Makinabang sa Araw-araw na Pagbabasa ng Bibliya
“Maligaya ang tao . . . [na] ang kaluguran ay nasa batas ni Jehova, at binabasa ang kaniyang batas at binubulaybulay araw at gabi.”—AWIT 1:1, 2.
1. (a) Anong karatula ang kitang-kita sa isang panig ng gusaling pagawaan sa pandaigdig na punung-tanggapan ng Samahang Watch Tower? (b) Papaano tayo makikinabang kung personal na isasapuso natin ang payo?
“BASAHIN ANG SALITA NG DIYOS ANG BANAL NA BIBLIYA ARAW-ARAW.” Sa malalaking titik, ang mga salitang ito sa Ingles ay makikita sa isang panig ng gusali sa Brooklyn, New York, kung saan ang mga Bibliya at mga literatura sa Bibliya ay inililimbag ng Watchtower Bible and Tract Society. Ang paalaalang ito ay hindi nilayon para lamang sa mga taga-sanlibutan na nakakakita ng karatula. Natatanto ng mga Saksi ni Jehova na kailangan din nilang isapuso ito. Yaong regular na bumabasa ng Bibliya at personal na ikinakapit ito ay nakikinabang buhat sa pagtuturo, saway, pagtutuwid, at sa disiplina ayon sa katuwiran na inilalaan nito.—2 Timoteo 3:16, 17.
2. Papaano idiniin ni Brother Russell ang kahalagahan ng pagbabasa ng Bibliya?
2 Lubhang pinahahalagahan ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang mga pantulong sa pag-aaral ng Bibliya, kasali na Ang Bantayan, at ginagamit nila ang mga ito nang regular. Subalit alam nila na wala sa mga ito ang maaaring humalili sa Bibliya mismo. Noong 1909, sumulat si Charles Taze Russell, ang unang presidente ng Watch Tower Bible and Tract Society, sa mga mambabasa ng magasing Watch Tower: “Huwag kalilimutan na ang Bibliya ang ating Pamantayan at na gaano man kahusay ang ating mga pantulong na kaloob mula sa Diyos ang mga ito’y mga ‘pantulong’ lamang at hindi kapalit ng Bibliya.”
3. (a) Anong epekto mayroon “ang salita ng Diyos” sa mga nahahantad dito? (b) Gaano kadalas binabasa at pinag-aaralan ng mga taga-Berea ang Kasulatan?
3 Ang kinasihang Kasulatan ay may lalim at puwersa na hindi taglay ng anumang ibang aklat. “Ang salita ng Diyos ay buháy at may lakas at mas matalas kaysa anumang dalawang-talim na tabak at tumatagos maging hanggang sa paghahati ng kaluluwa at espiritu, at ng mga kasukasuan at ng kanilang utak sa buto, at may kakayahang umunawa ng mga kaisipan at mga intensiyon ng puso.” (Hebreo 4:12) Magiliw na pinapurihan ng alagad na si Lucas ang mga taga-Berea, anupat tinukoy sila na “mararangal ang pag-iisip.” Hindi lamang sabik na tinanggap nila ang salita na ipinangaral ni apostol Pablo at ng kaniyang kasamang si Silas kundi ‘maingat ding sinuri ang Kasulatan sa araw-araw’ upang tiyakin ang maka-Kasulatang saligan ng itinuturo.—Gawa 17:11.
