Nagkakaisa sa Sakdal na Bigkis ng Pag-ibig
‘Magsama-samang magkakasuwato sa pag-ibig.’—COLOSAS 2:2.
1, 2. Anong impluwensiya na nagdudulot ng di-pagkakasundo ang nararanasan lalo na sa ngayon?
MAKINIG! Isang malakas na tinig ang umaalingawngaw sa buong kalangitan na nagsasabi: “Kaabahan para sa lupa at para sa dagat, sapagkat ang Diyablo ay bumaba na sa inyo, na may malaking galit, sa pagkaalam na maikli na ang kaniyang yugto ng panahon.” (Apocalipsis 12:12) Sa paglipas ng bawat taon, ang mensaheng iyan ay lalo pang nagbabanta ng masama para sa mga naninirahan sa lupa.
2 Ang mahigpit na kalaban ni Jehova ay malaon nang kilala bilang manlalaban (Satanas) at maninirang-puri (Diyablo). Subalit ang manlilinlang na ito ay may isa pang nakatatakot na papel sa ngayon—siya’y naging isang nagngangalit na diyos! Bakit? Sapagkat mula sa langit ay inihagis siya ni Miguel at ng kaniyang mga anghel sa isang digmaan na nagsimula sa langit noong 1914. (Apocalipsis 12:7-9) Alam ng Diyablo na mayroon na lamang siyang maikling panahon upang patunayan ang kaniyang hamon na kaya niyang italikod ang lahat ng tao mula sa pagsamba sa Diyos. (Job 1:11; 2:4, 5) Yamang hindi na sila makaliligtas, siya at ang kaniyang mga demonyo ay naging gaya ng nagngangalit na kuyog ng mga pukyutan na ibinubunton ang galit sa di-mapakaling mamamayan ng sangkatauhan.—Isaias 57:20.
3. Ano ang naging resulta ng pagpapakasamâ ni Satanas sa ating kapanahunan?
3 Ang mga pangyayaring ito, na di-nakita ng mga mata ng tao, ay nagpapaliwanag kung bakit nagkaroon ngayon ng lansakang pagguho ng moral sa gitna ng sangkatauhan. Ipinaliliwanag din ng mga ito ang naghuhumindik na pagsisikap ng mga tao na ayusin ang pagkabuwag ng mga bansa na totoo namang hindi magkasundu-sundo. Buong kabagsikang naglalaban-laban ang mga tribo at mga angkan, na siyang dahilan upang mawalan ng tahanan at mangalat ang milyun-milyong mga tao. Hindi kataka-taka na lumago ang katampalasanan sa isang walang-kaparis na antas! Gaya ng inihula ni Jesus, ‘ang pag-ibig ng nakararami sa sangkatauhan ay lumalamig.’ Saan ka man tumingin, ang di-pagkakasuwato at kawalan ng pag-ibig ay palatandaan ng di-mapakaling sangkatauhan sa ngayon.—Mateo 24:12.
4. Bakit lalo nang nanganganib ang bayan ng Diyos?
4 Dahil sa kalagayan ng sanlibutan, ang panalangin ni Jesus para sa kaniyang mga tagasunod ay nagkakaroon ng higit na kahulugan: “Humihiling ako sa iyo, hindi upang alisin sila mula sa sanlibutan, kundi upang bantayan sila dahil sa isa na balakyot. Sila ay hindi bahagi ng sanlibutan, kung paanong ako ay hindi bahagi ng sanlibutan.” (Juan 17:15, 16) Ngayon, “ang balakyot na isa” ay lalo nang nagbubunton ng kaniyang galit doon sa “tumutupad sa mga kautusan ng Diyos at may gawaing pagpapatotoo tungkol kay Jesus.” (Apocalipsis 12:17) Kung hindi dahil sa pagbabantay at maibiging pangangalaga ni Jehova, nalipol na sana ang kaniyang tapat na mga Saksi. Ang ating buhay ay depende sa ating kapaki-pakinabang na pagsasamantala sa lahat ng paglalaan na ginagawa ng Diyos para sa ating espirituwal na kaligtasan at kapakanan. Nangangailangan iyan ng pagpupunyagi alinsunod sa pagkilos ng Kaniyang kapangyarihan sa pamamagitan ni Kristo, gaya ng ginawang paghimok ng apostol sa Colosas 1:29.
5, 6. Ano ang nadama ni apostol Pablo tungkol sa mga Kristiyanong taga-Colosas, at bakit angkop ang paksang teksto para sa 1995?
