Banal na Pagtuturo Laban sa mga Turo ng mga Demonyo
“Ang ilan ay hihiwalay mula sa pananampalataya, na nagbibigay-pansin sa nagliligaw na kinasihang mga kapahayagan at mga turo ng mga demonyo.”—1 TIMOTEO 4:1.
1. Ang mga Kristiyano ay nasa gitna ng anong labanan?
GUNIGUNIHIN na sa buong buhay mo ay naninirahan ka sa isang lugar na pinangyayarihan ng digmaan. Ano ang makakatulad ng pagtulog mo samantalang may ingay ng barilan at nagigising ka sa hugong ng mga putukan? Nakalulungkot, sa ilang panig ng daigdig, ganiyan nga namumuhay ang ilang tao. Gayunman, sa diwang espirituwal, lahat ng Kristiyano ay namumuhay nang ganito. Sila’y nasa gitna ng isang malaking digmaang nagaganap sa loob ng mga 6,000 taon na at lalong tumitindi sa ating mga kaarawan. Ano ba ang napakatagal nang digmaang ito? Ang labanan ng katotohanan laban sa kasinungalingan, ng banal na pagtuturo laban sa mga turo ng mga demonyo. Iyon ay hindi kalabisang tawagin—kahit na lamang sa bahagi ng isa sa mga kalabang panig—na ang pinakamalupit at pinakamapanganib na labanan sa kasaysayan ng sangkatauhan.
2. (a) Ayon kay Pablo, anong dalawang panig ang naglalaban? (b) Ano ang kahulugan ng sinabi ni Pablo na ‘ang pananampalataya’?
2 Binanggit ni apostol Pablo ang dalawang panig ng labanang ito nang siya’y sumulat kay Timoteo: “Ang kinasihang kapahayagan ay nagsasabi nang tiyakan na sa huling mga yugto ng panahon ang ilan ay hihiwalay mula sa pananampalataya, na nagbibigay-pansin sa nagliligaw na kinasihang mga kapahayagan at mga turo ng mga demonyo.” (1 Timoteo 4:1) Pansinin na ang mga turo ng mga demonyo ay lalo nang magiging maimpluwensiya sa “huling mga yugto ng panahon.” Kung mamalasin magmula noong kaarawan ni Pablo, tayo ay nabubuhay sa ganoong panahon. Pansinin din kung ano ang kasalungat ng mga turo ng mga demonyo, samakatuwid nga, ‘ang pananampalataya.’ Dito, ‘ang pananampalataya’ ay kumakatawan sa banal na pagtuturo, nakasalig sa banal na kinasihang mga kapahayagan ng Diyos na nasa Bibliya. Ang gayong pananampalataya ay nagbibigay-buhay. Tinuturuan niyaon ang isang Kristiyano na gawin ang kalooban ng Diyos. Iyon ang katotohanan na umaakay tungo sa buhay na walang-hanggan.—Juan 3:16; 6:40.
3. (a) Ano ang nangyayari sa mga nasasawi sa labanan ng katotohanan at ng kasinungalingan? (b) Sino ang nasa likod ng mga turo ng mga demonyo?
3 Sinumang humihiwalay sa pananampalataya ay hindi nagkakamit ng buhay na walang-hanggan. Sila ang mga nasasawi sa digmaan. Anong kalunus-lunos na resulta dahil pinayagan ng isa na siya’y mailigaw ng mga turo ng mga demonyo! (Mateo 24:24) Papaano tayo bilang mga indibiduwal ay makaiiwas na masawi? Sa pamamagitan ng lubusang pagtanggi sa mga kasinungalingang turong ito, na nagsisilbi lamang sa layunin ng ‘tagapamahala ng mga demonyo,’ si Satanas na Diyablo. (Mateo 12:24) Masasabi nga, ang mga turo ni Satanas ay pawang kasinungalingan, yamang si Satanas “ang ama ng kasinungalingan.” (Juan 8:44) Isaalang-alang kung gaano siya kahusay gumamit ng mga kasinungalingan upang mailigaw ang ating unang mga magulang.
Isiniwalat ang mga Turo ng mga Demonyo
4, 5. Anong kasinungalingan ang sinabi ni Satanas kay Eva, at bakit napakasamâ iyon?
