Kapag Wala Nang Pagtatangi!
NAIULAT, minsang sinabi ng siyentipikong si Albert Einstein na sa malungkot na sanlibutang ito, lalo nang mahirap na mapagtagumpayan ang pagtatangi kaysa sa hatiin ang isang atomo. Gayundin, sinabi ni Edward R. Murrow, isang peryodista na naging tanyag noong Digmaang Pandaigdig II at nang maglao’y naging direktor ng U.S. Information Agency, na “walang makapag-aalis ng mga pagtatangi—makikilala lamang ang mga ito.”
Waring totoo ba ang mga pangungusap na ito? Imposible ba na alisin ang diskriminasyon at pagtatangi ng lahi? Ano ang nadarama ng Diyos tungkol sa pagtatangi?
Ang Diyos Ay Hindi Nagtatangi
Ang Bibliya ay bumabanggit laban sa pagtatangi. (Kawikaan 24:23; 28:21) Sinasabi nito na “ang karunungan mula sa itaas ay una sa lahat malinis, pagkatapos ay mapayapa, makatuwiran, handang sumunod, punô ng awa at mabubuting bunga, hindi gumagawa ng may-kinikilingang pagtatangi, hindi mapagpaimbabaw.” (Santiago 3:17) Ang gayong karunungan ay idiniin sa mga hukom sa sinaunang Israel. “Hindi kayo dapat gumawa ng kawalang-katarungan sa paghatol,” ang tagubilin sa kanila. “Hindi ninyo dapat pakitunguhan nang may pagtatangi ang mga mababa, at hindi ninyo dapat na piliin ang persona ng isa na dakila.”—Levitico 19:15.
Ang matatag na paninindigan ng Bibliya laban sa pagkiling at pagtatangi ay binigyang diin ni Jesu-Kristo at ng kaniyang mga apostol na sina Pedro at Pablo. Walang kinikilingan si Jesus sa mga “nabalatan at naipagtabuyan kung saan-saan tulad ng mga tupang walang pastol.” (Mateo 9:36) Itinuro niya: “Tigilan na ninyo ang paghatol sa panlabas na kaanyuan, kundi humatol ng matuwid na paghatol.”—Juan 7:24.
Muling tiniyak sa atin nina Pedro at Pablo na ang Diyos na Jehova mismo ay hindi nagtatangi. Sinabi ni Pedro: “May katiyakang napag-uunawa ko na ang Diyos ay hindi nagtatangi, kundi sa bawat bansa ang tao na natatakot sa kaniya at gumagawa ng katuwiran ay kaayaaya sa kaniya.” (Gawa 10:34, 35) Sinasabi sa atin ni apostol Pablo: “Walang pagtatangi sa Diyos.”—Roma 2:11.
Ang Impluwensiya ng Bibliya
Ang Bibliya ay may kapangyarihang baguhin ang mga personalidad niyaong nagpapaakay rito. Ganito ang sinasabi ng Hebreo 4:12: “Ang salita ng Diyos ay buháy at may lakas.” Sa tulong ni Jehova ay maaari pa ngang baguhin ng isang taong may pagtatangi ang kaniyang paraan ng pag-iisip at maging walang-kinikilingan sa kaniyang pakikitungo sa iba.
Kuning halimbawa ang kaso ni Saulo ng Tarso. Ayon sa salaysay ng Bibliya, siya ay dating matinding sumasalansang sa Kristiyanong kongregasyon dahil sinusunod niya ang mahigpit na relihiyosong mga tradisyon. (Gawa 8:1-3) Siya’y lubusang nakumbinsi ng tradisyong Judio na lahat ng Kristiyano ay mga apostata at kaaway ng tunay na pagsamba. Ang kaniyang pagtatangi ay umakay sa kaniyang pagsuporta sa pagpatay sa mga Kristiyano. Sinasabi ng Bibliya na siya ay “naghihinga pa ng banta at pagpaslang laban sa mga alagad ng Panginoon.” (Gawa 9:1) Samantalang ginagawa ang gayon, inaakala pa niyang nag-uukol siya ng sagradong paglilingkod sa Diyos.—Ihambing ang Juan 16:2.
Gayunpaman, naiwaksi ni Saulo ng Tarso ang kaniyang labis na pagtatangi. Siya pa man din ay naging isang Kristiyano mismo! Nang maglaon, bilang si Pablo, isang apostol ni Jesu-Kristo, sumulat siya: “Ako ay dating isang mamumusong at isang mang-uusig at isang walang-pakundangang tao. Gayunpaman, ako ay pinagpakitaan ng awa, sapagkat ako ay walang-alam at kumilos sa kawalan ng pananampalataya.”—1 Timoteo 1:13.