5 Bagaman malamang na hindi sila kailanman nakita ni Pablo nang harapan, minahal niya ang kaniyang mga kapatid sa Colosas. Sinabi niya sa kanila: “Sana’y maunawaan ninyo kung gaano ang aking pagkabalisa sa inyo.” (Colosas 2:1, The New Testament in Modern English, ni J. B. Phillips) Yamang ang mga tagasunod ni Jesus ay hindi bahagi ng sanlibutan, patuloy na sisikapin ng “balakyot na isa” na sirain ang pagkakaisa ng mga kapatid sa pamamagitan ng paghahasik ng espiritu ng sanlibutan sa gitna nila. Ipinahiwatig ng balitang dala ni Epafras mula sa Colosas na ito’y nangyari na rin noon bagaman di-malawakan.
6 Ang isa sa pangunahing interes ni Pablo para sa kaniyang mga kapatid na Kristiyano ay maaaring buuin sa mga salitang: ‘Magsama-samang magkakasuwato sa pag-ibig.’ Ang kaniyang mga salita ay may pantanging kahulugan sa ngayon, sa isang sanlibutang puspos ng di-pagkakaisa at kawalan ng pag-ibig. Kung isasapuso natin ang payo ni Pablo, tatamasahin natin ang pangangalaga ni Jehova. Mararanasan din natin ang kapangyarihan ng kaniyang espiritu sa ating buhay, na tinutulungan tayong malabanan ang mga panggigipit ng sanlibutan. Tunay na napakatalino ng payong ito! Kaya nga, ang Colosas 2:2 ang ating magiging paksang teksto para sa 1995.
7. Anong pagkakasuwato ang dapat makita sa gitna ng tunay na mga Kristiyano?
7 Sa naunang liham sa mga taga-Corinto, ginamit ng apostol ang katawan ng tao bilang ilustrasyon. Isinulat niya na “huwag magkaroon ng pagkakabaha-bahagi” sa kongregasyon ng pinahirang mga Kristiyano kundi “ang mga sangkap nito ay magkaroon ng magkakatulad na pagmamalasakit sa isa’t isa.” (1 Corinto 12:12, 24, 25) Anong kahanga-hangang ilustrasyon! Ang ating mga biyas ay nagtutulungan, bawat isa’y nakakabit sa natitirang bahagi ng ating katawan. Katulad din iyan ng ating pandaigdig na pagsasamahang magkakapatid, na binubuo ng mga pinahiran at milyun-milyong umaasang mabuhay sa isang paraisong lupa. Hindi natin dapat putulin ang ating mga sarili mula sa katawan ng pagsasamahang Kristiyano upang mabuhay nang hiwalay! Palibhasa’y kumikilos sa pamamagitan ni Kristo Jesus, ang espiritu ng Diyos ay saganang dumadaloy sa atin sa pamamagitan ng ating pakikisama sa ating mga kapatid.
Ang Pagkakasuwato ay Kaugnay ng Kaalaman
8, 9. (a) Ano ang mahalagang punto sa pakikibahagi natin sa pagkakasuwato sa kongregasyon? (b) Papaano ka nakapagtamo ng kaalaman tungkol kay Kristo?
8 Ang isa sa pinakamahalagang punto ni Pablo ay na ang pagkakasuwatong Kristiyano ay kaugnay ng kaalaman, lalo na ang tungkol kay Kristo. Isinulat ni Pablo na ang mga Kristiyano ay dapat ‘magsama-samang magkakasuwato sa pag-ibig at na may kinalaman sa buong kayamanan ng lubos na katiyakan ng kanilang unawa, na may kinalaman sa tumpak na kaalaman sa sagradong lihim ng Diyos, alalaong baga, si Kristo.’ (Colosas 2:2) Nakakuha na tayo ng kaalaman—ng mga katotohanan—mula nang magsimula tayong mag-aral ng Salita ng Diyos. Bilang bahagi ng pagtatamo ng kaunawaan kung papaanong ang karamihan sa mga katotohanang ito ay nababagay sa layunin ng Diyos, naunawaan natin ang napakahalagang papel ni Jesus. “Maingat na nakakubli sa kaniya ang lahat ng mga kayamanan ng karunungan at ng kaalaman.”—Colosas 2:3.
