Ang Hatol ni Jehova Laban sa mga Bulaang Guro
“Sa mga propeta ng Jerusalem ay nakita ko ang kakila-kilabot na mga bagay, sila’y nangangalunya at nagsisilakad sa kasinungalingan . . . Silang lahat ay naging parang Sodoma sa akin, at ang mga nananahan sa kaniya ay parang Gomorra.”—JEREMIAS 23:14.
1. Bakit may napakabigat na pananagutan ang isang nagsasagawa ng banal na pagtuturo?
SINUMANG nagsasagawa ng banal na pagtuturo ay may napakabigat na pananagutan. Nagbababala ang Santiago 3:1: “Hindi marami sa inyo ang dapat maging mga guro, mga kapatid ko, yamang nalalaman na tatanggap tayo ng mas mabigat na hatol.” Oo, ang mga guro ng Salita ng Diyos ay nasa ilalim ng mas mabigat na pananagutan na magbigay ng mabuting ulat kaysa mga Kristiyano sa pangkalahatan. Ano ang kahulugan nito para sa napatutunayang mga bulaang guro? Masdan natin ang situwasyon noong kaarawan ni Jeremias. Makikita natin kung papaano ito lumalarawan sa nangyayari ngayon.
2, 3. Anong hatol ang iginawad ni Jehova sa pamamagitan ni Jeremias kung tungkol sa mga bulaang guro ng Jerusalem?
2 Noong 647 B.C.E., nang ika-13 taon ng pamamahala ni Haring Josias, si Jeremias ay sinugo bilang propeta ni Jehova. May reklamo si Jehova laban sa Juda, kaya sinugo niya si Jeremias upang ipahayag iyon. Ang mga bulaang propeta, o mga guro ng Jerusalem ay nagsisigawa ng “kakila-kilabot na mga bagay” sa paningin ng Diyos. Sila’y napakasamâ kung kaya inihalintulad ng Diyos ang Jerusalem at Juda sa Sodoma at Gomorra. Inilalahad ito sa atin ng Jeremias kabanata 23. Ganito ang sabi ng Jer 23 talatang 14:
3 “Sa mga propeta ng Jerusalem ay nakita ko ang kakila-kilabot na mga bagay, sila’y nangangalunya at nagsisilakad sa kasinungalingan; at kanilang pinalalakas ang mga kamay ng mga manggagawa ng kasamaan anupat walang humihiwalay, bawat isa mula sa kaniyang kasamaan. Silang lahat ay naging parang Sodoma sa akin, at ang mga nananahan sa kaniya ay parang Gomorra.”
4. Papaano nakakahalintulad ng nasa Sangkakristiyanuhan ngayon ang masamang halimbawa sa moral ng mga guro ng Jerusalem?
4 Oo, ang mga propeta, o mga gurong ito, ay nagpakita mismo ng napakasamang halimbawa sa moral at, sa katunayan, pinatibay-loob pa ang mga tao na gumawa rin ng gayon. Masdan ang mga kalagayan sa Sangkakristiyanuhan ngayon! Hindi ba ang mga ito ay katulad na katulad noong kaarawan ni Jeremias? Sa ngayon pinapayagan ng klero ang mga mangangalunya at mga homoseksuwal na manatili sa kanilang tungkulin at pinahintulutan pa nga silang mangasiwa ng mga serbisyo sa simbahan. Pagtatakhan ba na napakaraming nakatalang mga miyembro ng iglesya ay mga imoral din?
5. Bakit ang imoral na kalagayan ng Sangkakristiyanuhan ay malubha pa kaysa Sodoma at Gomorra?
5 Ang mga tao sa Jerusalem ay inihalintulad ni Jehova sa mga nasa Sodoma at Gomorra. Subalit ang imoral na kalagayan ng Sangkakristiyanuhan ay malubha pa kaysa Sodoma at Gomorra. Oo, ito ay higit pang makasalanan sa paningin ni Jehova. Nilalabag ng kaniyang mga guro ang moral na kautusang Kristiyano. At ito’y nagpapairal ng isang kalagayang nagbibigay-daan sa pagbaba ng moral na may mapaminsalang panghihikayat sa lahat ng uri ng kasamaan. Totoong malaganap ang moral na situwasyong ito anupat ang kasamaan ay itinuturing ngayon na pangkaraniwan.
