Ang Karilagan ng Ulong May Uban
ANONG kapana-panabik na makausap ang sinaunang tapat na mga lalaki at mga babae! Gunigunihin na lamang ang pakikipag-usap sa mga lalaking gaya nina Noe, Abraham, Moises, at Juan Bautista, gayundin sa mga babaing tulad nina Sara, Rahab, Ruth, at Debora! Hindi ka ba mabibighaning mapakinggan sila sa kanilang paglalahad ng mismong nakita nilang mahahalagang pangyayari noong sinaunang panahon?
Kahit na ngayon, hindi ba magagalak kang mapakinggan ang tapat na mga may edad na sa paglalahad kung papaano sila at ang iba pa ay nakapanatili sa kanilang katapatan sa Diyos sa ilalim ng mga pagsubok, kasali na ang mga pagbabawal, panggugulpi, at pagkabilanggo dahil sa katuwiran? Oo, sigurado! Ang ating pag-ibig sa Diyos at ang ating pagpapahalaga sa kanila ay patuloy na lálakí habang kanilang inilalahad sa atin ang tungkol sa kanilang damdamin at lalo na sa kanilang taos-pusong pagpapahalaga sa maibiging pangangalaga ni Jehova.
Sa bayan ng Diyos, ang tapat na mga lalaki at mga babaing may edad na ay sa tuwina iginagalang dahil sa kanilang karanasan, kaalaman, at karunungan. Sa katunayan, ang sumusunod na tagubilin ay kasali sa Kautusan na ibinigay ng Diyos sa mga Israelita: “Titindig ka sa harap ng may uban, at magpapakita ka ng konsiderasyon sa pagkatao ng isang matandang lalaki, at katatakutan mo ang iyong Diyos. Ako ay si Jehova.” (Levitico 19:32) Ang salitang Hebreo para sa edad o katandaan ay nanggagaling sa isang ugat na nangangahulugang “magkauban” at isinasalin din na “ulong may uban.” Kaya ang mga Israelita ay inaasahang titindig bilang tanda ng paggalang sa isang nakatatandang tao, na ginagawa iyon taglay ang may-pakundangang takot sa Diyos.
Umiiral ba ngayon ang ganiyang paggalang? Halimbawa, ang mga kabataan ba ay magiliw na nagbubukas ng pinto para sa mga may edad? Ang kabataan ba o nakababatang mga adulto ay karaniwan nang nagbibigay ng kanilang lugar sa isang nakatatandang tao kung nasa isang púnuang elebeytor? O ang mga nakababata ba ay kalimitan nang nagbibigay ng kanilang upuan sa matatanda kung nasa isang siksikang bus o tren? Ang hindi paggawa ng ganiyang mga bagay ay napansin kahit na sa gitna ng mga Kristiyano.
Subalit, upang makalugod sa Diyos na Jehova, ang mga Kristiyano ay kailangan kumilos kasuwato ng kaniyang punto de vista at iwasan ang pag-iisip, pagsasalita, at pagkilos na gaya niyaong mga ‘umiibig sa kanilang sarili, masuwayin sa mga magulang, di-marunong magpasalamat, at walang pag-ibig sa kabutihan.’ (2 Timoteo 3:1-5) Kung gayon, ano ang sinasabi ng Salita ng Diyos tungkol sa kabataan kung may kaugnayan sa ulong may uban?
Ang Lakas ng Kabataan
Kinikilala ng Bibliya ang lakas ng kabataan at ang mga bentaha nito, na nagsasabi: “Ang kagandahan ng kabataang mga lalaki ay ang kanilang lakas.” (Kawikaan 20:29) Sa sinaunang Israel ang lakas ng kabataang mga Levita ay ginamit sa templo, kadalasan ay sa maraming mabibigat na trabaho. Sa ngayon, ang karamihan ng trabaho sa mga pabrika, sa mga tahanang Bethel, at sa mga proyekto ng pagtatayo ng Watch Tower Society ay ginagawa ng kabataang mga lalaki at mga babae na naghandog ng kanilang lakas at mga kakayahan upang mapasulong ang mga kapakanang pang-Kaharian. (Mateo 6:33) Kaya naman sila ay nagtatamasa ng maiinam na pribilehiyo sa paglilingkuran sa Diyos.
Ang kawikaan na kasisipi lamang ay nagtatapos sa mga salitang, “at ang karilagan ng matatandang lalaki ay ang kanilang ulong may uban.” Pagka ang lakas ng kabataan ay hinaluan ng karanasan at ng karunungan ng pagkakaedad, isang napakatibay na kombinasyon ang nabubuo.
