay namumuhay sa Aprika, sa Asia, sa Timog o Hilagang Amerika, sa Europa o sa mga isla sa dagat.
14. Sa papaano nakahihigit ang payo ng Salita ng Diyos?
14 Sa katapus-tapusan, ang malawak na saklaw ng payo ng Bibliya ay di-mapapantayan. Isang kawikaan sa Bibliya ang nagsasabi: “Si Jehova ang nagbibigay ng karunungan,” at anumang suliranin o desisyon ang nakaharap sa atin, sa Bibliya’y may karunungan na tumutulong sa atin na lutasin iyon. (Kawikaan 2:6) Ang mga bata, tinedyer, magulang, matatanda na, empleyado, amo, mga taong nasa kapangyarihan, ay pawang nakapagpapatunay na kapit sa kanila ang karunungang nasa Bibliya. (Kawikaan 4:11) Maging kung tayo man ay nakaharap sa mga kalagayang di-umiral noong panahon ni Jesus at ng kaniyang mga apostol, ang Bibliya ay nagbibigay sa atin ng payo na maaasahan. Halimbawa, bumalik tayo sa unang siglo, na ang paghitit ng tabako ay hindi pa nakikilala sa Gitnang Silangan. Sa ngayon, ito ay laganap na. Gayunman, sinuman na nakikinig sa payo ng Bibliya na huwag “pasakop sa kapangyarihan [o panunupil] ng anuman” at manatiling malinis sa “lahat ng karumihan ng laman at espiritu” ay iiwas sa bisyong ito, na kapuwa umaakay sa pagkasugapa at pagkapariwara ng kalusugan.—1 Corinto 6:12; 2 Corinto 7:1.
Para sa Ating Panghabang-Panahong Kabutihan
15. Bakit maraming nagsasabing ang Bibliya ay lipas na?
15 Totoo, marami ang nagsasabing ang Bibliya ay lipas na at wala nang silbi sa ika-20 siglong ito. Subalit, ang dahilan marahil ay sapagkat hindi sinasabi ng Bibliya ang ibig nilang marinig. Ang pagsunod sa maka-Kasulatang payo ay nagbubunga para sa atin ng panghabang-panahong pakinabang, ngunit malimit na ito’y nangangailangan ng tiyaga, disiplina, at pagkakait sa sarili—mga kaugalian na di-popular sa isang daigdig na humihimok sa atin na ang hanapin ay agad-agad na kasiyahan.—Kawikaan 1:1-3.
16, 17. Anong mataas na mga pamantayan ng seksuwal na moralidad ang itinatakda ng Bibliya, at papaanong ang mga ito ay hindi iniintindi sa modernong panahon?
16 Pag-usapan natin ang tungkol sa seksuwal na moralidad. Ang mga pamantayan ng Kasulatan ay totoong mahigpit. Tanging ang mag-asawa lamang ang may karapatan sa seksuwal na pagtatalik, at lahat ng gayong pagtatalik ng di-mag-asawa ay ibinabawal. Ating mababasa: “Kahit ang mga mapakiapid, ni ang mga mananamba sa diyus-diyusan, ni ang mga mangangalunya, ni ang mga lalaking ukol sa di-natural na layunin, ni ang mga lalaking sumisiping ng paghiga sa mga kapuwa lalaki . . . ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.” (1 Corinto 6:9, 10) Isa pa, para sa mga Kristiyano ang kahilingan ng Bibliya ay tig-iisang asawa, isang asawang lalaki para sa isang asawang babae. (1 Timoteo 3:2) At bagaman may mga sukdulang kaso na kung saan maaaring payagan ang diborsiyo o paghihiwalay, sinasabi ng Bibliya na sa pangkalahatan ang buklod ng pag-aasawa ay panghabang-buhay. Si Jesus mismo ang nagsabi: “Ang lumalang sa kanila buhat sa pasimula ang lumikha sa kanila na lalaki at babae at sinabi, ‘Dahil dito’y iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ina at mananatili sa kaniyang asawa, at ang dalawa ay magiging iisang laman’ . . . Kaya nga hindi na sila dalawa, kundi iisang laman. Kaya, ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao.”—Mateo 19:4-6, 9; 1 Corinto 7:12-16.
