Paunlarin ang Pagka-Makatuwiran
“Hayaang malaman ng lahat ng tao ang inyong pagka-makatuwiran. Ang Panginoon ay malapit na.”—FILIPOS 4:5.
1. Bakit isang hamon ang maging makatuwiran sa daigdig sa ngayon?
“ANG taong makatuwiran”—Siya ay tinawag ng peryodistang Ingles na si Sir Alan Patrick Herbert bilang isang tauhan sa mitolohiya. Oo, waring kung minsan ay wala nang makatuwirang mga tao sa daigdig na ito na punô ng mga alitan. Inihula ng Bibliya na sa mapanganib na “mga huling araw” na ito, ang mga tao ay magiging “mabangis,” “matigas ang ulo,” at “hindi bukás sa anumang kasunduan”—sa ibang pananalita, totoong di-makatuwiran. (2 Timoteo 3:1-5) Gayunpaman, mataas ang pagpapahalaga ng tunay na mga Kristiyano sa pagka-makatuwiran, sa pagkaalam na ito ay isang tanda ng banal na karunungan. (Santiago 3:17) Hindi natin nadarama na imposibleng maging makatuwiran sa isang di-makatuwirang sanlibutan. Bagkus, walang pasubali na tinatanggap natin ang hamon ng kinasihang payo ni apostol Pablo na nasa Filipos 4:5: “Hayaang malaman ng lahat ng tao ang inyong pagka-makatuwiran.”
2. Papaano tumutulong sa atin ang mga salita ni apostol Pablo sa Filipos 4:5 upang alamin kung tayo ay makatuwiran?
2 Pansinin kung papaano tumutulong sa atin ang mga salita ni Pablo upang subukin kung tayo ay makatuwiran. Ang suliranin ay hindi kung papaano natin minamalas ang ating sarili; ito’y tungkol sa kung papaano tayo minamalas ng iba, kung papaano tayo nakikilala. Ganito ang pagkasalin ni Phillips sa talatang ito: “Magkaroon ng isang reputasyon ng pagiging makatuwiran.” Makabubuting itanong ng bawat isa sa atin, ‘Ano ba ang pagkakilala sa akin? Ako ba ay may reputasyon ng pagiging makatuwiran, mapagparaya, at malumanay? O ako ba ay kilala bilang mahigpit, mabalasik, o matigas ang ulo?’
3. (a) Ano ang kahulugan ng salitang Griego na isinaling “makatuwiran,” at bakit kaakit-akit ang katangiang ito? (b) Papaano matututuhan ng isang Kristiyano na maging lalong makatuwiran?
3 Ang ating reputasyon tungkol dito ay magpapaaninaw lamang kung hanggang saan natin tinutularan si Jesu-Kristo. (1 Corinto 11:1) Nang narito sa lupa, lubusang naaninaw kay Jesus ang pinakaulirang halimbawa ng kaniyang Ama ng pagka-makatuwiran. (Juan 14:9) Sa katunayan, nang sumulat si Pablo tungkol sa “kahinahunan at kabaitan ng Kristo,” ang salitang Griego na ginamit niya para sa kabaitan (e·pi·ei·kiʹas) ay nangangahulugan din ng “pagka-makatuwiran” o, sa literal, “pagkamapagparaya.” (2 Corinto 10:1) Tinatawag ito sa The Expositor’s Bible Commentary bilang “isa sa dakilang mga salita na naglalarawan ng katangian sa B[agong] T[ipan].” Inilalarawan nito ang isang katangian na lubhang kaakit-akit anupat ang salita ay isinalin ng isang iskolar na “nakalulugod na pagka-makatuwiran.” Kung gayon, talakayin natin ang tatlong paraan na doo’y ipinakita ni Jesus, tulad ng kaniyang Ama, si Jehova, ang pagka-makatuwiran. Sa gayo’y matututo tayo kung papaano magiging higit pang makatuwiran.—1 Pedro 2:21.
