Tinanggap Niya ang Banal na Patnubay
IPAGPALAGAY na ipinagkatiwala sa iyo ang pangangalaga sa isang sakdal na bata at inaasahang palalakihin mo siya nang maayos. Anong laking hamon! Papaano magagawa iyan ng sinumang di-sakdal na tao? Tanging sa pamamagitan ng pagtanggap ng banal na patnubay at pagkakapit nito sa araw-araw na buhay.
Iyan ang mismong ginawa ni Jose, ang umampon kay Jesus bilang ama. Salungat sa detalyadong apokripang mga turo tungkol kay Jose, kakaunti lamang ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa kaniyang mapakumbabang bahagi sa buhay ni Jesus bilang bata. Alam natin na si Jose at ang kaniyang asawang si Maria ang nagpalaki kay Jesus, sa apat na iba pang anak na lalaki, at sa mga anak na babae rin naman.—Marcos 6:3.
Si Jose ay inapo ni Haring David ng Israel sa hanay ni Solomon. Siya ay anak ni Jacob at manugang ni Heli. (Mateo 1:16; Lucas 3:23) Palibhasa’y isang karpintero sa lunsod ng Nazaret sa Galilea, mahirap lamang si Jose. (Mateo 13:55; Lucas 2:4, 24; ihambing ang Levitico 12:8.) Subalit siya’y mayaman sa espirituwal na paraan. (Kawikaan 10:22) Tiyak na ito’y dahil sa tinanggap niya ang banal na patnubay.
Walang alinlangan, si Jose ay isang maamo at mapagpakumbabang Judio na may pananampalataya sa Diyos at nais gumawa ng tama. Ipinakikita ng ilang pangyayari sa kaniyang buhay na nakaulat sa Kasulatan na siya’y laging masunurin sa mga utos ni Jehova. Gayon nga maging ang mga ito man ay nasa Batas o tuwirang tinanggap ni Jose sa pamamagitan ng mga anghel.
Isang Taong Matuwid na May mga Suliranin
Ano ang dapat gawin ng isang taong maka-Diyos kapag napaharap sa isang malubhang suliranin? Aba, dapat niyang ‘ihagis ang kaniyang pasanin kay Jehova’ at sundin ang banal na patnubay! (Awit 55:22) Iyan ang ginawa ni Jose. Samantalang siya’y katipan ni Maria, “siya [si Maria] ay nasumpungang nagdadalang-tao sa pamamagitan ng banal na espiritu bago sila pinagkaisa.” Dahil si Jose ‘ay matuwid at hindi nais na gawin siyang isang pangmadlang panoorin, siya’y nagbalak na diborsiyuhin siya nang palihim.’ Pagkatapos pag-isipan ni Jose ang mga bagay na ito, ang anghel ni Jehova ay nagpakita sa kaniya sa panaginip at nagsabi: “Jose, anak ni David, huwag kang matakot na dalhin sa bahay si Maria na iyong asawa, sapagkat yaong pinangyaring maipaglihi sa kaniya ay sa pamamagitan ng banal na espiritu. Siya ay magsisilang ng isang anak na lalaki, at tatawagin mo ang kaniyang pangalan na Jesus, sapagkat ililigtas niya ang kaniyang bayan mula sa kanilang mga kasalanan.” Nang magising, “ginawa [ni Jose] ang gaya ng ipinag-utos ng anghel ni Jehova sa kaniya, at dinala niya ang kaniyang asawa sa bahay. Ngunit hindi siya nakipagtalik sa kaniya hanggang sa siya ay makapagsilang ng anak na lalaki; at tinawag niya ang kaniyang pangalan na Jesus.” (Mateo 1:18-25) Tinanggap ni Jose ang banal na patnubay.
Ipinag-utos ni Cesar Augusto na magparehistro ang mga tao sa kanilang sariling lunsod. Bilang pagsunod, naparoon sina Jose at Maria sa Betlehem sa Judea. Doon isinilang ni Maria si Jesus at kinailangang ihiga siya sa isang sabsaban dahil walang ibang matutuluyan. Nang gabing iyon ang mga pastol na nakarinig sa pagpapatalastas ng anghel tungkol sa natatanging pagsilang na ito ay naparoon upang makita ang sanggol. Pagkaraan ng humigit-kumulang 40 araw, sinunod nina Jose at Maria ang Batas sa pamamagitan ng pagdadala kay Jesus sa templo sa Jerusalem kasama ng isang handog. Kapuwa sila nagtaka nang marinig ang makahulang mga salita ng matanda nang si Simeon tungkol sa dakilang mga bagay na gagawin ni Jesus.—Lucas 2:1-33; ihambing ang Levitico 12:2-4, 6-8.
