‘Sa Pangalan ng Banal na Espiritu’
“Humayo samakatuwid at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng bansa, bautismuhan sila sa pangalan ng . . . banal na espiritu.”—MATEO 28:19.
1. Anong bagong pananalita ang ginamit ni Juan Bautista may kaugnayan sa banal na espiritu?
NOONG taóng 29 ng ating Panlahatang Panahon (Common Era), si Juan Bautista ay aktibo sa Israel na naghahanda ng daan para sa Mesiyas, at sa pagganap niya ng kaniyang ministeryo, siya’y nagbalita ng isang bagay na bago tungkol sa banal na espiritu. Mangyari pa, alam na ng mga Judio kung ano ang sinabi ng Kasulatang Hebreo tungkol sa espiritu. Gayunman, maaaring nagtaka sila nang sabihin ni Juan: “Sa ganang akin, binabautismuhan ko kayo sa tubig dahilan sa inyong pagsisisi; datapuwat ang isang paparito pagkatapos ko . . . ang sa inyo’y magbabautismo na mga tao sa banal na espiritu.” (Mateo 3:11) Ang ‘bautismo sa banal na espiritu’ ay isang bagong pananalita para sa kanila.
2. Anong bagong pananalita may kaugnayan sa banal na espiritu ang ipinakilala ni Jesus?
2 Ang isang paparito ay si Jesus. Sa panahon ng kaniyang makalupang buhay, ang sinuman ay hindi naman aktuwal na binautismuhan ni Jesus ng banal na espiritu, bagaman kaniyang binanggit nang maraming beses ang tungkol sa espiritu. Isa pa, pagkatapos na siya’y buhaying-muli, kaniyang binanggit ang banal na espiritu sa isa pang bagong paraan. Sinabi niya sa kaniyang mga alagad: “Humayo samakatuwid at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng bansa, bautismuhan sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu.” (Mateo 28:19) Ang pananalitang “sa pangalan ng” ay nangangahulugan ng “bilang pagkilala sa.” Ang bautismo sa tubig bilang pagkilala sa Ama, sa Anak, at sa banal na espiritu ay naiiba sa bautismo sa banal na espiritu. Ito ay isa ring bagong pananalita kung tungkol sa banal na espiritu.
Binautismuhan sa Banal na Espiritu
3, 4. (a) Kailan naganap ang mga unang bautismo sa banal na espiritu? (b) Bukod sa pagbabautismo sa kanila, papaano kumilos ang banal na espiritu kung tungkol sa mga alagad ni Jesus noong Pentecostes 33 C.E.?
3 Tungkol sa bautismo sa banal na espiritu, ipinangako ni Jesus sa kaniyang mga alagad nang aakyat na lamang siya sa langit: “Kayo’y babautismuhan sa banal na espiritu di na lilipas ang maraming araw pagkatapos nito.” (Gawa 1:5, 8) Di-nagtagal pagkatapos ay natupad ang pangakong iyan. Ang banal na espiritu ay bumaba sa mga 120 alagad na nagtitipon sa isang silid sa itaas sa Jerusalem samantala, mula sa langit, ay ginanap ni Jesus ang kaniyang unang mga pagbabautismo sa banal na espiritu. (Gawa 2:1-4, 33) Ano ang resulta? Ang mga alagad ay naging bahagi ng espirituwal na katawan ni Kristo. Gaya ng ipinaliliwanag ni apostol Pablo, “sa iisang espiritu [sila] ay binautismuhang lahat sa iisang katawan.” (1 Corinto 12:13) Kasabay rin nito sila’y pinahiran upang sa hinaharap ay maging mga hari at mga saserdote sa makalangit na Kaharian ng Diyos. (Efeso 1:13, 14; 2 Timoteo 2:12; Apocalipsis 20:6) Ang banal na espiritu ay nagsilbi ring isang paunang tatak at tanda ng maningning na manang iyan sa hinaharap, ngunit hindi pa iyan ang lahat.—2 Corinto 1:21, 22.