17 Sa ngayon, ang mga pamantayang ito ay hindi iniintindi ng marami. Pinapayagan ang mga mahahalay na gawain ng sekso. Ang seksuwal na pagtatalik ng nakikipag-date na mga tinedyer ay itinuturing na normal. Ang pagsasama nang hindi kasal ay tinatanggap. Sa mga kasal na mag-asawa naman, karaniwan na rin ang di-legal na pakikilaguyo sa iba ng alinman sa mag-asawa. At ang diborsiyo ay mistulang salot sa modernong daigdig na ito. Gayunman, ang maluwag na mga pamantayang ito ay hindi nagdulot ng kaligayahan. Ang masasamang ibinunga ay nagpatunay na tama naman ang Bibliya sa iginigiit nito na mahigpit na pagsunod sa mga pamantayang asal.
18, 19. Ano ang naging resulta ng mga laganap na di-pag-iintindi sa mga pamantayang-asal ni Jehova?
18 Sinabi ng Ladies’ Home Journal: “Ang pagdiriin sa sekso na karaniwan noong mga dekada ng seisenta at setenta ay nagdulot hindi ng walang-katapusang kaligayahan sa tao kundi ng malubhang kaabahan sa tao.” Kasali sa “malubhang kaabahan sa tao” na tinutukoy rito ay yaong dinaranas na kalunus-lunos na kalagayan ng mga anak dahil sa paghihiwalay ng kanilang mga magulang at pagdaranas naman ng mga adulto ng matinding sakit ng damdamin. Kasali rin dito ang pagdami ng mga pamilyang may iisang-magulang at ang salot ng mga nagkakaanak samantalang sila’y halos mga dalagita pa lamang. Isa pa, kasali na rito ang mistulang salot ng mga sakit na naisasalin sa pamamagitan ng seksuwal na pagtatalik, tulad halimbawa ng genital herpes, gonorrhea, syphilis, chlamydia, at AIDS.
19 Sa liwanag ng lahat ng ito, isang propesor ng sociology ang nagsabi: “Marahil tayo’y may sapat na gulang na isaalang-alang kung hindi higit na makabubuti sa atin na ang itaguyod bago mag-asawa ay ang di-pakikipagtalik bilang isang patakaran na pinakamahusay na tugon sa pangangailangan ng ating mga mamamayan at sa kanilang karapatan sa kalayaan, kalayaan sa sakit, kalayaan sa pag-aanak sa pagkadalaga.” Tama ang sabi ng Bibliya: “Maligaya ang malakas na taong si Jehova ang ginawang tiwala at hindi bumaling sa mga taong palalo, ni sa mga naliligaw man sa pagsunod sa kabulaanan.” (Awit 40:4) Yaong mga nagtitiwala sa karunungan ng Bibliya ay hindi nadadaya ng mga kabulaanan ng mga taong lumalabag sa Bibliya at nagsasabi na ang maluwag na kodigo ng moral ay nagdudulot ng kaligayahan. Ang pantas na mga pamantayan ng Bibliya, kung mahigpit, ay ukol sa ikagagaling.
