Ang Maaaring Maging Kahulugan sa Iyo ng Kaharian ng Diyos
ANG kaniyang mga tagasunod ay tinuruan ni Jesu-Kristo na manalangin: “Dumating nawa ang kaharian mo.” (Mateo 6:10) Anong dalas na ang mga salitang iyan ay ipinahahatid sa Diyos ng mga nag-aangking mga tagasunod ni Jesus!
Gayunman, higit pa ang ginawa ni Jesus kaysa pagtuturo lamang sa kaniyang mga alagad na manalangin tungkol sa Kaharian ng Diyos. Ang Kaharian ay ginawa niyang pangunahing paksa ng kaniyang pangangaral. Sa katunayan, sinasabi ng Encyclopædia Britannica na ang Kaharian ng Diyos “ay pangkalahatang itinuturing na siyang pangunahing tema ng turo ni Jesus.”
Pagka ang mga tagasunod ni Kristo ay nananalangin tungkol sa Kaharian, ano bang talaga ang aktuwal na ipinananalangin nila? Ano ang maaaring maging kahulugan sa kanila at sa iyo ng Kaharian ng Diyos? At papaano ito minalas ni Jesus?
Ang Pangmalas ni Jesus sa Kaharian
Malimit na tinatawag ni Jesus ang kaniyang sarili na “Anak ng tao.” (Mateo 10:23; 11:19; 16:28; 20:18, 28) Ito’y nagpapagunita sa atin ng pagtukoy ni propeta Daniel sa “isang anak ng tao.” Tungkol sa panghinaharap na makalangit na pangyayari, sinabi ni Daniel: “Ako’y patuloy na tumingin sa mga pangitain sa gabi, at, narito! lumabas kasama ng mga alapaap sa langit ang isang gaya ng anak ng tao; at siya’y naparoon sa Matanda sa mga Araw, at inilapit nila siya sa Isang iyon. At binigyan siya ng kapangyarihan na magpunò at ng kaluwalhatian at ng kaharian, upang ang mga bayan, mga grupo ng mga bansa at mga wika ay maglingkod na lahat sa kaniya.”—Daniel 7:13, 14.
Tungkol sa panahon na siya’y tatanggap ng kaniyang paghahari, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga apostol: “Pagka ang Anak ng tao ay lumuklok na sa kaniyang maluwalhating trono, kayo man na nangagsisunod sa akin ay magsisiupo rin sa labindalawang mga trono.” Sinabi rin ni Jesus: “Pagka ang Anak ng tao ay dumating sa kaniyang kaluwalhatian, . . . lahat ng mga bansa ay titipunin sa harap niya, at kaniyang pagbubukdin-bukdin ang mga tao, gaya ng isang pastol na nagbubukud-bukod ng mga tupa sa mga kambing. . . . Ang mga ito [mga di-matuwid] ay magtutungo sa walang-hanggang kamatayan, ngunit ang mga matuwid ay sa walang-hanggang buhay.”—Mateo 19:28; 25:31, 32, 46.
Ang makahulang mga pagbanggit na ito sa mga trono at sa lahat ng grupo ng mga bansa ay nagpapakita na ang Kaharian ay isang pamahalaan na doon si Jesus at ang iba sa kaniyang mga tagasunod ay magpupunò sa sangkatauhan. Ang pamahalaang iyan ay magkakaroon ng kapangyarihan na lipulin ang mga di-matuwid. Gayunman, sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ang mga nakahilig sa katuwiran ay tatanggap ng kaloob ng Diyos na buhay na walang-hanggan.
Kung gayon, maliwanag na ang Kaharian ng Diyos ay isang makalangit na pamahalaan na tatag-Diyos. Ang Kaharian ay hindi yaong iglesya, at ang Kasulatan ay walang ibinibigay na batayan ng paniniwala na yaon ay isang makasanlibutang kaharian. Isa pa, ang isang bigay-Diyos na pamahalaan ay hindi maaaring isang bagay na nasa loob lamang ng puso ng isang tao. Yamang ang Kaharian ng Diyos ay isang pamahalaan, iyan ay hindi isang bagay na sumasaating puso pagka tinanggap natin ang pagka-Kristiyano. Ngunit bakit iniisip ng iba na ang Kaharian ay isang kalagayan na kinasasangkutan ng puso?