9 Iyan ba ang iyong nadarama tungkol kay Jesus at sa kaniyang papel sa layunin ng Diyos? Marami sa Sangkakristiyanuhan ang kagyat na bumabanggit kay Jesus, na inaangking tinanggap na nila siya at sa gayo’y naligtas na. Ngunit talaga nga bang kilala na nila siya? Hinding-hindi, sapagkat halos lahat ay naniniwala sa dî maka-Kasulatang doktrina ng Trinidad. Hindi lamang sa alam mo na ang katotohanan tungkol dito ngunit malamang na mayroon ka na ring malawak na kaalaman sa kung ano ang sinabi at ginawa ni Jesus. Milyun-milyon ang natulungan na ukol dito sa pamamagitan ng isang punô ng impormasyong pag-aaral na ginagamit ang aklat na Ang Pinakadakilang Tao na Nabuhay Kailanman. Gayunman, kailangan pa rin nating patuloy na palalimin ang ating kaalaman tungkol kay Jesus at sa kaniyang mga daan.
10. Papaano natin makukuha ang nakakubling katotohanan?
10 Ang pangungusap na “lahat ng mga kayamanan ng karunungan” ay “maingat na nakakubli” para kay Jesus ay hindi nangangahulugang ang gayong kaalaman ay hindi natin kayang abutin. Sa halip, iyon ay parang isang nakahantad na mina. Hindi na natin kailangang maghanap pa sa palibot ng isang malawak na lugar na inaalam pa kung saan sisimulan ang paghukay. Alam na natin—nagsisimula ang tunay na kaalaman sa kung ano ang ibinubunyag ng Bibliya tungkol kay Jesu-Kristo. Habang nauunawaan natin nang lubusan ang papel ni Jesus sa pagsasagawa ng layunin ni Jehova, nakakamit natin ang mga kayamanan ng tunay na karunungan at tumpak na kaalaman. Kaya ang kailangan lamang natin ay patuloy na maghukay nang maghukay, habang inilalabas ang higit pang mga hiyas o mamahaling mga bagay na makukuha sa pinagmumulang ito na nahukay na natin.—Kawikaan 2:1-5.
11. Papaano natin mapasusulong ang ating kaalaman at karunungan sa pamamagitan ng pagbubulay-bulay hinggil kay Jesus? (Ilarawan na ginagamit ang paghuhugas ni Jesus ng mga paa ng mga alagad, o gumamit ng iba pang mga halimbawa.)
11 Halimbawa, nalaman natin na hinugasan ni Jesus ang mga paa ng kaniyang mga apostol. (Juan 13:1-20) Sa gayon, napagbulay-bulay na ba natin ang aral na itinuturo niya sa atin at ang paggawi na kaniyang ipinakita? Sa paggawa nito, maaaring makahukay tayo ng kayamanan ng karunungan na magpapangyari sa atin—oo, magpapakilos sa atin—na baguhin ang paraan ng ating pakikitungo sa isang kapatid na lalaki o babae na ang personalidad ay malaon nang umiinis sa atin. O kapag binigyan ng atas na hindi natin gaanong gusto, baka mabago ang ating paggawi pagkatapos na makuha natin ang lubusang kahulugan ng Juan 13:14, 15. Sa ganiyang paraan tayo naaapektuhan ng kaalaman at karunungan. Ano kaya ang magiging epekto sa iba habang ibinabagay natin ang ating sarili ayon sa mas malawak na kaalaman kay Kristo? Malamang na ‘lalong magsasama-samang magkakasuwato sa pag-ibig’ ang kawan.a
Sumisira ng Pagkakasuwato ang Pang-abala
12. Tungkol sa anong kaalaman dapat tayong mag-ingat?
12 Kung napadadali ng tumpak na kaalaman ang ating ‘pagiging sama-samang nagkakasuwato sa pag-ibig,’ ano naman ang nagiging bunga niyaong “may-kabulaanang tinatawag na ‘kaalaman’ ”? Ang kabaligtaran—pagtatalo, alitan, at paglihis sa pananampalataya. Kaya mag-ingat tayo sa gayong maling kaalaman, gaya ng ibinabala ni Pablo kay Timoteo. (1 Timoteo 6:20, 21) Sumulat din si Pablo: “Ito ay sinasabi ko upang walang sinumang tao ang luminlang sa inyo taglay ang mapanghikayat na mga argumento. Maging mapagbantay: baka may sinumang tumangay sa inyo bilang kaniyang nasila sa pamamagitan ng pilosopiya at walang-lamang panlilinlang alinsunod sa tradisyon ng mga tao, alinsunod sa panimulang mga bagay ng sanlibutan at hindi alinsunod kay Kristo.”—Colosas 2:4, 8.
