Gawing Panghabang-Panahong Pagsasama ang Inyong Pag-aasawa
“Ang pinagtuwang ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng sinumang tao.”—MATEO 19:6.
1. Ano ang saligan ng tagumpay sa pag-aasawa sa gitna ng tunay na mga Kristiyano sa ngayon?
LIBU-LIBONG lingkod ni Jehova sa ngayon ang nagtatamasa ng kasiya-siya at tumatagal na pag-aasawa. Subalit, ang gayong laganap na tagumpay ay hindi nagkataon lamang. Ang mga pag-aasawang Kristiyano ay nagtatagumpay kapag kapuwa ang mag-asawa ay (1) gumagalang sa pangmalas ng Diyos sa pag-aasawa at (2) nagsisikap na mamuhay ayon sa mga simulain ng kaniyang Salita. Mangyari pa, ang Diyos mismo ang nagtatag ng kaayusan sa pag-aasawa. Siya ang Isa na ‘pinagkakautangan ng pangalan ng bawat pamilya sa lupa.’ (Efeso 3:14, 15) Yamang batid ni Jehova kung ano ang kailangan upang magtagumpay ang pag-aasawa, tayo mismo ay nakikinabang sa pagsunod sa kaniyang patnubay.—Isaias 48:17.
2. Ano ang mga bunga ng hindi pagkakapit ng mga simulain ng Bibliya sa pag-aasawa?
2 Sa kabaligtaran, ang hindi pagkakapit ng mga simulain ng Bibliya ay maaaring magbunga ng kalungkutan sa pag-aasawa. Naniniwala ang ilang dalubhasa na halos dalawang-katlo ng mga nag-aasawa ngayon sa Estados Unidos ang balang araw ay maghihiwalay. Maging ang mga Kristiyano man ay dumaranas din ng mga kagipitan at mga kaigtingan na dulot ng “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan.” (2 Timoteo 3:1) Ang mga kabalisahan sa kabuhayan at ang mga panggigipit buhat sa trabaho ay maaaring magdulot ng nakapipinsalang epekto sa alinmang pag-aasawa. Ang ilang Kristiyano ay dumaranas din ng matinding pagkabigo dahilan sa hindi pagkakapit ng kani-kanilang kabiyak ng mga simulain ng Bibliya. “Iniibig ko si Jehova,” ang sabi ng isang Kristiyanong asawang babae, “subalit naging magulo ang aking pag-aasawa sa loob ng 20 taon. Ang aking asawa ay mapag-imbot at ayaw gumawa ng anumang mga pagbabago. Para akong sinasakal.” Hindi iilang mag-asawang Kristiyano ang nagpahayag ng nakakatulad na damdamin. Saan nga kaya nagkamali? At ano ang makahahadlang upang ang pag-aasawa ay hindi mauwi sa pagwawalang-bahala o lantarang pag-aaway?
Pagiging Permanente ng Pag-aasawa
3, 4. (a) Ano ang pamantayan ng Diyos ukol sa pag-aasawa? (b) Bakit makatuwiran at kapaki-pakinabang ang pagiging permanente ng pag-aasawa?
3 Kahit na sa ilalim ng pinakamaiinam na kalagayan, ang pag-aasawa ay isang pagsasama ng di-sakdal na mga tao. (Deuteronomio 32:5) Kaya naman sinabi ni apostol Pablo na “yaong mga [nag-aasawa] ay magkakaroon ng kapighatian sa kanilang laman.” (1 Corinto 7:28) Ang ilang malulubhang kalagayan ay maaaring humantong pa nga sa paghihiwalay o diborsiyo. (Mateo 19:9; 1 Corinto 7:12-15) Gayunman, sa maraming kaso, ang payo ni Pablo ang ikinakapit ng mga Kristiyano: “Ang isang asawang babae ay hindi dapat humiwalay sa kaniyang asawang lalaki . . . , at hindi dapat iwan ng asawang lalaki ang kaniyang asawang babae.” (1 Corinto 7:10, 11) Oo, ang pag-aasawa ay nilayong maging isang permanenteng pagsasama, sapagkat si Jesu-Kristo ay nagpahayag: “Ang pinagtuwang ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng sinumang tao.”—Mateo 19:6.