4 Ang mga pangyayari ay nakaulat sa Bibliya sa Genesis 3:1-5. Sa paggamit sa isang serpiyente, lumapit si Satanas sa babaing si Eva at tinanong siya: “Talaga nga bang gayon na sinabi ng Diyos na huwag kayong kakain ng bunga ng bawat punò sa halamanan?” Waring wala namang masama sa tanong, subalit tingnan uli iyon. “Talaga nga bang gayon?” Parang nagtataka si Satanas, na waring sinasabing, ‘Bakit kaya magsasalita ng ganiyan ang Diyos?’
5 Sa kaniyang kawalang-malay, sinabi ni Eva na gayon nga. Batid niya ang banal na turo sa bagay na ito, na sinabihan ng Diyos si Adan na mamamatay sila kung kakain sila ng bunga mula sa punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama. (Genesis 2:16, 17) Ang tanong ni Satanas ay maliwanag na pumukaw ng kaniyang interes, kaya nakinig siya samantalang papunta na siya sa punto: “Nang magkagayo’y sinabi ng serpiyente sa babae: ‘Tiyak na hindi kayo mamamatay.’” Anong pagkasama-samang bagay na sabihin! Pinaratangan ni Satanas si Jehova, ang Diyos ng katotohanan, ang Diyos ng pag-ibig, ang Maylikha, ng pagsisinungaling sa Kaniyang mga anak na tao!—Awit 31:5; 1 Juan 4:16; Apocalipsis 4:11.
6. Papaano hinamon ni Satanas ang kabutihan at pagkasoberano ni Jehova?
6 Ngunit may sinabi pa si Satanas. Siya’y nagpatuloy: “Sapagkat alam ng Diyos na sa mismong araw na kumain kayo niyaon ay madidilat ang inyong mga mata at kayo’y magiging kagaya ng Diyos, na nakakakilala ng mabuti at masama.” Sang-ayon kay Satanas, ang Diyos na Jehova—na saganang-saganang naglaan para sa ating unang mga magulang—ay nais magkait sa kanila ng isang bagay na kahanga-hanga. Nais niyang mahadlangan sila sa pagiging mistulang mga diyos. Sa gayon, hinamon ni Satanas ang kabutihan ng Diyos. Itinaguyod din niya ang pagbibigay-kasiyahan sa sarili at ang sadyang pagwawalang-bahala sa mga kautusan ng Diyos, sa pagsasabing ang pagkilos sa ganitong paraan ay makabubuti. Ang totoo, hinamon ni Satanas ang pagkasoberano ng Diyos sa Kaniyang sariling mga nilalang, di-umano ay walang karapatan ang Diyos na lagyan ng hangganan ang ginawa ng tao.
7. Kailan unang narinig ang mga turo ng mga demonyo, at papaano nahahawig ang mga iyan sa ngayon?
7 Sa mga salitang iyon ni Satanas, nagsimulang marinig ang mga turo ng mga demonyo. Ang masasamang turong ito ay nagtataguyod pa rin ng nakakatulad na masasamang simulain. Kung papaano ang ginawa niya sa halamanan ng Eden, si Satanas, na ngayo’y may kasama nang iba pang mga espiritung mapaghimagsik, ay humahamon pa rin sa karapatan ng Diyos na magtakda ng mga pamantayan ng pagkilos. Tinutuligsa pa rin niya ang pagkasoberano ni Jehova at sinisikap maimpluwensiyahan ang mga tao upang sumuway sa kanilang makalangit na Ama.—1 Juan 3:8, 10.
8. Ano ang naiwala nina Adan at Eva sa Eden, subalit papaano napatunayang nagsabi ng totoo si Jehova?
8 Sa unang sagupaang iyan sa labanan ng banal na pagtuturo at ng mga turo ng mga demonyo, nagkamali ng pasiya sina Adan at Eva at naiwala ang kanilang pag-asang buhay na walang-hanggan. (Genesis 3:19) Nang lumipas ang mga taon at nagsimulang manghina ang kanilang mga katawan, sapat na napatunayan para sa kanila kung sino ang nagsinungaling at kung sino ang nagsabi ng katotohanan noon sa Eden. Gayunman, daan-daang taon bago sila namatay sa pisikal na diwa, sila ang mga unang nasawi sa labanan ng katotohanan at ng mga kasinungalingan nang sila’y hatulan ng kanilang Maylikha, ang Bukal ng buhay, bilang di-karapat-dapat sa buhay. Noon sila namatay sa isang diwang espirituwal.—Awit 36:9; ihambing ang Efeso 2:1.