13, 14. (a) Bakit nanganib ang mga kapatid na taga-Colosas kung tungkol sa kaalaman? (b) Bakit ang ilan sa ngayon ay baka nag-aakalang sila’y wala sa gayong mapanganib na kalagayan?
13 Napaliligiran ang mga Kristiyanong taga-Colosas ng tusong impluwensiya na siyang tiyak na may-kabulaanang tinatawag na kaalaman. Marami sa Colosas at sa karatig nito ang may mataas na pagpapahalaga sa mga pilosopong Griego. Nariyan din ang mga tagasunod ng Judaismo na nagnanais na sundin ng mga Kristiyano ang mga Batas Mosaiko, gaya ng mga araw ng kapistahan nito at ang mga kahilingang pagkain. (Colosas 2:11, 16, 17) Hindi tutol si Pablo sa pagtatamo ng kaniyang mga kapatid ng tunay na kaalaman, ngunit kailangan nilang mag-ingat na walang sinumang makadala sa kanila bilang biktima, na gumagamit ng nakapanghihikayat na mga argumento upang kumbinsihin silang manatili sa hamak na pananaw ng mga tao tungkol sa buhay at mga paggawi. Mauunawaan mo na kapag hinayaan ng ilan sa kongregasyon na iayon sa gayong dî maka-Kasulatang palagay at saloobin ukol sa buhay ang kanilang pag-iisip at pagpapasiya, iyon ay makapipinsala sa pagkakasuwato at pag-iibigan sa pagitan ng mga miyembro ng kongregasyon.
14 ‘Oo,’ marahil ay iisipin mo, ‘nakita ko ang panganib na napaharap sa mga taga-Colosas, ngunit hindi naman ako nanganganib na maimpluwensiyahan ng Griegong mga pala-palagay, gaya niyaong pagkawalang-kamatayan ng kaluluwa o ng trinitaryong diyos; ni wala akong nakikitang anumang panganib na mahikayat ng paganong mga pista ng huwad na relihiyon na aking tinakasan.’ Mabuti naman. Mabuti iyan na maging matatag sa kagalingan ng saligang katotohanan na ibinunyag sa pamamagitan ni Jesus at na siyang mababasa sa Kasulatan. Pero, hindi naman kaya tayo nanganganib sa ibang mga pilosopya o pananaw ng tao na laganap ngayon?
15, 16. Anong pananaw sa buhay ang baka makaapekto sa pag-iisip ng isang Kristiyano?
15 Isa sa gayong saloobin ay malaon nang umiiral: “Nasaan na ngayon ang pangako ng kaniyang pagparito? Nailagay na sa kanilang himlayan ang ating mga ama, ngunit lahat ng mga bagay ay nagpapatuloy pa rin nang gayung-gayon mula pa noon.” (2 Pedro 3:4, The New English Bible) Ang damdaming iyan ay maaaring sabihin sa ibang pananalita, ngunit ang pangmalas ay gayundin. Halimbawa, ang isa’y baka mangatuwiran, ‘Nang una kong matutuhan ang katotohanan napakatagal nang panahon, ang katapusan daw ay “halos naririto na.” Pero hanggang ngayon ay wala pa rin, at sino nga ba ang makaaalam kung kailan ito darating?’ Ipagpalagay na nga, na walang sinuman ang nakaaalam kung kailan darating ang katapusan. Datapuwat, pansinin ang pangmalas na ipinakita ni Jesus: “Manatili kayong mapagmasid, manatiling gising, sapagkat hindi ninyo alam kung kailan ang itinakdang panahon.”—Marcos 13:32, 33.
16 Napakapanganib nga na umayon sa pangmalas na, yamang hindi alam kung kailan darating ang wakas, dapat tayong magplano para sa isang ganap at “normal” na buhay! Makikita ang saloobing iyan sa pangangatuwirang, ‘Mabuti pang gumawa ako ng hakbang na magpapahintulot sa akin (o sa aking mga anak) na magkaroon ng isang marangal na karera na may malaking suweldo at sa gayo’y makapagtatamasa ako ng maginhawang buhay. Mangyari pa, dadalo ako sa mga pulong Kristiyano at gagawa ng ilang pakikibahagi sa gawaing pangangaral, pero walang dahilan para ako magpunyagi o gumawa ng labis na pagsasakripisyo.’—Mateo 24:38-42.
