“Patuloy na Lumakad na Gaya ng mga Anak ng Liwanag”
“Kayo’y magbihis ng bagong pagkatao na nilikha ayon sa kalooban ng Diyos sa tunay na katuwiran at katapatan.”—EFESO 4:24.
1. Sa ano pinagpala ang mga sumasamba kay Jehova? Bakit?
ANG Diyos na Jehova “ang Ama ng makalangit na liwanag,” at “walang anumang kadiliman sa kaniya.” (Santiago 1:17; 1 Juan 1:5) Ang Kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, ay nagsabi tungkol sa kaniyang sarili: “Ako ang ilaw ng sanlibutan. Ang sumusunod sa akin ay sa anumang paraan hindi lalakad sa kadiliman, kundi magkakaroon ng ilaw ng buhay.” (Juan 8:12) Ang tunay na mga sumasamba kay Jehova, ang mga tagasunod ng kaniyang Anak, samakatuwid ay pinagpala sa pagkakaroon ng kaliwanagan—mental, moral, at espirituwal—at sila ay “sumisikat bilang mga ilaw sa sanlibutan.”—Filipos 2:15.
2. Anong pagkakaiba ng bayan ng Diyos at ng sanlibutan ang inihula?
2 Malaon nang panahon, si propeta Isaias ay kinasihan na humula tungkol sa pagkakaibang ito: “Narito! tatakpan ng kadiliman ang lupa, at ng pusikit na dilim ang mga bayan; ngunit sisikat sa iyo si Jehova, at makikita sa iyo ang kaniya mismong kaluwalhatian.” Ang totoo, lahat ng tao na hiwalay sa Diyos ay tinutukoy na nasa ilalim ng kapangyarihan at impluwensiya ng “pansanlibutang mga tagapamahala ng kadilimang ito.”—Isaias 60:2; Efeso 6:12.
3. Sa anong mga dahilan lubhang interesado tayo sa napapanahong payo ni Pablo?
3 Lubhang interesado si apostol Pablo na ang kaniyang mga kapuwa Kristiyano ay manatiling malaya buhat sa gayong kadiliman. Kaniyang ipinayo na sila’y ‘huwag nang lumakad na gaya ng mga bansa’ kundi sila’y “patuloy na lumakad na gaya ng mga anak ng liwanag.” (Efeso 4:17; 5:8) Kaniya ring ipinaliwanag kung paano sila magtatagumpay sa paggawa nito. Sa ngayon, ang kadiliman at pusikit na dilim na nakatakip sa mga bansa ay lalong tumindi. Ang sanlibutan ay lalong napabaon sa pusali ng kakulangan sa kalinisang-asal at sa espirituwal. Ang mga sumasamba kay Jehova ay patuloy na napapaharap sa isang lalong mahigpit na pakikipagbaka. Samakatuwid, tayo’y lubhang interesado sa sinasabi ni Pablo.
Matuto Tungkol sa Kristo
4. Ano ang nasa isip ni Pablo nang kaniyang sabihin: “Kayo’y hindi nangatuto na ganiyan ang Kristo”?
4 Pagkatapos talakayin ang walang kabuluhang tunguhin at karumihan ng sanlibutan, si apostol Pablo ay muling nagbaling ng pansin sa kaniyang mga kapuwa Kristiyano sa Efeso. (Pakibasa ang Efeso 4:20, 21.) Mga tatlong taon na si Pablo ay nangaral at nagturo sa lunsod na iyan, at tiyak na personal na nakikilala niya ang marami sa kongregasyon. (Gawa 20:31-35) Sa gayon, nang kaniyang sabihin, “Kayo’y hindi nangatuto na ganiyan ang Kristo,” siya’y nagpapahayag ng kaniyang personal na kaalaman na ang mga Kristiyano sa Efeso ay hindi tinuruan ng maluwag, binawasang bersiyon ng katotohanan na nagpapahintulot sa malulubhang gawang masama na kaniyang tinalakay sa talatang 17 hanggang 19. Batid niya na sila’y angkop at tumpak na naturuan ng tunay na paraan ng pamumuhay Kristiyano gaya ng ipinakitang halimbawa ni Jesu-Kristo. Kaya naman, sila’y hindi na lumalakad sa kadiliman na gaya ng mga bansa, kundi sila ay mga anak ng liwanag.
