Naghahari na si Jehova—Sa Pamamagitan ng Teokrasya
“Si Jehova ay magiging hari hanggang sa panahong walang takda.”—AWIT 146:10.
1, 2. (a) Bakit bigo ang mga pagsisikap ng tao na magpunò? (b) Ano ang tanging tunay na matagumpay na anyo ng pamahalaan?
BUHAT noong panahon ni Nimrod, sinubukan ng mga tao ang iba’t ibang paraan ng pamamahala sa lipunan ng sangkatauhan. Nagkaroon ng mga diktadura, monarkiya, oligarkiya, at sari-saring anyo ng demokrasya. Lahat ng ito ay pinahintulutan ni Jehova. Tunay, yamang ang Diyos ang pangunahing Bukal ng lahat ng awtoridad, sa isang diwa ay kaniyang inilagay ang iba’t ibang pinuno sa kani-kanilang posisyon na may takdang hangganan. (Roma 13:1) Gayunpaman, lahat ng pagsisikap ng tao na mamahala ay bigo. Walang pinunong tao ang nakapagpairal ng isang namamalagi, matatag, makatarungang lipunan. Napakadalas, naging “dominado ng tao ang kaniyang kapuwa tao sa kaniyang ikapipinsala.”—Eclesiastes 8:9.
2 Ito ba’y dapat nating pagtakhan? Tiyak na hindi! Ang di-sakdal na tao ay hindi ginawa upang magpunò sa kaniyang sarili. “Ang lakad ng makalupang tao ay hindi sa kaniyang sarili. Hindi para sa makalupang tao ang kahit magtuwid ng kaniyang hakbang.” (Jeremias 10:23) Kaya naman sa buong kasaysayan ng tao, iisang anyo ng pamahalaan ang tunay na naging matagumpay. Alin? Ang teokrasya sa ilalim ng Diyos na Jehova. Sa Biblikong Griego, ang “teokrasya” ay nangangahulugang isang pamamahala [kraʹtos] ng Diyos [the·osʹ]. Ano bang pamahalaan ang mas mabuti pa kaysa yaong sa Diyos na Jehova mismo?—Awit 146:10.
3. Ano ang ilan sa unang mga halimbawa ng teokrasyang umiral sa lupa?
3 Ang teokrasya ay nagpunò ng maikling panahon sa Eden, hanggang sa sina Adan at Eba ay naghimagsik laban kay Jehova. (Genesis 3:1-6, 23) Noong panahon ni Abraham, isang teokrasya ang waring umiral sa lunsod ng Salem, na ang haring-saserdote ay si Melquisedec. (Genesis 14:18-20; Hebreo 7:1-3) Ngunit, ang unang pambansang teokrasya sa ilalim ng Diyos na Jehova ay itinatag sa ilang ng Sinai noong ika-16 na siglo B.C.E. Papaano nangyari iyon? At ano ang mga kaayusan sa teokratikong pamahalaang iyon?
Isang Teokrasya ang Isinilang
4. Papaano itinatag ni Jehova ang teokratikong bansa ng Israel?
4 Noong 1513 B.C.E., sinagip ni Jehova ang mga Israelita buhat sa pagkaalipin sa Ehipto at pinuksa ang humahabol na mga hukbo ni Faraon sa Mapulang Dagat. Pagkatapos ay Kaniyang pinangunahan ang mga Israelita sa Bundok Sinai. Nang sila’y nagkakampamento na sa may paanan ng bundok, sinabi sa kanila ng Diyos sa pamamagitan ni Moises: “Kayo mismo ang nakakita sa aking ginawa sa mga Ehipsiyo, upang madala ko kayo sa mga pakpak ng mga agila at kayo’y inilapit ko sa aking sarili. At ngayon kung maingat na susundin ninyo ang aking tinig at iingatan nga ang aking tipan, kung gayo’y magiging aking tanging pag-aari nga kayo higit sa lahat ng bayan.” Ang mga Israelita ay tumugon: “Lahat ng sinalita ni Jehova ay handa kaming gawin.” (Exodo 19:4, 5, 8) Gumawa ng isang tipan, at ang teokratikong bansa ng Israel ay isinilang.—Deuteronomio 26:18, 19.
