Dapat Ka Bang Pabautismo?
HALOS isang milyong katao ang nabautismuhan ng mga Saksi ni Jehova noong nakalipas na tatlong taon. Ito’y nasa katamtamang 824 bawat araw, o 4 katao ang nabautismuhan tuwing 7 minuto. Ito ba ay katulad lamang ng sigasig sa relihiyon noong ika-15 at ika-16 na mga siglo?
Hindi, ang mga taong ito ay hindi sapilitang binautismuhan, bilang bahagi ng isang maramihang kumbersiyon, o bilang resulta ng isang emosyonal na pananawagan ng isang orador ng relihiyon. Sila’y binautismuhan sapagkat si Jesu-Kristo, ang Panginoon at Lider ng mga Kristiyano, ang nag-utos na ito’y gawin. Kanilang sinunod ang mga hakbang at mga paraan na binalangkas ni Jesus at sinunod ng mga apostol na siya mismo ang pumili at nagsanay.
Pagkatapos ng pagkabuhay-muli ni Jesus at bago siya umakyat sa langit, nagbigay siya sa kaniyang mga tagasunod ng ganitong pahimakas na utos: “Humayo samakatuwid at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng bansa, bautismuhan sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu, turuan sila na ganapin ang lahat ng bagay na iniutos ko sa inyo. At, narito! Ako’y sumasainyo lahat ng araw hanggang sa katapusan ng sistema ng mga bagay.” (Mateo 28:19, 20) Mula noon patuloy, ito ang tanging bautismo sa tubig na may pagsang-ayon ng Diyos.
Kaya, sinasabi sa atin ng Bibliya na ang unang mga tagasunod na iyon ni Kristo ay naging “mga saksi [ni Jesus] kapuwa sa Jerusalem at sa buong Judea at Samaria at hanggang sa kadulu-duluhang bahagi ng lupa.” (Gawa 1:8) Gaya ng inihula ni Jesus, ang kanilang pangangaral at pagtuturo ay hahantong sa bautismo ng mga mananampalataya na magiging mga tagasunod din ni Kristo.
Ang unang naiulat na halimbawa nito ay naganap sa Jerusalem noong araw ng Pentecostes 33 C.E. Noon ang apostol Pedro ay “tumayong kasama ng labing-isa” at nagsalita sa nagtipong karamihan tungkol kay Jesus na Mesiyas. Iniuulat sa atin na sa kaniyang pahayag ay ‘nangasaktan ang kanilang puso,’ at kanilang itinanong kung ano ang dapat nilang gawin. “Magsisi kayo, at pabautismo ang bawat isa sa inyo sa pangalan ni Jesu-Kristo sa ikapagpapatawad ng inyong mga kasalanan,” ang sabi ni Pedro. Ang resulta ay na “yaong mga nagsitanggap ng kaniyang salita ay nabautismuhan, at naparagdag nang araw na iyon ang mga tatlong libong kaluluwa.” (Gawa 2:14-41) Ang sumunod na mga pag-uulat ay nagpatunay na bago ginanap ang bautismo ng mga alagad ay nakarinig muna sila ng pabalitang Kristiyano, sumampalataya sa mabuting balita, at nangagsisi.—Gawa 8:12, 13, 34-38; 10:34-48; 16:30-34; 18:5, 8; 19:1-5.
Sa Anong Paraan?
Subalit papaano babautismuhan sa tubig ang mga bagong alagad na ito? Iyon ba ay sa pamamagitan ng aspersion (pagwiwisik), affusion (pagbubuhos sa ulo), o immersion (lubusang paglulubog)? Ano ba ang ipinakikita ng ulat ng Bibliya? Yamang iniwanan tayo ni Jesus ng isang modelo upang tayo’y “maingat na sumunod sa kaniyang mga hakbang,” ano ba ang paraan ng pagkabautismo sa kaniya?—1 Pedro 2:21.
