Magtiwala kay Jehova at sa Kaniyang Salita
“Yaong mga nakakakilala sa iyong pangalan ay magtitiwala sa iyo.”—AWIT 9:10.
1. Bakit makapagtitiwala pa rin tayo kay Jehova at sa kaniyang Salita sa ating modernong panahon?
SA MODERNONG daigdig na ito, ang paanyaya na magtiwala sa Diyos at sa kaniyang Salita, ang Bibliya, ay waring di-praktikal at di-makatotohanan. Subalit, ang karunungan ng Diyos ay napatunayan sa paglakad ng panahon. Ang Maylalang ng lalaki at babae ang siyang Nagpasimula ng pag-aasawa at ng pamilya, at higit na nalalaman niya ang ating pangangailangan kaysa kaninuman. Kung papaanong hindi nagbago ang pangunahing pangangailangan ng tao, gayon hindi nagbago ang pangunahing pamamaraan sa pagtugon sa mga pangangailangang iyon. Ang pantas na payo ng Bibliya, bagaman naisulat maraming siglo na ang nakalipas, ay naglalaan pa rin ng pinakamainam na patnubay upang magtagumpay sa pamumuhay at sa paglutas ng mga suliranin. Ang pagsunod dito ay nagbubunga ng malaking kaligayahan—kahit na sa masalimuot at siyentipikong daigdig na ating kinabubuhayan!
2. (a) Anong mabubuting bunga ang iniluwal ng pagsunod sa mga utos ng Diyos sa buhay ng bayan ni Jehova? (b) Ano pa ang ipinangangako ni Jehova para sa masunurin sa kaniya at sa kaniyang Salita?
2 Ang pagtitiwala kay Jehova at pagkakapit ng mga simulain sa Bibliya ay nagdudulot ng praktikal na kapakinabangan sa araw-araw. Ang patotoo nito ay makikita sa buhay ng milyun-milyong Saksi ni Jehova sa buong daigdig na may paninindigan at lakas ng loob na ikapit ang payo ng Bibliya. Para sa kanila, ang pagtitiwala sa Maylalang at sa kaniyang Salita ay napatunayang angkop lamang. (Awit 9:9, 10) Ang pagsunod sa mga utos ng Diyos ay umakay sa kanila upang maging mas mabubuting tao may kinalaman sa kalinisan, katapatan, kasipagan, paggalang sa buhay at pag-aari ng iba, at pagiging katamtaman sa pagkain at pag-inom. Umakay ito sa wastong pag-ibig at pagsasanay sa loob ng pamilya—sa pagiging mapagpatuloy, matiisin, maawain, at mapagpatawad—gayundin sa maraming iba pang bagay. Malaki ang nagawa nito upang maiwasan nila ang masasamang bunga ng galit, pagkapoot, pagpaslang, inggit, takot, katamaran, pagmamapuri, pagsisinungaling, paninirang-puri, kahalayan, at imoralidad. (Awit 32:10) Subalit higit pa sa pangako ng isang mabuting resulta ang ibinibigay ng Diyos para sa tumutupad ng kaniyang mga batas. Sinabi ni Jesus na yaong sumusunod sa paraang Kristiyano ay tatanggap ng “sandaang ulit ngayon sa yugtong ito ng panahon, . . . ng mga ina at mga anak at mga bukid, kasama ng mga pag-uusig, at sa darating na sistema ng mga bagay ay ng buhay na walang-hanggan.”—Marcos 10:29, 30.
Iwasang Magtiwala sa Makasanlibutang Karunungan
3. Sa patuloy na paglalagak ng tiwala kay Jehova at sa kaniyang Salita, anong mga suliranin ang napapaharap kung minsan sa mga Kristiyano?