4 Sa kaninuman na nakadaramang siya’y parang sinasakal sa isang pag-aasawang masaklap o salat sa pag-ibig, ang pamantayan ni Jehova ay maaaring tila malupit at di-makatuwiran. Subalit hindi ganoon. Dahil nga sa permanente ang pag-aasawa kung kaya ang isang maka-Diyos na mag-asawa ay mapakikilos na harapin at sikaping lutasin ang kanilang mga suliranin, sa halip na dali-daling umurong sa kanilang mga obligasyon sa unang palatandaan ng gulo. Isang lalaki na may asawa sa loob ng mahigit na 20 taon ang nagsabi ng ganito: “Hindi mo maiiwasan ang mga panahon ng kabagabagan. Hindi kayo magiging maligaya sa isa’t isa sa lahat ng panahon. Diyan nagiging tunay na mahalaga ang pangako.” Mangyari pa, ang mga mag-asawang Kristiyano ay nakadarama ng pangunahing obligasyon sa Diyos na Jehova, ang Pinagmulan ng pag-aasawa.—Ihambing ang Eclesiastes 5:4.
Ang Pagkaulo at Pagpapasakop
5. Ano ang ilan sa payo ni Pablo ukol sa mga mag-asawa?
5 Kung gayon, kapag may bumangong mga suliranin, kailangang humanap, hindi ng paraan upang makatakas, kundi ng isang mas mabuting paraan upang maikapit ang payo ng Salita ng Diyos. Halimbawa, isaalang-alang ang mga salitang ito ni Pablo na nasa Efeso 5:22-25, 28, 29: “Ang mga asawang babae ay magpasakop sa kanilang mga asawang lalaki gaya ng sa Panginoon, sapagkat ang asawang lalaki ang ulo ng kaniyang asawang babae kung paanong ang Kristo rin ay ulo ng kongregasyon, yamang siya ang tagapagligtas ng katawang ito. Sa katunayan, kung paanong ang kongregasyon ay nagpapasakop sa Kristo, maging gayundin ang mga asawang babae sa kanilang mga asawang lalaki sa bawat bagay. Mga asawang lalaki, patuloy na ibigin ang inyong mga asawang babae, kung paanong inibig din ng Kristo ang kongregasyon at ibinigay ang kaniyang sarili ukol dito. Sa ganitong paraan ang mga asawang lalaki ay dapat na umibig sa kanilang mga asawang babae gaya ng kanilang sariling mga katawan. Siya na umiibig sa kaniyang asawang babae ay umiibig sa kaniyang sarili, sapagkat walang taong napoot kailanman sa kaniyang sariling laman; kundi pinakakain at inaaruga niya ito, gaya ng ginagawa rin ng Kristo sa kongregasyon.”
6. Papaano dapat maging iba ang mga Kristiyanong asawang lalaki buhat sa mga lalaki sa sanlibutan?
6 Malimit na inaabuso ng mga lalaki ang kanilang awtoridad bilang asawang lalaki at dinodominahan ang kani-kanilang asawa. (Genesis 3:16) Gayunman, pinayuhan ni Pablo ang Kristiyanong mga asawang lalaki na maging iba sa mga lalaki ng sanlibutan, maging tulad-Kristo, hindi malulupit na sinusupil ang bawat detalye ng pamumuhay ng kani-kanilang asawa. Tiyak na ang lalaking si Jesu-Kristo ay hindi kailanman naging marahas o dominante. Pinakitunguhan niya ang kaniyang mga tagasunod nang may karangalan at paggalang, na ang sabi: “Pumarito kayo sa akin, lahat kayo na nagpapagal at nabibigatan, at pananariwain ko kayo. Pasanin ninyo ang aking pamatok at matuto kayo mula sa akin, sapagkat ako ay mahinahong-loob at mababa ang puso.”—Mateo 11:28, 29.
7. Papaano mapag-uukulan ng karangalan ng isang lalaki ang kaniyang asawa kung ito’y kailangang maghanap-buhay?
7 Ang isang Kristiyanong asawang lalaki ay nag-uukol ng karangalan sa kaniyang asawa gaya ng sa isang mas mahinang sisidlan. (1 Pedro 3:7) Halimbawa, ang asawang babae ay kailangang maghanap-buhay. Isasaalang-alang ito ng asawang lalaki, anupat magiging matulungin at makonsiderasyon hangga’t maaari. Ang isang pangunahing dahilan na ibinibigay ng mga babae sa pagkuha ng diborsiyo ay ang pagpapabaya ng mga asawang lalaki sa mga anak o sa tahanan. Kung gayon, sisikapin ng Kristiyanong asawang lalaki na matulungan ang asawa sa tahanan sa makabuluhang mga paraan na pakikinabangan ng buong pamilya.