Ang mga Turo ng mga Demonyo Ngayon
9. Gaano ang isinulong ng mga turo ng mga demonyo sa lumipas na daan-daang taon?
9 Gaya ng nakaulat sa aklat ng Apocalipsis, sa pamamagitan ng pagkasi ay dinala si apostol Juan sa “araw ng Panginoon,” na nagsimula noong 1914. (Apocalipsis 1:10) Nang panahong iyon, si Satanas at ang kaniyang mga demonyo ay pinalayas sa langit tungo sa paligid ng lupa—isang malaking pagkatalo para sa mananalansang na ito ng ating Dakilang Maylikha. Ang kaniyang tinig na palaging nagpaparatang sa mga lingkod ni Jehova ay hindi na narinig sa langit. (Apocalipsis 12:10) Subalit, ano ang naging pagsulong ng mga turo ng mga demonyo sa lupa sapol nang mangyari iyon sa Eden? Sinasabi ng ulat: “Inihagis ang malaking dragon, ang orihinal na serpiyente, ang tinatawag na Diyablo at Satanas, na siyang nagliligaw sa buong tinatahanang lupa.” (Apocalipsis 12:9) Isang buong sanlibutan ang napadala sa mga kasinungalingan ni Satanas! Hindi nga kataka-taka na si Satanas ay tinatawag na “ang tagapamahala ng sanlibutang ito”!—Juan 12:31; 16:11.
10, 11. Sa anong mga paraan aktibo ngayon si Satanas at ang kaniyang mga demonyo?
10 Tinanggap ba ni Satanas ang pagkatalo pagkatapos na mapalayas siya sa langit? Tunay na hindi! Siya’y desididong patuloy na labanan ang banal na pagtuturo at yaong mga nangungunyapit dito. Pagkatapos na siya’y palayasin sa langit, ipinagpatuloy ni Satanas ang pakikidigma niya: “Ang dragon [si Satanas] ay napoot sa babae, at umalis upang makipagdigma sa mga nalalabi sa kaniyang binhi, na tumutupad sa mga kautusan ng Diyos at may gawaing pagpapatotoo tungkol kay Jesus.”—Apocalipsis 12:17.
11 Bukod sa pakikipagbaka sa mga lingkod ng Diyos, ang sanlibutan ay pinababahaan ni Satanas ng kaniyang propaganda, sa pagsisikap na mapanatili ang kaniyang mahigpit na pagkahawak sa sangkatauhan. Sa isa sa mga pangitain niya sa Apocalipsis tungkol sa araw ng Panginoon, nakakita si apostol Juan ng tatlong mababangis na hayop na sumasagisag kay Satanas, sa kaniyang makalupang pulitikal na organisasyon, at sa nangingibabaw na pandaigdig na kapangyarihan sa panahon natin. Sa mga bibig ng tatlong ito, may lumabas na mga palaka. Ano ang isinasagisag ng mga ito? Si Juan ay sumulat: “Sa katunayan, ang mga ito ay mga pahayag na kinasihan ng mga demonyo at nagsasagawa ng mga tanda, at pumaparoon sila sa mga hari ng buong tinatahanang lupa, upang tipunin sila sa digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.” (Apocalipsis 16:14) Maliwanag, ang mga turo ng mga demonyo ay totoong aktibo sa lupa. Si Satanas at ang kaniyang mga demonyo ay bumabaka pa rin sa banal na pagtuturo, at sila’y magpapatuloy na gawin iyon hanggang sila’y sapilitang pahintuin ni Jesu-Kristo, ang Mesiyanikong Hari.—Apocalipsis 20:2.
Kung Papaano Makikilala ang mga Turo ng mga Demonyo
12. (a) Bakit maaaring labanan ang mga turo ng mga demonyo? (b) Papaano tinatangka ni Satanas na magtagumpay ang kaniyang layunin sa mga lingkod ng Diyos?