3 Ang isang suliranin ng di-sakdal na mga tao ay ang kanilang hilig na maliitin o kaligtaan ang kahilingan ng Diyos. Madali silang mag-isip na sila ang higit na nakaaalam o na ang karunungan ng matatalino sa sanlibutang ito ay nakahihigit sa karunungan ng Diyos, na ito ay mas sunod-sa-panahon. Maaaring magkaroon din ng ganitong saloobin ang mga lingkod ng Diyos, palibhasa’y namumuhay sila sa gitna ng sanlibutang ito. Sa gayon, sa pagpapaabot ng maibiging paanyaya na makinig sa kaniyang payo, inilalakip din ng ating makalangit na Ama ang angkop na babala: “Anak ko, huwag mong kalimutan ang aking batas, tuparin nawa ng iyong puso ang aking mga utos, sapagkat ang haba ng mga araw at mga taon ng buhay at kapayapaan ay idaragdag sa iyo. Magtiwala ka kay Jehova nang buong puso mo at huwag kang umasa sa iyong sariling unawa. Alalahanin mo siya sa lahat ng iyong daan, at siya mismo ang magtutuwid ng iyong mga landas. Huwag kang magpakapantas sa iyong sariling mga mata. Matakot ka kay Jehova at lumayo ka sa masama.”—Kawikaan 3:1, 2, 5-7.
4. Gaano kalaganap “ang karunungan ng sanlibutang ito,” at bakit ito’y “kamangmangan sa Diyos”?
4 Ang karunungan ng sanlibutang ito ay makukuha nang sagana at buhat sa maraming pinagmumulan. Maraming institusyon ng pag-aaral, at “sa paggawa ng maraming aklat ay walang katapusan.” (Eclesiastes 12:12) Ngayon ang tinaguriang information superhighway sa daigdig ng computer ay nangangakong maglalaan ng walang-takdang impormasyon sa halos lahat ng paksa. Subalit ang pagtataglay ng lahat ng makukuhang kaalamang ito ay hindi nagpapangyaring maging mas marunong ang sanlibutang ito o malutas man ang mga suliranin nito. Sa halip, lalong lumulubha sa araw-araw ang kalagayan ng sanlibutan. Mauunawaan naman, ang Bibliya ay nagsasabi sa atin na “ang karunungan ng sanlibutang ito ay kamangmangan sa Diyos.”—1 Corinto 3:19, 20.
5. Anong mga babala ang ibinibigay ng Bibliya hinggil sa “karunungan ng sanlibutang ito”?
5 Sa nalalabing bahagi ng mga huling araw na ito, inaasahan lamang na pababahain ng pusakal na mandaraya, si Satanas na Diyablo, ang maraming kasinungalingan sa pagsisikap na sirain ang pagtitiwala sa pagiging totoo ng Bibliya. Ang mga kritiko ng Bibliya ay naglabas ng maraming mapaghaka-hakang aklat na humahamon sa pagiging tunay at pagkamaaasahan ng Bibliya. Nagbabala si apostol Pablo sa kaniyang kapuwa Kristiyano: “O Timoteo, bantayan mo ang ipinagkatiwala sa iyo, na tinatalikdan ang walang-laman na mga usapan na lumalapastangan sa kung ano ang banal at ang mga pagsasalungatan ng may-kabulaanang tinatawag na ‘kaalaman.’ Sapagkat sa pagpaparangalan ng gayong kaalaman ang ilan ay lumihis mula sa pananampalataya.” (1 Timoteo 6:20, 21) Nagbabala pa ang Bibliya: “Maging mapagbantay: baka may sinumang tumangay sa inyo bilang kaniyang nasila sa pamamagitan ng pilosopiya at walang-lamang panlilinlang alinsunod sa tradisyon ng mga tao, alinsunod sa panimulang mga bagay ng sanlibutan at hindi alinsunod kay Kristo.”—Colosas 2:8.
Paglabanan ang Hilig na Mag-alinlangan
6. Bakit kailangang maging mapagbantay upang mahadlangang magkaugat sa puso ang pag-aalinlangan?
6 Ang isa pang tusong paraan ng Diyablo ay ang paghahasik ng pag-aalinlangan sa isip. Siya ay laging alisto upang makita ang ilang kahinaan sa pananampalataya at samantalahin iyon. Dapat tandaan ng sinumang nag-aalinlangan na ang isa na nasa likod ng gayong pag-aalinlangan ay yaong isa na nagsabi kay Eva: “Talaga nga bang gayon na sinabi ng Diyos na huwag kayong kakain buhat sa punungkahoy sa halamanan?” Minsang maihasik ng Manunukso ang pag-aalinlangan sa kaniyang isip, ang sumunod na hakbang ay ang sabihin sa kaniya ang isang kasinungalingan, na kaniya namang pinaniwalaan. (Genesis 3:1, 4, 5) Upang maiwasang sirain ng pag-aalinlangan ang ating pananampalataya kagaya ng nangyari kay Eva, kailangan tayong maging mapagbantay. Kung may katiting na pag-aalinlangan tungkol kay Jehova, sa kaniyang Salita, o sa kaniyang organisasyon ang nagsimulang mamalagi sa iyong puso, pawiin kaagad iyon bago humantong sa isang bagay na makasisira sa iyong pananampalataya.—Ihambing ang 1 Corinto 10:12.
