Naturuan Upang Gawin ang Kalooban ni Jehova
“Turuan mo ako na gawin ang iyong kalooban, sapagkat ikaw ang aking Diyos.”—AWIT 143:10.
1, 2. (a) Kailan tayo dapat na maturuan, at taglay ang anong makatotohanang pangmalas? (b) Bakit gayon na lamang kahalaga ang pagiging naturuan ni Jehova?
SA BAWAT araw na ang isang tao ay buháy at aktibo, siya ay matuturuan ng isang bagay na kapaki-pakinabang. Totoo iyan sa kalagayan mo, at totoo rin ito sa iba. Subalit ano ang nangyayari pagsapit ng kamatayan? Hindi posible na maturuan ng anumang bagay o matuto sa kalagayang iyan. Maliwanag na sinasabi ng Bibliya na “hindi nalalaman ng mga patay ang anuman.” Walang kaalaman sa Sheol, ang karaniwang libingan ng sangkatauhan. (Eclesiastes 9:5, 10) Nangangahulugan ba ito na ang ating pagiging naturuan, anupat nagtamo ng kaalaman, ay nawalan ng saysay? Depende iyan sa kung ano ang itinuturo sa atin at kung paano natin ginagamit ang kaalamang iyan.
2 Kung makasanlibutan lamang ang itinuturo sa atin, wala tayong namamalaging kinabukasan. Subalit mabuti na lamang, milyun-milyon katao sa lahat ng bansa ang tinuturuan ng kalooban ng Diyos sa layuning magtamo ng buhay na walang-hanggan. Ang saligan para sa pag-asang ito ay nasa pagiging naturuan ni Jehova, ang Pinagmumulan ng nagbibigay-buhay na kaalaman.—Awit 94:9-12.
3. (a) Bakit masasabi na si Jesus ang unang estudyante ng Diyos? (b) Anong katiyakan mayroon tayo na ang mga tao ay tuturuan ni Jehova, at ano ang resulta?
3 Ang panganay na Anak ng Diyos, bilang Kaniyang unang estudyante, ay tinuruan na gawin ang kalooban ng kaniyang Ama. (Kawikaan 8:22-30; Juan 8:28) Ipinakita naman ni Jesus na laksa-laksang tao ang tuturuan ng kaniyang Ama. Ano ang pag-asa para sa atin na natututo mula sa Diyos? Sinabi ni Jesus: “Nasusulat sa mga Propeta, ‘At silang lahat ay tuturuan ni Jehova.’ Bawat isa na nakarinig mula sa Ama at natuto ay lumalapit sa akin. . . . Katotohanang-katotohanang sinasabi ko sa inyo, Siya na naniniwala ay may buhay na walang-hanggan.”—Juan 6:45-47.
4. Paano naaapektuhan ng banal na pagtuturo ang milyun-milyong tao, at anong pag-asa ang taglay nila?
4 Inulit ni Jesus ang nasa Isaias 54:13, na ipinatungkol sa simbolikong babae ng Diyos, ang makalangit na Sion. Ang hulang iyan ay partikular na kumakapit sa kaniyang mga anak, ang 144,000 inianak-sa-espiritung mga alagad ni Jesu-Kristo. Aktibo sa ngayon ang nalabi ng espirituwal na mga anak na iyon, na nangunguna sa isang pangglobong programa sa pagtuturo. Bunga nito, milyun-milyong iba pa na bumubuo ng “isang malaking pulutong” ang nakikinabang din sa pagiging naturuan ni Jehova. Mayroon silang pambihirang pag-asa na matuto nang hindi na daranas ng kamatayan kailanman. Paano? Buweno, nakahanay sila na makaligtas sa nalalapit na “malaking kapighatian” at magtamasa ng walang-hanggang buhay sa isang paraisong lupa.—Apocalipsis 7:9, 10, 13-17.
Lalong Idiniriin ang Paggawa ng Kalooban ng Diyos
5. (a) Ano ang taunang teksto para sa 1997? (b) Ano ang dapat nating madama tungkol sa pagdalo sa mga pulong Kristiyano?