Ipinakikita ng Bibliya na si Jesus ay binautismuhan sa Jordan, isang ilog na may kalakihan. Pagkatapos ng bautismo, siya’y “umahon sa tubig.” (Marcos 1:10; Mateo 3:13, 16) Samakatuwid si Jesus ay aktuwal na inilubog sa Ilog Jordan. Siya’y binautismuhan ni Juan, na, sa paghanap sa isang angkop na lugar upang pagbautismuhan, pumili ng isang dako sa Libis ng Jordan malapit sa Salim “sapagkat doon ay maraming tubig.” (Juan 3:23) Na ang lubos na paglulubog sa tubig ang karaniwang paraan ng pagbabautismo sa mga tagasunod ni Jesus ay makikita sa pananalita ng bating na Etiope. Sa pagtugon sa turo ni Felipe, siya’y bumulalas: “Narito! May tubig; ano ang nakahahadlang sa akin upang ako’y bautismuhan?” Pagkatapos ay mapapansin natin na “sila ay kapuwa lumusong sa tubig” at pagkatapos ay “umahon sa tubig.”—Gawa 8:36-39.
Ang sekular na kasaysayan ba ay bumabanggit din sa pagbabautismo sa pamamagitan ng paglulubog para sa mga Kristiyano? Oo, bumabanggit nga. At kapunapuna na sa ilang bansa ay marami pang malalaking banyera sa bautismo na angkop para paglubugan. “Ang ebidensiya na natuklasan ng mga arkeologo ay lubos na nagpapatotoo na ang paglulubog ang karaniwang paraan ng pagbabautismo noong unang sampu hanggang labing-apat na siglo,” ang sabi ng lathalaing Ministry. Isinusog nito: “Sa mga kaguhuan ng sinaunang mga gusaling Kristiyano, at gayundin sa sinaunang mga simbahan na ginagamit pa hanggang ngayon, matutunton ang kasaysayan ng bautismong Kristiyano. Ang mga ipinintang larawan sa mga katakumba at mga simbahan, ang mga mosaiko sa mga sahig, dingding, at kisame, nililok na mga disenyong alsado, at mga drowing sa sinaunang mga manuskrito ng Bagong Tipan ay nagbibigay ng detalye sa kasaysayang ito . . . Ito’y bukod sa ebidensiya na matatagpuan sa mga akda na isinulat ng mga ama ng iglesya na nagsasabing ang paglulubog ang karaniwang paraan ng pagbabautismo sa sinaunang iglesya.”
Inaamin ng New Catholic Encyclopedia: “Maliwanag na ang Bautismo sa sinaunang Iglesya ay sa pamamagitan ng paglulubog.” Kung gayon, hindi kataka-taka na makakita tayo sa mga pahayagan ng mga paulong balita na katulad nito: “Ibinalik ng mga Katoliko ang Bautismo na Paglulubog” (The Edmonton Journal, Canada, Setyembre 24, 1983), “Ang Bautismo sa Pamamagitan ng Paglulubog ay Popular sa mga Katoliko Rito” (St. Louis Post-Dispatch, Abril 7, 1985), “Ang Bautismo sa Pamamagitan ng Paglulubog ang Pinipili ng Maraming Katoliko” (The New York Times, Marso 25, 1989), at “Ang Bautismo sa Pamamagitan ng Paglulubog ay Muling Nabuhay” (The Houston Chronicle, Agosto 24, 1991).
Sa Anong Layunin?
Bakit kahilingan ni Jesus na ang kaniyang mga alagad ay mabautismuhan? Bueno, iyon ay isang angkop na sagisag ng kanilang buong-pusong pag-aalay sa Diyos. Ang “mabuting balita” ay kailangang ipangaral sa buong lupa, at kailangang gumawa ng mga alagad buhat sa “mga tao ng lahat ng bansa.” (Mateo 24:14; 28:19) Ito’y nangangahulugan na ang Diyos ay nakikitungo hindi lamang sa bansang Judio, na binubuo ng mga taong nag-alay sa kaniya mula sa pagsilang. Si Cornelio at ang kaniyang pamilya ang unang mga Gentil, o mga di-Judio, na tumanggap sa katotohanan tungkol kay Jesu-Kristo at napabautismo.