Ang Kaharian ba ay Nasa Loob Natin?
Ang iba ay may paniniwala na ang Kaharian ay nasa ating puso dahilan sa paraan ng pagkasalin ng Lucas 17:21 ng ilang mga tagapagsalin ng Bibliya. Sang-ayon sa New International Version, sinabi roon ni Jesus: “Ang kaharian ng Diyos ay nasa loob ninyo.”
Tungkol dito sinasabi ng The Interpreter’s Dictionary of the Bible: “Bagaman malimit na binabanggit bilang halimbawa ni Jesus ng kaniyang ‘mistisismo’ o ‘panloob na kalikasan,’ ang ganitong interpretasyon ay nakasalig ang kalakhang matandang pagkasalin, ‘sa loob ninyo,’ . . . batay ang pagkaunawa sa di-angkop na modernong diwa ng ‘mo’ bilang pang-isahan; ang ‘ninyo’ . . . ay pangmaramihan (ang kinakausap ni Jesus ay ang mga Fariseo—vs. 20) . . . Ang teoriya na isang panloob na kalagayan ng isip ang kaharian ng Diyos, o ang kaligtasan ng isang tao, ay laban sa konteksto ng talatang ito, at gayundin sa buong ideya sa B[agong] T[ipan].”
Isang talababa sa Lucas 17:21 sa New International Version ay nagpapakita na ang mga salita ni Jesus ay maisasalin nang ganito: “Ang kaharian ng Diyos ay nasa gitna ninyo.” Sa mga ibang pagkasalin ng Bibliya ay mababasa: “Ang kaharian ng Diyos ay kasama ninyo” o “nasa gitna ninyo.” (The New English Bible; The Jerusalem Bible; Revised Standard Version) Sang-ayon sa New World Translation of the Holy Scriptures, sinabi ni Jesus: “Ang kaharian ng Diyos ay nasa gitna ninyo.” Hindi ibig sabihin ni Jesus na ang Kaharian ay nasa mga puso ng mapagmataas na mga Fariseo na kaniyang kausap. Bagkus, bilang ang malaon nang hinihintay na Mesiyas at Haring-Hinirang, si Jesus ay nasa mismong gitna nila. Ngunit may takdang panahong lilipas bago dumating ang Kaharian ng Diyos.
Kung Kailan Darating Iyon
Isang takdang bilang ng mga tagasunod ni Jesu-Kristo ang pinili bilang makakasama niya na maghahari sa makalangit na Mesianikong Kaharian. Tulad ni Jesus, sila’y namamatay na tapat sa Diyos at binubuhay-muli sa buhay espiritu sa langit. (1 Pedro 3:18) Sila’y kung ihahambing ay kakaunti lamang, 144,000 mga hari at mga saserdote na binili sa sangkatauhan. (Apocalipsis 14:1-4; 20:6) Kabilang sa makakasama ni Jesus na maghahari ay ang kaniyang tapat na mga apostol.—Lucas 12:32.
Sa pakikipag-usap minsan sa kaniyang mga tagasunod, nangako si Jesus: “May ilan na nangakatayo rito na hindi makakatikim sa anumang paraan ng kamatayan hanggang sa kanilang makita ang Anak ng tao na pumaparito sa kaniyang kaharian.” (Mateo 16:28) Kapana-panabik, ang susunod na talata ay nagpapakita na natupad ang pangakong iyan ni Jesus mga ilang araw lamang ang nakalipas. Noon ay isinama niya ang tatlo sa kaniyang mga alagad sa pag-akyat sa isang bundok na kung saan siya ay nagbagong-anyo sa harap nila, at sila’y nakakita ng pangitain tungkol sa kaniya na nasa kaluwalhatian ng Kaharian. (Mateo 17:1-9) Ngunit ang Kaharian ay hindi natatag noon. Kailan magaganap iyan?