7. Ano ang maaaring gawin upang pawiin ang pag-aalinlangan?
7 Ano ang maaaring gawin? Muli, ang sagot ay ang magtiwala kay Jehova at sa kaniyang Salita. “Kung ang sinuman sa inyo ay nagkukulang ng karunungan, patuloy siyang humingi sa Diyos, sapagkat siya ay bukas-palad na nagbibigay sa lahat at hindi nandudusta; at ibibigay ito sa kaniya. Subalit patuloy siyang humingi na may pananampalataya, na hindi sa paanuman nag-aalinlangan, sapagkat siya na nag-aalinlangan ay tulad ng alon sa dagat na itinutulak ng hangin at ipinapadpad kung saan-saan.” (Santiago 1:5, 6; 2 Pedro 3:17, 18) Kaya ang taimtim na panalangin kay Jehova ang siyang unang hakbang. (Awit 62:8) Pagkatapos, huwag mag-atubiling humingi ng tulong sa maibiging mga tagapangasiwa sa kongregasyon. (Gawa 20:28; Santiago 5:14, 15; Judas 22) Tutulungan ka nilang taluntunin ang pinagmumulan ng iyong pag-aalinlangan, na maaaring dahil sa pagmamapuri o ilang maling kaisipan.
8. Papaano madalas magsimula ang apostatang kaisipan, at ano ang lunas?
8 Ang pagbabasa ba o pakikinig sa mga apostatang idea o makasanlibutang pilosopiya ang nagpasok ng nakalalasong pag-aalinlangan? May kapantasang nagpapayo ang Bibliya: “Gawin mo ang iyong sukdulang makakaya na iharap ang iyong sarili na sinang-ayunan ng Diyos, manggagawa na walang anumang ikinahihiya, na ginagamit nang wasto ang salita ng katotohanan. Subalit iwasan mo ang walang-laman na mga usapan na lumalapastangan sa kung ano ang banal; sapagkat sila ay susulong sa higit at higit na pagka-di-maka-Diyos, at ang kanilang salita ay kakalat tulad ng ganggrena.” (2 Timoteo 2:15-17) Kapansin-pansin na marami sa mga naging biktima ng apostasya ay nagsimula sa maling direksiyon sa pamamagitan ng pagrereklamo muna tungkol sa inaakala nilang paraan ng pagtrato sa kanila sa organisasyon ni Jehova. (Judas 16) Nang maglaon ay sinundan iyon ng paghanap ng kamalian sa mga paniniwala. Kung papaano mabilis na kumikilos ang isang siruhano upang putulin ang ganggrena, kumilos kaagad upang pawiin sa isip ang anumang hilig na magreklamo, anupat di-nasisiyahan sa kaayusan ng mga bagay-bagay sa Kristiyanong kongregasyon. (Colosas 3:13, 14) Alisin ang anuman na gumagatong sa gayong pag-aalinlangan.—Marcos 9:43.
9. Papaanong ang isang mahusay na teokratikong rutin ay tutulong sa atin na manatiling malusog sa pananampalataya?
9 Mangunyapit kay Jehova at sa kaniyang organisasyon. Buong katapatang tularan si Pedro, na matatag na nagsabi: “Panginoon, kanino kami paroroon? Ikaw ang may mga pananalita ng buhay na walang-hanggan.” (Juan 6:52, 60, 66-68) Magkaroon ng mabuting programa sa pag-aaral ng Salita ni Jehova upang panatilihing matibay ang iyong pananampalataya, tulad ng isang malaking kalasag, na kayang ‘sumugpo sa lahat ng nag-aapoy na mga suligi ng isa na balakyot.’ (Efeso 6:16) Manatiling aktibo sa Kristiyanong ministeryo, anupat maibiging ibinabahagi sa iba ang mensahe ng Kaharian. Araw-araw, may pagpapahalagang bulay-bulayin kung papaano ka pinagpala ni Jehova. Magpasalamat na taglay mo ang kaalaman sa katotohanan. Ang paggawa ng lahat ng ito sa isang mahusay na Kristiyanong rutin ay tutulong sa iyo na maging maligaya, makapagbata, at manatiling malaya sa mga pag-aalinlangan.—Awit 40:4; Filipos 3:15, 16; Hebreo 6:10-12.