4 Mga ilang taon bago pa noon, sinabi ni Jesus kay Nicodemo: “Maliban na ang sinuman ay ipanganak na muli hindi niya makikita ang kaharian ng Diyos. . . . Maliban na ang tao’y ipanganak ng tubig at ng espiritu, siya’y hindi makapapasok sa kaharian ng Diyos.” (Juan 3:3, 5) Ngayon 120 tao ang ipinanganak na muli. Sa pamamagitan ng banal na espiritu, sila’y inampon bilang espirituwal na mga anak ng Diyos, mga kapatid ni Kristo. (Juan 1:11-13; Roma 8:14, 15) Lahat ng mga gawaing ito ng banal na espiritu ay higit na kagila-gilalas kaysa mga himala. Isa pa, di-tulad ng naganap noon na mga himala, ang banal na espiritu ay hindi naman nawala pagkamatay ng mga apostol kundi nagpatuloy na aktibo sa ganitong paraan hanggang sa mismong kaarawan natin. Pribilehiyo ng mga Saksi ni Jehova na makapiling nila ang huling binautismuhan-ng-espiritu na mga miyembro ng katawan ni Kristo, at ang mga ito’y nagsisilbing isang “tapat at maingat na alipin” na nagbibigay ng espirituwal na pagkain sa tamang panahon.—Mateo 24:45-47.
Binautismuhan “sa Pangalan ng . . . Banal na Espiritu”
5, 6. Papaano umakay tungo sa pagpapabautismo sa tubig ang mga unang bautismo sa banal na espiritu?
5 Subalit kumusta naman ang tungkol sa ipinangakong bautismo sa tubig sa pangalan ng Ama, ng Anak, at ng banal na espiritu? Ang mga unang alagad na iyon na binautismuhan sa espiritu ay hindi dumaan sa gayong bautismo sa tubig. Sila’y tumanggap na ng bautismo ni Juan sa tubig, at yamang tinanggap naman iyon ni Jehova sa partikular na panahong iyon, hindi na kailangang sila’y muling bautismuhan pa. Subalit noong Pentecostes 33 C.E., isang malaking pulutong ng mga kaluluwa ang tumanggap ng bagong bautismo sa tubig. Papaano ito nangyari?
6 Ang bautismo ng 120 sa banal na espiritu ay may kasabay na malakas na ugong na nakaakit ng maraming tao. Ang mga ito ay nagtaka nang marinig na ang mga alagad ay nagsasalita sa iba’t ibang wika, samakatuwid, sa mga wikang banyaga na nauunawan ng mga naroroon. Ipinaliwanag ni apostol Pedro na ang himalang ito ay patotoo na ang espiritu ay naibuhos na ni Jesus, na binuhay buhat sa mga patay at ngayo’y nakaupo na sa kanan ng Diyos sa langit. Hinimok ni Pedro ang kaniyang mga tagapakinig: “Pakatalastasin ng buong angkan ni Israel na siya’y ginawa ng Diyos na kapuwa Panginoon at Kristo, itong si Jesus na inyong ibinayubay.” Pagkatapos ay winakasan niya iyon nang pagsasabi: “Magsisi kayo, at magpabautismo bawat isa sa inyo sa pangalan ni Jesu-Kristo sa ikapagpapatawad ng inyong mga kasalanan, at tatanggapin ninyo ang walang bayad na kaloob ng banal na espiritu.” Mga 3,000 kaluluwa ang tumugon.—Gawa 2:36, 38, 41.
7. Sa papaano ang 3,000 nabautismuhan noong Pentecostes 33 C.E. ay nabautismuhan sa pangalan ng Ama, ng Anak, at ng banal na espiritu?
7 Masasabi ba na ang mga ito ay binautismuhan sa pangalan ng (bilang pagkakilala sa) Ama, ng Anak, at ng banal na espiritu? Oo. Bagaman hindi sila sinabihan ni Pedro na pabautismo sa pangalan ng Ama, kanilang kinikilala na si Jehova bilang Soberanong Panginoon, yamang sila’y likas na mga Judio, mga miyembro ng isang bansang nag-alay ng sarili sa Kaniya. Sinabi ni Pedro: ‘Kayo’y pabautismo sa pangalan ng Anak.’ Kaya ang kanilang bautismo ay nangangahulugan ng kanilang pagkilala kay Jesus bilang Panginoon at Kristo. Sila ngayon ay kaniyang mga alagad at kanilang tinatanggap na ang kapatawaran ng mga kasalanan mula noon sa pamamagitan niya. Sa wakas, ang bautismo ay bilang pagkilala sa banal na espiritu, at naganap iyon bilang pagtugon sa pangako na sila’y tatanggap ng espiritu bilang isang walang-bayad na kaloob.