5. Papaanong masasabi na si Jehova ay nagpunò sa Israel?
5 Subalit, papaano nangyaring ang Israel ay pinamahalaan ni Jehova, na hindi nakikita ng mga tao? (Exodo 33:20) Sa paraan na ang mga batas at ang mga saserdote ng bansa ay ibinigay ni Jehova. Yaong mga sumunod sa mga batas at sumamba ayon sa banal na mga kaayusang ipinag-utos ay naglingkod sa Dakilang Teokrata, si Jehova. Isa pa, ang mataas na saserdote ay may taglay na Urim at ang Tummim, na sa pamamagitan niyaon ang Diyos na Jehova ay naglalaan ng patnubay sa mga panahon ng kagipitan. (Exodo 28:29, 30) Gayundin, kuwalipikadong mga nakatatandang lalaki ang mga kinatawan ni Jehova sa teokrasya at sila ang nag-asikaso ng pagkakapit ng Kautusan ng Diyos. Kung isasaalang-alang natin ang rekord ng ilan sa mga lalaking ito, lalo nang mauunawaan natin kung papaano dapat pailalim sa pamamahala ng Diyos ang mga tao.
Ang Awtoridad sa Ilalim ng Teokrasya
6. Bakit isang pagsubok na ang mga tao ay maghawak ng awtoridad sa isang teokrasya, at anong uri ng mga tao ang kailangan para sa pananagutang ito?
6 Yaong mga nasa posisyon ng awtoridad sa Israel ay may dakilang pribilehiyo, ngunit iyon ay nangangailangan ng pagsisikap at determinasyon upang sila’y makapanatiling timbang. Sila’y kailangang magpakaingat na ang kanilang pagkakilala sa sarili ay hindi nagiging mas mahalaga pa kaysa pagbanal sa pangalan ni Jehova. Ang kinasihang pangungusap na “hindi para sa taong lumalakad ang kahit magtuwid ng kaniyang hakbang” ay totoo sa mga Israelita gaya rin sa nalalabing bahagi ng sangkatauhan. Ang Israel ay umuunlad lamang pagka naalaala ng nakatatandang mga lalaki na ang Israel ay isang teokrasya at dapat nilang gawin ang kalooban ni Jehova, hindi ang sa kanilang sarili. Hindi nagtagal pagkatapos na maitatag ang Israel, inilarawan ng biyenang lalaki ni Moises, si Jetro, kung anong mga katangian ang dapat makita sa kanila, samakatuwid nga, “may kakayahang mga lalaki, natatakot sa Diyos, mapagkakatiwalaang mga lalaki, na mga napopoot sa sakim na pakinabang.”—Exodo 18:21.
7. Sa anong mga paraan isang mainam na halimbawa si Moises ng isa na humawak ng awtoridad sa ilalim ng Diyos na Jehova?
7 Ang unang humawak ng mataas na awtoridad sa Israel ay si Moises. Siya’y isang mainam na halimbawa ng isang taong may awtoridad sa loob ng kaayusang teokratiko. Totoo, minsan ay nahayag ang kahinaan ng tao. Gayunman, sa tuwina’y kay Jehova umaasa si Moises. Nang may bumangong mga katanungan na hindi pa napagpapasiyahan, kaniyang hinanap ang patnubay ni Jehova. (Ihambing ang Bilang 15:32-36.) Papaano pinaglabanan ni Moises ang tukso na gamitin ang kaniyang mataas na posisyon para sa kaniyang sariling kaluwalhatian? Buweno, bagaman nanguna siya sa isang bansang binubuo ng milyun-milyon, siya “ang pinakamaamo sa lahat ng mga tao na nabuhay sa ibabaw ng lupa.” (Bilang 12:3) Siya’y hindi nagkaroon ng personal na mga ambisyon kundi ang kaluwalhatian ng Diyos ang lagi niyang iniisip. (Exodo 32:7-14) At si Moises ay may matatag na pananampalataya. Bago siya naging isang pambansang lider, ganito ang sinabi ni apostol Pablo tungkol sa kaniya: “Nagpatuloy siyang matatag na gaya ng nakakakita sa Isa na di-nakikita.” (Hebreo 11:27) Maliwanag, hindi kailanman kinalimutan ni Moises na si Jehova ang tunay na Pinuno ng bansa. (Awit 90:1, 2) Anong inam na halimbawa para sa atin ngayon!