Mahihirap na mga Suliranin sa Buhay
20. Anong mga simulain ng Bibliya ang napatunayang nakatulong sa mga taong nasa malubhang karalitaan sa kanilang buhay?
20 Ang karunungan ng Bibliya ay tumutulong din sa atin na harapin ang mahihirap na suliranin na napapaharap sa atin sa buhay. Halimbawa, sa mga ilang lupain, may mga Kristiyanong namumuhay sa malubha, matinding karalitaan. Gayunman kanilang napagtatagumpayan ang kanilang karalitaan at nakasusumpong pa rin ng kaligayahan. Papaano? Sa pamamagitan ng pagsunod sa kinasihang Salita ng Diyos. Kanilang diniribdib ang nakaaaliw na mga salita ng Awit 55:22: “Ilagak mo kay Jehova mismo ang iyong pasanin, at siya mismo ang aalalay sa iyo.” Sila’y sa Diyos umaasa ng lakas na makapagtiis. Pagkatapos ay ikinakapit nila ang mga simulain ng Bibliya at iniiwasan ang nakapipinsala, maaksayang mga bisyo, tulad baga ng paninigarilyo at paglalasing. Sila’y masisipag, gaya ng ipinapayo ng Bibliya, at sa ganoo’y kadalasan kanilang napakakain ang kanilang pamilya samantalang ang mga taong tamad o yaong mga nagpapadaig sa kawalang-pag-asa ay nabibigo. (Kawikaan 6:6-11; 10:26) Gayundin, kanilang sinusunod ang babala ng Bibliya: “Huwag kang managhili sa kanila na nagsisigawa ng kalikuan.” (Awit 37:1) Sila’y hindi nahihikayat na magsugal o gumawa ng mga gawaing makakriminal, tulad halimbawa ng pagbebenta ng mga bawal na gamot. Ang mga bagay na ito ay maaaring magbigay ng isang dagling “solusyon” sa kanilang mga problema, ngunit ang mahabang-panahong bunga ay masaklap.
21, 22. (a) Papaanong isang babaing Kristiyano ang natulungan at naaliw ng Bibliya? (b) Ano pang bagay tungkol sa Bibliya ang tumutulong sa atin na matanto na ito ay Salita ng Diyos?
21 Ang pagsunod ba sa Bibliya ay talagang tumutulong sa mga taong dukhang-dukha? Oo, gaya ng pinatutunayan ng maraming-maraming karanasan. Isang biyudang Kristiyano sa Asia ang sumulat: “Bagaman ako’y isang naghihikahos, ako naman ay hindi naghihinanakit o sumasama ang loob. Ang katotohanan ng Bibliya ang nagbibigay sa akin ng isang positibong pangmalas.” Sinabi niya na ang isang kapuna-punang pangako na ibinigay ni Jesus ay natupad sa kaniya. Sinabi ni Jesus: “Patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian at ang kaniyang katuwiran, at lahat ng iba pang mga bagay na ito ay pawang idaragdag sa inyo.” (Mateo 6:33) Kaniyang sinabi na dahil sa inuuna niya sa kaniyang buhay ang paglilingkod sa Diyos, sa tuwina’y tumatanggap siya, sa anumang paraan, ng materyal na pangangailangan sa buhay. At ang kaniyang paglilingkod bilang Kristiyano ay nagbibigay sa kaniya ng dangal at ng tunguhin sa buhay na anupa’t kaniyang napagtitiisan ang kaniyang karalitaan.
22 Totoo naman, ang lalim ng karunungan nito ay nagpapakitang ang Bibliya’y talagang Salita ng Diyos. Walang aklat na tanging likha ng mga tao ang sumasaklaw ng napakaraming iba’t ibang pitak ng buhay at may lubhang malalim na unawa at walang pagbabago ang pagiging tama. Subalit may isa pang bagay tungkol sa Bibliya na nagpapakilala ng kinasihang pinagmulan nito: Ito ay may lakas na baguhin ang mga tao tungo sa lalong mabuti. Ating tatalakayin ito sa susunod na artikulo.
Maipaliliwanag Mo Ba?
◻ Sa papaanong ang mga Saksi ni Jehova ay pinagpala dahilan sa kanilang pagtanggap sa Bibliya bilang Salita ng Diyos?
◻ Bilang mga naniniwala sa Salita ng Diyos, ano ba ang ating obligasyon, at papaanong ang ating asal ay tutulong sa atin na magampanan ang obligasyong ito?
◻ Ano ang gumagawa sa matalinong payo ng Bibliya upang maging nakahihigit kaysa payo lamang ng tao?
◻ Ano ang mga ilang halimbawa na nagpapakita ng lalim ng karunungan ng Bibliya?