Ang Buhay at Ministeryo ni Jesus
Mga Huling Pagpapakita, at Noong Pentecostes 33 C.E.
SA ISANG pagkakataon gumawa si Jesus ng mga kaayusan para sa lahat ng 11 niyang apostol upang tagpuin siya sa isang bundok sa Galilea. Malinaw na ang iba pang alagad ay nasabihan din tungkol sa pagtitipong iyon, at mahigit na 500 katao ang kabuuang nagtipon. Tunay na iyon ay magiging isang maligayang kombensiyon pagka si Jesus ay nagpakita at nagpasimulang magturo sa kanila!
Kabilang sa marami pang mga bagay, ipinaliwanag ni Jesus sa malaking grupong ito na ibinigay na sa kaniya ng Diyos ang lahat ng kapamahalaan sa langit at sa lupa. “Humayo kung gayon,” ang tagubilin niya, “at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng bansa, na binabautismuhan sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu, na itinuturo sa kanila na ganapin ang lahat ng bagay na ipinag-uutos ko sa inyo.”
Pag-isipan ito! Ang mga kalalakihan, kababaihan, at mga bata ay pawang tumanggap ng iisang atas na makibahagi sa gawaing paggawa ng alagad. Sisikapin ng mga mananalansang na pahintuin ang kanilang pangangaral at pagtuturo, subalit inaliw sila ni Jesus: “Narito! Ako’y sumasainyong palagi hanggang sa katapusan ng sistema ng mga bagay.” Si Jesus ay nanatiling kasama ng kaniyang mga alagad sa pamamagitan ng banal na espiritu, upang tulungan sila na tapusin ang kanilang ministeryo.
Si Jesus ay nagpakitang buháy sa kaniyang mga alagad sa loob ng 40 araw pagkatapos ng kaniyang pagkabuhay-muli. Sa panahon ng ganitong mga pagpapakita, itinuturo niya sa kanila ang tungkol sa Kaharian ng Diyos, at idiniriin niya kung ano ang kanilang mga pananagutan bilang kaniyang mga alagad. Minsan ay nagpakita siya kahit sa kaniyang kapatid sa ina na si Santiago at kinumbinsi ang dating hindi mananampalatayang ito na Siya talaga ang Kristo.
Samantalang nasa Galilea pa ang mga apostol, maliwanag na inutusan sila ni Jesus na bumalik sa Jerusalem. Nang pulungin sila roon, sinabi niya sa kanila: “Huwag kayong aalis sa Jerusalem, kundi patuloy na hintayin ang ipinangako ng Ama, na napakinggan ninyo sa akin; sapagkat si Juan ay, tunay nga, nagbautismo sa tubig, subalit kayo ay babautismuhan sa banal na espiritu hindi na magtatagal mula ngayon.”
Di-nagtagal ay kinatagpong muli ni Jesus ang kaniyang mga alagad at sinamahan sila papalabas ng lunsod hanggang sa Betania, na naroroon sa silangang libis ng Bundok ng mga Olibo. Nakapagtataka, na sa kabila ng lahat ng kaniyang sinabi tungkol sa pagtungo sa langit hindi na magtatagal, naniniwala pa rin sila na ang kaniyang Kaharian ay dito sa lupa matatatag. Kaya nagtanong sila: “Panginoon, isasauli mo baga ang kaharian sa Israel sa panahong ito?”
Sa halip na sikaping ituwid muli ang kanilang maling palagay, sumagot lamang si Jesus: “Hindi ukol sa inyo ang pagkaalam ng mga panahon, o ng mga bahagi ng panahon na itinakda ng Ama sa kaniyang sariling kapamahalaan.” Pagkatapos, upang muling idiin ang gawaing dapat nilang gawin, sinabi niya: “Tatanggapin ninyo ang kapangyarihan pagdating sa inyo ng banal na espiritu, at kayo’y magiging mga saksi ko kapuwa sa Jerusalem at sa buong Judea at Samaria at hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.”
Samantalang sila’y nakatingin pa, si Jesus ay nagsimulang pumaitaas patungo sa langit, at pagkatapos ay ikinubli siya sa kanilang paningin ng isang alapaap. Pagkatapos hubarin ang kaniyang katawang laman, umakyat siya sa langit bilang isang espiritung persona. Habang ang 11 ay patuloy na nakatingin sa kalangitan, 2 lalaki na may puting kasuotan ang lumitaw sa tabi nila. Ang nagkatawang-taong mga anghel na ito ay nagtanong: “Mga lalaking taga-Galilea, bakit kayo nangakatayong tumitingin sa kalangitan? Itong si Jesus na tinanggap sa langit mula sa inyo ay paririto sa paraang gaya ng inyong nakitang pagparoon niya sa langit.”
Ang paraan ng pag-alis ni Jesus sa lupa ay walang pangmadlang anunsiyo at tanging tapat na mga tagasunod lamang niya ang nagmamasid. Kaya siya ay paririto sa katulad na paraan—walang pangmadlang anunsiyo at tanging tapat na mga tagasunod lamang niya ang nakauunawa na siya’y nakabalik na at nagpasimula na ng kaniyang presensiya sa kapangyarihan sa Kaharian.
Ang mga apostol ngayon ay nagsibaba sa Bundok ng mga Olibo, tumawid sa Libis ng Kidron, at minsan pang pumasok sa Jerusalem. Sila’y nanatili roon bilang pagsunod sa tagubilin ni Jesus. Sampung araw pagkatapos, sa Kapistahan ng Pentecostes ng mga Judio noong 33 C.E., samantalang mga 120 alagad ang nagtitipon sa isang silid sa itaas sa Jerusalem, isang ugong na gaya ng humahagibis na hanging malakas ang biglang pumuno sa buong bahay. Mga dila na animo’y apoy ang nakita, at dumapo sa bawat isa na naroroon, at ang lahat ng mga alagad ay nagpasimulang magsalita ng iba’t ibang wika. Ito ang pagbubuhos ng banal na espiritu na ipinangako ni Jesus! Mateo 28:16-20; Lucas 24:49-52; 1 Corinto 15:5-7; Gawa 1:3-15; 2:1-4.
◆ Kanino nagbigay si Jesus ng pangwakas na mga tagubilin samantalang nasa isang bundok sa Galilea, at anu-ano ang mga tagubiling iyon?
◆ Anong kaaliwan ang inilaan ni Jesus sa kaniyang mga alagad, at papaano mananatili siyang kasama nila?
◆ Gaano katagal nagpakita si Jesus sa kaniyang mga alagad pagkatapos ng kaniyang pagkabuhay-muli, at ano ang itinuro niya sa kanila?
◆ Sinong tao na maliwanag na hindi pa isang alagad bago namatay si Jesus, ang pinagpakitaan ni Jesus?
◆ Ano ang dalawang huling pakikipagtipon ni Jesus sa kaniyang mga apostol, at ano ang naganap sa mga okasyong iyon?
◆ Papaano si Jesus ay paririto sa paraan na gaya ng kaniyang pag-alis?
◆ Ano ang nangyari noong Pentecostes 33 C.E.?