12 Makalalaban ba sa mga turo ng mga demonyo ang mga taong may takot sa Diyos? Maaari ngang magkagayon, sa dalawang kadahilanan. Una, dahil ang banal na pagtuturo ay higit na makapangyarihan; at ikalawa, dahil ibinunyag na ni Jehova ang mga pamamaraan ni Satanas upang malabanan natin ang mga iyon. Gaya ng sabi ni apostol Pablo, “hindi tayo walang-alam sa kaniyang mga pakana.” (2 Corinto 2:11) Batid natin na gumagamit si Satanas ng pag-uusig bilang isang paraan upang maisakatuparan ang kaniyang layunin. (2 Timoteo 3:12) Datapuwat, lalong mapandaya ang pagsisikap niya na maimpluwensiyahan ang mga isip at mga puso niyaong mga naglilingkod sa Diyos. Iniligaw niya si Eva at nilagyan ng maling mga hangarin ang kaniyang puso. Ganoon din ang sinisikap niyang gawin sa ngayon. Si Pablo ay sumulat sa mga taga-Corinto: “Natatakot ako na sa paanuman, kung paanong dinaya ng serpiyente si Eva sa pamamagitan ng katusuhan nito, ang inyong mga isipan ay mapasamâ nang palayo sa kataimtiman at sa kalinisan na nauukol sa Kristo.” (2 Corinto 11:3) Isaalang-alang kung papaano niya pinasamâ ang isipan ng sangkatauhan sa pangkalahatan.
13. Anong mga kasinungalingan ang sinabi ni Satanas sa sangkatauhan magmula pa noon sa Eden?
13 Kay Eva, inakusahan ni Satanas si Jehova ng pagsisinungaling at sinabi na ang mga tao ay maaaring maging tulad ng mga diyos kung susuwayin nila ang kanilang Maylikha. Ang makasalanang kalagayan ng sangkatauhan sa ngayon ay nagpapatunay na si Satanas, hindi si Jehova, ang sinungaling. Ang mga tao sa ngayon ay hindi mga diyos! Gayunman, ang unang kasinungalingang iyon ay pinasundan ni Satanas ng iba pang mga kasinungalingan. Ipinasok niya ang idea na ang kaluluwa ng tao ay hindi namamatay, walang-hanggan. Sa gayon ay nakatutuksong inialok niya sa sangkatauhan ang posibilidad na maging parang mga diyos sa isa pang paraan. Pagkatapos, batay sa huwad na doktrinang iyan, nagtaguyod siya ng mga turo ng apoy ng impiyerno, purgatoryo, espiritismo, at pagsamba sa mga ninuno. Daan-daang milyong tao ang alipin pa rin ng mga kasinungalingang ito.—Deuteronomio 18:9-13.
14, 15. Ano ang katotohanan tungkol sa kamatayan at sa pag-asa ng tao sa hinaharap?
14 Mangyari pa, ang sinabi ni Jehova kay Adan ang siyang katotohanan. Si Adan ay namatay nang magkasala siya sa Diyos. (Genesis 5:5) Nang si Adan at ang kaniyang mga inapo ay mangamatay, sila’y naging patay na mga kaluluwa, walang malay at di-aktibo. (Genesis 2:7; Eclesiastes 9:5, 10; Ezekiel 18:4) Dahilan sa pagmamana ng kasalanan kay Adan, lahat ng taong kaluluwa ay namamatay. (Roma 5:12) Subalit, doon sa Eden ay ipinangako ni Jehova ang pagparito ng isang binhing lalaban sa mga gawa ng Diyablo. (Genesis 3:15) Ang Binhing iyon ay si Jesu-Kristo, ang bugtong na Anak ng Diyos. Si Jesus ay namatay na walang kasalanan, at ang kaniyang isinakripisyong buhay ay naging isang pantubos na magpapalaya sa sangkatauhan buhat sa kanilang namamatay na kalagayan. Ang masunuring magsasagawa ng pananampalataya kay Jesus ay may pagkakataon na tanggapin ang buhay na walang-hanggan na naiwala ni Adan.—Juan 3:36; Roma 6:23; 1 Timoteo 2:5, 6.
15 Ang pantubos, hindi ang anumang malabong idea na ang isang kaluluwa ay hindi namamatay, ang tunay na pag-asa para sa sangkatauhan. Ito ay banal na turo. Ito ay katotohanan. Ito ay isa ring kahanga-hangang pagpapakita ng pag-ibig at karunungan ni Jehova. (Juan 3:16) Anong laki ng ating pasasalamat na natutuhan natin ang katotohanang ito at napalaya buhat sa mga turo ng mga demonyo sa mga bagay na ito!—Juan 8:32.
