Isang Daigdig na Walang mga Magnanakaw
NAPAKABILIS ng pangyayari. Isang makisig na lalaki ang nagtutok ng baril sa ulo ni Antônioa sa harap ng kaniyang tahanan sa Sao Paulo, Brazil, hiningi ang mga susi at ang papeles ng kaniyang kotse, at mabilis na tumakas sakay ng kotse.
Sa Rio de Janeiro, samantalang nakamasid ang kaniyang 10-anyos na anak na babae, apat na armadong kalalakihan ang sumupil sa isang lalaking nagngangalang Paulo. Ngayon, pagkatapos sumakay sa kotse at makarating sa kaniyang tahanan, ang mga magnanakaw ay pumasok at nagnakaw ng anumang magustuhan nila, anupat napunô ang dalawang kotse ni Paulo. Kanilang binantaang papatayin ang maybahay ni Paulo, siya at ang isang empleyado ay kanilang dinala bilang hostage at nagtungo sa tindahan ni Paulo ng alahas sa kabayanan, anupat kanilang kinuha roon ang lahat ng may halaga. Gayunman, sa di-inaasahan, nang magtagal ay tumilepono ang mga magnanakaw, ipinagbibigay-alam kung saan nila iniwan ang mga kotse.
Totoong nakasisira ng loob na manakawan ng salapi at mga ari-arian na pinagpaguran mong kitain! Bagaman hindi inilagay nina Antônio at Paulo ang batas sa kanilang mga kamay, ang iba ay gumagawa ng gayon. Baka kanilang patayin o pinsalain ang magnanakaw, o maaaring sila ang mapatay. Halimbawa, nang isang kabataan ang umagaw ng kaniyang relo, isang galit na galit na babaing taga-Brazil ang naglabas ng rebolber mula sa kaniyang bag at binaril ang magnanakaw, na ikinamatay nito. Ang resulta? Ang O Estado de S. Paulo ay nag-uulat: “Ang mga taong nakasaksi sa pangyayari ay lubhang humanga sa saloobin ng di-kilaláng babae, at walang sinumang nagnais na tumulong sa pulisya upang makilala siya.” Bagaman sila’y nananabik sa isang daigdig na walang mga magnanakaw, ang mga Kristiyano ay hindi gumaganti na gaya ng ginawa ng babaing iyon. Yamang ang Diyos ang may karapatang maghiganti, kanilang sinusunod ang payo ng Kawikaan 24:19, 20: “Huwag kang mabalisa dahil sa mga manggagawa ng masama. Huwag kang managhili sa mga taong balakyot. Sapagkat hindi magkakaroon ng kinabukasan ang sinumang masama.”
Subalit kung inatake ka, ano ang magagawa mo? Isang pangyayari sa Rio de Janeiro ang nagpapakita kung gaano kahalaga ang manatiling mahinahon. Isang Kristiyano, si Heloísa, ang nakasakay sa isang bus patungo sa kaniyang tinuturuan ng Bibliya. Dalawang lalaki ang nagsimulang magnakaw sa mga pasahero. Nang sila’y makarating na sa himpilan ng bus na bababaan niya, sinabi ni Heloísa sa kanila na siya’y isa sa mga Saksi ni Jehova at siya’y magdaraos ng isang pag-aaral sa Bibliya. Ipinakita niya ang kaniyang Bibliya at pantulong sa pag-aaral. Hindi siya ninakawan, anupat pumayag ang mga magnanakaw na siya’y bumaba. Ngunit isa pang pasahero ang hindi pinayagan na bumaba. Nang magtagal ay sinabi ng tsuper na hindi pa siya nakakita ng ganoon.