Ang paglulubog sa tubig ay nagpapakita na yaong mga binabautismuhan ay namatay sa isang paraan ng pamumuhay na nakasentro sa kanilang sarili. Ang pagbabangon sa kanila buhat sa tubig ay sumasagisag sa kanilang muling pagkabuhay ngayon upang gawin ang kalooban ng Diyos at iyon ang inuuna sa kanilang buhay, gaya ng ginawa ni Jesus. (Mateo 16:24) Ang pagkabautismo “sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu” ay nagpapakita na kanilang natutuhan at tinanggap ang katotohanan tungkol sa bawat isa sa mga ito at kinilala sila ayon sa kung ano nga sila. (Mateo 28:19; ihambing ang Gawa 13:48.) Ang bautismo ay isa lamang pangunang hakbang ng pagsunod sa Diyos at pagpapasakop sa kaniyang kalooban.
Ang Kasulatan ay hindi sumusuhay sa malaganap na paniwala ng mga relihiyoso na ang bautismo ay isang sakramento, samakatuwid nga, isang relihiyosong seremonya na nagbibigay ng kabutihan—biyaya, kabanalan, o espirituwal na kapakinabangan—sa taong nabautismuhan. Halimbawa, ang pahayag ni Papa Eugenius IV na sinipi sa naunang artikulo ay nagsasabi tungkol sa bautismo: “Ang epekto ng sakramentong ito ay ang kapatawaran ng lahat ng kasalanan, orihinal at aktuwal; gayundin ng lahat ng parusa dahil sa kasalanan. Kaya, hindi kailangang pagdusahan ng mga babautismuhan ang kanilang nakalipas na mga kasalanan; at kung sila’y mamamatay bago sila nakagawa ng anumang kasalanan, sila kaagad ay makararating na sa kaharian ng langit at sa kinaroroonan ng Diyos.”
Subalit, si Jesus ay binautismuhan bagaman siya’y “hindi nagkasala.” (1 Pedro 2:22) Isa pa, ayon sa Kasulatan, ang kapatawaran ng mga kasalanan ay nakakamit lamang sa pamamagitan ng haing pantubos ni Jesu-Kristo. Hinimok ni Ananias si Saulo ng Tarso: “Magtindig ka, magpabautismo at hugasan ang iyong mga kasalanan sa pamamagitan ng pagtawag sa pangalan [ni Jesus].” (Gawa 22:12-16) Oo, ang kaligtasan ay maaari lamang makamit sa pamamagitan ng itinigis na dugo ni Jesus at “pagtawag sa kaniyang pangalan” nang buong pananampalataya.—Hebreo 9:22; 1 Juan 1:7.
Kung gayon, ano ang masasabi sa mga salita ni Pedro sa 1 Pedro 3:21? Doon ay sinasabi niya: “Yaong katumbas nito ay nagliligtas din ngayon sa inyo, samakatuwid baga, ang bautismo, (hindi ang pag-aalis ng karumihan ng laman, kundi ang nakikisuyong paghiling sa Diyos ng isang mabuting budhi,) sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli ni Jesu-Kristo.” Inihahambing ni Pedro ang bautismo sa karanasan ni Noe na pagkaligtas sa tubig ng Baha. (1Ped 3 Talatang 20) Si Noe, sa pagpapakita ng lubos na pananampalataya sa Diyos, ay nagtayo ng daong sa ikaliligtas ng kaniyang pamilya. (Hebreo 11:7) Gayundin, sa pagsasagawa ng pananampalataya sa Diyos na Jehova at sa kaniyang paglalaan sa kaligtasan sa pamamagitan ni Kristo Jesus, ang mga tao ngayon ay maililigtas sa kasalukuyang balakyot na sanlibutang ito. Sila’y kailangan ding kumilos batay sa pananampalatayang iyan. Sa pagsisisi sa mga kasalanan, pagbabalik-loob matapos humiwalay sa maling landas, at walang-pasubaling pag-aalay ng sarili sa Diyos na Jehova sa panalangin, kailangan ang paghiling sa Diyos ng isang mabuting budhi. Subalit iyon ay batay sa hain ni Jesus, at sa kaniyang pagkabuhay-muli kaya naihandog niya ang halaga ng haing iyon sa Diyos sa langit, napatatawad ang mga kasalanan at posible na ang kaligtasan.—1 Pedro 3:22.