17, 18. Anong pangmalas ang iminungkahi ni Jesus at ng mga apostol na taglayin natin?
17 Gayunman, hindi maikakaila na iminungkahi ni Jesus at ng kaniyang mga apostol na tayo’y mamuhay nang may pagkaapurahan upang maipangaral ang mabuting balita, anupat nagpupunyagi at handang gumawa ng mga pagsasakripisyo. Sumulat si Pablo: “Sinasabi ko ito, mga kapatid, ang panahong natitira ay pinaikli. Mula ngayon yaong mga may asawang babae ay maging para bang sila ay wala, . . . at yaong mga bumibili ay maging gaya niyaong mga hindi nagmamay-ari, at yaong mga gumagamit sa sanlibutan ay maging gaya niyaong mga hindi gumagamit nito nang lubusan; sapagkat ang tanawin ng sanlibutang ito ay nagbabago.”—1 Corinto 7:29-31; Lucas 13:23, 24; Filipos 3:13-15; Colosas 1:29; 1 Timoteo 4:10; 2 Timoteo 2:4; Apocalipsis 22:20.
18 Malayung-malayo sa pagmumungkahing gawin nating tunguhin ang isang maginhawang buhay, ganito ang sulat ni Pablo sa ilalim ng pagkasi: “Wala tayong dinalang anuman sa sanlibutan, at wala rin naman tayong anumang bagay na mailalabas. Kaya, sa pagkakaroon ng pagkain at pananamit, tayo ay magiging kontento na sa mga bagay na ito. . . . Ipakipaglaban mo ang mainam na pakikipaglaban ng pananampalataya, manghawakan ka nang mahigpit sa buhay na walang-hanggan na ukol dito ay tinawag ka at inihandog mo ang mainam na pangmadlang pagpapahayag sa harap ng maraming saksi.”—1 Timoteo 6:7-12.
19. Papaano naaapektuhan ang isang kongregasyon kung tinatanggap nila ang pangmalas sa buhay na iminungkahi ni Jesus?
19 Kapag ang isang kongregasyon ay binubuo ng masisigasig na mga Kristiyano na lubusang nagsisikap na ‘maghandog ng mainam na pangmadlang pagpapahayag,’ natural lamang ang pag-iral ng pagkakasuwato. Hindi sila napadadala sa saloobing, ‘Marami kang mabubuting bagay na nakaimbak para sa maraming taon; magpakaginhawa ka, kumain ka, uminom ka, magpakasaya ka.’ (Lucas 12:19) Sa halip, sila’y nagkakaisa sa magkatulad na pagsisikap, handang gumawa ng mga pagsasakripisyo na makibahaging lubusan hangga’t maaari sa di-na-kailanman mauulit na gawaing ito.—Ihambing ang Filipos 1:27, 28.
Mag-ingat sa Mapanghikayat na mga Argumento
20. Ano pa ang isang paraan na maaaring magligaw sa mga Kristiyano?
20 Mangyari pa, may iba pa ring paraan na maaaring ang mga Kristiyano’y ‘malinlang ng mapanghikayat na mga argumento’ o walang-lamang panlilinlang na humahadlang sa ‘pagsasama-samang magkakasuwato sa pag-ibig.’ Ang tanggapan ng Samahang Watch Tower sa Alemanya ay sumulat: “Isang pangyayari ang naging dahilan ng pagtatalo, ang pagkakampi-kampi ng mga mamamahayag at maging ng matatanda sa magkabilang panig tungkol sa uri ng paggamot na isinasagawa ng isang kapatid na lalaki.” Idinagdag pa nila: “Dahil sa iba’t ibang paraan na ginamit at sa napakaraming bilang ng mga pasyente, ito’y nagbukas ng pagtatalo at, kung ang mga paraan ng paggamot ay may bahid ng espiritismo, baka ito’y maging mapanganib.”—Efeso 6:12.