“Handang Magpatawad”
4. Papaano ipinakita ni Jesus na siya’y “handang magpatawad”?
4 Tulad ng kaniyang Ama, si Jesus ay nagpakita ng pagka-makatuwiran sa pamamagitan ng pagiging “handang magpatawad” nang paulit-ulit. (Awit 86:5) Isaalang-alang ang panahon nang si Pedro, isang malapít na kasamahan, ay nagtatwa kay Jesus nang makaitlo noong gabing arestuhin at litisin si Jesus. Maaga pa ay sinabi mismo ni Jesus: “Sinuman na nagtatatwa sa akin sa harap ng mga tao, ay akin ding itatatwa siya sa harap ng aking Ama.” (Mateo 10:33) Mahigpit at walang-awang ikinapit ba ni Jesus kay Pedro ang alituntuning ito? Hindi; pagkatapos na Siya’y buhaying-muli, personal na dinalaw ni Jesus si Pedro, walang alinlangan upang aliwin at ibalik ang pagtitiwala ng nagsisisi, bagbag ang pusong apostol. (Lucas 24:34; 1 Corinto 15:5) Di-nagtagal pagkatapos, pinahintulutan ni Jesus na si Pedro ay magtaglay ng malaking pananagutan. (Gawa 2:1-41) Narito ang pagpapamalas ng nakalulugod na pagka-makatuwiran sa sukdulang kahulugan nito! Hindi ba nakaaaliw na isiping hinirang ni Jehova si Jesus bilang Hukom sa buong sangkatauhan?—Isaias 11:1-4; Juan 5:22.
5. (a) Anong reputasyon ang dapat taglayin ng matatanda sa gitna ng mga tupa? (b) Anong materyal ang maaaring repasuhin ng matatanda bago humawak ng mga kasong lilitisin, at bakit?
5 Kapag ang matatanda ay kumilos bilang mga hukom sa kongregasyon, sinisikap nilang sumunod sa makatuwirang halimbawa ni Jesus. Hindi nila ibig matakot sa kanila ang mga tupa bilang mga tagapagparusa. Sa halip, sinisikap nilang tularan si Jesus upang madama ng mga tupa na sila’y ligtas na kasama nila bilang mapagmahal na mga pastol. Sa mga kasong nililitis, ginagawa nila ang lahat upang maging makatuwiran, handang magpatawad. Bago hawakan ang gayong kaso, nasumpungan ng ilang matatanda na malaking tulong na repasuhin ang mga artikulo sa Bantayan ng Hulyo 1, 1992, na pinamagatang “Si Jehova, ang Walang-itinatanging ‘Hukom ng Buong Lupa’ ” at “Matatanda, Humatol Kayo na May Katuwiran.” Sa gayo’y isinasaisip nila ang balangkas ng paraan ng paghatol ni Jehova: “Katatagan kung kinakailangan, awa kung maaaring ipakita.” Hindi isang pagkakamali na maging maawain sa paghatol kung may makatuwirang batayan sa paggawa niyaon. (Mateo 12:7) Isang malaking pagkakamali ang maging mabalasik o walang-awa. (Ezekiel 34:4) Sa gayo’y iniiwasan ng matatanda ang magkamali sa pamamagitan ng aktibong pagsisikap na matagpuan ang pinakamaibigin, maawaing landasin na maaaring gawin hangga’t makatarungan.—Ihambing ang Mateo 23:23; Santiago 2:13.
Nakikibagay sa Harap ng Nagbabagong mga Kalagayan
6. Papaano nagpakita si Jesus ng pagka-makatuwiran nang nakikitungo sa babaing Gentil na ang anak na babae ay inaalihan ng mga demonyo?
