Ang Paniniwala ba sa Tadhana ang Naghahari sa Iyong Buhay?
NOONG Setyembre 1988 sumapit ang kalamidad. Ang di-nagbabawang katubigan sa malawak na wawa ng mga ilog Ganges at Brahmaputra ay umangat nang 9 na metro at binahaan nito ang tatlong-kaapat na bahagi ng Bangladesh. Libu-libo ang nalunod. Mga 37,000,000 ang naiwan na walang mga tahanan. Mahigit na 60,000 kilometro ng mga daan ang naparam.
Yamang ang ganiyang mga baha ay sumasalanta sa Bangladesh nang paulit-ulit, isang pahayagan ang nagkapit sa bansang iyon ng tawag na “Wawa ng Kapahamakan.” Sa ganiyang paglalarawan ay masisinag ang nakikita ng maraming tao na sanhi ng gayong nakalilitong mga kapahamakan: kapalaran, o tadhana.
Yamang ang iba’y may paniwala na ang tadhana’y hindi naghahari sa buhay, marami ngang mga paniwala tungkol sa tadhana ang laganap sa mundo. Bakit nga ba napakarami ang naniniwala sa tadhana, at ano ang fatalism (pagtatadhana)?
Ang Papel na Ginagampanan ng Relihiyon
Ang salitang “fate” (sa Ingles) ay galing sa Latin na fatum, na ibig sabihin “ang sinalita na.”a Ang mga fatalist (mga naniniwala sa pagtatadhana) ay may paniniwala na ang mga pangyayari’y binuo na antimano at ang mga tao ay walang kapangyarihan na baguhin ang mga bagay-bagay. Ang ganitong paniwala ay pinalaganap ng iba’t ibang relihiyon at siyang humubog sa pagkakilala ng angaw-angaw na mga naniniwala rito. Ang isang sulyap sa tatlong pinakamalalaking relihiyon ng daigdig ay nagpapakita na ang fate (tadhana) ay may isang mukhang may iba’t ibang anyo—kasindami ng korte ng mga templong Hindu, mga Islāmikong mosque at mga simbahan ng Sangkakristiyanuhan.
Ang mga 900 milyong Muslim ng daigdig, halimbawa, ay naniniwala na ang tadhana (Kismet) ay itinatakda ng kalooban ng Diyos.b Ang Qur’ān ay nagsasabi: “Walang masama na dumarating sa mundo . . . , ngunit ito ay nasa isang aklat bago natin pangyarihin iyon.” “At ang isang kaluluwa ay hindi mamamatay maliban sa may pahintulot si Allah; ang termino ay pirme na.”—Surah 57:22; 3:145.
Ang Karma ang siyang batas ng sanhi at epekto—isa pang aspekto ng tadhana—na may epekto sa buhay ng halos 700 milyong Hindu sa daigdig. Ayon dito ang mga pangyayaring nagaganap sa kasalukuyang buhay ng isang Hindu ay epekto ng kaniyang mga kilos sa isang dati nang incarnation. Ang Garuda Purana, isang sinaunang kasulatang Hindu, ay nagsasabi: “Ang mga gawa ng sariling ito sa isang nakalipas na buhay ang batayan kung ano ang magiging kalikasan ng organismo niyaon sa susunod, at gayundin ang karakter ng mga sakit, pisikal man o mental, na darating doon . . . Sa buhay ng isang tao ay dumarating ang nakatadhana sa kaniya.”
Kumusta naman ang humigit-kumulang 1,700 milyong miyembro ng Sangkakristiyanuhan? Ipagpalagay natin, ang iba sa Sangkakristiyanuhan ay nag-aangkin na ang tadhana’y kanilang hinalinhan ng Diyos, at ang pagtatadhana ay hinalinhan ng predestination. Ngunit ang Encyclopædia of Religion and Ethics ay nagsasabi: “Hindi masasabi na ang Kristiyanismo ay . . . lubos na malaya buhat sa paniniwala sa Tadhana.” May mga denominasyon na taglay pa rin ang paniwala ng repormistang si Martin Luther noong ika-16 na siglo, na nagsabi minsan na ang tao’y “walang kalayaan na gaya ng isang bloke ng kahoy, isang malaking bato, isang kimpal ng putik, o isang haliging asin.”
