May Kagalakan Ngayon at Magpakailanman
“Magbunyi kayo, at magalak magpakailanman sa aking nililikha. Sapagkat narito aking nililikha ang Jerusalem na isang dahilan ng kagalakan at ang kaniyang bayan na isang dahilan ng pagbubunyi.”—ISAIAS 65:18.
1. Papaano naapektuhan ng tunay na pagsamba ang mga tao sa nakaraang mga siglo?
SA NAKARAANG mga siglo, di-mabilang ang nakasumpong ng malaking kagalakan sa paglilingkod sa tunay na Diyos, si Jehova. Si David ay isa sa mga nagalak sa tunay na pagsamba. Inilalahad ng Bibliya na noong ang kaban ng tipan ay dinala sa Jerusalem, “si David at ang buong bahay ni Israel ang nagdala ng kaban ni Jehova nang may nagagalak na sigawan.” (2 Samuel 6:15) Ang gayong kagalakan sa paglilingkod kay Jehova ay hindi isang bagay na bahagi na lamang ng kahapon. Maaari ninyong tamasahin iyon. At panibagong antas ng kagalakan ang malapit nang mapasainyo!
2. Sa kabila pa ng orihinal na katuparan ng Isaias 35 sa mga nagsibalik na Judio, sino sa ngayon ang nasasangkot sa isa pang katuparan?
2 Sa naunang artikulo, sinuri natin ang unang katuparan ng nakapagpapasiglang hula na nakaulat sa Isaias kabanata 35. Wastong matatawag natin ito bilang hula tungkol sa pagsasauli sapagkat gayon nga ang nangyari para sa mga Judio noon. Iyon ay may nakakatulad na katuparan sa ating panahon. Papaano? Buweno, pasimula sa mga apostol ni Jesus at sa iba pa noong Pentecostes 33 C.E., nakikitungo na si Jehova sa espirituwal na mga Israelita. Pinahiran ng banal na espiritu ng Diyos ang mga taong ito na naging bahagi ng tinatawag ni apostol Pablo na “Israel ng Diyos.” (Galacia 6:16; Roma 8:15-17) Tandaan din na sa 1 Pedro 2:9, tinatawag ang mga Kristiyanong ito bilang “isang lahing pinili, isang maharlikang pagkasaserdote, isang bansang banal, isang bayang ukol sa pantanging pag-aari.” Nagpatuloy si Pedro upang ipakilala ang atas na ibinigay sa espirituwal na Israel: ‘ “ipahayag ninyo nang malawakan ang mga kamahalan” ng isa na tumawag sa inyo mula sa kadiliman tungo sa kaniyang kamangha-manghang liwanag.’
Isang Katuparan sa Ating Panahon
3, 4. Ano ang situwasyon nang matupad ang Isaias kabanata 34 sa modernong panahon?
3 May panahon maaga sa siglong ito nang ang nalabi ng espirituwal na Israel sa lupa ay hindi namamalaging aktibo sa paghahayag ng gayong mensahe. Sila’y hindi lubusang nagsasaya sa kamangha-manghang liwanag ng Diyos. Sa katunayan, sila’y nasa malaking kadiliman. Kailan iyon? At ano ang ginawa ni Jehova tungkol doon?
4 Iyon ay noong panahon ng Digmaang Pandaigdig I, karaka-raka matapos na itatag sa langit noong 1914 ang Mesianikong Kaharian ng Diyos. Ang mga bansa, sa pagtataguyod ng klero ng mga simbahan sa iba’t ibang lupain, ay nagkakapootan sa isa’t isa. (Apocalipsis 11:17, 18) Sabihin pa, ang Diyos ay salungat sa apostatang Sangkakristiyanuhan at sa itinaas na uring klero nito kung papaanong salungat siya noon sa mapagmataas na bansa ng Edom. Kaya naman, ang Sangkakristiyanuhan, na siyang antitipikong Edom, ay nakahanay na maranasan ang modernong-panahong katuparan ng Isaias kabanata 34. Ang katuparang ito sa pamamagitan ng ganap na pagkalipol ay tiyak na gaya ng unang katuparan nito laban sa sinaunang Edom.—Apocalipsis 18:4-8, 19-21.
