“Ang Nakikinig ay Magsabi: ‘Halika!’”
Sa buong santaon na darating, ang mga Saksi ni Jehova sa mahigit na 200 lupain sa buong daigdig ay magbubuhos ng buong lakas kasuwato ng kanilang 1991 taunang teksto: “ANG NAKIKINIG AY MAGSABI: ‘HALIKA!’”
“Ang espiritu at ang nobya ay patuloy na nagsasabi: ‘Halika!’ At ang nakikinig ay magsabi: ‘Halika!’ At ang nauuhaw ay pumarito; ang may ibig ay kumuhang walang-bayad ng tubig ng buhay.”—APOCALIPSIS 22:17.
1. Sa anong “tubig” inaanyayahan tayo na “pumarito!”?
IKAW ay inaanyayahan na “pumarito!” Pumarito para sa ano? Aba, pumarito para mapawi ang iyong uhaw sa pamamagitan ng tubig. Ito ay hindi karaniwang tubig kundi iyon ding tubig na tinukoy ni Jesu-Kristo nang kaniyang sabihin sa babaing Samaritana sa balon: “Ang sinumang uminom ng tubig na sa kaniya’y aking ibibigay ay hindi na mauuhaw magpakailanman, kundi ang tubig na sa kaniya’y aking ibibigay ay magiging isang balon ng tubig na bubukal upang magbigay ng buhay na walang-hanggan.” (Juan 4:14) Saan ba kinuha ni Jesus ang “tubig” na ito?
2. Ano ang bukal na pinagmumulan ng “tubig,” at pagkatapos lamang ng anong pangyayari makaaagos ito?
2 Si apostol Juan ay nagkaroon ng pribilehiyo na makita sa pangitain ang bukal na pinagmumulan ng “tubig” na ito, gaya ng kaniyang tinukoy sa Apocalipsis 22:1: “Sa akin ay ipinakita niya ang isang ilog ng tubig ng buhay, sinlinaw ng kristal, na umaagos buhat sa trono ng Diyos at ng Kordero.” Oo, ang bukal na pinagmumulan ng sinlinaw-kristal na tubig na ito na may nagbibigay-buhay na mga sangkap ay walang iba kundi ang Tagapagbigay-Buhay, si Jehova mismo, na nagbibigay nito sa pamamagitan ng Kordero, si Jesu-Kristo. (Ihambing ang Apocalipsis 21:6.) Yamang “ang trono ng Diyos at ng Kordero” ay binanggit, pagkatapos na matatag ang Mesiyanikong Kaharian noong 1914, samakatuwid nga, pagkatapos magsimula ang araw ng Panginoon, nagsimula namang umagos ang tubig ng buhay.—Apocalipsis 1:10.
3, 4. Sa ano kumakatawan ang “tubig,” at sino ang maaaring magkamit nito?
3 Ano ba ang isinasagisag ng tubig na ito ng buhay? Ito’y lumalarawan sa paglalaan ng Diyos para sa pagsasauli ng sakdal na buhay ng tao, walang-hanggang buhay sa kasakdalan sa lupa na isinauli na sa pagkaparaiso. Ang tubig ng buhay ay kumakatawan sa lahat ng mga paglalaan ukol sa buhay sa pamamagitan ni Jesu-Kristo. Ang lahat na ito ba ay maaaring makamit ngayon? Hindi, hindi lahat sapagkat kailangan munang alisin ng Diyos ang kasalukuyang balakyot na sistema ng mga bagay kasama na ang di-nakikitang pinunò nito, si Satanas na Diyablo. Ngunit tayo’y maaaring makakuha ng bahagi ng “tubig” na ito na makakamit ngayon sa pamamagitan ng pakikinig at pagsunod sa mabuting balita ng Kaharian at pag-aayon ng ating mga buhay roon.—Juan 3:16; Roma 12:2.
4 Sa gayon, pagkatapos ipakita kay Juan ang ‘ilog ng buhay,’ kinausap ni Jesus si Juan tungkol sa Kaniyang layunin sa pagsusugo sa Kaniyang anghel taglay ang pangitain. Pagkatapos ay narinig ni Juan ang pagpapahayag: “Ang espiritu at ang nobya ay patuloy na nagsasabi: ‘Halika!’ At ang nakikinig ay magsabi: ‘Halika!’ At ang nauuhaw ay pumarito; ang may ibig ay kumuhang walang-bayad ng tubig ng buhay.” (Apocalipsis 22:17) Samakatuwid, ang mga lingkod ng Diyos ay nagbibigay ng paanyaya sa mga nauuhaw upang magsimula ng pag-inom sa mga paglalaan ng Diyos ukol sa pagtatamo ng buhay na walang-hanggan sa lupa sa pamamagitan ng Kordero ng Diyos.—Juan 1:29.
