Ang Buhay at Ministeryo ni Jesus
Higit Pang Payo sa Pagyaon
SI Jesus at ang mga apostol ay nakagayak nang lumisan sa silid sa itaas. “Ang mga bagay na ito’y aking sinalita sa inyo upang kayo’y huwag mangatisod,” ang patuloy niya. Pagkatapos ay nagbigay siya ng mahalagang babala: “Sa mga sinagoga ay palalayasin kayo ng mga tao. Ang totoo, dumarating ang oras na sinumang pumatay sa inyo ay mag-aakalang siya’y nakapaghandog ng banal na paglilingkod sa Diyos.”
Maliwanag na ang mga apostol ay lubhang nabahala ng babalang ito. Bagaman una pa rito ay sinabi ni Jesus na sila’y kapopootan ng sanlibutan, hindi niya sinabi na sila’y papatayin. “Ang mga bagay [na ito] ay hindi ko sinabi sa inyo sa pasimula,” ang paliwanag ni Jesus, “sapagkat ako’y kasama ninyo.” Subalit, anong inam nga na sila’y patiunang bigyan ng impormasyong ito upang sila’y makapaghanda bago siya yumaon!
“Subalit ngayon,” ang patuloy ni Jesus, “ako’y paroroon sa nagsugo sa akin, ngunit sinuman sa inyo ay walang nagtatanong sa akin, ‘Saan ka paroroon?’ ” Mas maaga noong gabing iyon, sila’y nagtanong tungkol sa kung saan siya paroroon, ngunit ngayon sila ay lubhang nabigla sa kaniyang sinabi sa kanila kung kaya’t nalimutan nilang magtanong nang higit pa tungkol dito. Gaya ng sinasabi ni Jesus: “Dahil sa sinalita ko sa inyo ang mga bagay na ito ay napuno ng kalumbayan ang inyong mga puso.” Ang mga apostol ay nalumbay hindi lamang dahil sa kanilang napag-alaman na sila’y magdaranas ng kakila-kilabot na pag-uusig at papatayin kundi dahil sa sila’y lilisanin ng kanilang Panginoon.
Kaya’t nagpaliwanag si Jesus: “Sa ikabubuti ninyo kung kaya ako aalis. Sapagkat kung hindi ako aalis, ang tagatulong ay sa ano mang paraan hindi paparito sa inyo; ngunit kung ako’y yumaon, siya’y susuguin ko sa inyo.” Si Jesus ay makalalagi lamang sa isang lugar nang minsanan, ngunit kung siya’y nasa langit na, kaniyang masusugo ang tagatulong, ang banal na espiritu ng Diyos, sa kaniyang mga tagasunod saan man sila naroroon sa lupa. Kaya’t ang pagyaon ni Jesus ay magiging kapaki-pakinabang.
Ang banal na espiritu, ang sabi ni Jesus, ay “magbibigay sa sanlibutan ng kapani-paniwalang ebidensiya tungkol sa kasalanan at tungkol sa katuwiran at tungkol sa paghatol.” Ang kasalanan ng sanlibutan, ang hindi pagsampalataya nito sa Anak ng Diyos, ay malalantad. Bukod dito, ang kapani-paniwalang ebidensiya ng pagkamatuwid ni Jesus ay matatanghal sa pamamagitan ng kaniyang pag-akyat tungo sa Ama. At ang pagkabigo ni Satanas at ng kaniyang balakyot na sanlibutang sirain ang katapatan ni Jesus ay kapani-paniwalang ebidensiya na ang pinuno ng sanlibutan ay hinatulan ng laban sa kaniya.
“Mayroon pa sana akong maraming sasabihin sa inyo,” ang patuloy ni Jesus, “ngunit ngayon ay hindi pa ninyo kayang dalhin.” Kaya si Jesus ay nangako na pagka kaniyang ibinuhos na ang banal na espiritu, na siyang aktibong puwersa ng Diyos, ito ang aakay sa kanila tungo sa pagkaunawa ng mga bagay na ito ayon sa kanilang kakayahan na maintindihan ang mga ito.
