Pinahahalagahan Mo ba ang Makalupang Organisasyon ni Jehova?
MASDAN mo ang isang mahusay ang pagkatabas, na nagniningning na brilyante, ano ang iyong nakikita? Isang hiyas na talagang isang kagandahan. Ngayon suriin mo ang brilyanteng iyan sa pamamagitan ng isang mikroskopyo, at ano ang nakikita mo? Malamang na mayroong mga gasgas, lamat, mga bagay na napadikit doon, o iba pang mga kapintasan.
Iyo bang wawasakin o itatapon ang brilyante dahilan lamang sa pangit iyon kung titingnan sa ilalim ng mikroskopyo? Hindi! Basta lumayo ka sa mikroskopyo, at makikita mo pa rin ang kagandahan at pambihirang kinang na nagbibigay doon ng katangiang walang kaparis sa gitna ng iba pang mga hiyas.
Tulad ng isang brilyante, ang makalupang organisasyon ni Jehova ay namumukud-tangi sa maraming paraan. Walang ibang organisasyon sa lupa ang nagtatamasa ng malapit na kaugnayan sa Maylikha. Sa isang liham sa unang-siglong pinahirang mga Kristiyano, na may taglay na makalangit na pag-asa, ang pantanging kaugnayang ito ay binanggit ni apostol Pedro. Sabi niya: “Kayo ay ‘isang piniling lahi, isang makaharing pagkasaserdote, bansang banal, bayang tanging pag-aari.’” (1 Pedro 2:9) Sa ngayon isang malaking pulutong ng mga “ibang tupa,” na may pag-asang buhay na walang-hanggan sa lupa, ang kasama ng mga nalalabi ng “bansang banal” na iyan sa pagsamba sa Diyos. (Juan 10:16) Ang dalawang grupong ito ay magkasamang bumubuo ng isang organisasyon na natatangi na tulad ng isang maganda at pambihirang hiyas na brilyante.
Iwasan ang Pamimintas sa Iba
Ngunit kailangang kilalanin natin na ang pandaidig na organisasyong ito ay binubuo ng mga taong di-sakdal. Kaya, anong mangyayari kung ating titingnan ito sa ilalim ng isang makasagisag na mikroskopyo? Oo, tayo’y makakakita ng makasalanang mga hilig at kapintasan ng pagkatao sa mga indibiduwal na bahagi nito.—Roma 3:23.
Inamin ni apostol Pablo na mayroon siya ng gayong mga kahinaan. Sinabi niya: “Kung ibig kong gumawa ng mabuti, ang masama ay nasa sa akin.” (Roma 7:21) Bawat Kristiyano ay nakararanas ng pare-parehong suliranin. Lahat ay nagkakamali. Bukod dito, sa malao’t madali marami ang nagdurusa dahilan sa mga pagkakamali ng iba. Tayo ba’y dapat panghinaan ng loob o magkaroon ng maling akala pagka ang mga kahinaan at di-kasakdalan ng ating mga kapuwa Kristiyano ay nahayag? Dapat bang bawasan niyan ang ating pagpapahalaga sa organisasyon ni Jehova? Hindi! Bagkus, tingnan muna natin ang bagay na iyon sa kabuuan, gaya ng kasabihan, at huwag nating itutok ang ating pansin sa di-kasakdalan ng mga tao.
Sa Kasulatan ay nakatala ang ilang mga katangian na magpapakilala sa mga taong pinakikilos ng banal na espiritu. Ang ilan sa mga ito ay “pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagtitiis, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kaamuan, pagpipigil-sa-sarili.” (Galacia 5:22, 23) Sa isang banda naman, ang relihiyoso, politikal, at pangnegosyong mga organisasyon ng sanlibutang ito ay malimit na makikitaan ng tinatawag ng Bibliya na mga gawa ng laman: “pagkakapootan, gulo, panibugho, silakbo ng galit, pagtatalo, pagkakabaha-bahagi, mga sekta, pagkakainggitan, paglalasing, walang taros na pagsasaya, at mga bagay na tulad nito.” (Galacia 5:20, 21) Sa gayon, tulad ng isang nagniningning na brilyante sa gitna ng karaniwang mga batuhan, ang bayan ni Jehova ay namumukod sa gitna ng isang sanlibutan na walang pagpapahalaga sa espirituwal na mga bagay.—Mateo 5:14-16.
“Lubos na Pagkakaisa sa Iisang Isip”
Ang isang mahalagang katangian ng isang brilyante ay ang mahigpit na pagkakatnig-katnig, na may matibay na ugnay-ugnay na atomikong kayarian nito. Sa katulad na paraan, ang makalupang organisasyon ni Jehova ay makikitaan ng isang walang katulad na pagkakaisa sa doktrina at pagkakapatiran. Yaong mga bahagi ng organisasyong iyan ay nagkakapit ng payo na nasa Bibliya sa 1 Corinto 1:10, na nagsasabi: “Ngayo’y ipinamamanhik ko sa inyo, mga kapatid, sa pamamagitan ng pangalan ng ating Panginoong Jesu-Kristo na kayong lahat ay magsalita nang may pagkakaisa, at huwag magkaroon sa inyo ng pagkakabaha-bahagi, kundi kayo’y magkaroon ng lubos na pagkakaisa sa iisang isip at sa iisang takbo ng kaisipan.”