8. Ano ang iniutos ni Jehova kay Josue, at bakit ito ay kapansin-pansin?
8 Nang ang pangangasiwa sa Israel ay naging totoong mabigat na gampanang mag-isa ni Moises, inilagay ni Jehova ang kaniyang espiritu sa 70 nakatatandang mga lalaki na susuporta sa kaniya sa paghatol sa bansa. (Bilang 11:16-25) Nang bandang huli bawat lunsod ay magkakaroon ng kani-kaniyang nakatatandang mga lalaki. (Ihambing ang Deuteronomio 19:12; 22:15-18; 25:7-9.) Pagkamatay ni Moises, si Josue ang ginawa ni Jehova na lider ng bansa. Ating maguguniguni na sa pribilehiyong ito, maraming gawain si Josue. Gayunpaman, sinabi sa kaniya ni Jehova na may isang bagay na hindi niya dapat kaligtaan: “Ang aklat na ito ng kautusan ay huwag mahihiwalay sa iyong bibig, at iyong babasahin nang may pagbubulaybulay araw at gabi, upang iyong masunod na gawin ang ayon sa lahat ng nakasulat dito.” (Josue 1:8) Pansinin na bagaman si Josue ay nakapaglingkod nang mahigit na 40 taon, kailangan pa ring patuloy na basahin niya ang Kautusan. Tayo ay nangangailangan ding mag-aral ng Bibliya at muling sariwain sa ating isip ang mga batas at mga simulain ni Jehova—gaano man katagal ang ating ipinaglingkod o gaano man karami ang ating mga pribilehiyo.—Awit 119:111, 112.
9. Ano ang nangyari sa Israel noong panahon ng mga hukom?
9 Si Josue ay hinalinhan ng sunud-sunod na mga hukom. Nakalulungkot, sa panahon nila, ang mga Israelita ay malimit na “nahuhulog sa paggawa ng masama sa paningin ni Jehova.” (Hukom 2:11) Tungkol sa panahong ito ng mga hukom, sinasabi ng ulat: “Nang mga araw na iyon ay walang hari sa Israel. Nahirating gumawa ang isa ng kung ano ang matuwid sa kaniyang sariling mga mata.” (Hukom 21:25) Bawat isa ay gumagawa ng kaniyang sariling mga kapasiyahan tungkol sa paggawi at pagsamba, at ipinakikita ng kasaysayan na maraming Israelita ang gumawa ng masasamang pasiya. Sila’y napadala sa pagsamba sa mga idolo at kung minsan ay nakagagawa ng kakila-kilabot na mga krimen. (Hukom 19:25-30) Subalit, ang ilan ay kinakitaan ng ulirang pananampalataya.—Hebreo 11:32-38.
10. Papaano lubusang nagbago ang pamahalaan sa Israel noong panahon ni Samuel, at ano ang dahilan nito?
10 Sa panahon na nabubuhay ang huling hukom, si Samuel, ang Israel ay dumanas ng isang krisis tungkol sa pamamahala. Palibhasa’y naimpluwensiyahan ng nakapalibot na mga bansang kaaway, na pawang pinamumunuan ng mga hari, nangatuwiran ang mga Israelita na sila ay nangangailangan ng isang hari. Nakalimutan nila na sila’y mayroon nang isang Hari, na ang kanilang pamahalaan ay isang teokrasya. Sinabi ni Jehova kay Samuel: “Hindi ikaw ang kanilang tinanggihan, kundi ako ang kanilang tinanggihan sa pagiging hari sa kanila.” (1 Samuel 8:7) Ang kanilang halimbawa ay nagpapagunita sa atin kung gaano kadaling maiwala ang ating espirituwal na pangmalas at maimpluwensiyahan ng sanlibutang nakapalibot sa atin.—Ihambing ang 1 Corinto 2:14-16.
11. (a) Sa kabila ng pagbabago sa pamahalaan, papaano masasabi na ang Israel ay nagpatuloy na isang teokrasya sa ilalim ng mga hari? (b) Anong utos ang ibinigay ni Jehova sa mga hari sa Israel, at sa anong layunin?
