“Mag-ingat Kayo sa Lebadura ng mga Fariseo at mga Saduceo”
NANG bigkasin ni Jesu-Kristo ang mga salitang ito mahigit 19 na siglo na ang nakaraan, binababalaan niya ang kaniyang mga alagad tungkol sa mapaminsalang mga turo at gawaing relihiyoso. (Mateo 16:6, 12) Espesipiko ang ulat sa Marcos 8:15: “Maging mapagbantay kayo sa lebadura ng mga Fariseo at sa lebadura ni Herodes.” Bakit binanggit si Herodes? Sapagkat ang ilang Saduceo ay mga alagad ni Herodes, isang grupong pulitikal.
Bakit kailangan ang gayong pantanging babala? Hindi ba kapuwa ang mga Fariseo at mga Saduceo ay tahasang mga mananalansang kay Jesus? (Mateo 16:21; Juan 11:45-50) Oo, gayon nga sila. Datapuwâ, sa bandang huli ay tatanggapin ng ilan sa kanila ang Kristiyanismo at pagkatapos ay igigiit ang kanilang mga idea sa Kristiyanong kongregasyon.—Gawa 15:5.
Nariyan din ang panganib na tularan ng mga alagad mismo ang relihiyosong mga lider na iyon na ang impluwensiya’y kinalakhan nila. Kung minsan, ang pagkakaroon ng gayong pinagmulan ay napatunayang isang hadlang sa pag-unawa nila sa mga turo ni Jesus.
Bakit gayon na lamang kapanganib ang Fariseismo at Saduceismo? Ang isang pagsusuri sa relihiyosong kalagayan noong kaarawan ni Jesus ay magbibigay sa atin ng idea.
Pagkakabaha-bahagi sa Relihiyon
Tungkol sa pamayanang Judio noong unang siglo C.E., ganito ang isinulat ng istoryador na si Max Radin: “Ang pagsasarili ng mga kongregasyong Judio sa isa’t isa ay totoong umiiral, at iginiit pa nga. . . . Malimit, kapag lubhang idiniriin ang paggalang sa templo at sa banal na lunsod, maaaring maipamalas ang matinding paghamak sa mga humahawak ng kataastaasang awtoridad nang panahong iyon sa pinagmulang bansa ng kanilang mga magulang.”
Tunay ngang isang nakalulungkot na kalagayan sa espirituwal! Ano ang ilang dahilang salik? Hindi lahat ng mga Judio ay naninirahan sa Palestina. Ang impluwensiya ng kulturang Griego, na ang mga pari ay hindi mga lider ng komunidad, ang nagkaroon ng bahagi sa paglamig ng pagpapahalaga sa kaayusan ni Jehova sa pagkasaserdote. (Exodo 28:29; 40:12-15) At hindi rin dapat kaligtaan ang karaniwang mga taong edukado at mga eskriba.
Ang mga Fariseo
Ang pangalang Fariseo, o Peru·shimʹ, ay malamang na nangangahulugang “mga ibinukod.” Itinuturing ng mga Fariseo ang kanilang sarili bilang mga tagasunod ni Moises. Bumuo sila ng kanilang sariling samahan, o kapatiran (Hebreo, chavu·rahʹ). Upang matanggap, sa harap ng tatlong miyembro ay kailangang mangako ang isa ng mahigpit na pagsunod sa kalinisan ng mga Levita, ng pag-iwas sa malapit na pakikisama sa mga ʽam-ha·ʼaʹrets (ang walang-pinag-aralang karamihan), at ng maingat na pagbabayad ng ikapu. Bumabanggit ang Marcos 2:16 tungkol sa “mga eskriba ng mga Fariseo.” Ang ilan sa samahang ito ay propesyonal na mga eskriba at mga guro, samantalang ang iba ay karaniwang mga miyembro.—Mateo 23:1-7.