Isa sa mga ilustrasyon na ibinigay ni Jesus ay nagpapakita na hindi naman siya karaka-raka iluluklok bilang Mesianikong Hari. Sa Lucas 19:11-15, ating mababasa: “Kaniyang sinalita . . . ang isang ilustrasyon, sapagkat malapit na siya sa Jerusalem at kanilang inaakala na ang kaharian ng Diyos ay mahahayag kapagdaka. Kaya’t sinabi niya: ‘Isang mahal na tao ang naparoon sa isang malayong lupain upang tumanggap ng kapangyarihan sa kaharian ukol sa kaniyang sarili at magbalik. Pagkatapos tawagin ang sampu sa kaniyang mga alipin binigyan niya sila ng sampung mina at sinabi sa kanila, “Ipangalakal ninyo ito hanggang sa ako’y dumating.” . . . Sa wakas nang siya’y bumalik pagkatapos tumanggap ng kapangyarihan sa kaharian, kaniyang iniutos na tawagin sa harap niya ang mga aliping ito na kaniyang binigyan ng salaping pilak, upang tiyakin kung ano ang kanilang tinubo sa pangangalakal.’ ”
Noong mga kaarawang iyon ay malaking panahon ang ginugugol upang makapaglakbay ang isang tao mula sa Israel hanggang sa Roma, maghintay sa siyudad na iyan hanggang sa tumanggap siya ng kapangyarihan sa kaharian, at magbalik sa kaniyang sariling lupain bilang hari. Si Jesus ang “mahal na tao.” Siya’y tatanggap ng kapangyarihan bilang Hari buhat sa kaniyang Ama sa langit ngunit hindi karaka-raka iluluklok bilang Mesianikong Hari. Ang kaniyang mga tagasunod ay mangangalakal sa pamamagitan ng pagsasagawa ng gawaing pagbabalita ng mabuting balita ng Kaharian sa loob ng mahaba-habang panahon bago siya bumalik bilang Hari.
Kung Papaano Dumarating ang Kaharian
Ano ba ang hinihiling ng mga umiibig sa Diyos pagka kanilang ipinapanalangin na dumating na ang kaniyang Kaharian? Ang talagang hinihiling nila ay na gumawa ang makalangit na Kaharian ng puspusang pagkilos sa pamamagitan ng paglipol sa gawang-taong mga sistema ng pamahalaan na bigo sa kanilang pangako na magdala ng tunay na kapayapaan at kaunlaran. Sa pagtukoy sa ganitong pangyayari, ang propetang si Daniel ay sumulat: “Sa mga kaarawan ng mga haring yaon ang Diyos ng langit ay magtatayo ng isang kaharian na hindi magigiba kailanman. At ang kahariang iyon ay hindi ibibigay sa ibang bayan. Dudurugin at wawasakin niyaon ang lahat ng mga kahariang ito, at iyon sa ganang sarili ay lalagi magpakailanman.” (Daniel 2:44) Kailan mangyayari ito?
Inihula ni Jesus na ito ay magaganap sa loob ng salinlahi ng mga taong makasasaksi sa isang pambihirang kaguluhan sa kasaysaysan ng tao. Tungkol sa kaniyang “pagkanaririto,” si Jesus ay nagbigay ng isang kabuuang “tanda” na binubuo ng mga pangyayari na gaya baga ng wala pang nakakatulad na mga digmaan, lindol, taggutom, salot—oo, at ng pambuong-daigdig na pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos.—Mateo, kabanata 24, 25; Marcos, kabanata 13; Lucas, kabanata 21.
