Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Yamang si Jesus ay nagbuhat kapuwa kina Jesse at David, bakit tinawag siyang “ang ugat” ng kaniyang mga ninunong sina Jesse at David?
Karaniwan lamang na isipin mong ang ugat ng isang punungkahoy o isang halaman ay nauuna bago ang katawan o mga sanga. Kaya waring si Jesse (o ang kaniyang anak na si David) ay tinutukoy bilang ang ugat na nang malaunan ay pinagmulan ni Jesus. Gayunpaman, ang Isaias 11:10 ay humula tungkol sa pagparito ng Mesiyas na magiging “ang ugat ni Jesse,” at ikinapit ng Roma 15:12 ang hulang ito kay Jesu-Kristo. Nang maglaon sa Apocalipsis 5:5 ay tinawag siya na “ang Leon na mula sa tribo ni Juda, ang ugat ni David.” May mga dahilan para sa mga titulong ito.
Madalas gumamit ang Bibliya ng isang halaman, tulad halimbawa ng isang punungkahoy, sa matalinghagang paraan. Kung minsan ito ay batay sa katotohanan na samantalang ang binhi ay sumisibol at lumalaki, unang nabubuo ang mga ugat bago ang mga sanga, iba pang mga sanga, o ang bunga na tinutustusan ng mga ugat. Halimbawa, ganito ang mababasa sa Isaias 37:31: “Yaong mga nakatakas sa sambahayan ni Juda, yaong mga nalalabi, ay tiyak na mag-uugat sa ilalim at magbubunga sa itaas.”—Job 14:8, 9; Isaias 14:29.
Kung mapinsala ang ugat, madarama ng nalalabing bahagi ng punungkahoy ang epekto nito. (Ihambing ang Mateo 3:10; 13:6.) Kaugnay dito, si Malakias ay sumulat: “‘Ang araw na dumarating ay tunay na lalamon sa kanila,’ ang sabi ni Jehova ng mga hukbo, ‘anupat hindi mag-iiwan sa kanila ng kahit ugat ni sanga man.’ ” (Malakias 4:1) Maliwanag ang kahulugan—ang lubusang pagkaputol. Ang mga magulang (mga ugat) ay mapuputol, gayundin ang kanilang mga supling (mga sanga).a Idiniriin nito ang pananagutan ng mga magulang sa kanilang mga anak na menor de edad; ang walang-hanggang kinabukasan ng mga anak na menor de edad ay nakasalalay sa katayuan ng kanilang mga magulang sa harap ng Diyos.—1 Corinto 7:14.
Ang pananalita sa Isaias 37:31 at Malakias 4:1 ay batay sa katotohanan na ang buhay ng mga sanga (at ang bunga ng mas maliliit na sanga) ay nanggagaling sa ugat. Ito ang susi sa pag-unawa kung papaanong si Jesus ang “ugat ni Jesse” at ang “ugat ni David.”
Sa pisikal na paraan, sina Jesse at David ang mga ninuno ni Jesus; sila ang mga ugat, siya ang supling o sanga. Ganito ang sabi ng Isaias 11:1 tungkol sa dumarating na Mesiyas: “May lalabas na maliit na sanga sa tuod ni Jesse; at isang usbong mula sa kaniyang mga ugat ay magbubunga.” Sa katulad na paraan, sa Apocalipsis 22:16, tinawag ni Jesus ang kaniyang sarili na “ang supling ni David.” Ngunit ginamit din niya ang mga salitang “ang ugat ni David.” Bakit?
Si Jesus ay “ugat” nina Jesse at David sa isang paraan na sa pamamagitan niya ang linya ng kanilang talaangkanan ay nananatiling buháy. Walang sinuman sa ngayon ang makapagpapatunay na siya ay mula sa tribo ni Levi, Dan, o maging ni Juda, subalit makatitiyak tayo na ang linya nina Jesse at David ay nagpapatuloy sapagkat si Jesus ay buháy ngayon sa langit.—Mateo 1:1-16; Roma 6:9.
Nakamit din ni Jesus ang posisyon bilang makalangit na Hari. (Lucas 1:32, 33; 19:12, 15; 1 Corinto 15:25) Ito ay may kinalaman sa kaniyang kaugnayan kahit sa kaniyang mga ninuno. Sa makahulang paraan, tinawag ni David si Jesus na kaniyang Panginoon.—Awit 110:1; Gawa 2:34-36.
Sa wakas, si Jesu-Kristo ay binigyan ng kapangyarihan bilang Hukom. Pagsapit ng Milenyo, ang mga kapakinabangan ng pantubos ni Jesus ay aabot din kina Jesse at David. Ang kanilang buhay sa lupa kung gayon ay nakasalalay kay Jesus, na magsisilbing kanilang “Walang-Hanggang Ama.”—Isaias 9:6.
Samakatuwid, bagaman si Jesus ay nagbuhat sa hanay nina Jesse at David, ang naganap sa kaniya at ang gagawin pa niya ay nagpapangyaring siya’y angkop na tawaging “ang ugat ni Jesse” at “ang ugat ni David.”
[Talababa]
a Isang sinaunang sulat sa paglilibing sa Fenicia ang gumamit ng nahahawig na pananalita. Sinabi nito tungkol sa sinumang magbukas ng libingan: “Huwag nawa silang magkaroon ng ugat sa ilalim o ng bunga sa itaas!”—Vetus Testamentum, Abril 1961.
[Picture Credit Line sa pahina 31]
Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.