Bumangon ang Pangangailangan ng Tubig ng Buhay
5. Papaano nangyaring nangailangan ang sangkatauhan ng paglalaang ito ng Diyos?
5 Nakalulungkot, ang unang mga magulang ng sambahayan ng tao ay hindi nagpatuloy sa landas ng buhay na nakapagbigay sana sa kanilang supling ng pagkakataong tamasahin ang sakdal na buhay-tao magpakailanman sa isang tahanang paraiso. Ang buhay na walang-hanggan para sa sangkatauhan ay humihiling na gumawa si Adan ng matalinong pagpili na masunuring maglingkod sa kaniyang Maylikha. Sa ilalim ng impluwensiya ng isang mapaghimagsik na espiritung nilalang, pinasimulan ni Eva ang kilusan na ang ibinunga ay kamatayan sa sangkatauhan, at si Adan, na kaniyang sakdal na asawa, ay nagpasiyang sumama sa kaniya sa landasing iyon na nagdudulot-kamatayan. Sa gayon, bilang tagapagbigay ng likas na buhay sa humaliling mga salinlahi ng sangkatauhan, si Adan ang talagang nagpasok ng kamatayan sa buong sambahayan ng tao. Kaya naman ang Bibliya’y nagsasabi: “Sa pamamagitan ng isang tao ay pumasok ang kasalanan sa sanlibutan at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan, at sa ganoon lumaganap ang kamatayan sa lahat ng tao sapagkat silang lahat ay nagkasala.” (Roma 5:12) Pagkatapos na mahulog sa pagkakasala si Adan at si Eva ay saka lamang sila nagsimulang magdagdag ng mga bagong miyembro sa sambahayan ng tao.—Awit 51:5.
6. Bakit isinaayos ni Jehova na ang “tubig” ay makamit?
6 Ang Diyos ba ay mahahadlangan magpakailanman sa pagtupad ng kaniyang layunin na magkaroon ng isang lupang paraiso na punô ng mga sakdal na tao? Mangyari pa, ang sagot ng Bibliya ay hindi! Gayumpaman, upang matupad ang kaniyang layunin, si Jehova ay gumawa ng isang maibiging paglalaan na sasalungat sa kapaha-pahamak na kabiguan ni Adan ngunit magiging lubusang kasuwato ng katarungan at katuwiran, na Siya ang husto at lubos na kapahayagan. Kaniyang ginagawa ito sa pamamagitan ng “ilog ng tubig ng buhay.” Sa pamamagitan nito, kaniyang isasauli ang sakdal na buhay-tao sa masunuring sangkatauhan, na nawalan ng pagkakataong makalapit sa Bukal ng buhay. Ang ilog na ito ay umaagos nang lubusan sa panahon ng Sanlibong Taóng Paghahari ni Jesu-Kristo. Samakatuwid, sa buong panahon ng Milenyong Pamamahala ni Kristo, ang mga tao, kasali na yaong mga bubuhaying-muli, ay iinom sa “ilog ng tubig ng buhay.”—Ihambing ang Ezekiel 47:1-10; Gawa 24:15.
7. Ano ang saligan ng “tubig” na inilaan?
7 Si Jehova ay nasisiyahan sa kaniyang sariling buhay, at siya’y nasisiyahan din na ipagkaloob ang pribilehiyo na makamit ng iba sa kaniyang mga nilalang ang matalinong buhay. Ang saligan ng nagbibigay-buhay na mga paglalaan ni Jehova ay ang inihandog ni Jesus na haing pantubos. (Marcos 10:45; 1 Juan 4:9, 10) Kasangkot din ang Salita ng Diyos, na kung minsan ay tinatawag ng Bibliya na “tubig.” (Efeso 5:26) Ang Diyos na Jehova ay malayang makapagsasabi, ‘Halikayo!’ sa mga taong nilalang, na nawalan ng orihinal na mga paglalaan na ginawa ng Diyos para sa sakdal na mag-asawa, si Adan at si Eva.
Ang Uring Nobya ay Nananawagang, “Halika!”