Naniniwala ang mga Fariseo sa isang Diyos na nasa lahat ng dako. Ikinakatuwiran nila na yamang “ang Diyos ay nasa lahat ng dako, Siya’y maaaring sambahin kapuwa sa loob at sa labas ng Templo, at hindi maaaring pakiusapan sa pamamagitan ng mga hain lamang. Sa gayo’y itinaguyod nila ang sinagoga bilang dako ng pagsamba, pag-aaral, at panalangin, at iniangat ito sa isang pangunahin at mahalagang dako sa buhay ng mga tao at naging siyang karibal ng Templo.”—Encyclopaedia Judaica.
Walang pagpapahalaga ang mga Fariseo sa templo ni Jehova. Makikita ito sa mga salita ni Jesus: “Kaabahan sa inyo, mga bulag na tagaakay, na nagsasabi, ‘Kung ipinanumpa ng sinuman ang templo, ito ay walang anuman; ngunit kung ipinanumpa ng sinuman ang ginto ng templo, siya ay nasa ilalim ng obligasyon.’ Mga mangmang at mga bulag! Alin, sa katunayan, ang mas dakila, ang ginto o ang templo na nagpabanal sa ginto? Gayundin, ‘Kung ipanumpa ng sinuman ang altar, ito ay walang anuman; ngunit kung ipanumpa ng sinuman ang kaloob sa ibabaw nito, siya ay nasa ilalim ng obligasyon.’ Mga bulag! Alin, sa katunayan, ang mas dakila, ang kaloob o ang altar na nagpapabanal sa kaloob? Samakatuwid siya na ipinanumpa ang altar ay ipinanunumpa ito at ang lahat ng mga bagay sa ibabaw nito.”—Mateo 23:16-20.
Papaano naging gayon na lamang ang pagiging pilipit ng pangangatuwiran ng mga Fariseo? Ano ang kinaliligtaan nila? Pansinin ang sumunod na sinabi ni Jesus. “At siya na ipinanunumpa ang templo ay ipinanunumpa ito at siya na nananahan dito.” (Mateo 23:21) Tungkol sa talatang ito, ganito ang puna ng iskolar na si E. P. Sanders: “Ang templo ay banal hindi lamang dahil sa sinasamba roon ang banal na Diyos, kundi dahil na rin sa siya ay naroroon.” (Judaism: Practice and Belief, 63 BCE—66 CE) Gayunman, walang gaanong kahulugan ang pantanging pagkanaroroon ni Jehova para sa mga nag-aakalang siya ay nasa lahat ng dako.
Naniniwala rin ang mga Fariseo sa kombinasyon ng guhit ng tadhana at ng malayang kalooban. Sa ibang pananalita, “lahat ay itinatadhana, subalit ipinagkakaloob ang malayang kalooban.” Gayunma’y nanghahawakan sila na sina Adan at Eva ay itinadhanang magkasala at na maging ang maliit na sugat sa daliri ay patiunang itinalaga.
Maaaring nasa isip ni Jesus ang gayong maling mga idea nang magsalita siya tungkol sa pagguho ng isang tore na ikinamatay ng 18 katao. Itinanong niya: “Inaakala ba ninyo na [ang mga biktima] ay napatunayang may mas malaking utang kaysa lahat ng mga tao na nananahanan sa Jerusalem?” (Lucas 13:4) Gaya ng totoo sa karamihan ng mga aksidente, ito ay bunga ng “panahon at di-inaasahang pangyayari,” hindi ng kapalaran na gaya ng itinuro ng mga Fariseo. (Eclesiastes 9:11) Papaano susundin ng gayong ipinagpapalagay na mga may-kaalaman ang maka-Kasulatang mga utos?
Sila’y mga Relihiyosong Mangangatha
Iginigiit ng mga Fariseo na ang maka-Kasulatang mga kautusan ay kailangang bigyang-kahulugan ng mga rabbi sa bawat salinlahi nang ayon sa bagong mga idea. Sa gayon, sinasabi ng Encyclopaedia Judaica na sila’y “hindi nahirapang itugma ang mga turo ng Torah sa kanilang bagong mga idea, o masumpungan na ang kanilang mga idea ay ipinahiwatig o di-tuwirang ipinahayag sa mga salita ng Torah.”