Binabasa Ito sa Araw-Araw
4. Ano ang ipinahihiwatig ng Kasulatan hinggil sa kung gaano kadalas natin dapat basahin ang Bibliya?
4 Hindi espesipikong sinasabi ng Bibliya kung gaano kadalas na babasahin natin ito. Gayunman, iniulat nito ang payo ni Jehova kay Josue na ‘basahin ang aklat ng batas at bulaybulayin araw at gabi’ upang siya’y kumilos nang may karunungan at magtagumpay sa pagtupad sa kaniyang bigay-Diyos na atas. (Josue 1:8) Sinasabi nito sa atin na sinumang namahala bilang hari sa sinaunang Israel ay kinailangang magbasa ng Kasulatan “sa lahat ng mga araw ng kaniyang buhay.” (Deuteronomio 17:19) Sinasabi pa nito: “Maligaya ang tao na hindi lumalakad sa payo ng mga balakyot . . . Kundi ang kaniyang kaluguran ay nasa batas ni Jehova, at binabasa ang kaniyang batas at binubulaybulay araw at gabi.” (Awit 1:1, 2) Gayundin, ang Ebanghelyo na isinulat ni Mateo ay nagsasabi sa atin na nang tanggihan ni Jesu-Kristo ang mga pagtatangka ni Satanas na tuksuhin Siya, inulit Niya ang nasa kinasihang Hebreong Kasulatan, na nagsasabi: “Nasusulat, ‘Ang tao ay mabubuhay, hindi sa tinapay lamang, kundi sa bawat pananalitang lumalabas sa bibig ni Jehova.’ ” (Mateo 4:4) Gaano kadalas nating kailangan ang pisikal na pagkain? Araw-araw! Ang pagkuha ng espirituwal na pagkain sa araw-araw ay higit pang mahalaga sapagkat nakasalalay rito ang ating pag-asa sa buhay na walang-hanggan.—Deuteronomio 8:3; Juan 17:3.
5. Papaano tayo matutulungan ng araw-araw na pagbabasa ng Bibliya upang “lumakad nang karapat-dapat kay Jehova” kapag napapaharap tayo sa mga pagsubok sa pananampalataya?
5 Bawat isa sa atin ay nangangailangang patibayin sa araw-araw ng Salita ng Diyos. Bawat araw—sa tahanan, trabaho, paaralan, mga lansangan, kapag namimili, sa ating ministeryo—napapaharap sa atin ang mga hamon sa ating pananampalataya. Papaano natin haharapin ang mga ito? Agad bang sasaisip natin ang mga utos at simulain sa Bibliya? Sa halip na mahilig na umasa sa sarili, nagbababala ang Bibliya: “Siya na nag-iisip na siya ay nakatayo ay mag-ingat na hindi siya mabuwal.” (1 Corinto 10:12) Ang araw-araw na pagbabasa ng Bibliya ay makatutulong sa atin upang “lumakad nang karapat-dapat kay Jehova upang paluguran siya” sa halip na hayaang hubugin tayo ng sanlibutan.—Colosas 1:9, 10; Roma 12:2.
Ang Pangangailangan na Basahin ang Bibliya Nang Paulit-ulit
6. Bakit kapaki-pakinabang na basahin ang Bibliya nang paulit-ulit?
6 Ang pagbabasa ng Bibliya ay lubhang naiiba sa pagbabasa ng aklat ng mga kuwentong katha. Karamihan sa popular na katha ay dinisenyo para sa minsanang pagbabasa; minsang malaman na ng isang tao ang kuwento at kung papaano ito nagwakas, hanggang doon na lamang. Sa kabaligtaran, kahit na ilang beses na nating nabasa ang Bibliya, tayo’y lubhang nakikinabang sa paggawa nito nang paulit-ulit. (Kawikaan 9:9) Sa isang taong may unawa, ang Kasulatan ay palaging nagkakaroon ng karagdagang kahulugan. Lalong nagiging kahanga-hanga sa kaniya ang mga hula tungkol sa mga huling araw sa liwanag ng kaniyang nakita, narinig, at personal na naranasan sa nakaraang mga buwan. (Daniel 12:4) Habang lumalawak ang kaniyang sariling karanasan sa buhay at napagtatagumpayan ang mga suliranin, ang isang may unawang mambabasa ng Bibliya ay lalong nagpapahalaga nang lubos sa payo na dati’y basta na lamang nabasa niya. (Kawikaan 4:18) Kung siya’y magkasakit nang malubha, nagkakaroon ng mas malalim na kahulugan sa kaniya higit kailanman ang mga pangako ng Bibliya hinggil sa pag-aalis ng kirot at pagsasauli ng kalusugan. Kapag namatay ang matatalik na kaibigan o mga miyembro ng pamilya, nagiging lalong mahalaga ang pangako ng pagkabuhay-muli.