8. (a) Bukod sa bautismo sa tubig, ano pang ibang bautismo ang tinanggap ng pinahirang mga Kristiyano? (b) Sino bukod sa 144,000 ang tumanggap ng bautismo sa tubig sa pangalan ng banal na espiritu?
8 Yaong mga nabautismuhan sa tubig noong araw ng Pentecostes 33 C.E. ay nabautismuhan din sa espiritu, yamang pinahiran bilang mga hari at mga saserdote sa hinaharap sa makalangit na Kaharian. Sang-ayon sa aklat ng Apocalipsis, ang mga ito ay mayroon lamang 144,000. Kaya yaong mga nabautismuhan sa banal na espiritu at sa wakas ‘tinatakan’ bilang mga tagapagmana ng Kaharian ay may bilang na 144,000 lamang. (Apocalipsis 7:4; 14:1) Subalit, lahat ng bagong mga alagad—anuman ang kanilang pag-asa—ay binabautismuhan sa tubig sa pangalan ng Ama, ng Anak, at ng banal na espiritu. (Mateo 28:19, 20) Kung gayon, ano ba ang ipinahihiwatig ng pagpapabautismo sa pangalan ng banal na espiritu para sa lahat ng Kristiyano, ang mga ito man ay kabilang sa “munting kawan” o sa “mga ibang tupa”? (Lucas 12:32; Juan 10:16) Bago sagutin iyan, tingnan natin ang ilan sa mga gawain ng espiritu sa kapanahunang Kristiyano.
Ang Bunga ng Espiritu
9. Anong gawain ng banal na espiritu ang mahalaga sa lahat ng Kristiyano?
9 Ang isang mahalagang gawain ng banal na espiritu ay ang tulungan tayo na magpaunlad ng Kristiyanong personalidad. Totoo, dahilan sa di-kasakdalan hindi natin maiwasan ang pagkakasala. (Roma 7:21-23) Subalit pagka tayo’y taimtim na nagsisi, tayo’y pinatatawad ni Jehova salig sa hain ni Kristo. (Mateo 12:31, 32; Roma 7:24, 25; 1 Juan 2:1, 2) Isa pa, inaasahan din ni Jehova na tayo’y makikipagpunyagi sa ating hilig na magkasala, at ang banal na espiritu ay tumutulong sa atin na gawin ito. “Patuloy na lumakad ayon sa espiritu,” ang sabi ni Pablo, “at hindi ninyo gagawin ang anumang pita ng laman.” (Galacia 5:16) Nagpatuloy si Pablo na ipakitang ang espiritu ay makapagbubunga sa atin ng pinakamainam na mga katangian. Siya’y sumulat: “Ang bunga ng espiritu ay pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagtitiis, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kahinahunan, pagpipigil-sa-sarili.”—Galacia 5:22, 23.
10. Papaano umuunlad sa isang Kristiyano ang bunga ng espiritu?
10 Papaano pinapangyayari ng espiritu ang gayong bunga sa isang Kristiyano? Ito ay hindi nangyayari na kusa dahil lamang sa tayo’y nag-alay at nabautismuhan na mga Kristiyano. Kailangang gumawa tayo upang makamit ito. Subalit kung tayo’y nakikisama sa ibang mga Kristiyano na makikitaan ng ganitong mga katangian, kung tayo ay nananalangin sa Diyos na bigyan tayo ng kaniyang espiritu upang tulungan tayo na mapaunlad ang espesipikong mga katangian, kung ating iniiwasan ang masasamang kasama at tayo’y nag-aaral ng Bibliya para kumuha ng payo at makakita ng mabubuting halimbawa, ang bunga ng espiritu ay uunlad nga sa atin.—Kawikaan 13:20; 1 Corinto 15:33; Galacia 5:24-26; Hebreo 10:24, 25.