Pagsunod sa Tagubilin ni Jehova Hinggil sa Pag-aasawa
10. Bakit lalo nang mahalaga na kay Jehova umasa ukol sa patnubay sa Kristiyanong pag-aasawa?
10 Sa pagsasaayos na ang lalaki at babae ay mamuhay na magkasama bilang mag-asawa, nilayon ni Jehova hindi lamang ang punuin nang maalwan ang lupa kundi pag-ibayuhin din ang kanilang kaligayahan. Gayunman, ang kasalanan at di-kasakdalan ay nagdulot ng malulubhang suliranin sa ugnayan ng mag-asawa. Hindi libre ang mga Kristiyano mula sa mga ito, yamang sila man ay hindi rin sakdal at nakararanas ng kaigtingan ng pang-araw-araw na pamumuhay. Subalit, hangga’t sila’y nagtitiwala kay Jehova at sa kaniyang Salita, ang mga Kristiyano ay magtatagumpay sa kanilang pag-aasawa at pagpapalaki ng mga anak. Walang dako ang makasanlibutang gawain at paggawi sa Kristiyanong pag-aasawa. Ipinapayo sa atin ng Salita ng Diyos: “Maging marangal nawa ang pag-aasawa sa gitna ng lahat, at ang higaang pangmag-asawa ay maging walang dungis, sapagkat hahatulan ng Diyos ang mga mapakiapid at mga mangangalunya.”—Hebreo 13:4.
11. Sa paglutas ng mga suliranin sa pag-aasawa, ano ang dapat kilalanin ng mag-asawa?
11 Ang pagsasama ng mag-asawa na kasuwato ng payo ng Bibliya ay kakikitaan ng pag-ibig, pananagutan, at katiwasayan. Nauunawaan at iginagalang kapuwa ng asawang lalaki at asawang babae ang simulain ng pagkaulo. Kapag bumangon ang mga suliranin, madalas na ang mga ito ay dahil sa pagpapabaya na ikapit ang payo ng Bibliya. Sa paglutas sa isang namamalaging suliranin, mahalaga na ang mag-asawa ay buong katapatang magtuon ng pansin sa kung ano talaga ang suliranin at harapin ang sanhi sa halip na ang mga sintoma. Kung ang nakaraang pag-uusap ay bahagya o hindi umakay sa pagkakasundo, ang mag-asawa ay maaaring humingi ng walang-kinikilingang tulong mula sa isang maibiging tagapangasiwa.
12. (a) Naglalaan ng payo ang Bibliya sa anong karaniwang mga suliranin sa pag-aasawa? (b) Bakit kailangan sa bahagi ng mag-asawa na gawin ang mga bagay-bagay ayon sa paraan ni Jehova?
12 Nasasangkot ba sa suliranin ang komunikasyon, paggalang sa damdamin ng bawat isa, paggalang sa pagkaulo, o kung papaano gumagawa ng mga pasiya? May kinalaman ba iyon sa pagpapalaki ng mga anak, o sa pagiging timbang sa seksuwal na pangangailangan? O iyon kaya’y tungkol sa badyet ng pamilya, paglilibang, mga kasamahan, o kung ang asawang babae ay dapat na maghanapbuhay, o kung saan kayo titira? Anuman ang suliranin, ang Bibliya ay nagbibigay ng praktikal na payo nang tuwiran sa pamamagitan ng mga batas o kaya’y nang di-tuwiran sa pamamagitan ng mga simulain. (Mateo 19:4, 5, 9; 1 Corinto 7:1-40; Efeso 5:21-23, 28-33; 6:1-4; Colosas 3:18-21; Tito 2:4, 5; 1 Pedro 3:1-7) Kapag iniiwasan ng mag-asawa ang pagiging mapaghanap at hinahayaang pag-ibig ang siyang mangibabaw sa kanilang pagsasama, nagbubunga ito ng ibayong kaligayahan. Kailangang may matinding pagnanais sa bahagi ng mag-asawa na gumawa ng kinakailangang pagbabago, na gawin ang mga bagay-bagay ayon sa paraan ni Jehova. “Siya na nagpapakita ng malalim na unawa sa isang bagay ay makasusumpong ng mabuti, at maligaya siya na nagtitiwala kay Jehova.”—Kawikaan 16:20.