Si Regina ay nanatiling kalmado rin nang siya’y pag-utusan ng dalawang lalaking armado na siya’y sumakay sa kaniyang kotse. Samantalang ipinakikita ang kaniyang personal na kopya ng magasing Gumising!, si Regina ay nagpatotoo. Yamang ang mga magnanakaw ay ninenerbiyos, hiniling sa kanila ni Regina na buksan ang glove compartment na pinaglalagyan niya ng ilang kendi. Subalit nang makita ang mga cassette tape ng Kingdom Melodies, kanilang pinakinggan ang musika. Palibhasa’y hindi na gaanong maigting ang kalagayan, ipinasiya ng mga magnanakaw na iwan si Regina sa haywey nang walang anumang pinsala, na tinitiyak sa kaniya na masusumpungan niya ang isang taong mabait na tutulong sa kaniya. Pagkatapos maglakad nang sampung minuto, natagpuan niya ang isang bahay, subalit ang maybahay ay hindi makapaniwala sa kaniyang ikinuwento, na ang sabi: “Sa ayos mo’y hindi ka inatake; kalmadong-kalmado ka.”
Bagaman ang isang biktima ay hindi dumanas ng anumang kapinsalaan, ang gayong nakatatakot na karanasan ay maaaring magdulot ng masasamang epekto pagkatapos. ‘Ang biktima ay maaaring makadama ng kawalang-katiwasayan, pagkapoot sa mga miyembro ng pamilya o sa mga nais makatulong sa kaniya, hindi makapagtiwala sa iba, mapusok sa pag-oorganisa ng mga detalye, anupat nakadarama na ang sanlibutan ay walang katarungan,’ ayon sa pag-uulat ng O Estado de S. Paulo. Bilang pagkakaiba, ang isang biktima na nagtitiwala sa Diyos na Jehova ay mas malamang na makaligtas sa karahasan nang walang pisikal at emosyonal na kapinsalaan. Sa kabila nito, hindi ka ba sasang-ayon na magiging isang pagpapala kung wala na ngang krimen ni anumang nagiging sanhi ng pagkatakot?
“Ang Magnanakaw ay Huwag Nang Magnakaw”
Bagaman marami ang mas gusto ang kanilang masakim na istilo ng pamumuhay, ang Salita ng Diyos ay tumulong sa mga magnanakaw upang baguhin ang kanilang mga naisin at ang kanilang pagkatao. (Efeso 4:23) Taglay ang isang tunay, salig-sa-Bibliyang layunin sa buhay, kanilang sinusunod ang mga salitang: “Maigi ang kaunti na may katuwiran kaysa malaking pakinabang na walang katarungan.” (Kawikaan 16:8) Ganito ang inilahad ni Cláudio: “Halos lahat ng miyembro ng aking pamilya ay mga Saksi, ngunit hindi ako nakikinig sa kanilang sinasabi tungkol kay Jehova at sa kaniyang mga layunin. Sa pagbabalik buhat sa isang biyaheng halos may layong 2,000 kilometro sakay ng isang ninakaw na pickup, ako’y dumaan sa maraming checkpoint ng pulisya. Sa pangyayaring iyan ay natanto ko na kailangang baguhin ko ang aking buhay. Bago pa nito ay sinubok kong gawin iyan ngunit ako’y nabigo. Ngayon ay naisip ko ang tungkol sa aking mga kamag-anak na mga Saksi ni Jehova at ibang-iba sila, may kagalakan, kaligayahan, at kapayapaan.” Kaya naman, si Cláudio ay nagsimulang mag-aral ng Salita ng Diyos, huminto na sa paggamit ng bawal na gamot at sa pakikisama sa kaniyang dating mga kaibigan, at naging isang ministrong Kristiyano.
Ang iba ay nakikinig na rin ngayon sa mga salitang: “Huwag kang tumiwala sa pandaraya, ni maging walang kabuluhan sa lubos na pagnanakaw.” (Awit 62:10) Pagkatapos ng sintensiyang pagkabilanggo dahil sa pagtatangkang mamaslang samantalang nagnanakaw, si José, na isang sugapa sa droga at isang tagapagbenta ng bawal na gamot, ay nakinabang sa pakikipag-aral ng Bibliya sa kaniyang bayaw. Huminto na siya ng paggamit at pagbebenta ng bawal na gamot at ngayon ay isa nang masigasig na Saksi.