Pag-iitsa ng Barya at Pagtingin sa mga Bituin
Bagaman ang ganiyang mahigpit na paniwala ay nahulog na ngayon sa paatras na mga tubig ng paniniwala ng kasalukuyang umaagos na tubig ng Sangkakristiyanuhan, inaamin ng isang teologo na marami sa mga miyembro nito ang tumatanggap pa rin sa paniniwala “sa isang sekularisadong anyo.” Sa anyong iyan, ang tadhana ay maaaring makitaan ng isang naglalahong ngiti at binyagan na kapalaran. Malamang na may alam kang marami na manakanaka’y nag-iitsa ng isang barya sa pagsamo sa kapalaran, o tadhana. Bagaman baka ituring nila ito na isa lamang kaugalian, kanilang patuloy na ginagawa ito, at, kung minsan, waring sa kanila’y gumagana ito. Halimbawa, kamakailan iniulat ng The New York Times na isang lalaking namumuhay sa Estados Unidos ang nakasumpong ng isang penny (barya) na ang nakalitaw sa ibabaw ay ulo pagkatapos na siya’y bumili ng mga tiket sa loterya. Sinabi niya: “Tuwing makasusumpong ako ng isang baryang ulo ang nakapaibabaw, laging may nangyayaring mabuti sa akin.” Sa ganitong kaso, siya’y nanalo ng 25.7 milyong dolyar. Sa palagay mo kaya’y ang kaniyang paniwala sa kapalaran, o tadhana, ay nabawasan?
May mga taong napapatawa tungkol sa pag-iitsa ng mga barya. Gayunman, baka sila’y naniniwala na ang kanilang kinabukasan ay itinadhana na ng galaw ng mga bituin—isa pang aspekto ng tadhana. Sa Hilagang Amerika lamang, mga 1,200 pahayagan ang may tudling para sa astrolohiya. Ang isang surbey ay nagpakita na 55 porsiyento ng kabataan sa Estados Unidos ang naniniwala na may bisa ang astrolohiya.
Oo, ang tawag man doon ay Kismet, Karma, Diyos, kapalaran, o ang mga bituin, ang paniniwala sa tadhana ay uso sa buong globo at umiiral na sa loob ng mahabang panahon. Halimbawa, alam mo ba na sa lahat ng mga tao sa kasaysayan na nakatala rito, iisa lamang ang hindi naniwala sa pagtatadhana? Sino baga iyon? At papaanong ang kaniyang pagkakilala sa tadhana ay makaiimpluwensiya sa iyong paniniwala naman?
[Mga talababa]
a Ang The Encyclopedia of Religion, Tomo 5, pahina 290, ay nagsasabi: “FATE. Hango sa Latin na fatum (isang bagay na sinabi, isang makahulang deklarasyon, isang orakulo, isang banal na determinasyon).”
b “Ang Kismet ay naiiba sa Tadhana tanging sa pagkatukoy rito bilang isang makapangyarihan-sa-lahat na Kalooban; lahat ng pagsamo ng tao sa alinman dito ay walang kabuluhan.”—Encyclopœdia of Religion and Ethics ni Hastings, Tomo V, pahina 774.
[Kahon sa pahina 4]
SINO ANG NANIWALA SA PAGTATADHANA?
Maskarīputra Gośāla Jesu-Kristo
Mapagpenitensiyang Indian, Pundador ng Kristiyanismo,
ika-6/ika-5 siglo B.C.E. unang siglo C.E.
Zeno ng Citium Jahm, anak si Safwān
Pilosopong Griego, Gurong Muslim,
ika-4/ika-3 siglo B.C.E. ika-8 siglo C.E.
Publius Vergilius Maro John Calvin
Makatang Romano, Teologo at repormistang
unang siglo B.C.E. Pranses, ika-16 na siglo C.E.