Kung tungkol sa taunang Araw ng Pagbabayad-sala, inilipat nila ang kapangyarihan ng pagpapatawad ng kasalanan buhat sa mataas na saserdote tungo sa mismong araw na iyon. (Levitico 16:30, 33) Sa pagdiriwang ng Paskuwa, higit na binigyang-diin nila ang pagbigkas ng mga leksiyon buhat sa ulat ng Exodo habang umiinom ng alak at kumakain ng tinapay na walang lebadura kaysa sa kordero ng paskuwa.
Nang maglaon, naging maimpluwensiya sa templo ang mga Fariseo. Nang magkagayon ay pinasimulan nila ang prusisyon ng pagdadala ng tubig buhat sa balon ng Siloam at ang paghahandog niyaon sa panahon ng Kapistahan ng Pagtitipon, gayundin ang paghahampas ng mga sanga ng sause sa ibabaw ng dambana sa pagtatapos ng kapistahan at ang pang-araw-araw na mga panalangin na walang batayan sa Batas.
“Lalo nang makahulugan” ang “mga kinatha ng mga Fariseo may kinalaman sa Sabbath,” sabi ng The Jewish Encyclopedia. Inaasahang sasalubungin ng isang maybahay ang Sabbath sa pamamagitan ng pag-iilaw ng mga lampara. Kung waring ang ilang gawain ay maaaring umakay sa trabahong labag sa batas, ipinagbabawal iyon ng mga Fariseo. Umabot pa nga sila sa punto na kontrolin ang pagpapagamot at pagpapahayag ng pagkayamot sa makahimalang pagpapagaling ni Jesus kung Sabbath. (Mateo 12:9-14; Juan 5:1-16) Gayunpaman, ang mga relihiyosong mangangathang ito ay hindi tumigil sa pagtatatag ng bagong mga institusyon sa pagtatangkang lumikha ng hadlang, o bakod, upang ipagsanggalang ang maka-Kasulatang mga batas.
Pagpapawalang-bisa
Inangkin ng mga Fariseo ang awtoridad na suspendihin o ipawalang-bisa ang maka-Kasulatang mga batas. Mababanaag ang kanilang pangangatuwiran sa kawikaan sa Talmud: “Mas mainam na mapawalang-bisa ang isang batas kaysa malimutan ang buong Torah.” Isang halimbawa ang di-pagpapatuloy ng Jubileo dahil sa pangambang mawalan ang isa yamang habang papalapit na ang panahong iyan, wala nang magpapahiram sa mga dukha.—Levitico, kabanata 25.
Ang iba pang halimbawa ay ang pagpapawalang-bisa ng paglilitis sa isang babae na pinaghihinalaang nangalunya at sa kaso ng isang di-nalutas na pagpaslang, ang pagpigil sa paglalapat ng parusa. (Bilang 5:11-31; Deuteronomio 21:1-9) Ilang panahon na lamang at pawawalang-bisa na ng mga Fariseo ang maka-Kasulatang kahilingan ng paglalaan para sa nagdarahop na mga magulang.—Exodo 20:12; Mateo 15:3-6.
Nagbabala si Jesus: “Mag-ingat kayo sa lebadura ng mga Fariseo, na siyang pagpapaimbabaw.” (Lucas 12:1) Ang Fariseismo, lakip ang di-teokratikong mga saloobin nito, ay talagang isang pagpapaimbabaw—tiyak na isang bagay na hindi dapat ipasok sa Kristiyanong kongregasyon. Gayunpaman, inihaharap ng Judiong mga akdang reperensiya ang mga Fariseo sa isang mas kanais-nais na paraan kaysa sa mga Saduceo. Isaalang-alang natin ngayon ang mas konserbatibong grupong ito.