7. Ano ang tutulong sa atin kapag bumabalikat tayo ng bagong pananagutan sa buhay, at bakit?
7 Maaaring personal na nabasa mo ang Bibliya at naikapit ang payo nito sa loob ng mga taon. Ngunit marahil ay bumabalikat ka ngayon ng mga bagong pananagutan sa buhay. Nagbabalak ka bang magpakasal? Malapit ka na bang maging isang magulang? Pinagkatiwalaan ka ba ng pananagutan sa kongregasyon bilang isang matanda o ministeryal na lingkod? Ikaw ba ay isa nang buong-panahong ebanghelisador, na may karagdagang mga pagkakataon sa pangangaral at pagtuturo? Kapaki-pakinabang nga na muling basahin ang buong Bibliya taglay sa isip ang gayong bagong mga pananagutan!—Efeso 5:24, 25; 6:4; 2 Timoteo 4:1, 2.
8. Papaanong ang nagbagong mga kalagayan ay magpapakita ng pangangailangang matuto pa ng higit tungkol sa mga bagay na sa akala nati’y alam na natin?
8 Noong nakaraan marahil ay naging mahusay ka sa pagpapamalas ng mga bunga ng espiritu. (Galacia 5:22, 23) Subalit dahil sa nagbagong mga kalagayan ay baka kailangang matuto ka pa nang higit tungkol sa maka-Diyos na mga katangiang ito. (Ihambing ang Hebreo 5:8.) Ganito ang sabi ng isang dating naglalakbay na tagapangasiwa na kinailangang huminto sa kaniyang pantanging paglilingkuran upang maalagaan ang kaniyang matatanda nang magulang: “Naiisip ko noon na mainam naman ang pagpapamalas ko ng mga bunga ng espiritu. Ngayo’y nadarama kong para bang ako’y muling nagsisimula.” Gayundin, natutuklasan niyaong mga asawang lalaki at mga asawang babae na may kabiyak na dumaranas ng malubhang karamdaman sa pisikal at sa emosyon na sa paglalaan ng personal na pangangalaga, maaaring masiraan sila ng kanilang loob sa pana-panahon dahil sa kaigtingan. Isang pinagmumulan ng malaking kaaliwan at tulong ang regular na pagbabasa ng Bibliya.
Kung Kailan Maaaring Gawin ang Pagbabasa ng Bibliya
9. (a) Ano ang tutulong sa isang taong napakamagawain upang makasumpong ng panahon para sa araw-araw na pagbabasa ng Bibliya? (b) Bakit lalo nang mahalaga para sa matatanda ang pagbabasa ng Salita ng Diyos?
9 Mangyari pa, para sa mga taong napakamagawain, isang hamon ang paglalaan ng panahon upang gawin nang regular ang isang karagdagang bagay. Gayunman, makikinabang tayo buhat sa halimbawa ni Jehova. Isinisiwalat ng Bibliya na ginagawa niya ang mga bagay-bagay sa ‘mga takdang panahon.’ (Genesis 21:2; Exodo 9:5; Lucas 21:24; Galacia 4:4) Ang pagkilala sa kahalagahan ng regular na pagbabasa ng Salita ng Diyos ay makatutulong sa atin na magtakda ng panahon para dito sa ating iskedyul sa araw-araw. (Efeso 5:15-17) Ang matatanda ay lalo nang nangangailangang maglaan ng panahon para sa regular na pagbabasa ng Bibliya upang ang ipinapayo nila ay maging malinaw na nakasalig sa mga simulain sa Bibliya at upang mabanaag sa espiritung kanilang ipinakikita “ang karunungan mula sa itaas.”—Santiago 3:17; Tito 1:9.
10. Kailan nakasusumpong ng panahon yaong mga bumabasa ng Bibliya sa araw-araw?
10 Marami sa nagtatagumpay sa isang programa ng personal na pagbabasa ng Bibliya ay gumagawa nito sa umaga bago nila simulan ang mga gawain sa araw-araw. Nasusumpungan naman ng iba na mas palagian nila itong nagagawa sa ibang panahon. Ang mga audiocassette ng Bibliya (kung may makukuha) ay nakatutulong sa mga nagbibiyahe upang magamit nang mainam ang panahon ng kanilang pagbibiyahe, at ang ilang Saksi ay nakikinig sa mga ito habang inaasikaso ang regular na mga gawain sa bahay. Ang mga programa na naging mabisa para sa iba’t ibang Saksi sa Europa, Aprika, Hilagang Amerika, Timog Amerika, at sa Silangan ay makikita sa pahina 20 at 21, sa artikulong “Kung Kailan Nila Binabasa Ito at Kung Papaano Sila Nakikinabang.”