5 Sa 1997, sa mahigit na 80,000 kongregasyon sa buong daigdig, iingatan sa isipan ng mga Saksi ni Jehova ang pambungad na mga salita ng Awit 143:10: “Turuan mo ako na gawin ang iyong kalooban.” Ito ang magiging taunang teksto para sa 1997. Ang mga salitang ito, na prominenteng makikita sa mga Kingdom Hall, ay magsisilbing paalaala na ang isang mahalagang dako upang makatanggap ng banal na edukasyon ay sa mga pulong ng kongregasyon, kung saan maaari tayong makibahagi sa idinaraos na programa ng pagtuturo. Kapag nakakasama ng ating mga kapatid sa mga pulong upang maturuan ng ating Dakilang Instruktor, madarama natin ang gaya ng nadama ng salmista, na sumulat: “Nagsasaya ako kapag sinasabi nila sa akin: ‘Pumaroon tayo sa bahay ni Jehova.’ ”—Awit 122:1; Isaias 30:20.
6. Sa mga salita ni David, ano ang kinikilala natin?
6 Oo, nais nating maturuan na gawin ang kalooban ng Diyos sa halip na ang kalooban ng ating kaaway na Diyablo o ang kalooban ng di-sakdal na mga tao. Kaya, tulad ni David, kinikilala natin ang Diyos na ating sinasamba at pinaglilingkuran: “Sapagkat ikaw ang aking Diyos. Ang iyong espiritu ay mabuti; akayin nawa ako nito sa lupain ng katuwiran.” (Awit 143:10) Sa halip na naising makisama sa mga tao ng kawalang-katotohanan, minabuti ni David na dumoon kung saan isinasagawa ang pagsamba kay Jehova. (Awit 26:4-6) Taglay ang espiritu ng Diyos upang patnubayan ang kaniyang hakbang, matatahak ni David ang landas ng katuwiran.—Awit 17:5; 23:3.
7. Paano kumikilos ang espiritu ng Diyos sa Kristiyanong kongregasyon?
7 Tiniyak ng Lalong Dakilang David, si Jesu-Kristo, sa mga apostol na ituturo sa kanila ng banal na espiritu ang lahat ng bagay at ipapaalaala sa kanila ang lahat ng sinabi niya sa kanila. (Juan 14:26) Mula noong Pentecostes, pasulong na isinisiwalat ni Jehova “ang malalalim na bagay ng Diyos” na nasa kaniyang nasusulat na Salita. (1 Corinto 2:10-13) Ito ay ginagawa niya sa pamamagitan ng isang nakikitang alulod na tinawag ni Jesus na “ang tapat at maingat na alipin.” Naglalaan ito ng espirituwal na pagkain na tinatalakay sa programa sa pagtuturo para sa mga kongregasyon ng bayan ng Diyos sa buong daigdig.—Mateo 24:45-47.
Tinuturuan ng Kalooban ni Jehova sa Ating mga Pulong
8. Bakit napakahalaga ang pakikibahagi sa Pag-aaral ng Bantayan?
8 Ang materyal sa lingguhang Pag-aaral ng Bantayan sa kongregasyon ay malimit na tumatalakay sa pagkakapit ng mga simulain sa Bibliya. Tiyak na nakatutulong ito sa atin na mapagtagumpayan ang mga kabalisahan sa buhay. Tinatalakay sa ibang pag-aaral ang malalalim na espirituwal na katotohanan o mga hula sa Bibliya. Ano ngang dami ng itinuturo sa atin sa gayong mga pag-aaral! Sa maraming lupain ang mga Kingdom Hall ay puno sa panahon ng mga pulong na ito. Subalit sa ilang bansa, bumababa ang bilang ng dumadalo sa mga pulong. Bakit kaya, sa palagay ninyo? Hinahayaan kaya ng ilan na makahadlang ang sekular na trabaho sa kanilang regular na pagtitipon “upang mag-udyukan sa pag-ibig at sa maiinam na gawa”? O baka naman maraming oras ang ginugugol sa sosyal na mga gawain o sa panonood ng telebisyon, anupat waring napakahigpit ng iskedyul upang makadalo sa lahat ng pulong? Alalahanin ang kinasihang utos sa Hebreo 10:23-25. Hindi ba ang pagtitipon upang maturuan ng Diyos ay lalo pang mahalaga ngayon habang ating “nakikita na papalapit na ang araw”?