“Nagsisilakad sa Kasinungalingan”
6. Ano ang sinabi ni Jeremias tungkol sa kasamaan ng mga propeta ng Jerusalem?
6 Ngayon ay pansinin ang sinasabi ng Jer 23 talatang 14 tungkol sa mga propeta ng Jerusalem. Sila’y “nagsisilakad sa kasinungalingan.” At ang huling bahagi ng Jer 23 talatang 15 ay nagsasabi: “Buhat sa mga propeta ng Jerusalem ang apostasya ay lumaganap sa buong lupain.” Pagkatapos ay isinususog ng Jer 23 talatang 16: “Ganito ang sabi ni Jehova ng mga hukbo: ‘Huwag ninyong dinggin ang mga salita ng mga propeta na nanghuhula sa inyo na mga tao. Sila’y nagtuturo sa inyo na maging walang kabuluhan. Sila’y nagsasalita ng pangitain ng kanilang sariling puso—hindi yaong mula sa bibig ni Jehova.’”
7, 8. Bakit ang klero ng Sangkakristiyanuhan ay gaya ng mga bulaang propeta ng Jerusalem, at papaano naaapektuhan nito ang mga nagsisimba?
7 Tulad ng mga bulaang propeta ng Jerusalem, ang klero ng Sangkakristiyanuhan ay lumalakad din sa kasinungalingan, nagpapalaganap ng apostatang mga doktrina, mga turong hindi masusumpungan sa Salita ng Diyos. Ano ba ang ilan sa mga kasinungalingang turong ito? Ang pagkawalang-kamatayan ng kaluluwa, ang Trinidad, purgatoryo, at apoy ng impiyerno na magpaparusa sa mga tao nang walang katapusan. Kanila ring kinikiliti ang mga tainga ng kanilang mga tagapakinig sa pamamagitan ng pangangaral ng kung ano ang gustong mapakinggan ng mga tao. Kanilang inuulit-ulit na walang kapahamakang darating sa Sangkakristiyanuhan dahil taglay niya ang kapayapaan ng Diyos. Subalit ang klero ay nagsasalita “ng pangitain ng kanilang sariling puso.” Iyon ay kasinungalingan. Yaong mga naniniwala sa gayong mga kasinungalingan ay nalalason ang espirituwalidad. Sila’y inililigaw tungo sa kanilang kapahamakan!
8 Isaalang-alang ang sinasabi ni Jehova sa mga bulaang gurong ito sa Jer 23 talatang 21: “Hindi ko sinugo ang mga propeta, gayunma’y nagsitakbo sila. Ako’y hindi nagsalita sa kanila, gayunma’y nanghula sila.” Kaya sa ngayon, ang klero ay hindi sinugo ng Diyos, ni sila man ay nagtuturo ng kaniyang mga katotohanan. Ang resulta? Isang nakapangingilabot na kawalang-alam sa Bibliya ang umiiral sa gitna ng mga nagsisimba sapagkat ang itinuturo sa kanila ng kanilang mga ministro ay makasanlibutang mga pilosopiya.
9, 10. (a) Anong uri ng mga panaginip ang taglay ng mga bulaang guro ng Jerusalem? (b) Papaano nagturo rin naman ng “sinungaling na mga panaginip” ang klero ng Sangkakristiyanuhan?
9 Isa pa, nagpapalaganap ng di-tunay na mga pag-asa ang klero sa ngayon. Pansinin ang Jer 23 talatang 25: “Aking narinig kung ano ang sinasabi ng mga propeta na nagsisipanghula ng kasinungalingan sa aking pangalan, anupa’t nagsasabi, ‘Ako’y nanaginip! Ako’y nanaginip!’” Anong uri ng mga panaginip ang mga ito? Ang Jer 23 talatang 32 ay nagsasabi sa atin: “‘Narito ako’y laban sa mga propeta ng sinungaling na mga panaginip,’ ang sabi ni Jehova, ‘na sinasaysay ang mga iyon at inililigaw ang aking bayan sa pamamagitan ng kanilang mga kasinungalingan at ng kanilang kahambugan. Subalit hindi ko sila sinugo o inutusan ko man sila. Kaya sila’y hindi pakikinabangan sa anumang paraan ng bayang ito,’ ang sabi ni Jehova.”