Hinihirang ng Banal na Espiritu
11. Sa papaanong paraan hinihirang ng banal na espiritu ang matatanda?
11 Nang nagpapahayag sa matatanda ng Efeso, ipinakilala ni Pablo ang isa pang gawain ng banal na espiritu nang kaniyang sabihin: “Asikasuhin ninyo ang inyong sarili at ang buong kawan, na sa kanila’y hinirang kayo ng banal na espiritu na mga tagapangasiwa, upang magpastol sa kongregasyon ng Diyos, na binili niya ng dugo ng kaniyang sariling Anak.” (Gawa 20:28) Oo, ang mga tagapangasiwa ng kongregasyon, o matatanda, ay hinihirang ng banal na espiritu. Sa papaanong paraan? Sa paraan na ang hinirang na matatanda ay kailangang makatugon sa mga kuwalipikasyon na binalangkas sa kinasihang Bibliya. (1 Timoteo 3:1-13; Tito 1:5-9) Kanilang mapauunlad ang mga kuwalipikasyong ito tangi lamang sa tulong ng banal na espiritu. Isa pa, ang lupon ng matatanda na nagrerekomenda ng isang bagong matanda ay nananalangin para akayin ng banal na espiritu upang makilala kung siya nga ay nakatutugon o hindi sa mga kahilingan. At ang aktuwal na paghirang ay ginagawa sa ilalim ng pangangasiwa ng pinahiran-ng-espiritung tapat at maingat na alipin.
Paakay sa Espiritu
12. Papaano tayo maaakay ng espiritu sa pamamagitan ng Bibliya?
12 Kinikilala ng mga Kristiyano na ang Banal na Kasulatan ay isinulat sa ilalim ng impluwensiya ng banal na espiritu. Sa gayon, kanilang pinakasasaliksik ang mga ito para tamuhin ang kinasihan-ng-espiritung karunungan, gaya ng mga saksi ni Jehova bago ng panahong Kristiyano. (Kawikaan 2:1-9) Ang mga ito ay kanilang binabasa, binubulay-bulay, at hinahayaang ang mga ito ang maging tagaakay nila sa kanilang buhay. (Awit 1:1-3; 2 Timoteo 3:16) Sa gayon sila ay tinutulungan ng espiritu na ‘saliksikin ang malalalim na mga bagay ng Diyos.’ (1 Corinto 2:10, 13; 3:19) Ang pag-akay sa mga lingkod ng Diyos sa ganitong paraan ay isang mahalagang gawain ng espiritu ng Diyos para sa panahon natin.
13, 14. Ano ang ginamit ni Jesus sa pakikitungo sa mga suliranin sa kongregasyon, at papaano niya ginagawa ang ganiyan din ngayon?
13 Gayundin, sa aklat ng Apocalipsis, ang binuhay-muling si Jesus ay nagpadala ng mga mensahe sa pitong kongregasyon sa Asia Minor. (Apocalipsis, kabanata 2 at 3) Sa mga ito kaniyang isiniwalat na kaniyang binisita ang mga kongregasyon at naunawaan ang kanilang espirituwal na kalagayan. Ang ilan, ayon sa kaniyang natuklasan, ay nagbibigay ng isang mainam na halimbawa ng pananampalataya. Sa mga iba naman, pinayagan ng matatanda na ang kawan ay pasamain ng sektarianismo, imoralidad, at pagkamalahininga. Ang kongregasyon sa Sardis, maliban sa ilang tapat na mga kaluluwa ay patay sa espirituwal. (Apocalipsis 3:1, 4) Papaano hinarap ni Jesus ang mga suliraning ito? Sa tulong ng banal na espiritu. Nang nagbibigay ng payo sa pitong kongregasyon, ang bawat mensahe ni Jesus ay nagtapos sa pananalitang: “Ang may pakinig ay makinig sa sinasabi ng espiritu sa mga kongregasyon.”—Apocalipsis 2:7, 11, 17, 29; 3:6, 13, 22.
14 Sa ngayon, sinisiyasat din naman ni Jesus ang mga kongregasyon. At pagka kaniyang nahalata na may mga problema, kaniyang pinakikitunguhan din ito sa pamamagitan ng banal na espiritu. Ang espiritu ay makatutulong sa atin na kilalanin at pagtagumpayan nang tuwiran ang mga suliranin sa pamamagitan ng pagbabasa ng Bibliya. Ang tulong ay maaari ring dumating sa pamamagitan ng literatura sa Bibliya na lathala ng pinahiran-ng-espiritung tapat at maingat na alipin. O maaaring ito’y dumating buhat sa hinirang-ng-espiritu na mga matatanda sa kongregasyon. Anuman ang totoo, maging ang payo man ay sa mga indibiduwal o sa mga kongregasyon bilang kabuuan, atin bang pinakikinggan ang mga salita ni Jesus: “Ang may pakinig ay makinig sa sinasabi ng espiritu”?
