Ang Buhay at Ministeryo ni Jesus
Matinding Paghihirap sa Tulos
KASAMA ni Jesus ang dalawang magnanakaw na inaakay upang bitayin. Hindi kalayuan sa lunsod, ang pangkat na iyon ay huminto nang makarating sa dakong tinatawag na Golgota, o Dako ng Bungo.
Ang mga bilanggo ay hinubaran ng kanilang kasuotan. Pagkatapos ay pinainom sila ng alak na may halong mira. Marahil iyon ay inihanda ng mga babaing taga-Jerusalem, at ang pangkalmante-sa-kirot na inuming ito ay hindi ipinagkakait ng mga Romano sa mga taong ibinabayubay. Gayunman, nang malasahan ito ni Jesus, kaniyang tinanggihan iyon. Bakit? Maliwanag na ibig niyang nasa lubos na kaliwanagan ang kaniyang isip sa panahon ng pinakasukdulang pagsubok na ito sa kaniyang pananampalataya.
Si Jesus ngayon ay nakaunat sa tulos na ang kaniyang mga kamay ay nakalagay sa ibabaw ng kaniyang ulo. Pagkatapos ang kaniyang mga kamay at ang kaniyang mga paa ay ipinako ng mga kawal sa pamamagitan ng malalaking pako. Siya’y namilipit sa sakít samantalang tinutusok ng mga pako ang kaniyang laman at mga litid. Nang ang tulos ay itayo na, nadama niya ang pagkasakít-sakít, dahil sa ang bigat ng kaniyang katawan ang lalong nagpapatindi ng sakít ng mga sugat na likha ng mga pako. Subalit, imbis na magbanta, ipinanalangin pa ni Jesus ang mga kawal na Romano: “Ama, patawarin mo sila, sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.”
Sa tulos ay ipinapaskíl ni Pilato ang isang karatula na nagsasabi: “Si Jesus na Nasareno ang Hari ng mga Judio.” Maliwanag, kaniyang isinulat ito hindi lamang dahil sa kaniyang iginagalang si Jesus kundi dahil sa siya’y namumuhi sa mga saserdoteng Judio dahil sa kanilang pagpilit sa kaniya na sintensiyahan si Jesus ng kamatayan. Upang ang karatula ay mabasa ng lahat, iyon ay ipinasulat ni Pilato sa tatlong wika—sa Hebreo, sa opisyal na Latin, at sa karaniwang Griego.
Ang mga punong saserdote, kasali na si Caifas at si Annas, ay nabagabag. Ang positibong proklamasyong ito ang sumira ng kanilang sandali ng tagumpay. Kaya sila’y nagprotesta: “Huwag mong isulat ‘Ang Hari ng mga Judio,’ kundi kaniyang sinabi, ‘Ako ang Hari ng mga Judio.’ ” Palibhasa’y nayayamot sa kaniyang pagsisilbing kasangkapan ng mga saserdote, si Pilato ay sumagot na taglay ang matinding pang-aalipusta: “Ang aking naisulat na ay aking naisulat na.”
Ang mga saserdote, kasama ang isang lubhang karamihan, ay nagtipun-tipon ngayon sa lugar na pagbibitayan, at sinubok na pasinungalingan ng mga saserdote ang sinasabi ng karatula. Kanilang inulit na naman ang kasinungalingang patotoo na ibinigay nang una pa roon nang nagaganap ang paglilitis sa Sanedrin. Kaya naman, hindi nga katakatakang ang mga dumaraan ay magsimulang magsalita nang may pang-aabuso, na umiiling habang nang-aalipusta at nagsasabi: “Oh ikaw na magbabagsak ng templo at iyong itatayo iyon sa tatlong araw, iligtas mo ang iyong sarili! Kung ikaw ay isang anak ng Diyos, bumaba ka riyan sa pahirapang tulos!”
