“Talagang Hindi Kami Magkaunawaan!”
SI Michael, isang abugado, ay mistulang isang dinamita sa pakikipagtalastasan. Kailangan niya iyan sa kaniyang trabaho. Subalit makalipas ang 16 na taon na may asawa, napilitan si Michael na kilalaning pag-uwi niya sa tahanan sa kaniyang maybahay, si Adrian, parang walang silbi ang kaniyang kahusayang makipagtalastasan. “Nagrereklamo, nagsusumbatan, nagpaparinigan,” naalaala pa ni Michael, “kami ni Adrian ay laging nag-aaway, at naisip ko na pagsasawaan din namin iyon. Napag-isipan ko kung gayon nga ang pag-aasawa, ang patuluyang pagbubuga ng sama ng loob at pampagalit. Kung ganoon ang mangyayari sa nalalabing panahon ng aming pagsasama, ibig kong makaalpas na sa pagkamay-asawa—hindi ako nagbibiro. Talagang hindi ako makakatiis ng 20, 30, 40 taon ng ganiyang uri ng palaging pag-aaway at igtingan.”
Hindi lamang sina Michael at Adrian ang nakadarama nang ganiyan. Totoo rin iyan sa maraming mag-asawa na laging nag-aaway at humihinto lamang sandali at saka magpapatuloy uli. Kahit ang pinakasimpleng mga pag-uusap ay napapauwi sa tuligsaan. Kanilang “naririnig” ang mga bagay na hindi naman sinasabi ng sinuman. Sila’y nagsasalita ng mga bagay na hindi naman ganoon ang ibig nilang sabihin. Sila’y nagbabatikusan at nagbibintangan, pagkatapos ay uurong at magsasawalang-kibo nang may hinanakit. Sila’y hindi naman naghihiwalay, ngunit hindi sila talagang “iisang laman.” (Genesis 2:24) Sa kanilang pagsasama ay hindi lamang sila magkasundo. Ang pag-atras ay mangangahulugan ng paghihiwalay; ang pag-abante naman ay mangangahulugan ng tuwirang pagharap sa mga bagay na hindi sila magkasundo. Upang maiwasan ang kabiguan sa alinman sa dalawang kalagayang iyan, ang mga mag-asawang ito ay payag nang magkalayo ang mga damdamin sa isa’t isa hanggat matatagalan nila.
Ang gayong mga mag-asawa ay kailangang ‘kumuha ng magaling na patnubay’ sa kanilang pag-aasawa. (Kawikaan 1:5) Ang patnubay na ito ay makikita sa Salita ng Diyos, ang Bibliya. Ang ikalawang liham ni Pablo kay Timoteo ay nagpapakita na ang Bibliya ay “kapaki-pakinabang sa pagtuturo, sa pagsansala, sa pagtutuwid sa mga bagay.” (2 Timoteo 3:16) Gayon nga kung gagamitin iyan sa pag-aayos sa nasirang komunikasyon ng mag-asawa, gaya ng makikita natin.