Nadaig na ng mga Saksi ni Jehova ang pagtangi-tangi ng lahi at ang pagmamalaki dahil sa bansa. Palibhasa’y taglay nila “ang karunungan buhat sa itaas,” sila’y hindi ‘nagtatangi-tangi.’ (Santiago 3:17) Ating niluwalhati si Jehova sa kaniyang naisagawa na sa bagay na ito sa isang organisasyon na binubuo ng di-sakdal na mga tao.
Ibang-iba rito, ang magasing The Christian Century, sa pagsasalita tungkol sa taóng 1990, ay nagsabi na “waring ang sanlibutan ay higit kailanman baha-bahagi sa relihiyon at sa mga damdamin ng mga tribu-tribo at ng mga bansa-bansa na mga matalik na kaugnay ng mga paniwalang relihiyoso. Mula sa India hanggang sa Europa at mula sa Gitnang Silangan hanggang sa Pasipiko, ang relihiyon ay kahalo ng tribu-tribo at bansa-bansang mga pagtataguyod—na malimit nagbubunga ng makapulitikang mga pumapanaw na impluwensiya.” Maliwanag, ang mga taong nagnanais maglingkod sa Diyos ay makababaling sa iisang organisasyon na nagtatamasa ng espiritu at pagpapala ni Jehova.
‘Pinatigas Ko ang Iyong Noo na Kagaya ng Isang Brilyante’
Ang brilyante ang likas na pinakamatigas na sustansyang kilala ng tao. Sa Bibliya ay tinutukoy ang paggamit ng mga brilyante sa paggugurlis o pag-ukit sa mga matitigas na materyales. (Jeremias 17:1) Pansinin din naman ang sinabi ni Jehova kay Ezekiel: “Narito! Aking pinagmatigas ang iyong mukha laban sa kanilang mga mukha at pinatigas ko ang iyong noo na kagayang-kagaya ng kanilang mga noo. Ginawa kong parang isang brilyante na lalong matigas kaysa pingkiang bato ang iyong noo.” (Ezekiel 3:8, 9) Binigyan ni Jehova si Ezekiel ng isang singtigas ng brilyanteng kalooban na tumulong sa kaniya upang manghula sa isang bayang mapagmatigas.—Ezekiel 2:6.
Katulad din ngayon, binigyan ni Jehova ang kaniyang bayan ng tulad-brilyanteng katigasan sa harap ng malaking pananalansang. Ang mga Saksi ni Jehova ay nagtiis ng legal na mga pagbabawal, mga pang-uumog, lynchings, panggugulpi, walang-katarungang pagkabilanggo, pagpapahirap, at kamatayan. Sa kabila nito, kanilang ipinakita na ang kanilang pananampalataya ay hindi maaaring sirain.
“Ang Aking mga Lingkod ay Magagalak”
Inihula ng Bibliya ang isang panahon na ang mga tao ay magkakaroon ng isang “anyo ng maka-Diyos na debosyon” ngunit “tatanggi sa kapangyarihan niyaon.” (2 Timoteo 3:1, 5) Isang pahayagan ang nag-uulat na “mga Protestante, Romano Katoliko at mga Judio ang nababahala sa pag-urong” na nagaganap sa kanilang mga simbahan at mga sinagoga. Sa kabilang dako, ang mga Saksi ni Jehova ay seryosong mga estudyante ng Bibliya. Sa patuloy na dumaraming bilang, mga bata at mga matatanda, mga lalaki at mga babae, lahat sa kanila ay dumadalo sa maraming mga pulong linggu-linggo. Isang liham sa pahayagan ang nagsabi tungkol sa kanila na “ang kanilang relihiyon ang pinakamahalagang bagay na taglay nila, at ang tanging gusto nila ay ibahagi iyon sa iba.”
Ang ganiyang saloobin ang nagpapangyari na ang organisasyon ni Jehova ay mapatangi na gaya ng isang mahalagang brilyante. At ang karangalan ay napapatungo sa Isa na nagpapalakas at umaakay sa di-sakdal na mga tao sa pamamagitan ng kaniyang banal na espiritu.
Si propeta Isaias ay humula: “Ganito ang sabi ng Soberanong Panginoong Jehova: ‘Narito! Ang aking mga lingkod ay magsisikain . . . Narito! Ang aking mga lingkod ay magsisiinom . . . Narito! Ang aking mga lingkod ay mangagagalak . . . Narito! Ang aking mga lingkod ay masayang magsisiawit dahil sa kagalakan ng puso.’”—Isaias 65:13, 14.
Sa ngayon ay nakikita natin ang katuparan ng hulang ito. Pinangangalagaan ng Diyos ang kaniyang bayan sa isang pambihirang paraan! Kaya nga, kung kayo’y nakikisama sa kanila, huwag ninyong tulutang dahilan sa anumang negatibong mga kaisipan ay mawalan kayo ng kagalakan. Malasin ninyo ang buong larawan at tandaan: Wala ng ibang organisasyon sa lupa ang nagtatamasa ng natatanging pangangalaga at proteksyon buhat sa Diyos. Huwag ninyong bitiwan ang inyong mahalagang pribilehiyo ng pagiging bahagi nito.