Gayunman, ang isang bagong pagkatao ay hindi nakakamit sa isang kisap-mata o sa isang makahimalang paraan. Si Oscar, na lubhang napalulong sa bawal na gamot at sa pagnanakaw, ay naglalahad: “Ako’y nanalangin nang napakataimtim kay Jehova anupat ang sahig ay kalimitang waring nagiging isang maliit na dagat-dagatan sa dami ng aking luha.” Oo, bukod sa masigasig na pag-aaral ng Salita ng Diyos, kailangan ang masipag, taos-pusong pananalangin. Pansinin ang karunungan ng lakip-panalanging pananaw na ito: “Huwag mo akong bigyan ng kahit karalitaan o kayamanan man. Pakanin mo ako ng pagkaing kailangan ko, upang ako’y hindi mabusog at aktuwal na ikaila ka at sabihin: ‘Sino si Jehova?’ at upang ako’y hindi maging dukha at aktuwal na magnakaw at lapastanganin ang pangalan ng aking Diyos.”—Kawikaan 30:8, 9.
Ang sariling kapakanan ay kailangang halinhan ng tunay na pag-ibig. “Ang magnanakaw ay huwag nang magnakaw, kundi bagkus magpagal, na iginagawa ang kaniyang mga kamay ng mabuting bagay, upang may maibigay siya sa nangangailangan.” (Efeso 4:28) Tulad ng kaso ng ilang Kristiyano noong unang siglo na dating ‘mga magnanakaw o mga taong masasakim,’ sa pamamagitan ng pantubos na ibinigay ni Jesu-Kristo, yaong nagsisisi ay buong kaawaang pinatatawad ni Jehova. (1 Corinto 6:9-11) Anong laking kaaliwan na malamang anuman ang ating nakalipas, maaari nating baguhin ang istilo ng ating pamumuhay at kamtin ang pagsang-ayon ng Diyos!—Juan 3:16.
Ang Katiwasayan sa Bagong Sanlibutan ng Diyos
Gunigunihin ang lupa na walang mga magnanakaw. Hindi na kakailanganin doon ang isang magastos na sistema sa pagpapatupad ng batas na binubuo ng mga hukom, abugado, pulisya, at mga bilangguan! Iyon ay isang maunlad na sanlibutan na kung saan bawat isa ay gagalang sa iba at sa kanilang ari-arian! Wari bang mahirap paniwalaan iyan? Talaga bang makikialam ang Diyos sa mga pamamalakad ng tao at wawakasan ang katampalasanan? Inaanyayahan ka namin na suriin ang patotoo na ang Bibliya ay Salita ng Diyos at na mapanghahawakan ang mga hulang nariyan. Matutuklasan mo ang isang matibay na pundasyon para pagtiwalaan na malapit na ang isang pagbabago. Walang sinuman ang makahahadlang sa Diyos sa pagbibigay ng kaginhawahang ipinangako sa lahat ng umiibig sa katuwiran: “Huwag kang mabalisa dahil sa mga manggagawa ng kasamaan. Huwag kang managhili sa kanila na nagsisigawa ng kalikuan. Sapagkat sila’y malalanta na gaya ng damo, at gaya ng sariwang luntiang damo sila ay matutuyo.” (Awit 37:1, 2) Ang mga salitang iyan na isinulat noon pang unang panahon ay malapit nang lubusang matupad.
Wawakasan ng Kaharian ng Diyos ang kaabahan at kalikuan, na nagdudulot ng malaganap na kawalang-pag-asa at kawalang-kapanatagan. Walang sinuman na magkukulang, anupat nakadarama na siya’y ginigipit na magnakaw. Sa atin ay tinitiyak ng hula: “Magkakaroon ng saganang trigo sa lupa; sa taluktok ng mga bundok ay may labis-labis. Ang kaniyang bunga ay magiging gaya sa [sinaunang] Lebanon, at silang tagalunsod ay mamumukadkad na gaya ng pananim sa lupa.” (Awit 72:16) Tunay, sa isinauling Paraiso, walang anuman na gagambala sa kapayapaan ng mga tao na nakakakilala at sumasamba sa tunay na Diyos.—Isaias 32:18.