5. Ano ang pagkakaiba ng pagiging nasa katotohanan at pagiging nasa atin ang katotohanan?
5 Anong pagkahala-halaga, kung gayon, na ‘matutuhan ang Kristo’ sa tamang paraan! Mayroon bang maling mga paraan na hindi talagang umaakay sa atin na matutunan ang Kristo? Oo, mayroon. Una rito, sa Efeso 4:14, ang mga kapatid ay pinaalalahanan ni Pablo: “Tayo ay huwag nang maging mga sanggol pa, na sinisiklut-siklot ng mga alon at tinatangay ng bawat hangin ng turo sa pamamagitan ng pagdaraya ng mga tao, ng katusuhan sa panlilinlang.” Maliwanag na may ilan na natuto tungkol sa Kristo ngunit lumalakad pa rin sa mga daan ng sanlibutan at hinikayat pa ang iba na gumawa ng gayon. Nakikita ba natin dito ang panganib ng basta nasa katotohanan lamang, gaya ng pagkagamit ng ilan sa pananalita, bilang naiiba sa pagiging nasa atin ang katotohanan? Noong kaarawan ni Pablo ang mga may mababaw na unawa ay madali at mabilis na naakit ng iba, at ganiyan din ang totoo sa ngayon. Upang maiwasan ito, si Pablo ay patuloy na nagsabi na kailangang ang mga taga-Efeso’y ‘nakapakinig kay Kristo at naturuan sa pamamagitan ni Jesus.’—Efeso 4:21.
6. Papaano tayo maaaring matuto, makapakinig, at maturuan ng Kristo sa ngayon?
6 Ang pananalitang ‘matuto,’ ‘makapakinig,’ at ‘maturuan’ na ginamit ni Pablo ay pawang nagpapahiwatig ng isang paraan ng pag-aaral at pagtuturo, gaya sa isang paaralan. Mangyari pa, tayo ay hindi maaaring makapakinig, matuto, o maturuan nang tuwiran ni Jesus mismo sa ngayon. Subalit siya ay nangunguna sa isang pandaigdig na kampanya sa pagtuturo ng Bibliya sa pamamagitan ng kaniyang “tapat at maingat na alipin.” (Mateo 24:45-47; 28:19, 20) Ating ‘matututuhan ang Kristo’ nang nararapat at tumpak kung tayo’y regular na kukuha ng napapanahong espirituwal na pagkaing laan ng uring alipin, masikap na pag-aaralan iyon nang personal o sa isang kongregasyon, bubulay-bulayin iyon, at ikakapit ang ating natutuhan. Tiyakin natin na ating lubusang ginagamit ang lahat ng paglalaan upang totohanang masabi natin na tayo’y ‘nakapakinig sa kaniya at naturuan sa pamamagitan niya.’