9. (a) Paano tayo masasangkapan ng Pulong sa Paglilingkod para sa larangan? (b) Ano ang dapat na maging saloobin natin tungkol sa pagpapatotoo?
9 Ang isa sa ating mga pangunahing pananagutan ay yaong paglilingkod bilang mga ministro ng Diyos. Dinisenyo ang Pulong sa Paglilingkod upang maturuan tayo kung paano natin mabisang maisasagawa ito. Natututo tayo kung paano lalapit sa mga tao, kung ano ang sasabihin, kung paano kikilos kapag may positibong pagtugon, at maging kung ano ang gagawin kapag tinatanggihan ng mga tao ang ating mensahe. (Lucas 10:1-11) Habang ang mabibisang paraan ay tinatalakay at itinatanghal sa lingguhang pulong na ito, lalo tayong nagiging handa na kausapin ang mga tao hindi lamang kapag nagbabahay-bahay kundi gayundin kapag nangangaral sa mga lansangan, sa mga paradahan ng sasakyan, sa pampublikong transportasyon, sa mga paliparan, sa mga negosyo, o sa mga paaralan. Kasuwato ng ating kahilingan, “Turuan mo ako na gawin ang iyong kalooban,” nanaisin nating samantalahin ang lahat ng pagkakataon upang gawin ang inirekomenda ng ating Panginoon: ‘Pasikatin ang inyong liwanag sa harap ng mga tao, upang sila’y . . . magbigay ng kaluwalhatian sa inyong Ama na nasa mga langit.’—Mateo 5:16.
10. Paano natin talagang matutulungan ang ‘mga karapat-dapat’?
10 Sa gayong mga pulong sa kongregasyon, tinuturuan din tayo na gawing alagad ang iba. Minsang makasumpong ng interes o makapagpasakamay ng literatura, ang tunguhin natin kapag dumadalaw muli ay upang makapagsimula ng pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Sa isang diwa, katulad ito ng ‘pananatili ng mga alagad sa mga karapat-dapat’ upang maturuan sila ng mga bagay na iniutos ni Jesus. (Mateo 10:11; 28:19, 20) Yamang may mahuhusay na pantulong, tulad ng aklat na Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan, talagang mainam na nasasangkapan tayo upang maisagawa ang ating ministeryo nang lubusan. (2 Timoteo 4:5) Sa bawat linggo habang dumadalo ka sa Pulong sa Paglilingkod at sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro, sikaping maunawaan at pagkatapos ay magamit ang nakatutulong na mga punto na magrerekomenda sa iyo bilang isa sa lubusang kuwalipikadong mga ministro ng Diyos, na nagsasagawa ng kaniyang kalooban.—2 Corinto 3:3, 5; 4:1, 2.
11. Paano ipinamalas ng ilan ang pananampalataya sa mga salita na nasa Mateo 6:33?
11 Kalooban ng Diyos na ating “patuloy . . . na hanapin muna ang kaharian at ang kaniyang katuwiran.” (Mateo 6:33) Tanungin ang iyong sarili, ‘Paano ko ikakapit ang simulaing ito kung ang mga kahilingan sa sekular na trabaho ko [o ng aking asawa] ay nakasasagabal sa pagdalo sa pulong?’ Maraming maygulang sa espirituwal ang gagawa ng hakbang upang ipakipag-usap ang bagay na ito sa kanilang pinaglilingkuran. Ipinaalam ng isang buong-panahong ministro sa kaniyang pinaglilingkuran na kailangan niya ng panahon bawat linggo upang makadalo sa mga pulong sa kongregasyon. Pinagbigyan nito ang kaniyang kahilingan. Ngunit dahil sa ibig malaman kung ano ang nagaganap sa mga pulong, hiniling nito na makadalo. Doon ay narinig niya ang isang patalastas hinggil sa dumarating na pandistritong kombensiyon. Bunga nito, ang pinaglilingkuran ay nagsaayos na makadalo sa isang buong araw ng kombensiyon. Anong aral ang makukuha mo sa halimbawang ito?