6 Tulad ni Jehova, napatunayang si Jesus ay mabilis na magbago ng landasin o makibagay sa bagong mga kalagayan samantalang bumabangon ang mga ito. Minsan isang babaing Gentil ang nakiusap sa kaniya na pagalingin ang kaniyang anak na babaing inaalihan ng mga demonyo. Sa tatlong iba’t ibang paraan, sa simula’y ipinakita ni Jesus na siya’y hindi niya tutulungan—una, sa hindi pagsagot sa kaniya; ikalawa, sa pamamagitan ng tuwirang pagsasabi na siya’y isinugo, hindi sa mga Gentil, kundi sa mga Judio; at ikatlo, sa pamamagitan ng pagbibigay ng isang ilustrasyon na may kabaitang gumawa ng gayunding punto. Gayunman, ang babae ay nagpumilit sa kabila ng lahat ng ito, na pinatutunayan ang pambihirang pananampalataya. Sa pagsasaalang-alang ng naiibang kalagayang ito, nakita ni Jesus na ito’y hindi panahon upang sapilitang ipatupad ang isang pangkalahatang alituntunin; iyon ay panahon upang makibagay bilang pagtugon sa mas mataas na mga simulain.a Sa gayon, ginawa ni Jesus ang bagay na tatlong beses niyang ipinahiwatig na hindi niya gagawin. Pinagaling niya ang anak ng babae!—Mateo 15:21-28.
7. Sa anu-anong paraan maipakikita ng mga magulang ang pagka-makatuwiran, at bakit?
7 Tayo ba ay kilala rin dahil sa ating pagiging handang magparaya kung nararapat? Malimit na kailangang magpakita ang mga magulang ng gayong pagka-makatuwiran. Yamang bawat bata ay bukod-tangi, ang mga pamamaraan na matagumpay sa isa ay maaaring hindi angkop para sa iba. Isa pa, habang lumalaki ang mga bata, nagbabago ang kanilang mga pangangailangan. Dapat bang baguhin ang oras ng isang curfew? Makikinabang kaya ang pampamilyang pag-aaral sa isang mas masiglang kaayusan? Kapag ang isang magulang ay labis na nagalit sa isang maliit na pagkakamali, siya ba ay handang magpakumbaba at ituwid ang mga bagay-bagay? Ang mga magulang na mapagparaya sa gayong mga paraan ay nakaiiwas sa di-kinakailangang pagkainis ng kanilang mga anak at paghiwalay kay Jehova.—Efeso 6:4.
8. Papaano maaaring manguna ang matatanda sa pakikibagay sa mga pangangailangan ng teritoryo?
8 Ang matatanda ay nangangailangan din namang makibagay kapag bumabangon ang bagong mga kalagayan, samantalang hindi ikinokompromiso ang espesipikong mga batas ng Diyos. Sa pangangasiwa sa gawaing pangangaral, ikaw ba ay alisto sa mga pagbabago sa teritoryo? Samantalang ang istilo ng pamumuhay ng mga tagaroon ay nagbabago, marahil ay dapat na pag-ibayuhin ang pagpapatotoo sa gabi, pagpapatotoo sa lansangan, o pagpapatotoo sa pamamagitan ng telepono. Ang pakikibagay sa gayong mga paraan ay tumutulong sa atin na mas mabisang tupdin ang ating atas na mangaral. (Mateo 28:19, 20; 1 Corinto 9:26) Ipinamalas din ni Pablo ang pakikibagay sa lahat ng uri ng mga tao sa kaniyang ministeryo. Gayundin ba ang ating ginagawa, halimbawa, sa pamamagitan ng pagkuha ng sapat na kaalaman tungkol sa lokal na mga relihiyon at mga kultura upang tayo’y makatulong sa mga tao?—1 Corinto 9:19-23.