11 Gayunpaman, si Jehova ay pumayag sa kahilingan ng mga Israelita at pinili ang kanilang unang dalawang hari, sina Saul at David. Ang Israel ay nagpatuloy na maging isang teokrasya, na pinamahalaan ni Jehova. Upang hindi ito makalimutan ng kaniyang mga hari, bawat isa sa kanila ay obligado na gumawa ng kaniyang sariling kopya ng Kautusan at basahin iyon araw-araw, “upang siya’y matutong matakot kay Jehova na kaniyang Diyos upang isagawa ang lahat ng salita ng kautusang ito at ng mga palatuntunang ito; upang ang kaniyang puso ay huwag magmataas sa kaniyang mga kapatid.” (Deuteronomio 17:19, 20) Oo, nais ni Jehova na yaong mga may awtoridad sa kaniyang teokrasya ay huwag magmataas at mabanaag sa kanilang mga kilos ang kaniyang Kautusan.
12. Anong rekord ng katapatan ang nagawa ni Haring David?
12 Si Haring David ay may katangi-tanging pananampalataya kay Jehova, at nakipagtipan sa kaniya ang Diyos na siya’y magiging ama ng isang angkan ng mga hari na mananatili magpakailanman. (2 Samuel 7:16; 1 Hari 9:5; Awit 89:29) Ang mapagpakumbabang pagpapasakop ni David kay Jehova ay karapat-dapat tularan. Sinabi niya: “Oh Jehova, ang hari ay magagalak sa iyong kalakasan; at sa iyong pagliligtas ay anong pagkalaki-laki ng kaniyang kagalakan!” (Awit 21:1) Bagaman kung minsan ay nabigo si David dahilan sa kahinaan ng laman, karaniwan nang tumitiwala siya sa lakas ni Jehova, hindi sa kaniyang sarili.
Di-teokratikong mga Gawa at mga Saloobin
13, 14. Ano ang ilan sa di-teokratikong mga ikinilos ng mga humalili kay David?
13 Hindi lahat ng lider na Israelita ay katulad nina Moises at David. Marami ang nagpakita ng malaking kawalang-galang sa kaayusang teokratiko, anupat nagpahintulot na umiral sa Israel ang huwad na pagsamba. Maging ang ilan sa tapat na mga pinuno ay kumilos sa paraang di-teokratiko paminsan-minsan. Napakalungkot ang nangyari kay Solomon, na binigyan ng malaking karunungan at kaunlaran. (1 Hari 4:25, 29) Gayunman, sa hindi pagsunod sa kautusan ni Jehova, marami siyang naging asawa at pinahintulutan sa Israel ang pagsamba sa idolo. Maliwanag, ang pamamahala ni Solomon ay naging mapaniil noong kaniyang huling mga taon.—Deuteronomio 17:14-17; 1 Hari 11:1-8; 12:4.
14 Ang anak ni Solomon na si Rehoboam ay napaharap sa isang kahilingan na kaniyang pagaanin ang pasanin ng kaniyang mga sakop. Sa halip na may kahinahunang harapin ang situwasyon, may kapusukang iginiit niya ang kaniyang awtoridad—at nawalan ng 10 sa 12 tribo. (2 Cronica 10:4-17) Ang unang hari ng humiwalay na sampung-tribong kaharian ay si Jeroboam. Sa pagsisikap na matiyak na ang kaniyang kaharian ay hindi na muling sasanib sa dating kaugnay na bansa, siya’y nagtatag ng pagsamba sa baka. Maaaring ito ay waring isang matalinong hakbang sa paraang makapulitika, subalit nagpapakita ito ng tahasang pagwawalang-bahala sa teokrasya. (1 Hari 12:26-30) Nang malaunan, sa katapusan ng isang mahabang buhay ng tapat na paglilingkuran, hinayaan ni Haring Asa na masira ang kaniyang rekord dahil sa pagmamataas. Masama ang naging pagtrato niya sa propeta na lumapit sa kaniya taglay ang payo buhat kay Jehova. (2 Cronica 16:7-11) Oo, kahit na ang mga datihan na ay nangangailangan kung minsan ng payo.
Ang Wakas ng Isang Teokrasya
15. Nang narito si Jesus sa lupa, papaano nabigo ang mga lider na Judio bilang mga nagpupunong awtoridad sa isang teokrasya?
