Ang Pangmalas ng Bibliya sa Kapayapaan at Katiwasayan
Maraming tao ang naniniwala sa nakikitang kaganapan ngayon ng mga pangyayari na animo’y patungo na sa lalong dakilang pagkakaisa ng daigdig at sa kapayapaan at katiwasayan na maaaring idulot nito. Sila’y umaasa na ang gayong kilusan ay hahantong sa isang lalong mainam na daigdig. Subalit ipinakikita ng Bibliya na higit pa ang kasangkot kaysa panlabas na nakikita lamang.
ANG paksang kapayapaan at katiwasayan ang lalung-lalo nang pumupukaw ng interes ng mga Kristiyano dahilan sa mga bagay na tungkol doon ay kinasihan si apostol Pablo na sumulat sa isang kongregasyong Kristiyano noong unang siglo. Ang kaniyang mga salita ay nakasulat sa Bibliya sa 1 Tesalonica 5:3: “Pagka sinasabi nila: ‘Kapayapaan at katiwasayan!’ saka naman ang biglaang pagkapuksa ay biglang-biglang darating sa kanila gaya ng pagdaramdam sa panganganak ng babaing nagdadalantao; at sila’y hindi makatatakas sa anumang paraan.” Ang tekstong ito ay nagbabangon ng mahalagang mga katanungan.
Kapayapaan at Katiwasayan—Isang Tagapagpauna sa Ano?
Kung babasahin mo ang konteksto ng mga salita ni Pablo na sinipi sa itaas, makikita mo na ang mga nagsasabi ng “kapayapaan at katiwasayan” ay hindi gising na mga Kristiyano, kundi, bagkus, sila’y mga taong natutulog at hindi talagang alam ang nangyayari. Sila’y nasa isang mapanganib na kalagayan ngunit hindi nila namamalayan iyon sapagkat sila’y nag-aakalang ang mga bagay ay talagang bumubuti. Ngunit, tungkol sa mga Kristiyano ay sinabi ni Pablo: “Kung tungkol sa mga panahon at sa mga pana-panahon, mga kapatid, hindi na kailangang sulatan pa kayo ng anuman.” (1 Tesalonica 5:1) Oo, kailangang gising tayo sa talaorasan ng Diyos ng mga pangyayari. Bakit? Sapagkat sinabi ni Pablo na isang panahon ng biglang pagkapuksa, tinatawag na “araw ni Jehova,” ang darating na “kagayang-kagaya ng isang magnanakaw sa gabi.”—1 Tesalonica 5:2.
Ano ba ang nasasangkot sa inihulang mga usap-usapan sa kapayapaan at katiwasayan? Maliwanag, iyon ay hindi lamang mga sabi-sabi. Ang mga tao ay nag-uusap-usap na ng kapayapaan halos kasintagal na rin ng kanilang paglalaban-laban sa mga digmaan. Ang mga salita ni Pablo ay tumutukoy sa isang panahon na ang mga bansa ay tinging nagtatamo ng kapayapaan at katiwasayan sa isang katangi-tanging paraan. Ngunit ito’y para lamang isang anyong pang-ibabaw. Ang isang waring kapayapaan at katiwasayan na humahantong sa biglang pagkapuksa ay malinaw na hindi tunay na kapayapaan ni talagang katiwasayan.
Si Jesus man ay bumanggit ng tungkol sa biglang pagkapuksang ito. Kaniyang tinawag iyon na isang “malaking kapighatian na hindi pa nangyayari buhat sa pasimula ng sanlibutan hanggang sa ngayon, oo, ni mangyayari pa man kailanman.” Kung ilang daang mga taon bago kay Jesus, may binanggit din si propeta Daniel tungkol doon, at kaniyang tinukoy iyon na “isang panahon ng kabagabagan na hindi nangyari kailanman mula nang magkaroon ng bansa hanggang sa panahong iyon.”—Mateo 24:21; Daniel 12:1.
Tawagin man iyon na isang malaking kapighatian, tawagin man iyon na isang panahon ng kabagabagan—alinman diyan, ayon sa mga hula, papalisin niyan ang bawat bakas ng makalupang pamamalakad ni Satanas. Imbes na mangahulugan na may pagsang-ayon iyon ng Diyos, ang inihulang usap-usapan tungkol sa kapayapaan at katiwasayan ay humahantong sa mismong kabaligtaran ng kapayapaan at katiwasayan!—Ihambing ang Zefanias 3:8.
