Hindi Nag-isip na Makipagkompromiso!
ANG kamay ni Jehova ay kumupkop sa sinaunang mga tagasunod ni Jesu-Kristo. (Gawa 11:21) Sa tulong ng Diyos, sila’y hindi nagkompromiso sa pagtaguyod ng matuwid. Alam na alam naman sa kasaysayan na sila’y kinapootan din at dumanas pa nga ng matinding pag-uusig.
Ang integridad ng unang tapat na mga tagasunod ni Kristo ay kilalang-kilala na. Kahit na mapahamak ang kanilang buhay, sila’y tumangging ikompromiso ang kanilang pananampalataya. Ngunit bakit sila lubhang pinagmalupitan?
Kinapootan Nang Walang Dahilan
Katulad ni Jesus, ang tunay na mga Kristiyano ay wala ng mga mithiin at paniniwala ng sanlibutang ito. (1 Juan 4:4-6) Isa pa, ang paglago ng Kristiyanismo ay “naging totoong mabilis, at ang tagumpay nito ay lubhang kapansin-pansin, anupat ang isang kakila-kilabot na pakikipagbanggaan [sa imperyo ng Roma] ay hindi maiiwasan,” ang sabi ng historyador na si Edmond de Pressensé.
Minsan ay ikinapit ni Jesus sa kaniyang sarili ang isang makahulang awit, na nagsasabi: “Kanilang kinapootan ako nang walang dahilan.” (Juan 15:25; Awit 69:4) Bago niya sinabi ito sa kaniyang mga alagad, siya’y nagbabala: “Ang alipin ay hindi dakila kaysa kaniyang panginoon. Kung ako’y kanilang pinag-usig, kayo man ay kanilang pag-uusigin din.” (Juan 15:20) Hindi magiging madali na sumunod sa kaniyang mga yapak. Unang-una, ang mga pinunong relihiyoso sa mga Judio ay makikitungo sa mga Judiong alagad ni Jesus bilang mga apostata buhat sa Judaismo. Gayunman, nang sapilitang hilingin na huminto na ang mga tagasunod ni Jesus ng pagsasalita tungkol sa kaniya, sila’y tumangging sumunod at sa ganoo’y maikompromiso ang kanilang pananampalataya.—Gawa 4:17-20; 5:27-32.
Sa patotoong iniharap sa Sanhedring Judio di-nagtagal makalipas ang Pentecostes 33 C.E., ang alagad na si Esteban ay inakusahan ng “pamumusong laban kay Moises at sa Diyos.” Bagaman hindi makatarungan ang mga paratang, siya’y pinagbabato hanggang sa mamatay. Kaya naman, “matinding pag-uusig ang bumangon laban sa kongregasyon na nasa Jerusalem,” at “lahat maliban sa mga apostol ay nagsipangalat sa buong rehiyon ng Judea at Samaria.” (Gawa 6:11, 13; 8:1) Marami ang ibinilanggo.
Tinugis ng mga Judio ang mga tagasunod ni Jesus taglay ang “walang awang pagkapoot,” ang sabi ng aklat na Christianity and the Roman Empire. Aba, malimit na kinailangang kumilos ang pamahalaang Romano upang mabigyan ng proteksiyon ang mga Kristiyano! Halimbawa, mga kawal Romano ang nagligtas kay apostol Pablo buhat sa mga Judiong desididong patayin siya. (Gawa 21:26-36) Gayunman, ang ugnayan sa pagitan ng mga Kristiyano at mga Romano ay nanatiling maligalig.
Pinag-ibayo ng Roma ang Pag-uusig
Mga siyam na taon pagkamatay ni Esteban, ang apostol na si Santiago ay ipinapatay ng pinunong Romano na si Herodes Agrippa I upang siya’y kalugdan ng mga Judio. (Gawa 12:1-3) Nang panahong iyon, ang paniniwala kay Kristo ay lumaganap na hanggang sa Roma. (Gawa 2:10) Noong 64 C.E., nasunog ang malaking bahagi ng lunsod na iyon. Kakila-kilabot na pag-uusig sa mga Kristiyano ang kasunod pagkatapos na sisihin sila ni Nero sa kapahamakang nangyari dahil sa kaniyang pagsisikap na sugpuin ang mga balita na siya ang may kagagawan ng malaking sunog na iyon. Kaniya bang sinunog ang lunsod upang may maidahilan para maitayong muli iyon nang higit na maganda at pangalanan iyon ng Neropolis na sunod sa kaniyang sariling pangalan? O ang kaniya bang emperatris na si Poppaea, isang Judiong proselita na kilalang namumuhi sa mga Kristiyano, ang nakaimpluwensiya sa kaniyang pasiya na akusahan sila? Ang mga mananaliksik ay hindi nakatitiyak, ngunit ang epekto ay kakila-kilabot.