Naturuan ng Kalooban ng Diyos sa Pamamagitan ng Maka-Diyos na mga Magulang
12. Upang maituro sa mga anak ang kalooban ni Jehova, ano ang dapat na gawin ng Kristiyanong mga magulang taglay ang pagtitiis at katatagan?
12 Subalit hindi lamang ang mga pulong sa kongregasyon at mga kombensiyon ang tanging paglalaan upang maturuan na gawin ang kalooban ng Diyos. Iniutos sa maka-Diyos na mga magulang na turuan, disiplinahin, at palakihin ang kanilang mga anak upang purihin si Jehova at gawin ang kaniyang kalooban. (Awit 148:12, 13; Kawikaan 22:6, 15) Sa paggawa nito ay kailangang dalhin ang ating “maliliit na bata” sa mga pulong kung saan sila’y maaaring ‘makinig at matuto,’ subalit kumusta naman ang pagtuturo sa kanilang ng banal na mga kasulatan sa tahanan? (Deuteronomio 31:12; 2 Timoteo 3:15) Maingat na sinimulan ng maraming pamilya ang mga programa ng regular na pampamilyang pag-aaral sa Bibliya, ngunit di-nagtagal ay hinayaan lamang na maging madalang o mahinto ang mga ito. Nagkaroon ka na ba ng gayong karanasan? Masasabi mo bang ang rekomendasyon na magkaroon ng gayong regular na pag-aaral ay di-angkop o na ang iyong pamilya ay talagang naiiba kung kaya hindi talaga ito magiging mabisa sa inyong kalagayan? Anuman ang situwasyon, pakisuyong repasuhin ninyong mga magulang ang maiinam na artikulong “Ang Aming Saganang Espirituwal na Pamana” at “Mga Gantimpala ng Pagtitiyaga” sa Ang Bantayan ng Agosto 1, 1995.
13. Paano makikinabang ang mga pamilya mula sa pagsasaalang-alang ng teksto sa araw-araw?
13 Pinasisigla ang mga pamilya na ugaliing isaalang-alang ang pang-araw-araw na teksto sa Pagsusuri sa Kasulatan Araw-Araw. Ang pagbabasa lamang ng teksto at mga komento ay mabuti, ngunit lalong kapaki-pakinabang ang pagtalakay sa teksto at pagkakapit nito. Halimbawa, kung isinasaalang-alang ang Efeso 5:15-17, maaaring mangatuwiran ang mga miyembro ng pamilya kung paano ‘bibilhin ang naaangkop na panahon’ para sa personal na pag-aaral, paano makikibahagi sa buong-panahong ministeryo, at paano aasikasuhin ang iba pang teokratikong atas. Oo, ang pampamilyang pagtalakay ng teksto sa araw-araw ay maaaring umakay sa isa o sa marami na ‘patuloy na unawain nang lubusan kung ano ang kalooban ni Jehova.’
14. Dapat na maging anong uri ng guro ang mga magulang ayon sa ipinahihiwatig ng Deuteronomio 6:6, 7, na nangangailangan pa ng ano?