5. Anong uri ng katuparan ng Isaias kabanata 35 ang naganap sa ating panahon?
5 Kumusta naman ang kabanata 35 ng hula ni Isaias, na nagbibigay-diin sa kagalakan? Natutupad din iyan sa ating panahon. Papaano? Natupad iyon sa pagsasauli ng espirituwal na Israel buhat sa isang uri ng pagkabihag. Suriin natin ang mga pangyayari batay sa tunay na kamakailang teokratikong kasaysayan, na naganap sa buhay ng marami na naririto pa sa ngayon.
6. Bakit masasabi na ang nalabi ng espirituwal na Israel ay napasa isang bihag na kalagayan?
6 Sa loob ng halos maikling panahon noong Digmaang Pandaigdig I, ang nalabi ng espirituwal na Israel ay hindi nanatiling lubusang malinis at kasuwato ng kalooban ng Diyos. Ang ilan sa kanila ay nabahiran ng mga maling doktrina at nakipagkompromiso sa pamamagitan ng hindi lubusang pagpanig kay Jehova nang sumailalim sa panggigipit na suportahan ang nagdidigmaang mga bansa. Noong mga taóng iyon ng digmaan, dumanas sila ng lahat ng uri ng pag-uusig, ipinagbawal pa nga sa maraming lugar ang kanilang literatura sa Bibliya. Sa wakas, ang ilang prominenteng mga kapatid ay nahatulan at nabilanggo dahilan sa mga maling paratang. Sa pagbabalik-tanaw ay hindi mahirap maunawaan na, sa isang diwa, ang bayan ng Diyos, sa halip na malaya, ay nasa isang bihag na kalagayan. (Ihambing ang Juan 8:31, 32.) Talagang kulang na kulang sila sa espirituwal na pangmalas. (Efeso 1:16-18) Nagpamalas sila ng bahagyang pagkaumid sa pagpuri sa Diyos, na ang resulta ay ang kanilang pagiging di-mabunga sa espirituwal. (Isaias 32:3, 4; Roma 14:11; Filipos 2:11) Nakikita mo ba kung papaanong ito’y nakakatulad sa kalagayan ng sinaunang mga Judio na bihag sa Babilonya?
7, 8. Anong uri ng pagsasauli ang naranasan ng modernong-panahong nalabi?
7 Ngunit pababayaan na lamang ba ng Diyos ang kaniyang modernong-panahong mga lingkod sa ganiyang kalagayan? Hindi, siya ay determinado na isauli sila, kasuwato ng inihula sa pamamagitan ni Isaias. Kaya ang hula ring ito sa Isa kabanata 35 ay nagkakaroon ng kapuna-punang katuparan sa ating panahon, sa pagsasauli ng nalabi ng espirituwal na Israel tungo sa kaunlaran at kalusugan sa espirituwal na paraiso. Sa Hebreo 12:12, ikinapit ni Pablo ang Isaias 35:3 sa isang makasagisag na diwa, anupat pinatutunayan ang kawastuan ng ating espirituwal na pagkakapit sa bahaging ito ng hula ni Isaias.
8 Noong panahon pagkatapos ng digmaan, ang nalabi ng mga pinahiran ng espirituwal na Israel ay nakalaya buhat sa pagkabihag, wika nga. Ginamit ng Diyos na Jehova si Jesu-Kristo, ang Lalong Dakilang Ciro, upang palayain sila. Sa gayon, ang nalabing ito ay makapagtatayong-muli, katulad ng gawain ng nalabi ng sinaunang mga Judio, na bumalik sa kanilang lupain upang muling itayo ang literal na templo sa Jerusalem. Isa pa, ang espirituwal na mga Israelitang ito sa modernong panahon ay makapagpapasimula ng paglinang at paggawa ng luntiang espirituwal na paraiso, isang makasagisag na halamanan ng Eden.
9. Papaano nangyari sa ating panahon ang isang bagay na katulad ng inilarawan sa Isaias 35:1, 2, 5-7?
9 Taglay sa isip ang nabanggit na, isaalang-alang nating muli ang Isaias kabanata 35, at tingnan muna ang Isa 35 talata 1 at 2. Ang dating waring walang-tubig na dako ay nagsimulang mamulaklak at maging mabunga tulad ng sinaunang kapatagan ng Sharon. Sumunod, tingnan ang Isa 35 talata 5 at 7. Nabuksan ang mga mata ng pang-unawa ng mga nalabi, na ang ilan sa kanila ay buháy pa at aktibo pa rin sa paglilingkod kay Jehova. Mas malinaw na nakikita nila ang kahulugan ng nangyari noong 1914 at pagkaraan niyaon. Mayroon ding epekto iyan sa marami sa atin na bumubuo ng “malaking pulutong,” na ngayo’y naglilingkod kasama ng mga nalabi.—Apocalipsis 7:9.