10 Anong sinungaling na mga panaginip, o mga pag-asa, ang itinuro ng klero? Aba, na ang tanging pag-asa ng tao ukol sa kapayapaan at katiwasayan ngayon ay ang Nagkakaisang mga Bansa. Noong nakalipas na mga taon kanilang tinawag ang UN na “ang huling pag-asa sa pagkakasundo at kapayapaan,” “ang kataas-taasang pinakasentro ng kapayapaan at katarungan,” “ang pangunahing pag-asa ng sanlibutan ukol sa pandaigdig na kapayapaan.” Anong laking kahibangan! Ang tanging pag-asa para sa sangkatauhan ay ang Kaharian ng Diyos. Subalit ang klero ay hindi nangangaral at nagtuturo ng katotohanan tungkol sa makalangit na pamahalaang iyan, na siyang pangunahing tema ng pangangaral ni Jesus.
11. (a) Nagkaroon ng anong masamang epekto sa sariling pangalan ng Diyos ang mga bulaang guro ng Jerusalem? (b) Ibang-iba sa uring Jeremias, ano ang ginagawa ng mga bulaang guro ng relihiyon sa ngayon kung tungkol sa banal na pangalan?
11 Ang Jer 23 talatang 27 ay nagsasabi sa atin ng higit pa. “Sila’y nag-aakalang magpalimot sa aking bayan ng aking pangalan sa pamamagitan ng kanilang mga panaginip na sinasaysay ng bawat isa sa kanila sa kaniyang kapuwa, gaya ng kanilang mga ama na nakalimot ng aking pangalan dahil kay Baal.” Ang mga bulaang propeta ng Jerusalem ang dahilan ng paglimot ng bayan sa pangalan ng Diyos. Hindi ba ang mga bulaang guro ng relihiyon sa ngayon ay gumagawa rin ng gayon? Ang lalong masama, kanilang itinatago ang pangalan ng Diyos, na Jehova. Itinuturo nila na ito’y hindi na kailangang gamitin, at inaalis nila iyon sa kanilang mga salin ng Bibliya. Sila’y mahigpit na sumasalansang sa sinumang nagtuturo sa mga tao na ang pangalan ng Diyos ay Jehova. Subalit ang uring Jeremias, ang nalabi ng pinahiran-ng-espiritung mga Kristiyano, pati ang kanilang mga kasamahan, ay gumagawa ng gaya ng ginawa ni Jesus. Kanilang tinuturuan ang milyun-milyon tungkol sa pangalan ng Diyos.—Juan 17:6.
Pagbubunyag ng Kanilang Kasamaan
12. (a) Bakit may malaking kasalanan sa dugo ang mga bulaang guro ng relihiyon? (b) Ano ba ang ginampanang papel ng klero sa dalawang digmaang pandaigdig?
12 Paulit-ulit na ibinunyag ng uring Jeremias ang klero bilang mga bulaang guro na inaakay ang kanilang mga kawan sa paglakad sa maluwang na daan ng kapahamakan. Oo, nililiwanag ng nalabi kung bakit ang mga nananaginip na iyon ay karapat-dapat hatulan ni Jehova ng laban sa kanila. Halimbawa, malimit na tinutukoy ng mga lingkod ni Jehova ang Apocalipsis 18:24, na nagsasabi na sa Babilonyang Dakila ay nasumpungan ang dugo ng “lahat niyaong mga pinatay sa lupa.” Pag-isipan ang lahat ng digmaan na pinaglabanan dahilan sa mga pagkakaiba sa relihiyon. Anong laki ng kasalanan laban sa dugo ang taglay ng mga bulaang guro ng relihiyon! Ang kanilang mga turo ay naging dahilan ng pagkakabaha-bahagi at pinatindi pa ang pagkakapootan niyaong may nagkakaibang mga pananampalataya at mga grupong pambansa. Tungkol sa Digmaang Pandaigdig I, ganito ang sabi ng aklat na Preachers Present Arms: “Ang mga clerc [klerigo] ang nagbigay sa digmaan ng masilakbong espirituwal na kahulugan at kasiglahan. . . . Sa pamamagitan niyaon ang simbahan ay naging bahagi at lubhang nasangkot sa sistema ng digmaan.” Ganiyan din kung tungkol sa Digmaang Pandaigdig II. Lubusang sinuportahan ng klero ang naglalabang mga bansa at binasbasan ang kanilang mga sundalo. Dalawang digmaang pandaigdig ang nagsimula sa Sangkakristiyanuhan na kung saan nagpatayan ang magkakarelihiyon. Ang sekular at relihiyosong mga grupo sa loob ng Sangkakristiyanuhan ay patuloy na nagiging sanhi ng pagbububo ng dugo hanggang sa kasalukuyang panahon. Ano ngang kakila-kilabot na epekto ang naidulot ng kanilang mga turong kasinungalingan!