14 Ang mga magulang ay dapat na maging matitiyagang guro ng kanilang mga anak. (Deuteronomio 6:6, 7) Ngunit hindi ito tungkol lamang sa pagsaway o pag-uutos sa kanilang mga supling. Kailangan ding makinig ang ama at ang ina, upang sa gayo’y higit nilang malaman kung ano ang kailangang ipaliwanag, liwanagin, ilarawan, o ulitin. Sa isang Kristiyanong pamilya, pinasisigla ng mga magulang ang malayang komunikasyon sa pamamagitan ng paghimok sa kanilang mga anak na magtanong tungkol sa mga bagay na hindi nila nauunawaan o kaya’y nakababalisa sa kanila. Sa gayo’y nalaman nila na nahihirapang unawain ng isang tin-edyer na anak na lalaki ang bagay na si Jehova ay walang pasimula. Nagamit ng mga magulang ang impormasyon mula sa mga publikasyon ng Samahang Watch Tower na nagpapakitang ang panahon at kalawakan ay tinatanggap na walang-hanggan. Nailarawan nito ang punto, at nasiyahan doon ang kanilang anak. Kaya maglaan ng panahon upang sagutin nang maliwanag at mula sa Kasulatan ang mga tanong ng inyong mga anak, anupat tinutulungan silang maunawaan na totoong kasiya-siyang matutuhan ang paggawa ng kalooban ng Diyos. Ano pa ba ang itinuturo sa bayan ng Diyos—bata at matanda—sa ngayon?
Tinuturuan na Umibig at Makipaglaban
15. Kailan maaaring masubok ang pagiging tunay ng ating pag-ibig pangkapatid?
15 Kasuwato ng bagong utos ni Jesus, tayo ay ‘tinuturuan ng Diyos na ibigin ang isa’t isa.’ (1 Tesalonica 4:9) Kapag payapa at maayos ang takbo ng mga bagay-bagay, baka nadarama nating talagang mahal natin ang lahat ng ating kapatid. Ngunit ano ang nangyayari kapag bumangon ang personal na di-pagkakaunawaan o nasaktan tayo dahil sa sinabi o ginawa ng isang Kristiyano? Sa pagkakataong ito ay maaaring masubok ang pagiging tunay ng ating pag-ibig. (Ihambing ang 2 Corinto 8:8.) Ano ang itinuturo ng Bibliya na gawin natin sa gayong mga situwasyon? Ang isa ay yaong magsumikap na magpamalas ng pag-ibig sa sukdulang paraan. (1 Pedro 4:8) Sa halip na hanapin ang sariling kapakanan, ikagalit ang maliliit na pagkukulang, o magbilang ng pinsala, dapat na sikapin nating matakpan ng pag-ibig ang maraming kasalanan. (1 Corinto 13:5) Alam natin na ito ang kalooban ng Diyos, sapagkat ito ang itinuturo ng kaniyang Salita.
16. (a) Sa anong uri ng pakikidigma tinuturuan ang mga Kristiyano na makibahagi? (b) Paano tayo nasasangkapan?
16 Samantalang hindi iuugnay ng marami ang pag-ibig sa pakikidigma, ang huli ay itinuturo rin sa atin, ngunit isang naiibang uri ng pakikidigma. Kinilala ni David ang kaniyang pananalig kay Jehova na turuan siya kung paano makikidigma, bagaman noong kaniyang panahon ay kasali rito ang literal na pakikipaglaban sa mga kaaway ng Israel. (1 Samuel 17:45-51; 19:8; 1 Hari 5:3; Awit 144:1) Kumusta naman ang ating pakikipaglaban sa ngayon? Ang ating mga sandata ay hindi makalaman. (2 Corinto 10:4) Ang pakikipaglaban natin ay espirituwal, na doo’y kailangan tayong magayakan ng espirituwal na baluti. (Efeso 6:10-13) Sa pamamagitan ng kaniyang Salita at nagkakatipong bayan, tinuturuan tayo ni Jehova upang maging matagumpay sa espirituwal na pakikipaglaban.
17. (a) Anu-anong pamamaraan ang ginagamit ng Diyablo upang ilihis tayo? (b) Ano ang dapat na may katalinuhan nating iwasan?
17 Sa mapanlinlang, tusong paraan, madalas na ginagamit ng Diyablo ang mga elemento ng sanlibutan, ang mga apostata, at iba pang sumasalansang sa katotohanan sa pagtatangkang ibaling ang ating pansin sa di-mahahalagang bagay. (1 Timoteo 6:3-5, 11; Tito 3:9-11) Iyon ay para bang nakikita niyang maliit ang kaniyang pagkakataon na madaig tayo sa pamamagitan ng tuwiran, harapang pagsalakay, kaya tinatangka niyang ibuwal tayo sa pamamagitan ng pag-uudyok sa atin na ibulalas ang ating mga reklamo at mga mangmang na pagtatanong, na wala namang espirituwal na kabuluhan. Bilang mapagbantay ng mga mandirigma, dapat na maging alisto rin tayo sa gayong mga panganib kung paanong alisto tayo sa harapang mga pagsalakay.—1 Timoteo 1:3, 4.
