Tunay na Kaligayahan sa Paglilingkod kay Jehova
“Maligaya ang isa na ang Diyos ni Jacob ang kaniyang pinakatulong, na ang pag-asa ay nasa kay Jehova na kaniyang Diyos.”—AWIT 146:5.
1, 2. Ano ang sinabi tungkol sa katuturan ng kaligayahan, at ano ang kahulugan ng kaligayahan para sa maraming tao sa ngayon?
ANO ba ang kaligayahan? Ang mga lexicograpo, pilosopo, at teologo ay nagsikap na magbigay ng katuturan nito sa loob ng daan-daang taon. Subalit sila’y hindi nakapagbigay ng katuturan na tinatanggap ng lahat. Inaamin ng Encyclopædia Britannica: “Ang ‘kaligayahan’ ay isa sa mga salitang pinakamahirap ipaliwanag.” Ang kaligayahan ay waring iba’t iba ang kahulugan sa iba’t ibang mga tao, depende sa kanilang pangmalas sa buhay.
2 Para sa maraming tao ang kaligayahan ay nakasentro sa mabuting kalusugan, materyal na mga ari-arian, at kaaya-ayang mga kasama. Subalit, may mga tao na mayroon ng lahat ng iyan ngunit hindi maligaya. Para sa mga lalaki at mga babae na nag-alay ng sarili sa Diyos na Jehova, ang Bibliya ay nagbibigay ng katuturan ng kaligayahan na may malaking pagkakaiba sa pangkalahatang pangmalas.
Isang Naiibang Pangmalas sa Kaligayahan
3, 4. (a) Sino ang sinabi ni Jesus na maliligaya? (b) Ano ang mapapansin kung tungkol sa mga binanggit ni Jesus na pinagmumulan ng kaligayahan?
3 Sa kaniyang Sermon sa Bundok, hindi sinabi ni Jesus na ang kaligayahan ay depende sa mainam na kalusugan, materyal na mga ari-arian, at iba pa. Sinabi niya na ang tunay na maliligaya ay yaong mga “palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan” at yaong “nagugutom at nauuhaw sa katuwiran.” May kaugnayan sa dalawang bagay na ito na kailangan para sa tunay na kaligayahan ay ang waring balintunang pangungusap ni Jesus: “Maligaya yaong mga nagdadalamhati, sapagkat sila’y aaliwin.” (Mateo 5:3-6) Maliwanag, hindi ang ibig sabihin ni Jesus ay na kusang liligaya ang mga tao pagka sila’y nawalan ng isang mahal sa buhay. Bagkus, ang kaniyang tinutukoy rito ay yaong mga namimighati dahilan sa kanilang pagkamakasalanan at sa mga ibinubunga niyaon.
4 Binanggit ni apostol Pablo ang mga taong nilalang na nagdadalamhati sa pagkakasala batay sa pag-asa na sila’y “palalayain mula sa pagkaalipin sa kabulukan.” (Roma 8:21, 22) Ang mga tao na tumatanggap sa nagtatakip-kasalanang paglalaan sa pamamagitan ng haing pantubos ni Kristo at gumagawa ng kalooban ng Diyos ay tunay na naaaliw at lumiligaya. (Roma 4:6-8) Sa Sermon sa Bundok, binanggit din ni Jesus na maligaya “ang maaamo,” “ang mahabagin,” “ang mga dalisay ang puso,” at “ang mapagpayapa.” Siya’y nagbigay ng katiyakan na bagaman pinag-uusig, ang gayong maaamo ay hindi mawawalan ng kanilang kaligayahan. (Mateo 5:5-11) Kapansin-pansin na ang dakilang mga bagay na ito na pinagmumulan ng kaligayahan ay para sa mayayaman at sa mga dukha.
Ang Saligan ng Tunay na Kaligayahan
5. Ano ang saligan ng kaligayahan ng nag-alay na mga lingkod ng Diyos?
5 Ang pinagmumulan ng tunay na kaligayahan ay hindi matatagpuan sa materyal na kayamanan. Sinabi ng pantas na si Haring Solomon: “Ang pagpapala ni Jehova—iyan ang nagpapayaman, at hindi niya idinaragdag ang kapanglawan.” (Kawikaan 10:22) Para sa mga nilalang na kumikilala sa pansansinukob na soberanya ni Jehova, ang kaligayahan ay tiyakang kaugnay ng pagpapala ng Diyos. Ang taong nag-alay na mayroon at nakadarama ng pagpapala ni Jehova ay tunay na maligaya. Sa pangmalas ng Bibliya, kasali sa kaligayahan ang pagkakontento, pagkanasisiyahan, at katuparan ng paglilingkod kay Jehova.