Ang Romanong historyador na si Tacitus ay nagsasabi: “Tinuya pa ang mga papatayin; samantalang nakasuot ng mga balat ng mababangis na hayop, [ang mga Kristiyano] ay nilapa ng mga aso; sila’y ipinako sa mga krus; sila’y binuhusan ng mga pamparikit-apoy, upang pagkagat ng dilim, sila’y magsilbing mga ilaw,” mga taong pinakatanglaw sa mga halamanan ng imperyo. Isinusog pa ni Tacitus, na hindi kaibigan ng mga Kristiyano: “Bagaman sila’y may kasalanan, at karapat-dapat sa ulirang parusa, sila’y kinaawaan, sapagkat sila’y nililipol, hindi dahil sa ikabubuti ng madla, kundi dahil sa kalupitan ng isang tao,” si Nero.
Buong-Linaw na mga Pagkakaiba
Bagaman angkop sa layunin ni Nero na akusahan ang mga Kristiyano ng panununog sa Roma, sila’y hindi niya ibinawal o ipinagbawal ang Kristiyanismo bilang isang relihiyon sa loob ng Estado. Kaya bakit nagpatuloy ang mga Romano sa pag-uusig? Sapagkat “nakaliligalig sa mahilig sa kalayawang paganong sanlibutan ang maliliit na pamayanang Kristiyano dahil sa kanilang pagkarelihiyoso at pagkadisente,” ang sabi ng historyador na si Will Durant. Ang pagkakaiba sa pagitan ng Kristiyanismo at pagbububo ng dugo sa Romanong paligsahan ng mga gladiator ay totoong malaki. Napakabuting pagkakataon iyon upang mawala sa landas ng mga Romano ang mga Kristiyano at sa gayo’y mapanatag na ang kanilang sariling budhi.
Bilang isang makapangyarihang bansa sa daigdig, ang Roma ay waring hindi malulupig. May paniwala ang mga Romano na ang isang dahilan ng lakas ng kanilang hukbo ay ang kanilang pagsamba sa lahat ng diyos. Kaya naman nahirapan silang unawain ang pagsamba ng mga Kristiyano sa iisang Diyos at ang pagtanggi nito sa lahat ng ibang mga diyos, kasali na ang pagsamba sa emperador. Hindi nga kataka-taka na itinuring ng Roma na ang Kristiyanismo ay isang impluwensiyang sumisira sa mismong mga pundasyon ng imperyo.
Ang Halagang Kapalit ng Pagpapatotoo
Sa may dulo ng unang siglo C.E., si apostol Juan ay ipinatapon sa isla ng Patmos “dahil sa pagsasalita tungkol sa Diyos at pagbibigay-patotoo kay Jesus.” (Apocalipsis 1:9) May paniwala na ang may kagagawan nito ay ang Romanong emperador na si Domitian. Gayunman, sa kabila ng panggigipit sa mga tagasunod ni Jesus, nang matatapos na ang siglo, ang Kristiyanismo ay lumaganap sa buong Imperyong Romano. Papaano nga nangyari ito? Sinasabi ng A History of the Early Church na ang Kristiyanismo ay “pinagkakaisa ng ministeryo nito.” Tulad ni Juan, hindi ikinukompromiso ng pinag-usig na sinaunang mga Kristiyano ang kanilang pananampalataya kundi buong sigasig na nagpatuloy ng pagsasalita tungkol sa Diyos at pagbibigay-patotoo kay Jesus.—Gawa 20:20, 21; 2 Timoteo 4:2.
Ang pag-uusig sa mga Kristiyano ay nagkaroon ng isang bagong aspekto pagsapit ng 112 C.E., dalawang taon pagkahirang ni Emperador Trajan kay Pliny bilang gobernador ng Bitinya (ngayon ay hilagang-kanlurang Turkey). Ang dating administrasyon doon ay naging maluwag, na ang resulta’y kaguluhan. Ang mga templo ay halos wala nang mga tao, at bumabà nang malaki ang benta ng pagkain para sa isinasakripisyong mga hayop doon. Sinisi ng mga mangangalakal ang pagiging payak ng pagsambang Kristiyano, sapagkat ito’y wala kapuwa ng mga hayop na inihahandog at ng mga idolo.
Pinagsumikapan ni Pliny na maisauli ang paganong pagsamba, samantalang buhay ng mga Kristiyano ang ibinabayad nila sa pagtangging maghandog ng alak at insenso sa harap ng mga estatwa ng emperador. Sa wakas, inamin ng mga Romanong awtoridad na ang mga Kristiyano ay “mga taong may pinakamagagaling na asal, ngunit hindi maipaliwanag ang kanilang pagkapoot sa matatandang tradisyong relihiyoso,” ang sabi ni Propesor Henry Chadwick. Bagaman ang pagiging isang Kristiyano ay nanatiling isang krimen na kamatayan ang parusa, ang tunay na mga tagasunod ni Jesus ay hindi nag-isip man lamang na makipagkompromiso.
