Pangungumpisal ng mga Kasalanan—Mali ba Ito?
“ANG pangungumpisal ay isang paraan ng lubos na paglilinis, isang paraan ng muling pagsisimula, isang paglimot sa nakaraan. Ako’y mahilig na pumaroon sa Kumpisalan na sinasabi sa pari ang aking mga kasalanan, kaniyang pinatatawad ako at nariyan ang kasiyahan na kasunod.” Ganiyan ang sinabi ng isang saradong Katoliko.—Bless Me, Father, for I Have Sinned.
Sang-ayon sa New Catholic Encyclopedia, “sa pari lamang nagbigay o nagpakatawan si Kristo ng kapangyarihang magtali at magkalag, magpatawad at hindi magpatawad” ng mga kasalanan. Ang reperensiyang aklat ding iyan ang nagsasabi na ang palagiang pangungumpisal ay nilayon “upang isauli ang kabanalan ng buhay na iniwala dahil sa malubhang kasalanan at . . . upang linisin ang budhi ng isang tao.” Gayunman, ang kalagayan ng moral sa maraming bansa ay nagpapakita na ang regular na kompesyon ay hindi nagpapangyari sa maraming kinaugalian na ito na “lumayo sa masama, at gawin ang mabuti.” (Awit 34:14) Kaya may mali ba riyan?
Isa Lamang Rituwal?
Ang pangungumpisal ay maaaring magsimula bilang isang rituwal lamang. Sa Ireland, ang unang pangungumpisal ay kasunod karakaraka bago ganapin ang unang Komunyon. At katakataka ba kung ang isang pitong-taóng-gulang na batang babae ay higit na pag-isipan ang tungkol sa magandang trahe-de-boda ng munting nobya na kaniyang isusuot kaysa tungkol sa ‘pagsasauli ng kabanalan ng buhay na iniwala ng malubhang pagkakasala’?
“Ang bagay na lubhang kinatuwaan ko ay ang damit, bukod sa pagtanggap ko ng salapi buhat sa aking mga kamag-anak,” inamin ni Ramona, na unang nangumpisal nang siya’y pitong taóng gulang. “Sa lahat ng mga batang babaing kilala ko,” ang sabi pa niya, “walang espirituwal na damdaming umiiral. Walang isa man sa amin ang nakaisip man lamang ng tungkol sa Diyos noon.”
Sa katunayan, ang pagbibigay ng obligasyon sa mga bata na palagiang mangumpisal ng mga kasalanan ay maaaring humantong sa parang de-makinang pagdarasal. “Basta pinauulit-ulit ko ang iyo’t iyon ding pangungusap,” ang sabi ni Michael, na nagsimula rin ng kinaugaliang pangungumpisal nang siya’y pitong taóng gulang.
Ang mga komento ng mga ilang Katoliko na sinipi sa aklat na Bless Me, Father, for I Have Sinned ay nagpapakita na walang gaanong espirituwal na kahalagahan sa kanila ang pangungumpisal kahit na pagkatapos na sila’y magkaedad-edad na. “Ang pangungumpisal ay nagtuturo sa iyo na magsinungaling, sapagkat mayroong mga ilang bagay na hindi mo mapipilit ang iyong sarili na sabihin sa pari,” inamin ng isang tao. Ang kakulangan ng pagkakatugma-tugma sa sinasabi ng mga pari ay maaaring samantalahin upang matamo ang pinakamagaang na penitensiya. Mayroong mga humahanap ng isang “mabuting” kompesor upang makamtan ang payo na ibig nilang marinig. “Pagkatapos ng paghahanap sa loob ng tatlong buwan, natagpuan ko ang aking kompesor. Ako’y nakikipagkita sa kaniya buwan-buwan, mukhaan sa silid na kasunduan, at siya’y magaling,” ang sabi ng isang kabataang babae. “Kung ikaw ay listo, nakakatagpo ka ng isang paring bingi at walang alam na Ingles maliban sa mga salitang ‘tatlong Aba Ginoong Maria,’ ” ang sabi ng isa pang Katoliko.
Kung gayon, maliwanag na mayroong mali sa pangungumpisal na kinaugalian ng mga ibang tao. Subalit ipinakikita ng Bibliya na may pangangailangang ikumpisal ang mga kasalanan, sapagkat sinasabi niyaon: “Walang sinumang nagtatago ng kaniyang mga kasalanan ang uunlad, sinumang nangungumpisal at nagtatakuwil niyaon ay makasusumpong ng awa.”—Kawikaan 28:13, The New Jerusalem Bible.
Ito ba’y nangangahulugan na ang isang Kristiyano ay dapat ikumpisal ang lahat ng kaniyang mga kasalanan? Kung dapat nga, kanino? Ang susunod na artikulo ang susuri sa mga tanong na ito.