9. Bakit hindi dapat igiit ng isang matanda na palaging harapin ang mga suliranin gaya ng ginawa niya noong nakaraan?
9 Habang ang mga huling araw na ito ay patuloy na nagiging lalong mapanganib, ang mga pastol ay mangangailangan din na makibagay sa masalimuot at di-kaaya-ayang mga suliranin na napapaharap ngayon sa kanilang kawan. (2 Timoteo 3:1) Kayong matatanda, hindi ito panahon ng paghihigpit! Tunay na hindi igigiit ng isang matanda na harapin ang mga suliranin gaya ng ginagawa niya noong nakaraan kung hindi naging mabisa ang kaniyang mga pamamaraan o kung minabuti ng “tapat at maingat na alipin” na maglathala ng bagong mga materyal tungkol sa gayong mga paksa. (Mateo 24:45; ihambing ang Eclesiastes 7:10; 1 Corinto 7:31.) Sinikap ng isang tapat na matanda na tulungan ang isang nanlulumong sister na lubhang nangangailangan ng isang mabuting tagapakinig. Gayunman, minalas ng matanda na ang kaniyang panlulumo ay hindi gaanong malubha at nagbigay lamang siya ng simpleng mga solusyon. Pagkatapos ang Samahang Watch Tower ay naglathala ng ilang salig-Bibliyang impormasyon na tumatalakay sa kaniyang suliranin. Tiniyak ng matanda na kausapin siyang muli, ngayon ay upang maikapit ang bagong materyal at magpakita ng empatiya sa kaniyang kalagayan. (Ihambing ang 1 Tesalonica 5:14, 15.) Anong inam na halimbawa ng pagka-makatuwiran!
10. (a) Papaano dapat ipakita ng mga elder ang saloobing mapagparaya sa isa’t isa at sa lupon ng matatanda sa kabuuan? (b) Papaano dapat malasin ng lupon yaong mga nagpapakitang sila’y hindi makatuwiran?
10 Ang matatanda ay nangangailangan din na maging mapagparaya sa isa’t isa. Kapag nagpupulong ang lupon ng matatanda, pagkahala-halaga nga na walang sinumang matanda ang mangibabaw sa mga kaayusan! (Lucas 9:48) Ang nangunguna ang siyang lalo nang nangangailangan ng pagpipigil hinggil sa bagay na ito. At kapag isa o dalawang matanda ang tumututol sa isang pasiya ng pangkalahatang lupon ng matatanda, hindi nila igigiit ang kanilang sariling paraan. Bagkus, hangga’t walang nilalabag na simulain sa Kasulatan, sila’y magpaparaya, na tinatandaan na ang pagka-makatuwiran ay kahilingan sa matatanda. (1 Timoteo 3:2, 3) Sa kabilang dako, dapat isaisip ng lupon ng matatanda na sinaway ni Pablo ang kongregasyon sa Corinto dahil kanilang ‘pinagtiisan ang mga taong di-makatuwiran’ na nagpakilala sa kanilang sarili bilang “ubod-galing na mga apostol.” (2 Corinto 11:5, 19, 20) Kaya sila ay dapat handang magpayo sa isang kapuwa matanda na gumagawi sa isang makulit, di-makatuwirang paraan, subalit sila mismo ay dapat na maging mahinahon at mabait sa paggawa ng gayon.—Galacia 6:1.
Pagka-makatuwiran sa Paggamit ng Awtoridad
11. Ano ang pagkakaiba tungkol sa kung papaano ginamit ng Judiong mga pinunong relihiyoso noong kaarawan ni Jesus ang kanilang awtoridad at kung papaano naman ginamit iyon ni Jesus?