7. Ano ang maipangangahulugan sa mga salita ni Pablo na, ang “katotohanan ay nasa kay Jesus”?
7 Kapuna-puna na sa Efeso 4:21, pagkatapos idiin ang paraan ng pagkatuto, isinusog ni Pablo: “Gaya kung papaano ang katotohanan ay nasa kay Jesus.” Ang ilang mga komentarista sa Bibliya ay tumatawag ng pansin sa bagay na bihirang ginamit ni Pablo sa kaniyang mga sulat ang basta personal na pangalang Jesus. Tunay, ito ang tanging halimbawa ng gayong pagkagamit sa liham sa mga taga-Efeso. Mayroon bang anumang natatanging kahulugan ito? Marahil itinatawag-pansin ni Pablo ang halimbawa na ipinakita ni Jesus bilang isang tao. Alalahanin na minsan ay sinabi ni Jesus tungkol sa kaniyang sarili: “Ako ang daan at ang katotohanan at ang buhay.” (Juan 14:6; Colosas 2:3) Sinabi ni Jesus: “Ako . . . ang katotohanan” sapagkat hindi niya sinalita lamang at itinuro iyon kundi namuhay siya at sinunod iyon upang siya’y magsilbing halimbawa. Oo, ang tunay na pagka-Kristiyano ay hindi lamang isang idea kundi isang paraan ng buhay. Sa ‘pagkatuto sa Kristo’ ay kasali ang pagkatuto na matularan siya sa pamumuhay ayon sa katotohanan. Sinusunod mo bang halimbawa sa buhay mo si Jesus? Maingat bang sinusunod mo sa araw-araw ang kaniyang mga yapak? Sa paggawa lamang ng ganiyan makapagpapatuloy tayo ng paglakad na gaya ng mga anak ng liwanag.
“Iwan ang Dating Pagkatao”
8. Anong ilustrasyon ang ginamit ni Pablo sa Efeso 4:22, 24, at bakit angkop iyon?
8 Upang ipakita kung papaanong tayo’y matagumpay na ‘matuto sa Kristo’ at makalakad na gaya ng mga anak ng liwanag, si Pablo ay nagpatuloy ng pagsasabi, sa Efeso 4:22-24, na may tatlong iba’t ibang hakbang na kailangang sundin natin. Ang una ay ito: “Iwan ang dating pagkatao na naayon sa inyong dating pag-uugali at patuloy na sumasamâ ayon sa kaniyang mapandayang mga pita.” (Efeso 4:22) Ang pananalitang “iwan” (“hubarin,” Kingdom Interlinear) at “isuot” (talatang 24) ay nagbibigay ng larawan sa kaisipan ng paghuhubad at pagsusuot ng isang kasuutan. Ito ay isang paghahambing na malimit na ginagamit ni Pablo, at epektibo. (Roma 13:12, 14; Efeso 6:11-17; Colosas 3:8-12; 1 Tesalonica 5:8) Pagka ang ating kasuutan ay namantsahan o narumihan, tulad halimbawa kung kumakain tayo, pinapalitan natin iyon kaagad kung maaari. Hindi ba dapat na tayo’y nababahala rin pagka narungisan ang ating espirituwal na kalagayan?
9. Sa papaano iniiwan ng isa ang dating pagkatao?
9 Papaano, kung gayon, iniiwan ng isa ang dating pagkatao? Ang pandiwa na “iwan” sa orihinal na wika ay nasa tinatawag na panahunang aorist. Ito’y nagpapakita ng pagkilos na ginagawa nang minsanan lamang o minsanan at magpakailanman. Sinasabi nito sa atin na ang “dating pagkatao” (“matandang lalaki,” Kingdom Interlinear), lakip na ang ating “dating pag-uugali,” ay kailangang iwan na taglay ang isang tiyak at desididong pagkilos, lubusan at lahat-lahat na. Ito’y hindi isang bagay na ating matagumpay na bubulay-bulayin o pag-aalinlanganan. Bakit hindi?
10. Bakit kailangang ang isa’y maging matatag at desidido sa pag-iiwan sa dating pagkatao?
10 Ang pananalitang “patuloy na sumasamâ” ay nagpapakita na “ang matandang lalaki” ay nasa isang walang tigil at patuloy na pagbaba ng moral, buhat sa masama tungo sa lalong masama. Sa katunayan, dahilan sa pagtanggi sa espirituwal na kaliwanagan, ang sangkatauhan ay parang likaw na umuurong pababa. Ito ay resulta ng “mapandayang mga pita,” ang sabi ni Pablo. Ang mga pita ng laman ay mapandaya sapagkat para bang hindi nakapagdudulot ng pinsala, subalit sa bandang huli ay nagpapahamak. (Hebreo 3:13) Kung hindi susugpuin, ang wakas ay pagkakasala at kamatayan. (Roma 6:21; 8:13) Iyan ang dahilan kung bakit ang dating pagkatao ay kailangang iwan, tiyak na hubarin at alisin lahat, kung papaano hinuhubad ang isang luma, maruming kasuutan.