11. Papaano magagawa ang araw-araw na pagbabasa ng Bibliya kahit na limitado lamang ang magagamit na panahon?
11 Ang pinakamahalaga ay hindi ang laki ng panahon na ginugugol sa iyong pagbabasa ng Bibliya sa anumang panahon kundi ang pagiging regular sa paggawa nito. Masusumpungan mong kapaki-pakinabang na magbasa nang isang oras o higit pa nang minsanan, anupat gumagawa ng karagdagang pagsasaliksik at lubhang nagbubuhos ng pansin sa materyal. Subalit ipinahihintulot ba ng iyong iskedyul ang paggawa nito nang regular? Sa halip na hayaang lumipas ang mga araw na hindi man lamang nakababasa ng Bibliya, hindi ba mas mainam na magbasa araw-araw sa loob ng 15 minuto o kahit na 5 minuto? Gawin ninyong pasiya na magbasa ng Bibliya sa araw-araw. Pagkatapos ay lakipan ang pagbabasang iyan ng mas malalim na pagsasaliksik kailanma’t maaari.
Iba’t Ibang Paraan sa Pagbabasa ng Bibliya
12. Anong programa sa pagbabasa ng Bibliya mayroon ang bagong mga miyembro ng pamilyang Bethel at mga estudyante sa Gilead?
12 Maraming paraan upang mabasa ang Bibliya. Kapaki-pakinabang na basahin ito mula Genesis hanggang Apocalipsis. Lahat ng miyembro ng pamilyang Bethel sa buong daigdig na naglilingkod sa pandaigdig na punung-tanggapan o sa isa sa mga sangay ng Samahan ay hinihilingang basahin ang buong Bibliya sa unang taon ng kanilang paglilingkod sa Bethel. (Karaniwan nang nangangahulugan iyan ng pagbabasa ng tatlo hanggang limang kabanata, depende sa haba ng mga ito, o apat hanggang limang pahina, bawat araw.) Kailangan ding basahin ng mga estudyante sa Watchtower Bible School of Gilead ang buong Bibliya bago sila magtapos. Inaasahang tutulong ito sa kanila na gawing bahagi ng kanilang buhay ang araw-araw na pagbabasa ng Bibliya.
13. Anong tunguhin ang inirerekomenda para sa bagong bautisadong mga Saksi?
13 Kapaki-pakinabang para sa bagong bautisadong mga Saksi na magtakda para sa kanilang sarili ng tunguhing mabasa ang buong Bibliya. Noong 1975, nang siya’y naghahanda para sa bautismo, isang binata sa Pransiya ang tinanong ng isang matanda kung mayroon siyang isang tiyak na programa sa pagbabasa ng Bibliya. Mula noon ay binabasa na niya ang buong Bibliya taun-taon, karaniwan nang nagbabasa sa umaga bago siya pumasok sa trabaho. Kung tungkol sa resulta, ganito ang sabi niya: “Higit kong nakilala si Jehova. Nakikita ko kung papaanong lahat ng kaniyang ginagawa ay may kaugnayan sa kaniyang layunin at kung papaano siya kumikilos kapag may mga hadlang. Kasabay nito, nakikita ko na si Jehova ay matuwid at mabuti sa lahat ng kaniyang ginagawa.”
14. (a) Upang masimulan ang isang patuloy na programa sa personal na pagbabasa ng Bibliya, ano ang kailangan? (b) Ano ang makatutulong sa atin upang matandaan ang pangkalahatang balangkas ng bawat aklat sa Bibliya habang binabasa natin iyon?