6. Ano ang kahilingan sa bayan ni Jehova upang sila’y maging tunay na maligaya?
6 Ang tunay na kaligayahan ay depende sa isang tamang kaugnayan kay Jehova. Ito ay nakasalig sa pag-ibig sa Diyos at sa katapatan sa kaniya. Ang nag-alay na mga lingkod ni Jehova ay buong-pusong sumasang-ayon sa mga salita ni Pablo: “Sapagkat ang sinuman sa atin ay hindi nabubuhay sa kaniyang sarili lamang . . . Tayo ay nabubuhay kay Jehova . . . Tayo ay kay Jehova.” (Roma 14:7, 8) Samakatuwid, ang tunay na kaligayahan ay hindi makakamit nang hiwalay sa pagsunod kay Jehova at sa may-kagalakang pagpapasakop sa kaniyang kalooban. Sinabi ni Jesus: “Maligaya yaong mga nakikinig sa salita ng Diyos at tinutupad iyon!”—Lucas 11:28.
Nagbabagong mga Pinagmumulan ng Kaligayahan
7, 8. (a) Papaano maipaliliwanag ang iba’t ibang uri ng kaligayahan? (b) Ano ang masasabi tungkol sa pag-aasawa at pag-aanak?
7 Ang binanggit na mga pinagmumulan ng kaligayahan ay matatawag na mga “saligan,” o mga “di-nagbabago,” sapagkat ito’y kapit sa nag-alay na mga lingkod ni Jehova sa lahat ng panahon. Isa pa, may matatawag na mga nagbabago, mga bagay na pinagmumulan ng kaligayahan sa isang panahon ngunit sa ibang panahon ay kaunti na lamang nito o nawawalang lubusan. Noong panahon ng mga patriyarka at bago ng kapanahunang Kristiyano, ang pag-aasawa at ang pag-aanak ay itinuturing na laging may dalang kaligayahan. Ito’y mababanaagan sa nagmamakaawang pakiusap ni Rachel kay Jacob: “Bigyan mo ako ng mga anak o kung hindi ay mamamatay ako.” (Genesis 30:1) Ang ganitong saloobin sa pag-aanak ay angkop sa layunin ni Jehova para sa panahong iyon.—Genesis 13:14-16; 22:17.
8 Ang pag-aasawa at pag-aanak ay itinuturing na bigay-Diyos na mga pagpapala sa bayan ng Diyos noong sinaunang panahon. Gayunman, kahirapan ang kaugnay nito at iba pang mga kalagayan kung mga panahon ng kalamidad sa kanilang kasaysayan. (Paghambingin ang Awit 127, 128 at ang Jeremias 6:12; 11:22; Mga Panaghoy 2:19; 4:4, 5.) Samakatuwid, malinaw rito na ang pag-aasawa at ang pag-aanak ay hindi laging pinagmumulan ng kaligayahan.
May Kaligayahan Bagaman Walang Asawa Noong Lumipas
9. Bakit sa taun-taon ay tumanggap ng papuri ang anak na babae ni Jephte?
9 Marami sa mga lingkod ng Diyos ay nakasumpong ng tunay na kaligayahan bagaman hindi nag-asawa. Dahil sa paggalang sa panata ng kaniyang ama, ang anak na babae ni Jephte ay nanatiling dalaga. Sa loob ng isang panahon ang kaniyang pagkadalaga ay tinangisan niya at ng kaniyang mga kasamang dalaga. Subalit anong laking kagalakan ang taglay niya sa paglilingkod nang buong panahon sa bahay ni Jehova, marahil kasama ng “mga tagapaglingkod na babae na naglilingkod sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan”! (Exodo 38:8) Dahil dito, siya’y tumanggap ng papuri sa taun-taon.—Hukom 11:37-40.