Ang pagkapoot ay nagbunga rin ng “pagkayamot na nalikha sa mga pamilyang pagano dahil sa pagkakumberte ng indibiduwal na mga miyembro,” ang sabi ni Propesor W. M. Ramsay. “Ang buhay-lipunan ay napakahirap pagka ang kapuwa mo ay hindi sumusunod sa pinakakaraniwang kaugalian ng lipunan sa dahilan na iyon ay nagpapahiwatig ng pagkilala sa paganong mga diyos,” ang sabi ni Dr. J. W. C. Wand. Hindi nga kataka-takang marami ang may paniwala na ang sinaunang mga Kristiyano ay mga napopoot sa sangkatauhan o itinuring silang mga ateyista.
Nagdadala ng Lalong Malaking Pag-uusig ang Paglago
Si Polycarp, iniulat na tinuruan ni apostol Juan, ay naging respetadong matanda sa lunsod ng Smyrna (ngayon ay Izmir). Dahilan sa kaniyang pananampalataya siya ay sinunog sa tulos noong 155 C.E. Ang karamihan ay tinipon ng Romanong gobernador ng lalawigan na si Statius Quadratus. Ang istadyum ay punô ng nagagalit na mga pagano na humamak sa 86-taóng-gulang na si Polycarp dahilan sa pagpapahina ng loob ng mga sumasamba sa kanilang mga diyos, at ang panatikong mga Judio ay kusang nanguha ng kahoy na panggatong sa kaniya, bagaman kinailangang gawin nila iyon sa isang dakilang Sabbath.
Isang baha ng pag-uusig ang sumunod na dumating sa mga Kristiyano sa buong daigdig ng mga Romano. Sa ilalim ni Emperador Marcus Aurelius, lalong maraming Kristiyano ang nangamatay. Kung sila’y mga mamamayang Romano, sila ay namatay sa pamamagitan ng tabak; kung hindi naman, sila’y nilapa ng mababangis na hayop sa mga ampiteatro. Ano ba ang kanilang nagawang kasalanan? Wala kundi ang pagiging mga Kristiyano na tumangging makipagkompromiso o itakwil ang kanilang pananampalataya.
Ang modernong lunsod na Pranses ng Lyons ay umusbong buhat sa Romanong kolonya ng Lugdunum, isang pangunahing sentro ng pangasiwaan at ang tanging garisong Romano sa pagitan ng Roma at ng Rhine River. Nang sumapit ang 177 C.E., ito’y may isang matatag na Kristiyanong pamayanan na sinalansang nang puspusan ng paganong mga mamamayan. Ito’y nagsimula nang ang mga Kristiyano ay hindi tinanggap sa pampublikong mga lugar. Ang mga mang-uumog ay nagsimulang manggulo, at ang sumunod na pag-uusig ay lubhang matindi anupat walang Kristiyanong nangahas na lumabas ng bahay. Iniutos ng Romanong gobernador na hanapin at pagpapatayin ang mga Kristiyano.
Ang Gantimpala
Sa pagkamatay ng mga apostol ni Jesus at paglipas ng kanilang impluwensiyang nakapipigil, ang apostasya ay nagsimulang umunlad sa gitna ng nag-aangking mga Kristiyano. (2 Tesalonica 2:7) Sa pagtatapos ng ikaapat na siglo C.E., ang apostatang Kristiyanismo ay naging relihiyon ng Estado. Noon, ito ay sumamâ na at handang makipagkompromiso at ipakilalang siya’y bahagi ng sanlibutan—isang bagay na kailanman ay hindi ginawa ni Jesus at ng kaniyang mga unang alagad. (Juan 17:16) Gayunman, mas maaga pa, natapos na ang canon ng Bibliya, na may ulat ng pananampalatayang Kristiyano.
Ang pagdurusa at kamatayan ba ng libu-libo ng sinaunang mga Kristiyano ay walang kabuluhan? Tunay na hindi! Samantalang hindi iniisip na ikompromiso ang kanilang pananampalataya, ‘kanilang pinatunayan na sila’y tapat hanggang sa kamatayan at binigyan ng putong ng buhay.’ (Apocalipsis 2:10) Nadarama pa rin ng mga lingkod ni Jehova ang init ng pag-uusig, subalit ang pananampalataya at katapatan ng sinaunang mga kapananampalataya ay nananatiling isang bukal ng malaking pampatibay-loob sa kanila. Kung gayon, ang modernong-panahong mga Kristiyano ay hindi rin nag-iisip na makipagkompromiso.
[Mga larawan sa pahina 8, 9]
Si Nero
Modelo ng imperyo ng Roma
Isang dambana na nakatalaga sa pagsamba kay Cesar
[Credit Lines]
Si Nero: Sa kagandahang-loob ng The British Museum
Museo della Civiltá, Romana, Roma
[Larawan sa pahina 10]
Si Marcus Aurelius
[Credit Line]
The Bettman Archive