8. Ano ang kasangkot ng pagpapasakop para sa Kristiyanong mga asawang babae?
8 Nagiging madali sa mga Kristiyanong asawang babae na magpasakop sa kani-kanilang asawa kapag sila’y pinakikitunguhan nang may karangalan. Gayunman, ito’y hindi nangangahulugan ng napakaabang pagpapaalipin. Iniutos ng Diyos na ang isang asawang babae ay magiging, hindi isang alipin, kundi isang “kapupunan” (“katapat,” talababa), na tumutukoy sa isang bagay na nababagay sa lalaki. (Genesis 2:18) Sa Malakias 2:14, ang asawang babae ay tinutukoy bilang “kapareha” ng isang lalaki. Kung gayon, ang mga asawang babae noong panahon ng Bibliya ay nagtatamasa ng malaking pribilehiyo at kalayaan. Tungkol sa “may kakayahang asawang babae,” ang Bibliya ay nagsasabi: “Sa kaniya ang puso ng kaniyang may-ari ay naglagak ng tiwala.” Oo, siya’y pinagkatiwalaan ng mga bagay gaya ng pangkalahatang pagpapalakad ng sambahayan, pamamahala sa pagbili ng pagkain, pag-aayos sa mga transaksiyon tungkol sa bahay at lupa, at pagpapatakbo ng isang munting negosyo.—Kawikaan 31:10-31.
9. (a) Papaano nagpakita ng tunay na pagpapasakop ang mga babaing may takot sa Diyos noong mga panahon ng Bibliya? (b) Ano ang makatutulong sa isang Kristiyanong asawang babae upang manatiling mapagpasakop sa ngayon?
9 Gayunpaman, ang asawang babaing may takot sa Diyos ay kumikilala sa awtoridad ng kaniyang asawa. Halimbawa, si Sara ay ‘sumunod noon kay Abraham, na tinatawag siyang “panginoon,”’ hindi bilang isang pormalidad na paggalang, kundi bilang isang taimtim na pagpapakita ng kaniyang pagpapasakop. (1 Pedro 3:6; Genesis 18:12) Kaniya ring malugod na iniwan ang kaniyang maalwang tahanan sa lunsod ng Ur upang manahan sa mga tolda kasama ng kaniyang asawa. (Hebreo 11:8, 9) Subalit ang pagpapasakop ay hindi nangangahulugan na ang isang asawang babae ay hindi na makagagawa ng makatuwirang pagkilos kung kinakailangan. Nang hindi nakatupad si Moises sa batas ng Diyos tungkol sa pagtutuli, ang kaniyang asawa, si Zipora, ay nakatulong upang maiwasan ang kapahamakan sa pamamagitan ng matatag na pagkilos. (Exodo 4:24-26) Higit pa ang kasangkot kaysa pagpapalugod lamang sa isang lalaking di-sakdal. Ang mga asawang babae ay kailangang “magpasakop sa kanilang mga asawang lalaki gaya ng sa Panginoon.” (Efeso 5:22) Kapag pinag-isipan ng isang asawang babae ang kaniyang kaugnayan sa Diyos, ito’y tumutulong sa kaniya na palampasin na ang maliliit na pagkakamali at mga kakulangan ng kaniyang asawa, kung papaanong gayon din ang kailangang gawin nito sa pakikitungo sa kaniya.