11 Nang si Jesus ay lumakad sa lupa, tunay na sumikat ang kaniyang pagka-makatuwiran sa paraan ng paggamit niya ng kaniyang bigay-Diyos na awtoridad. Anong laking kaibahan niya sa relihiyosong mga lider noong kaniyang kaarawan! Isaalang-alang ang isang halimbawa. Iniutos ng batas ng Diyos na hindi dapat gumawa ng anumang trabaho kung Sabbath, kahit na ng pangunguha ng kahoy na panggatong. (Exodo 20:10; Bilang 15:32-36) Ibig ng mga pinunong relihiyoso na supilin ang paraan ng pagkakapit ng mga tao sa batas na iyan. Kaya nagpasiya silang iutos kung ano ang maaaring buhatin ng isang tao kung Sabbath. Kanilang itinakda: hindi dapat tumimbang nang higit pa kaysa dalawang tuyong igos. Ipinagbawal pa nga nila ang pagsusuot ng mga sandalyas na may mga pako, na sinasabing ang pagbuhat sa karagdagang bigat ng mga pako ay itinuturing na trabaho! Sinasabi na, lahat-lahat, ang mga rabbi ay nagdagdag ng 39 na mga alituntunin sa batas ng Diyos tungkol sa Sabbath at saka gumawa ng walang-katapusang pagdaragdag sa mga alituntuning iyon. Sa kabilang panig, si Jesus ay hindi naghangad na masupil ang mga tao sa kahihiyan sa pamamagitan ng pagtatakda ng walang-katapusang mga pagbabawal o sa pagtatakda ng mahihigpit, di-maabot na mga pamantayan.—Mateo 23:2-4; Juan 7:47-49.
12. Bakit natin masasabing hindi nag-atubili si Jesus kung tungkol sa matuwid na mga pamantayan ni Jehova?
12 Kung gayon, dapat ba nating ipagpalagay na walang-katatagang itinaguyod ni Jesus ang matutuwid na pamantayan ng Diyos? Tunay na naging matatag siya! Nauunawaan niya na ang mga batas ay pinakamabisa kapag ikinapit ng mga tao ang mga simulain na nasa likod ng mga batas na iyon. Samantalang ang mga Fariseo ay nababahala sa pagsisikap na masupil ang mga tao sa pamamagitan ng di-mabilang na mga alituntunin, sinikap ni Jesus na abutin ang mga puso. Halimbawa, alam na alam niya na hindi kailangang magparaya kung tungkol sa mga batas ng Diyos gaya ng “tumakas mula sa pakikiapid.” (1 Corinto 6:18) Kaya nagbabala si Jesus sa mga tao hinggil sa mga kaisipan na maaaring umakay tungo sa imoralidad. (Mateo 5:28) Ang gayong turo ay may higit na karunungan at unawa kaysa pagtatakda lamang ng mahihigpit, di-mababagong mga alituntunin.
13. (a) Bakit dapat umiwas ang matatanda sa paggawa ng mahigpit na mga batas at mga alituntunin? (b) Ano ang ilang larangan kung saan mahalaga na igalang ang budhi ng isa?
13 Ang responsableng mga kapatid na lalaki sa ngayon ay interesado rin na maabot ang mga puso. Sa gayon, naiiwasan nila ang pagtatakda ng personal, mahigpit na mga alituntunin o gawing batas ang kanilang sariling punto de vista at mga opinyon. (Ihambing ang Daniel 6:7-16.) Sa pana-panahon, ang may kabaitang paalaala tungkol sa mga bagay na gaya ng pananamit at pag-aayos ay marahil angkop at napapanahon, subalit maaaring isapanganib ng isang matanda ang kaniyang reputasyon bilang isang taong makatuwiran kung lagi niyang inuulit-ulit ang gayong mga bagay o ipinipilit ang mga pangunahin nang nagpapahiwatig ng kaniyang personal na panlasa. Talaga naman, lahat sa kongregasyon ay dapat umiwas sa pagsisikap na supilin ang iba.—Ihambing ang 2 Corinto 1:24; Filipos 2:12.