8. Kanino at kailan unang inilaan ang “tubig” na ito?
8 Ang unang pinahatdan ng panawagang “halika!” ay yaong mga bumubuo ng makasagisag na nobya ng Kordero, ang panganay na espirituwal na Anak ni Jehova. (Apocalipsis 14:1, 3, 4; 21:9) Ang espirituwal na kasintahan ni Kristo ay hindi sa kaniyang sarili nagsasabi ng, “Halika!,” samakatuwid nga, sa mga titipunin pa ng Diyos na Jehova bilang bahagi ng uring nobya upang mabuo ang 144,000. Ang mga salitang iyon ng paanyaya ay ipinananawagan sa mga taong umaasang magtatamo ng sakdal na buhay bilang mga tao sa lupa pagkatapos ng Armagedon. (Apocalipsis 16:14, 16) Sa panahong ito ng katapusan ng sistema ng mga bagay sapol noong 1914, ating narinig na ang pag-aanyaya na ginagawa ng “nobya,” kaisa ng banal na espiritu ng Diyos.
9. Papaano natin nalalaman na ito’y hindi ukol sa isang munting grupo lamang?
9 Kapana-panabik, ang huling aklat ng Bibliya ay nagpapakita na ‘ang malaking pulutong, na hindi mabilang,’ ang tutugon sa paghahayag ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos at matatag na maninindigan sa panig ng maharlikang pamahalaang iyan. (Apocalipsis 7:9, 10, 16, 17) Isa ka ba na kabilang sa malaking pulutong na iyan? Kung gayon, “ang nakikinig ay magsabi: ‘Halika!’ ”
Ang Espiritu at ang Nobya ay Nagsasabing, “Halika!”
10. Saan kailangang manggaling ang simbolikong tubig na ito, at bakit?
10 Ngunit bakit ang Diyos at ang makasagisag na Nobyo ay hindi binanggit sa Apocalipsis 22:17? Una, pansinin na hindi sinasabi ng talata kung sa ilalim ng patnubay nino kumikilos ang espiritu. Gayunman, sa pagtukoy sa espiritu ay idinidirekta ang ating pansin sa Diyos na Jehova mismo. Ang Ama ay hindi naman winawalang-halaga, yamang siya ang mismong Pinanggagalingan ng banal na espiritu. Ikalawa, ang Anak ay lubusang nakikipagtulungan sa kaniyang Ama, gaya ng sinabi niya mismo: “Ang Anak ay hindi makagagawa ng isa mang bagay sa ganang kaniyang sarili, kundi yaon lamang na makita niyang ginagawa ng Ama.” (Juan 5:19) Bukod diyan, bagaman ang paanyayang ito ay isang kinasihang pangungusap na mismong nanggagaling sa Diyos na Jehova, ang mga tao ay maaaring tumanggap ng makalangit na patnubay, o “kinasihang mga kapahayagan,” sa pamamagitan ni Jesu-Kristo, “ang Salita.” (Apocalipsis 22:6; gayundin ang Apoc 22:17, Reference Bible, talababa; Juan 1:1) Kung gayon, angkop na iugnay natin si Kristo, ang Nobyo, sa paanyayang ito. Oo, matitiyak natin na kapuwa ang Diyos na Jehova, ang Ama ng Nobyo, at si Jesu-Kristo, ang Nobyo, ay nakikiisa sa “nobya” sa pamamagitan ng banal na espiritu sa pagsasabing, “Halika!”
11, 12. (a) Ano ang maagang patotoo na ang paanyaya na uminom ay palalawakin? (b) Papaanong ang bagay na iyan ay patuloy na nagliwanag sa paglakad ng mga taon?
11 Sa loob ng lumipas na mga dekada ang panawagang “halika!” ay ipinag-aanyaya na sa mga taong nauuhaw sa “tubig ng buhay.” Kahit na noon pa mang 1918, ang uring nobya ay nagsimulang mangaral ng isang mensahe na ang pantanging kasangkot ay yaong mga posibleng mabuhay sa lupa. Yaon ay ang pahayag pangmadla na pinamagatang “Milyun-Milyong Nabubuhay Ngayon ang Maaaring Hindi Na Mamatay.” Ito’y nag-alok ng isang pag-asa na marami ang makaliligtas sa Armagedon at pagkatapos ay magtatamo ng walang-hanggang buhay sa lupang Paraiso sa ilalim ng Mesiyanikong Kaharian ng Diyos. Ngunit ang mensaheng iyon ay hindi naman tiyakang nagpakita ng paraan upang makamit ang pribilehiyong ito ng kaligtasan, maliban sa pamamagitan ng pangkalahatang pagkamatuwid.