Isang halimbawa: May kabataang karpinterong aprendis na pinagkabit ng ilang mga panel anupat nagnanais tupdin ang iniatas sa kaniya na taglay ang sigla ng kabataan. Isang nakatatanda, may higit na karanasang karpintero ang nakapansin na sa kabila ng kaniyang lakas, ang nakababatang katulong ay maraming beses pumupukpok ng pako bago iyon mapabaon. Iminungkahi ng nakatatandang manggagawa na ang martilyo ay doon sa dulo ng puluhan hawakan ng kabataang lalaki, imbes na sa malapit sa ulong metal niyaon. Sa ganito ay mapupukpok ng kabataang iyon ang mga pako na taglay ang lalong matinding puwersa, nakatitipid pa ng panahon at lakas.
Gayundin naman, ang isang kabataan, malakas na babae ay maaaring matuto sa pamamagitan ng pagsubok sa iba’t ibang paraan na may mga telang masisira kung hindi lalabhan ayon sa mga tagubilin. Subalit ang isang may karanasang babae ay nakaaalam ng kahalagahan ng pagbubukud-bukod sa damit at paglalaba nang bukod sa ilang kasuutan. Kaniya ring natutuhan na siya’y makapagtitipid sa pamamalantsa sa pamamagitan ng pagtutupi sa mga damit habang kaniyang sinasamsam iyon sa pagkasampay o kinukuha na sa dryer.
Ang pagkatuto sa mga taong may karanasan ay makapagpapaginhawa sa pamumuhay. Gayunman, dumarating ang panahon na kahit na ang taong may higit na karanasan ay hindi na makagawa ng mga trabaho na kaniyang madaling nagagawa mga ilang taon na ang lumipas. Isang manunulat ang may ganitong napansin: “Anong inam sana kung ang mga kabataan ay may kaalaman at ang mga may edad naman ay may lakas.” Subalit anong buti nga pagka pinahahalagahan ng mga may edad ang lakas ng mga nakababata at matiyagang ibinabahagi sa kanila ang mga karanasang natamo sa lumipas na mga taon—at ang mga kabataan naman ay mapakumbabang tumatanggap ng mga mungkahi! Sa ganitong paraan, ang magkabilang grupo ay parehong nakikinabang.
Pagtatamo ng Karilagan
Hindi sapat ang edad lamang. “Hindi yaong mga may edad lamang ang marurunong, ni yaong matatanda man ang siya lamang nakauunawa ng kahatulan,” ang sabi ng kabataang si Eliu. (Job 32:9; Eclesiastes 4:13) Upang tunay na pahalagahan dahilan sa pagkakaroon ng ulong may uban, ang isang nakatatandang tao ay kailangang higit pa ang nagawa sa kaniyang buhay kaysa may katamarang paggugol ng kaniyang mga araw sa panonood ng telebisyon, ng mga laro, o kung hindi man ay basta paggugol ng kaniyang panahon sa kalayawan. At kahit na sa mga taon ng katandaan, ang mga may edad ay kailangang patuloy na matuto.
Ipinagmamalaki ng ilan ang paggawa ng mga bagay-bagay ayon sa kanilang kaparaanan, o kanilang sinasabi: “Ang karanasan ang pinakamagaling na guro.” Gayunman, ang Salita ng Diyos ay nagpapayo: “Ang taong pantas ay makikinig at kukuha ng higit pang turo, at ang taong may unawa ay tumatanggap ng magagaling na payo.” (Kawikaan 1:5; ihambing ang 1 Corinto 10:11.) Ang karanasan ay hindi laging ang pinakamagaling na guro, sapagkat tayo’y maaaring matuto buhat sa mga pagkakamali ng iba nang hindi na kailangang gumawa ng ganoon ding mga pagkakamali. Isa pa, isasaisip ng isang Kristiyano na “ang ulong may uban ay putong ng kagandahan kung nasusumpungan iyon sa daan ng katuwiran.” (Kawikaan 16:31) Ang buhay na ginugol sa tapat na paglilingkuran kay Jehova ay maganda buhat sa kaniyang pangmalas at karapat-dapat sa paggalang ng iba bilang isang mabuting halimbawa. Mangyari pa, ang pagkatuto tungkol sa Diyos at pagtatamo ng karanasan “sa daan ng katuwiran” ay maaaring magsimula nang maaga sa buhay at dapat na nagpapatuloy nang walang katapusan.—Roma 11:33, 34.