14 Nabasa mo na ba ang buong Bibliya? Kung hindi, ngayon ang mabuting panahon upang magsimula. Bumalangkas ng isang tiyak na programa, at pagkatapos ay sundin ito. Alamin kung ilang pahina o ilang kabanata ang mababasa mo araw-araw, o tiyakin lamang kung gaano kalaking panahon ang gugugulin mo at kung kailan. Hindi lahat ay makatatapos magbasa ng Bibliya sa isang taon, subalit ang mahalaga ay ang basahin ang Salita ng Diyos nang regular, na ginagawa iyon araw-araw hangga’t maaari. Habang binabasa mo ang buong Bibliya, masusumpungan mong nakatutulong ang paggamit ng ilang reperensiyang aklat upang ikintal sa iyong isip ng pangkalahatang balangkas ng materyal. Kung ang Insight on the Scriptures ay makukuha sa iyong wika, bago mo simulan ang pagbabasa ng isang partikular na aklat sa Bibliya, repasuhin ang maikling balangkas ng mga tampok na bahagi nito na inilaan sa Insight.a Bigyan ng pantanging pansin ang mga pamagat sa balangkas na nasa makakapal na letra. O kaya’y gamitin din ang mas malawak na sumaryo na nasa “Lahat ng Kasulatan Ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang.”b
15. (a) Anong mga mungkahi ang ibinibigay sa pahina 16 at 17 na makatutulong upang mapasulong ang iyong pagbabasa ng Bibliya? (b) Sa halip na gawing ritwal ang pagbabasa ng ilang pahina, anong mahalagang bagay ang dapat nating bigyan ng mas malaking pansin?
15 Kapaki-pakinabang ang sunud-sunod na pagbabasa ng Bibliya, subalit huwag namang maging ritwal lamang na mambabasa. Huwag bumasa ng ilang pahina sa araw-araw para lamang masabi na binabasa mo ang buong Bibliya bawat taon. Gaya ng ipinakikita sa kahon na “Mga Mungkahi Upang Mapasulong Ang Iyong Pagbabasa ng Bibliya” (pahina 16 at 17), maraming paraan upang mabasa at masiyahan ka sa Bibliya. Anumang paraan ang ginagamit mo, tiyakin na pinakakain mo kapuwa ang iyong isip at ang iyong puso.
Unawain ang Iyong Binabasa
16. Bakit mahalaga na gumugol ng panahon upang bulaybulayin ang ating binabasa?
16 Nang tinuturuan ang kaniyang mga alagad, idiniin ni Jesus ang kahalagahan ng pagkaunawa nila sa kaniyang sinasabi. Ang mahalaga ay, hindi lamang ang matalinong pagkaunawa, kundi ang maunawaan nila “ang diwa nito ng kanilang mga puso” upang maikapit nila iyon sa kanilang buhay. (Mateo 13:14, 15, 19, 23) Higit na mahalaga sa Diyos ang pagkatao, at ito ay kinakatawan ng puso. (1 Samuel 16:7; Kawikaan 4:23) Kaya naman, bukod sa pagtiyak na nauunawaan natin ang sinasabi sa mga talata ng Bibliya, kailangang bulaybulayin natin ang mga ito, anupat isinasaalang-alang ang kaugnayan nito sa ating sariling buhay.—Awit 48:9; 1 Timoteo 4:15.
17. Ano ang ilang salik na mula roo’y maaari nating bulaybulayin ang binabasa natin sa Kasulatan?
17 Pagsikapang makilala ang saligang mga simulain sa mga ulat ng Bibliya upang maikapit mo ang mga ito sa mga sitwasyong napapaharap sa iyo. (Ihambing ang Mateo 9:13; 19:3-6.) Habang binabasa at binubulaybulay mo ang kagila-gilalas na mga katangian ni Jehova, gamitin ang pagkakataong iyan upang patibayin ang iyong personal na kaugnayan sa kaniya, upang malinang mo sa iyong sarili ang taimtim na pagpapahalaga sa maka-Diyos na debosyon. Kapag binabasa mo ang mga kapahayagan ng layunin ni Jehova, pag-isipan kung ano ang magagawa mo upang gumawang kasuwato ng mga ito. Kapag bumabasa ka ng tuwirang payo, sa halip na basta na lamang sabihin sa iyong sarili, ‘Alam ko na ito,’ itanong, ‘Ginagawa ko ba ang sinasabi nito?’ Kung gayon, tanungin ang iyong sarili, ‘Sa anu-anong paraan magagawa ko ito “nang lubus-lubusan?” ’ (1 Tesalonica 4:1) Habang natututuhan mo ang mga kahilingan ng Diyos, pansinin din ang mga totoong-buhay na halimbawa sa Bibliya ng mga namuhay kasuwato ng mga kahilingang ito at yaong hindi namuhay ayon dito. Pag-isipan kung bakit nila itinaguyod ang gayong landasin at kung ano ang kinahinatnan. (Roma 15:4; 1 Corinto 10:11) Kapag binabasa mo ang tungkol sa buhay ni Jesu-Kristo, tandaan na si Jesus ang isa na pinagkatiwalaan ni Jehova ng paghahari sa buong lupa; gamitin ang pagkakataon upang patibayin sa iyong sarili ang pananabik sa bagong sanlibutan ng Diyos. Gayundin, suriin ang mga paraan na doo’y higit mong matutularan nang lubusan ang Anak ng Diyos.—1 Pedro 2:21.