Mga Bahagi ng Panahon na Isiniwalat
Ang kamakailan bang waring mga kilusan tungo sa lalong malaking pagkakaisa ng daigdig at ang resultang mga pag-asa sa kapayapaan at katiwasayan ay isang katuparan ng makahulang babala ni Pablo? Bueno, gaya ng malimit na binabanggit ng magasing ito, sapol noong 1914 ating nasaksihan ang katuparan ng maraming hula sa Bibliya na may kaugnayan sa makalangit na pagkanaririto ni Jesus taglay ang kapangyarihan sa Kaharian. (Mateo, kabanata 24, 25; 2 Timoteo 3:1-5; Apocalipsis 6:1-8) Binanggit ni Jesus na ang araw ni Jehova, na pagdating nito’y darating sa mga balakyot ang biglang pagkapuksa, ay sasapit samantalang ang bahagi ng salinlahi ng mga taong nakasaksi ng pasimula ng panahong ito ay buháy pa.—Lucas 21:29-33.
Si apostol Pablo ay bumanggit din ng tungkol sa panahon. Sinabi niya: “Samantalang kanilang pinag-uusapan ang kapayapaan at katiwasayan, biglang-biglang sasapit sa kanila ang kapahamakan.” Ang ganitong pagkasalin ng mga salita ni Pablo sa The New English Bible ay malinaw na nagpapakitang ang malaking kapighatian ay nagaganap “samantalang sila’y nangag-uusap.” Tulad ng isang magnanakaw sa gabi—di-inaasahan—sasapit ang pagkapuksa nang hindi inaasahan, na ang pansin ng karamihan ng mga tao ay nasa kanilang inaasahang kapayapaan at katiwasayan. Samakatuwid, samantalang sa sandaling ito ay hindi natin masabi nang tapos kung ang kasalukuyang kalagayan ng kapayapaan at katiwasayan ang katuparan ng mga salita ni Pablo—o hanggang saan pa ang mararating ng pag-uusap sa kapayapaan at katiwasayan—ang bagay na ang gayong pag-uusap ay naririnig ngayon sa antas na wala pang katulad ay isang pag-alerto sa mga Kristiyano sa pangangailangan na manatiling gising sa lahat ng panahon.
‘Pagtutulakan’ ng mga Kapangyarihang Pandaigdig
Nang kaniyang banggitin ang panahon ng kabagabagan, binanggit din ni propeta Daniel ang tungkol sa isang panahon. Kaniyang ipinakita na ang panahon ng kabagabagan ay magaganap sa katapusan ng isang matagal na pag-aalitan ng dalawang blokeng may kapangyarihan, isa’y tinatawag na “ang hari ng hilaga” at yaong isa, “ang hari ng timog.” (Daniel 11:5-43) Buhat nang matapos ang Digmaang Pandaigdig II, ang mga makapangyarihang blokeng ito ay kinakatawan ng isang kapitalistang “hari ng timog” at isang sosyalistang “hari ng hilaga.”
Inihula ni Daniel na ang mahigpit na pagkamagkaribal ng dalawang blokeng ito, na mapapansin noong nakalipas na 45 taon, ay magiging mistulang “isang pagtutulakan,” tulad ng dalawang mambubuno na nagpipilit manaig sa isa’t isa. Kamakailan, ang pagtutulakan ay waring nabawasan. Halimbawa, noong Mayo ng nakalipas na taon, ipinahayag ng ministrong panlabas ng Sobyet na ang Cold War ay tapos na. Noong Hunyo, ang magasing Time ay tumukoy sa isang summit conference na ginanap ng Estados Unidos at ng Unyong Sobyet at nagpahayag: “Ang ilan sa mga kasunduan tungkol sa pagkontrol ng mga armas at pagsubok nuklear ay waring isang nakalilitong kaganapan mga ilang taon na ngayon ang nakalipas. Ngayon, kahit na kung pagsasama-samahin lahat, ang mga ito ay waring isang kabiguan.”
Kung ang waring pagkakasundong ito ng dalawang superpower ay pansamantala o permanente, ang panahon ang makapagsasabi. Ngunit, isang bagay ang maliwanag. Ang yugto ng panahon na binanggit ni Jesus ay atrasadung-atrasado na at ang mga bagay na nagaganap sa daigdig ay nagpapakilala na tayo ay malapit na sa mga pangyayaring inihula ni apostol Pablo at propeta Daniel. Kahit na ang makapulitikang mga pangyayari kamakailan ay bahagyang apektado ng impluwensiya ng mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan, ang mga ito ay hindi hahantong sa walang-hanggang kapayapaan. Ang ebidensiya ay na hahantong ito sa kabaligtaran ng inaasahan ng mga bansa ng sanlibutang ito.
[Mga larawan sa pahina 6]
Panahon ang magsasabi kung gaano ang itatagal ng waring pagkakasundo ng dalawang superpower
[Credit Line]
USSR Mission to the UN