10. Ano ang hiniling ni Jehova kay Jeremias, at tila ba naging malungkot ang buhay niya dahil doon?
10 Dahilan sa sukdulang panahon na kinabuhayan ni propeta Jeremias, iniutos sa kaniya ng Diyos na huwag siyang mag-asawa at huwag magkaroon ng mga anak. (Jeremias 16:1-4) Subalit naranasan ni Jeremias ang katotohanan ng sinabi ng Diyos: “Mapalad ang taong malakas ang pangangatawan na tumitiwala kay Jehova, at ang pag-asa ay si Jehova.” (Jeremias 17:7) Sa mahigit na 40 taon ng paglilingkod bilang propeta, si Jeremias ay naglingkod sa Diyos nang may katapatan bilang isang binata. Sa abot ng ating nalalaman, siya ay hindi nag-asawa kailanman at walang anak. Gayunman, sino ang maniniwala na hindi maligaya si Jeremias, tulad ng tapat na nalabing Judio na ‘nagningning dahil sa kabutihan ni Jehova’?—Jeremias 31:12.
11. Ano ang ilan sa maka-Kasulatang mga halimbawa ng tapat na mga lingkod ni Jehova na maliligaya bagaman sila’y hindi nag-asawa?
11 Marami pang ibang tao na naglingkod kay Jehova nang may kagalakan bagaman walang asawa. Sila’y mga nag-iisa, mga biyuda, o mga biyudo. Kabilang sa mga ito ang propetisang si Anna; marahil si Dorcas, o Tabita; si apostol Pablo; at ang pinakadakilang halimbawa sa lahat—si Jesu-Kristo.
Walang Asawa Ngunit Maligaya sa Ngayon
12. Ano ang tinanggap ng ibang maliligaya, nag-alay na mga lingkod ni Jehova sa ngayon, at bakit?
12 Sa ngayon, libu-libong mga Saksi ni Jehova ang may katapatang naglilingkod sa Diyos bagaman walang kaparehang asawa. Tinanggap ng iba ang paanyaya ni Jesus na: “Ang makatatanggap nito [ang kaloob na di-pag-aasawa] ay hayaang tumanggap.” Kanilang ginawa ito “nang dahil sa kaharian ng langit.” (Mateo 19:11, 12) Ang ibig sabihin, ang kanilang bigay-Diyos na kalayaan ay ginagamit nila sa mabuti sa pamamagitan ng paggugol ng higit na panahon at lakas sa pagtataguyod ng mga kapakanang pang-Kaharian. Marami sa kanila ang naglilingkod bilang mga payunir, misyonero, o mga miyembro ng pamilyang Bethel sa pandaigdig na punong-tanggapan ng Watch Tower Society o sa isa sa mga sangay nito.
13. Anong mga halimbawa ang nagpapakita na ang isang Kristiyano ay maaaring walang-asawa at maligaya?
13 Isang minamahal na may edad nang sister ang nagbigay ng titulo sa kasaysayan ng kaniyang buhay ng palatandaang titulong “Walang Asawa at Maligaya Bilang Isang Payunir.” (Ang Bantayan, Nobyembre 1, 1985, pahina 23-6) Isa pang sister na walang asawa na gumugol nang mahigit na 50 taon sa paglilingkod sa Bethel ang nagsabi: “Ako’y lubusang nasisiyahan sa aking buhay at sa aking trabaho. Ako’y mas magawain ngayon higit kailanman sa isang gawain na lubhang mahal sa akin. Wala akong pinagsisisihan. Ganiyan ding pasiya ang gagawin kong muli.”—Ang Bantayan, Disyembre 15, 1982, pahina 17.
14, 15. (a) Ayon kay apostol Pablo, ano ang kinakailangan upang makapanatiling walang-asawa? (b) Bakit sinasabi ni Pablo na ang taong walang-asawa ay gumagawa ng “lalong mabuti” at “lalong maligaya”?
14 Pansinin ang salitang iyan na ‘pasiya.’ Sumulat si Pablo: “Kung ang sinuman ay nananatiling matatag sa kaniyang puso, na walang pangangailangan, kundi may kapangyarihan sa kaniyang sariling kalooban at gumawa ng pasiyang ito sa kaniyang sariling puso, na ingatan ang kaniyang sariling pagkabinata, mabuti ang kaniyang gagawin. Kaya nga ang nag-iiwan ng kaniyang pagkabinata at nag-aasawa ay gumagawa ng mabuti, ngunit ang hindi nag-aasawa ay gumagawa nang lalong mabuti.” (1 Corinto 7:37, 38) Bakit “lalong mabuti”? Nagpaliwanag si Pablo: “Ayaw kong mabalisa kayo. Ang lalaking walang-asawa ay nababalisa sa mga bagay ng Panginoon, kung papaano niya matatamo ang pagsang-ayon ng Panginoon. . . . Isa pa, ang babaing walang asawa, at ang dalaga, ay balisa sa mga bagay ng Panginoon . . . Ngunit sinasabi ko ito para sa inyong kabutihan, . . . upang pakilusin kayo tungo sa nababagay at nangangahulugan ng laging pag-aasikaso sa Panginoon nang walang anumang hadlang.”—1 Corinto 7:32-35.
