Ang Mesiyas—Isang Tunay na Pag-asa Ba?
Moises ang itinawag niya sa kaniyang sarili. Bagaman gayon, ang kaniyang tunay na pangalan ay nakalimutan na sa kasaysayan. Noong ikalimang siglo C.E., siya’y naglakbay sa buong kapuluan ng Creta, kinukumbinsi ang mga Judio roon na siya ang mesiyas na kanilang hinihintay. Sinabi niya sa kanila na hindi na magtatagal at ang kanilang kaapihan, ang kanilang pagkatapon at pagkabihag ay matatapos na. Sila’y naniwala. Nang ang araw ng kalayaan ay dumating sa kanila, ang mga Judio ay sumunod kay “Moises” sa isang lungos na nakapanunghay sa Dagat Mediteraneo. Kaniyang sinabihan sila na ang kailangan lamang ay lumundag sila sa dagat at iyon ay mahahati sa harapan nila. Marami ang sumunod, lumundag nga sa dagat na hindi naman nahati. Napakarami ang nalunod; ang iba ay sinagip ng mga marinero at mga mangingisda. Subalit, si Moises ay hindi natagpuan saanman. Wala na ang mesiyas na iyon.
ANO ba ang isang mesiyas? Ang mga salitang “tagapagligtas,” “manunubos,” at “lider,” ay magugunita. Ang akala ng maraming tao ang isang mesiyas ay isang pinagmumulan ng pag-asa at may debosyon sa kaniyang mga tagasunod, nangangako na aakayin sila mula sa pagkaapi tungo sa kalayaan. Yamang ang kasaysayan ng tao sa kalakhang bahagi ay isang kasaysayan ng pagkaapi, hindi nga kataka-taka na marami ng gayong mesiyas ang lumitaw sa lumipas na mga siglo. (Ihambing ang Eclesiastes 8:9.) Subalit katulad ng nagpanggap na Moises ng Creta, ang mga mesiyas na ito kadalasan ay umakay sa kanilang mga tagasunod sa pagkabigo at kapahamakan imbes na sa kalayaan.
“Ito ang Haring Mesiyas!” Ganiyan ang bati ng pinagpipitagang rabi Akiba ben Joseph kay Simeon Bar Kokhba noong taóng 132 C. E. Si Bar Kokhba ay isang makapangyarihang lalaki na komandante ng isang malakas na hukbo. Narito sa wakas, ang taong tatapos ng kanilang matagal na pagkaapi sa kamay ng Pandaigdig na Kapangyarihan ng Roma, sa palagay ng maraming Judio. Nabigo si Bar Kokhba; daan-daang libo ng kaniyang mga kababayan ang nagbuwis ng kanilang buhay dahil sa pagkabigong iyon.
Noong ika-12 siglo, isa pang mesiyas na Judio ang bumangon, ngayon ay sa Yemen. Nang ang caliph, o pinunò, ay humingi sa kaniya ng isang tanda ng kaniyang pagka-mesiyas, iminungkahi ng mesiyas na ito na siya’y papugutan ng ulo ng caliph at hayaang ang kaniyang dagling pagkabuhay-muli ang magsilbing tanda. Ang caliph ay sumang-ayon sa plano—at iyan ang wakas ng mesiyas ng Yemen. Sa siglo ring iyan, ang isang lalaking nagngangalang David Alroy ay nagsabi sa mga Judio sa Gitnang Silangan na sila’y maghanda na sumunod sa kaniya samantalang nakasakay sa mga pakpak ng mga anghel sa pagbalik sa Banal na Lupain. Marami ang naniwala na siya ang mesiyas. Ang mga Judio ng Baghdad ay matiyagang naghintay sa itaas ng kanilang mga bubong, habang sila’y walang malay na ninanakawan ng kanilang ari-arian.
Sa Smirna bumangon si Sabbatai Zevi noong ika-17 siglo. Kaniyang inihayag ang kaniyang pagka-mesiyas sa mga Judio sa buong Europa. Ang mga Kristiyano rin ay nakinig sa kaniya. Ang kaniyang mga tagasunod ay inalok ni Zevi ng kalayaan—maliwanag na kaniyang pinayagan sila na mamihasa sa patuloy na pagkakasala. Ang kaniyang pinakamalalapit na mga tagasunod ay nagsigawa ng walang patumanggang paglalasingan, paghuhubad, pakikiapid, at insesto, pagkatapos ay pinarurusahan ang kanilang sarili ng pagbugbog, ng pagpapagulung-gulong nang hubad sa niyebe, at pagbabaon sa kanilang sarili nang hanggang leeg sa malamig na lupa. Nang siya’y maglakbay sa Turkey, si Zevi ay dinakip at pinagsabihan na siya’y kailangang makumberte sa Islam o mamatay. Siya’y napakumberte. Marami sa kaniyang mga deboto ang nagkawatak-watak. Gayunman, sa sumunod na dalawang siglo, si Zevi ay tinatawag pa ring mesiyas ng iba.