Ang lalong higit na hindi naunawaan ng mga apostol ay ang kamatayan ni Jesus at pagkatapos ay magpapakita siya sa kanila matapos na siya’y buhaying-muli. Kaya sila’y nagtanungan sa isa’t isa: “Ano itong sinasabi niya sa atin, ‘Sandali na lamang at ako’y hindi na ninyo makikita, at, muli, sandali pa at ako’y inyong makikita,’ at, ‘sapagkat ako’y paroroon sa Ama’?”
Natanto ni Jesus na sila’y ibig magtanong sa kaniya, kaya’t siya’y nagpaliwanag: “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Kayo’y magsisiiyak at magsisipanaghoy, datapuwat ang sanlibutan ay magagalak; kayo’y mangalulumbay, datapuwat ang inyong kalumbayan ay magiging kagalakan.” Kinabukasan ng hapon, nang si Jesus ay patayin, ang makasanlibutang mga pinunò ng relihiyon ay nangagalak, ngunit ang mga alagad ay nangalumbay. Gayunman, ang kanilang kalumbayan ay naging kagalakan nang si Jesus ay buhayin! At ang kanilang kagalakan ay nagpatuloy nang kaniyang sangkapan sila ng kapangyarihan noong Pentecostes upang maging kaniyang mga saksi sa pamamagitan ng pagbubuhos sa kanila ng banal na espiritu ng Diyos!
Sa paghahambing ng kalagayan ng mga apostol sa kalagayan ng isang babae kung nanganganak, sinabi ni Jesus: “Ang babae, pagka nanganganak, ay nalulumbay, sapagkat dumating na ang kaniyang oras.” Ngunit kung papaano hindi na niya naaalaala pa ang kaniyang hirap minsang maisilang ang kaniyang sanggol, ganito ang sabi ni Jesus: “At kayo nga sa ngayon ay may kalumbayan; ngunit muli ko kayong makikita [pagka ako’y binuhay-muli] at magagalak ang inyong puso, at walang makapag-aalis sa inyo ng inyong kagalakan.”
Magpahanggang sa oras na ito, ang mga apostol ay hindi pa humihiling ng anuman sa pangalan ni Jesus. Ngunit ngayon ay kaniyang sinasabi: “Kung kayo’y hihingi ng anuman sa Ama ay ibibigay niya iyon sa inyo sa aking pangalan. . . . Sapagkat mahal nga kayo ng Ama dahil sa ako’y mahal ninyo at naniniwala kayong nagmula ako sa Ama bilang kinatawan niya. Nagbuhat ako sa Ama at naparito ako sa sanlibutan. At, lilisanin ko ang sanlibutan at ako’y paroroon sa Ama.”
Ang mga salita ni Jesus ay malaking pampatibay-loob sa mga apostol. “Dahil dito’y sumasampalataya kami na ikaw ay nagbuhat sa Diyos,” ang sabi nila.
“Ngayon ba’y nagsisisampalataya kayo?” ang tanong ni Jesus. “Narito! Dumarating ang oras, oo, dumating na nga na kayo’y mangangalat bawat isa sa inyo at ako’y iiwanan ninyong mag-isa.” Bagaman waring hindi kapani-paniwala, ito’y naganap bago natapos ang magdamag!
“Ang mga bagay na ito’y sinabi ko sa inyo upang sa pamamagitan ko’y magkaroon kayo ng kapayapaan,” ang pagtatapos na sabi ni Jesus. “Sa sanlibutan ay mayroon kayong kapighatian, ngunit kayo’y magpakatibay-loob! Dinaig ko ang sanlibutan.” Dinaig ni Jesus ang sanlibutan sa pamamagitan ng tapat na pagganap sa kalooban ng Diyos sa kabila ng sinikap ni Satanas at ng kaniyang sanlibutan na gawin upang sirain ang katapatan ni Jesus. Juan 16:1-33; 13:36.
▪ Anong babala ni Jesus ang nakabahala sa kaniyang mga apostol?
▪ Bakit hindi naitanong ng mga apostol kay Jesus ang tungkol sa kung saan siya paroroon?
▪ Ano higit sa lahat ang hindi maunawaan ng mga apostol?
▪ Papaano ipinakikita ni Jesus na ang kalagayan ng mga apostol ay magbabago buhat sa kalumbayan tungo sa kagalakan?
▪ Ano ang sinabi ni Jesus na malapit nang gawin ng mga apostol?
▪ Papaano dinadaig ni Jesus ang sanlibutan?