Komunikasyon—Ang Mahalagang Puwersa sa Pag-aasawa
10. Gaano kahalaga ang komunikasyon sa pag-aasawa?
10 Nang tanungin kung ano ang nag-iisang pinakamalaking dahilan ng paghihiwalay ng mga mag-asawa, isang abugado sa diborsiyo ang tumugon: “Ang kakulangan ng kakayahang makipag-usap nang taimtim sa isa’t isa, isiwalat ang kanilang kalooban at makitungo sa isa’t isa bilang kanilang pinakamatalik na kaibigan.” Oo, ang komunikasyon ang mahalagang puwersa sa isang matibay na pag-aasawa. Gaya ng sinasabi ng Bibliya, “nabibigo ang mga plano kung saan walang kompidensiyál na pag-uusap.” (Kawikaan 15:22) Ang mga mag-asawa ay kailangang maging ‘kompidensiyal na magkaibigan,’ na nagtatamasa ng isang mainit, matalik na kaugnayan. (Kawikaan 2:17) Subalit, maraming mag-asawa ang nahihirapang makipagtalastasan sa isa’t isa, at sa gayon ang paghihinanakit ay lumalala hanggang sa sumiklab ang nakapipinsalang galit. O ang mag-asawa ay maaaring nagkukubli sa isang pakunwaring paggalang, anupat inilalayo ang damdamin sa isa’t isa.
11. Papaano mapabubuti ang komunikasyon sa pagitan ng asawang lalaki at asawang babae?
11 Ang isang bahagi ng suliranin ay waring dahil sa ang mga lalaki at mga babae ay kalimitan may magkaibang istilo ng pakikipag-usap. Karamihan ng mga babae ay waring komportable na pag-usapan ang mga damdamin, samantalang ang mga lalaki ay karaniwan nang pinipiling pag-usapan ang mga pangyayari. Ang mga babae ay mas may hilig na magpakita ng empatiya at magbigay ng emosyonal na suporta, samantalang ang mga lalaki ay mahilig humanap at mag-alok ng mga solusyon. Gayunpaman, ang potensiyal para sa mabuting komunikasyon ay umiiral kung saan ang kapuwa mag-asawa ay desididong maging “matulin sa pakikinig, mabagal sa pagsasalita, mabagal sa pagkapoot.” (Santiago 1:19) Magtitigan at talagang magbigay-pansin. Palabasin ang nasa loob ng isa’t isa sa pamamagitan ng makonsiderasyong mga tanong. (Ihambing ang 1 Samuel 1:8; Kawikaan 20:5.) Sa halip na sikaping magmungkahi ng isang mabilis na solusyon kapag nagsiwalat ng isang suliranin ang iyong kabiyak, makinig na mabuti samantalang nagsisikap kayo na lutasin ang mga bagay-bagay. At mapakumbabang manalangin nang magkasama, na humihingi ng banal na patnubay.—Awit 65:2; Roma 12:12.
12. Papaano makabibili ng panahon para sa isa’t isa ang Kristiyanong mga mag-asawa?
12 Kung minsan ang mga kaigtingan at kagipitan sa buhay ay waring umuubos ng panahon o lakas ng mag-asawa para sa makabuluhang pag-uusap. Subalit, kung nais ng mga Kristiyano na panatilihing marangal ang kanilang pag-aasawa at ingatan ito laban sa anumang karumihan, sila’y kailangang manatiling malapit sa isa’t isa. Kailangang malasin nila ang kanilang pagsasama bilang isang bagay na pinakamamahal, mahalaga, at kailangang bilhin ang panahon para doon at para sa isa’t isa. (Ihambing ang Colosas 4:5.) Sa ilang kaso baka ang kailangan lamang ay isara ang TV upang magkaroon ng panahon para sa kapaki-pakinabang na pag-uusap. Ang regular na magkasamang pag-inom ng tsa o kape ay makatutulong sa mga mag-asawa upang mapanatili ang pakikipagtalastasan ng damdamin. Sa gayong mga okasyon sila’y maaaring ‘sumangguni sa isa’t isa’ kung tungkol sa sari-saring bagay sa pamilya. (Kawikaan 13:10) At anong inam na pasulungin ang kinaugaliang pag-uusap tungkol sa maliliit na pagkayamot at di-pagkakaunawaan bago pagmulan iyon ng malulubhang igtingan!—Ihambing ang Mateo 5:23, 24; Efeso 4:26.
13. (a) Anong halimbawa ang ipinakita ni Jesus sa pagiging bukás at taimtim? (b) Ano ang ilan sa mga paraan upang maging malapit sa isa’t isa ang mga mag-asawa?