Isang Bagong “Espiritu ng Isip”
11. Saan kailangang magsimula ang espirituwal na pagbabago?
11 Ang isang tao na umaahon sa putikan ay hindi lamang nangangailangang maghubad ng kaniyang maruming damit kundi lubusang maghugas din ng kaniyang sarili bago siya magbihis ng bago at malinis na kasuutan. Iyang-iyan ang binalangkas ni Pablo bilang pangalawang hakbang sa espirituwal na kaliwanagan: “Kayo’y mangagbago sa puwersang nagpapakilos ng inyong isip.” (Efeso 4:23) Gaya ng binanggit na niya, sa mga Efe 4 talatang 17 at 18, ang mga bansa ay nagsisilakad “sa kawalang-kabuluhan ng kanilang mga isip” at “nasa kadiliman ng pag-iisip.” Makatuwiran, ang isip, ang sentrong pandama at pang-unawa, ang dapat pagsimulan ng pagbabago. Papaano magagawa ito? Ipinaliwanag ni Pablo na ito’y sa pamamagitan ng pagbabago sa puwersang nagpapakilos sa ating isip. Ano ba ang puwersang iyon?
12. Ano ang puwersang nagpapakilos sa isip?
12 Ang puwersa bang nagpapakilos sa ating isip, na tinutukoy ni Pablo, ay ang banal na espiritu? Hindi. Ang pariralang “ang puwersang nagpapakilos sa inyong isip” ay literal na nangangahulugang “ang espiritu ng isip ninyo.” Saanman sa Bibliya ang banal na espiritu ng Diyos ay hindi tinutukoy na taglay ng isang tao o ng bahagi ng isang tao. Ang salitang “espiritu” ay simpleng nangangahulugan na “hininga,” subalit ito’y ginagamit din sa Bibliya “upang tumukoy sa puwersa na nagpapangyari sa isang tao na magpakita ng isang saloobin, disposisyon, o emosyon o gumawa ng isang pagkilos o hakbang.” (Insight on the Scriptures, Tomo 2, pahina 1026) Samakatuwid “ang espiritu ng isip” ay ang puwersa na nagpapaging aktibo o nagpapakilos sa ating isip, ang ating sariling tendensiya at hilig ng isip.
13. Bakit kailangang baguhin ang hilig ng ating isip?
13 Ang likas na tendensiya at hilig ng di-sakdal na isip ay tungo sa pisikal, makalaman, at materyalistikong mga bagay. (Eclesiastes 7:20; 1 Corinto 2:14; Colosas 1:21; 2:18) Kahit na kung ang isang tao ay nag-iwan na sa dating pagkatao pati na sa masasamang gawain nito, ang makasalanang hilig ng isip niya kung hindi binago ay sa malao’t madali magtutulak sa kaniya na bumalik sa kaniyang iniwan na. Hindi ba ito ang karanasan ng marami na sumubok, halimbawa, na huminto ng paninigarilyo, labis na pag-inom, o iba pang masasamang kinaugalian? Kung sila’y hindi gumawa ng pagsisikap na magbago sa puwersang nagpapakilos sa kanilang isip, halos hindi maiwasan ang pagbalik sa dati. Upang maging tunay ang pagbabago kailangan ang isang lubusang pagbabago ng isip.—Roma 12:2.