15 Nang narito sa lupa si Jesu-Kristo, umiiral pa rin sa Israel ang teokrasya. Subalit, nakalulungkot, marami sa kaniyang may-pananagutang nakatatandang mga lalaki ay hindi mga taong may espirituwal na kaisipan. Talagang nabigo silang linangin ang kaamuan na ipinakita ni Moises. Itinawag-pansin ni Jesus ang kanilang espirituwal na katiwalian nang kaniyang sabihin: “Ang mga eskriba at ang mga Fariseo ay umupo sa upuan ni Moises. Samakatuwid lahat ng mga bagay na sinasabi nila sa inyo, ay gawin ninyo at tuparin, ngunit huwag ninyong gawin ang ayon sa kanilang mga gawa, sapagkat sinasabi nila ngunit hindi isinasagawa.”—Mateo 23:2, 3.
16. Papaano ipinakita ng unang-siglong mga lider na Judio na sila’y walang paggalang sa teokrasya?
16 Pagkatapos na ibigay si Jesus kay Poncio Pilato, ipinakita ng mga lider na Judio kung gaano na sila kalayo sa kanilang paghiwalay sa teokratikong pagpapasakop. Siniyasat ni Pilato si Jesus at nagpasiya na siya’y isang taong walang kasalanan. Pagkatapos na ilabas si Jesus upang iharap sa mga Judio, sinabi ni Pilato: “Tingnan ninyo! Ang inyong hari!” Nang hingin ng mga Judio na patayin si Jesus, nagtanong si Pilato: “Ipapako ko ba ang inyong hari?” Ang mga punong saserdote ay sumagot: “Wala kaming hari kundi si Cesar.” (Juan 19:14, 15) Si Cesar ang kanilang kinilalang hari, hindi si Jesus, ‘na naparito sa pangalan ni Jehova’!—Mateo 21:9.
17. Bakit ang Israel sa laman ay hindi na isang bansang teokratiko?
17 Sa pagtanggi kay Jesus, tumanggi sa teokrasya ang mga Judio, sapagkat siya ang magiging pangunahing tauhan sa panghinaharap na mga kaayusang teokratiko. Si Jesus ang maharlikang anak ni David na maghahari magpakailanman. (Isaias 9:6, 7; Lucas 1:33; 3:23, 31) Sa gayon, ang Israel sa laman ay hindi na ang piniling bansa ng Diyos.—Roma 9:31-33.
Isang Bagong Teokrasya
18. Anong bagong teokrasya ang isinilang noong unang siglo? Ipaliwanag.
18 Gayunman, ang pagtanggi ng Diyos sa Israel sa laman ay hindi ang siyang wakas ng teokrasya sa lupa. Sa pamamagitan ni Jesu-Kristo, si Jehova ay nagtatag ng isang bagong teokrasya. Ito ang pinahirang kongregasyong Kristiyano, na sa aktuwal ay isang bagong bansa. (1 Pedro 2:9) Tinawag iyon ni apostol Pablo na “ang Israel ng Diyos,” at sa wakas ang mga kaanib dito ay nanggaling “sa bawat tribo at wika at bayan at bansa.” (Galacia 6:16; Apocalipsis 5:9, 10) Bagaman napasasakop sa mga pamahalaan ng tao sa kanilang kinatitirhan, ang mga miyembro ng bagong teokrasyang ito ay tunay ngang pinamamahalaan ng Diyos. (1 Pedro 2:13, 14, 17) Di-nagtagal pagkatapos ng pagsilang ng bagong teokrasya, ang mga pinuno ng Israel sa laman ay nagsikap na pilitin ang ilang mga alagad na huminto sa pagtupad ng isang utos na ibinigay sa kanila ni Jesus. Ang tugon? “Dapat naming sundin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao.” (Gawa 5:29) Tunay, isang teokratikong pangmalas!