14. Papaano ipinakita ni Jesus na siya’y makatuwiran kung tungkol sa inaasahan niya sa iba?
14 Marahil ay nais ng matatanda na suriin ang kanilang sarili sa isa pang bagay: ‘Ako ba ay makatuwiran sa aking inaasahan sa iba?’ Tunay na gayon nga si Jesus. Siya’y hindi nagbago sa pagpapakita sa kaniyang mga tagasunod na hindi siya umaasa ng higit pa kaysa kanilang buong-kaluluwang pagsisikap at na lubos niyang pinahahalagahan ang mga ito. Pinuri niya ang dukhang biyuda sa pagbibigay ng kaniyang mga barya na may munting halaga. (Marcos 12:42, 43) Sinaway niya ang kaniyang mga alagad nang punahin nila ang mamahaling abuloy ni Maria, sa pagsasabi: “Pabayaan ninyo siya. . . . Ginawa niya ang magagawa niya.” (Marcos 14:6, 8) Siya ay makatuwiran kahit na nang biguin siya ng kaniyang mga tagasunod. Halimbawa, kahit na hinimok niya ang kaniyang tatlong pinakamalalapit na apostol na manatiling gising at mapagbantay kasama niya noong gabi ng pag-aresto sa kaniya, siya’y kanilang binigo nang sila’y paulit-ulit na nakatulog. Gayunman, siya’y mahabaging nagsabi: “Ang espiritu, sabihin pa, ay sabik, ngunit ang laman ay mahina.”—Marcos 14:34-38.
15, 16. (a) Bakit kailangang maging maingat ang matatanda na huwag gipitin o takutin ang kawan? (b) Papaano nakibagay ang isang tapat na sister tungkol sa inaasahan niya sa iba?
15 Totoo, pinalakas-loob ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod upang ‘magsikap sila nang buong-lakas.’ (Lucas 13:24) Subalit hindi niya kailanman pinilit sila na gawin iyon! Kaniyang pinasigla sila, nagbigay ng halimbawa, nanguna, at sinikap na maabot ang kanilang puso. Nagtiwala siya sa kapangyarihan ng espiritu ni Jehova na gawin ang iba pa. Dapat ding pasiglahin ng matatanda ngayon ang kawan upang maglingkod kay Jehova nang buong puso subalit dapat iwasan na sila’y takutin ng pagkadama ng pagkakasala o pagkapahiya, anupat nagpapahiwatig na ang kasalukuyan nilang ginagawa sa paglilingkuran kay Jehova ay hindi sapat o hindi nakalulugod sa ilang paraan. Ang isang pamimilit na “gumawa ka pa, gumawa ka pa, gumawa ka pa!” ay maaaring makapagpahina ng loob niyaong gumagawa ng lahat ng kanilang makakaya. Anong lungkot nga kung ang isang matanda ay makikilala sa pagiging “mahirap paluguran”—malayung-malayo sa pagka-makatuwiran!—1 Pedro 2:18.
16 Lahat tayo ay dapat na maging makatuwiran sa inaasahan natin sa iba! Ganito ang isinulat ng isang sister, matapos na silang mag-asawa ay lumisan sa kanilang atas pangmisyonero upang alagaan ang kaniyang inang maysakit: “Ang mga panahong ito ay tunay na mahirap para sa amin na mga mamamahayag dito sa mga kongregasyon. Palibhasa’y galing sa gawaing pansirkito at pandistrito, na malaya mula sa marami sa gayong mga kagipitan, nabatid namin ito sa biglaan at masakit na paraan. Halimbawa, dati ay naiisip ko, ‘Bakit ba ang sister na iyon ay hindi nag-aalok ng tamang literatura sa buwang ito? Hindi ba niya binabasa ang Ministeryo sa Kaharian?’ Ngayon ay alam ko na kung bakit. Para sa ilan ay iyan lamang ang makakaya nila upang makalabas [sa paglilingkod].” Anong inam nga kung bigyan ng komendasyon ang ating mga kapatid ukol sa kanilang nagagawa kaysa hatulan sila sa kanilang hindi nagagawa!