16. Ano ang pangmatagalang resulta pagka sinunod ng mga tao ang kanilang sariling karunungan?
16 Sa pamamagitan ng kaniyang mga kasinungalingan sa halamanan ng Eden, hinimok ni Satanas sina Adan at Eva na hangaring mapahiwalay sa Diyos at umasa sa kanilang sariling karunungan. Sa ngayon, nakikita natin ang mahabang-panahong mga resulta niyan sa ibinungang krimen, mga kahirapan sa ekonomiya, mga digmaan, at ang malubhang di-pagkakapantay-pantay na umiiral sa sanlibutan ngayon. Hindi nga kataka-takang sabihin ng Bibliya: “Ang karunungan ng sanlibutang ito ay kamangmangan sa Diyos”! (1 Corinto 3:19) Gayunpaman, may kamangmangang pinipili ng karamihan ng tao ang maghirap sa halip na bigyang-pansin ang mga turo ni Jehova. (Awit 14:1-3; 107:17) Ang mga Kristiyano, na tumanggap ng banal na pagtuturo, ay umiiwas na sila’y masilo ng patibong na iyan.
17. Anong “may-kabulaanang tinatawag na kaalaman” ang itinataguyod ni Satanas, at ano ang mga ibinunga nito?
17 Sumulat si Pablo kay Timoteo: “O Timoteo, bantayan mo ang ipinagkatiwala sa iyo, na tinatalikdan ang walang-laman na mga usapan na lumalapastangan sa kung ano ang banal at ang mga pagsasalungatan ng may-kabulaanang tinatawag na ‘kaalaman.’ Sapagkat sa pagpaparangalan ng gayong kaalaman ang ilan ay lumihis mula sa pananampalataya.” (1 Timoteo 6:20, 21) Ang “kaalaman” na iyon ay kumakatawan din sa mga turo ng mga demonyo. Noong kaarawan ni Pablo, malamang na tumutukoy iyon sa mga ideang apostata na itinataguyod ng ilan na nasa mga kongregasyon. (2 Timoteo 2:16-18) Nang bandang huli, ang may-kabulaanang tinatawag na kaalaman, tulad halimbawa ng Gnostisismo at ng pilosopiyang Griego, ay nagpasamâ sa kongregasyon. Sa sanlibutan sa ngayon, ang ateismo, agnostisismo, mga teoriya ng ebolusyon, at higher criticism sa Bibliya ay mga halimbawa ng may-kabulaanang tinatawag na kaalaman, gayundin ang di-maka-Kasulatang mga idea na itinataguyod ng modernong mga apostata. Ang mga bunga ng lahat ng may-kabulaanang tinatawag na kaalamang ito ay nakikita sa pagbaba ng moral, sa malaganap na kawalang-galang sa awtoridad, sa kawalang-pagtatapat, at sa kaimbutan na makikita sa sistema ng mga bagay ni Satanas.
Pangungunyapit sa Banal na Pagtuturo
18. Sino sa ngayon ang humahanap ng banal na turo?
18 Bagaman pinababaha ni Satanas sa lupa ang mga turo ng mga demonyo mula pa noong unang panahon sa Eden, sa tuwina ay may ilan na humahanap ng banal na pagtuturo. Sila’y umaabot ngayon sa bilang na milyun-milyon. Kasali na rito ang natitira pang pinahirang mga Kristiyano na may tiyak na pag-asang maghaharing kasama ni Jesus sa kaniyang makalangit na Kaharian at ang dumaraming malaking pulutong ng mga “ibang tupa” na ang pag-asa ay ang magmana ng makalupang sakop ng Kahariang iyan. (Mateo 25:34; Juan 10:16; Apocalipsis 7:3, 9) Sa ngayon, ang mga ito ay tinipong sama-sama sa isang pambuong-daigdig na organisasyon na sa kanila ay kumakapit ang mga salita ni Isaias: “Lahat mong mga anak ay magiging mga taong tinuruan ni Jehova, at sasagana ang kapayapaan ng iyong mga anak.”—Isaias 54:13.