Anong laking gantimpala iyan sa mga taong hindi napadala sa mga lakad ng masakim na sanlibutang ito! Ang Kawikaan 11:19 ay nagsasabi: “Siyang matatag sa panig ng katuwiran ay nakahanay na magtamo ng buhay, ngunit siyang humahabol sa kasamaan ay nakahanay na magtamo ng kaniyang sariling kamatayan.” Oo, pagkatapos na ang mga balakyot ay malipol, walang sinuman ang magkakaroon ng dahilang matakot na may kikitil ng kaniyang buhay o kakamkam sa kaniyang ari-arian. Ang Awit 37:11 ay nagbibigay sa atin ng ganitong pangako: “Ang maaamo ay magmamana ng lupa, at sila’y lubusang masisiyahan sa kasaganaan ng kapayapaan.”
[Talababa]
a Ang ilan sa mga pangalan ay binago.
[Kahon sa pahina 5]
Pananagumpay sa Pagiging Tunay ng Pagnanakaw
SA TAHANAN—Yamang ang mga magnanakaw ay maaaring pumasok sa iyong tahanan naroon ka man o wala, laging isara at ikandado ang mga pinto. Ang mga eksperto ay nagmumungkahi na magkaroon ng mga alarma o ng isang bantay na aso. Ipabatid sa isang mapagkakatiwalaang kapitbahay pagka ikaw ay magbabakasyon. Manatiling kalmado—ang mga magnanakaw ay mabilis kumilos, di-inaasahan, at agad nakapagbabago ng mga plano kung sila’y pangibabawan ng nerbiyos. Kung ikaw ay isa sa mga Saksi ni Jehova, ipakilala mo ang iyong sarili na gayon at sikaping magbigay ng patotoo. Baka makuha mo ang kanilang loob o simpatiya. Huwag kang tututol maliban kung saktan ka.
SA PUBLIKO—Maging listo na pansinin kung may sinumang sumusunod sa iyo. Lumakad sa gitna ng bangketa. Iwasan ang pagdaan sa madidilim at iláng na mga kalye. Ingatan ang iyong pitaka o mahahalagang dala. Lumakad nang mabilis na parang may pupuntahan ka. Iwasan ang pagsusuot ng mamahaling damit o makislap na mga alahas. Mamilí ka nang may kasama kung hinihingi ng mga kalagayan. Dalhin mo lamang ang perang kailangan mo, nakalagay sa iba’t ibang bulsa o maaaring paglagyan.
SA KOTSE—Kung uso sa inyong lugar ang “carjacking (pag-agaw sa iyong kotse samantalang nakasakay ka roon),” huwag kang manatili sa iyong kotseng nakaparada. Baguhin mo ang iyong ruta sa pagtungo sa iyong trabaho at pagkagaling doon. Pumili ka ng daan na mas ligtas, kahit na iyon ay medyo malayo. Bago magparada ng kotse, libutin mo ng tingin ang paligid upang makita kung mayroong waring kahina-hinala. Iwasan ang pagbubukas ng lagayan ng mga bagahe sa isang ilang na lugar. Huwag mong iwang nakikita ang mahahalagang bagay sa loob ng kotse. Ang isang nakikitang nakakadenang kandado o iba pang mga gamit laban sa mga magnanakaw ay maaaring makapagpahina ng loob sa di-sanay na mga magnanakaw.
[Kahon sa pahina 6]
“Tumigil na kayo nang pagtitipon para sa inyong sarili ng kayamanan sa lupa, na dito’y sumisira ang tánga at kalawang, at dito’y nakapapasok ang mga magnanakaw at nagnanakaw. Kundi, magtipon kayo ng kayamanan sa langit, na kung saan hindi sumisira ang tánga o ang kalawang man, at kung saan hindi nakapapasok ang mga magnanakaw at nakapagnanakaw.”—Mateo 6:19, 20