18. Ano talaga ang nasasangkot sa pamumuhay na hindi para sa ating sarili?
18 Hindi natin itinataguyod ang mga hangarin ng tao o ang kalooban ng mga bansa. Sa pamamagitan ng halimbawa ni Jesus ay tinuturuan tayo ni Jehova na hindi na tayo dapat na mabuhay para sa ating sarili; sa halip, dapat na magkaroon tayo ng gayunding disposisyon ng kaisipan na taglay ni Kristo Jesus at mabuhay para sa kalooban ng Diyos. (2 Corinto 5:14, 15) Noong nakaraan, baka naging mapagmalabis at mahalay ang ating pamumuhay, anupat nasayang ang napakahalagang panahon. Bahagi na ng balakyot na sanlibutang ito ang maiingay na pagsasaya, mga paligsahan sa pag-inom, at imoralidad. Ngayong tinuturuan tayo na gawin ang kalooban ng Diyos, hindi ba tinatanaw nating utang na loob ang pagiging hiwalay natin mula sa masamang sanlibutang ito? Kaya maging masigasig tayo sa ating espirituwal na pakikipaglaban upang maiwasang masangkot sa maruruming gawain ng sanlibutan.—1 Pedro 4:1-3.
Tinuturuan Tayo ng Mapapakinabangan
19. Ang pagiging naturuan ng kalooban ni Jehova at pagkatapos ay paggawa nito ay aakay sa anong mga kapakinabangan?
19 Mahalagang tanggapin na ang pagiging naturuan na gawin ang kalooban ni Jehova ay totoong kapaki-pakinabang sa atin. Mauunawaan naman, dapat nating gawin ang ating bahagi sa pamamagitan ng masusing pagbibigay-pansin upang matuto at pagkatapos ay masunod ang mga tagubilin sa atin sa pamamagitan ng kaniyang Anak gayundin ng kaniyang Salita at natitipong bayan. (Isaias 48:17, 18; Hebreo 2:1) Sa paggawa natin nito, mapatitibay tayo na tumayong matatag sa kapaha-pahamak na mga panahong ito at makaligtas sa mga bagyong nasa unahan. (Mateo 7:24-27) Kahit ngayon, mapalulugdan natin ang Diyos sa pamamagitan ng paggawa ng kaniyang kalooban at matitiyak na sinasagot ang ating mga panalangin. (Juan 9:31; 1 Juan 3:22) At tatamasahin natin ang tunay na kaligayahan.—Juan 13:17.
20. Ano ang makabubuting bulay-bulayin habang nakikita mo ang taunang teksto sa buong 1997?
20 Sa paglakad ng 1997, malimit tayong magkakaroon ng pagkakataon na basahin at isaalang-alang ang taunang teksto, ang Awit 143:10: “Turuan mo ako na gawin ang iyong kalooban.” Habang ginagawa natin ito, gamitin natin ang ilang okasyon upang bulay-bulayin ang mga paglalaan ng Diyos upang tayo ay maturuan, gaya ng inilarawan sa itaas. At gamitin natin ang gayong pagbubulay-bulay sa mga salitang iyon bilang pampasigla na kumilos nang kasuwato sa pamamanhik na iyan, yamang nalalamang “siya na gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman.”—1 Juan 2:17.
Paano Mo Sasagutin?
◻ Sino sa ngayon ang tinuturuan na gawin ang kalooban ni Jehova?
◻ Paano dapat na makaapekto sa atin ang Awit 143:10 sa 1997?
◻ Paano tayo tinuturuan na gawin ang kalooban ni Jehova?
◻ Ano ang hinihiling sa mga Kristiyanong magulang sa pagtuturo sa kanilang mga anak?