Ang Espiritu at ang Gawaing Pangangaral
15. Papaano kumilos ang espiritu may kaugnayan kay Jesus kung tungkol sa gawaing pangangaral?
15 Minsan nang nangangaral si Jesus sa isang sinagoga sa Nasaret, kaniyang ipinakita ang isa pang gawain ng espiritu. Sinasabi sa atin ng ulat: “Kaniyang binuksan ang balumbon at nasumpungan ang dako kung saan nasusulat: ‘Ang espiritu ni Jehova ay sumasaakin, sapagkat kaniyang pinahiran ako upang ipangaral ang mabuting balita sa mga dukha, kaniyang sinugo ako upang mangaral ng kalayaan sa mga bihag at ng pagsasauli ng paningin ng mga bulag, upang ang mga naaapi’y palayain.’ Pagkatapos ay kaniyang sinabi sa kanila: ‘Sa araw na ito ay natupad ang kasulatang ito na karirinig-rinig lamang ninyo.’ ” (Lucas 4:17, 18, 21; Isaias 61:1, 2) Oo, si Jesus ay pinahiran ng banal na espiritu upang mangaral ng mabuting balita.
16. Noong unang siglo, papaano may malaking bahagi ang banal na espiritu sa pangangaral ng mabuting balita?
16 Mga ilang saglit bago siya mamatay, humula si Jesus tungkol sa isang malaking gawaing pangangaral na gaganapin ng kaniyang mga tagasunod. Sinabi niya: “Sa lahat ng bansa ang mabuting balita ay kailangang maipangaral.” (Marcos 13:10) Ang mga salitang ito ay nagkaroon ng unang katuparan noong unang siglo, at ang bahaging ginampanan ng banal na espiritu ay kapuna-puna. Banal na espiritu ang umakay kay Felipe upang mangaral sa bating na Etiope. Banal na espiritu ang umakay kay Pedro tungo kay Cornelio, at ang banal na espiritu ang umakay upang si Pablo at si Bernabe ay suguin bilang mga apostol buhat sa Antioquia. Nang malaunan, nang naisin ni Pablo na mangaral sa Asia at Bitinia, banal na espiritu ang sa isang paraan ay humadlang sa kaniya. Nais ng Diyos na ang gawaing pagpapatotoo ay makarating hanggang Europa.—Gawa 8:29; 10:19; 13:2; 16:6, 7.
17. Sa ngayon, papaano gumaganap ng bahagi sa gawaing pangangaral ang banal na espiritu?
17 Sa ngayon, ang banal na espiritu ay may malaking bahagi na naman sa gawaing pangangaral. Sa higit pang katuparan ng Isaias 61:1, 2, ang mga kapatid ni Jesus ay pinahiran ng espiritu ni Jehova upang mangaral. Sa pangwakas na katuparan ng Marcos 13:10, ang mga pinahirang ito, na tinutulungan ng malaking pulutong, ay nakapangaral na ng mabuting balita sa literal na paraan sa “lahat ng bansa.” (Apocalipsis 7:9) At ang espiritu ay umaalalay sa lahat sa kanila sa gawaing ito. Tulad noong unang siglo, ito’y nagbubukas ng teritoryo at pumapatnubay sa pangkalahatang pagsulong ng gawain. Pinalalakas nito ang mga indibiduwal, tinutulungan sila na madaig ang pagkahiya at paunlarin ang kanilang pagkadalubhasa sa pagtuturo. Isa pa, sinabihan ni Jesus ang kaniyang mga alagad: “Kayo’y dadalhin sa harap ng mga gobernador at mga hari dahil sa akin, sa pagpapatotoo sa kanila at sa mga bansa. Datapuwa’t, pagka kayo’y ibinigay nila, huwag ninyong ikabalisa kung papaano at kung ano ang inyong sasabihin . . . , sapagkat hindi kayo ang magsasalita, kundi ang espiritu ng inyong Ama na nagsasalita sa pamamagitan ninyo.”—Mateo 10:18-20.
18, 19. Sa papaano kaisa ng nobya ang espiritu sa pag-aanyaya sa mga maaamo na “kumuhang walang bayad ng tubig ng buhay”?