Bagaman waring ipinahihiwatig ng Lucas 2:39 na sina Jose at Maria ay nagpunta sa Nazaret karaka-raka pagkatapos na iharap si Jesus sa templo, ang tekstong ito ay bahagi ng isang pinaikling salaysay. Lumilitaw na ilang panahon na ang nakaraan pagkatapos ng paghaharap sa templo, ang mga astrologong taga-Silangan (Mago) ay dumalaw kina Maria at Jesus sa isang bahay sa Betlehem. Ang pagkilos ng Diyos ang humadlang upang ang pagdalaw na ito ay hindi magbunga ng kamatayan kay Jesus. Nang makaalis na ang mga Mago, nagpakita ang anghel ni Jehova kay Jose sa isang panaginip at sinabi sa kaniya: “Hahanapin na ni Herodes ang bata upang puksain ito.” Gaya ng dati, pinakinggan ni Jose ang banal na patnubay at dinala ang kaniyang pamilya sa Ehipto.—Mateo 2:1-14.
Nang mamatay si Herodes, nagpakita ang anghel kay Jose sa Ehipto sa isang panaginip, na nagsasabi: “Bumangon ka, dalhin mo ang bata at ang kaniyang ina at pumaroon ka sa lupain ng Israel.” Nang marinig niya na ang anak ni Herodes na si Arquelao ang naghahari kapalit ng ama nito, natakot si Jose na bumalik sa Judea. Yamang binigyan siya ng mula-sa-Diyos na babala sa panaginip, siya ay nagtungo sa teritoryo ng Galilea at tumahan sa lunsod ng Nazaret.—Mateo 2:15-23.
Isang Taong Espirituwal
Tiniyak ni Jose na ang kaniyang pamilya ay nakatutupad sa batas ng Diyos at napangangalagaan sa espirituwal. Bawat taon ay dinadala niya sa Jerusalem ang kaniyang buong pamilya kasama niya sa pagdiriwang ng Paskuwa. Sa isa sa mga okasyong ito, pabalik na sina Jose at Maria sa Nazaret at nakapaglakbay na nang isang araw buhat sa Jerusalem nang matuklasan nilang nawawala ang 12-taóng-gulang na si Jesus. Sa pagbabalik sa Jerusalem, sila’y puspusang naghanap at sa wakas ay natagpuan siya sa templo, na doo’y nakikinig at nagtatanong sa mga guro.—Lucas 2:41-50.
Waring hinahayaan ni Jose ang kaniyang asawa na gumawa ng unang hakbang hinggil sa ilang bagay. Halimbawa, nang sila’y bumalik sa Jerusalem at nasumpungan si Jesus sa templo, si Maria ang nakipag-usap sa kaniyang batang anak tungkol sa bagay na iyon. (Lucas 2:48, 49) Nang lumalaki bilang “ang anak ng karpintero,” tumanggap si Jesus ng espirituwal na pagtuturo. Tinuruan din siya ni Jose ng karpinterya, sapagkat si Jesus ay tinawag na “ang karpintero na anak ni Maria.” (Mateo 13:55; Marcos 6:3) Dapat samantalahin ng maka-Diyos na mga magulang sa ngayon ang katulad na mga pagkakataon upang turuan ang kanilang mga anak, lalo na sa pagbibigay sa kanila ng espirituwal na pagsasanay.—Efeso 6:4; 2 Timoteo 1:5; 3:14-16.
Pag-asa ni Jose
Tahimik ang Kasulatan kung tungkol sa kamatayan ni Jose. Subalit kapansin-pansin na sa Marcos 6:3 si Jesus ay tinawag na “anak ni Maria,” hindi ni Jose. Ipinahihiwatig nito na patay na noon si Jose. Isa pa, kung nabuhay si Jose hanggang noong 33 C.E., malamang na hindi ihahabilin ng nakapakong si Jesus si Maria sa pangangalaga ni apostol Juan.—Juan 19:26, 27.
Si Jose, kung gayon, ay makakabilang sa mga patay na makaririnig ng tinig ng Anak ng tao at lalabas sa pagkabuhay-muli. (Juan 5:28, 29) Sa pagkatuto ng paglalaan ni Jehova ukol sa buhay na walang-hanggan, walang alinlangan na may kagalakang sasamantalahin iyon ni Jose at magiging isang masunuring sakop ng dakilang makalangit na Hari, si Jesu-Kristo, kung papaanong sinunod niya ang banal na patnubay mahigit na 1,900 taon na ang nakalipas.
[Larawan sa pahina 31]
Binigyan ni Jose si Jesus ng espirituwal na pagtuturo at tinuruan din siya ng karpinterya