15 Ang ‘laging pag-aasikaso ba sa Panginoon nang walang anumang hadlang’ upang ‘matamo ang pagsang-ayon ng Panginoon’ at ang kaligayahan ay magkaugnay? Marahil ay ganiyan nga ang akala ni Pablo. Tungkol sa isang biyudang Kristiyano, sinabi niya: “Malaya siyang mag-asawa sa kaninumang nais niya, sa nasa Panginoon lamang. Ngunit siya ay lalong maligaya kung mananatili siya sa kaniyang kalagayan, sa aking opinyon. Tunay na inaakala kong taglay ko rin ang espiritu ng Diyos.”—1 Corinto 7:39, 40.
Mga Kapakinabangan sa Kalagayang Pagkawalang-Asawa
16. Ano ang ilan sa mga kapakinabangan na tinatamasa ng mga Saksi ni Jehova na walang-asawa?
16 Maging kung ang isang Kristiyano ay walang-asawa dahilan sa sariling pasiya niya o dahilan sa mga pangyayari, ang kalagayang pagkawalang-asawa ay nagdadala ng maraming pansariling kapakinabangan. Ang mga taong walang asawa ay karaniwan nang may lalong malaking panahon sa pag-aaral ng Salita ng Diyos at sa pagbubulay-bulay niyaon. Kung kanilang sinasamantala ang kalagayang ito, tumitindi ang kanilang espirituwalidad. Palibhasa’y walang kabiyak na makakaramay nila sa kanilang mga suliranin, marami ang natututong lalong umasa kay Jehova at gawin siyang patnubay sa lahat ng bagay. (Awit 37:5) Ito’y tumutulong upang magkaroon ng isang lalong malapit na kaugnayan kay Jehova.
17, 18. (a) Anong mga pagkakataon para sa isang pinalawak na larangan sa paglilingkod ang bukás para sa mga lingkod ni Jehova na walang-asawa? (b) Papaano inilarawan ang kanilang kaligayahan ng ilang mga lingkod ni Jehova na walang-asawa?
17 Ang mga Kristiyanong walang-asawa ay may pagkakataon para sa isang pinalawak na larangan ng paglilingkuran sa kapurihan ni Jehova. Ang pantanging pagsasanay na ibinibigay ngayon sa Ministerial Training School ay para lamang sa walang-asawang mga kapatid na lalaki o mga biyudo. Ang mga kapatid na babae na walang asawa ay mas malaya rin naman na makaabot sa mga pribilehiyo sa paglilingkuran sa Diyos. Ang may edad nang sister na binanggit sa bandang unahan ay nagboluntaryong maglingkod sa isang bansa sa Aprika nang, sang-ayon sa kaniya, siya’y “isang babaing medyo mahina ang pangangatawan at mahigit na 50 taóng gulang.” At siya’y nanatili roon, kahit na sa panahon ng pagbabawal sa gawain, nang lahat ng mga misyonero ay pinaalis. Siya’y naglilingkod pa rin doon bilang isang payunir, bagaman ngayon ay mahigit nang 80 taóng gulang. Siya ba’y maligaya? Sa salaysay ng kaniyang buhay ay sumulat siya: “Nagamit ko ang labis na kalayaan at ang kaliksihang kumilos na dulot ng pagkawalang-asawa upang makapagpatuloy na magawain sa ministeryo, at ito’y nagdala sa akin ng malaking kaligayahan. . . . Sa lumipas na mga taon ang aking kaugnayan kay Jehova ay lalong tumindi. Bilang isang dalaga sa isang bansa sa Aprika, napatunayan kong siya’y isang Tagapagsanggalang.”