Kayo ba ay Bahagi ng Katuparan?
10, 11. (a) Papaano kayo nasangkot sa katuparan ng Isaias 35:5-7? (b) Ano ang personal na nadarama ninyo tungkol sa mga pagbabagong ito?
10 Kunin ang inyong sarili bilang halimbawa. Bago ninyo nakilala ang mga Saksi ni Jehova, regular na ba ninyong binabasa ang Bibliya? Kung gayon, gaano kalalim ang inyong kaunawaan hinggil dito? Halimbawa, alam na ninyo ngayon ang katotohanan tungkol sa kalagayan ng mga patay. Malamang na maipakikita ninyo sa isang taong interesado hinggil sa bagay na ito ang mga kaugnay na teksto sa Genesis kabanata 2, Eclesiastes kabanata 9, at Ezekiel kabanata 18, gayundin ang marami pang ibang teksto. Oo, malamang na nauunawaan na ninyo kung ano ang itinuturo ng Bibliya tungkol sa maraming paksa o isyu. Sa simpleng pananalita, nauunawaan na ninyo ang Bibliya, at marami kayong maipaliliwanag sa iba tungkol dito, gaya ng tiyak ay ginagawa na ninyo.
11 Subalit, makabubuti na itanong ng bawat isa sa atin, ‘Papaano ko natutuhan ang lahat ng nalalaman ko tungkol sa katotohanan ng Bibliya? Bago makipag-aral sa bayan ni Jehova, nasumpungan ko na ba ang lahat ng teksto na kababanggit lamang? Naunawaan ko na ba ang kahulugan ng mga ito at naabot ang tamang konklusyon hinggil sa kahalagahan ng mga ito?’ Ang tahasang sagot sa mga tanong na ito ay malamang na hindi. Walang sinuman ang dapat na magdamdam sa ganitong pangungusap, ngunit masasabi na ang totoo ay bulag kayo noon hinggil sa mga tekstong ito at sa kahulugan ng mga ito. Hindi ba gayon? Nasa Bibliya ang mga ito, pero hindi ninyo maunawaan o masakyan ang kahulugan ng mga ito. Kung gayon, papaano ba nabuksan ang inyong mga mata sa espirituwal na paraan? Iyon ay sa pamamagitan ng ginawa ni Jehova bilang katuparan ng Isaias 35:5 sa mga pinahirang nalabi. Dahil dito, nabuksan naman ang inyong mga mata. Wala na kayo sa espirituwal na kadiliman. Nakakakita na kayo.—Ihambing ang Apocalipsis 3:17, 18.
12. (a) Bakit natin masasabi na hindi ito ang panahon para sa makahimalang pagpapagaling sa pisikal? (b) Papaano inilalarawan ng kalagayan ni Brother F. W. Franz ang katuparan ng Isaias 35:5 sa ating panahon?
12 Batid ng mga listong nag-aaral ng Bibliya at ng mga pakikitungo ng Diyos sa nakalipas na mga siglo na hindi ito ang panahon sa kasaysayan para sa mga pisikal na himala ng pagpapagaling. (1 Corinto 13:8-10) Kaya hindi natin inaasahan na bubuksan ni Jesu-Kristo ang mata ng mga bulag upang patunayan na siya ang Mesiyas, ang Propeta ng Diyos. (Juan 9:1-7, 30-33) Ni pinapangyayari man niya na makarinig muli ang mga bingi. Nang si Frederick W. Franz, isa sa mga pinahiran at noon ay presidente ng Samahang Watch Tower, ay malapit nang tumuntong sa edad na 100, siya ay halos bulag na at nangangailangang gumamit ng hearing aid. May ilan taon na siyang hindi nakababasa; subalit, sino ang mag-iisip na siya ay bulag o bingi sa diwa ng Isaias 35:5? Ang kaniyang matalas na espirituwal na paningin ay naging isang pagpapala para sa bayan ng Diyos sa buong daigdig.