18 Sa aklat ng Apocalipsis, muli na namang idiniriin ng Bibliya ang bahaging ginagampanan ng banal na espiritu sa gawaing pangangaral. Doon si apostol Juan ay nag-uulat: “Ang espiritu at ang nobya ay patuloy na nagsasabi: ‘Halika!’ At ang nakikinig ay magsabi: ‘Halika!’ At ang nauuhaw ay pumarito; ang may ibig ay kumuhang walang bayad ng tubig ng buhay.” (Apocalipsis 22:17) Ang nobya, kinakatawan ng mga nalabi ng 144,000 na narito pa sa lupa, ay nag-aanyaya sa lahat na kumuhang walang bayad ng tubig ng buhay. Subalit pansinin, ang banal na espiritu ay nagsasabi rin “Halika!” Sa papaano?
19 Sa paraan na ang mensaheng ipinangangaral ng uring nobya—na tinutulungan sa ngayon ng malaking pulutong ng mga ibang tupa—ay nanggagaling sa Bibliya, isinulat sa ilalim ng tuwirang pag-akay ng banal na espiritu. At ang espiritu ring iyan ang napukaw sa mga puso at mga isip ng uring nobya upang maunawaan ang kinasihang Salita at ipaliwanag iyon sa iba. Yaong mga binautismuhan bilang mga bagong alagad ni Jesu-Kristo ay nalulugod na kumuhang walang bayad ng tubig ng buhay. At sila’y galak na galak na makipagtulungan sa espiritu at sa nobya sa pagsasabing “Halika!” sa mga iba pa. Sa ngayon, mahigit na apat na milyon ang nakikibahaging kasama ng espiritu sa gawaing ito.
Pamumuhay Ayon sa Ating Bautismo
20, 21. Papaano tayo makapamumuhay ayon sa ating bautismo sa pangalan ng banal na espiritu, at papaano natin dapat malasin ang bautismong ito?
20 Ang bautismo sa pangalan ng banal na espiritu ay isang pangmadlang pagpapahayag na ating kinikilala ang banal na espiritu at tinatanggap ang bahaging ginagampanan nito sa mga layunin ni Jehova. Ipinahihiwatig nito na tayo’y makikipagtulungan sa espiritu, na hindi gagawa ng anuman na hahadlang sa pagkilos nito ng paggawa sa gitna ng bayan ni Jehova. Sa gayon, tayo’y kumikilala at nakikipagtulungan sa tapat at maingat na alipin. Tayo’y nakikipagtulungan sa kaayusan tungkol sa matatanda sa kongregasyon. (Hebreo 13:7, 17; 1 Pedro 5:1-4) Tayo’y namumuhay ayon sa espirituwal, hindi sa makalaman, na karunungan at ating pinapayagang ang espiritu ang humubog ng ating pagkatao, ginagawa ito na lalong tulad-Kristo. (Roma 13:14) At tayo’y nakikisama nang buong puso sa espiritu at sa nobya sa pagsasabing “Halika!” sa milyun-milyon na maaaring tutugon pa.
21 Isang napakaselan na bagay na mabautismuhan ‘sa pangalan ng banal na espiritu’! Gayunman, anong laking pagpapala ang maaaring ibunga! Harinawa kung gayon na ang bilang ng mga nabautismuhan ay patuloy na maragdagan. At harinawang lahat tayo ay patuloy na mamuhay ayon sa kahulugan ng bautismong iyan, samantalang tayo’y nagpapaalipin kay Jehova at patuloy na nagiging “maningas sa espiritu.”—Roma 12:11.
Ano ba ang Natatandaan Mo Tungkol sa Banal na Espiritu?
◻ Sa anong paraan naging aktibo ang banal na espiritu noong Pentecostes 33 C.E?
◻ Papaano tayo makapamumunga ng mga bunga ng espiritu?
◻ Sa anu-anong paraan hinihirang ng banal na espiritu ang matatanda?
◻ Papaano pinakikitunguhan ni Jesus ang mga suliranin sa kongregasyon sa pamamagitan ng banal na espiritu?
◻ Papaano may malaking bahaging ginagampanan sa gawaing pangangaral ang espiritu?
[Larawan sa pahina 15]
Ang bautismong ipinangaral ni Pedro ay sa pangalan din ng Ama at ng banal na espiritu
[Larawan sa pahina 17]
Ang espiritu ay may malaking bahaging ginagampanan sa pangangaral ng mabuting balita