13 Ganito ang ipinagtapat ng isang lalaki: “Malimit na nahihirapan ako na talagang ibulalas ang nasa aking isip at talagang sabihin [sa aking asawa] ang tunay na nadarama ko.” Gayunman, ang paghahayag ng niloloob ay isang mahalagang susi sa pagpapaunlad ng matalik na kaugnayan. Pansinin kung papaanong bukás at taimtim si Jesus sa pakikitungo sa magiging mga miyembro ng kaniyang uring kasintahang babae. Sinabi niya: “Hindi ko na kayo tinatawag na mga alipin, sapagkat hindi alam ng alipin kung ano ang ginagawa ng kaniyang panginoon. Subalit tinawag ko na kayong mga kaibigan, sapagkat ang lahat ng bagay na narinig ko mula sa aking Ama ay ipinaalam ko na sa inyo.” (Juan 15:15) Kaya malasin ang inyong kabiyak bilang isang kaibigan. Ipagtapat sa inyong kabiyak ang inyong nadarama. Sikaping gumawa ng simple, taimtim na “mga kapahayagan ng pagmamahal.” (Awit ni Solomon 1:2) Ang tahasang komunikasyon ay maaaring kung minsan nakahihiya, subalit kapag nagsikap ang kapuwa mag-asawa, malaki ang magagawa upang ang kanilang pag-aasawa ay maging isang panghabang-panahong pagsasama.
Pagharap sa mga Di-Pagkakasundo
14, 15. Papaano maiiwasan ang pag-aaway?
14 Tiyak na babangon paminsan-minsan ang tunay na mga di-pagkakasundo. Subalit hindi kailangang mauwi ang inyong tahanan sa isang ‘bahay na punô ng pag-aaway.’ (Kawikaan 17:1) Pakaingat na ang maseselang na bagay ay huwag pag-usapan nang naririnig ng mga anak, at isaalang-alang ang damdamin ng inyong kabiyak. Nang si Raquel ay magpahayag ng hinanakit dahil sa kaniyang hindi pag-aanak at hiniling niya kay Jacob na bigyan siya ng mga anak, ito ay pagalit na tumugon: “Ako ba’y nasa kalagayan ng Diyos, na nagkait sa iyo ng bunga ng bahay-bata?” (Genesis 30:1, 2) Kung bumangon ang mga suliranin sa tahanan, harapin ang problema, hindi ang tao. Sa panahon ng isang sarilinang pag-uusap, iwasan ang “pagsasalita nang hindi iniisip” o ang hindi kinakailangang pagsabad.—Kawikaan 12:18.
15 Totoo, baka nais mong idiin ang iyong punto de vista, subalit maaaring maipahayag ang mga ito nang walang “mapaminsalang kapaitan at galit at poot at hiyawan at mapang-abusong pananalita.” (Efeso 4:31) “Pag-usapan ang inyong mga suliranin sa isang normal na tinig,” ang sabi ng isang asawang lalaki. “Kung ang isa’y magtaas ng boses, ihinto ang pag-uusap. Bumalik pagkalipas ng sandaling panahon. Magsimula uli.” Ang Kawikaan 17:14 ay nagbibigay ng ganitong mabuting payo: “Bago sumiklab ang away, umalis ka na.” Subuking pag-usapang muli ang mga bagay-bagay kapag kayo’y kapuwa mahinahon na.
Manatiling Tapat sa Isa’t Isa
16. Bakit ang pangangalunya ay isang bagay na lubhang maselan?
16 Ang Hebreo 13:4 ay nagsasabi: “Maging marangal nawa ang pag-aasawa sa gitna ng lahat, at ang higaang pangmag-asawa ay maging walang dungis, sapagkat hahatulan ng Diyos ang mga mapakiapid at mga mangangalunya.” Ang pangangalunya ay isang kasalanan laban sa Diyos. Sinisira rin nito ang pag-aasawa. (Genesis 39:9) Isang tagapayo sa pag-aasawa ang sumulat: “Minsang matuklasan, ang pangangalunya ay tumatama sa isang pamilya gaya ng isang malakas na bagyo, sumisira ng mga tahanan, niwawasak ang pagtitiwala at pagpapahalaga sa sarili, pumipinsala ng kabataan.” Maaari ring magbunga ng pagdadalang-tao o isang sakit na nakukuha sa pakikipagtalik.