18. Papaano natin gagawing timbang ang ating pagbabasa ng Bibliya sa ating paggamit ng materyal sa pag-aaral na inilaan sa pamamagitan ng “tapat at maingat na alipin”?
18 Sabihin pa, hindi dapat halinhan ng pagbabasa ng Bibliya ang paggamit mo ng mahusay na materyal sa pag-aaral na inilaan sa pamamagitan ng “tapat at maingat na alipin.” Iyan ay bahagi rin ng paglalaan ni Jehova—na siyang napakahalaga. (Mateo 24:45-47) Tiyakin na ang regular na pagbabasa ng Salita ng Diyos sa ganang sarili ay may mahalagang dako sa iyong buhay. Hangga’t maaari, “BASAHIN ANG SALITA NG DIYOS ANG BANAL NA BIBLIYA ARAW-ARAW.”
[Mga talababa]
a Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
b Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
Papaano Mo Sasagutin?
◻ Bakit kapaki-pakinabang na basahin ang Bibliya sa araw-araw?
◻ Bakit kailangan nating basahin ang Bibliya nang paulit-ulit?
◻ Sa iyong sariling iskedyul, ano ang mainam na panahon para sa araw-araw na pagbabasa ng Bibliya?
◻ Habang paulit-ulit mong binabasa ang Bibliya, ano ang makatutulong para maiba naman ang paraan ng iyong pagbabasa?
◻ Bakit napakahalaga na bulaybulayin ang ating binabasa?
[Kahon sa pahina 16, 17]
Mga mungkahi upang mapasulong ang iyong pagbabasa ng Bibliya
(1) Marami ang nagbabasa ng mga aklat ng Bibliya ayon sa pagkakasunud-sunod ng karaniwang pagkalimbag sa mga ito, mula sa Genesis hanggang Apocalipsis. Maaari mo ring basahin ang mga ito ayon sa pagkakasunud-sunod sa orihinal na pagkasulat. Tandaan na ang Bibliya ay isang koleksiyon ng 66 na kinasihang mga aklat, isang banal na aklatan. Para sa pagkasari-sari, baka nais mong basahin ang ilan sa mga aklat na nagtatampok ng kasaysayan, saka ang ilan na totoong makahula, anupat sinusundan ng ilang liham na nagpapayo, sa halip na basta sundin ang ayos ng mga pahina. Tandaan ang iyong nabasa, at tiyaking basahin ang buong Bibliya.
(2) Pagkatapos na mabasa mo ang isang bahagi ng Kasulatan, tanungin ang iyong sarili kung ano ang isinisiwalat nito tungkol kay Jehova, sa kaniyang layunin, sa kaniyang paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay; kung papaano iyon dapat makaapekto sa iyong buhay; kung papaano mo magagamit iyon sa pagtulong sa iba.
(3) Habang ginagamit bilang giya ang tsart na “Main Events of Jesus’ Earthly Life” na inilathala sa ilalim ng titulong “Jesus Christ” sa Insight on the Scriptures (gayundin sa “Lahat ng Kasulatan Ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”), basahin nang sunud-sunod ang kahambing na ulat ng bawat bahagi ng mga Ebanghelyo. Susugan ito sa pamamagitan ng pagkonsulta sa kaukulang mga seksiyon sa aklat na Ang Pinakadakilang Tao na Nabuhay Kailanman.
(4) Kapag binabasa mo mula sa Mga Gawa ng mga Apostol ang salaysay ng buhay at ministeryo ni Pablo, basahin mo rin ang kaugnay na kinasihang mga liham. Sa gayon, pagka binanggit ang iba’t ibang lunsod o lugar na pinangaralan ni Pablo, huminto ka at basahin ang mga liham na nang maglaon ay isinulat niya sa kapuwa mga Kristiyano sa mga lugar na iyon. Nakatutulong din na taluntunin ang kaniyang mga paglalakbay sa pamamagitan ng mapa, tulad halimbawa niyaong nasa likod ng pabalat ng New World Translation.