18 Kapansin-pansin din naman, ang pananalita ng isang kapatid na lalaki na naglingkod sa punong-tanggapan ng Watch Tower Society sa loob ng maraming taon. Siya’y maligaya, bagaman hindi siya nag-asawa kailanman at bagaman siya’y may makalangit na pag-asa na wala nang pagkakataon para sa pag-aasawa. Sa edad na 79, siya’y sumulat: “Sa araw-araw ay idinadalangin ko sa ating mahal na Ama sa langit na ako’y tulungan at bigyan ng karunungan upang ako’y makapanatiling malusog at malakas sa espirituwal at sa pisikal upang patuloy na magawa ko ang kaniyang banal na kalooban. Sa nakalipas na apatnapu’t siyam na taon sa paglilingkod kay Jehova tunay na natamasa ko ang isang maligaya, kapaki-pakinabang at pinagpalang paraan ng pamumuhay. At dahil sa di-sana-nararapat na awa ni Jehova ako’y umaasa sa isang patuloy na paglilingkod sa kaniyang ikararangal at ikaluluwalhati at sa ikapagpapala ng kaniyang bayan. . . . [Ang] kagalakan kay Jehova ang tumutulong sa akin na ipagpatuloy ang mabuting pakikipagbaka ng pananampalataya, na inaasam-asam ang panahon na wala na ang mga kaaway ni Jehova at ang buong lupa ay punô na ng kaniyang kaluwalhatian.”—Bilang 14:21; Nehemias 8:10; The Watchtower, Nobyembre 15, 1968 pahina 699-702.
Depende sa Ano ang Tunay na Kaligayahan?
19. Magiging laging depende sa ano ang ating kaligayahan?
19 Ang ating mahalagang kaugnayan kay Jehova, ang kaniyang pagsang-ayon, at ang kaniyang pagpapala—ito ang mga bagay na magdadala sa atin ng tunay na kaligayahan na walang-hanggan. Taglay ang ganitong tumpak na pananaw sa kung ano ang nagdudulot ng tunay na kaligayahan, kahit na ang may-asawang mga lingkod ni Jehova ay nakababatid na hindi ang kanilang pag-aasawa ang pinakamahalagang bagay sa kanilang buhay. Kanilang tinutupad ang ipinayo ni apostol Pablo: “Ito’y sinasabi ko, mga kapatid, ang panahong natitira ay maikli na. Mula ngayon ang mga lalaking may asawa ay maging mga tulad sa wala.” (1 Corinto 7:29) Hindi naman ang ibig sabihin nito ay pababayaan ang kani-kanilang asawang babae. Ang paglilingkod kay Jehova ang inuuna ng maygulang na mga asawang lalaking Kristiyano, at gayundin kung tungkol sa kanilang maka-Diyos, mapagmahal, at katulong na mga asawang babae, ang iba ay naglilingkod pa nga nang buong panahon bilang mga kasama ng kani-kanilang asawang lalaki.—Kawikaan 31:10-12, 28; Mateo 6:33.
20. Anong wastong saloobin ang taglay ng maraming Kristiyano kung tungkol sa kanilang mga pribilehiyo bilang may-asawa?
20 Ang mga kapatid na lalaking may-asawa at mga tagapangasiwang naglalakbay, mga boluntaryo sa Bethel, matatanda sa mga kongregasyon—oo, lahat ng mga Kristiyanong may-asawa na inuuna muna ang mga kapakanang pang-Kaharian—ay hindi ‘nagpapakalabis ng paggamit sa sanlibutan’; sila’y gumagawa na ang kanilang mga pribilehiyo bilang may-asawa ay iniaangkop nila sa kanilang buhay na nakaalay sa paglilingkod kay Jehova. (1 Corinto 7:31) Gayunman, sila’y maligaya. Bakit? Sapagkat ang nangingibabaw na dahilan sa kanilang kaligayahan ay hindi ang kanilang pagkamay-asawa kundi ang kanilang paglilingkod kay Jehova. At maraming tapat na mga mag-asawa—oo, at pati na rin ang kanilang mga anak—ay maliligaya na gayon nga.
21, 22. (a) Salig sa Jeremias 9:23, 24, ano ang dapat magpaligaya sa atin? (b) Anu-anong bagay na nagpapaligaya ang binabanggit sa Kawikaan 3:13-18?
21 Si propeta Jeremias ay sumulat: “Ganito ang sabi ni Jehova: ‘Huwag magmapuri ang pantas sa kaniyang karunungan, at huwag magmapuri ang makapangyarihan sa kaniyang kapangyarihan. Huwag magmapuri ang mayaman sa kaniyang kayamanan. Kundi ang nagmamapuri tungkol sa sarili ay magmapuri dahil dito, na kaniyang nauunawaan at nakikilala ako, na ako’y si Jehova, na Siyang nagsasagawa sa lupa ng maibiging-awa, katarungan at katuwiran; sapagkat sa mga bagay na ito ay nalulugod ako,’ sabi ni Jehova.”—Jeremias 9:23, 24.