14. Papaano mababago ang puwersang nagpapakilos sa isip?
14 Papaano, kung gayon, binabago ng isa ang puwersang iyon upang maihilig niyaon ang kaisipan ng isang tao sa tamang direksiyon? Ang pandiwang “mangagbago” sa tekstong Griego ay nasa panahunang pangkasalukuyan, na nagpapahayag ng patuloy na pagkilos. Samakatuwid sa pamamagitan ng patuluyang pag-aaral ng Salitang katotohanan ng Diyos at pagbubulay-bulay sa kahulugan niyaon nagagawa na mabago ang nagpapakilos na puwersa. Sinasabi sa atin ng mga siyentipiko na sa ating utak, ang impormasyon sa anyo ng nakakodigong elektrikal o kemikal na mga senyales ay naglalakbay buhat sa neuron tungo sa susunod na neuron, tumatawid sa maraming mga koneksiyon na tinatawag na synapses. “Isang uri ng memorya ang nalilikha sa synapse ng nerbiyos pagka ang nakakodigong senyal ay dumaan doon, nag-iiwan ng indibiduwal na bakas,” ang sabi ng aklat na The Brain. Pagka ang ganoon ding senyal ang dumaan sa susunod na pagkakataon, ito’y nakikilala ng mga selula ng nerbiyos at tumutugon nang lalong matulin. Sa takdang panahon, ito ay lumilikha sa indibiduwal ng isang bagong kaayusan ng pag-iisip. Samantalang tayo’y nagpapatuloy ng pagkuha ng kapaki-pakinabang na impormasyong espirituwal, isang bagong kaayusan ng kaisipan ang nabubuo, at ang puwersang nagpapakilos sa ating isip ay nababago.—Filipos 4:8.
“Magbihis ng Bagong Pagkatao”
15. Sa anong diwa bago ang bagong pagkatao?
15 Sa wakas, sinasabi ni Pablo: “[Kayo] ay magbihis ng bagong pagkatao na nilikha ayon sa kalooban ng Diyos sa tunay na katuwiran at katapatan.” (Efeso 4:24) Oo, ang isang Kristiyano ay nagbibihis ng isang bagong pagkatao. Ang “bago” rito ay tumutukoy, hindi sa panahon, kundi sa kaurian. Ang ibig sabihin, iyon ay hindi bago sa diwa na pagiging ang pinakabagong bersiyon. Iyon ay isang lubusang bago, panibagong pagkatao na “nilikha ayon sa kalooban ng Diyos.” Sa Colosas 3:10, ginamit ni Pablo ang nahahawig na pananalita at sinabi na iyon ay “nagbabago ayon sa larawan ng Isa na lumalang nito.” Papaano nangyayari na magkaroon ng bagong pagkataong ito?
16. Bakit masasabi na ang bagong pagkatao ay “nilikha ayon sa kalooban ng Diyos”?
16 Nilalang ng Diyos na Jehova ang unang mag-asawa, si Adan at si Eva, ayon sa Kaniyang larawan at wangis. Sila’y sinangkapan ng moral at espirituwal na mga katangian na nagbubukod sa kanila at nasa kalagayang lubhang mataas sa nilalang na mga hayop. (Genesis 1:26, 27) Bagaman ang kanilang paghihimagsik ang nagpabulusok sa lahat ng tao sa kasalanan at di-kasakdalan, tayo, bilang mga inapo ni Adan, ay mayroon pa ring kakayahan na magpakita ng mga katangiang moral at espirituwal. Kalooban ng Diyos na alisin na niyaong mga may pananampalataya sa haing pantubos ang kanilang dating pagkatao at tamasahin “ang maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos.”—Roma 6:6; 8:19-21; Galacia 5:1, 24.
17. Bakit ang katuwiran at ang katapatan ay mahalagang mga katangian ng bagong pagkatao?
17 Ang tunay na katuwiran at katapatan ang dalawang katangian na tinukoy ni Pablo na makikita sa bagong pagkatao. Idinidiin pa rin nito na ang bagong pagkatao ay nagbabago ayon sa larawan ng Isa na lumalang nito. Sinasabi sa atin ng Awit 145:17: “Si Jehova ay matuwid sa lahat ng kaniyang lakad at tapat sa lahat ng kaniyang gawa.” Sinasabi ng Apocalipsis 16:5 tungkol kay Jehova: “Ikaw, ang Isa na ngayon at nang nakaraan, ang Isa na tapat, ay matuwid.” Tunay, ang katuwiran at katapatan ay mahalagang mga katangian kung tayo’y nagnanasang mamuhay ayon sa pagkalalang sa atin na kalarawan ng Diyos, nagpapasikat ng kaniyang kaluwalhatian. Harinawang tayo’y maging katulad ni Zacarias, ang ama ni Juan Bautista, na pinakilos ng banal na espiritu na pumuri sa Diyos sa pagkakaloob sa kaniyang bayan ng “pribilehiyo na walang takot na mag-ukol sa kaniya ng banal na paglilingkod nang may katapatan at katuwiran.”—Lucas 1:74, 75.