21. Papaano maaaring iwala ng isang Kristiyano ang dapat pagtuunan ng pansin sa ngayon?
21 Nais ng mga Kristiyano na manatiling buháy at malusog upang mapaglingkuran nila ang Diyos. Gayunman, sa sistemang ito ay nakatakda tayong tumanda at magkasakit bilang bunga ng pagiging di-sakdal. Sa halip na ituon ang pansin sa mga isyung pangkalusugan, pag-isipan nating mabuti ang tunay na solusyon, para sa atin at para sa iba. (1 Timoteo 4:16) Si Kristo ang pinakasentro ng solusyong iyan, siya pa nga ang tinukoy sa payo ni Pablo sa mga taga-Colosas. Ngunit tandaan, binanggit ni Pablo na may darating na taglay ang “mapanghikayat na mga argumento” na maglalayo ng ating pansin kay Kristo, anupat ibinabaling naman sa mga sistema ng pagsusuri, panggagamot, o pagdidiyeta.—Colosas 2:2-4.
22. Anong balanseng saloobin ang dapat na taglay natin kung tungkol sa maraming pag-aangkin may kinalaman sa mga paraan ng pagsusuri at panggagamot?
22 Ang mga tao sa buong daigdig ay patuloy na inuulanan ng mga anunsiyo at mga patunay tungkol sa lahat ng uri ng panggagamot at paraan ng pagsusuri. Ang ilan ay malawakang ginagamit at kinikilala; ang iba nama’y malawakang pinipintasan o pinag-aalinlanganan pa rin.b Bawat isa ay may pananagutang alamin ang kaniyang gagawin kung tungkol sa kaniyang kalusugan. Subalit yaong tumatanggap ng payo ni Pablo na matatagpuan sa Colosas 2:4, 8 ay magkakaroon ng proteksiyon upang di madaya ng “mapanghikayat na mga argumento” o “walang-lamang panlilinlang” na nagliligaw sa marami anupat, palibhasa’y walang pag-asa sa Kaharian, ay nag-aapurang gumaling. Kahit na ang isang Kristiyano ay kumbinsido na ang isang uri ng paggamot ay waring nakabuti sa kaniya, hindi niya dapat ipamalita ito sa Kristiyanong kapatiran, dahil sa ito’y maaaring maging paksa ng kalat-kalat na usap-usapan at pagtatalo. Sa gayon ay maipakikita niya na lubusan siyang gumagalang sa kahalagahan ng pagkakasuwato sa kongregasyon.
23. Bakit tayo lalo na ang may dahilan para magalak?
23 Idiniin ni Pablo na ang Kristiyanong pagkakasuwato ay isang batayan ng tunay na kagalakan. Tiyak na mas kakaunti ang bilang ng mga kongregasyon noong kapanahunan niya kaysa ngayon. Gayunman ay sumulat siya sa mga taga-Colosas: “Bagaman ako ay wala riyan sa laman, gayunpaman ay kasama ninyo ako sa espiritu, na nagsasaya at nagmamasid sa inyong mabuting kaayusan at sa katatagan ng inyong pananampalataya kay Kristo.” (Colosas 2:5; tingnan din ang Colosas 3:14.) Higit na nararapat tayong magsaya! Nakikita natin mismo ang tunay na katibayan ng pagkakasuwato, mabuting kaayusan, at katatagan ng pananampalataya sa ating sariling kongregasyon, na nagpapaaninag ng pangkalahatang kalagayan ng bayan ng Diyos sa buong daigdig. Kaya sa nalalabing maigsing panahon ng kasalukuyang sistema, hayaang ang bawat isa sa atin ay magpasiyang ‘magsama-samang magkakasuwato sa pag-ibig.’
[Mga talababa]
a Bagaman walang katapusan ang mga posibilidad, mula sa sumusunod na halimbawa, tingnan kung ano mismo sa iyong sarili ang matututuhan mo tungkol kay Jesus na makatutulong sa pagkakasuwato sa inyong kongregasyon: Mateo 12:1-8; Lucas 2:51, 52; 9:51-55; 10:20; Hebreo 10:5-9.
b Tingnan Ang Bantayan ng Disyembre 15, 1982, pahina 19-27.
Napansin Mo Ba?
◻ Ano ang taunang teksto para sa mga Saksi ni Jehova sa 1995?
◻ Bakit kailangang magsama-samang magkakasuwato sa pag-ibig ang mga Kristiyanong taga-Colosas, at bakit tayo rin sa ngayon?
◻ Anong tusong palagay sa buhay ang lalo nang kailangang bantayan ng mga Kristiyano sa ngayon?
◻ Bakit dapat listo ang mga Kristiyano na huwag mailigaw ng mapanghikayat na mga argumento may kinalaman sa kalusugan at paraan ng pagsusuri?
[Mga larawan sa pahina 17]
Ang iyo bang mga plano sa hinaharap ay nakasentro sa pagkanaririto ni Jesus?