13. Anong pagbabago o pagsasauli ang naranasan ng modernong-panahong bayan ng Diyos?
13 Kumusta naman ang inyong dila? Ang mga pinahiran ng Diyos ay waring naumid sa panahon ng kanilang espirituwal na pagkabihag. Ngunit nang baguhin ng Diyos ang kalagayang iyan, ang kanilang mga dila ay nagsimulang humiyaw sa katuwaan hinggil sa mga bagay na alam nila tungkol sa naitatag nang Kaharian ng Diyos at sa kaniyang mga pangako sa hinaharap. Maaaring natulungan din nila kayo na makapagsalita. Gaano kadalas kayong makipag-usap noon sa iba tungkol sa katotohanan ng Bibliya? Marahil may pagkakataon na inakala ninyo, ‘Nasisiyahan ako sa pag-aaral, pero hindi ko magagawang pumaroon at makipag-usap sa ibang tao.’ Gayunman, hindi ba totoo na “ang dila ng isa na di-makapagsalita” ay ‘humihiyaw ngayon nang may katuwaan’?—Isaias 35:6.
14, 15. Papaano lumakad sa “Daan ng Kabanalan” ang marami sa ating kapanahunan?
14 Naging mahaba ang paglalakbay ng sinaunang mga Judio na napalaya buhat sa Babilonya pabalik sa kanilang lupang tinubuan. Ano ang katumbas nito sa ating panahon? Buweno, tingnan ang Isaias 35:8: “Tiyak na magkakaroon ng isang lansangang-bayan doon, isang daan nga; at iyon ay tatawaging ang Daan ng Kabanalan. Ang isa na di-malinis ay hindi daraan doon.”
15 Sapol nang makalaya sila buhat sa espirituwal na pagkabihag, ang mga pinahirang nalabi, na ngayo’y kasama ng milyun-milyong ibang tupa, ay lumabas mula sa Babilonyang Dakila tungo sa isang makasagisag na lansangang-bayan, na isang malinis na daan ng kabanalan na umaakay sa isa tungo sa espirituwal na paraiso. Nagsisikap tayo na maging kuwalipikado at makapanatili sa Lansangang-Bayan na ito ng Kabanalan. Isipin ang inyong sarili. Hindi ba mas mataas ngayon ang moral na mga pamantayan at simulain na sinusunod ninyo kaysa noong kayo ay nasa sanlibutan pa? Hindi ba kayo’y nagsisikap na mabuti upang ang inyong kaisipan at paggawi ay makasuwato niyaong sa Diyos?—Roma 8:12, 13; Efeso 4:22-24.
16. Anong mga kalagayan ang matatamasa natin habang lumalakad tayo sa Daan ng Kabanalan?
16 Habang nagpapatuloy kayo sa Daang ito ng Kabanalan, talaga namang hindi kayo nababahala tungkol sa mga taong tulad-hayop. Totoo, sa sanlibutan ay kailangan kayong maging mapagbantay upang hindi kayo kanin nang buháy sa makasagisag na diwa ng mga taong mapag-imbot o nakapopoot. Napakaraming tao ang nakikitungo sa iba nang may kasakiman. Ano ngang laking pagkakaiba sa bayan ng Diyos! Doon kayo ay nasa isang ligtas na kapaligiran. Sabihin pa, hindi sakdal ang inyong mga kapuwa Kristiyano; kung minsan ang isa ay nagkakamali at nagdudulot ng pagdaramdam ng iba. Ngunit alam ninyo na hindi sinasadya ng inyong kapatid na saktan kayo o pagsamantalahan kayo. (Awit 57:4; Ezekiel 22:25; Lucas 20:45-47; Gawa 20:29; 2 Corinto 11:19, 20; Galacia 5:15) Sa halip, interesado sila sa inyo; tinutulungan nila kayo; ibig nilang maglingkod na kasama ninyo.
17, 18. Sa anong diwa umiiral na ngayon ang isang paraiso, at ano ang epekto nito sa atin?