12 Upang marating ang marami pang mga tao ng paanyayang, “Halika!” noong 1922 ang mensahe ay nakarating sa lahat ng mga taong interesado sa paglilingkod sa Diyos: “Ianunsiyo ang Hari at ang Kaharian.” Noong 1923 ay naunawaan ng uring nobya na “ang mga tupa” at “ang mga kambing” sa talinghaga ni Jesus sa Mateo 25:31-46 ay mahahayag bago dumating ang Armagedon. Pagkatapos, noong 1929, sa The Watch Tower ng Marso 15 ay napalathala ang artikulong “Gracious Invitation” (Magiliw na Paanyaya). Ang temang teksto nito ay Apocalipsis 22:17, at itinampok nito ang pananagutan ng uring nobya na palawakin ang paanyayang, “Halika!”—Pahina 87-9.a
Mga Ibang Tupa ay Nakikiisa sa Pagsasabing, “Halika!”
13, 14. Sa dekada ng 1930, anong karagdagang paglilinaw ang ginawa na nagpapatunay na ang mga iba pa ay iinom ng simbolikong tubig?
13 Bukod diyan, sing-aga ng 1932, tinukoy ng The Watchtower ang pananagutan ng “mga ibang tupa,” sa pagkakataon nila, na sabihin, “Halika!” (Juan 10:16) Sa labas ng Agosto 1, pahina 232, parapo 29 ay sinabi: “Ang mga Saksi ni Jehova ngayon ay may sigasig na gaya niyaong kay Jehu at dapat nilang himukin ang uring Jonadab [mga ibang tupa] na sumama sa kanila at magkaroon ng ilang bahagi sa pagbabalita sa iba na ang kaharian ng Diyos ay malapit na.” Nang magkagayon, pagkatapos sipiin ang Apocalipsis 22:17, sinabi ng parapo: “Hayaang himukin ng nalabi ang lahat ng makikibahagi sa paghahayag ng mabuting balita ng kaharian. Sila’y hindi kailangang maging pinahiran ng Panginoon upang maipahayag nila ang mensahe ng Panginoon. Isang malaking kaaliwan sa mga Saksi ni Jehova na maalaman ngayon na sila’y pinapayagang dalhin ang mga tubig ng buhay sa isang uri ng mga tao na maaaring makatawid sa Armagedon at mabigyan ng buhay na walang-hanggan sa lupa dahilan sa masaganang kabutihan ni Jehova.”b
14 Mula noong 1934 pasulong, nilinaw ng pinahirang nalabi na ang mga ibang tupang ito ay kailangan ngayong gumawa ng pag-aalay ng kaniyang sarili sa Diyos at sagisagan ang pag-aalay na ito ng bautismo sa tubig at pagkatapos ay makisama sa uring nobya sa pagsasabing, “Halika!” sa mga iba pang nauuhaw. Sa gayon, mayroon ngayong isang tiyakang pag-aanyaya na ginagawa ang uring nobya upang matipon ang nauuhaw na mga ibang tupang ito at mapasali sa “isang kawan” sa ilalim ng “isang pastol,” si Jesu-Kristo. (Juan 10:16) Noong 1935 ang pinahirang nalabi ay napukaw nang husto nang maalaman nila sa kanilang pangkalahatang kombensiyon noong taon na iyon na ang tulad-tupang uri ng mga tao na kanilang pinagsasabihang, “Halika!” ay tunay na siyang “malaking pulutong” ng Apocalipsis 7:9-17. Ito’y nagbigay ng malaking pampasigla sa gawaing pag-aanyaya.
15. Papaanong “ang espiritu” ay kasangkot sa paanyayang, “Halika”?
15 Sa pagsasabing, “Halika!” ang uring nobya ay kaisa ng espiritu ng Diyos. Sa pamamagitan ng kaniyang espiritu sa pagbubukas ng kahulugan ng mga hula ng kaniyang nasusulat na Salita, kaniyang pinapangyari na ang nalabi ng uring nobya ay magbigay ng paanyaya. Ang mga hulang ito na kinasasaligan ng kanilang paanyaya ay kinasihan ng espiritu ng Diyos. Kaya naman iyon, sa katunayan, ay espiritu ng Diyos na umaagos sa pamamagitan ni Kristo at ng kaniyang nobya na nagsasabi sa malaking pulutong ng mga taong tulad-tupa, “Halika!”—Apocalipsis 19:10.