13. Papaano pinatutunayan ng Jeremias 23:22 na ang klero ng Sangkakristiyanuhan ay walang kaugnayan kay Jehova?
13 Pakisuyong bigyang-pansin ang Jeremias kabanatang 23, talatang 22: “Kung sila’y nanindigan sana sa panig ng aking mga kapalagayang-loob, kanilang naiparinig sana ang mismong mga salita ko sa aking bayan, at kanilang naihiwalay sana sila buhat sa kanilang masamang lakad at sa kasamaan ng kanilang mga daan.” Kung ang relihiyosong mga propeta ng Sangkakristiyanuhan ay nanindigan sana sa panig ng mga kapalagayang-loob ni Jehova, nasa malapit na kaugnayan sa kaniya na para bang isang tapat at maingat na lingkod, kung gayon sila rin ay mamumuhay ayon sa mga pamantayan ng Diyos. Kanilang pangyayarihin din naman na ang mga bayan ng Sangkakristiyanuhan ay makarinig ng sariling mga pananalita ng Diyos. Sa halip, ginawa ng modernong-panahong mga bulaang guro ang kanilang mga tagasunod bilang binulag na mga lingkod ng Kaaway ng Diyos, si Satanas na Diyablo.
14. Anong mabisang pagbubunyag sa klero ng Sangkakristiyanuhan ang ginawa noong 1958?
14 Ang pagbubunyag ng uring Jeremias ng katotohanan tungkol sa klero ay naging mabisa. Halimbawa, sa 1958 Banal na Kalooban na Internasyonal na Asamblea ng mga Saksi ni Jehova sa New York City, ang bise presidente ng Samahang Watch Tower ay nagharap ng isang pangungusap na ganito ang isang bahagi: “Walang anumang lingon-likod o pag-aatubili na ipinahahayag nating ang pinakaugat ng lahat ng krimen, kasamaan, pagkakapootan, pag-aalitan, pagtatangi-tangi, . . . at parang baliw na kaguluhan ay ang maling relihiyon, ang huwad na relihiyon; na ang nasa likod ay ang di-nakikitang kaaway ng tao, si Satanas na Diyablo. Ang mga tao na may pinakamalaking pananagutan sa kalagayan ng daigdig ay ang mga guro at lider ng relihiyon; at ang masisising higit sa lahat ay ang relihiyosong klero ng Sangkakristiyanuhan. . . . Pagkalipas ng lahat ng mga taon buhat noong Digmaang Pandaigdig I, ang Sangkakristiyanuhan ay nasa isang kalagayan sa harap ng Diyos na gaya ng Israel noong panahon ni Jeremias. Oo, ang Sangkakristiyanuhan ay nakaharap sa isang pagkawasak na lalong higit na kasindak-sindak at kalagim-lagim ang magiging kagibaan kaysa doon sa nakita ni Jeremias na nangyari sa Jerusalem.”
Ang Hatol sa mga Bulaang Guro
15. Anong mga paghula tungkol sa kapayapaan ang ginawa ng klero? Matutupad ba ang mga iyan?
15 Sa kabila ng mga babalang ito, papaano kumilos ang klero sapol noon? Kagayang-kagaya ng iniuulat ng Jer 23 talatang 17: “Kanilang sinasabing paulit-ulit sa kanila na mga walang-galang sa akin, ‘Sinabi ni Jehova: “Kayong mga tao’y magkakaroon ng kapayapaan.”’ At sa bawat isa na lumalakad sa katigasan ng kaniyang puso ay sinasabi nila, ‘Walang kapahamakang darating sa inyo na mga tao.’” Totoo ba ito? Hindi! Ibubunyag ni Jehova ang kasinungalingan ng mga hulang ito ng klero. Hindi niya tutupdin ang kanilang sinasabi salig sa kaniyang pangalan. Gayunman, ang sinasabi ng klero na walang katotohanang katiyakan ng pakikipagpayapaan sa Diyos ay napakamapandaya!
16. (a) Ano ang kalagayan sa moral ng sanlibutang ito, at sino ang may bahagi sa pananagutan nito? (b) Ano ba ang ginagawa ng uring Jeremias tungkol sa nakasásamáng pagmalas sa moral ng sanlibutang ito?