Ito ay makikita sa halimbawa ng isang karanasan tungkol sa isang pitong-taóng-gulang na batang lalaki sa Sweden. Kaniyang itinanong sa tagapangasiwa ng Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro sa kongregasyon kung maaari siyang sumali sa paaralan. Ang tagapangasiwa ay nagtanong, “Bakit?” Agad namang tumugon ang bata: “Hindi naman po maaaring sayangin na lamang ng isa ang buong buhay niya!” (Eclesiastes 12:1) Isang positibong halimbawa nga para sa kapuwa kabataan at may edad!
Paggalang sa Ulong May Uban
Ang isang nakababahalang hilig sa modernong lipunan ay ang malaking pagpapahalaga sa pisikal na kalusugan at kakayahan sa palakasan at pagmaliit naman sa may edad na. Ano ang dapat maging saloobin ng Kristiyano sa mga may uban sa kongregasyon?
Sa halip na kaligtaan ang may edad na mga Kristiyano, sila’y dapat nating isaalang-alang at gumugol tayo ng panahon sa piling nila. Halimbawa, sa lingguhang mga pagpupulong ng mga Saksi ni Jehova sa Kingdom Hall, inyo bang sinisikap na batiin ang mga may edad na? Tunay na pinahahalagahan nila ang pagbati sa kanila ng mga bata at ng iba pa. At anong laki ng kasiyahan ng mga may edad na sa sosyal na mga pagtitipon ng mga kapananampalataya na may iba’t ibang edad! Bagaman ang isang nakababatang mag-asawa ay may mas nakakatulad na mga interes sa ibang mag-asawa na kaedad nila, kapaki-pakinabang na isali ang mga may edad na sa gayong masasayang pagtitipon.—1 Tesalonica 3:12; 5:15.
Anong halaga nga na maging makonsiderasyon pagka may edad na ang kausap! Nang isang may edad na kapatid na lalake na may 40 taóng paglilingkuran kay Jehova ay minsang nakipag-usap sa isa namang elder tungkol sa kung papaano siya magagamit sa kongregasyon, ang nakababatang lalaki ay nagsabi: “Kakaunti ang inyong mga katangian o mga kakayahan na maaaring gamitin.” Salat sa kabaitan ang ganiyang pangungusap! Ang may edad na kapatid na lalaki ay nabawasan na ang lakas, medyo nabawasan ang kaniyang pakikibahagi sa ministeryo sa larangan, at ang ilang pribilehiyo ng pangangasiwa ay mahihirapan siyang gampanan; gayunman, malaki ang kaniyang maitutulong. Taglay niya ang mga taon ng natipong karunungan at karanasan sa daan ng katuwiran. Dahilan sa ang gayong mga may edad ay nagpagal nang masikap bilang mangangaral ng Kaharian, nagtiis ng pag-uusig, pumasan ng mabibigat na pananagutang Kristiyano, at nagsanay sa iba, ang bayan ng Diyos ngayon ay nagtatamasa ng isang matibay na organisasyong sinusuhayan ng kaniyang espiritu. Kung gayon, harinawang ang mga may edad na ito ay ating igalang bilang mga pantas na tagapayo, mapagmahal na mga pastol, at epektibong mga guro.
Mayroon ding mabuting dahilan na bigyan ng seryosong konsiderasyon ang mga mungkahi ng mga may edad. Halimbawa, isang may karanasang kapatid na lalake ang nagmungkahi na ang pinto ng isang Kingdom Hall ay huwag ilagay sa kanlurang panig ng gusali. Ang nakababatang mga kapatid na lalake na may higit na pagpapahalaga sa ipinagpapalagay na kagandahan ng gusali ay hindi sumunod sa kaniyang mungkahi. Subalit, pagkalipas ng ilang taon, ang pinto ay kinailangang ilipat ng lugar dahil sa laging hinahampas iyon ng hangin at ulan buhat sa gawing kanluran at patuloy na nabubulok. Ang praktikal na karunungan ng karanasan ay mas magaling kaysa mga bagay na may kaugnayan sa kagandahan. Kung igagalang ng mga nakababata ang mga may edad sa pamamagitan ng pakikinig sa kanilang mga opinyon at praktikal na karunungan, ito ay maaaring makatulong sa pagtitipid ng panahon at salapi. Kahit na kung ang mungkahi ng may edad ay hindi sinunod, siya’y maaaring igalang sa pamamagitan ng pagbibigay-alam sa kaniya na iyon ay isinaalang-alang, ngunit may ibang mga dahilan na umakay sa ibang pasiya.—Ihambing ang Kawikaan 1:8.