22 Tayo man ay walang asawa o may asawa, dapat na ang pinakadakilang pinagmumulan ng ating kaligayahan ay ang ating kaalaman kay Jehova at ang matibay na paniniwalang taglay natin ang kaniyang pagpapala dahilan sa ginagawa natin ang kaniyang kalooban. Tayo’y maligaya rin naman na magkaroon ng matalinong unawa sa kung ano ang tunay na mahalaga, ang mga bagay na kinalulugdan ni Jehova. Hindi itinuring ng nagkaasawa nang marami na si Haring Solomon na ang pag-aasawa ang tanging susi sa kaligayahan. Sinabi niya: “Maligaya ang tao na nakasusumpong ng karunungan, at ang tao na nagtatamo ng kaunawaan, sapagkat ang pakinabang dito ay maigi kaysa pakinabang sa pilak at sa ginto man. Mahalaga nga kaysa mga korales, at lahat ng iba pang mga kinalulugdan mo ay hindi maihahalintulad dito. Ang haba ng mga araw ay nasa kaniyang kanang kamay; sa kaniyang kaliwang kamay ay mga kayamanan at kaluwalhatian. Ang kaniyang mga daan ay mga daan ng kaligayahan, at lahat niyang mga landas ay kapayapaan. Siya’y punungkahoy ng buhay sa mga nanghahawakan sa kaniya, at maliligaya ang mga patuluyang nanghahawakang mahigpit sa kaniya.”—Kawikaan 3:13-18.
23, 24. Bakit natin matitiyak na lahat ng tapat na mga lingkod ni Jehova ay magiging maligaya sa bagong sistema ng mga bagay?
23 Harinawang makasumpong ng walang-hanggang kagalakan sa paggawa ng banal na kalooban yaong mga kasamahan natin na mga may-asawa. At harinawang ang ating mahal na mga kapatid na lalaki at mga babae na ang pinili’y pagkawalang-asawa o naging gayon dahilan sa sumapit na mga pangyayari ay makapagtiis ng lahat ng mga pagsubok at makasumpong ng kaligayahan at kasiyahan sa paglilingkod kay Jehova ngayon at magpakailanman. (Lucas 18:29, 30; 2 Pedro 3:11-13) Sa dumarating na sistema ng mga bagay ng Diyos, may mabubuksan na mga “balumbon.” (Apocalipsis 20:12) Ang mga ito ay may taglay na kapana-panabik na mga bagong utos at mga alituntunin na magdudulot ng kaligayahan sa masunuring sangkatuhan.
24 Tunay, makapagtitiwala tayo na ang ating “maligayang Diyos” ay may inilaan sa atin na kahanga-hangang mabubuting bagay na magbubunga ng ating lubos na kaligayahan. (1 Timoteo 1:11) Ang Diyos ay patuloy na ‘magbubukas ng kaniyang kamay at kaniyang sasapatan ang nasà ng bawat bagay na may buhay.’ (Awit 145:16) Hindi nga kataka-takang mayroon at laging magkakaroon ng tunay na kaligayahan sa paglilingkod kay Jehova.
Papaano Mo Sasagutin?
◻ Ano ang saligan ng kaligayahan ng nag-alay na mga lingkod ni Jehova?
◻ Noong mga panahon ng Bibliya, sino ang ilan sa maligayang mga lingkod ni Jehova na walang-asawa?
◻ Bakit ipinayo ni Pablo ang hindi pag-aasawa, at papaano napatunayan ng ibang mga Kristiyano na ito’y isang maligayang buhay?
◻ Sa ano depende sa tuwina ang ating kaligayahan?
◻ Bakit tayo makapagtitiwala na lahat ng mga taong tapat sa bagong sistema ng mga bagay ay magiging maligaya?
[Larawan sa pahina 16]
Maraming sister na walang-asawa ang maligayang naglilingkod kay Jehova bilang buong-panahong mga ministro
[Larawan sa pahina 18]
Ang paglilingkod sa mga kapakanan ni Jehova ang pangunahing pinagmumulan ng kaligayahan