Higit Pang mga Misyonero Para sa Pandaigdig na Pag-aani
ANG Setyembre ay isang buwan ng pag-aani para sa magsasaka, ngunit isang lalong higit na mahalagang gawain ng pag-aani ang nakaakit sa isang malaking pulutong sa Jersey City sa Assembly Hall of Jehovah’s Witnesses, sa kabilang ibayo ng Hudson River kung tatanawin buhat sa New York City, noong Setyembre 8, 1991. Ang ika-91 na klase ng Watchtower Bible School of Gilead ay nagtapos. Mga 4,263 mga miyembro ng pamilyang Bethel at inanyayahang mga panauhin ang naroon, at 1,151 ang karagdagan pang mga tagapakinig sa pamamagitan ng ikinunektang mga linya ng telepono sa punong-tanggapan sa Brooklyn at sa mga taniman sa Wallkill at Patterson.
Ang pangulo ng Paaralang Gilead, si Frederick W. Franz, halos 98 anyos na, ang nagbukas ng programa sa pamamagitan ng isang makabagbag-damdamin at lubhang mapitagang panalangin. Si Albert D. Schroeder, isang miyembro ng Lupong Tagapamahala at dating rehistrador at instruktor ng paaralan, ang nagsilbing chairman ng programa sa graduwasyon. Kaniyang ipinagunita sa mga naroon ang Awit 2:1, 2 at ang iba pang mga hula na tungkol sa panahong ito ng pagyugyog at pagkakagulo sa gitna ng mga bansa. Ang ganitong kalagayan ng kaguluhan ay nangailangan ng pagbubukas ng maraming bagong mga larangan para sa gawaing pag-aani.
Ang unang pahayag sa araw na iyon ay binigkas ni George M. Couch, isang miyembro ng Komite ng Bethel. Ang kaniyang tema ay “Tuusin ang Inyong mga Pagpapala.” Kaniyang ipinaalaala sa mga estudyante ng Gilead na hindi naman napakaaga na pasimulan ang ganitong kaugalian. Kaniyang sinabi na ang mga estudyante mismo ang tunay na pinagpala subalit ang mga pagpapalang ito ay dumating pagkatapos lamang ng maraming pagpapagal. Sa katulad na paraan, ang 97-taóng-gulang na si Jacob ay nakipagbuno nang magdamag sa isang anghel—para lamang matamo ang isang pagpapala. (Genesis 32:24-32) Ipinayo ni Brother Couch sa mga estudyante na huwag mag-isip ng negatibong mga kaisipan kundi maging isang pagpapala sa iba sa pamamagitan ng pagpapaunlad ng kapayapaan ng isip na dinaraan iyon sa panalangin at determinasyon.
Si John E. Barr ng Lupong Tagapamahala ang sumunod na nagsalita sa temang “Mangag-ibigan Kayo.” Ang mga tagasunod ni Jesus ay handang mamatay alang-alang sa isa’t isa. “Inyo bang nadarama na ang ganitong uri ng pag-ibig ang bumabalot sa iyong mga puso?” ang tanong niya sa mga estudyante. ‘Kung wala ang pag-ibig na ito,’ aniya, ‘tayo’y walang kabuluhan. Ganiyan kasimple iyan.’ (1 Corinto 13:3) Si Brother Barr ay bumanggit ng mga ilang praktikal na paraan upang makapagpakita ng pag-ibig. Kaniyang hinimok ang mga estudyante na igalang ang kanilang mga kapuwa misyonero, laging humahanap ng isang mataktikang paraan ng pagsasabi ng mga bagay-bagay. ‘Kalimutan ang maliit na mga di-pagkakasundo,’ ang payo niya sa kanila, at binanggit ang 1 Pedro 4:8. Kaniyang napansin na kahit ang mga araw ng pagluluto ng mga misyonero ay mga okasyon na sila’y makapagpapakita ng pag-ibig sa pamamagitan ng pagmamasid sa gawain na higit kaysa sa isang hamak na pinagkaugaliang trabaho. Kaniyang ipinaalaala sa mga estudyante: “Tayo’y hindi humihinto nang pagpapakita ng pag-ibig sa ating mga kapatid.”—Roma 13:8.