Mga Kabataan—Makinig sa Salita ng Diyos
13. Bakit hindi madali para sa mga kabataang Kristiyano ang lumaking may matatag na pananampalataya kay Jehova at sa kaniyang Salita?
13 Hindi madali para sa mga kabataang Kristiyano ang lumaking matatag sa pananampalataya sa gitna ng balakyot na sanlibutan. Ang isang dahilan ay sapagkat “ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot,” si Satanas na Diyablo. (1 Juan 5:19) Ang mga kabataan ay inaatake ng buktot na kaaway na ito na ang masama ay nagagawang waring mabuti. Ang saloobing ako-muna, ang sakim na mga ambisyon, ang paghahangad sa mga bagay na mahalay at may kalupitan, at ang di-normal na paghahanap ng kaluguran—lahat ng ito ay nauuwi sa isang karaniwan, nangingibabaw na kaisipan na inilalarawan sa Bibliya bilang “ang espiritu na kumikilos ngayon sa mga anak ng pagsuway.” (Efeso 2:1-3) May katusuhang itinataguyod ni Satanas ang “espiritu” na ito sa mga aklat-aralin sa paaralan, sa karamihan sa malaganap na musika, sa palakasan, at sa iba pang anyo ng libangan. Kailangang maging alisto ang mga magulang na daigin ang gayong mga impluwensiya sa pamamagitan ng pagtulong sa kanilang mga anak na lumaking nagtitiwala kay Jehova at sa kaniyang Salita.
14. Papaanong ang mga kabataan ay ‘makatatakas mula sa mga pagnanasa na kaakibat ng kabataan’?
14 Si Pablo ay nagpayong tulad ng isang ama sa kaniyang kasamang kabataan na si Timoteo: “Tumakas ka mula sa mga pagnanasa na kaakibat ng kabataan, ngunit itaguyod mo ang katuwiran, pananampalataya, pag-ibig, kapayapaan, kasama niyaong mga tumatawag sa Panginoon mula sa isang malinis na puso.” (2 Timoteo 2:22) Samantalang hindi lahat ng “mga pagnanasa na kaakibat ng kabataan” ay masama sa ganang sarili, ang mga kabataan ay dapat na ‘tumakas mula’ sa mga ito sa bagay na hindi nila dapat na hayaang ang mga bagay na ito ang maging pangunahing pinagkakaabalahan, anupat kaunting panahon na lamang ang natitira, kung mayroon man, para sa maka-Diyos na mga tunguhin. Ang pagpapalaki ng katawan, palakasan, musika, aliwan, libangan, at paglalakbay, samantalang hindi naman laging masama, ay maaaring maging isang silo kung ang mga ito ay nagiging siyang mahahalagang bagay sa buhay. Lubusang tumakas mula sa walang-katuturang usapan, pag-iistambay, sa di-normal na pagkahilig sa sekso, sa katamaran at pagkabagot, at sa pagrereklamo na hindi kayo naiintindihan ng inyong mga magulang.
15. Anong mga bagay ang maaaring mangyari sa loob ng tahanan na maaaring humantong sa pagkakaroon ng dobleng pamumuhay ng mga kabataan?