“Patuloy na Lumakad na Gaya ng mga Anak ng Liwanag”
18. Papaano tayo natulungan ni Pablo na makita kung ano talaga ang mga lakad ng sanlibutan?
18 Pagkatapos isaalang-alang nang detalyado ang mga salita ni Pablo sa Efeso 4:17-24, malaki ang dapat pag-isipan. Sa Efe 4 talatang 17 hanggang 19, tayo’y tinutulungan ni Pablo na makita kung ano talaga ang mga lakad ng sanlibutan. Sa pagtanggi sa kaalaman ng Diyos at sa pagpapatigas ng kanilang mga puso may kaugnayan sa kaniya, ang mga nasa sanlibutan pa ay naghiwalay ng kanilang sarili sa tunay na pinagmumulan ng buhay. Kaya naman, kung walang tunay na layunin o tunguhin, ang kanilang mga pagsusumikap ay nagwawakas sa kamangmangan at kabiguan. Sila’y patuloy na lumulubog patungo sa pagkasaid ng moral at espirituwal. Anong kaawa-awang kalagayan! At anong napakatibay na dahilan upang tayo’y maging desididong magpatuloy ng paglakad na gaya ng mga anak ng liwanag!
19. Anong pangkatapusang pampatibay-loob ang ibinibigay ni Pablo upang tayo’y patuloy na lumakad na gaya ng mga anak ng liwanag?
19 Pagkatapos, sa Efe 4 talatang 20 at 21, idiniriin ni Pablo ang kahalagahan ng puspusang pagkatuto ng katotohanan anupat tayo ay hindi lamang nasa katotohanan kundi ikinakapit din ito gaya ng ginawa ni Jesus. Sa wakas, sa Efe 4 talatang 22 hanggang 24, kaniyang pinapayuhan tayo na hubarin ang dating pagkatao at magbihis ng bago—maging desidido, matatag. Samantala, ang mga hilig ng ating isip ay patuloy na ibaling natin sa isang kapaki-pakinabang, espirituwal na tunguhin. Higit sa lahat, tayo’y kailangang humingi ng tulong kay Jehova samantalang tayo’y patuloy na lumalakad na gaya ng mga anak ng liwanag. “Sapagkat ang Diyos ang nagsabi: ‘Magningning ang liwanag sa kadiliman,’ at siya’y sumikat sa ating mga puso upang magbigay ng liwanag sa kanila ng maluwalhating pagkakilala sa Diyos sa pamamagitan ng mukha ni Kristo.”—2 Corinto 4:6.
Natatandaan Mo Ba?
◻ Papaano natin ‘matututuhan ang Kristo’ sa ngayon?
◻ Bakit kailangang maging desidido tayo na iwan ang dating pagkatao?
◻ Ano ang puwersang nagpapakilos sa isip, at papaano iyon binabago?
◻ Anong mga katangian ang tanda ng bagong pagkatao?
[Larawan sa pahina 15]
Sinabi ni Jesus: “Ako ang daan at ang katotohanan at ang buhay”
[Larawan sa pahina 16]
“Hubarin ang dating pagkatao kasama ang mga hilig nito— ang pagkapoot, galit, kasamaan, mapag-abusong pananalita, mahalay na pangungusap, at pagsisinungaling.—Colosas 3:8, 9
[Larawan sa pahina 17]
“Magbihis ng bagong pagkatao . . . na nilikha ayon sa kalooban ng Diyos sa tunay na katuwiran at katapatan.”—Efeso 4:24