17 Kaya maaari nating malasin ang Isaias kabanata 35, habang isinasaisip ang kasalukuyang katuparan ng Isa 35 talata 1 hanggang 8. Hindi ba maliwanag na nasumpungan natin ang wastong matatawag na espirituwal na paraiso? Hindi, hindi ito sakdal—hindi pa. Subalit ito ay tunay na isang paraiso, sapagkat dito ay nagagawa na natin, gaya ng sinasabi sa Isa 35 talata 2, na ‘makita ang kaluwalhatian ni Jehova, ang karilagan ng ating Diyos.’ At ano ang epekto? Ganito ang sabi ng Isa 35 talata 10: “Mismong ang mga tinubos ni Jehova ay babalik at tiyak na paroroon sa Sion taglay ang may-kagalakang hiyaw; at pagsasaya hanggang sa panahong walang-takda ay mapapasa ibabaw ng kanilang ulo. Pagbubunyi at pagsasaya ay kanilang makakamit, at ang pamimighati at pagbubuntong-hininga ay dapat na tumanan.” Tunay, ang ating paglabas buhat sa huwad na relihiyon at ang ating pagtataguyod sa tunay na pagsamba sa ilalim ng pagsang-ayon ng Diyos ay pumupukaw ng kagalakan.
18 Ang kagalakang kaugnay ng tunay na pagsamba ay patuloy na lumalaki, hindi ba? Nakikita ninyo ang mga bagong interesado na gumagawa ng mga pagbabago at natututo ng katotohanan sa Bibliya. Nasasaksihan ninyong ang mga kabataan sa kongregasyon ay lumalaki at sumusulong sa espirituwal. May mga nababautismuhan, na kabilang doon ang mga kakilala ninyo. Hindi ba ang mga ito ay dahilan para magalak nang labis-labis sa ngayon? Oo, nakagagalak ngang makasama ang iba sa ating espirituwal na kalayaan at malaparaisong kalagayan!
Napipinto Na ang Isa Pang Katuparan!
19. Anong nakapagpapasiglang pag-asa ang idinudulot sa atin ng Isaias kabanata 35?
19 Sa puntong ito ay natalakay na natin ang Isaias kabanata 35 ayon sa unang katuparan nito sa pagbabalik ng mga Judio at sa espirituwal na katuparan nito sa ngayon. Pero hindi pa iyan ang katapusan. Marami pang magaganap. Iyon ay may kinalaman sa pagtiyak ng Bibliya sa darating na pagsasauli ng literal na paraisong mga kalagayan sa lupa.—Awit 37:10, 11; Apocalipsis 21:4, 5.
20, 21. Bakit makatuwiran at maka-Kasulatan na maniwalang magkakaroon ng isa pang katuparan ang Isaias kabanata 35?
20 Hindi karaniwan para kay Jehova na maglaan ng malinaw na paglalarawan ng isang paraiso at pagkatapos ay ikapit ang katuparan nito sa espirituwal na mga bagay lamang. Mangyari pa, hindi ibig sabihin nito na ang espirituwal na katuparan ay hindi na mahalaga. Kahit na kung mayroon nang literal na paraiso, hindi tayo masisiyahan kung sa kabila ng magandang tanawin at maaamong hayop ay napalilibutan naman tayo ng mga taong marumi sa espirituwal, mga taong kumikilos na gaya ng mababangis na hayop. (Ihambing ang Tito 1:12.) Oo, kailangang mauna ang espirituwal, sapagkat iyon ang pinakamahalaga.
21 Gayunpaman, ang dumarating na Paraiso ay hindi nagtatapos sa mga espirituwal na bagay na tinatamasa natin ngayon at tatamasahin pa nang higit sa hinaharap. May mabuti tayong dahilan na umasa sa isang literal na katuparan ng mga hula na gaya ng nasa Isaias kabanata 35. Bakit? Buweno, sa Isa kabanata 65, inihula ni Isaias ang “mga bagong langit at isang bagong lupa.” Ginamit ito ni apostol Pedro nang inilalarawan kung ano ang kasunod ng araw ni Jehova. (Isaias 65:17, 18; 2 Pedro 3:10-13) Ipinakikita ni Pedro na ang mga bahagi ng inilarawan ni Isaias ay aktuwal na iiral kapag nariyan na ang “bagong lupa.” Kasali riyan ang mga larawan na maaaring pamilyar na sa inyo—pagtatayo ng mga bahay at pagtira sa mga iyon; pagtatanim ng mga ubasan at pagkain ng bunga niyaon; namamalaging kasiyahan sa gawa ng mga kamay; ang lobo at ang tupa na nagsisitahang magkakasama; at walang anumang nagaganap na kapinsalaan sa buong lupa. Sa ibang pananalita, mahabang buhay, tiwasay na mga tahanan, saganang pagkain, kasiya-siyang gawain, at kapayapaan sa gitna ng mga hayop at sa pagitan ng mga hayop at mga tao.