15 Kahit na sa loob ng tahanan, ang panganib ay maaaring nakaumang pa rin sa mga kabataan. Kung pinanonood ang mahahalay o mararahas na palabas sa TV at video, maaaring maitanim ang pagnanais na gumawa ng masama. (Santiago 1:14, 15) Nagpapayo ang Bibliya: “O kayong umiibig kay Jehova, kapootan ninyo ang masama.” (Awit 97:10; 115:11) Batid ni Jehova kung ang sinuman ay nagtatangkang magkaroon ng dobleng pamumuhay. (Kawikaan 15:3) Kayong mga kabataang Kristiyano, pagmasdan ang inyong silid. Sa inyo bang mga dingding ay may nakapaskil na mga poster ng mahahalay na bituin sa daigdig ng palakasan o musika, o naglalagay kayo ng kapaki-pakinabang ng mga bagay na nagsisilbing mabuting paalaala? (Awit 101:3) Sa inyong kloset, mahinhin ba ang inyong mga damit, o ang ilan sa inyong mga kasuutan ay nagpapaaninaw ng labis na istilo ng pananamit sa sanlibutang ito? Masisilo kayo ng Diyablo sa tusong mga paraan kung magbibigay-daan kayo sa tukso na subukin ang masama. May kapantasang nagpapayo ang Bibliya: “Panatilihin ang inyong katinuan, maging mapagbantay. Ang inyong kalaban, ang Diyablo, ay gumagala-gala tulad ng isang leong umuungal, na naghahanap ng sinumang masisila.”—1 Pedro 5:8.
16. Papaano makatutulong ang payo ng Bibliya sa isang kabataan upang siya’y maipagmalaki ng lahat na mahalaga sa kaniya?
16 Sinasabi sa inyo ng Bibliya na bantayan ang inyong pakikipagsamahan. (1 Corinto 15:33) Yaong mga may takot kay Jehova ang nararapat na mga kasama ninyo. Huwag padaig sa panggigipit ng mga kaedad. (Awit 56:11; Kawikaan 29:25) Maging masunurin sa inyong mga magulang na may takot sa Diyos. (Kawikaan 6:20-22; Efeso 6:1-3) Lumapit sa matatanda ukol sa patnubay at pampatibay-loob. (Isaias 32:1, 2) Ipako ang inyong isip at paningin sa espirituwal na mga pamantayan at tunguhin. Humanap ng mga pagkakataon upang sumulong sa espirituwal at makibahagi sa mga gawain ng kongregasyon. Matutong gumawa ng mga bagay na ginagamit ang inyong mga kamay. Lumaking malakas at malusog sa pananampalataya, at kung magkagayo’y mapatutunayan ninyo na kayo ay talagang mahalaga—isa na karapat-dapat mabuhay sa bagong sanlibutan ni Jehova! Ipagmamalaki kayo ng ating Ama sa langit, malulugod sa inyo ang inyong mga magulang sa lupa, at mapatitibay ang inyong mga kapatid na Kristiyano. Iyan ang mahalaga!—Kawikaan 4:1, 2, 7, 8.
17. Anu-anong kapakinabangan ang darating sa mga nagtitiwala kay Jehova at sa kaniyang Salita?
17 Kinasihang sumulat ang salmista sa matulaing pananalita: “Si Jehova mismo ay hindi magkakait ng anumang mabuti buhat sa mga lumalakad nang walang-kapintasan. O Jehova ng mga hukbo, maligaya ang tao na nagtitiwala sa iyo.” (Awit 84:11, 12) Oo, kaligayahan at tagumpay, hindi pagkasiphayo at pagkabigo, ang darating sa lahat niyaong nagtitiwala kay Jehova at sa kaniyang Salita, ang Bibliya.—2 Timoteo 3:14, 16, 17.
Papaano Ninyo Sasagutin?
◻ Bakit hindi dapat ilagak ng mga Kristiyano ang kanilang tiwala sa “karunungan ng sanlibutang ito”?
◻ Ano ang dapat gawin kung ang isa ay nag-aalinlangan?
◻ Papaanong ang paggawa ng mga bagay-bagay ayon sa paraan ni Jehova ay nagdudulot ng tagumpay at kaligayahan sa pag-aasawa?
◻ Papaano tinutulungan ng Bibliya ang mga kabataan upang ‘tumakas sa mga pagnanasa na kaakibat ng kabataan’?
[Larawan sa pahina 23]
Ang mga Kristiyano ay bumabaling kay Jehova at sa kaniyang Salita samantalang tinatanggihan bilang kamangmangan ang “karunungan ng sanlibutang ito”
[Larawan sa pahina 25]
Matagumpay at maligaya ang mga pamilya na nagtitiwala kay Jehova at sa kaniyang Salita