“Gaano ba ang Pagtitiwala Ninyo?” ang interesanteng temang binuo ni David A. Olson na Komite ng Kagawaran ng Paglilingkod. Kaniyang itinampok ang dalawang pitak ng pagtitiwala: kay Jehova at sa kaniyang organisasyon, kung kaya tayo ay may di-mabilang na mga dahilan (Kawikaan 14:6; Jeremias 17:8); at sa sarili. Ang mga misyonero ay may dahilan na magkaroon ng kinakailangang pagtitiwala-sa-sarili, gaya baga ng kanilang karanasan bilang mga ministro at ang pagtitiwala na iniligay sa kanila ni Jehova at ng kaniyang organisasyon. Si apostol Pablo ay nagpakita ng gayong pagtitiwala sa katulad na mga dahilan. (1 Corinto 16:13; Filipos 4:13) Datapuwat, si Brother Olson ay nagbabala laban sa labis na pagtitiwala-sa-sarili, na pinauunlad ng sanlibutan, gaya ng ipinakita ng isang tanyag na manunulat na ayon sa ulat ay nagsabi: “Malimit na sinisipi ko ang aking sarili. Ito’y nagdaragdag ng linamnam sa aking pakikipag-usap.” Gayunman, ang pagtitiwala na may katimbang na pagpapakumbaba ay maaaring pumukaw ng pagtitiwala sa iba. Ito’y tunay na may katotohanan sa kaso ni Pablo.—Filipos 1:12-14.
Si Lyman A. Swingle ng Lupong Tagapamahala ang sumunod na nagpayo sa mga estudyante ng: “Humayo sa mga Bukid na Aanihin, Kayong mga Nagtapos sa Gilead!” Binanggit niya na ito’y isang araw ng pag-aani para sa Paaralang Gilead at sa pambuong-pandaigdig na pagkakapatiran, yamang ang mga nagtapos ay hahayo at makakabilang sa libu-libong mga nagtapos na, na nariyan pa sa gawaing misyonero—ang iba ay buhat sa una, pangalawa, at pangatlong mga klase ng dekada ng 1940! Binanggit ni Brother Swingle na noon ay walang nakababatid na ang gawaing misyonero ay magpapatuloy ng isa pa ulíng 50 taon, o na ang Nazismo, Fasismo, at iba pang mga balakid na ibinangon ng mga pamahalaan sa gawaing pangangaral ay magigiba. “Kung tayo’y humahanga sa ginawa ni Jehova noong nakaraan,” ang tanong niya, “kumusta naman ang hinaharap?” Siya’y nagtapos sa pamamagitan ng nagpapasiglang panawagan sa mga estudyante: “Humayo sa larangan!”
Ang dalawang pangunahing instruktor sa Paaralang Gilead ang ngayon ay nagpahayag naman ng huling pagkakataon sa ika-91 na klase. Si Jack D. Redford ay nagpahayag sa temang “Kumuha ng Karunungan.” Ang Paaralang Gilead, ang sabi niya sa mga estudyante, ay nagtuturo ng kaalaman at kaunawaan, ngunit sila’y kailangang kumuha ng karunungan, ang kakayahan na gamitin ang kanilang kaalaman sa tamang paraan. Kaniyang ipinayo sa mga estudyante na tanggihan ang kaalaman na nagsasabing natutuhan na nila ang lahat ng dapat na maalaman sa Gilead. “Ang mahalaga ay yaong inyong natutuhan pagkatapos ng pag-aaral.” Kabilang sa mga bagay na kailangan pa nilang matutuhan: ang mapayapang pakikitungo sa mga tao, ang kakayahang magsabi ng “Ikinalulungkot ko” sa isang kabiyak, sa mga kapuwa misyonero, at sa lokal na mga kapatid; pakaingat sa pagtitiwala sa mga unang impresyon at tantuin na ang bawat problema ay masalimuot, na nangangailangan ng isang malawak na pagkaunawa sa mga kalagayan bago magbigay ng matalinong payo; at igalang ang lokal na mga kapatid dahil sa kakayahan nilang makalusot sa mahihirap na kalagayan.—Kawikaan 15:28; 16:23; Santiago 1:19.
Ginamit ni Ulysses V. Glass, ang rehistrador ng Paaralang Gilead, ang Filipos 3:16 bilang tema ng kaniyang pahayag. Kaniyang binigyan ng komendasyon ang klase para sa kanilang nagawang pagsulong at ipinayo sa kanila na magpatuloy na tupdin ang tekstong iyan. Bagaman dapat magpatuloy ang mga estudyante ng pagkuha ng tumpak ng kaalaman, ang sabi niya, kailanman ay hindi nila malalaman ang lahat. Kaniyang ipinaghalimbawa ang puntong iyon sa isang relong digital. Ang may-ari niyaon ay may kaalaman marahil kung papaano paaandarin iyon bagaman hindi niya alam kung paano aktuwal na umaandar iyon. Gayundin, ang mga misyonero ay hindi dapat hamak-hamakin yaong mga, bagaman hindi nila kapantay sa lawak ng kaalaman, may kaalaman naman sa kung ano ang mahalaga—kung papaano matatakot kay Jehova. (Kawikaan 1:7) Kaniyang ipinaalaala sa klase ang kahalagahan ng pananatiling may ‘simpleng mata.’ (Mateo 6:22) Ang espirituwal na mata ay maaaring magkadepekto gaya rin ng pisikal na mata. Ang iba, halimbawa, ay may (tinatawag na) tunnel vision—labis-labis ang konsentrasyon sa pagkapokus sa mga ilang detalye upang makita ang buong larawan—samantalang ang iba naman, sa kabaligtaran, ay walang nakikita kundi ang pang-ibabaw na hitsura at nahahadlangan sa pagkakita sa mahalagang mga bagay na kailangang mapansin nila.