17. Papaano nagpakita si Jesus ng isang halimbawa para sa atin kung tungkol sa pagka-makatuwiran?
17 Isaalang-alang ang huling halimbawa kung papaano gumamit si Jesus ng kaniyang awtoridad sa makatuwirang paraan. Tulad ng kaniyang Ama, si Jesus ay hindi may-paninibughong nagbabantay sa kaniyang awtoridad. Siya rin ay dalubhasang tagapag-atas, na hinihirang ang kaniyang uring tapat na alipin upang mangalaga sa “lahat ng kaniyang mga pag-aari” dito sa lupa. (Mateo 24:45-47) At hindi siya natatakot na makinig sa mga idea ng iba. Malimit na tinatanong niya ang kaniyang mga tagapakinig: ‘Ano sa palagay ninyo?’ (Mateo 17:25; 18:12; 21:28; 22:42) Gayundin ang dapat mangyari sa gitna ng lahat ng tagasunod ni Kristo sa ngayon. Gaano man kalaki ang kanilang awtoridad ay dapat silang makinig. Kayong mga magulang, makinig! Kayong mga asawang lalaki, makinig! Kayong matatanda, makinig!
18. (a) Papaano natin malalaman kung tayo nga ba’y nakikilala ng iba bilang makatuwiran? (b) Ano ang makabubuting ipasiya nating lahat?
18 Tiyak naman, nais ng bawat isa sa atin na “magkaroon ng reputasyon na pagiging makatuwiran.” (Filipos 4:5, Phillips) Subalit papaano natin nalalaman na gayon nga ang pagkakilala sa atin? Buweno, nang ibig ni Jesus na malaman kung ano ang sinasabi ng mga tao tungkol sa kaniya, tinanong niya ang kaniyang pinagkakatiwalaang mga kasama. (Mateo 16:13) Bakit hindi tularan ang kaniyang halimbawa? Maitatanong mo sa isa na maaasahan mong tatapatin ka kung ikaw ba ay kilala bilang isang taong makatuwiran, mapagparaya. Tiyak malaki ang magagawa nating lahat upang tularang mabuti ang sakdal na halimbawa ni Jesus ng pagka-makatuwiran! Lalo na kung tayo sa isang paraan ay humahawak ng awtoridad sa iba, lagi nating sundin ang halimbawa ni Jehova at ni Jesus, sa tuwina’y ginagamit ito sa makatuwirang paraan, laging handang magpatawad, magparaya, o magbigay kung nararapat. Oo, harinawang magsikap ang bawat isa sa atin upang “maging makatuwiran”!—Tito 3:2.
[Talababa]
a Ganito ang komento ng aklat na New Testament Words: “Batid ng taong epieikēs [makatuwiran] na may mga panahon na ang isang bagay ay maaaring lubusang makatuwiran kung tungkol sa batas at gayunma’y lubusang mali kung tungkol sa moral. Alam ng taong epieikēs kung kailan maaaring luwagan ang batas sa ilalim ng panggigipit ng isang puwersa na mas mataas at lalong dakila kaysa batas.”
Papaano Mo Sasagutin?
◻ Bakit dapat naisin ng mga Kristiyano na maging makatuwiran?
◻ Papaano matutularan ng matatanda si Jesus sa pagiging handang magpatawad?
◻ Bakit tayo dapat magsumikap na makibagay na gaya ni Jesus?
◻ Papaano natin maipakikita ang pagka-makatuwiran sa paraan ng paghawak natin ng awtoridad?
◻ Papaano natin masusuri ang ating sarili kung tayo nga ba’y talagang makatuwiran?
[Larawan sa pahina 15]
Malugod na pinatawad ni Jesus ang nagsising si Pedro
[Larawan sa pahina 16]
Nang isang babae ang nagpakita ng pambihirang pananampalataya, nakita ni Jesus na hindi panahon iyon upang ipatupad ang isang pangkalahatang alituntunin
[Larawan sa pahina 18]
Kayong mga magulang makinig!
[Larawan sa pahina 18]
Kayong mga asawang lalaki makinig!
[Larawan sa pahina 18]
Kayong matatanda makinig!