Ang Sangkakristiyanuhan ay mayroon ding mga mesiyas. Noong ika-12 siglo, isang lalaking nagngangalang Tanchelm ang nagtayo ng isang hukbo ng mga tagasunod at kanilang sinakop ang bayan ng Antwerp. Isang diyos ang tawag ng mesiyas na ito sa kaniyang sarili; maging ang kaniyang sariling tubig-pampaligo ay ipinagbili niya upang inumin ng kaniyang mga tagasunod bilang isang sakramento! Ang isa pang mesiyas na “Kristiyano” ay si Thomas Müntzer ng Alemanya noong ika-16 na siglo. Siya’y nanguna sa isang himagsikan laban sa lokal na mga awtoridad ng bayan, at sinabi sa kaniyang mga tagasunod na ito ang digmaan ng Armagedon. Kaniyang ipinangako na kaniyang sasaluhin sa kaniyang mga manggas ang mga bala ng kanyon ng mga kaaway. Sa halip, ang kaniyang mga tauhan ay pinagpapatay, at si Müntzer ay pinugutan ng ulo. Maraming ganiyang mga mesiyas ang bumangon sa Sangkakristiyanuhan sa lumipas na daan-daang taon.
Ang ibang mga relihiyon din ay may kani-kanilang mesiyas. Itinuturo ng Islam ang Mahdi, o isang may wastong patnubay, na magpapasok ng isang panahon ng katarungan. Sa Hinduismo, ang iba ay nag-angkin na mga avatar, o mga pagkakatawang-tao, ng iba’t ibang diyos. At, gaya ng binabanggit ng the New Encyclopædia Britannica, “kahit na ang di-mesianikong relihiyon na gaya ng Buddhismo ay lumikha ng paniniwala, sa gitna ng mga grupong Mahāyāna, sa hinaharap na Buddha Maitreya na bababa buhat sa kaniyang makalangit na tirahan at dadalhin sa paraiso ang mga tapat.”
Mga Mesiyas sa Ika-20 Siglo
Sa ating sariling panahon, higit kailanman ay lalong kailangan ang isang tunay na mesiyas; hindi nga kataka-taka, kung gayon, na marami ang umaangkin ng titulong iyan. Sa African Congo noong dekada ng 1920, ’30 at ’40, si Simon Kimbangu at ang humalili sa kaniya na si Andre “Jesus” Matswa ay ipinagbunyi bilang mga mesiyas. Sila’y namatay, subalit ang kanilang mga tagasunod ay umaasa pa rin na sila’y babalik at magpapairal ng milenyo sa Aprika.
Nasaksihan din sa siglong ito ang pagbangon ng mga “cargo cult” sa New Guinea at Melanesia. Ang mga miyembro ay umaasang may darating doon na isang barko o isang eroplano, na ang mga tauhan ay tulad-mesiyas na mga puti na magpapayaman sa kanila at magpapairal ng isang panahon ng kaligayahan na doon maging ang mga patay ay babangon.
Ang industriyalisadong mga bansa ay mayroon din ng kanilang mesiyas. Ang ilan ay mga lider ng relihiyon, tulad halimbawa ni Sun Myung Moon, isang nagpapanggap na kahalili ni Jesu-Kristo na ang layunin ay linisin ang sanlibutan sa pamamagitan ng isang nagkakaisang pamilya ng kaniyang mga deboto. Ang mga lider sa pulitika ay nagsikap din na mapalagay sa katayuang mesianiko, ang totoong kilabot sa siglong ito ay si Adolf Hitler na may kaniyang ipinangangalandakang Sanlibong Taóng Imperyo.
Ang pulitikal na mga pilosopya at mga organisasyon ay napasakalagayan din ng pagka-mesiyas. Halimbawa, sa The Encyclopedia Americana ay binabanggit na ang Marxista-Leninista na teorya sa pulitika ay nagmumungkahi ng isang mesiyas. At ang organisasyon ng Nagkakaisang mga Bansa, na malawakang pinupuri bilang ang tanging pag-asa sa kapayapaan ng daigdig, ay waring sa isip ng marami ay naging isang kahaliling mesiyas.
Isang Tunay na Pag-asa Ba?
Ang maikling pagmamasid na ito ay nagpapaliwanag lamang na ang kasaysayan ng mesianikong mga kilusan sa kalakhang bahagi ay isang kasaysayan ng panlilinlang, ng bigong mga pag-asa at maling pangarap. Kung gayon, hindi nga kataka-taka na maraming tao sa ngayon ang naging mapang-uyam tungkol sa pag-asa sa isang mesiyas.