16. Papaanong ang espiritu at ang nobya ay kaugnay sa paanyaya sa ngayon?
16 Magpahanggang sa araw na ito ang espiritu at ang nobya, na kinakatawan ng nalabi, ay “patuloy na nagsasabi: ‘Halika!’ ” Ang nalabi ay nagsasabi sa mga ibang tupang ito na mag-anyaya pa ng iba na “pumarito!” Ang “tubig ng buhay,” na ipinagkakaloob sa ngayon ay hindi nila sasarilinin. Kailangang sundin nila ang utos buhat sa “espiritu at sa nobya,” samakatuwid nga: “Ang nakikinig ay magsabi: ‘Halika!’ ” Lahat ng mga nagpapawing-uhaw ay kailangang magbigay rin sa iba ng paanyaya. Kailangang paabutin nila iyon sa lahat nang walang pagtatangi ng lahi, bansa, wika, o kasalukuyang relihiyon—sa bawat isa sa lahat ng dako! Ang maaaring makamit na “tubig ng buhay” sa kasalukuyang panahon ang ipinag-aanyaya ng mga Saksi ni Jehova at tinutulungan nila ang lahat ng mga bayan upang kumuha nito, walang bayad!
17. Anong uri ng “tubig” ang maaaring makamit ngayon?
17 Sa buong lupa, ang Kordero, si Jesu-Kristo, ay tunay ngang siyang umaakay sa malaking pulutong “sa mga bukal ng mga tubig ng buhay.” (Apocalipsis 7:17) Ito’y hindi maruming tubig, kundi malinaw, malamig, nakapagpapalusog na tubig na nanggagaling sa mismong Bukal. Ang simbolikong tubig na ito ay higit pa ang kahulugan kaysa mga tubig lamang ayon sa diwa ng pagkaunawa ng katotohanan sa Bibliya; ang mga ito’y tumutukoy sa lahat ng mga paglalaan ng Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Kristo na nagsisimula kahit ngayon pa na ilagay ang malaking pulutong sa landas na patungo sa walang-hanggang sakdal na buhay sa kaligayahan.
Makisali Ngayon sa Paghahayag
18. Gaano kalawak ang paanyaya sa panahon natin?
18 Sa kasalukuyan, ang malaking pulutong na ito ay milyun-milyon na. Sila’y masigasig na nagpapatuloy na inihahayag ang mabuting balita ng Kaharian sa buong tinatahanang lupa. Kanilang palagiang iniuulat ang kanilang mga aktibidades sa larangan sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian, na ngayon ay umabot na sa 212 lupain. Ayon sa ipinahihintulot ng panahon sa katapusang ito ng sistema ng mga bagay, ang pag-aanyaya ay magpapatuloy samantalang nagpapatuloy ang pagtitiis at ang pagbabata ng Diyos na Jehova, ang Dakilang Tagapagtakda ng panahon. Kaniyang malalaman kung kailan tapos na ang itinakdang panahon at kung kailan sumapit na ang maselang na sandali upang kaniyang ipakilala sa lahat ang kaniyang sarili bilang si Jehova, kagaya ng kaniyang ipinangako na gagawin sang-ayon sa paulit-ulit na mga pangungusap sa hula ng Bibliya.—Ezekiel 36:23; 38:21-23; 39:7.
19. Bakit natin masasabi na ang “tubig” na ito ay iniaalok nang walang bayad?
19 Kung gayon, samantalang may panahon pa, ang mga nasa malaking pulutong ay may kagalakang nakikibahagi kasama ng nalabi ng uring nobya sa pagsasabi: ‘Halikayo at kumuha na walang bayad ng mga tubig ng buhay!’ Ang mga tagapaghayag ng nagliligtas-buhay na mabuting balitang ito ang malayang gumagawa ng mga pagpapahayag, hindi nila pinababayaran ang paglilingkod na kanilang ginagawa samantalang kanilang pinalalaganap sa buong daigdig ang mensahe ng Kaharian.