Ang katapusang pahayag sa umaga ay pinamagatang “Pagiging Bahagi at Paggawa Kasama ng Organisasyon ni Jehova,” na binigkas ni Theodore Jaracz ng Lupong Tagapamahala. Binanggit ni Brother Jaracz na bagaman libu-libo ang organisasyon at samahan sa daigdig, iisa lamang sa lahat ng mga ito ang hindi nagmula sa sanlibutan. Papaano makikilala yaong isa na kumakatawan kay Jehova? Ang Salita ng Diyos ang nagbibigay ng pagkakakilanlang tanda. Ipinakikita ng Bibliya na ang kaniyang makalangit na mga nilalang ay lubhang organisado. (Awit 103:20, 21; Isaias 40:26) Ang makalupang organisasyon ni Jehova ay nakikilala rin sa kaniyang pagkamaayos at gayundin sa kaniyang pagiging hiwalay sa sanlibutan, sa mahigpit na pagsunod sa mga simulain ng Bibliya, sa mataas na pamantayan ng moral na kalinisan nito, at sa pag-ibig na makikita sa mga miyembro nito. Ipinayo ni Brother Jaracz sa mga estudyante ng Gilead na tulungan ang pinakamaraming matutulungan nila sa kanilang mga destino upang makilala ang organisasyon ni Jehova ayon sa Kasulatan. Kaugnay niyan, siya’y gumawa ng kapana-panabik na patalastas: Malapit nang ang Paaralang Gilead ay magdodoble ng laki, hanggang sa mga 50 mga estudyante sa ika-93 klase! Gayundin, ang mga klase ng Gilead Extension School sa Alemanya ay magsisimula nang halos sa panahon ding iyan. Mahaba at matagal na palakpakan ang kasunod!
Bilang pinakatugatog sa umaga, ang lahat ng 24 na mga estudyante ng Gilead ay tumanggap ng mga diploma. Sa madaling panahon sila ay patutungo na sa 12 iba’t ibang mga bansa sa buong daigdig. Ang klase ay nagharap ng isang taos-pusong resolusyon, na nagpapasalamat sa Lupong Tagapamahala at sa pamilyang Bethel. Pagkatapos ng pananghalian, si Brother Charles J. Rice ng Komite ng Watchtower Farms ay nagsilbing konduktor ng isang pinaikling Pag-aaral ng Watchtower. Pagkatapos ay ginampanan ng mga nagtapos ang isang masiglang programa, itinanghal ang ilan sa mga karanasan nila sa paglilingkod sa larangan sa panahon ng kanilang limang-buwang kurso sa Wallkill, New York. Pagkatapos niyan, ang mga mamamahayag na kumakatawan sa mga ilang lokal na kongregasyon ay nagtanghal ng isang drama na pinamagatang Mga Kabataan na Nag-aalaala sa Kanilang Maylikha Ngayon.
Upang tapusin ang programa, si Brother George Gangas, isang 95-taóng-gulang na miyembro ng Lupong Tagapamahala, ay naghandog ng kinaugalian nang masiglang panalangin kay Jehova. Ang mga dumalo ay nagsialis na taglay ang kasiglahan, bawat isa’y tiyak na napakilos na magkaroon ng lalo pang malaking bahagi sa pandaigdig na gawaing pag-aani.
[Kahon sa pahina 22]
Mga Estadistika ng Klase
Bilang ng mga bansa na may kinatawan: 6
Bilang ng mga bansa na pinag-atasan sa kanila: 12
Bilang ng mga estudyante: 24
Bilang ng mga mag-asawa: 12
Katamtamang edad: 33.4
Katamtamang bilang ng mga taon sa katotohanan: 16.13
Katamtamang bilang ng mga taon sa buong-panahong ministeryo: 11.3
[Larawan sa pahina 23]
Ika-91 Nagtapos na Klase ng Watchtower Bible School of Gilead
Sa talaan sa ibaba, ang mga hanay ay ninumeruhan mula harap palikod at ang mga pangalan ay nakatala mula kaliwa pakanan sa bawat hanay.
(1) McDowell, A.; Youngquist, L.; Skokan, B.; Wargnier, N.; Miller, Y.; Muñoz, M. (2) Bales, M.; Perez, D.; Attick, E.; Vainikainen, A.; Mostberg, K. (3) DePriest, D.; DePriest, T.; Perez, R.; Wargnier, J.; Muñoz, J.; Miller, J. (4) McDowell, S.; Bales, D.; Skokan, M.; Attick, C.; Youngquist, W.; Vainikainen, J.; Mostberg, S.