Ang hula ni Jesus ay tungkol sa mga pangyayaring nagaganap sa mismong sandaling ito—sa ating ika-20 siglo. Samakatuwid, hindi na magtatagal bago magdala sa sangkatauhan ng dakilang mga pagpapala ang Kaharian ng Diyos. Ikaw ay maaaring makabilang sa mga taong magtatamasa ng mga kapakinabangan sa pamamahala ng Kaharian. Subalit ano nga ba ang maaaring maging kahulugan sa iyo at sa iyong mga mahal sa buhay ng Kaharian ng Diyos?
Mga Pagpapala na Dala ng Pamamahala ng Kaharian
Iiral ang kaligayahan sa buong lupa. Sa ilalim ng “isang bagong langit”—ang makalangit na Kaharian—ay “isang bagong lupa,” isang pambuong-mundong lipunan ng masunuring mga sakop ng Kaharian. “Ang Diyos mismo ay sasakanila,” ang isinulat ni apostol Juan. “At papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata.” Wala nang anumang maidadahilan na doo’y walang kaligayahan, sapagkat “hindi na magkakaroon ng dalamhati man o ng panambitan man o ng hirap pa man.”—Apocalipsis 21:1-4.
Wala nang kamatayan. Ang kakila-kilabot na pinagmumulang ito ng kadalamhatian ay hindi na magnanakaw sa atin ng mga kaibigan at mga mahal sa buhay. “Bilang ang huling kaaway, ang kamatayan ay lilipulin.” (1 Corinto 15:26) Anong laking kagalakan pagka ang mga paglilibing ay hinalinhan ng mga pagkabuhay-muli ng mga nasa alaala ng Diyos!—Juan 5:28, 29.
Ganap na kalusugan ang hahalili sa sakit at karamdaman. Wala nang mga ospital na may mga higaang punô ng mga maysakit sa pisikal at sa isipan. Gagamitin na ng Dalubhasang Manggagamot, si Jesu-Kristo, ang bisa ng kaniyang inihandog na haing pantubos “ukol sa pagpapagaling sa mga bansa.” (Apocalipsis 22:1, 2; Mateo 20:28; 1 Juan 2:1, 2) Ang mga pagpapagaling na ginawa niya noong siya’y narito sa lupa ay isang anino lamang ng kaniyang gagawin sa pamamagitan ng Kaharian.—Ihambing ang Isaias 33:24; Mateo 14:14.
Magiging sagana ang mga panustos na pagkain. Gaya ng sinabi ng salmista, “magkakaroon ng saganang trigo sa lupa; sa taluktok ng mga bundok ay may labis-labis.” (Awit 72:16) Dito, isinususog ng hula ni Isaias: “Si Jehova ng mga hukbo ay tiyak na gagawa para sa lahat ng bayan, sa bundok na ito, ng kapistahan ng matatabang bagay, ng kapistahan ng mga alak na laon, ng matatabang bagay na punô ng utak, ng mga alak na laon, sinala.” (Isaias 25:6) Tiyak iyan, ang mga tao sa lupa ay hindi na makararanas ng taggutom sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian.
Ang buong lupa ay magiging isang paraiso. Sa gayo’y matutupad ang pangakong ito ni Jesus sa isang nagsising manlalabag-batas: “Ikaw ay makakasama ko sa Paraiso.” (Lucas 23:43) Ikaw man ay makapagtatamasa ng buhay na walang-hanggan sa lupang ito, isang lupa na nilinisan ng kabalakyutan at ginawang isang nakalulugod, tulad-parkeng mundo.—Juan 17:3.
Ang kahanga-hangang mga pag-asang ito ay iniaalok sa lahat ng masunuring tao. Ang kinasihang Salita ni Jehova, ang Bibliya, ang nagbibigay ng pinagpalang mga kasiguruhang ito. At lahat na ito ang siyang maaaring maging kahulugan sa iyo ng Kaharian ng Diyos.
[Larawan sa pahina 7]
Ikaw ba’y naniniwala sa sinabi ni Jesus tungkol sa Kaharian ng Diyos?