16 Iyo bang iniisip, ‘Ano, madadaya ako ng bulaang mga turo ng mga klero? Nungka!’ Buweno, huwag kang pakaseguro! Tandaan na ang kasinungalingang mga turo ng klero ay nagbigay-daan sa isang kapaligirang nakapipinsala, kakila-kilabot kung tungkol sa moral. Ang kanilang may kaluwagang mga turo ay nagbibigay-matuwid sa halos anupaman, gaano mang kasamâ iyon. At ang kabulukang ito sa moral ay laganap sa lahat ng larangan ng libangan, pelikula, TV, magasin, at musika. Kung gayon, tayo’y kinakailangang magpakaingat, baka tayo’y mahulog sa impluwensiya ng kasamaang ito na buong-dayang nag-aanyong mabuti sa moral. Ang mga kabataan ay maaaring masilo ng nakasasamang mga video at musika. Tandaan na ang saloobing puwede-naman-kahit-ano ng mga tao sa ngayon ay isang tuwirang resulta ng kasinungalingang mga turo ng klero at ng kanilang pagkabigong itaguyod ang matuwid na mga pamantayan ng Diyos. Binabaka ng uring Jeremias ang imoral na mga pangmalas na ito at tinutulungan ang mga lingkod ni Jehova na tanggihan ang kasamaan na bumabalot sa Sangkakristiyanuhan.
17. (a) Sang-ayon kay Jeremias, anong hatol ang sasapit noon sa balakyot na Jerusalem? (b) Ano ang malapit nang mangyari sa Sangkakristiyanuhan?
17 Anong hatol ang tatanggapin ng mga bulaang guro ng Sangkakristiyanuhan buhat kay Jehova, ang dakilang Hukom? Ang mga Jer 23 talatang 19, 20, 39, at Jer 23:40 ay sumasagot: “Narito! Ang bagyo ni Jehova, ang kaniyang poot, ay lalabas nga, alalaong baga, isang umaalimpuyong bagyo. Babagsak ito sa ulo ng mga balakyot. Ang galit ni Jehova ay hindi mapaparam hanggang hindi niya naisasagawa ang mga panukala ng kaniyang puso. . . . Aking lubos na kalilimutan kayo, at aking itatakwil kayo at ang lunsod na ibinigay ko sa inyo at sa inyong mga ninuno—mula sa aking harapan. At ako’y magpaparating sa inyo ng walang-hanggang kakutyaan at walang-hanggang kahihiyan, na hindi malilimutan.” Lahat ng iyan ay nangyari sa balakyot na Jerusalem at sa templo niyaon, at ngayon isang katulad na kapahamakan ang malapit nang sumapit sa balakyot na Sangkakristiyanuhan!
Paghahayag ng ‘Pasanin ni Jehova’
18, 19. Anong “pasanin ni Jehova” ang ipinahayag ni Jeremias sa Juda, taglay ang anong mga pahiwatig?
18 Kaya, ano ang pananagutan ng uring Jeremias at ng kanilang mga kasama? Ang Jer 23 talatang 33 ay nagsasabi sa atin: “Pagka ang bayang ito o ang propeta o ang saserdote ay nagtanong sa iyo, na nagsasabi, ‘Ano ba ang pasanin ni Jehova?’ sasabihin mo rin naman sa kanila, ‘“Kayong mga tao ay—Oh anong bigat na pasanin! At tiyak na iiwan ko kayo,” ang sabi ni Jehova.’”
19 Ang salitang Hebreo para sa “pasanin” ay may dalawang kahulugan. Maaaring tumukoy iyon sa isang mahalagang banal na kapahayagan o sa isang bagay na nagpapabigat at nakapapagod para sa isa. Dito ang pananalitang “pasanin ni Jehova” ay tumutukoy sa isang mahalagang hula—ang kapahayagan na ang Jerusalem ay hinatulang puksain. Gusto bang marinig ng mga tao ang may kabigatang pagpapahayag ng hula na paulit-ulit na ibinigay sa kanila ni Jeremias buhat kay Jehova? Hindi, ang mga tao ay nanlibak kay Jeremias: ‘Anong hula (pasanin) ang taglay mo ngayon? Natitiyak namin na ang iyong hula ay magiging isa pang nakapapagod na pasanin!’ Subalit ano ba ang sinabi sa kanila ni Jehova? Ito: “Kayong mga tao ay—Oh anong bigat na pasanin! At tiyak na iiwan ko kayo.” Oo, ang mga taong ito ay isang pasanin kay Jehova, at kaniyang aalisin sila upang huwag nang makabigát pa sa kaniya.