17. Papaano maiiwasan o matatanggihan ang mga hilig na mangalunya?
17 Pinasisidhi pa ng ilang tao ang hilig na mangalunya sa pamamagitan ng pag-iisip tungkol sa likong pangmalas ng sanlibutan sa sekso ayon sa inilalarawan sa mga aklat, sa telebisyon, at sa mga sine. (Galacia 6:8) Subalit, sinasabi ng mga mananaliksik na ang pangangalunya ay karaniwan nang resulta hindi lamang ng pagnanasa sa sekso kundi buhat sa isang ipinagpapalagay na pangangailangang patunayan na ang isa ay kaakit-akit pa rin o mula sa pagnanasang makadama na siya’y higit na iniibig. (Ihambing ang Kawikaan 7:18.) Anuman ang dahilan, kailangang tanggihan ng isang Kristiyano ang imoral na mga guniguni. Taimtim na ipakipag-usap sa iyong kabiyak ang iyong mga nadarama. Kung kinakailangan, humingi ng tulong sa matatanda sa kongregasyon. Ang paggawa ng gayon ay maaaring makapigil sa pagkahulog sa pagkakasala. Bukod dito, ang mga Kristiyano ay kailangang mag-ingat sa pakikitungo sa mga hindi nila kasekso. Magiging labag sa mga simulain ng Kasulatan ang pakasal sa isang tao subalit tumingin naman sa iba na taglay ang pagnanasa. (Job 31:1; Mateo 5:28) Ang mga Kristiyano ay dapat na lalong pakaingat na huwag mahulog ang damdamin sa mga kasamahan sa trabaho. Panatilihing magiliw ngunit praktikal ang gayong mga kaugnayan.
18. Ano ang kalimitang ugat ng seksuwal na mga suliranin sa pag-aasawa, at papaano malulunasan ang mga ito?
18 Ang isang lalong malaking pananggalang ay ang isang mainit, tapat na kaugnayan sa sariling kabiyak. Maraming mananaliksik ang nagsasabi na ang seksuwal na mga suliranin sa pag-aasawa ay bihirang nasa uring pisikal kundi karaniwan nang resulta ng di-mabuting komunikasyon. Bihira ang mga suliranin tungkol dito kapag ang mag-asawa ay tapatang nag-uusap at ibinibigay ang nauukol sa mag-asawa bilang kapahayagan ng pag-ibig sa halip na isang tungkulin.a Sa ilalim ng gayong angkop na mga kalagayan, ang matalik na kaugnayan ay makapagpapatibay sa buklod ng pag-aasawa.—1 Corinto 7:2-5; 10:24.
19. Ano ba ang “sakdal na bigkis ng pagkakaisa,” at ano ang epekto nito sa pag-aasawa?
19 Ang pag-ibig ang “sakdal na bigkis ng pagkakaisa” sa loob ng kongregasyong Kristiyano. Sa pamamagitan ng paglinang sa pag-ibig, ang isang maka-Diyos na mag-asawa ay ‘patuloy na makapagtitiis sa isa’t isa at malayang magpapatawaran ang isa’t isa.’ (Colosas 3:13, 14) Ang may-simulaing pag-ibig ay humahanap ng ikabubuti ng iba. (1 Corinto 13:4-8) Pagyamanin ang gayong pag-ibig. Iyon ay tutulong sa inyo na patibayin ang buklod ng inyong pag-aasawa. Ikapit ang mga simulain ng Bibliya sa inyong buhay may-asawa. Kung gagawin ninyo iyan, ang inyong pag-aasawa ay magiging isang panghabang-panahong pagsasama at magdudulot ng kapurihan at karangalan sa Diyos na Jehova.
[Talababa]
a Ang artikulong “Komunikasyon—Hindi Lamang sa Salita,” na nailathala sa Ang Bantayan ng Agosto 1, 1993, ay nagpakita kung papaano mapagtatagumpayan ng mga mag-asawa ang mga suliranin sa bagay na ito.
Papaano Mo Sasagutin?
◻ Bakit dapat na maging isang permanenteng buklod ang pag-aasawa?
◻ Ano ang pangmalas ng Bibliya tungkol sa pagkaulo at pagpapasakop?
◻ Papaano mapabubuti ang komunikasyon ng mga mag-asawa?
◻ Papaano haharapin ng mga mag-asawa ang mga di-pagkakasundo sa isang Kristiyanong paraan?
◻ Ano ang tutulong upang mapatibay ang buklod ng pag-aasawa?
[Larawan sa pahina 12]
Kung ang kaniyang asawa ay kailangang maghanap-buhay, hindi hahayaan ng isang Kristiyanong asawang lalaki na siya’y labis na mabigatan