Tumingin sa Hinaharap, Hindi sa Nakalipas
Ang ilang may edad na ay may ganitong pananaw: “Walang katulad ang panahong nakalipas nang ikaw at ako ay nasa kabataan.” Gayunman, sa halip na pag-isipan ang mga panahong lumipas na, ang gayong mga may edad na ay maaaring himukin na tumingin sa hinaharap sa araw na kanilang kakamtin ang kanilang makalangit na gantimpala o muling magsasauli ang kanilang lakas ng kabataan sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ng Diyos. Samantala, sila’y kailangang nakababatid sa kanilang mga limitasyon dahilan sa pagkakaedad. Ang ganitong kabatiran at kaugaliang pagiging mapagpatawa ay napakahalaga pagka ang isang may edad na ay marahil nakaligtaang bigyan ng mga pribilehiyo sa paglilingkod.
Halimbawa, ang isang may edad na kapatid na lalaki ay palaging ginagamit sa mga programa sa pandistritong kombensiyon mga taon na ngayon ang lumipas. Ngayon ay marami ang may kakayahang mga elder at maraming mapagpipiliang lalaki na may kakayahang magturo. Bagaman may kabataan, ang ilan sa mga elder na ito ay napatunayang may sigasig at kakayahan, mahusay magturo at may kabaitang magpayo, at nakapagpapatibay-loob sa iba. (1 Tesalonica 5:12, 13; 1 Timoteo 5:17) Ang resulta, baka ang isang may edad na kapatid na hindi binibigyan ng bahagi sa programa ng kombensiyon ay mag-isip na siya’y kinaliligtaan at baka magdamdam na ang mga pribilehiyo ay ibinigay sa nakababatang mga elder. Gayunman, ang negatibong damdaming iyan na likha ng di-kasakdalan ng tao ay maaaring pagtagumpayan. Ang totoo, lahat sa kongregasyon ay makatutulong kung kanilang ipaáalám sa mga may edad na sila ay kinakailangan, na sila’y minamahal dahilan sa kanilang katapatan, at pinahahalagahan ang kanilang mga opinyon.
Mangyari pa, dapat tandaan ng isang may edad na ang mga kapananampalataya ay kailangang igalang kung papaano nais niyang siya’y igalang. (Mateo 7:12; Roma 12:10) Sa halip na isiping sila’y napilitang magretiro dahilan sa kanilang pagkakaedad at pagkakaroon ng isang negatibong pangmalas, dapat ikagalak ng mga may edad na ang kanilang mga taon ng tapat na paglilingkuran. At tunay, lahat tayo ay dapat pasalamat na bilang resulta ng pagpapala ni Jehova, patuloy na dumarami ang bilang ng kuwalipikadong mga tagapangasiwa na nakikibahagi sa gawain at bumabalikat ng mga pananagutan sa kongregasyon samantalang ang pulu-pulutong ng “ibang tupa” ay humuhugos sa organisasyong Kristiyano.—Juan 10:16; Isaias 60:8, 22; 2 Timoteo 2:2.
Dahilan sa sakit, nahuhulog na kalusugan, o iba pang mga salik, ang mga may uban ay kung minsan nagiging mayayamutin. Ito’y nangangailangan ng unawa at empatiya ng ibang mga miyembro ng pamilya o ng kongregasyon. Nangangailangan din ito na ang mga may edad na ay gumawang masikap upang makapanatiling may positibong saloobin, upang mamalaging nasa kabataan ang puso at ang isip. Nang ang nakababatang kakuwarto ng isang miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova ay papaalis na sa Bethel mga ilang taon na ngayon ang lumipas, ang nakatatandang lalaki ay humiling sa kaniya na magmungkahi ng isang mainam na kahalili at sinabing mas gusto niya ang isang nakababata, maygulang na kapatid na lalaki upang tumulong sa kaniya na manatiling nasa kabataan at aktibo. Ang nakatatandang pinahirang kapatid ay walang intensiyong magretiro o magmabagal, sapagkat may gawain na kailangang matapos. Anong inam na halimbawa ng pagtingin sa hinaharap at pananatiling may positibong pangmalas!
Walang alinlangan, “ang kagandahan ng kabataang mga lalaki ay ang kanilang lakas, at ang karilagan ng matatandang lalaki ay ang kanilang ulong may uban.” Lubhang kahanga-hanga kung gagamitin ng mga nakababata ang kanilang lakas at gagamitin naman ng mga may edad na ang kanilang karunungan sa pagtataguyod ng daan ng katuwiran! Ang matatanda at kabataang mga Kristiyano ay kapuwa nakararanas ng malaking kagalakan habang sila’y nagkakaisang nagtataguyod ng tunay na pagsamba sa Diyos na Jehova, “ang Matanda sa mga Araw.”—Daniel 7:13.
[Larawan sa pahina 28]
Ang mga Kristiyanong may uban ay malaki ang magagawa ukol sa kapakinabangan ng iba