Hindi lamang si Pablo ang gumawa ng gayong malaking pagbabago sa kaniyang paraan ng pag-iisip. Sa kaniyang liham kay Tito, isang kapuwa ebanghelisador, pinayuhan ni Pablo ang mga Kristiyano “na huwag magsalita nang nakapipinsala tungkol sa kaninuman, huwag maging palaaway, maging makatuwiran, nagpapakita ng buong kahinahunan sa lahat ng tao. Sapagkat tayo man ay dating mangmang, masuwayin, nailigaw, napaalipin sa iba’t ibang nasa at kaluguran, nahihirati sa kasamaan at inggit, nakamumuhi, napopoot sa isa’t isa.”—Tito 3:2, 3.
Inaalis ang mga Hadlang ng Pagtatangi
Sa ngayon, sinisikap ng mga tunay na Kristiyano na sundin ang payong iyan. Ibig nilang iwasan na hatulan ang mga tao salig sa panlabas na impresyon. Ito ang humahadlang sa kanila sa ‘pagsasalita nang nakapipinsala’ tungkol sa iba. Nagtatamasa sila ng internasyonal na kapatiran na lampas pa sa pambansa, panlipi, at panlahing mga hangganan sa sanlibutang ito.
Isaalang-alang ang karanasan ni Henrique, isang taga-Brazil na may maitim na balat. Palibhasa siya mismo ay biktima ng diskriminasyon ng lahi, tumubo sa kaniya ang matinding pagkapoot sa mga puti. Ganito ang paliwanag niya: “Dalawang Saksing may maputing-balat ang pumunta sa aking bahay upang ipakipag-usap ang pangalan ng Diyos. Sa simula ay ayaw kong makinig dahil wala akong tiwala sa mga puti. Ngunit di-nagtagal ay nakita kong may taginting ng katotohanan ang kanilang mensahe. Buweno, tumanggap ako ng pag-aaral sa Bibliya. Ang una kong tanong ay, ‘Marami bang itim sa inyong simbahan?’ Sumagot sila, ‘Oo.’ Pagkatapos ay ipinakita nila sa akin ang huling larawan sa aklat na Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya,a na naglalarawan sa mga bata buhat sa iba’t ibang lahi. Kasali ang isang batang itim, at ito ay nakapagpasigla sa akin. Nang dakong huli ay dinalaw ko ang Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova, kung saan nakita ko ang mga tao buhat sa iba’t ibang lahi na nakikitungo sa isa’t isa nang may paggalang. Napakahalaga nito sa akin.”
Ngayon, bilang isa sa mga Saksi ni Jehova, nalulugod si Henrique na makabilang sa isang tunay na Kristiyanong kapatiran. Nauunawaan niya na ang kapurihan ay hindi nauukol sa sinumang tao. Sabi niya: “Nagpapasalamat ako ngayon kay Jehova at kay Jesus dahil sa lahat ng ginawa nila alang-alang sa akin. Gumagawa akong kasama ng milyun-milyong matapat na mga lingkod ni Jehova buhat sa lahat ng lahi, kulay, at pinagmulan, anupat nagkakaisa sa isang layunin.”
Habang lumalaki, si Dario ay isa pang biktima ng pagtatangi. Sa gulang na 16, nagsimula siyang makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Ganito ang sabi niya: “Sa mga Saksi, natuklasan ko na walang nakadarama na nakahihigit ang isang lahi.” Humanga siya sa kapaligiran ng tunay na pag-ibig. Pantangi niyang napansin na ang mga indibiduwal buhat sa iba’t ibang lahi ay may mga posisyon ng pananagutan sa loob ng kongregasyon. Kailanma’t dumaranas siya ng isang uri ng pagtatangi o diskriminasyon buhat sa mga tao sa labas ng kongregasyon, naaalaala ni Dario na iniibig ni Jehova ang mga tao ng lahat ng bansa, tribo, at wika.