Ang mga Saduceo
Ang pangalang mga Saduceo ay malamang na galing kay Zadok, ang mataas na saserdote noong mga kaarawan ni Solomon. (1 Hari 2:35, talababa sa Ingles) Bumuo ang mga Saduceo ng isang konserbatibong partido na kumakatawan sa mga kapakanan ng templo at ng pagkasaserdote. Di-tulad ng mga Fariseo, na nag-aangkin ng awtoridad sa bisa ng pag-aaral at pagkadeboto, ibinabatay naman ng mga Saduceo ang kanilang karapatan sa talaangkanan at posisyon. Sinalungat nila ang mga kinatha ng mga Fariseo hanggang sa mawasak ang templo noong 70 C.E.
Bukod pa sa di-pagtanggap sa guhit ng tadhana, tumanggi ang mga Saduceo na tanggapin ang anumang turo na hindi maliwanag na binanggit sa Pentateuch, kahit na iyon ay binanggit naman sa ibang bahagi ng Salita ng Diyos. Sa katunayan, kanilang “itinuring na isang kagalingan ang makipagtalo” hinggil sa mga bagay na ito. (The Jewish Encyclopedia) Ito’y nagpapagunita ng okasyon nang kanilang hamunin si Jesus tungkol sa pagkabuhay-muli.
Samantalang ginagamit ang ilustrasyon ng balo ng pitong asawang lalaki, nagtanong ang mga Saduceo: “Sa pagkabuhay-muli, kanino sa pito siya magiging asawa?” Mangyari pa, ang balo na binanggit ng mga Saduceo ay masasabi ring nagkaroon ng 14 o 21 asawa. Ipinaliwanag ni Jesus: “Sa pagkabuhay-muli ang mga lalaki ay hindi mag-aasawa ni ang mga babae ay ibibigay sa pag-aasawa.”—Mateo 22:23-30.
Palibhasa’y nalalaman ang pagtanggi ng mga Saduceo sa kinasihang mga manunulat maliban kay Moises, pinatunayan ni Jesus ang Kaniyang punto sa pamamagitan ng pag-ulit buhat sa Pentateuch. Sinabi niya: “May kinalaman sa mga patay, na sila ay ibabangon, hindi ba ninyo nabasa sa aklat ni Moises, sa ulat tungkol sa tinikang-palumpong, kung paanong sinabi ng Diyos sa kaniya, ‘Ako ang Diyos ni Abraham at Diyos ni Isaac at Diyos ni Jacob’? Siya ay Diyos, hindi ng mga patay, kundi ng mga buháy.”—Marcos 12:26, 27.
Mga Tagausig kay Jesus at sa Kaniyang mga Tagasunod
Naniniwala ang mga Saduceo sa pagiging estadista sa pakikitungo sa ibang mga bansa sa halip na sa paghihintay sa Mesiyas—kung sa anumang paraan ay naniniwala nga sila sa kaniyang pagdating. Sa ilalim ng isang kasunduang ginawa kasama ng Roma, sila ang mamamahala ng templo at hindi nagnanais na lumitaw ang sinumang Mesiyas, anupat guluhin ang mga bagay-bagay. Palibhasa’y minamalas si Jesus bilang isang banta sa kanilang posisyon, nakisama sila sa mga Fariseo sa pagpapakana ng kaniyang kamatayan.—Mateo 26:59-66; Juan 11:45-50.
Palibhasa’y mahilig sa pulitika, may-katuwirang ginawang isyu ng mga Saduceo ang katapatan sa Roma at isinigaw: “Wala kaming hari kundi si Cesar.” (Juan 19:6, 12-15) Pagkatapos ng kamatayan at pagkabuhay-muli ni Jesus, ang mga Saduceo ang nanguna sa pagsisikap na pigilin ang paglaganap ng Kristiyanismo. (Gawa 4:1-23; 5:17-42; 9:14) Pagkatapos mawasak ang templo noong 70 C.E., hindi na umiral ang grupong ito.
Ang Pangangailangang Manatiling Mapagbantay
Pagkaangkup-angkop nga ng babala ni Jesus! Oo, tayo’y kailangang ‘mag-ingat sa lebadura ng mga Fariseo at mga Saduceo.’ Ang isa ay kailangan lamang magmasid sa masasamang bunga nito kapuwa sa mga Judio at Sangkakristiyanuhan sa ngayon.