20. Ano ba “ang pasanin ni Jehova” sa ngayon?
20 Ano ba “ang pasanin ni Jehova” sa ngayon? Iyon ay ang mahalagang makahulang mensahe buhat sa Salita ng Diyos. Iyon ay punô ng kahatulan, na naghahayag ng napipintong pagkapuksa ng Sangkakristiyanuhan. Kung para sa bayan ni Jehova, taglay natin ang mahalagang pananagutan na ipahayag itong “pasanin ni Jehova.” Habang lumalapit ang wakas, kailangang sabihin natin sa lahat na ang matigas-ulong mga tao ng Sangkakristiyanuhan ay isang “pasanin,” oo, “Oh anong bigat na pasanin!” sa Diyos na Jehova, at na, malapit nang alisin niya ang “pasanin” na ito sa pamamagitan ng pag-iiwan sa Sangkakristiyanuhan upang mapahamak.
21. (a) Bakit pinuksa ang Jerusalem noong 607 B.C.E.? (b) Pagkatapos mapuksa ang Jerusalem, ano ang nangyari sa mga bulaang propeta at sa tunay na propeta ni Jehova, na nagbibigay sa atin ng anong katiyakan sa ngayon?
21 Ang hatol ni Jehova ay ipinatupad noong kaarawan ni Jeremias nang puksain ng mga taga-Babilonya ang Jerusalem noong 607 B.C.E. Gaya ng inihula, iyan ay isang ‘kakutyaan at kahihiyan’ para sa matitigas-ulo, di-tapat na mga Israelitang iyon. (Jeremias 23:39, 40) Ipinakita niyaon sa kanila na sa wakas si Jehova, na kanilang paulit-ulit na niwalang-halaga, ay iniwan sila upang maranasan nila ang bunga ng kanilang kasamaan. Ang bibig ng kanilang hambog na mga bulaang propeta ay sa wakas napatahimik. Subalit, ang bibig ni Jeremias ay patuloy na humula. Siya’y hindi iniwan ni Jehova. Bilang katuparan nito, hindi iiwan ni Jehova ang uring Jeremias pagka ang kaniyang mahalagang pasiya ay humantong sa pagpuksa sa klero ng Sangkakristiyanuhan at sa mga naniniwala sa kanilang mga kasinungalingan.
22. Sa anong kalagayan hahantong ang Sangkakristiyanuhan dahil sa mga kahatulan ni Jehova?
22 Oo, ang tiwangwang, ilang na kalagayan ng Jerusalem pagkatapos ng 607 B.C.E. ay siyang sasapitin ng relihiyosong Sangkakristiyanuhan pagkatapos na siya’y hubaran ng kaniyang kayamanan at mapalantad sa kahiya-hiyang kalagayan. Ito ang karapat-dapat na kahatulan na itinakda ng Diyos na Jehova laban sa mga bulaang guro. Ang hatol na iyan ay hindi mabibigo. Kung papaano natupad noong nakaraan ang lahat ng kinasihang babalang mga mensahe ni Jeremias, ang mga iyan ay matutupad din sa makabagong panahon. Kaya harinawang tayo’y maging katulad ni Jeremias. Walang takot na ihayag natin ang makahulang pasanin ni Jehova sa mga bayan, upang malaman nila kung bakit ang buong bigat na kaniyang matuwid na hatol ay dumarating sa lahat ng mga bulaang guro ng relihiyon!
Mga Tanong sa Repaso
◻ Gaano kasamâ ang sinaunang Jerusalem buhat sa punto de vista ni Jehova?
◻ Sa anong mga paraan ‘lumakad sa kasinungalingan’ ang Sangkakristiyanuhan?
◻ Papaano nabunyag ang pagkamakasalanan ng klero sa modernong-panahon?
◻ Anong “pasanin ni Jehova” ang ipinahahayag ngayon?
[Larawan sa pahina 8]
Ang mga bulaang propeta ng Jerusalem ay nakagawa ng “kakila-kilabot na mga bagay”
[Larawan sa pahina 9]
“Sila’y nagsasalita ng pangitain ng kanilang sariling puso”
[Larawan sa pahina 10]
“Ang Jerusalem pagkatapos ng kaniyang pagkapuksa ay lumalarawan sa pangwakas na kahahantungan ng Sangkakristiyanuhan”