Ano ang Gagawin Mo?
Isa ka ba sa nakikisama sa mga Saksi ni Jehova nang ilang panahon? Marahil ay nakagawa ka na ng ilang kinakailangang mga pagbabago sa iyong buhay ayon sa mga simulain ng Bibliya ngunit hindi pa nakagagawa ng mga hakbang ng pag-aalay o bautismo. Marahil ay ibig mong gawin ang kalooban ng Diyos, ngunit nangangamba ka na kung pababautismo ay magkakaroon ka ng obligasyon. Kaya naman, marahil ay nais mong iwasan ang gayong pananagutan at ságutin sa loob ng isang panahon. Halos 11.5 milyon katao ang dumalo sa selebrasyon ng Hapunan ng Panginoon noong nakaraang taon. Gayunman, ang pinakamataas na bilang ng nakibahagi sa pangangaral ng mabuting balita sa buong santaon ay wala pang 4.5 milyon. Ito’y nangangahulugan na mga pitong milyong katao ang nagpapakita sa papaano man ng pagpapahalaga sa katotohanan ng Diyos, bagaman sila’y hindi bautisadong mga Saksi ni Jehova. Kung sa bagay, ang ilan sa mga ito ay mga bata at mga bagong interesado. Subalit ang ilan sa mga nakikibahagi sa pangangaral ay hindi pa rin bautisado. Maraming tao na kumuha ng tumpak na kaalaman sa Bibliya ang hindi pa lubusang nakapagsasamantala sa paglalaan ng Diyos ng kaligtasan sa pamamagitan ng pagpapabautismo.
Ang isang mahalagang puntong dapat tandaan ay na ang kaalaman sa hinihiling sa iyo ng Diyos ang nagdadala sa iyo ng pananagutan. “Kung alam ng isa kung papaano gagawin ang mabuti ngunit hindi ginagawa iyon, iyon ay isang kasalanan para sa kaniya,” ang sabi ng Santiago 4:17. Ang Ezekiel 33:7-9 ay nagpapakita na ang isang taong pinagsabihan ng mga utos at mga tagubilin ng Diyos ay may pananagutan na tupdin iyon. Kaya ang tanong ay kung ang isa ba’y may taimtim na pag-ibig sa Diyos at isang tunay na pagnanasang mapalugdan siya. Ang isang taong tunay na may gayong pag-ibig at nagnanais ng isang pantanging kaugnayan sa Diyos na Jehova ay hindi magpapaliban ng walang-pasubaling pag-aalay ng kaniyang buhay sa kaniya. Ang bautismo ay isa lamang panlabas na sagisag ng pag-aalay na iyan. Ito ay isang kinakailangang hakbang ukol sa kaligtasan. Ang tunay na mga mananampalataya ay napababautismo.—Gawa 8:12.
Ang dakilang pag-asa na iniaalok ng Diyos sa tapat, nag-alay na mga tao sa dumarating na bagong sanlibutan ay labis-labis na nakahihigit sa anumang pansamantalang mga pakinabang na waring inihahandog ng balakyot na matandang sistemang ito ng mga bagay. Ang pagkatakot sa kapuwa tao ay mapaparam pagka ating isinaalang-alang ang makapangyarihang kamay ng Diyos. (1 Corinto 10:22; 1 Pedro 5:6, 7) Oo, ito ang panahon upang tanungin ang iyong sarili gaya ng itinanong kay Felipe ng bating na Etiope: “Ano ba ang humahadlang sa akin sa pagpapabautismo?”
[Larawan sa pahina 7]
Tulad ng bating na Etiope, itinatanong mo ba sa iyong sarili: “Ano ang humahadlang sa akin sa pagpapabautismo?”