19. Ano ang saklaw ng pagiging naturuan ni Jehova?
19 Ang pagiging tinuruan ni Jehova ay nangangahulugan ng higit pa kaysa pagkaalam lamang ng tunay na mga doktrina—bagaman mahalaga iyan. Tinuturuan tayo ni Jehova kung papaano mamumuhay, kung papaano ikakapit ang banal na turo sa ating personal na buhay. Halimbawa, ating nilalabanan ang kaimbutan, imoralidad, at espiritu ng pagsasarili na malaganap sa sanlibutang nakapaligid sa atin. Nakikilala natin ang walang-patumanggang paghanap ng kayamanan sa sanlibutang ito taglay ang kahihinatnan—kamatayan. (Santiago 5:1-3) Hindi natin kailanman kinalilimutan ang banal na turong ipinahahayag sa mga salita ni apostol Juan: “Huwag ninyong ibigin ang sanlibutan o ang mga bagay man sa sanlibutan. Kung ang sinuman ay umiibig sa sanlibutan, ang pag-ibig sa Ama ay wala sa kaniya.”—1 Juan 2:15.
20, 21. (a) Ano ang ginagamit ni Satanas sa kaniyang mga pagsisikap na bulagin ang mga tao? (b) Anong mga pagpapala ang dumarating sa mga nangungunyapit sa banal na pagtuturo?
20 Ang epekto ng mga turo ng mga demonyo sa mga biktima nito ay makikita sa mga salita ni Pablo sa mga taga-Corinto: “Binulag [ni Satanas] ang isipan ng mga di-mananampalataya, upang ang kaliwanagan ng maluwalhating mabuting balita tungkol sa Kristo, na siyang larawan ng Diyos, ay huwag makatagos.” (2 Corinto 4:4) Nais ni Satanas na bulagin sa ganito ring paraan ang mga tunay na Kristiyano. Doon sa Eden, ginamit niya ang isang serpiyente upang iligaw ang isa sa mga lingkod ng Diyos. Sa ngayon, siya’y gumagamit ng mararahas o imoral na mga pelikula at programa sa telebisyon. Ginagamit niya ang radyo, literatura, at musika. Ang masasamang kasama ay isang mabisang sandata na kaniyang ginagamit. (Kawikaan 4:14; 28:7; 29:3) Laging kilalanin ang gayong mga bagay ayon sa kung ano ngang talaga ang mga iyan—mga kasangkapan at mga turo ng mga demonyo.
21 Alalahanin, ang mga salita ni Satanas sa Eden ay mga kasinungalingan; napatunayang totoo ang mga salita ni Jehova. Sapol nang mga unang araw na iyon, patuloy na ganoon pa rin ang kalagayan. Sa tuwina’y napatunayang isang sinungaling si Satanas, at maaasahang totoo ang banal na pagtuturo. (Roma 3:4) Kung mangungunyapit tayo sa Salita ng Diyos, malalagay tayong lagi sa matagumpay na panig sa labanan ng katotohanan at ng mga kasinungalingan. (2 Corinto 10:4, 5) Kung gayon, tayo’y maging determinado na tanggihan ang lahat ng turo ng mga demonyo. Sa gayon tayo ay makapagtitiis hanggang sa panahon na tapos na ang labanan sa pagitan ng katotohanan at ng kasinungalingan. Magtatagumpay ang katotohanan. Mawawala na si Satanas, at tanging ang banal na pagtuturo ang maririnig sa ibabaw ng lupa.—Isaias 11:9.
Maipaliliwanag Mo Ba?
◻ Kailan unang narinig ang mga turo ng mga demonyo?
◻ Ano ang ilan sa mga kasinungalingang itinaguyod ni Satanas at ng kaniyang mga demonyo?
◻ Sa anong mga paraan labis na aktibo ngayon si Satanas?
◻ Ano ang ginagamit ni Satanas upang itaguyod ang mga turo ng mga demonyo?
◻ Anong mga pagpapala ang nakakamit ng mga nangungunyapit sa banal na pagtuturo?
[Larawan sa pahina 9]
Unang narinig sa halamanan ng Eden ang turo ng mga demonyo
[Larawan sa pahina 10]
Ang banal na turo tungkol sa pantubos at sa Kaharian ang nagbibigay ng tanging pag-asa para sa sangkatauhan