(5) Lakip sa iyong pagbabasa sa Exodo hanggang Deuteronomio, basahin ang liham sa mga Hebreo upang makuha ang paliwanag sa maraming makahulang huwaran. Sa ilalim ng “Law” sa Insight on the Scriptures, kumunsulta sa tsart na “Some Features of the Law Covenant.”
(6) Sa pagbabasa ng makahulang mga aklat, mag-iskedyul ng panahon upang repasuhin ang kaugnay na makasaysayang pangyayari sa Bibliya. Halimbawa, kapag binabasa ang aklat ng Isaias, repasuhin kung ano ang sinasabi sa iba pang mga teksto tungkol sa mga haring sina Uzzias, Jotham, Ahaz, at Ezekias, na binabanggit sa Isaias 1:1. (2 Hari, kabanata 15-20; 2 Cronica, kabanata 26-32) O kapag binabasa ang Hagai at Zacarias, repasuhin ang matutunghayan sa aklat ng Ezra.
(7) Piliin ang isang aklat ng Bibliya, basahin ang isang bahagi (marahil isang kabanata), saka magsaliksik, na ginagamit ang Watch Tower Publications Index o ang computerized na Watchtower Library kung mayroon nito sa inyong wika. Ikapit ang materyal sa iyong buhay. Gamitin ito sa mga pahayag at sa ministeryo sa larangan. Pagkatapos ay basahin ang ibang seksiyon.
(8) Kung may publikasyon ng Watch Tower na may komentaryo sa isang aklat sa Bibliya o sa isang bahagi nito, konsultahin iyon nang madalas habang binabasa ninyo ang bahaging iyon ng Bibliya. (Halimbawa: sa Ang Awit ni Solomon, Ang Bantayan, Oktubre 15, 1958, pahina 620-36; sa Ezekiel, “The Nations Shall Know That I Am Jehovah”—How?; sa Daniel, “Gawin Nawa ang Iyong Kalooban sa Lupa” o Our Incoming World Government—God’s Kingdom; sa Hagai at Zacarias, Paradise Restored to Mankind—By Theocracy!; sa Apocalipsis, Apocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!)
(9) Habang nagbabasa ka, tunghayan ang ilan sa mga panggilid na reperensiya. Pansinin ang 320 talata sa Kasulatang Hebreo na tuwirang sinipi sa Kristiyanong Griegong Kasulatan at ang daan-daang talata na tinukoy, pati na ang pagkakapit. Ang panggilid na mga reperensiya ay tumutukoy sa mga katuparan ng hula na nakaulat sa Bibliya, sa mga detalye tungkol sa mga tauhan at lugar, at sa nahahawig na mga kaisipan na maaaring magpaliwanag sa mga pangungusap na marahil ay nasumpungan mong mahirap unawain.
(10) Sa paggamit ng Reference Edition ng New World Translation, kung mayroon sa iyong wika, tingnan ang mga talababa at mga artikulo sa apendise na kaugnay sa iyong binabasa. Ipinakikita nito ang saligan ng pagsasalin at iba pang paraan kung papaano maaaring isalin ang mahahalagang pananalita. Marahil ay ibig mo ring ihambing ang pagkasalin ng ilang talata sa iba pang salin ng Bibliya.
(11) Matapos mong basahin ang bawat kabanata, sumulat ng maikling sumaryo ng pangunahing idea sa kabanatang iyon. Gamitin iyon na saligan para sa repaso at pagbubulaybulay sa dakong huli.
(12) Sa pagbabasa ng Bibliya, markahan ang piniling mga teksto na gusto mong matandaan, o kopyahin ang mga ito sa mga kard at ilagay sa lugar na doo’y makikita ang mga ito araw-araw. Sauluhin ito; bulaybulayin; gamitin. Huwag subuking magmemorya ng marami nang minsanan, marahil isa o dalawa lamang bawat linggo; saka pumili ng higit pa sa susunod na pagbabasa mo ng Bibliya.
[Mga larawan sa pahina 15]
Ikaw ba ay nagbabasa ng Bibliya o nakikinig sa mga recording nito araw-araw?