Gayunman, bago tuluyang iwaksi ang mesianikong pag-asa, dapat muna nating matutuhan kung saan ito nanggaling. Sa katunayan, ang “mesiyas” ay isang salita sa Bibliya. Ang salitang Hebreo ay ma·shiʹach, o “pinahiran.” Sa Bibliya noong nakalipas na mga panahon, ang mga hari at mga saserdote ay hinihirang kung minsan sa kanilang mga posisyon sa pamamagitan ng isang seremonya ng pagpapahid, na dito’y isang mabangong langis ang ibinubuhos sa ulo. Kaya naman ang terminong ma·shiʹach ay tamang ikapit sa kanila. Mayroon ding mga lalaki na pinahiran, o hinirang sa isang natatanging posisyon, nang walang anumang seremonya ng pagpapahid. Si Moises ay tinatawag na “Kristo,” o “isang pinahiran,” sa Hebreo 11:24-26, sapagkat siya’y pinili bilang propeta at kinatawan ng Diyos.
Ang kahulugang ito ng Mesiyas bilang “isang pinahiran” ang nagpapakitang naiiba ang mga mesiyas ng Bibliya sa mga huwad na mesiyas na atin nang tinalakay. Ang mga mesiyas ng Bibliya ay hindi sarili nila ang humirang; ni sila man ay pinili ng isang masa ng humahangang mga tagasunod. Hindi, sila’y inatasan buhat sa itaas, ng Diyos na Jehova mismo.
Samantalang sa Bibliya’y maraming binabanggit na mga mesiyas, may isang dinarakila ito kaysa mga iba. (Awit 45:7) Ang Mesiyas na ito ay may pangunahing papel sa hula ng Bibliya, ang susi sa katuparan ng lubhang nakaaantig na mga pangako ng Bibliya. At ang Mesiyas na ito ay talagang nakikipagpunyagi sa mga suliranin na napapaharap sa atin sa ngayon.
Ang Tagapagligtas ng Sangkatauhan
Ang Mesiyas ng Bibliya ay nakikitungo sa mga suliranin ng sangkatauhan sa pamamagitan ng pagtungo sa pinaka-ugat ng mga ito. Nang ang ating unang mga magulang, si Adan at si Eva, ay maghimagsik laban sa Maylikha sa pagpapasimuno ng rebeldeng espiritung nilalang na si Satanas, kanila na halos kinakamkam ang talagang karapatan ng pamahalaan. Nais nila na sila ang magpasiya kung ano ang tama at kung ano ang mali. Sa ganoon ay lumabag sila sa maibigin, nagbibigay-proteksiyong pamahalaan ni Jehova at ibinulusok ang sangkatauhan sa masalimuot na kaguluhan at kaabahan ng sariling pamamahala, di-kasakdalan, at kamatayan.—Roma 5:12.
Kung gayon, anong laking pag-ibig nga na pinili ng Diyos na Jehova ang madilim na sandaling iyon sa kasaysayan ng tao upang bigyan ng silahis ng pag-asa ang sangkatauhan. Sa pagsesentensiya sa mga taong naghimagsik, inihula ng Diyos na ang kanilang supling ay magkakaroon ng isang tagasagip. Tinutukoy iyon bilang ang “binhi,” gigibain ng Tagapagligtas na ito ang kakila-kilabot na ginawa roon sa Eden ni Satanas; susugatan ng Binhi ang “ahas” na iyon, si Satanas, sa ulo, dudurugin siya upang malipol magpakailanman.—Genesis 3:14, 15.
Mula noong sinaunang mga panahon, nakilala ng mga Judio ang hulang ito bilang Mesianiko. Maraming Targum, mga pagpapakahulugang Judio sa Banal na Kasulatan na karaniwang ginagamit noong unang siglo, ang nagpaliwanag na ang hulang ito ay matutupad “sa araw ng Haring Mesiyas.”
Kung gayon, hindi nga kataka-taka na sa mismong pasimula, ang mga taong may pananampalataya ay nabighani sa pangako ng isang darating na Binhi, o Tagapagligtas. Gunigunihin lamang ang nadama ni Abraham nang sabihan siya ni Jehova na ang Binhi ay darating sa pamamagitan ng kaniyang sariling talaangkanan, at na ang “lahat ng bansa sa lupa”—hindi lamang ang kaniyang sariling mga inapo—ay “magpapala sa kanilang sarili” sa pamamagitan ng Binhing iyan.—Genesis 22:17, 18.