Subalit ibang-iba naman ang kuwalipikadong Kristiyanong matatanda sa mahigit na 75,500 kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig na ‘nagbibigay ng palagiang pansin sa kanilang sarili at sa kanilang turo.’ (1 Timoteo 4:16) Tinatanggap nila ang buong Bibliya bilang kinasihan ng Diyos. (2 Timoteo 3:16) Sa halip na kumatha at magtaguyod ng kanilang sariling relihiyosong pamamaraan, nagkakaisa silang gumagawa sa ilalim ng patnubay ng salig-sa-Bibliyang organisasyon na gumagamit sa magasing ito bilang pangunahing instrumento nito sa pagtuturo.—Mateo 24:45-47.
Ang resulta? Milyun-milyong tao sa buong daigdig ang napasisigla sa espirituwal na paraan habang nauunawaan nila ang Bibliya, ikinakapit iyon sa kanilang buhay, at itinuturo iyon sa iba. Upang makita kung papaano ito isinasagawa, bakit hindi dalawin ang pinakamalapit na kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova o sumulat sa mga tagapaglathala ng magasing ito?
[Kahon sa pahina 26]
ISINAALANG-ALANG NI JESUS ANG KANIYANG MGA TAGAPAKINIG
MALIWANAG ang paraan ng pagtuturo ni Jesu-Kristo, na isinasaalang-alang ang mga idea ng kaniyang mga tagapakinig. Halimbawa, ginawa niya ito nang makipag-usap siya sa Fariseong si Nicodemo tungkol sa pagiging ‘ipinanganak’ muli. Nagtanong si Nicodemo: “Paanong maipanganganak ang isang tao kung siya ay matanda na? Hindi siya makapapasok sa bahay-bata ng kaniyang ina sa ikalawang pagkakataon at maipanganganak, hindi ba?” (Juan 3:1-5) Bakit litung-lito si Nicodemo, gayong naniniwala ang mga Fariseo na ang muling-kapanganakan ay kailangan para sa mga nakumberte sa Judaismo, at inihalintulad ng isang kasabihan ng mga rabbi ang proselita sa “isang batang bagong silang”?
Ganito ang pagkaunawa na ibinibigay ng A Commentary on the New Testament From the Talmud and Hebraica, ni John Lightfoot: “Ang karaniwang opinyon ng mga Judio tungkol sa kuwalipikasyon ng isang Israelita . . . ay nakabaon pa rin sa isip ng Fariseong ito” na hindi “agad mapawi ang kaniyang unang maling akala . . . : ‘Samantalang ang mga Israelita . . . ay may karapatang tanggapin sa kaharian ng Mesiyas, kaya ang ibig mo bang sabihin sa ipinahayag mo, na kailangan para sa sinuman na pumasok sa ikalawang pagkakataon sa bahay-bata ng kaniyang ina, na siya’y maaaring maging isang panibagong Israelita?’ ”—Ihambing ang Mateo 3:9.
Samantalang kinikilala ang isang bagong kapanganakan para sa mga proselita, mamalasin ni Nicodemo na imposible ang gayong hakbang para sa likas ng mga Judio—ang muling pagpasok sa bahay-bata wika nga.
Sa isa pang pagkakataon, natisod ang marami nang magsalita si Jesus tungkol sa ‘pagkain ng kaniyang laman at pag-inom ng kaniyang dugo.’ (Juan 6:48-55) Gayunman, binanggit ni Lightfoot na “wala nang mas karaniwan pa sa mga paaralan ng mga Judio kaysa sa pananalitang ‘pagkain at pag-inom’ sa isang diwang matalinghaga.” Sinabi rin niya na bumanggit ang Talmud tungkol sa “pagkain sa Mesiyas.”
Kaya ang pangmalas ng mga Fariseo at mga Saduceo ang may malaking epekto sa kaisipang Judio noong unang-siglo. Gayunman, angkop lamang na laging isinaalang-alang ni Jesus ang kaalaman at karanasan ng kaniyang mga tagapakinig. Ito ang isa sa maraming salik kung kaya siya ay isang Dakilang Guro.