“Ang iba ay kaniyang iniligtas; ang kaniyang sarili ay hindi niya mailigtas!” ang mga punong saserdote at ang kanilang relihiyosong mga cronies ay nakisabat na rin. “Siya ay Hari ng Israel; bumaba siya ngayon buhat sa pahirapang tulos at tayo’y mananampalataya sa kaniya. Kaniyang inilagak sa Diyos ang kaniyang pagtitiwala; bayaan niya na Siya ngayon ang magligtas sa kaniya kung ibig Niya, sapagkat kaniyang sinabi, ‘Ako ay Anak ng Diyos.’ ”
Pagkatapos na tablan ng espiritu, ang mga kawal ay nagtawa rin kay Jesus. Kanilang tinuya at inalok siya ng maasim na alak, marahil kanilang basta idinidikit iyon sa kaniyang nauuhaw na mga labi. “Kung ikaw ang hari ng mga Judio,” ang kanilang panunuya pa, “iligtas mo ang iyong sarili.” Maging ang mga magnanakaw man—isa’y nakabayubay sa gawing kanan ni Jesus, at yaong isa naman ay nasa kaniyang gawing kaliwa—ay nanlibak sa kaniya. Isip-isipin lamang iyon! Ang pinakadakilang taong nabuhay kailanman, oo, ang isa na kasama ng Diyos na Jehova sa paglalang ng lahat ng bagay, ay may katatagang nagtiis ng lahat ng pang-aabusong ito!
Hinubad ng mga kawal ang panlabas na mga kasuotan ni Jesus at hinati-hati sa apat na bahagi. Sila’y nagpalabunutan upang makita kung kanino mapupunta ang mga ito. Gayunman, ang panloob na kasuotan ay walang tahi, palibhasa’y mainam na klase. Kaya sinabi ng mga kawal sa isa’t isa: “Huwag natin itong punitin, kundi tayo’y magpalabunutan upang malaman kung kanino mauuwi ito.” Sa gayon, walang kamalay-malay, kanilang tinupad ang hula na nagsasabing: “Binahagi nila sa kanila ang aking panlabas na mga kasuotan, at ang aking balabal ay kanilang pinagpalabunutan.”
Sumapit ang sandaling nakilala ng isa sa mga magnanakaw na si Jesus pala’y talagang hari. Kaya, sa pagsaway sa kaniyang kasama, kaniyang sinabi: “Hindi ka ba natatakot bahagya man sa Diyos, ngayon na tayo’y nasa gayunding kaparusahan? At tayo, sa katunayan nga, ay tumatanggap lamang ng husto ng nararapat na kabayaran sa ating mga ginawa; ngunit ang taong ito ay hindi gumawa ng anumang masama.” Pagkatapos ay bumaling siya kay Jesus, na ang hiling: “Alalahanin mo ako pagdating mo sa iyong kaharian.”
“Katotohanang sinasabi ko sa iyo sa araw na ito,” ang tugon ni Jesus, “Ikaw ay makakasama ko sa Paraiso.” Ang pangakong ito ay matutupad pagka si Jesus ay nagpupuno na bilang Hari sa langit at binuhay niya ang nagsising manggagawang ito ng kasamaan tungo sa buhay sa lupa sa Paraiso na magkakapribilehiyo ang mga nakaligtas sa Armagedon at ang kanilang mga kasamahan na paunlarin. Mateo 27:33-44; Marcos 15:22-32; Lucas 23:27, 32-43; Juan 19:17-24.
◆ Bakit tinanggihan ni Jesus na inumin ang alak na hinaluan ng mira?
◆ Bakit, maliwanag na, sa tulos ni Jesus ipinako ang karatula, at ano pang pagsasagutan ang sinimulan nito sa pagitan ni Pilato at ng mga punong saserdote?
◆ Ano pang pang-abuso ang tinanggap ni Jesus nang siya’y nasa tulos na, at ano ang maliwanag na nag-udyok nito?
◆ Papaano natupad ang hula sa ginawa sa mga kasuotan ni Jesus?
◆ Anong pagbabago ang ginawa ng isa sa mga magnanakaw, at papaano tutupdin ni Jesus ang kaniyang kahilingan?