Ang Mesiyas at ang Pamahalaan
Sa mga hula noong huli ang pag-asang ito ay iniugnay sa mabuting pamahalaan. Sa Genesis 49:10, ang apo-sa-tuhod ni Abraham na si Juda ay pinagsabihan: “Ang setro ay hindi mahihiwalay sa Juda, ni ang tungkod ng pagkapunò sa pagitan ng kaniyang mga paa, hanggang sa ang Shiloh ay dumating; at sa kaniya tatalima ang mga bayan.” Maliwanag, ang “Shiloh” na ito ay mamamahala—at siya’y mamamahala hindi lamang sa mga Judio kundi sa “mga bayan.” (Ihambing ang Daniel 7:13, 14.) Ang Shiloh ay nakilala ng sinaunang mga Judio bilang ang Mesiyas; sa katunayan, sa ilan sa mga Targum ng mga Judio ang salitang “Shiloh” ay hinalinhan ng salitang “Mesiyas” o “ang haring Mesiyas.”
Samantalang ang kinasihang hula ay nagpapatuloy na magliwanag, marami pa ang nahayag tungkol sa paghahari ng Mesiyas na ito. (Kawikaan 4:18) Sa 2 Samuel 7:12-16, si Haring David, isang inapo ni Juda, ay pinagsabihan na sa kaniyang angkan manggagaling ang Binhi. Isa pa, ang Binhing ito ay magiging isang pambihirang Hari. Ang kaniyang trono, o paghahari, ay magpapatuloy magpakailanman! Ang Isaias 9:6, 7 ay umaalalay sa puntong ito: “Sa atin ay ipinanganak ang isang bata, sa atin ay ibinigay ang isang anak na lalaki; at ang maharlikang pamamahala [“pamahalaan,” King James Version] ay maaatang sa kaniyang balikat. . . . Ang paglago ng maharlikang pamamahala at ng kapayapaan ay hindi magkakaroon ng wakas, sa trono ni David at sa kaniyang kaharian upang itatag at upang alalayan ng katarungan at ng katuwiran, mula ngayon hanggang sa magpakailanman. Isasagawa ito ng sikap ni Jehova ng mga hukbo.”
Iyo bang naguguniguni ang gayong pamahalaan? Isang makatarungan, matuwid na pinunò na nagtatatag ng kapayapaan at naghahari magpakailanman. Malayung-malayo sa nakalulungkot na sunud-sunod na mga bulaang mesiyas sa kasaysayan! Palibhasa hindi isang manlilinlang, nagpapanggap na lider, ang Mesiyas ng Bibliya ay isang pandaigdig na pinunò na taglay ang lahat ng kapangyarihan at awtoridad na kailangan upang baguhin ang mga kalagayan sa daigdig.
Ang ganitong pag-asa ay lubhang makahulugan sa ating maligalig na kapanahunan. Ngayon kailangang-kailangan ng sangkatauhan ang gayong pag-asa. Yamang totoong madali na mahila ng mga maling pag-asa ngayon, mahalaga na bawat isa sa atin ay gumawa ng maingat na pag-aaral ng tanong na ito: Si Jesus ba ng Nasaret ang inihulang Mesiyas gaya ng paniwala ng marami? Ang sumusunod na artikulo ang tatalakay sa bagay na ito.
[Kahon sa pahina 6]
Isa Bang Mesiyas sa Brooklyn?
Mga karatula, mga kartelon, at mga neon signs sa Israel ang kamakailan ay naghayag na “Maghanda sa pagdating ng Mesiyas.” Itong $400,000 na publisidad na kampanyang ito ay proyekto ng Lubavitchers, isang ultraortodoksong sekta ng Hasidikong mga Judio. May malaganap na paniniwala sa gitna ng 250,000-miyembrong grupo na ang kanilang kilalang rabi, si Menachem Mendel Schneerson ng Brooklyn, New York, ang siyang Mesiyas. Bakit? Itinuturo ni Schneerson na ang Mesiyas ay darating sa salinlahing ito. At sang-ayon sa magasing Newsweek, iginigiit ng mga opisyales ng Lubavitchers na ang 90-taóng-gulang na rabi ay hindi mamamatay bago dumating ang Mesiyas. Sa loob ng daan-daang mga taon ang sekta ay nagturo na bawat salinlahi ay may isinisibol na humigit-kumulang isang taong kuwalipikadong maging Mesiyas. Si Schneerson ay waring siyang gayong tao sa kaniyang mga tagasunod, at siya’y walang inatasang humalili sa kaniya. Gayunman, bilang Mesiyas ay hindi siya tinatanggap ng karamihan ng mga Judio, ang sabi ng Newsweek. Sang-ayon sa pahayagang Newsday, siya’y tinaguriang isang “bulaang mesiyas” ng 96-na-taóng-gulang na karibal niyang rabi na si Eliezer Schach.
[Larawan sa pahina 7]
Ang paniniwala na si Moises ng Creta ang mesiyas ay pinagbayaran ng maraming tao ng kanilang buhay