20. Ano ang ibubunga dahil sa ang “tubig” na ito ay makakamit na?
20 Ang mga tubig ng buhay ay maaari nang makamit ngayon sa buong mundo, kaya ang mga taong ibig na uminom ay maaaring gumawa ng gayon hanggang sa lubos na kasiyahan nila na ang dulot ay mga bungang nagliligtas-buhay. Ang tinubos na sangkatauhan ay magtatamasa ng walang-katapusang buhay dito mismo sa lupang ito, na gagawing isang paraiso, at magbabangong-puri sa mahalagang layunin ni Jehova. Ang lupa ay ginawa ng ating Maylikha hindi sa walang kabuluhan kundi upang maging isang pambuong-daigdig na halamanan ng Eden, o Paraiso ng kaluguran, na tinatahanan ng sakdal na mga taong nilalang na kalarawan at kawangis ng Diyos.
21. Papaanong ang layunin ng Diyos para sa lupa ay matutupad?
21 Tunay, magiging isang di-masayod na dakilang pribilehiyo at kagalakan na mabuhay sa gayong isang bagong sanlibutan! Saka lamang ang utos na ibinigay ng Diyos sa unang mag-asawa sa Genesis 1:27, 28 ay lubusang matutupad. Salamat sa dalubhasang paghawak ni Jehova ng kaso tungkol sa kapahamakan na dumating sa sambahayan ng tao, kaya ang lupa ay masusupil hanggang sa sukdulang ito’y maging isang paraiso at mapupuno ng sakdal na lahi ng tao. Oo, makikita ng Diyos ang lahat ng bagay na kaniyang ginawa, at, narito, iyon ay magiging napakabuti. Ikaw kaya ay naroroon? Kung gayon, ngayon pa ay kailangang magsimula ka na ng may pagpapahalagang pag-inom sa walang bayad na tubig ng buhay. “Halika!” at uminom ka hanggang gusto mo at magpawing-uhaw sa tubig ng buhay na nagsimula nang umagos ngayon at aagos na lubusan sa Milenyong darating. At ang nakikinig sa malambing na paanyayang ito ay magsabi: “Halika!”
[Mga talababa]
a Bukod sa iba pang mga bagay, sinabi ng artikulong ito: “Kailanman ay hindi pa nagkaroon ng napakalawak na pagpapatotoo sa katotohanan na di-gaya noong nakalipas na mga ilang taon. . . . Dinadala sa kanila ng nalabi ang masayang balita, at sa kanila’y sinasabi nila: ‘At sinuman ang may ibig, kumuha siyang walang bayad sa tubig ng buhay.’ Sila’y pinagsasabihan na maaari na ngayong manindigan sila sa panig ng Panginoon, at laban sa Diyablo, at tumanggap ng isang pagpapala. Hindi baga ang gayong uri ng mga tao ang ngayo’y maaari nang humanap ng kaamuan at katuwiran, at makanlong sa araw ng kaniyang ibubuhos na galit, at itatawid sa dakilang labanan ng Armagedon at mabubuhay magpakailanman at hindi na mamamatay? (Zef. 2:3) . . . Ang uring tapat na nalabi ay nakikiisa sa magiliw na paanyayang ito at nagsasabi, ‘Halika.’ Ang mensaheng ito ay kailangang ihayag sa mga nagnanais ng katuwiran at katotohanan. Kailangang gawin ito ngayon.”
b Binanggit din ng The Watchtower ng Agosto 15, 1934, ang pananagutan ng mga ibang tupa at ang sabi sa pahina 249, parapo 31: “Ang uring Jonadab ay kabilang sa mga ‘nakikinig’ sa pabalita ng katotohanan at sila’y kailangang magsabi sa mga nakikinig: ‘Halika. At ang nakikinig ay magsabi, Halika. At ang nauuhaw ay pumarito. At sino mang may ibig, ay kumuha nang walang bayad sa tubig ng buhay.’ (Apoc. 22:17) Yaong mga nasa uring Jonadab ay kailangang makisama sa antitipikong uring Jehu, samakatuwid nga, ang pinahiran, at magbalita ng mensahe ng kaharian, bagaman sila’y hindi siyang pinahirang mga saksi ni Jehova.”
Ano ang Sagot Mo?
◻ Anong “tubig” ang tinutukoy sa Apocalipsis 22:17?
◻ Ano ang pinanggagalingan ng “tubig”?
◻ Bakit ang “tubig” ay kailangan, at kailan lamang maaaring magsimula itong umagos?
◻ Sa ating teksto, ano ang ipinakikita ng pagtukoy sa “espiritu,” at papaanong “ang nobya” ay kasangkot?
◻ Sino ang maaaring kumuha ng “tubig,” at ano ang resulta?