19. Papaano matatawag na isang teokrasya ang unang-siglong kongregasyong Kristiyano?
19 Subalit, ano ang mga kaayusan sa bagong teokrasya? Buweno, may isang Hari, si Jesu-Kristo, na kumakatawan sa Dakilang Teokrata, ang Diyos na Jehova. (Colosas 1:13) Bagaman ang Hari ay di-nakikita sa langit, ang kaniyang pamamahala ay tunay sa kaniyang mga sakop, at ang kaniyang mga salita ang umuugit sa kanilang buhay. Kung tungkol naman sa nakikitang pangangasiwa, hinirang ang nakatatandang mga lalaki na kuwalipikado sa espirituwal. Sa Jerusalem isang grupo ng gayong mga lalaki ang nagsisilbing isang lupong tagapamahala. Kinakatawan ang lupong iyan ng naglalakbay na matatanda, tulad nina Pablo, Timoteo, at Tito. At bawat kongregasyon ay pinangangalagaan ng isang lupon ng nakatatandang mga lalaki, o matatanda. (Tito 1:5) Pagka may bumangong isang mahirap na suliranin, ang matatanda ay sumasangguni sa lupong tagapamahala o sa isa sa mga kinatawan nito, tulad ni Pablo. (Ihambing ang Gawa 15:2; 1 Corinto 7:1; 8:1; 12:1.) Gayundin, bawat miyembro ng kongregasyon ay may bahagi sa pagtataguyod sa teokrasya. Bawat isa ay may pananagutan sa harap ni Jehova na ikapit sa kaniyang buhay ang mga simulain ng Kasulatan.—Roma 14:4, 12.
20. Ano ang masasabi tungkol sa teokrasya pagkamatay ng mga apostol?
20 Si Pablo ay nagbabala na pagkamatay ng mga apostol, magkakaroon ng apostasya, at ganoon nga ang nangyari. (2 Tesalonica 2:3) Sa paglakad ng panahon, ang bilang ng mga nag-aangking Kristiyano ay umabot sa milyun-milyon at pagkatapos ay sa daan-daang milyon. Sila’y bumuo ng iba’t ibang uri ng pamahalaan ng iglesya, tulad ng herarkiyal, presbiteryano, at pangkongregasyon. Gayunman, maging sa paggawi o sa mga paniniwala ng mga iglesyang ito ay hindi nabanaag ang pamamahala ni Jehova. Ang mga ito ay hindi mga teokrasya!
21, 22. (a) Papaano isinauli ni Jehova ang teokrasya sa panahon ng kawakasan? (b) Anong mga tanong tungkol sa teokrasya ang susunod na sasagutin?
21 Sa panahon ng wakas ng sistemang ito ng mga bagay, ang tunay na mga Kristiyano ay ihihiwalay sa di-tunay na mga Kristiyano. (Mateo 13:37-43) Ito’y nangyari noong 1919, isang napakahalagang taon sa kasaysayan ng teokrasya. Nang panahong iyon ang maningning na hula ng Isaias 66:8 ay natupad: “Sino ang nakakita ng ganiyang mga bagay? Ipanganganak ba kasabay ng pagdaramdam ang isang lupain sa isang araw? O ang isang bansa’y isisilang sa isang saglit?” Ang sagot sa mga tanong na iyon ay isang umaalingawngaw na oo! Noong 1919 ang kongregasyong Kristiyano ay minsan pang umiral bilang isang nakabukod na “bansa.” Isang teokratikong “lupain” ang tunay ngang isinilang na waring sa loob lamang ng isang araw! Samantalang sumusulong ang panahon ng kawakasan, ang organisasyon ng bagong bansang ito ay isinaayos upang makatulad hangga’t maaari niyaong umiral noong unang siglo. (Isaias 60:17) Subalit ito sa tuwina ay isang teokrasya. Sa paggawi at sa paniniwala, laging nabanaag dito ang banal na kinasihang mga kautusan at mga simulain sa Kasulatan. At iyon ay laging napasasakop sa nakaluklok na Hari, si Jesu-Kristo.—Awit 45:17; 72:1, 2.
22 Ikaw ba ay kaugnay ng teokrasyang ito? Ikaw ba ay nasa isang posisyong may awtoridad dito? Kung gayon, alam mo ba kung ano ang ibig sabihin ng pagkilos sa teokratikong paraan? Alam mo ba ang mga silo na dapat iwasan? Ang huling dalawang tanong ay tatalakayin sa sumusunod na artikulo.
Maipaliliwanag Mo Ba?
◻ Ano ba ang isang teokrasya?
◻ Sa anong paraan isang teokrasya ang Israel?
◻ Anong kaayusan ang ginawa ni Jehova upang ipaalaala sa mga hari na ang Israel ay isang teokrasya?
◻ Sa anong paraan isang teokrasya ang kongregasyong Kristiyano, at papaano ito inorganisa?
◻ Anong organisasyong teokratiko ang itinatag sa panahon natin?
[Larawan sa pahina 12]
Sa harap ni Poncio Pilato, si Cesar ang kinilala ng mga pinunong Judio sa halip na ang Hari na teokratikong hinirang ni Jehova