Kung Paano Mapagtatagumpayan
Lahat tayo ay nagnanais na pakitunguhan nang may dignidad at paggalang. Iyan ang dahilan kung kaya ang pagiging isang biktima ng pagtatangi ay isang mahirap na pagsubok upang batahin. Hindi tayo ipinagsasanggalang ng Kristiyanong kongregasyon buhat sa lahat ng pagkahantad sa may-kinikilingang saloobin ng balakyot na sanlibutang ito. Hangga’t sinusupil ni Satanas na Diyablo ang mga gawain ng sanlibutang ito, mananatili ang kawalang-katarungan. (1 Juan 5:19) Binababalaan tayo ng Apocalipsis 12:12: “Kaabahan para sa lupa at para sa dagat, sapagkat ang Diyablo ay bumaba na sa inyo, na may malaking galit, sa pagkaalam na maikli na ang kaniyang yugto ng panahon.” Ang layunin niya ay hindi lamang magdulot ng kabalisahan. Siya ay inihahambing sa isang hayop na sumisila. Sinasabi sa atin ni apostol Pedro: “Ang inyong kalaban, ang Diyablo, ay gumagala-gala tulad ng isang leong umuungal, na naghahanap ng sinumang masisila.”—1 Pedro 5:8.
Sinasabi rin sa atin ng Bibliya: “Kaya nga, magpasakop kayo sa Diyos; ngunit salansangin ninyo ang Diyablo, at tatakas siya mula sa inyo.” (Santiago 4:7) Ang isang mainam na tulong upang mapagtagumpayan ang pagtatangi ay ang pagbaling sa Diyos ukol sa proteksiyon, gaya ng ginawa ni Haring David: “O aking Diyos, paglaanan mo ako ng pagtakas buhat sa kamay ng isa na balakyot, buhat sa palad ng isa na kumikilos nang walang-katarungan at may paniniil.” (Awit 71:4) Maaari pa nga tayong manalangin gaya ng salmista: “Pakitaan mo ako ng pabor, O Diyos, sapagkat sinakmal ako ng mortal na tao. Nakikipagdigma sa buong araw, patuloy niyang sinisiil ako.”—Awit 56:1.
Paano tutugon ang Diyos sa gayong mga panalangin? Sumasagot ang Bibliya: “Kaniyang ililigtas ang dukha na dumaraing ng paghingi ng tulong, pati ang napipighati at sinuman na walang katulong. Siya’y maaawa sa isa na mababa at sa dukha, at ang mga kaluluwa ng mga dukha ay kaniyang ililigtas.” (Awit 72:12, 13) Ano ngang buting malaman na sa takdang panahon ay dudulutan ni Jehova ng ginhawa ang lahat na biktima ng kawalang-katarungan!
“Hindi Sila Gagawa ng Anumang Pinsala”
Maaaring patuloy na makipagbaka sa pagtatangi ang mga pamahalaan sa daigdig sa pamamagitan ng kanilang mga batas at programa. Maaaring patuloy silang mangako ng pagkakapantay-pantay at katarungan. Subalit hindi sila maaaring magtagumpay. (Awit 146:3) Tanging ang Diyos lamang ang makapag-aalis at mag-aalis ng lahat ng pagtatangi. Babaguhin niya ang sangkatauhan tungo sa pagiging isang nagkakaisang pamilya. “Isang malaking pulutong, na hindi mabilang ng sinumang tao, mula sa lahat ng mga bansa at mga tribo at mga bayan at mga wika” ang makaliligtas sa katapusan ng balakyot na sistemang ito at magtatamasa ng mapayapang pamumuhay.—Apocalipsis 7:9, 10.
Papawiin ni Jehova ang lahat ng pinsalang sanhi ng pagtatangi ng lahi at lipunan. Isip-isipin, wala nang pakikitunguhan nang di-makatarungan! “Sila’y aktuwal na uupo, bawat isa sa ilalim ng kaniyang punong ubas at sa ilalim ng kaniyang punong igos, at walang magpapanginig sa kanila.” (Mikas 4:4) At sinasabi ng Isaias 11:9: “Hindi sila gagawa ng anumang pinsala.”
Kung isa kang biktima ng pagtatangi ngayon, ang kahanga-hangang pag-asang ito sa hinaharap ay magpapatibay sa iyong kaugnayan kay Jehova. Tutulong ito sa iyo na mabata ang kawalang-katarungan ng balakyot na sistemang ito. Habang nakikipagpunyagi ka sa pagtatangi at tumitingin sa unahan, sundin ang matalinong payo ng Bibliya: “Lakasan ang inyong loob, at maging matibay nawa ang inyong puso, kayong lahat na naghihintay kay Jehova.”—Awit 31:24.
[Talababa]
a Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Picture Credit Line sa pahina 4]
Kuha ng U.S. National Archives