22, 23. Anong dahilan upang magalak ang masusumpungan sa panghinaharap na katuparan ng Isaias kabanata 35?
22 Hindi ba kayo napupuspos ng kagalakan sa pag-asang iyan? Nararapat lamang, sapagkat nilalang tayo ng Diyos upang mabuhay nang ganiyan. (Genesis 2:7-9) Kaya, ano ba ang ibig sabihin nito hinggil sa hula sa Isaias kabanata 35 na ating isinasaalang-alang? Nangangahulugan ito na tayo ay may higit pang dahilan upang humiyaw sa kagalakan. Ang literal na mga disyerto at mga dakong walang tubig ay mamumulaklak, anupat magpapasaya sa atin. Kung magkagayon ang mga taong may mga matang kulay asul, o kayumanggi, o iba pang nakalulugod na kulay, ngunit ngayon ay bulag, ay makakakita na. Ang ating mga kapuwa Kristiyano na bingi, o maging yaong mga kabilang sa atin na mahina na ang pandinig, ay makaririnig na nang malinaw. Kay-laking kagalakan na magamit ang kakayahang iyan upang marinig habang binabasa at ipinaliliwanag ang Salita ng Diyos, gayundin ang mapakinggan ang hugong ng paghampas ng hangin sa mga puno, ang halakhak ng isang bata, ang awit ng isang ibon!
23 Nangangahulugan din iyon na ang mga pilay, kasali na yaong mga may arthritis ngayon, ay makakakilos na nang walang kirot. Anong laking ginhawa! Kung magkagayon ay literal na hugos ng tubig ang bubulwak sa disyerto. Makikita at maririnig natin ang pag-agos at ang pagbulubok ng tubig. Makalalakad tayo roon at mahihipo ang luntiang damo at mga halamang papiro. Iyon ay tunay na magiging ang isinauling Paraiso. Kumusta naman ang kagalakan na makatabi nang walang takot ang isang leon o iba pang gayong hayop? Hindi na natin kailangan pang ilarawan iyan, sapagkat gustung-gusto na natin ang tanawin.
24. Bakit kayo makasasang-ayon sa kapahayagan sa Isaias 35:10?
24 Tinitiyak sa atin ni Isaias: “Mismong ang mga tinubos ni Jehova ay babalik at tiyak na paroroon sa Sion taglay ang may-kagalakang hiyaw; at pagsasaya hanggang sa panahong walang-takda ay mapapasa ibabaw ng kanilang ulo.” Kaya makasasang-ayon tayo na may dahilan tayo upang humiyaw sa kagalakan. Kagalakan sa ginagawa na ni Jehova para sa kaniyang bayan sa ating espirituwal na paraiso, at kagalakan sa maaasahan natin sa isang literal na Paraiso na kaylapit-lapit na. Tungkol doon sa mga may kagalakan—tungkol sa atin—sumulat si Isaias: “Pagbubunyi at pagsasaya ay kanilang makakamit, at ang pamimighati at pagbubuntong-hininga ay dapat na tumanan.”—Isaias 35:10.
Itinala Mo Ba?
◻ Ano ang naging ikalawang katuparan ng Isaias kabanata 35?
◻ Ano ang katumbas sa espirituwal ng makahimalang mga pagbabago na inihula ni Isaias?
◻ Papaano kayo nakibahagi sa isang katuparan ng hulang ito?
◻ Bakit natin masasabi na ang Isaias kabanata 35 ay pumupuspos sa atin ng pag-asa para sa hinaharap?
[Larawan sa pahina 15]
Ang bilangguan sa Raymond Street, Brooklyn, New York, kung saan ipiniit noong Hunyo 1918 ang pitong prominenteng kapatid
[Larawan sa pahina 16]
Bagaman halos bulag na noong kaniyang mga huling taon, nanatiling matalas ang espirituwal na paningin ni Brother Franz
[Mga larawan sa pahina 17]
Ang espirituwal na paglaki at pagsulong ay mga dahilan upang magalak